Kabanata 20: Responsibilidad

[Kabanata 20] 

HINDI mapigilan ni Segunda ang pagbalat sa kaniyang daliri habang nasa byahe kasama ang kaniyang ama. Nakasakay sila ngayon sa kalesa patungo sa dormitoryo upang sunduin si Jacinto. "Kumusta ka, anak? Kumusta kayo ng iyong asawa?" tanong ni Don Epifanio na napangiti nang marahan. Lubos siyang nagpapasalamat sa Diyos dahil nagkaasawa ang pangalawa niyang anak na inakala ng lahat na magiging matandang dalaga.

Bukod doon, lubos din siyang maligaya dahil nakatuluyan nito ang isang ginoo na mula sa marangyang pamilya kung kaya't hindi na niya gaano inaalala ang magiging kapalaran nito. Higit din niyang napansin na nagkaroon ng laman ang dating payat na payat na katawan ng anak at naging maaliwalas ang hitsura nito.

"Mabuti naman po, ama. Kayo po?" tugon ni Segunda na nagawa ring ibalik ang tanong sa kaniya.

"Maayos din tulad ng dati. Ilang araw nga lang nalugmok muli ang iyong ina nang umalis na kayong magkakapatid pagkatapos ng kaarawan ni Socorro." Tugon ni Don Epifanio. Ngumiti nang marahan si Segunda, nangungulila rin siya sa kaniyang pamilya, subalit nababatid niya na kailangan niyang lumabas sa lungga upang tumayo mag-isa.

"Hanggang kailan po kayo mananatili rito sa Maynila, ama?" tanong ni Segunda habang patuloy na binabalatan ang kaniyang mga daliri. Ang totoo, may nais siyang banggitin ngunit hindi niya batid kung paano iyon ipapasok sa usapan.

"Ako'y hindi nakasisiguro. Kailangan kong makuha ang kasunduan sa isang negosyo dito sa Maynila. Nawa'y hindi ako abutin ng Pasko rito." Tugon ni Don Epifanio sabay tawa. Tiyak na malulumbay si Doña Marcela kapag magkahiwalay silang magdiriwang ng Pasko.

"Nabanggit ko nga sa iyong ina na marapat na kaming bumili ng lupa't bahay dito sa Maynila upang hindi na kailangan manuluyan ni Jacinto sa dormitoryo. Mag-aaral rin sa kolehiyo sina Agustino at Concordio balangaraw. Nakahihiya na rin makituloy kina Marcelo at Jimena. Wala namang kaso ang tumuloy sa bahay-panuluyan ngunit ayaw ng iyong ina." wika ng Don na sandaling natawa. Hindi nais ni Doña Marcela tumuloy sa mga bahay-panuluyan lalo na't may ang iba ay may mga ilegal na gawain.

Nanlaki ang mga mata ni Segunda nang marinig ang planong sumasagi sa isipan ni Don Epifanio. "Ama, nagsimula na po ba kayo sa paghahanap? Kung sakali, nais niyo po bang tingnan ang lupa at bahay ng pamilya Castillo sa Paco?" tanong ni Segunda. Hindi niya akalain na tadhana na ang gumagawa ng paraan upang mabuksan ang paksa na nais niyang banggitin sa ama.

"Pamilya Castillo? Iyong ma-ari ng Joyería?" tanong ni Don Epifanio.

Umiling si Segunda bilang tugon. Napagtanto niya na maaaring nakalimutan na ng ama ang pamilya Castillo na nagtrabaho sa kanilang hacienda. "Ang pamilya Castillo po na aking tinutukoy ay ang pamilya na nagtrabaho po noon sa ating hacienda. Ang panganay po nilang anak ay naging abogado... at nakapangasawa ng Kastila na anak ng punonghukom sa Corte. Mayroon po silang bahay at lupa sa Paco ngunit sa kasamaang-palad ay naisangla po iyon nang magkasakit ang kaniyang asawa." Wika ni Segunda na tila nahirapan sa pagpapaliwanag lalo na maalala kung gaano katagal siya naghintay kay Romeo. S

"Ah, Oo naalala ko na! Ngayon ko lang nalaman na nakabalik na pala ang anak nila Mang Karding. Nakapag-asawa na pala siya." Wika ni Don Epifanio na napaisip kung kailan niya huling nakita ang pamilya Castillo. "Ano nga ulit ang pangalan niya?" Pilit niyang inaalala ang pangalan ng binatilyong kutsero na ubod ng sipag.

"R-romeo po." Tugon ni Segunda sabay lunok. Napagtanto niya na wala talagang ideya ang kaniyang pamilya sa lihim nilang relasyon noon ni Romeo ayon sa reaksyon ng kaniyang ama.

"Siya nga. Kay sipag ng batang 'yon. Masaya ako na isa na siyang ganap na abogado. Kumusta ang kaniyang asawa?" tanong ni Don Epifanio. Napayuko si Segunda at napatitig sa mga dailiring namamalat.

"Sumakabilang-buhay na po ang kaniyang asawa." Tugon niya dahilan upang sandaling matahimik si Don Epifanio. Natunghayan niya kung gaano kapursigido ang panganay na anak ni Mang Karding. Tinulungan niya rin ito noong mag-aral ng abogasya sa Maynila.

"Kay lungkot naman ng kaniyang sinapit. Hindi ko na siya nakita muli nang magtungo siya sa Espanya. Narito pa ba siya sa Maynila?" tanong ng Don. Tumango si Segunda bilang tugon.

"O'siya, samahan mo ako sa Sabado, puntahan natin ang kanilang tahanan sa Paco." Wika ni Don Epifanio dahilan upang lumaki ang mga mata ni Segunda. "Bibilhin niyo po ang kanilang nakasanglang bahay?" tanong niya dahilan upang saglit na matawa ang Don.

"Susuriin ko muna ang lokasyon at kalagayan ng bahay. Tubusin na natin ang pagkakasangla at bilhin kay Romeo upang may makuha pa siyang salapi kahit papaano. Kapag pasado sa akin, maaaring tirhan na 'yon nina Remedios at Aurelio." Tugon ni Don Epifanio saka napabuntong-hininga.

"Mayroon na akong nais bilhin na bahay sa loob ng Intramuros para sa atin at iyong mga kapatid na lalaki na mag-aaral sa kolehiyo. Itong sinasabi mo na bahay sa Paco, nais kong ibigay kina Remedios at Aurelio upang dito na rin sa Maynila manirahan ang iyong kapatid. Ilang ulit ko na sinasabi sa kanila na tanggapin ang aking alok ngunit tinatanggihan nilang dalawa. Mabuti pang gulatin na lang natin nang sa gayon ay wala na silang magawa." Paliwanag ni Don Epifanio na natawa sa huli niyang sinabi.

Kahit papaano ay napanatag si Segunda dahil mapupunta sa kapatid niya ang tahanan nina Romeo at Catarina. Nakasisiguro rin siya na aalagan ni Aurelio ang bahay lalo pa't matalik niyang kaibigan si Romeo.

"Nauunawaan ko naman ang mga nais niyong patunayan bilang may sariling pamilya. Subalit, hayaan niyong tumulong kami sa inyong pagsisimula. Mas hindi kakayanin ng aking sikmura ang makitang naghihikahos kayo gayong ginawa namin ng iyong ina ang lahat upang lumaki kayo sa maayos na pamumuhay. Kayo'y mga babae, ang inyong mga asawa ang may responsibilidad na buhayin kayo. Anuman ang mangyari, hindi ako papayag na kayong mga anak kong babae ang magdurusa sa mga maling desisyon ng inyong asawa." Saad ni Don Epifanio dahilan upang mapangiti si Segunda.

Hindi niya akalaing makakausap ang ama sa mga ganitong seryosong usapin tungkol sa buhay may asawa. Napapaisip din siya kung ano kaya ang magiging reaksyon nito kung ang isa sa mga anak niyang babae ay kinasal sa lalaking nagmula sa mababang antas ng pamumuhay?

Naniniwala si Segunda na hindi naman matapobre ang kaniyang ama ngunit ang angkan ng pamilya De Avila ay kailanman hindi naugnay sa mga manggagawa o nabibilang sa mababang estado. Ang tiyahin nila na ikinasal noon sa opisyal na nagtatrabaho sa palacio del Gobernador-heneral ay dekada rin bago tinaggap ng kanilang lolo.

Gayunpaman, hinihiling ni Segunda na dumating ang araw kung saan mabuwag ang malaking pader na naghahati sa mundo ng mga mayayaman at mahihirap. Na hind imaging malaking balakid sa pag-ibig ang estado ng buhay ng isang tao.

"Siya nga po pala, ama. Mayroon pa po bang bakanteng trabaho sa hacienda?" tanong ni Segunda. Nais niyang lubus-lubusin na ang paghingi ng pabor sa ama gayong kailanman ay hindi niya naisip na darating siya sa ganitong punto.

"Oo. Kailangan natin ng karagdagang pastol at magsasaka sa oras na makuha ang kasunduan sa bagong negosyo." Tugon ni Don Epifanio saka inobserbahan ang reaksyon ni Segunda. Ito rin ang unang beses na humingi sa kaniya ng pabor ang anak na madalas nakokontento lang sa mga simpleng bagay at tahimik na buhay.

Napalunok si Segunda, bakas ang hiya at pag-aalinlangan sa kaniyang hitsura ngunit kailangan niyang gumawa ng paraan para matulungan ang pamilyang hindi niya nais malugmok sa kahirapan. "Ang pamilya Castillo po ay dumaranas ngayon ng problema. Hindi na po nagtatrabaho si Ro---Ginoong Romeo sa Audencia. May sakit po ang kanilang ina at tumigil po sa pag-aaral si Roman. Ang mga kapatid din po nilang babae ay naudlot ang kasunduang kasal at namasukang kasambahay." Wika ni Segunda na hindi makatingin nang diretso sa ama.

Sandaling napaisip si Don Epifanio, hindi niya matukoy kung sadyang mabuti lang ang loob ni Segunda na tumulong sa mga dating manggagawa ng kanilang hacienda o may iba pang dahilan. "Maaari naman silang bumalik sa ating hacienda. Pag-aaralin ko si Roman. Ilang taon na nga siya?" tanong ng Don.

"Labing-apat na taong gulang po si Roman." Tugon ni Segunda. Nababatid niya na hindi mag-aalinlangan si Don Epifanio tulungan ang pamilya Castillo na naging malaki rin ang ambag sa tagumpay ng hacienda. Iyon nga lang, nahihiya siyang buksan ang usapin noon lalo pa't tiyak na hindi tatanggapin ni Romeo ang alok ng Don noong magkasintahan pa sila.

"Samahan mo ako sa kanila, asikasuhin natin ang pag-aaral ng bata bago ako bumalik sa Sariaya." Wika ni Don Epifanio saka ngumiti nang marahan. "Siya nga pala, ang sabi mo ay wala na si Romeo sa Audencia? Saan na siya ngayon nagtatrabaho?"

Napaisip si Segunda, hindi niya nais maramdaman ng ama na alam na alam niya ang nangyayari sa pamilya Castillo. Ngunit nais niyang sagutin ang mga tanong nito dahil nababatid niyang ang kaniyang ama lang ang maaaring makatulong ngayon sa kanila.

"A-ang alam ko po, propesor siya ni Xavier sa Letran. Nasa mababang hukuman na po yata siya ngayon." Sagot ni Segunda na napalunok dahil hindi niya nais magpanggap sa ama na hindi siya sigurado sa kaniyang mga sagot.

Napatango nang ilang ulit si Don Epifanio sabay ngiti, "Nauunawaan na kita anak, tila ginagawa mo ito upang tulungan ang iyong asawa maging malapit sa kaniyang mga propesor. Maganda nga naman makabuo ng magandang ugnayan ang iyong asawa sa mga ganap ng abogado." Wika ni Don Epifanio sabay ngiti, sa isip niya, nais ni Segunda maging mabango ang pangalan ni Xavier kay Romeo upang matulungan nito si Xavier sa trabaho balangaraw.

"Bueno, si Romeo na rin ang kukunin kong katiwala ng ating mga dokumento at buwis. Naghahanap ako ngayon ng abogadong maaari kong pagkatiwalaan. Mabuti na lang at pinaalala mo sa akin ang pamilya Castillo." Wika ng Don dahilan upang saglit na mapatulala si Segunda. Nababatid niya na hindi biro ang pagpapasahod ng kaniyang ama sa mga personal nitong abogado at nangangasiwa sa mga legal na dokumento. Tiyak na makakatulong iyon kay Romeo lalo na sa pagpapagamot sa ina nitong may sakit.

