Kabanata 6: Desperados

[Kabanata 6]

SANDALING naghari ang katahimikan. Naghihintay si Segunda ng tugon mula kay Xavier na ilang segundong hindi nakapagsalita. Hindi karaniwan na babae ang nag-aalok ng kasal tulad ng nakasanayan. Hindi malaman ni Xavier kung anong dapat na maging reaksyon. Nagtungo siya sa likod ng kumbento ngayong gabi sa pag-asang makukuha na ang kaniyang ipon na siyang gagamitin niya upang makaalis sa puder ng kaniyang mga magulang.

"A-ano sa iyong palagay?" muling tanong ni Segunda saka napatingin sa nahulog na sigarilyo.

"Nahihibang ka nang tunay," ang tanging nasambit ni Xavier habang saka iwinagayway sa tapat ng mukha ni Segunda ang kaniyang palad upang gisingin ang diwa nito. Hindi maitatanggi ni Xavier na hindi masamang ideya ang pagpapakasal upang makatakas sa kaniyang magulang subalit hindi niya pa kayang isuko ang kasiyahan at kalayaan bilang isang malayang binata.

Tumikhim si Segunda, ito ang kauna-unahang beses na nagawa niyang maglakas-loob. Kalimutan ang kahihiyan at iparating ang solusyon na sa palagay niya ay makikinabang silang dalawa. "Hindi ko sinasabing magpakasal tayo at mahalin natin ang isa't isa... Maaari tayong magpakasal at huwag nating iparehistro. Nang sa gayon ay makuha ko ang inilaan na salapi sa akin ng aking mga magulang, mayroong mga lupaing hinati sa ama para sa amin. Mapapasaakin na iyon sa oras na ako'y ikasal."

Sinubukang humakbang ni Segunda dahilan upang magitla muli si Xavier. Siya ang tipo na hindi magugulatin lalo na sa maliliit na bagay ngunit hindi niya maunawaan ang sarili kung bakit sa bawat kilos at hakbang ni Segunda ay naghahatid sa kaniya ng pagkagitla.

"Makalilikom din tayo ng mga salapi, regalo, at alahas sa araw mismo ng kasal. Maibabalik ko na sa 'yo nang buo ang iyong nawalang salapi." Dagdag ni Segunda. Napakurap ng dalawang beses si Xavier na tila hindi makapaniwala na ganoon karami ang tumatakbo sa isipan ni Segunda. Ito rin ang unang beses na nakapagsalita ang dalaga nang mahaba na kakikitaan rin ng emosyon sa bawat pagbitaw ng salita.

"Mayroong bahay at lupa ang kapatid kong lalaki na malapit sa dalampasigan. Matagal ko na ring pinag-iipunan na mabili iyon mula sa kaniya. Sa ngayon, walang nakatira sa bahay na iyon, maaari akong mamalagi roon." Patuloy ni Segunda nang hindi inaalis ang mga mata kay Xavier na tila napapaisip sa mga panukala na kaniyang inilalahad.

"Ang aking punto, hindi natin kailangang magsama sa iisang bubong. Tayo'y magpapanggap lamang hangga't magawa mo ang iyong nais sa iyong limang daang piso. Gaya nga ng iyong nabanggit, mayroon kang nais paglaanan ng iyong salapi. Ikaw ba'y lilisan?" tanong ni Segunda. Kumakabog ang kaniyang dibdib, kung mauuwi sa wala ang kaniyang suhestiyon kay Xavier, hinding-hindi na siya lalabas sa kumbento dahil sa kahihiyan.

Nababatid ni Segunda na tila personal na ang kaniyang tanong tungkol sa kung saan nais ilaan ni Xavier ang ipon nito. Ngunit, kailangan niyang makumbinse si Xavier kung kaya't handa siyang laliman ang pagtatanong hanggang sa personal nitong buhay.

Napahinga nang malalim si Xavier saka napapamewang, "Paano mo naman nasabi na ako'y lilisan?"

Tumikhim si Segunda. Sa dami ng kaniyang sinabi ay hindi man lang tumutol si Xavier. Ni hindi rin nito kinuwestiyon ang mga solusyon na kaniyang inilapag.

"Ako'y may mga kapatid na lalaki na nais pag-aralin nina ama't ina sa Europa. Isa sa kanila ay kasalukuyang nasa Madrid, bago siya nakarating doon ay kinailangan niya ng limang daang piso upang paghandaan ang kaniyang byahe, tutuluyan, pag-aaral, at mga sariling gastusin." Tugon ni Segunda.

"Si Feliciano ba ang iyong tinutukoy?" pagkumpirma ni Xavier. Tumango ng dalawang ulit si Segunda. 

"Bakit ko pa pala naitanong, imposibleng makarating ng Europa 'yang si Jacinto." Saad ni Xavier na nanatiling nakapamewang. Saglit siyang tumawa ngunit may bakas ng inis sa kaniyang boses nang banggitin ang pangalan ni Jacinto na hanggang ngayon ay nagpapasagad sa kaniyang pasensiya sa tuwing naiisip niya kung paano siya nito labanan at sagot-sagutin.

Muling tumikhim si Segunda upang ibalik ang paksa, "Kung ikaw ay lilisan nga ng bansa, makatuwiran lamang na kailangan mo ng ganoong kalaking salpi, hindi ba?"

Napayuko si Xavier saka nilaro ang lupa gamit ang kaniyang sapatos habang nakapamewang. Tinapakan na lang niya ang sigarilyong hindi man lang niya nasindihan. Sa tuwing may gumugulo sa isip ni Xavier ay madalas niyang nilalaro ang kaniyang paa.

"Kapatid ni Jacinto, sinasabi mo bang magpakasal tayo kunwari, upang makakuha ng salapi sa ating mga magulang, at mga taong dadalo ng ating kasal? Hindi natin ipapasa ang rehistro. Hindi rin tayo magsasama. Ikaw ay titira sa Batangas, ako naman ay tutungo sa Europa?" Saad ni Xavier na tila hindi nagtatanong kundi ginawan ng buod ang alok ni Segunda.

Tumango ng ilang ulit si Segunda na parang isang tuta. Umiwas ng tingin si Xavier, mayroon siyang tuta noong bata siya ngunit namatay ito agad dahil sa sakit. Napahawak na lang si Xavier sa kaniyang sentido. Hindi niya lubos maisip na hahantong sa ganitong usapan ang hangarin niyang makuha lang ang nawala niyang salapi.

Napaisip si Xavier, kung seremonya lang ng kasal ang pag-uusapan, wala namang kaso iyon sa kaniya lalo pa't mahilig siya sa mga pagdiriwang. Tiyak na siya rin ang bida sa araw mismo ng kaniyang kasal na siyang inaasam niya sa lahat.

"Maaari kong pakiusapan ang aking bayaw na nagtatrabaho sa Audencia at may koneksyon sa opisina ng talaan. Isa siyang abogado. Likas siyang maalalahanin at nangakong tutulungan ako sa oras na ako'y lumapit sa kaniya." Saad ni Segunda. Ang tinutukoy niya ay si Aurelio na asawa ni Remedios. Mabait si Aurelio lalo na sa kaniya sapagkat si Segunda ang unang sumuporta sa kanilang pangliligaw nito noon kay Remedios. Si Segunda rin ang laging sumasama kay Remedios bilang bantay sa tuwing nakikipagkita ito kay Aurelio.

Sandaling sumilay ang ngiti sa labi ni Xavier, hindi niya akalaing darating sa punto na gagamit din ng koneksyon ang isang babaeng hindi makabasag-pinggan na tulad ni Segunda. Hindi pa rin siya makapaniwala na maiisip nito ang plano na malabong sumagi sa isipan ng isang anghel.

