Kabanata 16: Kabulaanan o Katotohanan

[Kabanata 16]

MARAHANG sinusuklay ni Segunda ang buhok ni Socorro habang nilalagyan naman ni Amor ng kolorete ang kapatid na magdiriwang ng kaniyang ika-labingpitong kaarawan. "Ikaw ay lalagyan ko ng pampapula sa labi," wika ni Amor saka marahang idinampi sa labi ni Socorro ang kolorete. Nakasandal lang sa silya si Socorro na tila nababagot na dahil kanina pa siya inaayusan.

Napatingin si Socorro kay Segunda sa repleksyon ng salamin, "Ate, wala bang pasok ang iyong asawa? Bakit siya sumama?" tanong ni Socorro dahilan upang mapangiti si Segunda dahil walang preno ang bibig nito. Bakas din sa reaksyon ni Socorro na hindi pa nito lubos tinatanggap sa pamilya si Xavier gaya ni Jacinto.

"Siya'y lumiban muna sa klase ng ilang araw upang makadalo sa iyong kaarawan. Nawa'y tanggapin mo siya nang buong puso rito sa ating tahanan." Paalala ni Segunda, napabagsak lang ang balikat ni Socorro. Hindi niya maunawaan kung bakit nagustuhan ng kapatid niya ang lalaking iyon na nagmula sa pamilya Sanchez na minsang humamak sa edad ni Segunda.

"Oo nga. Mabait naman si Kuya Xavier at galante. Masaya rin siya kasama." Dagdag ni Amor siyang numero unong boto sa bayaw. Naalala ni Socorro ang mga pasa at sugat na tinamo nina Jacinto at Cristobal nang makipagsuntukan ito sa grupo ni Xavier. Si Socorro ang tipo na ang kaaway ng kaniyang kaibigan ay kaaway niya rin.

"O'siya, tapos na. Samahan mo Amor si Socorro sa baba, tiyak na kanina pa siya hinihintay ng mga panauhin." Wika ni Segunda saka iniligpit ang mga gamit. Tumayo si Socorro na tila nahihirapan sa magarbong pananamit. Napakamot siya sa braso nang maramdaman ang pangangati sa manggas.

"Masisira 'yan." Suway ni Amor saka kumapit sa braso ni Socorro upang hindi na nito kamutin pa ang braso. Napahinga na lang nang malalim si Socorro nang tangayin siya ni Amor palabas ng silid patungo sa bulwagan.

Napangiti si Segunda sa sarili, hanggang ngayon ay tila naglalaro pa rin ang dalawang kapatid. Tulad ng dati, si Amor ang sabik na sabik sa mga larong pambabae habang si Socorro naman ay nakabusangot at napipilitan sa mga kung ano-anong bagay na nilalagay ni Amor sa kaniya.

Napatingin si Segunda sa pintuan nang bumukas ang pinto, "Hindi ka pa nagbibihis," wika ni Manang Tonya. Ngumiti si Segunda saka napatingin sa sariling repleksyon sa salamin, "Ito na ho ang aking damit, Manang." Tugon ni Segunda na tulad ng dati ay ordinary lang ang pananamit sa mga okasyon.

"Magpalit ka. Narito rin ang iyong asawa, marapat lang na surpresahin mo siya." Ngiti ni Manang Tonya saka kinuha ang isang kulay krema na baro, at say ana magkahalong itim at pula sa aparador ni Socorro. "Ito ang unang pinatahi ng iyong ina para kay Socorro ngunit mas gusto ni Socorri ang kulay kahel na damit," patuloy ni Manang Tonya saka inabot iyon kay Segunda.

Napatitig si Segunda sa magarbong pananamit na hindi niya nakasanayan. "Hindi ka rin namin nakasama sa pagdiriwang ng iyong kaarawan. Tiyak na matutuwa ang iyong ama't ina, maging si Socorro na ipagdiwang mo rin ito ngayon." Dagdag ni Manang Tonya saka hinawakan ang magkabilang-balikat ni Segunda. Ito ang unang taon na hindi nila nakasama si Segunda sa kaarawan nito mula nang siya'y mag-asawa.

Tumango nang marahan si Segunda saka nagpalit ng kasuotan. Animo'y bumabalik ang kaniyang alaala noong siya'y bata pa kung saan madalas makikinang na kasuotan nap uno ng burda ang kaniyang mga damit. Marami rin siyang koleksyon ng alahas at mga palamuti sa buhok na bigay ng kaniyang ina na halos araw-araw niyang isinusuot.

Napangiti si Manang Tonya nang makita si Segunda suot ang magarbong baro't saya. Pinaupo niya ito sa silya at pinagmasdan si Segunda sa repleksyon ng salamin. "Kay ganda mong tunay, anak. Nawa'y huwag mong ikahiya ang iyong taglay na kagandahan." Wika ng matanda saka sandaling inalala kung bakit biglang nagbago ng pananamit at ayos si Segunda nang tumuntong ito sa edad na labing-isang taon.

Sandaling napatitig si Segunda sa sariling repleksyon. Naroon ang paninibago sa kaniyang sarili lalo pa't ilang taon din siyang nasanay sa payak na pananamit at ayos. Halos magkakakulay lang din ang kaniyang mga damit at hindi siya nagsusuot ng alahas o palamuti sa buhok. Hindi man niya lubusang aminin, ginawa niya iyon upang hindi makaramdam ng pagkailang si Romeo at ang pamilya Castillo noong mga panahong kasama niya ang mga ito. Hindi niya nais maramdaman ni Romeo at ng pamilya nito na siya'y naiiba sa kanila. Nagawa niyang bumagay sa estado at pamumuhay ng lalaking pinangarap niyang makasama.

Kailanman ay hindi siya nagsisi na pinili niyang makibagay kay Romeo. Tunay siyang naging maligaya at panatag sa ordinaryong pamumuhay. Marami man ang nagtatanong kung bakit hindi niya pinapakinabangan ang kayamanan ng sariling pamilya. Para kay Segunda, ang pera ng kaniyang mga magulang ay hindi niya dapat sayangin dahil hindi naman kaniya iyon.