Napabuntong-hininga si Don Epifanio sabay tingin sa bintana ng kalesa, "Hindi ko maasahan si Aurelio, pakiramdam ko ay umiiwas sa siya sa akin. Pinagtatakpan naman siya ng iyong ate. Kapag nakausap mo si Remedios, nawa'y alamin mo kung bakit naglilihim at lumalayo silang dalawa sa ating pamilya." Wika ng Don dahilan upang magtaka si Segunda. Ramdam din niya ang mabigat na paghinga ng ama na tila may dinadala itong alalahanin.

"Hindi ko rin maasahan si Jacinto, pinakita sa 'kin ni Jimena ang mga grado ng batang 'yon. Sumasakit ang aking ulo." Wika ng Don sabay himas sa kaniyang sentido. "Si Agustino naman, ayaw mag-aral dito sa Maynila. Ilang taon na lang ay papasok na rin siya sa kolehiyo, hindi ko maunawaan kung ano bang nais niyang gawin."

"Si Feliciano na siyang pag-asa ko ay hayun nasa Europa at bihira lang tumugon sa liham. Nag-aalala nga ang iyong ina dahil baka mag-asawa na ang kapatid mong 'yon doon." Dagdag ng Don na tila guminhawa ang pakiramdam nang maibahagi kay Segunda ang kaniyang pag-aalala.

Tumingin si Don Epifanio kay Segunda, "Ang iyong asawa, kumusta naman ang kaniyang pag-aaral?" tanong nito dahilan upang mapalunok na lang din si Segunda. Ang totoo wala siyang ideya sa estado ng mga grado ni Xavier ngunit umaasa siya na nakatutulong ang pagdalo nito sa mga lektura ni Jose sa dormitoryo.

"M-mabuti naman po." Tugon ni Segunda, nagulat siya sa sarili dahil nagawa niyang magsinunggaling para kay Xavier.

Tumango nang ilang ulit si Don Epifanio, "Mabuti. Nawa'y pagbutihin niya ang kaniyang pag-aaral. Sa oras na siya'y makapagtapos ay ipagkakatiwala ko sa kaniya ang mga dokumento at hacienda kung sakali." Saad ng Don dahilan upang lumaki muli ang mga mata ni Segunda sa gulat.

"Susubukan ko muna kung kakayanin ng iyong asawa. Wala na akong tiwala kay Aurelio. Kung ngayon pa lang ay hindi na siya nakikinig sa akin, paano ko ipagkakatiwala sa kaniya ang lahat? Nais kong makita ang kakayahan ni Xavier, napahanga naman niya ako sa kung paano siya makisama sa mga opsiyal at kawani ng Sariaya. Hindi mahirap sa kaniya ang makuha ang loob ng mga ito, katangian na dapat tinataglay ng isang negosyante." Paliwanag ng Don saka ngumiti kay Segunda.

Ilang segundong hindi nakapagsalita si Segunda. Bukod sa inalok sa kanila ni lolo Manuel ang hacienda Sanchez sa Batangas. Maaaring ipagkatiwala rin sa kanila ni Don Epifanio ang hacienda De Avila sa Sariaya. Ang lahat ng ito ay posibleng mangyari nang dahil sa pagkukunwari nila ni Xavier bilang mag-asawa.


ALAS-SINGKO ng hapon nang marating nila ang dormitoryo. "M-may sakit daw po si Señor Jacinto." Tugon ni Emmanuel na nakasilip lang sa uwang ng pinto. Napalunok din siya nang makita si Don Epifanio na nakatayo sa likod ni Segunda.

Napataas ang kilay ni Don Epifanio saka naglakad papalapit sa pinto. "Paraanin mo ako, hijo." Wika ng Don dahilan upang agad buksan ni Emmanuel nang malaki ang pinto. Tumambad ang mga estudyanteng nagkakantahan sa salas. Naglalaro naman ng baraha at ahedres ang iba sa mesa ng hapag-kainan.

Napatigil ang lahat nang makita si Don Epifanio na ilang buwan lang ang nakalilipas ay pinagalitan si Jacinto sa dormitoryo nang mapagtanto na ilang araw na itong hindi pumapasok dahil nasangkot sa gulo.

Dire-diretsong umakyat si Don Epifanio sa ikalawang palapag. Nababatid niya ang silid na tinutuluyan ng anak. Napapatabi ang mga estudyante sa pasilyo, ang ilan ay nakatapis pa ng tuwalya patungo sa palikuran.

Hindi na kumatok si Don Epifanio, agad niyang binuksan ang pinto. Naabutan niyang nakahiga si Jacinto sa kama at balot na balot ng kumot. May panyo pang nakapatong sa noo nito. Napahinga nang malalim si Don Epifanio saka napapamewang habang nakatitig sa matamlay na hitsura ng anak.

"A-ama." Panimula ni Jacinto gamit ang boses na tila nanghihina saka napaubo.

"Bumangon ka riyan." Wika ng Don na seryosong nakatingin sa anak. Napatingin si Don Epifanio sa mga gamit ng anak na nakakalat sa sahig. Nakatambak din ang mga libro sa mesa na may bahid na ng alikabok, senyales na hindi niya ito binubuksan upang basahin.

"M-masama po ang aking pakiramdam..." Saad ni Jacinto na muling napaubo nang ilang ulit. Napapikit si Don Epifanio sabay hawak sa kaniyang sentido. Matagal na niyang kilala ang anak, hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nagbabago sa mga dating nakagawiang palusot.

"Babangon ka riyan o kakaladkarin kita palabas?" saad ng Don dahilan upang awtomatikong bumangon si Jacinto. Animo'y bumalik sa kaniyang alaala ang kahihiyan kung saan piningot ng ama ang kaniyang tainga at hinila palabas ng dormitoryo.

"Ama, pakiusap. Anuman ang inyong nalaman, huwag na huwag niyo po akong ipagkasundo---" hindi na natapos ni Jacinto ang sasabihin dahil kinuha ni Don Epifanio ang mga libro sa mesa saka pinahawak kay Jacinto. Munting pang mabahing si Jacinto dahil sa mga alikabok mula sa libro.

"Dalhin mo lahat 'yan. Sumunod ka sa akin hangga't may pasensiya pa ako sa 'yo." Buwelta ng Don saka binuksan ang pinto. Napapikit na lang si Jacinto sabay bangon habang yakap ang mga libro. Nagkunwari pa siyang umubo ngunit nang lumingon sa kaniya si Don Epifanio ay napalunok na lang siya saka tumayo nang maayos.


DIRETSO ang tingin ni Monica sa gusali ng Letran habang hinihintay ang paglabas ng mga estudyante. Nakasakay siya sa kalesa na nakaparada ilang metro ang layo. Bumabalik ang alaala ng nakaraan, ang araw kung saan nakilala niya si Xavier.

Buwan ng Nobyembre noong nakaraang taon nang una silang magkita. Dumalo sina Don Manuel, Doña Antonia at Xavier sa kaniyang ika-labing siyam na kaarawan. Ang kanilang mga ama ay malapit na magkaibigan lalo na't nagmamay-ari rin ng malaking lupain ang pamilya Sanchez sa Leyte.

Madalas na niyang makita ang magkakapatid na Sanchez noon lalo na ang bunso na nagngangalang Manuelito Xavier Sanchez. Kailanman ay hindi sila nagkaroon ng interaskyon at hindi rin siya interesado.

Ngunit nang araw na iyon, pagbaba ng pamilya Sanchez sa kales ana nagkataong nagawi sa Leyte ay tila bumagal ang kaniyang mundo nang makita ang matangkad na binata na nagtataglay ng pambihirang karisma at magandang tindig.

Napagtanto ni Monica na iyon ang batang lalaki na madalas sinasama nina Don Manuel at Doña Antonia sa mga pagdiriwang. Napatulala na lamang siya nang lumapit ang mag-anak na Sanchez sa kanila upang bumati at ibigay ang kanilang regalo.

Isang ngiti at pagbati mula kay Xavier ay tuluyang nagpatunaw sa kaniyang puso. Para kay Monica, iyon na ang pinakamagandang regalo na natanggap niya sa araw na iyon. Hindi natapos ang pagdiriwang nang hindi sila nakapag-usap. Abala siya sa pagkain kasama ang mga pinsang babae nang lumapit si Xavier.

Nag-usap sila sa azotea kasama ang tagapagsilbi ni Monica. Maraming mga hirit at papuri si Xavier na tila ba sanay ito makipag-usap sa babae. Gayunpaman, aminado si Monica na hinahangaan niya ang mga lalaking malakas ang loob at may kumpyansa sa sarili.

Ang kanilang pag-uusap ay inabot ng oras dahil nagagawa niyang tumugon sa mga ikinukuwento ng binata. Si Monica ay mahusay sa literature at musika. Marami rin siyang nalalaman lalo na sa mga magagandang lugar sa Europa. Maging siya ay kumpyansa rin na nababatid niya ang mga kinukuwento ni Xavier na madalas ay may kabulaanan. Natatawa na lamang siya at hinahayaan ang mga sinasabi nito.

Bago matapos ang pagdiriwang, ipinagtapat sa kaniya ni Xavier na nais siya nitong ligawan. Bagay na inaasahan na rin niya lalo pa't karamihan sa mga binatang nagtangkang lumapit sa kaniya ay ganoon ang intensyon. Ang kakaiba lamang, sinabi agad ni Xavier ang kaniyang intensyon at hindi na siya pinag-isip pa ng ilang araw.

Dalawang linggong nanatili ang pamilya Sanchez sa Leyte, nagawa siyang ligawan ni Xavier at paulanan ng mga bulaklak at alahas. Naglalakad din sila sa malalawak na palayan kasama ang mga katiwala.

Higit niyang hinahangaan kay Xavier ang pagiging palangiti nito at mga kuwentong hindi niya matarok. Para kay Monica, nais niyang makatuluyan ang isang tao na kayang-kaya niya ipagmalaki sa lahat. Si Xavier ay matangkad, maganda ang hitsura at tindig, nagmula sa marangyang pamilya, nag-aaral ng abogasya, at malakas ang loob.

Hindi lubos maunawaan ni Monica ang mga sinasabi ni Xavier habang iniisip ang kanilang kapalaran balang araw sakaling maging isa siyang Sanchez. Hindi na siya makapaghintay tumira sa Maynila at ipagmalaki sa lahat ng kaniyang kaibigan na matagumpay siyang nakapangasawa.

Para kay Monica, wala nang hihigit pa kay Xavier na maaari niyang ipagmalaki habambuhay. Buong buhay niya ay hinahangaan siya ng lahat, hindi niya nais biguin ang mga tao sa paligid at madismaya ang mga ito na mapupunta lang siya sa isang lalaki na hindi kayang pumantay sa kaniya.

Ang kanilang relasyon sa loob ng ilang buwan ay umikot lamang sa palitan ng liham dahil kailangan bumalik ni Xavier sa Maynila upang ipagpatuloy ang pag-aaral. Bihira lang din ito makatugon sa mga liham at nauunawaan iyon ni Monica. Nagagawa niya ring puksain sa kaniyang isipan ang mga naririnig niyang usapin tungkol sa pagkakaroon ni Xavier ng ibang kasintahan sa ibang nayon.

Naniniwala si Monica na siya pa rin ang pipiliin ni Xavier dahil siya ang higit na marikit at nagmula sa pamilyang kayang pumantay sa pamilyang kinabibilangan nito. Isa-isa niyang inalam ang mga babaeng naugnay sa buhay ni Xavier, natatawa na lang siya sa tuwing mapagtatanto na wala itong laban sa kaniya.

Bukod sa angking ganda, talino, at talento. Si Monica Villaflor ay kilala ring lider ng mga kababaihan sa kanilang bayan. Kasama ang iba pang mga dalaga ay mahilig silang magsama-sama upang magbasa, magburda, at magkuwentuhan. Madalas nilang pag-usapan ang ibang mga babae at husgahan ang mga desisyon nito sa buhay.

Sa tuwing isinasama si Monica ng kaniyang ama o mga tiyuhin sa Maynila ay madalas niyang pinupuntahan si Xavier sa tahanan ng pamilya Sanchez dahilan upang malaman ni Doña Antonia ang namamagitan sa kanila. Namamasyal lang sila ni Xavier sa teatro o plaza Roma kasama ang kaniyang tagapagsilbi.

Hanggang sa maimbitahan ang kanilang pamilya sa kaarawan ng gobernador-heneral, nakilala ni Monica ang pamangkin ng gobernador-heneral na si Señor Juno Mariano. Kararating lang nito sa bansa at siyang bagong heneral na nadestino sa Leyte.