Nagtaka si Segunda dahil lumaki ang ngiti ni Xavier na para bang humanga ito sa masamang plano na puno ng panlilinlang at kasinunggalingan. "Kung palalabasin natin sa lahat na tayo'y mag-asawa ngunit ikaw ay titira sa malayo at ako nama'y mangingibang bansa, ibig sabihin ba ay hindi na tayo magkikita kahit kailan? Maaari ko ring gawin ang lahat ng nais ko na parang isang malayang binata?"

Tumango si Segunda nang walang bakas ng pangamba. Sa isip ni Segunda, iyon din ang nais niyang mangyari. Matatapos lang sa seremonya ang lahat at pareho silang maglalaho sa mata ng madla. Nababatid niyang imposibleng mangyari iyon dahil may mga kamag-anak at kaibigan na mangungumusta sa kanilang pamilya at makikibalita kung nasaan na silang dalawa. Ngunit hindi na iyon mahalaga, sa oras na makatakas ang isang tao sa mundong nagpapahirap sa kaniyang paggalaw. Gagawin nito ang lahat upang hindi na muling bumalik sa mundong iyon.

"Kada dalawang Linggo ay may barkong dumadaong sa Maynila na patungo sa iba't ibang bansa sa Europa. Pagkatapos ng kasal at makuha natin ang mga salapi at regalo, maaari ka nang lumisan." Saad ni Segunda, maging siya ay hindi na rin makapaghintay na mabuhay nang tahimik at mag-isa sa tabing-dagat ng Batangas.

Napahalukipkip si Xavier saka muling sumandal sa pader ng dambana. "Paano kung bisitahin ka roon ng iyong pamilya at tanungin kung kailan ako babalik? Ano ang iyong gagawin?"

Napaisip si Segunda, siya ang tipo na hindi sanay magsinunggaling. Mahuhuli agad ng kaniyang mga magulang at mga kapatid maging si Manang Tonya na hindi siya nagsasabi ng totoo. "S-sasabihin ko na lang sa kanila na ako'y walang ideya kung kailan ka babalik."

Napaisip si Xavier saka tumingala sa ere, "Sa oras na ako'y magtungo sa Europa, maaaring hindi na ako makabalik lalo na kung ako'y maikasal na rin doon. Hindi naman marerehistro ang ating kasal kung sakali, hindi ba? Maaari pa rin akong magpakasal sa iba." Paglilinaw ni Xavier, hindi siya matatas magsalita ng wikang Español, o anumang wikang banyaga kung kaya't nagdadalawang-isip siya kung paano makapag-asawa ng isang dayuhan.

Napansin ni Xavier na tila nagitla si Segunda sa sinabi niya. Napayuko ito saka tumango nang marahan na tila ba may nasabi siyang hindi maganda na naghahatid ng lungkot sa dalaga.

"Masisiguro ko ba na hindi mo ako pakikialaman sa lahat ng ibig kong gawin? Kung anong oras ako umuwi, kung saan ako magpunta, kung saan ko gagastahin ang aking salapi, at kung may ligawan akong iba?" pagkumpirma ni Xavier habang kinikilatis ang reaksyon ni Segunda. Hindi niya maunawaan ang biglaang pagbabago ng reaksyon ni Segunda. Napaisip tuloy siya kung may gusto sa kaniya ang dalaga o dahil ba may nasabi siyang hindi tama.

Lingid sa kaalaman ni Xavier, hindi na tuluyang maunawaan ni Segunda ang lahat ng sinasabi ng binata. Naglalaro sa kaniyang isipan ang pagdating ni Romeo kasama ang asawa nitong Kastila na pinakasalan niya sa Europa. Sa loob ng halos apat na taon na kaniyang paghihintay, masaya na pala si Romeo sa piling ng ibang babae. Nagtungo ito sa Europa at doon nagpakasal.

Natauhan si Segunda nang tumikhim si Xavier saka muling napapamewang. Bakas ang pagkairita sa boses nito, "Kalimutan mo na. Masasabi kong maganda ang iyong alok subalit hindi ko kayang maikasal at magkaroon ng suliranin. Ngayon pa lang ay tatapatin na kita, kapatid ni Jacinto, kailanman ay walang magmamay-ari ng aking puso, oras, at buhay. Kung ako'y matatali lamang sa pagpapakasal at iiyakan ng aking asawa dahil hindi niya mapigilan na ako'y mawalay sa kaniya o mahulog sa ibang babae. Mabuti pang ngayon pa lang ay iligtas mo na ang iyong sarili sa mga paparating na suliranin at pasakit. Higit kong pinahahalagahan ang aking kalayaan." Saad ni Xavier na animo'y nagtatalumpati.

Napakurap ng ilang ulit si Segunda. "A-ako'y walang pakialam kung ano ang nais mong gawin sa iyong buhay. Ang sa akin lang..." Napatigil si Segunda saka napahinga nang malalim. Hindi niya magawang ipagtapat kay Xavier ang katotohanan na nais na lang niya mabuhay nang tahimik sa tabing-dagat. Makita kahit papaano ang kaniyang pamilya sa tuwing may okasyon. Magawa rin ang mga nais niyang tuklasin sa sarili nang hindi magiging sentro ng usap-usapan dahil nakasunod din siya sa agos ng karamihan – Ang makapag-asawa.

Ang mag-asawa at mabuhay nang tahimik habang ang asawa'y nagtatrabaho sa malayong lugar. Saka na lamang niya iisipan ang ibang usapin na maaaring ipukol sa kaniya. Marahil hindi na iyon gaano kahalaga sa oras na siya'y tumuntong sa edad na singkwenta.

"Hindi ba? Malaking kahibangan ang ideyang ito. Paano kung may mapusuan kang ibang lalaki sa mga susunod na taon? Paano ka na ikakasal sa kaniya? Mangingibang bansa rin kayo?" saad ni Xavier sabay halukipkip na parang tatay na nagpapangaral.

Napaturo si Xavier sa sarili, "At anong sasabihin ng ibang tao, ako'y talunan at iniwan ng asawa? Wala namang kaso iyon sa akin, iyon nga lang, kaaawaan ako ng lahat sa pag-aakalang totoo ang ating kasal." Umiling-iling si Xavier, higit niyang kinamumuhian sa lahat ay ang maging tampulan siya ng awa ng mga tao.

"Ako'y walang pakialam sa kung sino ang nais mong ibigin. Ang akin lang, makasisira rin iyon sa aking pangalan. Kapag pinalabas nating kinasal tayo, kunwari mo ring dadalhin ang aking apelyido. Nais mo bang mangyari iyon?"

Hindi nakapagsalita si Segunda na napaisip din nang malalim. Hindi maitatanggi ni Xavier na maganda ring mangyari iyon lalo pa't tiyak na maiinis si Jacinto dahil nakakabit na ang Sanchez sa isa sa mga kapatid nito.

Muling tumingin si Segunda kay Xavier, "Walang kaso sa akin iyon. Higit kong nais nang tahimik na buhay nang walang ibang kasama kundi ang aking sarili." Para kay Segunda, hindi siya naglakas ng loob mag-alok ng pekeng kasal kay Xavier kung sa huli ay siya rin ang unang aatras. Bukod doon, nais na rin niyang makalabas ng kumbento upang makausap si Romeo. Nais niyang malaman kung anong nangyari kay Romeo sa loob ng apat na taon.

Napakamot sa ulo si Xavier. Walang duda magkapatid nga sina Segunda at Jacinto na parehong mahirap kausap. "Hindi ko akalain na ako'y mamomoblema rin na maibalik ang aking ipon. Kapatid ni Jacinto, makinig ka sa akin bilang nakatatanda sa 'yo. Hindi ka dapat basta-basta nagtitiwala sa mga lalaki."