Kinuha ni Manang Tonya ang kolorete ngunit napatigil siya nang maalala na hindi nga pala hiyang si Segunda sa mga ganoon. "Mayroon po akong dala." Wika ni Segunda saka tumayo at nagtungo sa kaniyang silid upang kunin sa bagahe ang kolorete.

Pagbalik niya sa silid ni Socorro ay naabutan niya si Manang Tonya kausap ang dalawang kasambahay. Nahihiyang inabot ni Segunda ang dalang kolorete sa kanila, "Ito po ay hiyang sa akin. Sinubukan ko na itong ilagay sa aking balat noong isang gabi." Wika ni Segunda saka naupo sa tapat ng salamin.

Sinuri ni Manang Tonya ang kolorete, "Saan mo ito nabili? May ganitong produkto sa Maynila?" tanong ng matanda. Maging ang dalawang kasambahay ay napangiti sa ganda ng disenyo ng lagayan na may disenyong mga rosas.

Napakagat si Segunda sa kaniyang labi habang nakatingin sa kanilang reaksyon mula sa repleksyon ng salamin, "Regalo po sa akin ni Xavier." Tugon ni Segunda, hindi niya mabatid kung bakit nahihiya siyang sabihin iyon gayong sa paningin naman ng lahat ay mag-asawa silang dalawa.

Napangiti si Manang Tonya, maging ang dalawang kasambahay ay napangiti nang malaman na sa asawa ni Segunda nanggaling ang magandang kolorete, "Ito na marahil ang pinakamagandang regalo na aking natunghayan. Ikaw ay sadyang mapalad na nakilala mo ang iyong asawa, anak." Wika ni Manang Tonya saka marahang hinawakan ang balikat ni Segunda. Sinenyasan na rin niya ang dalawang kasambahay na simulant nang ayusan si Segunda.

Makalipas ang ilang sandali, natagpuan ni Segunda ang sarili na nakakapit nang mahigpit sa braso ni Manang Tonya habang naglalakad sila palabas ng silid. "Huminga ka nang malalim anak. Hindi naman ibang tao ang mga nasa bulwagan. Naroon ang iyong ama't ina, mga kapatid, at asawa." Paalala ni Manang Tonya nang mapansin ang tensyonadong hitsura ni Segunda.

"Mauna ka nang bumaba, narito lang kami sa iyong likuran." Patuloy ni Manang Tonya saka tinapik nang marahan ang kamay ni Segunda na para bang sinasabi nito na oras na upang simulan niyang maglakad nang mag-isa bitbit ang sapat na kumpyansa.

Napalunok si Segunda, sa mga ganitong sitwasyon, mas gugsutuhin na lang niya magkulong sa silid o magpanggap na may sakit ngunit hindi niya nais mabigo si Manang Tonya, ang pamilya na naghihintay sa kaniya, at si Xavier na hindi nagdalawang-isip na samahan siya sa Sariaya. Bukod doon, nais niya rin ipakita kay Xavier na hindi nasayang ang regalo nito dahil gagamitin niya ito sa mahahalagang okasyon.

Napahinga nang malalim si Segunda saka pikit-matang humakbang pababa ng hagdan. Dahan-dahan lang ang kaniyang paglalakad dahil hindi siya makalakad nang maayos sa laki ng saya. Mas lalong nakaramdam ng kaba si Segunda nang mapalingon sa kaniya ang mga panauhin. Maging sina Socorro, Amor, at Concordio na sumasayaw sa gitna ay napatulala sa kaniya.

Animo'y nabawasan ang kaniyang kaba nang makita si Xavier na tuald ng lahat ay nakatitig din sa kaniya. Gusto niyang magpasalamat sa regalo nito. Hindi man niya sabihin, totoo na nakakaramdam siya ng lungkot at inggit noon sa tuwing pinapanood ang mga kapatid at ilang babae na nagagawang maglagay ng kolorete. Nais niya ring subukan iyon nang patago sa sariling silid ngunit hindi niya magawa dahil batid niyang mangangati siya at magkakaroon ng mga pantal.

Naghiyawan ang mga bisita, "Bayle. Bayle!" nakangiting hirit ng mga kamag-anak nila sa pamilya Gonzalez. Ngayon ay nakatingin na ang lahat kina Segunda at Xavier na inaasahan nilang sasayaw sa gitna bilang bagong mag-asawa.

Nahihiyang ngumiti si Segunda saka muling napatingin kay Xavier na halos walang kurap na nakatitig sa kaniya. Animo'y naistatwa ito sa kaniyang kinatatayuan at ang tanging nakikita niya lang sa paligid ay walang iba kundi si Segunda.

Natauhan si Xavier nang kunin ni Miguel ang baso ng alak sa kaniyang kamay, "Pagbigyan mo na kami. Bayle!" hirit nito saka tinapik ang likod ni Xavier dahilan upang mapahakbang ito sa gitna ng bulwagan. Tila sandali siyang nawala sa sarili, hindi alam ang gagawin dahil hindi siya handa makita si Segunda suot ang magandang kasuotan at ang kolorete na mas lalong nagpalabas sa angking nitong kagandahan.

Napalingon si Xavier sa paligid saka sinubukang ngumiti ngunit bakas ang matinding hiya sa kaniyang mukha. Sa unang pagkakataon ay hindi niya maunawaan kung bakit siya nakakaramdam ng hiya gayong sanay naman siya sa mga ganitong okasyon.

Tumikhim si Xavier saka inilahad ang palad sa tapat ni Segunda. Mabilis siyang sumulyap kay Segunda saka umiwas ng tingin at kunwaring tumingin sa paligid sabay tango sa mag-asawang De Avila. Ipinatong ni Segunda ang kaniyang kamay sa palad ni Xavier, napapikit na lang siya nang mas lalong maghiyawan ang mga bisita.

Nagsimulang tumugtog nang marahan na musika ang orkestra. Nangingibabaw ang tunog ng biyolin at piyano sa musikang der schönen blauen Donau, Op. 314. Napalunok si Segunda nang humakbang papalapit sa kaniya si Xavier at hinawakan nito ang kaniyang likuran.