Naging maganda rin ang daloy ng kanilang pag-uusap lalo na't kayang-kaya sagutin ni Monica ang iba't ibang usapin dahilan upang humanga sa kaniya si Juno. Makalipas ang ilang araw, nabalitaan ni Monica na nagkasakit ang kaniyang ama, kailangan nilang magtungo sa Qing kung saan naroroon ang mga gamot at doktor na pinagkakatiwalaan nito.

Nang araw na iyon, nagtapat din si Juno ng kaniyang paghanga at ipinagpaalam siya sa kaniyang ama. Agad ibinigay ni Don Fuente Villaflor ang kaniyang basbas at ipinagkasundo ang unica hija sa pamangkin ng gobernador-heneral sa takot na anumang oras ay may mangyaring masama sa kaniya.

Ilang araw pinag-isipan ni Monica ang desisyon ng ama, hindi niya maitatanggi na maganda ang alok na kasal ni Juno, idagdag pa na nagmula ito sa marangyang pamilya sa Espanya. Naroon din ang posibilidad na sa mga susunod na taon, maaaring mahalal na gobernador-heneral si Juno sa lakas ng kapit nito at kung tataas pa ang ranggo nito.

Iyon nga lang, aminado si Monica na malayong-malayo ang hitsura ni Xavier kay Juno. Ibang-iba rin ang karisma at ligayang nadarama niya sa tuwing kausap ito. Bago sila sumakay ng barko ng kaniyang ama at tiya patungo sa Qing, nagpadala siya ng liham kay Xavier upang sabihing mawawala siya ng ilang buwan at maaaring hindi na rin sila magkita dahil nakatakda na siyang ikasal kay Juno Mariano.

Ang liham na iyon ay natanggap ni Xavier habang naglalaro sila ng ahedres sa dormitoryo. Hindi niya pa agad binasa ang liham dahil nais niyang matapos ang laban nila ni Jose na may kalakip na pustahan na nagkakahalaga ng dalawampung piso.

Naas kalagitnaan sila ng laban nang lumapit si Emmanuel upang sabihing may bisita siya, "Mamaya na kamo." Saad ni Xavier na nag-iisip habang nakatitig sa puwesto ng mga pain. Mahusay siya sa larong ahedres ngunit bihira niya lang laruin iyon dahil natatagalan siya sa laban. Bukod doon, si Jose lang ang nakikita niyang makabuluhan na katunggali sa ahedres dahil karamihan sa kaniyang mga naging kalaro ay natatalo agad.

"Señor, si Heneral Juno Mariano ho ang naghihintay sa inyo sa labas." Patuloy ni Emmanuel dahilan upang mapatingin ang lahat sa binatilyong katiwala ng dormitoryo.

"Sino 'yon?" tanong ni Xavier, maging ang kaniyang mga kaibigan na nakaabang sa laban at ilang estudyanteng kasama sa dormitoryo ay walang ideya.

"Ang heneral po na pamangkin ng gobenador-heneral." Tugon ni Emmanuel. Napatikhim si Xavier nang mapagtanto na maaaring may kinalaman iyon sa mga gulong kinasangkutan niya o ang lihim na pasugalan na pinupuntahan nila sa gabi.

"Bakit niya ako gustong kausapin?" tanong ni Xavier. Napakibit-balikat si Emmanuel bilang tugon, "Hindi ko po batid, Señor." Tugon ng binatilyo.

Napakamot na lang sa ulo si Xavier saka tumayo, ang totoo pakiramdam niya matatalo na siya ni Jose kung kaya't siya na unang umalis sa laban. "Ituloy na lang natin, Amigo." Wika ni Xavier kay Jose na natawa na lang sabay iling. Kinuha niya ang dalawampung piso na iniwan ni Xavier senyales na alam nitong talo siya.

Nang makalabas si Xavier, tumambad sa kaniyang harapan ang isang matangkad na lalaki suot ang uniporme ng heneral na may maraming medalya. Nakasakay ito sa kabayo habang nakatingin sa kaniya na tila mas nakatataas ito.

Isinuksok ni Xavier ang kaniyang kamay sa bulsa habang hinihintay ang pakay ng bisita. "¿Eres Manuelito Xavier Sánchez?" (Are you Manuelito Xavier Sanchez?) tanong ng heneral. Tumango si Xavier bilang tugon saka tiningnan ang heneral mula ulo hanggang paa nang makababa ito sa kabayo.

"Directo al grano, ¿Mónica te dijo que ya estamos comprometidos?" (Straight to the point, did Monica tell you that we are already engaged?) tanong ni Juno dahilan upang magtaka ang hitsura ni Xavier sabay dukot sa liham na inabot sa kaniya ni Emmanuel kanina.

"Espera un momento." (Wait a minute.) Wika ni Xavier saka binuklat ang liham upang basahin iyon. Maikli lang ang liham, ito ay direkta rin sa punto.

Tumango ng ilang ulit si Xavier matapos basahin ang liham saka binalik sa kaniyang bulsa, "Lo hizo. Está escrito aquí." (She did. It's written here.) tugon ni Xavier sabay tingin sa heneral. Sinuring mabuti ni Juno ang reaksyon ni Xavier, tila walang bakas ng lungkot, gulat, o galit ang hitsura nito.

"¿Y estás de acuerdo con eso? Ahora está comprometida conmigo." (And you're alright with that? She's engaged to me now.) tanong ni Juno na hindi makapaniwala sa reaksyon ni Xavier. Umasa siya na magagalit ito at maghahamon ng duelo kung kaya't nagbaon siya ng dalawang espada.

"Sí. Como si pudiera hacer algo. Si estás comprometido, que así sea." (Yes. As if I can do something. If you're engaged, so be it.) tugon ni Xavier saka napakibit-balikat. Nababagot na siya sa usapan at nakakaramdam ng pagkairita dahil iniwan niya ang ahedres at natalo sa pustahan nang dahil lang sa walang kuwentang tanong ng bisita na hindi naman din niya kilala.

Sandaling tinitigan ni Juno si Xavier, sinusuri niya ang reaksyon nito ngunit sa huli ay tumango na lang din siya saka nakipag-kamay sa binata, "Le agradezco que sea un caballero. No todos los hombres podían aceptar una derrota como esta." (I appreciate you being a gentleman. Not all men could accept defeat like this.) Wika ni Juno habang mahigpit na hawak ang kaniyang kamay.

Nagpintig ang tainga ni Xavier nang marinig ang sinabi nito. Siya na hindi tumatanggap ng pagkatalo kailanman ay sinabihang talo ng kausap. Sarkastikong natawa si Xavier, "¿Derrota? Te equivocas. Elijo mis batallas, esta situación de compromiso tuya es algo en lo que no tengo la intención de involucrarme. No vale la pena." (Defeat? You're wrong. I choose my battles, this engagement situation of yours is something I don't intend to involve myself. It's not worth it.) Tugon ni Xavier na nagawa pang ngumisi dahilan upang maging seryoso lalo si Juno.

Napatunayan ni Juno na tama nga ang imbestigasyon ng kaniyang pinalikom, ang kasintahan ni Monica ay kilalang babaero at nasasangkot sa iba't ibang gulo. "Si no tienes nada que decir, me voy." (If you don't have anything to say, I'll be leaving.) Saad ni Xavier sabay talikod at akmang papasok na muli sa loob ng dormitoryo ngunit biglang hinawakan ni Juno ang balikat niya saka siya sinuntok sa mukha.

"Eres un gilipollas!" (You're such an asshole!) sigaw ni Juno sabay tulak kay Xavier.

"Putangina mo!" sigaw ni Xavier na hindi rin nagpatalo at dinaganan si Juno. Pinaulanan niya ito ng suntok ngunit mas mabilis at maagap ang heneral na agad siyang dinaganan sa lupa. Napatigil ang mga taong naglalakad sa kalsada. Nagtakbuhan din palabas ang mga estudyante, ang ilan ay dumungaw pa sa bintana.

Agad tinulungan nina Jose, Tito, Pedro, at Julio si Xavier na dehado sa heneral na bihasa sa laban. Nagsisigawan at nagmumurahan ang dalawa. Ang eksenang iyon ay naging usap-usapan ng ilang araw hanggang sa mapalitan ng isa na namang gulong kinasangkutan ni Xavier nang makaaway ang negosyanteng natalo sa sugal.

Ang engkwentro nina Xavier at Juno ay nakarating din kay Monica pagbalik niya sa Maynila dahilan upang mas lalong lumakas ang kaniyang kumpyansa na siya pa rin ang nasa puso ni Xavier. Nakipagsuntukan ito kay Juno upang ipaglaban ang kanilang pagmamahalan bago ito ipagkasundong ipakasal sa pamilya De Avila.

Natauhan si Monica nang makita si Xavier kasama ang grupo na kalalabas lang ng Letran. Inutusan niya ang kutsero na ilapit ang kalesa at tumigil sa tapat ng magkakaibigan. Inalalayan si Monica ng kaniyang tagapagsilbi pababa ng kalesa. Nanlaki ang mga mata nina Tito, Julio, at Pedro nang makita siya. Ngayon na lang din niya muli nakita ang mga kaibigan ni Xavier.

Nagbigay-galang si Monica sa mga kaibigan ni Xavier bago tumingin sa dating kasintahan, "Nais sana kitang makausap, kahit sandali, Xavier." Wika ni Monica. Nakalugay ang mahaba nitong buhok na napapalamutian ng bulaklak. Kulay kahel ang suot nitong baro't saya na bumabagay sa papalubog na araw.

Napakamot sa kilay si Xavier, "Paumanhin ngunit kailangan ko na umuwi," Saad ni Xavier saka nagpatuloy sa paglalakad. Napahigpit ang hawak ni Monica sa kaniyang saya.

"Nalalaman ko ang iyong lihim," Wika ni Monica. Hindi siya naghintay ng ilang oras at nanatili ng ilang araw sa Maynila nang hindi niya makukuha ang kaniyang gusto. Dahan-dahang lumingon si Xavier saka seryosong siyang tiningnan.

Napatakip ng bibig si Julio. Napanganga naman si Tito. Muntik na mabitiwan ni Pedro ang mga hawak na libro. Napakurap naman si Jose. "Hindi ako aalis dito hangga't hindi mo ako kinakausap." Patuloy ni Monica. Napatingala na lang sa langit si Xavier saka napapamewang na madalas nitong ginagawa sa tuwing pilit pinapakalma ang sarili kapag unti-unti nang nauubos ang kaniyang pasensiya.

Nakatayo sina Monica at Xavier sa dulo ng plaza Roma kung saan walang gaanong tao. Napapalibutan ito ng mga puno at nakaharang din ang kalesa. Apat na hakbang ang layo nila sa isa't isa habang nakasandal naman sa kalesa ang tagapigsilbi ni Monica bilang bantay.

Ilang ulit napapahawak si Xavier sa kaniyang sentido habang tinatanaw sa mahabang upuan sa plaza kung saan nakaupo ang mga kaibigan niya na kunwaring nagbabasa ng mga libro ngunit nahuhuli niya itong nagbubulungan at sumusulyap sa kanila.

"Aking nabalitaan na ipinagkasundo lang kayo ng inyong mga magulang." Panimula ni Monica na nakaharap ka Xavier. Nakatingin naman si Xavier sa plaza. Bakas ang pagkairita sa kaniyang hitsura lalo pa't nagkukunwaring abala ang mga kaibigan niya.

"Kasintahan ko siya." Tugon ni Xavier habang nilalaro ang paa sa pagkabagot. Hindi dapat siya sasama ngunit nababatid niyang gagawin talaga ni Monica ang sinabi nito na hindi aalis sa tapat ng paaralan hangga't hindi siya pumapayag makipag-usap.

"Ilang buwan? Kakaalis ko lamang at naging kayo na?" Tanong ni Monica na sarkastikong natawa.

"Mahalaga pa ba 'yon? Kasal na kami." Wika ni Xavier sabay pakita kay Monica ng suot niyang singsing sa daliri. Nawala ang ngiti ni Monica, napalitan nang pagkayamot at inis. Hindi siya makapaniwala na harap-harapang pinapamukha ni Xavier na wala na sila.

"Ganoon ka kabilis naghanap ng ipapalit sa akin? Desperado kang tunay." Wika ni Monica, buong buhay niya hindi siya nakiusap. Hinahabol siya ng lahat ng kalalakihan, nireregaluhan ng mga kababaihan, pinupuri ng mga nakatatanda, at hinahangaan ng mga bata.