Sinubukang magsalita ni Segunda upang linawin na mas matanda siya kay Xavier, isa iyon sa dahilan kung bakit hindi siya ang napili ng mag-asawang Sanchez. Mas gusto nila na mas bata ang mapangasawa ni Xavier. Hindi niya nagawang ituloy ang kaniyang sasabihin dahil nagpatuloy si Xavier sa pagsasalita na parang si Don Epifanio sa tuwing nangangatuwiran at nangangaral ayon sa kaniyang karanasan.

"Hindi mo nalalaman ang tumatakbo sa isipan naming mga lalaki. Hindi mo rin nababatid kung hanggang saan ang kaya naming gawin makuha lang ang aming nais. Kung kaya't ngayon pa lang ay huwag mo nang tangkain na buksan ang paksang ito. Matulog ka na at muling isipin kung paano ako mababayaran. Ako'y babalik sa Lunes dito sa parehong oras." Taas-noong saad ni Xavier bago naglakad patungo sa bakuran at mabilis na lumundag papalabas.

Ilang minutong nanatili si Segunda sa kaniyang kinatatayuan. Hindi niya batid kung magpapasalamat siya dahil naisip nito ang kaniyang kapakanan o malulungkot dahil kailangan na naman niya mag-isip ng paraan upang mabayaran ang utang. Higit sa lahat, nais na lang niyang magmukmok sa kuwarto ng ilang araw dahil sa kahihiyan. Kailanman ay hindi niya nakita ang sarili na siyang mag-aalok ng kasal sa isang lalaki.


MADALING-ARAW na ngunit hindi pa rin umuuwi si Xavier. Nagtungo siya sa lihim na sugalan sa likod ng botikaryo. Bukod sa muli na naman siyang nagpakalango sa alak ay hindi niya namalayan na unti-unti nang naubos ang dala niyang pitumpung piso.

Kalaban niya ang isang tinyente na kilalang mahusay sa baraha. Pangatlong laban na ito at hindi pa rin nababawi ni Xavier ang kaniyang natalong salapi. "Sanchez, akala ko ay mahihirapan ako sa 'yo," ngisi ng tinyente sabay hawak sa kaniyang bigote.

Tumawa lang si Xavier sabay sandal sa silya, "Pinagbigyan lang kita sapagkat ikaw'y bagong salta rito." Bawi nito saka muling ibinagsak ang mga baraha sa mesa. "Isa pang laban. Patutunayan ko sa 'yo ang mga bansag sa akin," ngiti ni Xavier saka nilabas sa kaniyang bulsa ang gintong relos na kuwintas na siyang huling alay niya. Kailanman ay hindi pa siya natalo at madalas na nababawi ang lahat ng salapi sa oras na itaya na niya ang kaniyang alas.

Lumaki ang ngiti ng tinyente sabay kislap ng mata nang makita ang mamahaling itataya ni Xavier. Lugod niyang pinaunlakan ang isa pang laban. Naging mainit ang simula dahil sa seryosong mukha ng lahat. Maging ang ibang mga nagsusugal sa magkabilang mesa ay nanood na sa laban ng tinyente at estudyante.

"Mayroon akong payo na nais ibahagi sa 'yo bilang isang beterano sa larong ito... Huwag mong palagpasin ang alok ng isang taong desperado dahil tiyak na ikaw ay makikinabang din sa kaniyang pagpupursigi. Sumakay ka sa kaniyang byahe at kamtin ang tagumpay nang hindi ka napapagod." Ngisi ng tinyente na kilalang madalas magpapalit-palit ng pinagsisilbihan. Kung sino ang nakikita niyang desperado at may mataas na ambisyon sa puwesto, iyon ang madalas niyang kapitan dahilan upang makarating siya nang mabilis sa mataas na posisyon.

Sumagi sa isip ni Xavier ang mga desperadong mata ni Segunda nang banggitin nito ang alok ng pagpapakasal. Naroon ang matinding hangarin at malaking tiwala ng dalaga sa isinalaysay nitong plano na maaaring makatulong sa sitwasyon nilang dalawa.

Ang punong dahilan kung bakit siya nag-iipon ay upang makaalis sa puder ng magulang sa oras na siya'y makatapos sa pag-aaral. Ilang buwan na lang ay makukuha na niya ang kaniyang certifico. Bagaman hindi mataas ang kaniyang grado, hindi na iyon mahalaga sa kaniya dahil naglaan na ng posisyon ang kaniyang ama para sa kaniya sa Aduana o Audencia.

Totoo rin na nais niyang magtungo sa Europa gamit ang malaking salapi. Ngunit wala pa sa isip niya kung mananatili na ba roon habambuhay o magbabakasyon lamang. Walang malinaw na plano sa buhay si Xavier, kung ano ang nariyan na madaling makuha at magbibigay ng kasiyahan sa kaniya ay iyon ang kaniyang pipiliin. Kung wala namang magandang oportunidad, matutulog na lang siya sa kuwarto hanggang sa ang mga magulang niya ang gumawa ng paraan upang hindi masira ang kanilang pangalan.

Kailanman ay hindi siya naghirap p nagpursigi sa buhay. Tunay na mapanakit ang kaniyang ama, subalit, nasanay na siya mula pagkabata bagay na hindi na naghahatid ng takot sa kaniya. Nababatid din niya na hindi siya magagawang palayasin ng mga ito o pabayaang mamulubi sa daan dahil mas higit nitong pinahahalagahan ang reputasyon at pangalan ng kanilang pamilya. Anong sasabihin ng mga tao sa oras na may isang Sanchez na hindi naging matagumpay sa buhay?

Napailing si Xavier, kailangan niyang tutukan ang laban dahil nakataya ang kaniyang relos na kuwintas. "Ngunit hindi sa lahat ng oras ay maganda ang dulot ng pakikipag-ugnayan sa mga taong desperado. Kung minsan, sila'y masyadong nakatuon sa kanilang nais makuha hanggang sa hindi nila mamalayan ang ibang bagay na maaaring magsadlak sa kanila sa kabiguan. Ikaw ba ay sumasang-ayon na madaling mabasa ang hangad ng isang desperadong kaluluwa?"

Hindi nakapagsalita si Xavier, higit niyang inaalala ang mga barahang inilapag niya sa mesa. Sa laban nilang dalawa ng tinyente, siya ang desperadong tinutukoy nito. Paulit-ulit na siyang nagmumura sa kaniyang isipan habang iniisip kung paano mababaliktad ang mesa upang maulit ang paglalaro ng baraha.

Subalit, sadyang ito ang pinakamalas niyang araw. Isang malaking ngiti ang sumilay sa labi ng tinyente bago nito inilapag ang hawak na baraha. Napahiyaw ang mga kalalakihan. Napasabunot na lamang si Xavier sa kaniyang buhok at ilang segundong hindi gumalaw sa kinauupuan.

Sa unang pagkakataon, naipatalo niya ang gintong kuwintas na relos na siyang pamana ng kaniyang lolo. Naghihiyawan ang mga kasamahan ng tinyente habang napailing na lang ang ilang sugalero na umasa sa kakayahan ni Xavier.

Ibinagsak ni Xavier ang kamay sa mesa dahilan upang mapatigil sa pagsasaya ang lahat. Tumayo siya saka pinatunog ang leeg at balikat na animo'y handa na sa sunod niyang paboritong gawain, "Ikaw. Sinadya mong guluhin ang aking isip sa mga pinagsasabi mo kanina, hindi ba?!" akusa ni Xavier sabay turo sa tinyente na hindi rin nagpatalo. Tumayo ito saka tinitigan nang derecho sa mga mata si Xavier.