Umiling nang marahan si Segunda upang iparating kay Xavier na hindi siya sumasayaw. "Tumapak ka sa akin." Bulong ni Xavier na hindi gaano marinig ni Segunda dahil sa lakas ng musika at hiyawan. Ngumiti nang marahan si Xavier saka inilapit ang sarili kay Segunda dahilan upang mapatitig si Segunda sa leeg nito.

"Tumapak ka na." ulit ni Xavier, walang nagawa si Segunda kundi ang mas ilapit ang sarili kay Xavier na tila ba magkayakap na sila. Napakagat si Xavier sa kaniyang labi nang maramdaman ang bakya na tumapak sa kaniyang iniingatang sapatos. Napahinga na lang siya nang malalim, magaan lang din si Segunda kung kaya't hindi siya nahirapang iangat ang paa.

"Kumapit ka nang mabuti." Bulong ni Xavier saka sumabay sa indak ng musika. Ang kanilang bawat kumpas, hakbang, at ikot sa gitna ng bulwagan ay naghahatid ng kagalakan sa mga manonood.

"Hindi ko akalain na mahusay palang sumayaw si Ate Segunda," tulalang saad ni Amor habang nakatakip ang bibig. Nakakasabay si Segunda sa bawat ikot at hakbang ni Xavier. Walang duda na sanay sa sayawan si Xavier na madalas dumadalo sa mga pagdiriwang.

"Hindi ba't masyado silang malapit sa isa't isa? Animo'y magkayakap na." bulong ni Don Epifanio sa asawa na nakangiti lang habang sinasayaw ang ulo.

Napatingin si Doña Marcela sa sapatos ni Xavier at sa bawat ikot ng saya ni Segunda kung saan napansin niya ang taktika ng dalawa. Nababatid ni Doña Marcela na hindi sumasayaw si Segunda. Kailanman ay hindi rin ito naimbitahan ng isang binata na sumayaw sa pagdiriwang. Hindi rin sumasali si Segunda sa tuwing nag-eensayo ang mga kapatid nito sa pagsayaw. Napangiti si Doña Marcela. Natutuwa siyang makita na nagagawa na ring sumabay ni Segunda sa mga okasyon na madalas nitong iwasan.

Naunang ngumiti si Segunda dahil hindi niya mapaliwanag kung nahihilo na ba siya o natatawa sa pagtapak sa sapatos ni Xavier. Maging si Xavier ay napangiti rin dahil mukha silang hibang na umiikot-ikot habang nililinlang ang karamihan na nakasasabay sila sa indak ng musika. Bukod doon, hindi maipaliwanag ni Xavier kung bakit nag-iinit ang kaniyang pisngi, ni hindi niya rin magawang titigan nang matagal si Segunda lalo na't kay lapit nila sa isa't isa. Pakiramdam niya ay dulot lang iyon ng pagod sa pagsayaw at init ng panahon.

Nang matapos ang musika, magalang silang yumuko sa mga panauhin. Napatingin si Segunda sa sapatos ni Xavier na tila nayupi ngunit mukhang hindi naman ito alintana ni Xavier. Humirit pa ang mga panauhin ng isang sayaw, nagpalakpakan naman ang ilan. Nagkatinginan sina Segunda at Xavier na hindi magawang tumanggi lalo pa't sumasabay sa paghirit si Don Epifanio.

Kinikilig si Amor. Nakangiti sina Remedios, Leonora at Agustino. Tulala naman si Socorro habang nakakunot ang kilay ni Jacinto sa tabi niya. Magkahawak-kamay na nakatitig naman sina Don Epifanio at Doña Marcela nang matunghayan ang anak at ang asawa nito sa pagsayaw.

Sandaling napatitig si Xavier kay Segunda, naalala niya ang kanilang unang pagkikita sa bakuran ng dormitoryo. Doon pa lang ay aminado siya na maganda si Segunda gayong maputla ang kulay nito at walang anumang kolorete sa mukha. At ngayong nabigyang-kulay ang hitsura ni Segunda, idagdag pa ang suot nitong alahas at magandang kasuotan, walang siyang masabi kundi ang mapatulala na lamang.

Tumikhim si Xavier na namumula pa rin ang pisngi. Siya na madaldal, puno ng kumyansa, at hari ng mga mabulaklak na pangungusap sa mga kababaihan ay wala ngayong masabi kahit isang salita. Tipid na ngumiti si Segunda na pilit iniiwasan ang tingin at kantyaw ng mga tao na sumayaw pa sila.

Mabuti na lang dahil naglakad si Jacinto sa harap bitbit ang gitara, "Nais kong maghandog ng awitin para sa aking dalawang kapatid na nagdiriwang ng kaarawan ngayong Nobyembre." Panimula ni Jacinto saka nagsimulang patugtugin ang kaniyang gitara dahilan upang ibaba ng mga musikero ang kanilang instrumento upang bigyan ng pagkakataong tumugtog ang binata.

Tumingin si Jacinto kay Segunda saka marahang ngumiti, nais niyang isalba ang kapatid sa kahihiyan lalo pa't ramdam niya na hindi na makatingin sa mga tao si Segunda dahil sa hiya. Napataas naman ang kaniyang kilay nang tumingin siya kay Xavier na batid niyang tuwang-tuwa sa atensyon ng madla. Hindi siya makapapayag na masapawan siya nito sa sarili niyang teritoryo.

Nagsimulang tumugtog si Jacinto ng isang malumanay na awitin sa pamamagitan ng gitara. Nagawa rin nitong umawit, nababatid ng lahat na marunong kumanta si Jacinto dahilan upang madalas itong isama ng mga pinsan at kaibigan sa tuwing nanghaharana sa mga dalaga.

Naupo si Segunda sa tabi ni Socorro at pinanood ang pag-awit ni Jacinto. Nanatiling nakatayo si Xavier sa tabi niya saka kumuha ng tubig dahil hindi niya mapigilan ang pagkabog ng kaniyang puso at init ng pisngi na hindi niya maunawaan.