Napataas ang kilay ni Xavier, "Ano bang nais mong sabihin? Kailangan na namin umuwi." saad ni Xavier sabay tingin sa mga kaibigan niyang halos walang kurap na nakatingin sa kanila at pilit na pinapakinggan ang kanilang pag-uusap.

"Aking naulinigan na may dating kasintahan si Segunda, pumasok pala siya sa kumbento ngunit gabi-gabi siyang tinatanaw ng lalaki sa labas." Saad ni Monica dahilan upang mapakunot ang noo ni Xavier.

Humarap siya kay Monica sabay suksok ng kamay sa bulsa, "Ako 'yon. Ako ang pumupunta sa labas ng kumbento gabi-gabi." Kumpyansang saad ni Xavier, naalala niya ang inis na nararamdaman niya noong mga gabing iyon dahil hindi siya sinisipot ni Segunda upang magbayad ng utang.

"Abogado raw 'yong lalaki." Saad ni Monica dahilan para mapataas ang kilay ni Xavier.

"Abogasya ang aking kurso." Saad ni Xavier saka sandaling napaisip. Naalala niya si Romeo na kilalang abogado sa Audencia. Kung nagawa ring mag-abang ni Romeo sa labas ng kumbento noon, nakasisiguro siya na si Romeo nga iyon.

"Monica, ano bang nais mong iparating?" tanong ni Xavier na bakas ang pagkairita. Pumipintig na naman ang tainga sa katotohanang maaaring umaaligid nga si Romeo sa kumbento noon.

"Na ikaw ay isang malaking hibang. Na pinapaniwala mo ang sarili mo na mahal mo siya gayong hindi mo pa rin matanggap na pinili kong unahin ang aking ama at sundin ang kasunduang nais niya." diretsong saad ni Monica na nanlilisik ang mga mata.

Sandaling hindi nakapagsalita si Xavier, hindi siya makapaniwala na iyon ang tumatakbo sa isip ni Monica. Napakamot si Xavier sa kaniyang kilay, "Saan mo naman narinig 'yan?" tanong ni Xavier saka napapamewang.

Napatayo si Julio dahil sa tensyon na napapanood sa dalawa. Agad pinatong ni Jose ang kamay niya sa ulo ni Julio upang paupuin ito. "Magbasa ka." Utos ni Jose na pilit pinapabasa ang mga kaibigan dahil nag-aaral na sila dapat ngayon sa dormitoryo. Nagdesisyon si Jose na huwag iwan si Xavier dahil baka hindi ito tumuloy sa lektura.

Umiwas ng tingin si Monica, nararamdaman niya na hindi talaga matanggap ni Xavier ang nangyari sa kanila kung kaya't galit ito sa kaniya. Idagdag pa ang nalaman niyang impormasyon mula sa kaniyang pinsan na si Demetrio. Hindi na napigilan ni Monica ang pagpatak ng kaniyang mga luha, magkahalong galit, pagkayamot, lungkot, at pagsisisi ang sumasabog sa kaniyang damdamin.

"S-sabihin mo lang sa akin na ako pa rin ang iyong mahal. Handa akong maging pangalawa. Walang kaso iyon sa akin. Walang problema kung nais mong ilihim ang tungkol sa ating dalawa. Maaari mo akong bisitahin paminsan-minsan. Kapag ikaw ay nalulumbay at nayayamot sa iyong asawa, handa kitang yakapin at saluhin anumang oras." Saad ni Monica na sa unang pagkakataon ay nagawang magmakaawa. Nanginginig ang kaniyang buong katawan, labag man sa loob niya na magpakumbaba ngunit mas hindi niya kakayaning tuluyan na siyang makalimutan ni Xavier.

Napayuko si Xavier saka humarap sa plaza, ilang segundong naghari ang katahimikan. Animo'y pinag-iisipan nitong mabuti ang mga bibitiwang salita. "Monica, anuman ang pinagsamahan natin. Anuman ang mga pangako at sinabi ko sa 'yo, at mga naging pagkakamali ko sa 'yo noon. Patawarin mo ako..." Wika ni Xavier saka tumingin nang diretso sa mga mata ni Monica. "Patawarin mo rin ako dahil hindi ako sang-ayon sa gusto mo. Napagtanto ko na hindi dapat ginagawang laro ang pag-ibig dahil ikaw ang babalikan nito. Pasensiya na dahil hindi na ako ang dating Xavier na nakilala mo." Patuloy ni Xavier na tumango nang marahan bilang paalam saka nagsimulang humakbang papalayo.

"Pinutol ko ang kasunduan kay Juno dahil sa 'yo! Hinayaan kong mag-isa ang aking ama sa Leyte para sa 'yo!" sigaw ni Monica dahilan upang mapatigil si Xavier. Naistatwa din sa gulat ang mga kaibigan niya na narinig mula sa malayo ang sigaw ni Monica.

Dahan-dahang lumingon si Xavier, animo'y hinahabol siya ng kaniyang konsensiya. Aminado siya na kasalanan din niya kung bakit umasa si Monica. Puro pangako, mabulaklak na salita, at pagpapakitang-gilas ang ipinaramdam niya sa dalaga at sa pamilya nito.

Napabuntong-hininga si Xavier, "Mamahalin at aalagaan ka ni Juno, siguradong maiintindihan ka niya. Hinihintay ka na rin ng iyong ama kung kaya't umuwi ka na sa Leyte." Saad ni Xavier gamit ang mahinahong boses. Hindi niya nais sisihin si Monica sa mga naging desisyon nito dahil aminado siya na nagkasala rin siya sa dating kasintahan.

Nagpatuloy na sa paglalakad si Xavier, tumayo sina Jose, Tito, at Julio na naunang naglakad na parang walang nangyari. Tinapik ni Xavier ang balikat ni Pedro na naiwan sa upuan at nagpatuloy sa pagbabasa ng kunwari.


MADILIM nang makauwi si Xavier, bumagal ang lakad niya pagtuntong sa azotea dahil madalas ay nasindihan na ni Segunda ang mga lampara. Sandali siyang nag-alala dahil baka hindi pa nakakauwi si Segunda.

Pagbukas niya ng pinto, napatigil siya nang tumambad sa kaniyang harapan si Jacinto na nakaluhod sa sahig habang nagbabasa ng libro. Napalunok si Xavier nang makita si Don Epifanio na nakaupo sa silya habang hawak ang baston.

Nakasilip naman si Segunda sa kusina habang yakap si Chocó na biglang naging aktibo nang makita siya. Nabitiwan ni Segunda si Chocó na agad lumundag upang salubungin si Xavier. "M-magandang gabi po... Ama." Panimula ni Xavier na agad nagbigay-galang. Animo'y nanghina ang kaniyang tuhod nang ilabas ni Don Epifanio ang isang papel na naglalaman ng kaniyang mga grado.

"Sa siyamnapu't isang mag-aaral ng ikaapat na taon, ikaw ang ika-siyamnapu't isa, Xavier." wika ng Don saka inilapag ang dokumento sa mesa. Agad tinakpan ni Jacinto ang kaniyang bibig upang pigilan ang kaniyang pagtawa. Higit isang daan silang estudyante sa ikalawang taon, kahit papaano ay nagpapasalamat siya dahil siya'y nasa ika-walong siyam.

Agad lumuhod si Xavier sa sahig, "Patawad, Ama. Pangako, ako po'y babawi. Kasalukuyan kaming tinutulungan ng aking kaibigan sa darating na pagsusulit." Saad ni Xavier habang nakayuko. Hindi niya nais madismaya si Don Epifanio na malaki ang tiwala at suporta sa kaniya. Nagawa rin siya nitong salubungin sa pamilya De Avila nang buong puso.

"Hindi ko ugali ang makialam sa buhay may asawa. Ngunit ibang usapan ang sitwasyon niyo ni Segunda sapagkat ikaw ay nag-aaral pa. Pinagbigyan ko kayong makasal nang maaga ni Segunda subalit kailangan mong maging responsable sa inyong dalawa at sa inyong magiging pamilya. Ikaw ang aasahan ng aking anak, ano ang mangyayari sa inyong dalawa kung hindi mo pagbubutihin ang iyong pag-aaral at kinabukasan?" tanong ng Don na bakas ang matinding pagkadismaya. Nanlumo siya nang makita ang grado ni Xavier, idagdag pa ang mga palakol na grado ni Jacinto. Apat na asignatura ang ibinagsak ni Jacinto, tatlo naman ang kaniyang ipinasa. Samantala, halos lahat ng asignatura ay ibinigsak ni Xavier.

"Tumigil ka riyan, Cintong." Suway ni Don Epifanio sa anak dahil pilit nitong pinipigilan ang tawa at dinidilaan si Xavier upang asarin. Parehas silang nakaluhod sa sahig. Nakayuko naman si Xavier na tila binagsakan ng langit dahil hindi niya nais mawalan ng gana sa kaniya si Don Epifanio.

Napabuntong-hininga ang Don, napagtanto niya sa sarili na hindi na niya papayagan ikasal ang mga anak niyang babae sa lalaking hindi pa nag-aaral pa kahit pa nagmula ito sa marangyang pamilya. "Bilang iyong ama na rin ayon sa batas at simbahan, pakinggan mo ang aking payo, Xavier. Ikaw ay may sarili ng pamilya, bilang padre de pamilya, mahalaga na makita sa 'yo ang pagsusumikap at kakayahang buhayin ang iyong asawa'y magiging anak. Aanhin ang mana kung hindi mo rin ito kayang pamahalaan nang maayos."

"Ang pag-aaral ay daan upang marami kang taglaying kaalaman. Magagamit mo rin ito upang kumita nang mas malaki. Hindi dahil sa marami kang mamanahin ay magiging kampante na kayo habambuhay. Hindi natin nalalaman ang mangyayari sa hinaharap, madaling maubos ang salapi. Ang mana ay dapat maging puhunan o ipon. Hindi niyo dapat gamitin iyon bilang pondo para sa araw-araw na gastusin dahil mauubos 'yan. Nais kong mag-aral ka nang mabuti para sa iyong sarili at para sa kinabukasan niyo ni Segunda." payo ni Don Epifanio habang nakatingin nang diretso kay Xavier.

Tumango-tango nang marahan si Xavier, "Nauunawaan ko po, Ama." Tugon niya na buong pusong tinatanggap ang kaniyang pagkakamali at pangaral ni Don Epifanio. Ngayon ay desidido siyang ayusin ang kaniyang pag-aaral at hindi na niya muling bibiguin ang ama.

Sumandal ang Don sa silya saka nag-isip sandali, "Mula ngayon, hindi kayo maaaring magtabi ni Segunda. Matutulog kayo sa hiwalay na kama. Hindi ko muna kayo pahihintulutan magkaroon ng anak hangga't hindi ka nakakatapos sa pag-aaral at magkaroon nang maayos na trabaho." Saad ng Don, tumango si Xavier sabay tingin kay Segunda na nakasilip sa kusina.

Tumayo si Don Epifanio, "Kayong dalawa, hindi kayo tatayo riyan hangga't hindi niyo naisasaulo ang limang batas." Wika ng Don sabay abot kay Xavier ng isa pang libro. "Ama, wala pa naman po kaming asignatura tungkol sa batas." Wika ni Jacinto na nagawa pang magtaas ng kamay ngunit tumaas lang ang kilay ng Don na naging propesor din sa kolehiyo noon.

"Mabuti nang handa ka. Kabisaduhin mo na 'yan." saad ng Don na naglakad na paakyat sa ikalawang palapag. Napapikit na lang si Jacinto saka pinandilatan si Xavier na mukhang basang sisiw. Hindi siya makapaniwala na bukod sa tatapusin niya ang takdang-aralin na hindi niya naipasa noong isang Linggo at kailangan niya pang magsalaysay ng batas mamaya. Tumatalon-talon at umiikot naman si Chocó sa palibot nilang dalawa, tila nararamdaman ng tuta na sila'y naparusahan at napagsabihan.

ALAS-ONSE na ng gabi nang makakin sina Jacinto at Xavier matapos makabisado ang ilang batas na pinasalaysay ni Don Epifanio. Pinagluto sila ni Segunda ng sinabawang munggo upang maging matibay ang kanilang memorya.

"A-aray!" reklamo ni Jacinto habang nakapatong ang binti sa mahabang silya ng salas. Kasalukuyang ginagamot ni Segunda ang tuhod ng kapatid na namumula at nagkaroon ng pasa.

"Paano na ko makakalad nito mamaya?" inis na wika ni Jacinto.