"Hindi ko kasalanan kung madaling magulo ang utak mo, bata. Sinabi ko na sa 'yo, madali lang mabasa at magapi ang isang desperado," wika ng tinyente sabay ngisi at nilaro sa kaniyang kamay ang kuwintas na relos.

Akmang susugod na sana si Xavier ngunit napigilan siya ng mga sugalero. Pinaulanan ni Xavier ng sunod-sunod na mura ang tinyente na bumawi rin sa paghalakhak at pagmumura. Natigil lang sila nang bumaba ang ale na siyang tagapagbantay ng botikaryo at pasugalan.

"Umuwi na kayo. Hindi ko hahayaang muling maugnay ang lugar na ito sa kaguluhan noong isang Linggo," matapang na saad ng ale sabay tingin kay Xavier. Nababatid ng lahat ang nangyari sa mga panadero na nahuli ng mga guardia. Bagaman ang mga estudyanteng kasama nito ay hindi nahuli o natukoy kung sino, nababatid nilang lahat na si Xavier iyon at ang mga kaibigan nito.

Walang nagawa si Xavier kundi ang hilahin na lamang ang kaniyang kuwelyo dahil sa inis. Muli siyang pinadilatan ng ale sabay turo sa pinto palabas. "Sabihin mo, paano ko mababawi 'yan?" seryosong tanong ni Xavier.

"Presyong estudyante, apat na raang piso," ngisi ng tinyente. Napapamura ng ilang ulit si Xavier sa kaniyang isip, kung hindi sana siya naging padalos-dalos ay pitumpong piso lang sana ang naipatalo niya ngayong araw.

"Babayaran kita sa sunod na Linggo," saad ni Xavier nang walang kasiguraduhan kung saan siya kukuha ng ganoon kalaking halaga sa loob ng isang Linggo.

"Bueno, magkita tayo sa sunod na Linggo," ngisi ng tinyente saka ibinulsa ang kuwintas na relos. Tunay nga na madaling magapi ang isang desperado, ngunit hindi ito madaling sumuko hanggang sa makuha nito ang kaniyang gusto.


SUMAPIT ang araw ng Lunes, nakahiga si Segunda sa kama habang nakatitig sa kisame. Hatinggabi na ngunit wala siyang balak bumangon. Buong Linggo niyang inisip kung anong gagawin pagbalik ni Xavier, imposibleng makalikom siya ng limangdaang piso sa loob lang ng dalawang araw.

Napagtanto ni Segunda na wala ring magagawa si Xavier kung hindi siya magpapakita. Higit na makapangyarihan at matibay ang simbahan sa anumang pagtatangka ni Xavier na mapasok ito o mapalabas siya. Napagdesisyunan ni Segunda na hindi na lang muna niya sisiputin si Xavier hanggang sa makalikom siya ng pambayad. Abutin man ito ng ilang buwan, taon, o dekada ay tiyak na mapoprotektahan siya ng kumbento.

Ilang ulit na nagdasal si Segunda at humingi ng tawad sa Panginoon dahil sa kasalanang pagtakas sa utang. Ngunit siya'y nasa desperadong katayuan, kung kailangan talagang makuha ni Xavier ang salapi. Hihintayin na lang niya ang kasong isasampa nito o ang reklamong ipaparating sa kaniyang magulang. Kahit papaano ay tiwala si Segunda na hindi siya itatakwil ng kaniyang ama't ina. Umaasa rin siya na kusa na itong bayaran ng kaniyang ama upang matapos na ang lahat.

Para kay Segunda, mabuti na lang din na mangyari iyon. Iniisip din niya kung paano iparating sa magulang ang kaniyang suliranin ngayon, siya na kailanman hindi nangutang o humingi ng salapi sa kanila. Tunay na mas mabuti kung sa siya ang magpapaliwanag nang lahat subalit hindi niya alam kung paano sisimulan at paano sasabihin ang lahat.

Nabuhay siya ng ilang taon na tahimik at hindi nalalapit sa anumang gulo. Siya ang anino ng kaniyang mga kapatid na laging nasa tabi at handang umagapay. Hindi siya naghangad ng anumang kapalit o hangarin na mapansin ng lahat ang kaniyang mga nagawa. Kampante at masaya siya sa sariling presensiya kung saan wala siyang ibang hinahangad kundi ang kumilos sa bahay, magluto, maglinis, at suklayin ang buhok ng mga babaeng kapatid.

Ni hindi na rin niya magunita kung kailan ang huling beses na napagalitan siya ng ama't ina. Hindi siya nito gaano napapansin gaya ng iba niyang mga kapatid dahil kaya na niyang kumilos nang sarili. Hindi naman niyo iyon dinaramdam lalo pa't nauunawaan niya kung gaano kahirap magpalaki ng siyam na supling.

Gayunpaman, may isang bagay na hindi nalalaman ng kaniyang magulang. Iyon ay ang lihim nilang pagkakaunawaan ng binatilyong naging pastol ng hayop sa kanilang hacienda. Niyakap ni Segunda ang malambot na kumot, isa rin sa dahilan kung bakit niya nais manirahan sa Batangas ay upang kahit papaano ay malaman kung anong mangyayari kay Romeo.

Inaamin niya sa sarili na labis siyang nasaktan nang malaman na ito'y kinasal na matapos ilang taon niyang paghihintay. Subalit, naroon pa rin sa kaniyang puso ang hangaring maunawaan ito at malaman kung anong nangyari at kung bakit niya nagawa iyon. Nais niyang makausap si Romeo, nais niyang pakinggan ang sasabihin nito. Ibig niyang masilayan ito kahit sa malayo.

Marahil dininig ng Panginoon ang kaniyang dasal na nasa mabuting kalagayan si Romeo. Kung ang asawa nito ang makapagbibigay ng masaya at masaganang buhay kay Romeo ay malugod niyang tatanggapin iyon. Kung sasabihin ni Romeo na siya'y masaya at nais makasama ang asawa nito habambuhay ay malugod din niyang uunawain iyon.

Agad pinunasan ni Segunda ang kaniyang luha saka nagtaklob ng kumot. Ngayon ay nakaramdam siya ng pagsisisi, kung nilakasan lang niya ang kaniyang loob na sabihin kay Romeo na hindi niya ito nais magtungo sa Europa. Kung pinaghawakan niya ang pag-ibig nito noon at nagawang ipagtapat sa kaniyang magulang ang kaniyang pagsinta sa manggagawa ng kanilang hancienda, marahil ay hindi nito kinailangang lumisan ng bansa upang abutin ang pangarap para sa kanilang dalawa.

Ngayon ay nababalot na siya ng pagsisisi at panghihinayang. Siya ang tipo na nananahimik na lang at tinatanggap ang desisyon ng mga tao sa kaniyang paligid kahit pa siya ang higit na maaapektuhan nito. Hindi niya nagagawang iparating ang nais niya o kontrahin ang mga desisyon. Sa huli, siya ang naiwan sa alaala ng nakaraan at ang mga maaari sanang nangyari kung naging matapang siyang harapin ang sitwasyon.

Ang marahang paghikbi ay unti-unting napawi. Tulad ng dati, si Segunda ay lumuluha mag-isa hanggang sa siya'y makatulog. At sa kaniyang paggising, muli niyang haharapin ang panibagong araw bilang isang karaniwang babae na madaling makalimutan ninuman.