Nagpalakpakan ang mga panauhin nang matapos umawit si Jacinto. Bakas ang tuwa sa mag-asawang De Avila dahil napalaki nilang malalapit sa isa't isa ang magkakapatid. Sumenyas si Jacinto sa orkestra na muling tumugtog ng nakakaindak dahilan upang magsayawan ang mga panauhin. Hinila ni Amor sina Socorro at Segunda pabalik sa gitna, magkakahawak-kamay silang sumayaw at umikot kasabay ng iba pang mga bisita.

Nanatiling nakatitig si Xavier kay Segunda habang hawak ang isang baso ng tubig. Hindi niya namalayan na napapangiti na rin siya sa sarili habang tumatawa si Segunda sa gitna kasama sina Socorro at Amor. Nang mapatingin sa kaniya si Segunda ay nauna siyang umiwas ng tingin sabay inom ng tubig at kunwaring bumulong kay Agustino na hindi rin naunawaan ng binatilyo.


ALAS-TRES ng hapon, pagkatapos ng sandaling panalangin ay nagtungo si Segunda sa ikalawang palapag upang magpalit ng damit. Umuwi na ang karamihan sa mga bisita, ang naiwan na lamang ay mga kamag-anak nila sa pamilya Gonzalez at De Avila.

Nang makapagpalit ng damit si Segunda suot ang payak na kulay puti na baro at luntian na saya ay lumabas na siya ng kaniyang silid. Napatigil siya nang marinig ang mga bungisngis ng mga bata mula sa silid ni Concordio na ilang pinto lang ang layo.

Nagtungo si Segunda sa silid ni Concordio kung saan nakabukas ang pinto. Tumigil siya sa gilid saka pinagmasdan ang paglalaro ng mga bata kasama si Xavier. Nakapasan sa likod ni Xavier si Concordio kasabay ng pagganap nito bilang higante na nangunguha ng bata.

Nagtatakbuhan, nagsisigawan, at nagtatawanan ang mga batang pinsan at kaniyang pamangkin. Naroon din si Amor na nagagawang hulihin ang maliliit na bata saka ihahagis papalapit kay Xavier. Sa tuwing nahuhuli sila ni Xavier ay niyayakap sila nito saka kinikiliti dahilan upang maghari ang tawanan sa buong silid.

Hindi namalayan ni Segunda na unti-unti siyang napangiti habang pinapanood si Xavier at ang mga bata. Sa isip niya, hindi mahirap kay Xavier makihalubilo sa mga bata dahil mahilig din ito sa paglalaro at pangangantyaw.

Natauhan si Segunda nang marinig ang boses ng kaniyang ina na hindi niya namalayang nakatayo na rin sa kaniyang tabi, "Aking hindi akalain na mahusay pala makisama sa mga bata ang iyong asawa, anak." Wika ni Doña Marcela saka ngumiti nang marahan kay Segunda.

Tumango na lang si Segunda saka muling ibinalik ang tingin sa loob ng silid. Marami siya ngayong natutuklasan na magandang ugali ni Xavier na hindi nito nagagawang ipakita sa iba. "Ako'y hindi na makapaghintay na magkaroon kayo ng anak. Nakasisiguro ako na magiging mabuting ama ang iyong asawa." Patuloy ni Doña Marcela saka kumapit sa braso ni Segunda.

Sinubukang ngumiti ni Segunda saka tiningnan ang mga batang masayang nakikipaglaro kay Xavier. Nababatid ni Segunda na malabong mangyari iyon dahil ang kanilang pagsasama ay walang bahid ng pag-ibig.

"Naging matalik naming kaibigan sina Don Manuel at Doña Antonia. Noon pa man ay nararamdaman ko na hindi malapit sa kanila ang kanilang mga anak. Marahil dahil iba ang kanilang pagdidisiplina at paniniwala sa pagpapalaki ng bata. Minsan akong nagbahagi ng karanasan kay Antonia ngunit para sa kaniya ang pagkakaroon ng anak ay seguridad na magpapatuloy ang salinlahi at mana ng pamilya."

"Nawa'y maramdaman ni Xavier ang totoong pagmamahal sa pamilyang inyong bubuuhin." Patuloy ni Doña Marcela dahilan upang hindi malaman ni Segunda kung ano ang dapat na maging reaksyon. Ngumiti na lang ulit siya kahit pa bakas sa kaniyang mukha na hindi sumagi sa isip niya na magiging seryoso ang kanilang kunwaring pagsasama. "Balita ko ay niregaluhan ka niya ng kolorete na hiyang sa iyong balat. Ako'y nagagalak na napunta ka sa mabuting tao, anak." Dagdag ni Doña Marcela saka ngumiti na tila ba nais niyang hulihin ang pamumula sa pisngi ni Segunda.

Napalunok na lang si Segunda. Hindi niya masisi ang kaniyang ina na maging ganoon ang reaksyon dahil sa mata nito ay nagmamahalan sila ni Xavier. Ibinalik muli ni Segunda ang tingin sa mga batang tumatakbo habang patuloy na hinahabol ni Xavier. Naalala niya na siya ang unang nag-alok kay Xavier ng kunwaring kasal, ni hindi siya nagdalawang-isip o natakot matali sa isang estranghero. Marahil, hindi niya lang namalayan na noon pa man ay ramdam na niya na totoong tao si Xavier at ito'y maaasahan.


NANG gabing iyon, nakaupo si Segunda sa tapat ng salamin habang sinusuklay nang marahan ang kaniyang buhok. Ilang sandali pa, lumabas si Xavier sa palikuran habang pinupunasan ang kaniyang basang buhok.

"Ipinahanda ko na sa kasambahay ang bakanteng silid sa taas. Huwag kang mag-aalala, hindi naman nila malalaman na sa ibang silid ka natulog ngayong gabi." Wika ni Segunda. Nagpatuloy lang si Xavier sa paglalakad at umupo sa kama. Napasingkit ang mga mata ni Segunda, nasunod naman ni Xavier ang panukala niya sa pag-upo o paghiga sa kama kung kaya't hindi na niya ito masabihan.