"Huwag mo sabihing nagbabalak ka pang umuwi sa dormitoryo? Gabi na at oras na ng paghihigpit." Saad ni Segunda na abala sa paglalagay ng gamot.

"Magpapahuli na lang ako sa mga guardia kaysa matulog dito." Saad ni Jacinto dahilan upang tingnan siy ani Segunda. "Hindi ko rin nais maabutan ni Ama, siguradong pipilitin na naman niya ako magkabisa bukas ng umaga." Patuloy niya gamit ang mas mababang tono ng boses.

Napahinga nang malalim si Segunda, sina Jacinto at Socorro talaga ang nagpapasagad sa pasensiya ng kanilang ama. Gayunpaman, hindi niya masisi ang dalawa dahil pareho itong malakas ang loob magpahayag ng saloobin at may katuwiran sa lahat ng bagay.

"Kahit pa umuwi ka ngayon sa dormitoryo, tiyak na susunduin ka ulit doon ni Ama upang bantayan ka sa pag-aaral. Matutunghayan muli ng mga kasama niyo sa dormitoryo ang galit ni ama. Bukod doon, sa oras na mahuli ka ng mga guardia, tiyak na mas lalong magagalit si ama kapag sinundo ka niya sa bilangguan." Paliwanag ni Segunda dahilan upang mapahiga na lang si Jacinto sa mahabang silya. Gusto niyang sumigaw at magwala dahil tila wala siyang kawala ngayon sa mga nais mangyari ng ama.

"Kung magpakasal na lang kaya ako? Mas kalmado siya kanina kausap ang lalaking 'yon. Mukhang mas kalmado si ama ang mga lalaking may asawa na." wika ni Jacinto dahilan upang matawa na lang si Segunda. Kilala ring padalos-dalos sa pagsasalita at pagdedesisyon si Jacinto, ngunit madalas ay hindi naman nito ginagawang totoo ang mga nasa isip.

"Narinig mo ang sinabi ni ama? Hindi na siya papayag na ipakasal kayo habang nag-aaral pa. Mas mahirap din gumalaw kapag nag-asawa ka na. kung nais mo ng kalayaan, hindi mo makukuha 'yon sa oras na magkaroon ka na ng sariling pamilya." Paliwanag ni Segunda dahilan upang mapakamot na lang sa ulo si Jacinto. Namamanhid ang dalawang binti niya at mas naiinis pa siya sa katotohanang matutulog siya sa mansyon ng mga Sanchez. Idagdag pa na bantay-sarado siya ngayon ng ama sa pag-aaral.

"At sino namang papakasalan mo? May kasintahan ka ba o nililigawan?" pag-uusisa ni Segunda sabay ngiti. Hindi sumagot si Jacinto, napakamot na lang siya muli sa ulo, nais na lang niya bumalik sa pagkabata kung saan hindi niya kailangan gumapang sa kolehiyo.

"Kung sino man 'yang nasa isip mo, patunayan mo sa kaniya na kaya mo siyang buhayin gaya ng sabi ni ama. Kaming mga babae, wala kaming pagkakataong mag-aral o makakuha ng magandang trabaho upang suportahan ang aming sarili. Nakaasa lang kami sa mga asawa bagama't nais din naman naming tumulong kahit papaano sa gastusin. Nawa'y magsumikap ka rin na magkaroon ng magandang kinabukasan para sa babaeng iyong pakakasalan." Paalala ni Segunda, hindi nakapagsalita si Jacinto. Aminado siya na may punto nga naman ang kaniyang kapatid na babae, natunghayan niya kung paano ngayon mabalisa si Remedios dahil sa asawa nito. Nagwala rin si Socorro nang pilitin itong magpakasal. At ngayon, tila nasa alinlangin din ang sitwasyon ni Segunda dahil sa estado ng kinabukasna ni Xavier.

Lingid sa kanilang kaalaman, nakikinig si Xavier sa kusina habang pinupunasan ang mga plato, kubyertos, at baso na kaniyang hinugasan. Napagtanto niya na hindi lang siya ang mahihirapan sa mga mali niyang desisyon dahil madadamay din si Segunda kung hindi siya magiging responsable sa buhay.

Nahuli umakyat sa kwarto si Segunda matapos siguraduhin na nakapatay na ang mga lampara sa unang palapag ng bahay. Pagdating niya sa ikalawang palapag, naabutan niyang nakabukas ang pinto sa silid ni Xavier. Natutulog sa dalawang bakanteng silid sad ulo sina Don Epifanio at Jacinto.

Bumagal ang lakad ni Segunda at lumingon sa silid ni Xavier nang makarating siya sa tapat ng kaniyang silid. Nakaupo si Xavier sa kama at biglang sumigaw nang mahina, "Aray! Hindi na ako makalakad!" Saad nito na napahiga sa kama habang namimilipit sa sakit.

Naglakad si Segunda patungo sa tapat ng pinto kung saan iniinda ni Xavier ang matinding kirot ng katawan. "Ayos ka lang?" tanong ni Segunda. Hirap na bumangon si Xavier saka tumayo at paika-ikang naglakad papalapit sa kaniya.

"Ang sakit ng tuhod ko. Kumikirot nang labis!" tugon nito na kulang na lang ay lumuha at tanghaling pinakamahusay na aktor sa teatro. "Maaari mo bang tingnan at lagyan din ng gamot?" patuloy ni Xavier na tila nagsusumamo. Itataas na sana niya ang kaniyang pantalon upang ipakita kay Segunda ngunit umiwas ng tingin ang dalaga.

"Hindi ko maaaring suriin ang iyong tuhod. Heto, ang gamot." Saad ni Segunda sabay abot kay Xavier ng dala niyang mansinilya. Napabagsak ang balikat ni Xavier, animo'y gumaling na siya at walang inindang sakit.

"Bakit si Jacinto?" tanong niya na parang batang nagrereklamo.

"Kapatid ko si Jacinto." Depensa ni Segunda saka pinahawak kay Xavier ang gamot.

"Hindi ko alam paano ito ilagay." Wika ni Xavier na bakas sa hitsura ang pagmamakaawa. Umaasa siya na pagbibigyan siya ni Segunda. Napatingin si Segunda sa kaliwa't kanan, gusto niyang patahimikin si Xavier na kanina pa ngumangawa na parang bata.

"I-ipapahid mo lang 'yan sa iyong tuhod nang marahan." Tugon ni Segunda saka napalunok. "Iyong nababatid na hindi dapat natin hawakan ang isa't isa dahil..." hindi na natapos ni Segunda ang sasabihin, hindi niya alam kung bakit hindi niya matuloy sabihin na hindi totoo ang lahat. Na nagpapanggap lang silang dalawa bilang mag-asawa.

Napatitig si Xavier sa masinilya, nakabusangot pa rin ang mukha nito. "Ang pagkakaalam naman nila ay kasal tayo sa simbahan at batas. Hindi lang naman narehistro ang ating kasal. Bukod doon, pinapayagan naman kita hawakan ako." Wika ni Xavier dahilan upang mapakurap ng ilang ulit si Segunda dahil mukhang hindi pa rin susuko si Xavier sa pag-akto na parang bata.

Napatingin si Segunda sa pantalon ni Xavier saka napailing sa ideya na makikita niya ang binti nito at mahahawakan ang balat na isang malaking kapahangasan. "K-kaya mo na 'yan. ipahid mo lang nang marahan sa iyong tuhod." Saad ni segunda na humakbang na paatras.

Napabagsak ang kamay ni Xavier saka naglakad patungo sa kama na tila ba nakalimutan niyang paika-ika siyang naglakad kanina. "Kawawa naman ako." Wika ni Xavier sa sarili na sinadya niya ring iparinig kay Segunda bago ito pumasok sa katapat na silid.

Alas-tres ng madaling araw, matapos magdasal ni Segunda ay sumilip siya sa labas ng silid. Nakauwang pa rin ang pinto ni Xavier na nakalimutan na nitong isara. Hindi rin mawala sa kaniyang isip ang hitsura ni Xavier na tila nais humingi ng lambing. Napailing si Segunda sa ideyang iyon, hindi sila maaaring maging malambing sa isa't isa dahil nagpapanggap lamang sila.

Isasara na sana ni Segunda ang pinto ngunit napansin niya na naiwan din ni Xavier na bukas ang bintana sa silid nito. Buwan na ng Disyembre kung kaya't mas malamig na ang hangin, tiyak na sisipunin ito kapag pinasok ng hamog ang katawan.

Maingat na pumasok si Segunda sa silid ni Xavier upang isara ang bintana sa silid nito. Kinuha na niya ang dalang lampara at akmang aalis na ngunit napatingin siya sa binti nito na namumula rin. Nakataas ang pantalon ni Xavier habang mahimbing ang kaniyang tulog.

Marahang umupo si Segunda sa tabi ng kama saka kinuha ang mansinilya na nakapatong sa mesa. Ang totoo, hindi naman siya naiilang makita ang binti o balat ni Xavier dahil nakita na niya ito noong bagong kasal sila. Ang nais niyang iwasan ay ang pagtitig nito at pagiging malapit nila sa isa't isa. Napapansin ni Segunda na madalas niyang mahuling nakatitig sa kaniya si Xavier na tila ba binabasa nito ang lahat ng kilos niya. May mga pagkakataon ding hindi ito umiiwas ng tingin kahit pa nagtatama na ang kanilang mga mata na para bang may nais itong ipahiwatig.

Buong ingat na nilagyan ni Segunda ng gamot ang magkabilang tuhod ni Xavier. Ilang ulit din niyang sinusulyapan ang hitsura ng binata sa takot na magising ito. Nang matapos niyang lagyan ng gamot ang tuhod ni Xavier ay marahan niyang pinatong ang kumot upang hindi ito lamigin. Napansin ni Xavier na hindi sanay si Xavier matulog nang nakakumot. Nakakatulog din ito kung saan-saan kahit pa sa sahig.

Sandaling pinagmasdan ni Segunda ang payapang hitsura ni Xavier habang natutulog. Hindi niya namalayang napangiti siya dahil sa buhok nitong humaharang sa mga mata. Para kay Segunda, mas maaliwalas ang mukha ni Xavier kapag natutulog dahil tahimik lang ito. Ngunit inaamin din niya na mas lumalabas ang ganda nito kapag nakangiti o kahit pa ngumingisi upang mang-asar.

Natauhan si Segunda at napailing sa mga tumatakbo sa kaniyang isipan. Agad siyang tumayo saka kinuha ang lampara. Nugnit bago siya lumabas sa silid ay lumingon siya muli kay Xavier na palagi niyang sinasama ngayon sa kaniyang panalangin.


KINABUKASAN, alas-singko ng hapon, abala si Segunda sa paghahanda para sa hapunan nang dumating si Xavier. "Kumusta ang iyong tuhod?" tanong ni Segunda sabay lunok. Ngumiti si Xavier saka dumiretso sa kusina upang ilapag ang lagayan ng kaniyang baon.

"Mabuting-mabuti. Paggising ko kaninang umaga, may gamot na sa aking tuhod. Sa palagay ko, may napakagandang anghel ang naawa sa akin at inalagaan ako kagabi." Wika nito sabay ngisi. Buong araw ay maganda ang gising niya dahil naniniwala siya na si Segunda ang naglagay niyon habang tulog siya. Imposible namang si Don Epifanio o Jacinto, kahit pa sino sa kanila, paniniwalaan niya pa rin ni Segunda ang nag-aalala sa kaniya.

Napaiwas ng tingin si Segunda saka tumalikod at humarap sa pugon. Naramdaman niya ang pag-iinit ng kaniyang pisngi dahil sa sinabi ni Xavier. Pakiramdam niya ay dumagdag din ang init ng apoy sa pugon sa kaniyang nararamdaman na pagkailang.

Halos mapunit ang labi ni Xavier, hindi na niya nais asarin pa si Segunda o tanungin ito kung siya ba talaga ang naglagay ng gamot sa tuhod niya kagabi dahil ayaw niyang mailang ito o umiwas sa kaniya. "Siya nga pala, dito muli tutuloy si ama?" tanong ni Xavier, napalingon si Segunda kay Xavier upang tingnan ang reaksyon nito dahil nagagawa na niyang tawaging ama si Don Epifanio nang walang pag-aalinlangan.

"Oo. Maaari pa ba siyang tumuloy dito hanggang bumalik siya sa Sariaya?" tanong ni Segunda. Ang totoo, nahihiya siya dahil pamamahay ito ni Xavier.