NAKAHALUKIPKIP habang nakasandal sa mahabang silya at nag-iisip nang malalim si Xaiver. Makailang ulit ding sinasagi ng kaniyang ama ang kaniyang hita dahil siya'y nakabukaka. Hindi niya mapigilan ang pagkaurat dahil halos tatlong Linggo na ngunit hindi siya sinisipot ni Segunda sa labas ng dambana ng kumbento. Hindi na niya mabilang kung ilang beses na siyang nagtungo roon ng Hatinggabi ngunit umuwi siyang may sipon at mainit ang ulo.

Pakiramdam niya ay tinakasan na siya ng dalaga sa pagkakautang nito. Idagdag pa na nagawa niyang makiusap muli sa tinyente na huwag isangla o ibenta ang kuwintas na relos dahil nais niya itong tubusin. Iniisip niya ngayon kung paano mapapalabas sa kumbento si Segunda, isang maling hakbang ay tiyak na siya ang mababaliktad.

Dumating ang merienda na dala ng kasambahay ng pamilya Villafuerte. Bago pa tuluyang mailapag ng kasambahay ang kape ay agad nang kinuha ni Xavier ang isang tasa saka sinubukang inumin iyon, "Putang---" hindi na niya naituloy ni Xavier ang sasabihin nang mapaso ng mainit na kape dahil pinadilatan siya ng kaniyang ama.

Agad tumawa si Don Manuel sa harap ni Don Fernando Villafuerte, "Hindi mo na kailangan pang mag-abala, Don Fernando. Salamat sa mga pagkain." Ngiti ng Don na kilalang magiliw sa mga kaibigan. Ngumiti nang tipid at tumango lamang si Don Fernando. Hindi sila malapit sa isa't isa ni Don Manuel kung kaya't laking pagtataka niya nang magpadala ito ng liham at alok na kasal para sa kaniyang unica hija.

Nang mabalitaan ni Don Manuel na hindi natuloy ang kasunduan sa pagitan ng pamilya Villafuerte at Del Rosario ay hindi na siya nagsayang ng oras, nang araw ding iyon ay nagpadala siya ng liham sa gobernadorcillo ng Sariaya.

Isang buwan din ang kaniyang hinintay na tugon, hanggang sa matanggap niya ang liham mula kay Don Fernando at imibitasyon sa tahanan nito sa Maynila. Hindi rin siya nagsayang ng oras, nasa klase si Xavier, agad niya itong sinundo at nakiusap kay Padre Manuel sa dahilang may importante silang pupuntahan na nakasalalay ang buhay ng nakararami.

Sa isipan ng ambisosyong tulad ni Don Manuel, maaaring sumunod sa yapak ni Don Fernando si Xavier bilang gobernadorcillo ng Sariaya balang araw. Ang makapasok sa politika ang isa sa kaniyang mga anak ay isa sa kaniyang pangarap.

"Kumusta ang Aduana, Don Manuel. Balita ko ay naging mahirap ang kalakalan nitong mga nakaraan dahil sa nagdaang mga bagyo." Saad ni Don Fernando sabay tingin kay Xavier na tila wala sa sarili. Nakatitig ito sa porselanang paso na tila may malalim na iniisip. Idagdag pa ang pagkukuyakoy ng binti nito na ilang beses niyang napansin na sinuway ni Don Manuel.

Tumawa si Don Manuel kahit wala namang nakakatawa sa sinabi ni Don Fernando. "Siya nga. Nang dahil sa mga pesteng bagyong iyan, humina ang kalakalan ng ating bansa. Kung maaari lang solusyunan ang bagyo, nagawa na sana ng ating gobyerno." Tugon ni Don Manuel. Napakunot ang noo ni Don Fernando, hindi niya akalain na mababaw pala kausap ang punong kawani ng Aduana.

Tumikhim si Don Fernando saka muling ibinaling ang tingin kay Xavier. Marami nang binata na may hitsura tulad ni Xavier ang nagtangkang mangligaw sa anak niyang si Juliana subalit nababatid niya na hindi madaling makuha ang loob ng kaniyang anak kung hitsura lang ang pagbabasehan.

"Sa iyong palagay, Ginoong Xavier, ano ang maaaring gawin ng gobyerno upang mapatigil ang bagyo?" tanong ni Don Fernando, agad sinagi ni Don Manuel ang anak.

"Ano po iyon?" tanong ni Xavier, hindi naman mahirap sa kaniya ang paggamit ng po at opo, gumalang sa nakatatandang may katungkulan o makibagay sa pormal na kasiyahan, ngunit hind inga lang niya matagalan ang pagpapanggap bilang disente at pormal na ginoo.

Tulad ngayon, kanina pa siya naiirita sa suot na tsakleko at butones nitong hanggang leeg. Idagdag pa ang pantalon na hapit sa kaniyang binti dahilan upang mas makaramdam siya ng ginhawa kung uupo siya nang pabukaka.

"Ano ang suhestiyon mo sa gobyerno upang masolusyunan ang bagyo na pumipinsala sa mga mga kabuhayan tulad ng mga sakahan, palaisdaan, mga kabahayan at bangka?" mahinahong tanong ni Don Fernando sabay inom ng kape.

"Ang akin lang po, Don Fernando, bakit kailangang pigilan ang likas na hatid ng Kalikasan? Mayroon din namang magandang benepisyo ang mga bagyo, nadidiligan ang mga tuyong sakahan, nadaragdagan ang tubing sa dagat, napapalitan ang mga bahay upang mas lalong maging matibay, maging ang mga bangka na mapanganib na ay maaayos muli at mapapalitan upang mapigilan ang mas mapanganib na pangyayari sa hinaharap. Higit sa lahat, walang pasok kapag may bagyo. Nakakapagpahinga rin ang mga manggagawa, hindi ba?" Tugon ni Xavier. Sinubukan siyang patigilan ng ama ngunit hindi natinag si Xavier.

"Don Fernando, huwag niyo pong----" Hindi na natapos ni Don Manuel ang sasabihin dahil itinaas ni Don Fernando ang kamay upang senyasan si Xavier na magpatuloy.

"Ang mga bagay na imposibleng makontrol ay hindi na dapat pag-aksayahan ng oras. Paano natin patitigilin ang bagyo? Mangyayari lang iyon kung matutuyo ang karagatan lalo na sa Silangan dahil doon nagsisimula ang mga bagyo." Patuloy ni Xavier. Lingid sa kaalaman ng lahat, nakikinig siya sa aralin na may kinalaman sa Meteorolohiya noong siya'y nag-aaral sa sekondarya.

"Kung gayon, ano ang iyong mungkahi, Ginoong Xavier?" patuloy ni Don Fernando.

"Huwag na sana nating sayangin ang ating oras na kontrolin ang Kalikasan. Sa halip, tiyakin natin na matibay ang mga materyales ng mga tahanan at gusali sa bansang ito. Pagbutihin din ang mga kanal sa mga siyudad lalo pa't madaling bahain ang Maynila. Nakakasira ng araw kapag nalubog sa baha ang bagong bili kong sapatos. Maaari ring mag-isip ng paraan upang maprotektahan ang mga sakahan sa mga malalakas na bagyo. Ukol naman sa pangingisda o pagbyahe ng mga barko, dapat lang na mayroong makabagong paraan upang matukoy kung may paparating na bagyo upang maabisuhan ang lahat. Bakit pa tayo magpapakahirap mag-isip gayong may mga naisip nang paraan ang Amerika. Pareho rin naman ang suliranin at layunin, marahil hindi masamang gayahin natin sila upang maging mabuti rin ang ating kalagayan dito." Tugon ni Xavier na para bang kausap lang ang kaniyang mga kaibigan sa isang inuman.

Napapikit na lang si Don Manuel, sa kaniyang isip ay wala nang pag-asa ang kasunduan sa pamilya Villafuerte dahil sa mga sagot ng kaniyang anak. Ngayo'y nagsisisi siya kung bakit pinakuha niya pa ito ng abogasya. Nauunawaan na rin niya kung bakit pulos bagsak at mabababa ang nakukuha nitong marka sa paaralan.