"Sinabi ko naman sa 'yo, sumusunod lang ako sa sabi ng iyong ina. Kapag nalaman niya na sa ibang silid mo ako pinatulog ay tiyak na magtatanong siya. Magsisinunggaling ka na naman at magdadagdag ng kasalanan." Wika ni Xavier na napangiti sa sarili dahil nagamit din niya ang sabon ni Segunda. Ngayon ay magkaamoy na silang dalawa. Nakasuot siya ng puting kamiso at itim na pantalon. Manipis lang ito dahilan upang mas maramdaman niya ang sariwang hangin na nagmumula sa nakabukas na bintana.

Lumingon si Segunda saka ibinagsak ang suklay sa mesa. "Hindi tayo maaaring magtabi. Baka iyong nakakaligtaan? Hindi totoo ang ating..." hindi na natapos ni Segunda ang sasabihin dahil tumango-tango lang si Xavier saka tumayo at napapamewang.

"Huwag mo sabihing patutulugin mo ako sa sahig?" saad ni Xavier nang hindi patanong. Hindi naman siya galit ngunit hindi siya papayag matulog sa sahig. Naalala niya ang mga alikabok at agiw na nasagap ng buhok niya nang gawin siyang lampaso ni Segunda at patulugin sa sahig.

Napahinga nang malalim si Segunda, "Kaya inaalok ko sa 'yo ang bakanteng silid sa itaas, malambot ang kama roon at maluwag. Hindi natin kailangan magsisiksikan dito." Wika ni Segunda sabay turo sa kama niya na malaki nga naman ngunit hindi siya handang makatabi si Xavier na nababatid niyang kakambal din ng kapusukan.

"Kung gusto mo, doon ka na lang matulog. Dito ako matutulog gaya ng sabi ng iyong ina." Saad ni Xavier na bukambibig ang utos ni Doña Marcela. Bukod doon, nararamdaman niya na mas papakinggan siya ni Doña Marcela kaysa sa sarili nitong anak.

Napapikit na lang si Segunda. Batid niya na hindi basta-basta aatras si Xavier. Hindi niya nais matulog sa itaas dahil bukod sa walang ibang natutulog sa ikatlong palapag, doon din namatay ang kanilang lolo noon.

"Ikaw ay lalabas o ako mismo ang hihila sa 'yo palabas?" saad ni Segunda nang may paninindigan. Handa niyang kaladkarin si Xavier kung hindi ito makikinig dahil nakatayo sila ngayon sa kaniyang Baluarte.

Napakamot si Xavier sa kaniyang ulo saka naglakad papalabas sa silid nang mabasa sa mga mata ni Segunda na hindi ito nagbibiro. Nakapatong pa ang tuwalya sa kaniyang balikat. Muling napapikit si Segunda nang makalabas si Xavier at isara ang silid. Kinandado niya ito upang hindi na magtangkang bumalik si Xavier.

Samantala, diretsong naglakad si Xavier patungo sa silid ni Concordio. Kanina niya pa iniisip sa loob ng banyo kung anong mabisang paraan upang makatulog siya sa silid ni Segunda. Naabutan niyang mahimbing nang natutulog ang bata. Sandaling nag-isip si Xavier habang nakapamewang, hindi naman niya nais gisingin si Concordio para sa pansiriling interes.

Ilang sandali pa, nakita niyang umikot si Concordio hanggang sa bumangon ito upang umihi. Pikit-matang naglakad si Concordio patungo sa palikuran nang hindi nakikita si Xavier. Nang makalabas ito sa palikuran, akmang babalik na ito sa kama ngunit sinindihan ni Xavier ang lampara.

Umupo si Xavier upang maging kapantay ang bata. "Cording, gusto mo bang matulog sa tabi ng iyong Ate Segunda?" tanong ni Xavier sabay ngiti na ang sinumang makakakita ay tiyak na hindi makatatanggi.

Napakusot ng mata si Concordio at tumango. "Halika, sabihin mo sa kaniya na gusto mong matulog sa tabi niya ha." Wika ni Xavier saka binuhat si Concordio at dinala ang lampara pabalik sa silid ni Segunda.

Akmang papatayin na sana ni Segunda ang lampara pagkatapos niyang magbasa ng Bibliya nang marinig ang ilang katok sa pinto. Nararamdaman niya na si Xavier iyon, muling bubulong ang demonyo na hindi nagpapatalo.

Hindi umimik si Segunda, wala siyang balak buksan ang pinto. Ngunit napatigil siya nang marinig ang boses ng bunsong kapatid, "Ate Segunda!" tawag ni Concordio. Agad tumayo si Segunda, delikado magpagala-gala sa gabi lalo na't baka mahulog si Concordio sa hagdan.

Hindi nga siya nagkamali, nang buksan niya ang pinto, tumambad sa harap niya si Xavier na nakangisi habang buhat si Concordio na nilalabanan ang antok. "Maaari po ba akong matulog sa inyong tabi?" tanong ni Concordio na tila kinabisado lang ang sasabihin.

Kinuha ni Segunda si Concordio sa kamay ni Xavier, "Oo naman. Ikaw lang ang maaaring..." hindi na natapos ni Segunda ang sasabihin dahil kumapit si Concordio sa leeg ni Xavier dahilan upang mas lalong mapangisi ang binata.

"Gusto ko kasama rin si Kuya!" wika ni Concordio na anumang oras ay mukhang iiyak dahil nasira ang tulog nito. Napapikit na lang si Segunda, hindi niya makaya ang takbo ng isip ni Xavier na handang gumawa ng paraan masunod lang ang gusto.

"Paano ba 'yan? Kailangan daw katabi niyo ako." Hirit ni Xavier na tuwang-tuwa sa tagumpay ng kaniyang plano. Walang nagawa si Segunda kundi ang buksan ang pinto at muling papasukin si Xavier kasama ang kapatid na mukhang nauto nito.

Inilapag ni Xavier si Concordio sa gitna ng kama, agad itong kumapit sa braso niya. "Matutulog na kami. Kung ayaw mong tumabi sa 'kin, maaari ka namang matulog diyan sa sahig." Saad ni Xavier nang may ngiti sa labi. Humiga siya sa tabi ni Concordio at marahang kinumutan at tinapik-tapik ang likod ng bata.