Tumango ng ilang ulit si Xavier na hindi nawala ang ngiti, "Oo naman. Bukas ang tahanang ito sa inyong lahat gaya nang kung paano niyo rin ako tanggapin sa Sariaya." Wika ni Xavier na tila nais pa sanang dugtungan ang sasabihin niya tungkol sa hindi naman iba sa kaniya si Segunda at pamilya De Avila ngunit narinig nila ang katok sa pinto.

"Dito rin ba tutuloy si Cintong?" tanong ni Xavier na natawa rin sa palayaw ni Jacinto.

"Oo sana, kung iyong pahihintulutan. Nais ni ama bantayan si Jacinto." Tugon ni Segunda sabay tingin sa pinto nang marinig muli ang pagkatok. "Magalang din pala ang kapatid mong 'yon, ano? Hindi naman na niya kailangan kumatok." Wika ni Xavier na akmang maglalakad sa salas upang buksan iyon ngunit nauna na si Segunda na agad nagpunas ng kamay.

"Ako na." Saad ni Segunda nang mapagtanto na kaya rin sila nahihirapan ngayon sa paglilinis, pagluluto, at pag-aasikaso sa buong mansyon ay dahil sa suhestiyon niyang makatipid sa mga kasambahay at kusinera.

Napatigil si Segunda pagbukas ng pinto nang makita ang isang magandang babae na ngayon lang niya nakita. Nakasuot ito ng kulay pulang baro at puting saya habang nakalugay ang mahaba at kulot nitong buhok.

"Magandang hapon, nariyan ba si Xavier?" tanong ng babae na naunang ngumiti. Ngunit hindi maunawaan ni Segunda kung bakit tila may kakaiba sa ngiti nito.

"Ah. Ang aking ngalan ay Monica Villaflor. Ako'y kaibigan ni Xavier." patuloy ng babae na naunang nag-abot ng palad. Napatingin si Segunda sa kamay ng dalaga, "Paumanhin, marumi ang aking kamay." Saad ni Segunda dahil may bahid ng uling ang kaniyang palad mula sa pagluluto.

Nagtaka ang hitsura ni Monica, nakasisiguro siya na ang babaeng kaharap ay ang asawa ni Xavier na umawit sa teatro noong kaarawan ni Xavier. Hindi niya ngayon maunawaan kung bakit nagsilbi itong kusinera.

Magsasalita pa sana si Monica ngunit narinig nila ang boses ni Xavier, "Anong ginagawa mo rito?" seryosong tanong ni Xavier na napapamewang habang nakatayo sa likod ni Segunda.

"Sinadya kita. Hindi ka pala tumuloy sa dormitoryo. Ang sabi ni Julio, umuwi ka raw agad." Saad ni Monica habang nakangiti.

"Ano ba 'yon? Gaano ba kahalaga 'yan para sumadya ka pa rito?" tanong ni Xavier. Hindi alam ni Segunda ang gagawin, nakatayo si Xavier sa likod niya na tila ba ayaw siya nitong paalisin.

Napatingin si Monica kay Xavier at Segunda na parehong naghihintay sa sasabihin niya. Hindi siya makapaniwala na handa siyang kausapin ni Xavier sa harap ng asawa nito na para bang wala siyang nililihim o kinatatakutan.

Ngunit siya si Monica na hindi nagpapatalo at madaling sumuko. Nagpatuloy siya sa pagngiti, "May nais akong sabihin sa 'yo," wika ni Monica saka tumingin kay Segunda, "Maaari ko bang makausap nang pribado si Xavier?" tanong ni Monica kay Segunda na tila humihingi ng permiso.

Tumango si Segunda at akmang aalis na ngunit hinawakan siya ni Xavier sa braso nang marahan upang manatili siya kasama nila.

"M-masusunog na ang aking niluluto." Wika ni Segunda na kumawala sa hawak ni Xavier. Pumasok siya sa loob habang gulo ang isip kung tama ba ang kaniyang ginawa. Ramdam niya na may malalim na ugnayan ang babaeng panauhin kay Xavier dahilan upang kumilos ito na para bang minsang umikot ang mundo ni Xavier sa babaeng iyon.

Bumalik si Segunda sa kusina ngunit hindi niya mapigilang tumingin sa pintuan ng salas kung saan nagpatuloy sa pag-uusap ang dalawa. Hindi pinapasok ni Xavier si Monica, nag-usap sila sa pintuan ng salas.

Muntik pang mabitiwan ni Segunda ang hawak na platito at hindi niya namalayan ang sarili na napapatingkayad na upang matanaw lang sina Xavier at Monica. Halos mabali na rin ang kaniyang leeg at nalimutan niyang kumukulo na ang sinaing.

Ilang sandali pa, agad umakyat si Xavier sa ikalawang palapag. Nanatiling nakatayo si Monica sa labas na tila naghihintay. Nang makababa si Xavier sa hagdan ay dumiretso siya kay Segunda, "May pupuntahan lang ako sandali. Ako'y sasabay sa hapunan." Paalam ni Xavier na tila nagmamadali. Walang nagawa si Segunda kundi ang tumango, ni hindi na rin niya nagawang magtanong lalo pa't hindi niya maunawaan kung ano ang kakaibang nararamdaman.

Nang makalabas si Xavier ay mabilis na naglakad si Segunda sa salas at sumilip sa bintana. Sumakay si Xavier sa kalesa ni Monica at mabilis na kumaripas ang kabayo papalayo. Ilang segundong nanatiling nakatayo si Segunda sa tapat ng bintana habang pinagmamasdan ang pagbagsak ng alikabok.

Hindi maintindihan ni Segunda kung bakit tila kumirot ang kaniyang puso. Ni hindi man lang nagpaliwanag si Xavier o sinabi kung saan ito pupunta para magmadali nang ganoon. At bakit sumama ito agad sa babaeng iyon? Nararamdaman ni Segunda na may malaking bahagi si Monica sa buhay ni Xavier.


ALAS-NUWEBE na ng gabi nang makauwi si Xavier. Naabutan niyang katatapos lang maghugas ng plato ni Segunda. Inaayos na rin nito ang ilang gamit at pinupunasana ng mesa. Hinubad ni Xavier ang suot na somrebro saka naglakad nang mabagal papalapit kay Segunda. Nakokonsensiya siya ngayon dahil sinabi niyang sasabay siya sa hapunan ngunit ginabi na siya ng uwi.

"N-nariyan na sina ama at Jacinto?" tanong ni Xavier. tumango si Segunda nang hindi tumitingin sa kaniya. Abala lang ito sa pag-aayos ng pinggan.

Napakagat si Xavier sa kaniyang labi, "Paumanhin. Naabutan din ako ni ina at pinilit na sumama sa kanila sa pagkain." Paliwanag ni Xavier ngunit hindi kumibo si Segunda. nagtungo ito sa mesa ng hapag upang punasan ng tuyong basahan dahil napunasan na niya ito ng basa kanina.

Nakasunod sa kaniya si Xavier na parang isang anino. "Hindi ako makaalis sapagkat binabantayan ko ang..." hindi na natapos ni Xavier ang sasabihin dahil tumingin sa kaniya si Segunda.

"Hindi mo naman kailangan magpaliwanag. Gaya nang nakasaad sa ating kasunduan, malaya nating gagawin ang nais nating gawin sa buhay." Paalala ni Segunda ngunit hindi matukoy ni Xavier kung nagsasalaysay lang ito o nagiging sarkastiko.

Naglakad si Segunda pabalik sa kusina, binuhat niya ang palayok na tila walang kahirap-hirap. Tutulungan pa sana siya ni Xavier ngunit nabuhat na niya ang isa pang palayok saka ibinaba sa sahig. Napalunok si Xavier dahil walang emosyon ang reaksyon ni Segunda. Bukod doon, tila hindi nito pinapansin ang presensiya niya. "G-galit ka ba?" Tanong niya habang inoobserbahan ang reaksyon ni Segunda.

Tumigil si Segunda saka tumingin sa kaniya, "Hindi." Sagot nito saka tinulak ang palayok sa lagayan nito sa tabi. "Paksiw na isda ang ulam natin kaya hindi naman iyon masasayang. Maaari pang ulamin bukas." Wika ni Segunda nang hindi tumitingin sa kaniya.

Nilalaro ni Xavier ang sombrero sa kaniyang kamay. Hindi rin siya makagalaw sa kaniyang kinatatayuan. Pakiramdam niya ay isang maling hakbang lang ay tiyak na sasabog ang dalaga.

Magsasalita pa sana si Xavier upang ipaliwanag ang nangyari ngunit kinuha na ni Segunda ang lampara dahil tapos na siya maglinis at mag-ayos sa kusina. "Hindi ako magluluto bukas ng umaga. Bumili ka na lang ng agahan at baon sa tanghali sa labas." Wika ni Segunda na akmang aalis na ngunit humarang si Xavier.

"Bakit? Anong nangyari?" tanong nito na nag-aalala. Bakas din ang lungkot sa hitsura ni Xavier dahil hindi rin siya nakakain nang maayos sa bahay ni Doña Asunta dahil hindi masarap ang mga putaheng inihanda roon.

"Dahil pagod ako." Wika ni Segunda na seryosong nakatingin sa kaniya. Napatingin si Xavier sa mga hugasin na natapos hugasan ni Segunda. Siya ang nakatakdang maghugas ng plato gabi-gabi ngunit hindi niya ito nagawa ngayon.

Napaatras na lang siya, alam niyang kasalanan din naman niya, "Hindi na mauulit. Hindi lang ako nakaalis agad dahil naroon si ina at siniguro ko na---" hindi na natapos ni Xavier ang sasabihin dahil bumaba si Jacinto habang nagmememorya. Nagsasalita ito mag-isa na parang sinasaniban sa pagtulog.

Napatigil si Jacinto nang makita sina Segunda at Xavier sa kusina, "Hindi ba't ang sabi ni ama hindi muna kayo maaaring maglapit?" wika ni Jacinto saka dumaan sa gitna nilang dalawa. Nagtaka ang hitsura ni Xavier dahil wala namang ganoong kondisyon si Don Epifanio, ang sinabi lang nito ay hindi muna sila puwedeng magkaanak ni Segunda hangga't hindi pa siya nakatatapos.

Magsasalita pa sana si Xavier upang itama ang maling narinig ni Jacinto ngunit umakyat na si Segunda sa ikalawang palapag habang seryoso ang hitsura na tila handang kalbuhin ang sinumang magtatangkang humarang sa kaniyang daan.

TULALA sa bintana si Segunda habang pinagmamasdan ang ilog Pasig. Lumilipad ang ilang ibon na nanghuhuli ng mga isda sa ilog. Nakaupo sila ni Nova sa balkonahe habang nagbuburda.

"Bukas na ang Simbang gabi, saan kayo magsisimba ni Kuya Xavier?" tanong ni Nova na nakatutok sa binuburda kahit pa lumalagpas ang ilang tahi. Napatingin siya kay Segunda na kanina niya kinukuwentuhan tungkol sa mga kapitbahay nila sa Binondo ngunit hindi pala ito nakikinig.

Napatingin din siya sa binuburda ni Segunda na hindi pa pala nito nasisimulan. "Ate, ayos ka lang ba?" tanong ni Nova saka winasiwas ang palad sa tapat ng mukha ni Segunda dahilan upang matauhan ito.

"Ah. Oo. Ano nga muli ang iyong sinasabi?" tanong ni Segunda na nagsimula nang magburda. Nagpatuloy si Nova sa kaniyang ginagawa. "Ang sabi ko, saang simbahan kayo magsisimbang gabi ni Kuya Xavier?"

Napatitig si Segunda sa binuburdang bulaklak. Wala siya sa sarili mula kagabi. Hindi niya rin maunawaan ang pagkayamot na nararamdaman niya sa tuwing naririnig ang pangalan ni Xavier.

"Sa simbahan ng Immaculada Concepcion ako dadalo." Tugon ni Segunda dahilan upang mapatingin muli si Nova sa kaniya. Pareho silang nakasuot ng asul na baro't saya.

"Ikaw lang, ate? Hindi sasama si Kuya Xavier?" Nagtatakang tanong ni Nova. kumuha pa siya ng mani upang kumain. Oras ng siyesta ngunit mas pinili nilang magburda.

"Hindi ko alam kung sasama siya. May klase pa siya s aumaga kung kaya't kailangan niya matulog." Sagot ni Segunda. Ang totoo, hindi niya ngayon alam kung paano bubuksan ang usapin tungkol sa Simbang gabi, kung hindi siya nayayamot ngayon ay aayain niya si Xavier magsimbang gabi upang makinig ito sa misa.