Magsasalita na sana si Don Manuel upang magpaalam bago pa tuluyang ibaon ni Xavier sa kahihiyan ang kanilang pangalan nang mapatigil siya dahil ngumiti si Don Fernando.

"Mahusay!" Wika ng gobernadorcillo saka marahang inilapag ang tasa sa mesa. "Ang iyong mga inilahad na solusyon ay makatuwiran. Ako'y sumasang-ayon na mahalagang pagtuunan din natin ng pansin kung paano nireresolba ang ibang bansa ang mga suliranin ng Kalikasan dahil hindi rin naman tayo naiiba sa kanila. Nagagalak din akong malaman na may ideya ka sa meteorolohiya. Mahusay, Ginoong Xavier!" papuri ng Don na nagawa pang kamayan si Xavier.

Nagtaka si Xavier sa una hanggang sa ngumiti na lamang siya pabalik dahil sa mga papuri nito. Isa sa mga bumubuo ng kaniyang araw ay ang papuri na naririnig niya mula sa ibang tao. "Nais mo bang makilala ang aking anak?" tanong ni Don Fernando na tila naging interesado sa binata.

Walang nagawa si Xavier kundi ang tumango na lamang sabay tingin sa ama na halos mapunit ang labi sa laki ng ngiti. "Isang malaking karangalan ang paunlakan niyo kaming makilala ang inyong prinsesa, Don Fernando." Saad ni Don Manuel na halatang pinakanasasabik sa lahat.

Agad pinatawag ni Don Fernando sa kasambahay si Juliana saka muling tinitigan si Xavier. Marami na rin siyang nakasalamuha na mga binatang tahimik at pormal, ngunit karamihan sa kanila ay mga ambisyoso at may potensyal na maging ganid sa kapangyarihan.

Hindi maikakaila ni Don Fernando na isa siya sa mga binatang ganoon. Tahimik, may mataas na ambisyon at ganid sa kapangyarihan. Bagay na pinagsisihan niya sapagkat nabuhay nang may mabigat na pasanin si Juliana mula sa kaniya na halos perpekto sa paningin ng lahat. Ngayon ay kailangan ding umayon ni Juliana sa perpektong buhay na nilikha ng kaniyang ama.

Minsan na niyang naisip na kung may magagawa siya para sa anak upang mabuhay ito nang walang malaking pasanin, ay hahayaan niya itong umibig sa taong nais niya. Isang taong walang takot sabihin ang nais niyang sabihin sa harap ng sinuman maging ng gobernador-heneral o hari. Nakikita niya iyon sa bunsong anak ni Don Manuel Sanchez, hindi ito nagpakitang-tao o nagpanggap na marunong sa harap ng isang may katungkulan tulad niya.

May iilan din siyang narinig tungkol sa mga kinasangkutang gulo ni Xavier, ngunit habang tinititigan niyang mabuti ang binata, pakiramdam niya ay hindi naman ito kakawala sa kaniya lalo pa't magiging malaki ang utang na loob nito ang pamilya Sanchez dahil ang pagpapakasal sa pamilya Villafuerte ay nangangahulugang makakapasok na sila sa politika.

Ilang minuto silang naghintay hanggang sa bumaba ang kasambahay mag-isa at bumulong kay Don Fernando. Nawala ang ngiti ni Don Fernando at napahawak na lamang sa sentido, "Paumanhin, Don Manuel at Xavier, masama raw ang pakiramdam ng aking anak. Kung inyong mamarapatin, maaari ba kayong bumalik sa Lunes?" tanong ng Don na bakas ang malaking pagkadismaya.

Isang Linggo nang nagmumukmok si Juliana sa silid sa hindi malamang dahilan. Madalas ding mugto ang mga mata nito. Sa tuwing sinusubukan niyang tanungin ang anak, umiiling lang ito saka iniiba ang usapan. Ayon sa tagapag-alaga ni Juliana, nagkaroon ito ng hidwaan sa mga kaibigang sina Socorro at Nova. Sa isip ni Don Fernando, maaaring may hindi lang pagkakaunawaan o mababaw na alitan ang mga dalaga na maglalaho rin kapag binilhan ng mga bagong damit at alahas.

"Wala pong problema, Don Fernando. Ipagdarasal namin ang maagap na paggaling ni Binibining Juliana. Salamat sa inyong pagpapaunlak ng aming imbitasyon. Magandang hapon." Magiliw na paalam ni Don Manuel saka itinapat ang sombrero sa kaniyang dibdib. Pinadilatan niya pa si Xavier na gayahin ang kaniyang ginawa.

"Magandang hapon po." Saad ni Xavier sabay tapat ng sombrero sa kaniyang dibdib. Muling ngumiti si Don Fernando saka tinapik ang balikat ni Xavier. "Nagagalak akong makilala ka, hijo. Magkita tayo sa Lunes," saad ng Don. Nang tumingin si Xavier sa mga mata nito, hindi niya maunawaan kung bakit nakaramdam siya ng mabigat na pasanin na tila ba isang nakakapagod na buhay ang kaniyang kahaharapin sa oras na matuloy ang kasunduan.

Hindi mawala sa isip ni Xavier ang ngiti ng Don at ang pagtapik nito sa kaniyang balikat habang nakasakay sila sa kalesa pabalik sa kanilang tahanan. Patuloy ang pakukuwento ni Don Manuel sa kutsero kung ano ang nangyari kahit pa hindi ito interesado sa mga nangyayari sa mga pamilya na nabibilang sa alta-sociedad.

Napahawak si Xavier sa kaniyang baba habang nakatingin sa bintana. Alas-singko pa lang ng hapon ngunit tuluyan nang lumubog ang araw. May mga dalang lampara at gasera ang mga taong naglalakad sa labas habang ang mga tindahan naman na kanilang nadaraanan ay nagsasara na.

Natanaw din niya ang ilang mga opisyal na nag-uusap sa labas ng Malacañang, pormal ang kasuotan ng lahat habang nagtatawanan na para bang wala silang balak umuwi at humilata sa kama.

"Sa oras na matuloy ang kasunduan at ikasal ka sa pamilya Villafuerte. Tiyak na gaganda lalo ang ating buhay! Ang kanilang pamilya ay kilalang namamayagpag sa politika. Matagal nanilbihan na gobernadorcillo ang mga ninuno ni Don Fernando. Ikaw ang susunod sa kaniyang yapak!"

"Isipin mo na lang anak ang iyong magiging buhay. Kabi-kabilang pagdiriwang sa tahanan ng iba't ibang opisyal. Marami kang magiging kaibigan at koneksyon sa gobyerno. Mapagyayabong natin ang ating kabuhayan at hindi na ako mag-aalinlangan na maalis sa posisyon sa Aduana dahil sa lakas ng iyong magiging impluwensiya at ng pamilya Villafuerte." Patuloy ni Don Manuel saka tinapik nang ilang ulit ang hita ni Xavier.

Napatingin si Xavier sa kaniyang ama na halos walang mapagsidlan ang ligaya. Ngayon niya lang ito nakitang masaya nang labis, nagawa pa siya nitong tapikin na para bang siya ang pinakamalaking karangalan na natanggap ng pamilya Sanchez sa tanang kasaysayan ng kanilang lahi.

"Sa wakas nagkaroon ka na rin ng pakinabang! Hindi ko akalain na may laman din pala 'yang utak mo. Kung ginagamit mo 'yan noon pa, hindi na sana tayo nagtatalo." Tawa ni Don Manuel, tumawa rin ang kutsero ngunit nang mapatingin sa kaniya ang seryosong mukha ni Xavier ay kunwari na lang siyang nasamid.