Napatingin si Segunda sa sahig, hindi siya natutulog sa sahig na hindi nalampaso. Napatingala siya sa itaas, hindi niya nais matulog mag-isa sa ikatlong palapag na naging huling hantungan ng kanilang lolo.

Ilang minuto ang lumipas, iminulat ni Xavier ang kaniyang mata at nakita si Segunda na nanatiling nakatayo habang nag-iisip. "Matulog ka na rito. Wala naman akong gagawin sa 'yo. Matutulog kami nang mahimbing ni Concordio." Saad ni Xavier saka tinapik ang kabilang bahagi ng kama. Yumakap pa si Concordio kay Xavier dahilan upang nakangiting ipinikit ni Xavier ang kaniyang mga mata.


KINABUKASAN, nang imulat ni Segunda ang kaniyang mga mata. Si Concordio lang ang naabutan niya sa kaniyang tabi. Wala na si Xavier at nakabukas na rin ang bintana. Alas-sais ng umaga, mahimbing pa rin ang tulog ni Concordio na nakayakap sa kaniya. Muling ipinikit ni Segunda ang kaniyang mga mata at niyakap si Concordio pabalik tulad ng dating gawi kung saan madalas itong makahanap ng kapayapaan sa piling niya.

Lingid sa kaniyang kaalaman, nang humiga siya sa kama katabi nina Concordio at Xavier. Ilang minuto lang ang lumipas ay nakatulog na siya. Marahil ay dahil sa magkakahalong pagod at pag-aasikaso sa mga bisita matapos ang pagdiriwang ng kaarawan ni Socorro.

Nang masiguro ni Xavier na tulog na si Segunda, dahan-dahan siyang bumangon at marahang inilapag ang maliliit na braso ni Concordio na nakayakap sa kaniya. Sandaling pinagmasdan ni Xavier ang makapatid na De Avila. Masaya siya matunghayan at mapabilang sa kanilang kasiyahan. Nais niya lang asarin si Segunda, napagtanto niya rin na hindi tama na tumabi siya sa dalaga nang wala itong pahintulot.

Marahang naglakad si Xavier papalabas sa silid at nagtungo sa bakanteng silid sa ikatlong palapag kung saan mahimbing din siyang nakatulog dahil wala naman siyang ideya na ito'y nababalot ng katatakutan.

Samantala, diretsong nagtungo sa kusina si Xavier nang siya'y magising. Naabutan niyang abala na ang mga kusinera sa pagluluto. Kumuha siya ng isang basong tubig at sandaling tumingin sa bintana kung saan napansin niya si Jacinto na nagsisibak ng kahoy.

"Nagkasakit ang ilang manggagawa kung kaya't ginising ng iyong ina si Jacinto. Pababa na rin si Agustino." Wika ni Manang Tonya. Napasingkit ang mga mata ni Xavier nang makita ang matipunong tindig ni Jacinto habang ibinabagsak ang hawak na itak sa kumpol ng mga kahoy.

Mabilis na nilagok ni Xavier ang tubig, "Ako na po ang bahala. Hayaan niyo na pong magpahinga si Agustino, Manang." Wika ni Xavier saka naglakad papalabas. Nagawa pa niton inunat ang leeg, balikat, at braso na tila ba sasabak sa laban.

Napataas ang kilay ni Jacinto nang matanaw si Xavier na papalapit sa kaniya. Malapit sa batalan ang kumpol ng mga kahoy na kanilang sisibakin. "Ang mga tunay na De Avila lang ang tinawag ni ina rito. Huwag ka nang magpakitang gilas." Saad ni Jacinto na tinawanan lang ni Xavier. balak niya sanang hubarin ang kaniyang damit pang-itaas upang ipakita kay Jacinto kung sino ang tunay na batak ngunit napatingin siya sa bintana ng kusina kung saan nakatanaw sa kanila sina Manang Tonya at mga kusinera.

Kinuha na lang ni Xavier ang isang itak saka nagsimulang magsibak. "Aabutin ka pa ng siyam-siyam dito. Pinagbigyan ko lang ang hiling ng taumbayan." Wika ni Xavier sabay turo sa bintana kung saan ngumiti si Manang Tonya at mga kusinera dahil sa paningin nila ay napakabuti at sadyang matulungin ni Xavier na nagboluntaryo pa.

Napahigpit ang hawak ni Jacinto sa itak. Hindi niya akalain na hanggang dito sa kaniyang teritoryo ay nagagawang agawin ni Xavier ang kaniyang trono. Napansin niya rin kahapon na panay ang sunod nina Amor at Concordio kay Xavier na tila ba mga bibe na nakasunod sa inahin.

Hindi siya makapaniwala na nagawa nang kunin ni Xavier ang loob ng kaniyang mga mabubuting kapatid. Hindi siya makapapayag magpatuloy ang kahibangang iyon. May dahilan kung bakit siya bumalik sa Sariaya, iyon ay upang iligtas ang mga kapatid sa kasamaan.

Mas binilisan at nilakasan ni Jacinto ang puwersa pagsisibak ng kahoy dahilan upang hindi magpatalo si Xavier. Binilisan din niya at mabilis na hinahagis sa kabilang bahagi ang mga nasibak na kahoy. Tumitilapon sa ere ang mga piraso ng kahoy na minamadali nilang biyakin. Nagpatuloy ang dalawa sa paligsahan hanggang sa maubos agad nila ang mga kahoy sa loob lang ng dalawampung minuto.

Pumalakpak ang mga kusinera sa husay ng dalawa. Natuwa rin si Manang Tonya sa pag-aakalang tumibay ang pagkakaibigan at samahan nina Jacinto at Xavier dahil sa pagtutulungan. Samantala, hapong-hapo naman ang dalawa matapos magsibak ng kahoy nang walang tigil. Napakabig sa katabing puno si Jacinto habang hinahabol ang paghinga. Agad namang hinawi ni Xavier ang tumatagaktak na pawis sa kaniyang noo sabay hagod sa lalamunan. Pagewang-gewang siyang naglakad pabalik sa kusina upang uminom muli ng tubig.