"Sabagay, buong araw din sila nasa klase. Ipagdasal na lang natin sila." Saad ni Nova sabay inom ng tsaa. Halos siya lang ang gumagalaw ng mga meriendang inihanda ni Segunda.

"Bueno, ano ang hiling mo kapag nakompleto mo ang Simbang gabi, ate Segunda?" Tanong ni Nova sabay ngiti. Napapagod na rin siya magsalita dahil kanina pa siya nagdadaldal ngunit ang isip ni Segunda ay lumilipad kasama ng mga ibon sa ilog Pasig.

Napaisip si Segunda, sa paglipas ng ilang taon, puro si Romeo ang laman ng hiling niya. Kailanman ay hindi pa siya humiling para sa kaniyang sarili. "Hindi ko pa alam. May siyam na araw pa naman para isipin ko iyon." Tugon ni Segunda sabay ngiti.

Napangiti si Nova lalo nan ang mapansin na madalas nang maglagay ng kolorete sa mukha si Segunda dahilan upang mas lalong mangibabaw ang ganda nito. "Kapag naubos na ang iyong kolorete, sabihan mo lang si Kuya Xavier, hindi pa ata nailalabas sa merkado ang produktong ginawa nila ni Ginoong Juan." Saad ni Nova. Napahinga nang malalim si Segunda, animo'y nahipo muli ang kaniyang puso nang maalala ang regalo ni Xavier.

Sandaling naghari ang katahimikan habang dinadama nila ang sariwang hangin, "Nova, may nabanggit ba sa 'yo si Xavier tungkol sa akin?" tanong ni Segunda saka napalunok. Wala na siyang pakialam sa iisipin ni Nova lalo pa't ang pagkakaalam naman nito ay totoo ang kasal nila ni Xavier.

"Tulad ng ano, ate?" tanong ni Nova habang nakatitig sa binuburda.

"Tulad ng... kung ano bang tingin niya sa 'kin? Kung naiirita na ba siya sa 'kin? Gusto niya ba ako kasama o napilitan lang siya?" tanong ni Nova dahilan upang mapaisip si Nova.

"Nagliligawan pa lang ba kayo?" tanong nito dahilan upang mapaupo nang tuwid si Segunda. Mabuti na lang dahil hindi nakatingin sa kaniya si Nova na abala sa pagbuburda. "Bakit naman nag-aalala ka ate kung may pagtingin ba siya sa 'yo o wala? Kasal na kayong dalawa. Hindi ba't nanumpa kayo sa simbahan na mamahalin niyo ang isa't isa sa hirap at ginhawa---" napatigil si Nova saka gulat na tumingin kay Segunda.

"Sandali. Magkaaway ba kayo ngayon ni Kuya Xavier?" tanong nito dahilan upang mapalunok na lang si Segunda.

"Hindi ko maunawaan ngunit nayayamot ako sa kaniya." Wika ni Segunda. Inusog ni Nova ang upuan palapit kay Segunda upang pakinggan ang sasabihin nito. "May babaeng sumundo sa kaniya kahapon at sumama naman siya. Sinabi niyang sasabay siya sa hapunan ngunit ginabi na rin siya ng uwi. Nauunawaan ko naman na hindi niya dapat ipaalam sa 'kin lahat ng pupuntahan niya. Wala naman akong pakialam dati kahit gabihin siya. Ngunit kagabi, hindi ko mapigilang mainis at hindi ko siya nais harapin." Paliwanag ni Segunda habang nakayuko.

Napahinga nang malalim si Nova, "Ang babaeng sumundo sa kaniya, sino iyon? Kamag-anak niya? Kaibigan?" pagkumpirma ni Nova.

"Kaibigan daw ngunit pakiramdam ko ay higit pa roon." tugon ni Segunda dahilan upang lumaki ang mga mata ni Nova.

"May kalaguyo si Kuya Xavier?!" tanong ni Nova na napalakas ang boses. Nagulat si Segunda saka umiling. Pilit niyang pinakalma si Nova na mukhang pauulanan na ng mura si Xavier.

"Hindi. Hindi. Ang babaeng iyon ay kaibigan niya lang daw... ngunit sa palagay ko ay may namamagitan sa kanila noon." Paglilinaw ni Segunda, napasandal sa silya si Nova saka napaisip. Naalala niya ang binalita sa kaniya noon ni Sara na marami raw naging kasintahan ang napangasawa ni Segunda.

"Bueno, kung nakaraan na iyon. Dapat na siyang manatili sa nakaraan." Saad ni Nova saka kumain ng mani upang makapg-isip nang mabuti. Naghihintay si Segunda sa kaniyang payo na tila ba isa siyang eksperto.

"Marahil gumagawa ng paraan ang babaeng iyon upang makuha muli ang atensyon ni Kuya Xavier. Huwag ka munang maging padalos-dalos ate, pakiramdaman mo muna ang sitwasyon. Malay natin magkaibigan lang naman talaga sila, masisira lang ang pagsasama niyo ni kuya Xavier kung ipagpipilitan mong may ginagawa nga silang masama." Paliwanag ni Nova saka nagpatuloy sa pagkain ng mani.

"Ngunit kailangan natin siyang bantayan." Saad ni Nova dahilan upang magtaka si Segunda.

"Bantayan?" tanong ni Segunda. Naalala niya ang kaniyang tiya Jimena na bantay-sarado kay Don Marcelo sa takot na malihis ang atensyon nito sa ibang babae.

"Oo. Bantayan. Kailangan natin makalikom ng ebidensiya upang malaman kung may namamagitan ba sa kanila o wala. Palaisipan lang talaga sa 'kin kung sakaling naging magkasintahan sila noon kung bakit nag-uusap pa rin sila ngayon? Hayaan mo ate, aalamin ko sa aking mga kakilala ang mga babaeng naugnay kay Kuya Xavier." saad ni Nova na tila handa na sa laban.

Ngumiti si Segunda nang may bahid ng pagaalinlangan. "Nova, sa palagay ko, baka masamain nila kung susundan natin sila. Malaki naman ang tiwala ko kay Xavier. Marahil magkaibigan lang talaga sila." Saad ni Segunda nang maalala si Romeo na nakakausap niya pa rin hanggang ngayon ngunit wala naman silang ginagawang masama.

"Kahit na. Dapat maging malinaw sa mga dating kasintahan na sila'y bahagi ng nakaraan at hindi na kailangan pa sa kasalukuyan at hinaharap. Isama mo na rin si Kuya Xavier sa Simbang-gabi upang mahawaan mo siya ng kabutihan na maging daan ng kaniyang pagbabagong buhay." Payo ni Nova na napasingkit ang mga mata sa bagong misyon na nais niyang hanapan ng kasagutan. "Huwag mo rin pala ipahalata ate na naghhinala ka. Pakisamahan mo lang si Kuya Xavier na tila walang nangyari nang sa gayon ay hindi siya magtago o maging maingat." Patuloy ni Nova.

Napalunok na lang si Segunda dahil hindi niya nais masangkot sa mabusising pag-iimbestiga ngunit naroon ang kaniyang kuryosidad tungkol sa buhay ni Xavier at sa mga babaeng naging bahagi ng buhay nito.


"KUMUSTA?" Tanong ni Aurelio nang tumambad sa kaniyang harapan ang matalik na kaibigan. Ngumiti nang tipid si Romeo saka hinubad ang suot na sombrero. "Pasok ka." Wika ni Aurelio saka sinalinan ng tsaa ang kaibigan.

Nagliligpit na ng gamit si Aurelio dahil paalis na sana siya. Ilang araw din siyang mananatili sa Norte upang ayusin ang sistema ng rehistro roon. Pinagmasdan ni Romeo ang paligid, kamakailan lang ay nagtatrabaho rin siya sa Audencia.

"Mabuti naman. Sa katunayan, kaya ako naparito ay upang sumangguni sa 'yo." Saad ni Romeo saka uminom ng tsaa. Matagal-tagal na rin mula nang huli siyang nakainom niyon. Napansin ni Aurelio na pumayat at lumamlam ang mga mata ni Romeo.

"Saan ka na nakatira ngayon?" tanong ni Aurelio na naupo sa katapat na silya.

"May inuupahan kaming silid sa Binondo. Kasama ko ang aking pamilya." Tugon ni Romeo.

"Kapag kailangan mo ng tulong, narito lang ako." Wika ni Aurelio. Napahiram na rin niya ng isang daang piso si Romeo ngunit hindi naman niya iyon dinadamdam sakaling hindi na mabayaran ng kaibigan.

"Tungkol pala sa aming bahay sa Paco, tinubos iyon ni Don Epifanio. Binayaran niya rin ako para sa kaukulang halaga ng bahay. Nakausap ko siya kahapon." Wika ni Romeo dahilan upang mapatigil si Aurelio.

"Nabanggit niya ba kung saan niya gagamitin ang bahay niyo?" tanong ni Aurelio, matagal nang sinasabi sa kaniya ng biyenan na bibilhan sila nito ng bahay upang sa Maynila na rin tumira si Remedios kasama niya ngunit ilang ulit din siyang tumatanggi dahil hindi niya nais mabaon sa utang na loob.

Umiling si Romeo, "Mabilis lang ang aming naging pag-uusap. Dumaan lang siya sandali sa Letran. Ang nabanggit lang niya sa akin ay si Segunda raw ang nagbahagi sa kaniya tungkol sa bahay at sa aking pamilya." Patuloy ni Romeo saka inilapag ang tasa sa mesa. "Inalok din kami muli ni Don Epifanio na mamasukan sa hacienda De Avila."

"Mabuti kung gayon, mas maganda ang buhay sa Sariaya. Malayo nga lang sa pagamutan ngunit mas magiging mabuti ang kalagayan ng iyong ina at mga kapatid." Saad ni Aurelio ngunit tila nagdadalawang-isip pa si Romeo.

"Hindi lang iyon. Inalok din ako ni Don Epifanio na maging katiwala at abogado niya sa mga dokumento ng lahat ng kanilang ari-arian." Saad ni Romeo dahilan upang mapangiti si Aurelio.

"Marahil sinukuan na niya ako. Matagal na rin niyang inaalok sa akin ang posisyon na 'yan. Hindi ko lang nais tanggapin sapagkat lagi ko siyang makikita. Hindi ko nais manilbihan sa aking biyenan. Nais kong gumawa ng sarili kong pangalan sa sarili kong pagsisikap. Tiyak na isusumbat nila 'yan sa 'kin balang araw." Saad ni Aurelio na natawa sa sarili.

"Kung nais mong tanggapin ang alok ni Don Epifanio pamahalaan ang mga dokumento at maging katiwala niya, malaya kang gawin 'yon, Romeo." Saad ni Aurelio. Tumango si Romeo at nagpasalamat. Bago niya tanggapin ang alok ng Don ay nais niyang ipaalam muna ito kay Aurelio upang walang hinanakit na mangyari.

"Bilib ako kay Segunda ha, hanggang ngayon ay kayo pa rin ang nasa isip niya. Tila ikaw pa rin ang laman ng puso niya." Wika ni Aurelio dahilan upang mapatigil si Romeo. Nagdadalawang-isip siya tanggapin ang alok ni Don Epifanio ngunit wala na siya sa lugar kung saan may iba pa siyang pagkukunan ng pagkakakitaan.

"Kung ikaw lang ang napangasawa ni Segunda, tiyak na walang problema ngayon si Don Epifanio. Siguradong ikaw din ang magmamana ng Hacienda De Avila." Saad ni Aurelio na hindi mawala ang ngiti.

"Hindi ba nila iyon paghahatian magkakapatid?" nagtatakang tanong ni Romeo.

Umiling si Aurelio, "Ang hacienda De Avila ay mamanahin lang ng isang anak. Madalas napupunta ito sa anak na lalaki na siyang magpapatuloy ng pangalan ng pamilya. Wala na akong interes sa hacienda na 'yan dahil hindi ko ibig maging sunod-sunuran kay Don Epifanio."

"Si Feliciano ang inaasahan ng lahat na mamamahala sa hacienda ngunit sa palagay ko ay malabong mangyari iyon dahil nasa Europa na ang panganay nilang anak na lalaki. Si Jacinto ang maaaring humalili, ngunit sa palagay ko ay walang tiwala si Don Epifanio sa anak niyang iyon na hindi nagseseryoso sa pag-aaral. Sina Agustino at Concordio na lang ang pag-asa niya ngunit kapag siya'y nabigo sa dalawa, siguradong maghahanap na lang siya ng magmamana sa mga babaeng anak."