Animo'y bumagal ang paligid habang nakatitig si Xavier sa ama na kulang na lang ay sumayaw sa ulap at magtimpasaw sa ulan. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagawa niyang paligayahin ang ama. Paulit-ulit ito sa pagkuwento kung paano mas lalawak ang kanilang koneksyon at gaganda ang kanilang buhay na tila ba nagpaparindi na sa kaniyang tainga.

Napapikit na lamang si Xavier, napagtanto niya na sa oras na matuloy ang kasunduan sa pamilya Villafuerte ay siya ang higit na mahihirapan. Kakailanganin niyang mag-aral nang mabuti nang sa gayon ay makasabay siya sa mga mahuhusay na Ilustrado. Kailangan niyang umakto nang pormal, magsalita ng pormal, tumawa ng pormal, at bumati na parang nakakainis na tutubi sa mga matataas na opisyal.

Naroon din ang katotohanan na kailangan niyang makisama sa lahat at alagaan ang kaniyang reputasyon bilang isang politiko. Hindi siya maaaring magalit, magmura o sumigaw sa harap ng madla. Magiging tulad siya ni Don Fernando at ng ibang mga politiko na mapagpanggap at nais ipakita ang pagiging disente at mahinahon sa lahat ng oras.

Napakunot ang noo ni Xavier nang maisip na kailangan niyang gumising nang napakaaga upang dumalo sa mga tribunal o pagpupulong sa iba't ibang panig ng bansa. Bukod pa roon ang pakikinig sa mga hinaing ng iba't ibang sangay ng gobyerno sa lokal na pamahalaan. Kailangan niya ring pakisamahan ang mamamayan at magtalumpati ng ilang minuto sa bawat okasyon.

Hindi na rin niya magagawang suotin ang mga nais niyang damit dahil mahalaga ang kaayusan at pormal na kasuotan sa politika. Magiging kamukha na niya ang lahat ng matandang politiko na may bigote at kulubot ang noo sa dami ng iniisip.

Ang lahat ng iyon ay naghatid ng matinding pagod kay Xavier. Iniisip niya pa lang ang responsibilidad at mga dapat gawin ng isang politiko ay inaakap na siya ng katamarang bumangon sa higaan. Animo'y ipinain siya ng ama sa politika nang sa gayon ay makakapit din ang buong angkan nila.

Natanaw na ni Xavier ang kanilang tahanan, sa wakas ay makakaalis na siya sa kadaldalan ng ama at makakahiga na sa kama. "Siya nga pala, anak. Darating ang iyong lolo Manuel sa susunod na Linggo."

Gulat na napalingon si Xavier sa ama. "Mula Espanya?" pagkumpirma ni Xavier, umaasa siya na nagkamali lang siya ng dinig o ibang Manuel ang tinutukoy nito.

"Oo. Kanina lang namin natanggap ang liham. Ang sabi niya ay babyahe siya sa katapusan ng Hunyo. Tatlong buwan na ang nakararaan. Ang sunod na daong ng barko mula Europa ay sa darating na Linggo," paliwanag ni Don Manuel sabay ngiti muli. "Tiyak na matutuwa ang iyong lolo sa oras na malaman niya na ikaw'y ikakasal na! Ipapamana na niya sa atin ang hacienda Sanchez sa Nasugbu!"

Hindi nakapagsalita si Xavier at nakakurap na lang ng dalawang beses. Si Don Manuel Sanchez na kaniyang lolo ang orihinal na Manuel sa kanilang angkan. Ito ay nasa edad walumpu't dalawang taon na. Sampung taon na mula nang manirahan ito sa Espanya kasama ang napangasawa nitong Kastilang biyuda.

"Marahil ay nais nang ayusin ng iyong lolo ang ating mga mana. Mabuti na iyon habang malakas pa siya." Patuloy ng kaniyang ama. Napalunok na lamang si Xavier, ang kaniyang lolo Manuel ang siyang may hawak ng lahat ng mamanahin nilang kayamanan. Ito rin ang siyang may kakayahan na itakwil ang sinumang miyembro ng kanilang pamilya. Minsan na niyang naalala na pinabura nito ang pangalan ng panganay na anak sa talaan dahilan upang ang kaniyang ama ang nag-iisang magmamana ng lahat.

Napakagat sa labi si Xavier nang maalala na sa kaniya ipinamana ni lolo Manuel ang pinakaiingat-ingatan nitong gintong kuwintas na relos na nagmula pa sa kanilang ninuno. Ngayon ay nais niyang sumigaw dahil tiyak na hahanapin iyon sa kaniya ng kaniyang lolo at siyang magiging dahilan ng pagkabura niya sa talaan ng kanilang henerasyon.


BUWAN ng Septyembre, abala ang lahat sa pagdiriwang ng Siete Dolores (Our Lady of Sorrows) na sumisimbolo sa paghihirap at pagdalamhati ng Birheng Maria. Nagdarasal ng nobena ang mga madre sa kabila nang malakas na ulan dulot ng paparating na bagyo.

Ilang ulit na nilang naririnig ang pagtunog ng kampana sa mga kalapit na simbahan, senyales na kailangan nang lumikas ng mga taong nakatira sa mababang lugar. Hindi na rin bago sa kanila ang pagbaha ng ilang araw dahil sa malakas na ulan.

Magkakasama sila sa ikalawang palapag ng simbahan habang sabay-sabay na nagdarasal. Naikayat na rin nila sa ikatlong palapag mula kahapon ang lahat ng mahahalagang gamit upang hindi ito malubog sa baha. Ang altar ng ikalawang palapag ay hiwalay sa kumbento. Ito ay nasal abas at mararating gamit ang malaking hagdan na gawa sa bato.

Ilang ulit na napapalingon si Segunda sa mga bintana na kinakalabog nang malakas na hangin. Patuloy ang pagdarasal sa pangunguna ng punondmadre habang nakatututok naman si Sor Teresa sa mga estudyanteng madre na karamihan ay sinisiklaban pa ng takot.

"Ang bagyo raw ay pinaniniwalaang sanhi ng galit ng Panginoon dahil nagiging makasalanan na ang mga tao," bulong ng isa. Tumigil si Sor Teresa sa tapat ng mga estudyante, "Magpatuloy tayo sa pagdarasal. Huwag nating hayaang magapi ng takot at pag-aalinlangan ang ating dalangin," saad ni Sor Teresa. Napatingin siya kay Segunda na tulad ng iba ay hindi na rin nakakasabay sa panalangin. Panay ang tingin nito sa mga bintana at pinto.

Akmang tatawagin niya sana si Segunda ngunit napalingon ang lahat sa isang estudyanteng sumigaw, "Ang tubig! Pumapasok na ang tubig!" sigaw nito dahilan upang mapatayo ang lahat mula sa pagluhod.

"Lulubog na tayo!" hagulgol ni Sofia na agad yumakap kay Paterna. Nagsimulang umiyak at sumigaw ang mga estudyante habang kinokontrol ni Sor Teresa ang gulo. Nagpatuloy sa pagdarasal ang punongmadre kasama ang mga ganap na madre hawak ang kanilang mga rosaryo.

Agad nagtungo si Segunda sa pinto kung saan nakikita niyang pumapasok na ang tubig sa ilalim nito, "Inabot na ng tubig-baha ang unang palapag, mataas ang kumbento, ibig sabihin, lagpas na hanggang tao ang baha sa labas," saad ni Segunda sabay lingon sa mga kasama. Nababatid nilang lahat na mababa ang lupang kinatitirikan ng Intramuros sapagkat malapit ito sa ilog Pasig at dagat ng Maynila.