ORAS ng tanghali, isinama ni Don Epifanio sina Xavier, Jacinto, at Agustino sa bayan upang dumalo sa salo-salo ng mga opisyales at negosyante. Nakasanayan na ni Don Epifanio isama ang mga lalaking anak sa mga pagdiriwang at pagpupulong upang ipakilala ang mga ito sa mga taong maaaring makatulong sa kanila balangaraw.

Hindi maitago ni Don Epifanio ang kaniyang kasiyahan nang matunghayan kung paano makihalubilo si Xavier sa mga opisyal, politiko, at mga negosyante. Nagagawa nitong sakyan ang biro ng mga Don dahilan upang mas lalong maging masigla ang kanilang usapan. Marami ring nalalaman si Xavier sa mga alak, lugar, at ang mga taong binabanggit ng ilang Don ay kilala rin niya bagay na mas lalong nagpadali sa kanilang koneksyon.

Naghari ang tawanan, kuwentuhan, at biruan sa grupo ng mga matatandang lalaki mula sa iba't ibang propesyon habang nakikinig sa mga kinukuwento ni Xavier. Maging si Don Epifanio ay hindi nakaligtas sa mga nakakatawang hirit ni Xavier.

Nakaupo naman sa sulok si Jacinto habang umiinom ng alak at matalim ang tingin kay Xavier. Hindi siya makapaniwala na nakuha na nito ang loob nina Amor at Concordio, kinagigiliwan ng kanilang ina, kinatutuwaan ni Manang Tonya at mga manggagawa sa hacienda, at maging ang kaniyang ama na kadugo niya ay mukhang nahihibang na rin kay Xavier. Nakatayo naman si Agustino sa tapat ng bintana habang pinagmamasdan ang pamilihan na abala ngayong umaga.

Hindi matanggap ni Jacinto na unti-unti na siyang napapalitan ni Xavier. Maging ang kaniyang ama ay halatang natutuwa sa presensiya ni Xavier at sa kakayahan nitong makipagpalagayang-loob sa mga kaibigan niya.

Natanaw ni Agustino sina Segunda, Socorro, Leonora, Amor, at Manang Tonya na kabababa lang sa kalesa. Naalala niya na nagtanong kanina si Segunda kung may nais itong ipabili dahil magtutungo sila sa pamilihan. Bukod doon, bibilhan din nila ng gamot si Socorro na mula kagabi ay hindi matigil ang pagbahing.

Kumapit si Segunda sa braso ni Socorro. Nakatakip ng panyo ang ilong at bibig nito. Maluha-luha na rin ang mata dahil sa sipon. Pumasok silang dalawa sa botikaryo. Sinamahan naman ni Manang Tonya sa pamilihan sina Leonora at Amor.

Napalingon sa paligid si Segunda nang mapansin na walang tao sa loob ng botikaryo. "Tao po?" panimula ni Segunda ngunit wala pa ring sumasagot. Nanatili namang nakatayo si Socorro sa likod niya at nagsimulang bumahing muli.

Ilang sandali pa, may pumasok na lalaki sa botikaryo nang hindi sila napapansin dahil nakatitig ito sa papel na naglalaman ng listahan. Dumiretso ang lalaki sa hanay ng mga halamang gamot na pinatuyong dahon. Sa kilos ng lalaki ay tila may nalalaman ito sa mga gamot.

"Mawalang-galang na po, kayo po ang may-ari?" tanong ni Segunda. Lumingon sa kaniya ang lalaki na naunang ngumiti.

"Magdilang-anghel ka nawa, binibini. Ngunit hindi ako ang may-ari. Lumabas lang sandali si Señor Heronimo." Tugon ng lalaki na nasa edad dalawampu't walo pataas. Matangkad ito, makinis, maayos ang tindig, malinis ang pananamit, at may hitsura.

"Ganoon po ba. Maghihintay na lang po kami rito." Wika ni Segunda saka lumapit kay Socorro. Muling nabahing nang ilang ulit si Socorro dahilan upang mapalingon muli sa kanila ang lalaki.

"Pasensiya na, magpapatingin sana kami sa doktor ngunit sarado ang kaniyang klinika." Saad ni Segunda. Tinaas naman ni Socorro ang kaniyang kamay. "Ako po'y ayos lang." wika ni Socorro dahil nakatingin lang sa kanila ang lalaki.

Inilapag ng lalaki ang mga hawak na halamang-gamot saka ibinulsa ang dalang papel at lumapit sa kanila. "Ako'y doktor sa Maynila. Ang aking ngalan ay Juan Pablo Nuestro, maaari kitang suriin, binibini." Pakilala ng lalaki dahilan upang magkatinginan sina Segunda at Socorro dahil ang magandang lalaki na nakatayo sa kanilang harapan ay isa palang doktor.

"Kung ayos lang po sa inyo." Wika ni Segunda. Tumango si Juan at ngumiti, "Walang problema. Kompleto rin ang mga gamot dito, ako na ang bahalang magsabi kay Señor Heronimo." Wika ni Juan saka kumuha ng silya upang paupuin sina Segunda at Socorro.

Sinuri ni Juan ang mga mata, ilong at bibig ni Socorro. Maging ang balat nitong namumula. Nagsimula itong magtanong tungkol sa pagkain, paligid, o mga taong nakasalumuha na may sakit. Makalipas ang ilang sandali, kumuha ito ng ilang gamot saka binalot at ibinigay sa magkapatid. "Mabisa ang gamot na iyan ngunit kung hindi ito tatalab matapos ang tatlong araw, maaari kayong magpasuri muli. Iwasan mo na rin muna lumagi sa mga maalikabok na lugar, nauunawaan ko na nilinis ang inyong buong bahay kung kaya't maaaring iyon ang pinagmulan ng iyong sipon at pagbahing." Paliwanag ni Juan matapos matandaan ang lahat ng detalye na nabanggit ni Socorro.

"Salamat po, Ginoo." Wika ni Segunda sabay abot ng bayad para sa konsulta at gamot ngunit umiling si Juan. "Huwag na. Itago niyo na 'yan." Saad ni Juan saka ngumiti nang marahan. "Kasama na rin ang mga gamot na 'yan sa binili ko rito." Patuloy ni Juan dahil nabayaran na niya sa botikaryo ang mga gamot na kailangan niya. Bumalik lang siya dahil may ilan pa siyang nais idagdag para sa sunod na gamot na kaniyang tutuklasin.