"Huwag ka mag-alala, imposibleng makuha ni Xavier ang hacienda De Avila, hindi ka magtatrabaho sa batang 'yon na pulos kapilyuhan ang nasa utak." Wika ni Aurelio sabay tawa. Magsasalita pa sana si Aurelio ngunit kumatok ang sekretaryang lalaki saka naghatid ng mga dokumento.

Tumayo si Aurelio para pirmahan ang mga dokumento na kailangan na bukas. Sa dami ng papel ay nasagi ng sekretarya ang ilang kumpol ng papel na nasa dulo ng mesa. Agad pinulot ng sekretarya ang mga papel, tinulungan din siya ni Romeo.

Napatigil si Romeo nang makita ang mga papel na may nakatalang Pendiente sa rehistro ng mga kinasal sa taong 1877. Nanlaki ang mga mata ni Romeo nang makita ang nag-iisang papeles sa loob kung saan nabasa niya ang pangalang Maria Segunda De Avila y Gonzalez at Manuelito Xavier Sanchez y Belluci.

Dahan-dahang napatayo si Romeo habang tulalang nakatitig sa rehistro ng kasal na hindi nakatala. Nagpaalam na ang sekretarya bitbit ang mga dala nitong dokumento na napirmahan ni Aurelio. "Nais mo bang uminom?" tanong ni Aurelio na unti-unting nawala ang ngiti nang mapagtanto na ang hawak na papeles ni Romeo ay ang dokumento tungkol kina Segunda at Xavier.


NAKATAYO si Xavier sa gitna ng simbahan habang inililibot ang mga mata sa mga bakanteng upuan. Nais niyang umupo sa likod upang hindi mapansin ninuman kung sakaling makatulog siya sa sermon. Ngunit alam niyang sa gitna nais umupo ni Segunda upang marinig ang misa. Iyon nga lang, wala nang bakanteng upuan sa gitna kung kaya't sa unahan na lang at likod ang maaari nilang puntahan.

Lumabas si Xavier upang hanapin si Segunda at tanungin kung sa harap o likod nito nais umupo ngunit napatigil siya nang makita si Romeo na isang hakbang lang ang layo kay Segunda. Animo'y nagdilim ang kaniyang paningin hanggang sa namalayan na lang niya na nakarating na siya sa kinatatayuan nila. Agad niyang hinawakan ang kamay ni Segunda, ipinuwesto ito sa kaniyang likuran at pumagitna sa kanilang dalawa.

"Anong ginagawa mo?" Buwelta ni Xavier na seryosong tinitigan sa mga mata si Romeo. Humakbang siya papalapit na tila naghahamon ng away. Hindi natinag si Romeo, nanatili ito sa kaniyang kinatatayuan.

"May problema ba tayo, Romeo?" Patuloy ni Xavier saka sarkastikong ngumisi tulad ng isang demonyo na sanay makipaglaro sa mga taong mahusay sa pagmamanipula. Wala man siyang sapat na ebidensiya ngunit nararamdaman niya at nababasa sa mga paawang mata ni Romeo ang maitim nitong anino na naghahangad ng mga bagay na papabor sa kaniya.

Napalingon ang ilang mga tao. Walang pakialam si Xavier kung anuman ang sabihin ng iba. Ang mas inaalala niya ay ang patuloy na paglapit ni Romeo na maaaring maglagay kay Segunda sa kapahamakan. Tumingin si Romeo sa paligid, nakilala niya ang ilang estudyante at pamilya na iginagalang siya.

Tumingin si Romeo kay Segunda, "Babalik ako sa ibang araw. Magandang gabi, Segunda." paalam ni Romeo na tila ba hindi niya nakikita ang presensiya ni Xavier.

Natapos ang buong misa nang hindi nauunawaan nina Xavier at Segunda ang aral. Naunang lumabas si Xavier, hinawakan niya ang kamay ni Segunda upang makalabas sila agad at hindi na sumabay sa mga tao. Ramdam nila ang mainit na tingin ng mga tao, maging ang bulungan ng iba.

Nang makasakay sila sa kalesa ay hindi mawala ang mainit na pakiramdam na humahagod sa kaniyang dibdib. Tulala lang si Segunda sa kawalan nang habang iniisip ang maaaring maging kahihinatnan ng lahat gayong alam na ni Romeo ang totoo.

Nag-aagaw kahel at asul na ang langit dahil papasikat na ang araw. Mabilis ang takbo ng kalesa habang tinatahak nila ang kahabaan ng kalsadang napapalibutan ng mga puno ng balayong. Kulay puti at kalimbahin (pink) ang bulaklak ng puno na sinasayaw ng hangin.

"Paano nalaman ni Romeo?" tanong ni Xavier.

Umiling si Segunda. "Hindi ko alam. Walang ibang nakakaalam bukod sa atin at kay... Aurelio." Napatigil si Segunda nang mapagtanto ang mga payo ni Aurelio tungkol sa pagpapakasal sa iba.

Napahilamos sa mukha si Xavier, gusto niyang magmura at paulanan ng mura at sumpa sina Aurelio at Romeo ngunit hindi niya magawa. "Kailangan nating gumawa ng paraan. May kumakalat na usap-usapan tungkol sa 'yo na nalinaw ko na sana noong isang gabi." Wika ni Xavier saka kinuwento kay Segunda ang dahilan kung bakit siya sumama kay Monica.

Ibinalita ni Monica na may kumakalat na usap-usapan tungkol kay Segunda. Si Doña Asunta ang mismong nakakita kay Segunda lumabas sa tahanan ni Romeo isang umaga. Dadalo sa hapunan sina Doña Antonia at Doña Jimena.

Nagmamadaling sumama si Xavier kay Monica na dadalo rin sa hapunan na iyon. Hindi nga siya nagkamali, dumating din doon ang kaniyang ina at tiyahin ni Segunda na kilalang tsismosa. Naghintay si Xavier na mabuksan ang usapan tungkol kay Segunda. Hindi naman siya nabigo dahil nabanggit iyon ni Doña Asunta sa kalagitnaan ng pagsasalo-salo.

"Siya nga pala, iyo bang nababatid Xavier na ang asawa mo ay nagtungo sa tahanan ni Señor Castillo noong isang araw? Sa pakuwari ko ay inabot siya roon ng gabi kung kaya't umaga na siya umalis." Wika ni Doña Asunta na siyang ina ni Valeria.

Kampanteng ngumiti si Xavier saka ibinaba sa mesa ang iniinom na alak. "Ah. Noong nakaraang linggo po ba 'yang tinutukoy niyo Doña Asunta? Nagtungo nga roon si Segunda... kasama ako. Tinulungan namin si Señor Romeo sa pag-aasikaso ng mga gamit na naiwan ng kaniyang yumaong asawa na kaibigan din namin ni Segunda. Pinauwi ko na si Segunda dahil sabay na kaming pumasok ni Señor Romeo noong araw na 'yon." Paliwanag ni Xavier na walang bakas ng pag-aalinlangan sa pagkukuwento. Nakangiti pa ito na tila ba hindi malaking bagay ang pinag-uusapan nila.

Tumango-tango ang mga Doña. Maging si Doña Asunta ay napatango rin dahil hindi naman niya nakita si Romeo lumabas sa bahay na iyon. Nagpatuloy sa pagkukuwentuhan ang mga doña. Tanging sina Doña Jimena at Monica lamang ang hindi naniniwala nang buo tungkol sa kuwento ni Xavier.

Animo'y nanghina si Segunda. Hindi niya malaman ang nararamdaman. Ang inakala niyang simpleng pagtulog kay Romeo noong gabing iyon ay maglalagay sa kaniya sa alanganing posisyon.

Napapikit si Xavier habang pilit na pinapakalma ang sarili. Nang dahil sa paglapit ni Romeo kay Segunda kanina sa simbahan. Nang dahil din sa naging tagpo nilang dalawa na natunghayan ng mga tao, tiyak na mauungkat muli ang usap-usapan tungkol kina Segunda at Romeo.

"Sandali. Bababa ako." Wika ni Xavier sa kutsero. Tumigil ang kalesa sa gitna ng naglalakihang puno.

Lumundag pababa si Xavier, agad sumunod sa kaniya si Segunda. "S-saan ka pupunta?" sigaw ni Segunda, ito ang kauna-unahang beses na sumigaw siya upang tawagin ang atensyon ng kausap.

Tumigil si Xavier sa paglalakad. Hindi niya masabi kay Segunda na kailangan niya muna ngayong mapag-isa. Kailangan niya mag-isip. Hindi siya makaisip nang paraan habang kumakaripas ang kalesa at nasa harap niya si Segunda na puno ng pag-aalala.

"P-patawad. Hindi ka dapat naiipit ngayon nang dahil sa 'kin. P-patawad dahil hindi ako nakinig at gumawa pa rin ng paraan upang tulungan ang pamilya Castillo. Patawad Xavier dahil nadadamay ka ngayon." Saad ni Segunda na hindi na napigilan ang pagdaloy ng luha sa kaniyang mga mata. Kung dati ay akala niya magiging madali lang lahat kapag nalaman ng mga tao ang kanilang pagkukunwari, hindi niya akalain na mas mahirap pala ito dahil madadamay ang maraming tao.

Nanatiling nakatingin si Xavier kay Segunda habang nakatayo ito sa tabi ng kalesa at patuloy na lumuluha. Marahang bumabagsak ang mga bulaklak mula sa puno ng balayong na nagkalat din sa kalsada.

Ang galit at init ng katawan na nararamdaman ni Xavier na kung dati ay nagagawa niyang pahupain sa pamamagitan ng pagsigaw, pagmumura, paninira ng mga gamit, at panunutok ay napalitan ng damdaming unti-unting humuhupa habang pinagmamasdan ang pagluha ni Segunda.

Hindi niya maintindihan kung bakit humihingi ito ng tawad sa kaniya gayong siya mismo ang nalalagay ngayon sa usap-usapan at sinisira ng ibang tao. Hindi niya maunawaan kung bakit nasasaktan ito na nadadamay siya dahil sa kasunduang kasal na pareho rin naman nilang sinang-ayunan.

Tunay nga na hindi na magawang kontrolin ni Xavier ang kaniyang emosyon at katawan mula nang mapagtanto niya sa sarili ang tunay na nararamdaman. Namalayan na lamang niya na naglalakad na siya ngayon papalapit kay Segunda habang sinasalubong ang mga bulaklak na tila nyebeng nahuhulog mula sa taas.

Niyakap ni Xavier si Segunda at ikinulong ito sa kaniyang bisig upang damayan sa dalamhating nararamdaman. Nadudurog ang kaniyang puso habang nakikitang lumuluha si Segunda at humihingi ng tawad sa kaniya. Hanggang sa pagkakataong ito ay ramdam niya na inuuna ni Segunda ang mga madadamay na tao sa paligid nito kumpara sa sarili niyang kapakanan.

Nagpatuloy si Segunda sa pagluha. Magkahalong takot, pagkadismaya, at posibilidad na magkalayo sila ang nangingibabaw sa kaniya dahilan upang hindi niya mapigilan ang kaniyang pagluha.

Tinapik ni Xavier nang marahan ang likod ni Segunda habang yakap niya ito. "Hindi kita iiwan. Hindi ka nila magagawang saktan hangga't narito ako." Wika ni Xavier gamit ang mahinahon nitong boses. Animo'y nagbitiw siya ng pangako na kahit anong mangyari ay kaniyang paninindigan.

"Kung iyong pahihintulutan... Gusto mo na bang totohanin ang pagkukunwaring ito?" tanong ni Xavier dahilan upang dahan-dahang mapatingala sa kaniya si Segunda. Kumikinang ang mga mata ni Segunda dahil sa mga luhang hindi niya mapigilang bumagsak.

"Kung ako ang iyong tatanungin, Oo. Gusto na kita, Segunda." Saad ni Xavier na nakatingin nang diretso sa kaniyang mga mata. Hindi siya nakapagsalita habang pilit na binabasa sa mga mata ni Xavier na hindi nga ito nagbibiro o nagsisinungaling.


*********************

#SegundaWP

Note: Ipopost ko sa aking social media accounts kung kailan ako makakapag-update para sa sunod na kabanata. Pasensiya na Sunshines dahil may kailangan lang akong unahin sa aking personal na buhay ngayong Disyembre hanggang Enero. Maraming salamat sa inyong pag-unawa :)

Facebook: Mia Alfonso

Instagram: binibining_mia

Twitter/X: BinibiningMia_

https://youtu.be/UlYFnwuuiTc

"Gusto" by Zack Tabudlo ft. Al James

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top