"Kung patuloy ang ulan, tiyak na aabutin na rin ang ikalawang palapag, Sor Teresa." Patuloy ni Segunda saka hinanap sa kumpol ng mga estudyante si Sor Teresa na ngayon ay nakatingin sa kaniya at bakas ang matinding pangamba.

"Sor Teresa, marahil ay kailangan na nating----" hindi na natapos ni Segunda ang sasabihin dahil narinig nila ang pagkalabog ng pinto.

"May mga tao ba riyan?!" Nagulat ang lahat nang marinig ang boses ng isang lalaki. Sunod nilang napansin ang liwanag mula sa labas ng pinto. "Naparito ho kami upang ilikas kayo patungo sa mataas na lugar. Kami'y mga guardia ng pamahalaan," patuloy nito.

Napatigil ang punongmadre sa pagdarasal. Pinapasok na ng tubig ang ikalawang palapag dahilan upang mabasa na ang laylayan ng kanilang mga damit. Nakatingin ang lahat sa kaniya, isang malaking paghamak ang pagpasok sa kumbento subalit sa oras ng pangangailangan ay kinakailangan nilang gawin ang nararapat.

Tumayo ang punongmadre at naglakad patungo sa pinto saka binuksan iyon. Napapikit sila nang maaninag ang liwanag mula sa lampara. Nakasakay sa mga bangka ang mga guardia, "Kailangan niyo na pong lumikas," ulit ng guardia.

Napahinga nang malalim ang punongmadre saka lumingon kay Sor Teresa, "Unahing ilikas ang mga bata at estudyante," saad nito. Animo'y nabuhayan ang lahat, dali-daling tumakbo ang mga estudyanteng madre sa ikatlong palapag upang kunin ang kanilang mga gamit. "Dahan-dahan lang ang inyong paglakad!" paalala ni Sor Teresa ngunit hindi siya marinig ng mga ito dahil sa lakas ng ulan.

Maging si Segunda ay tumakbo rin, agad niyang kinuha ang kaniyang bibliya at balabal. Nagawa niya ring ibulsa ang kaniyang limampung pisong ipon. Nagtakbuhan na pabalik ang mga kasama niya kung kaya't wala na siyang nagawa kundi ang bumalik na rin sa labasan sa takot na maiwan.

Pinapila silang lahat ni Sor Teresa habang isa-isang inakay at isinakay sa bangka. Apat na tao ang kayang isakay sa bangka kasama ang isang piloto at guardia. Nasa dulo na ng pila si Segunda, hindi niya rin sigurado kung ilan ang bangkang naghihintay sa labas dahil hindi nila makita sa lakas ng hampas ng ulan.

Tatlong bangka na ang napuno at naunang umalis. Nasa pang-apat na pila si Segunda. Napapikit siya dahil sa sumasalubong na ulan at liwanag mula sa lampara. Isang palad ang lumahad sa kaniyang tapat, humawak siya sa kamay niyon upang hindi siya mawalan ng balanse pagsakay ng bangka.

Inalalayan siya hanggang sa makaupo sa pinakadulong bahagi ng bangka. Umupo sa likod ang piloto at isinabit sa gilid ng bangka ang lampara, "Puno na. Kami'y mauuna na!" wika ng piloto na napatigil kay Segunda nang makilala ang boses nito.

Gulat siyang lumingon sa likod niya kung saan nakaupo ang lalaking nakangisi. Nakasuot ito ng sumbrerong buri at puting kamiso habang hawak ang sagwan. "Sabi ko naman sa 'yo, susundan kita hanggang impyerno... Hangga't hindi mo ako nababayaran," bulong ni Xavier sabay ngisi. Agad tumingin sa unahan si Segunda sabay takip sa kaniyang tainga. Hindi niya maunawaan kung bakit sa lakas ng bagsak ng ulan ay narinig niya pa ang sinabi nito.

Sumenyas ang guardia na nasa unahan ng bangka sa direksyon na kanilang tatahakin. Buong puwersang isinagwan ni Xavier ang bangka na tila ba madali lang iyon sa kaniya. Napakapit ang mga estudyante sa bangka, hindi naging madali ang kanilang tinahak lalo na't malalakas ang hampas ng hangin at may mga kahoy at gamit na lumulutang sa baha.

Mabuti na lamang dahil malapit lang ang Letran na siyang pinuntahan ng karamihan. Nasa ikaapat na palapag ang mga taong inilikas sa loob ng Intramuros. Nakasara ang lahat ng bintana ngunit maririnig sa loob ang boses ng mga tao lumikas din. Sinalubong ng ilang guardia sa ikalawang palapag ang mga bangkang lulan ang mga madre.

Nang makasampa si Segunda sa ikalawang palapag ay napatabi na lang siya sa gilid at napayakap sa sarili dahil sa sobrang lamig. Mabuti na lang dahil maraming mag-anak ang sumalubong sa mga kasama niya kung kaya't nakalayo siya kay Xavier na sa palagay niya ay hindi agad makakababa ng bangka dahil kailangan pa nilang bumalik muli sa kumbento para ilikas ang mga madre.

Sinubukang libutin ni Segunda ang kaniyang mga mata sa pag-asang makakahanap ng kakilala. Nakapasok na siya sa bulwagan ng ikalawang palapag. May malaking hagdan sa gitna kung saan nakaupo at nagyakap ang mga magkakaanak. Nasa Sariaya na ang kaniyang mga magulang. Sina Jacinto, Socorro, Don Marcelo, at ang asawa nitong si Doña Jimena lang ang kaniyang pamilya.

Hindi makausad si Segunda sa dami ng tao hanggang sa matagpuan niya ang sarili paakyat sa hagdan kasabay ng iba pang dumaraan. Gusto niyang lumuha ngunit hindi niya batid kung bakit walang tubig na lumalabas sa kaniyang mga mata. Animo'y nasa kalagitnaan siya ng isang mahabang panaginip kung saan hindi niya alam kung paano makalabas ng gising.

Napatigil si Segunda nang maramdaman ang kamay na kumapit sa kaniyang braso, marahan siyang hinila nito dahilan upang mapalingon siya sa likod. Laking-gulat niya nang makita si Xavier, ipinatong nito sa kaniya ang isang itim na gabardino dahilan upang mapawi ang lamig na kaniyang nararamdaman.

Halos magpantay ang kanilang mukha dahil nakatungtong si Segunda sa mas mataas na baytang. Isang ngiti ang muling sumilay sa labi ni Xavier habang nakahawak sa butones ng gabardino na nasa katawan ni Segunda.

Kasabay niyon ang isang mapangahas na kilos na ang sinumang makakatunghay ay tiyak na mapapatigil sa kanilang ginagawa. Maging ang mga taong paakyat at pababa ng hagdan ay napatigil at napalingon sa kinaroroonan nilang dalawa.

"Xavier!" Sigaw ni Don Manuel na napahawak sa batok. Maging si Doña Antonio ay napakabig sa hawakan ng hagdanan nang matunghayan mula sa itaas ang paglapit at paghawak nito sa isang babae.

Hindi natinag si Xavier, ni hindi siya lumingon sa pagtawag ng kaniyang ama. Inilapit niya ang kaniyang mukha kay Segunda na halos ikaduling nito. "Ito ang aking sagot sa iyong alok," wika ni Xavier saka dahan-dahang ngumiti muli. Ipinulupot niya ang kaniyang bisig sa baywang ni Segunda at tahasan itong niyakap sa harap ng madla nang walang pag-aalinlangan. 


**************************

#SegundaWP

[Dapat mayroong isang GIF o video rito. I-update na ang app ngayon upang makita ito.]

"Hulyo" by David La Sol

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top