"Magkapatid ba kayong dalawa, mga binibini?" tanong ni Juan. Tumango sina Segunda at Socorro na parehong hindi nakapagsalita. Kung narito si Amor ay tiyak na kikinang ang mga mata nito at mapapatili.

"Sabi ko na, magkamukha kayong dalawa." Wika ni Juan sabay ngiti nang matukoy na pareho ang mga mata at ilong ng dalawang binibini. Natutuwa siya sa tuwing may nakikita siyang magkakapatid na malapit sa isa't isa. Magkakapatid na handang tulungan ang bawat isa. Ganoon din sila pinalaki ng kanilang mga magulang kung kaya't sa tuwing may pasyente siya na ang kasama ay kapatid, madalas ay hindi na niya ito sinisingil.

Magsasalita pa sana si Juan ngunit dumating na si Señor Heronimo na nasa edad pitumpung taon kasama ang ilang mga tagabuhat ng mga gamot. Magalang na yumuko si Segunda upang magpaalam. Nanatili namang nakatulala si Socorro bago sila umalis dahil dumami na ang tao sa loob ng botikaryo.


KINAGABIHAN, pagkatapos ng hapunan ay nagtipon ang mag-anak na De Avila at Gonzalez sa salas upang pakinggan ang awiting inihandog nina Agustino at Amor. Bihasa sa pagtugtog ng piyano si Agustino dahilan upang mahirapang sumabay si Amor dahil kakaumpisa pa lang niya sa pagsasanay sa pag-awit. Ilang beses niyang pinandidilatan si Agustino na hindi siya pinapansin dahil nadadala ito ng musika.

Hindi mawala ang ngiti sa mga matatanda habang pinapanood ang magkapatid na parehong talentado subalit nag-aaway sa kalagitnaan ng pagtatanghal. Nakaupo si Socorro sa sahig habang yakap si Concordio na inaantok na dahil maaga sila nagising upang dumalo ng misa. Nasa tabi niya si Jacinto na nakaupo rin sa sahig. Nagagawa pa nitong pumalakpak sa tuwa dahil sadyang nakakatawa tingnan sina Agustino at Amor na hindi magkasundo sa pagtugtog at pag-awit. Nakaupo naman sa salas sina Don Epifanio at Doña Marcela katabi ang mga tiyuhin at tiyahin na karamihan ay nakatira rin sa Sariaya ngunit bihira sila magtipon nang buo dahil abala sa iba't ibang gawain.

Nasa dulo ng silya nakaupo si Remedios habang yakap si Honesto na noo'y nakatulog na. Hinikayat siya ni Manang Tonya na pumanhik na sa taas ngunit pinili ni Remedios na panoorin ang mga kapatid dahil sa pangungulila sa sariling pamilya. Minsan na lang siya makauwi ngayon sa Sariaya at nakakaramdam siya ng lungkot nitong mga huling buwan.

Nakaupo naman sa tabi niya si Leonora na nakatitig kina Agustino, Amor, at sa hitsura ng paligid, iniisip niya ngayon na magandang inspirasyon iyon sa susunod niyang obra na balak niyang simulan agad kinabukasan. Nais niyang pamagatan ito na Canciones de Hermano y Hermana.

Nakatayo si Segunda sa likod ng salas, katabi niya ang malaking bintana at nasa kanan niya si Manang Tonya na tulad niya ay pinipiling pumwesto sa likod o sulok. Napalingon si Segunda sa paligid nang mapansin na kanina niya pa hindi namamataan si Xavier. pagkatapos ng hapunan ay isinama ito ni Don Epifanio sa silid-opisina ngunit ang ama niya lang ang tumuloy sa salas.

Napansin ni Segunda ang usok na nagmumula sa azotea. Pasimpleng umatras si Segunda at nagtungo sa azotea nang hindi namamalayan ni Manang Tonya. Hindi nga siya nagkamali, naabutan niya roon si Xavier na nakasandal sa balkonahe habang naninigarilyo.

Bumagal ang lakad ni Segunda nang mapatingin sa kaniya si Xavier. Iniisip niya kung paano sasawayin si Xavier gayong naninigarilyo rin ang kaniyang ama at mga tiyuhin sa azotea. Minsan na rin niyang nakitang manigarilyo si Jacinto ngunit napagalitan ito ng kanilang ama dahil nanigarilyo ito sa sariling silid dahilan upang kumalat sa loob ang usok. Mula noon ay kabilin-bilinan sa kanilang tahanan na kung maninigarilyo man ay dapat itong gawin sa labas ng bahay.

"Mabait si Amor at sadyang kagiliw-giliw ngunit..." hindi na natapos ni Xavier ang sasabihin dahil nangsalita na si Segunda.

"Huwag mo nang ituloy. Nababatid namin." Saad ni Segunda na hindi malaman kung matatawa ba siya o ano. Nababatid nilang lahat na hindi para kay Amor ang pag-awit, bagay na taliwas sa paniniwala ni Doña Marcela dahil nais niyang magkaroon ng talento o pagkakaabalahan ang bawat anak.

Natawa si Xavier sabay buga ng usok. "Kahit kailan nais mo talagang sabihin ang gusto mong sabihin, ano?" tanong ni Segunda na tumigil sa tapat ng balkonahe.

"Kailangan ko sabihin ang nasa isip ko dahil hindi ko kayang magpanggap. Sinunggaling din akong tao. Bahala ka na mag-isip kung totoo ba o hindi ang sasabihin ko." Wika ni Xavier sabay tawa. Nababatid ni Segunda na nagsisimula na naman si Xavier sa mga kalokohan nito. Kahit saang lugar pa ito ilagay, anumang oras, at anumang araw, wala itong pinipili.

"Maglaro tayo. Ang tawag sa laro na 'to ay Kabulaanan o Katotohanan." Panimula ni Xavier na tila nabuhayan sa sariling ideya.

"Huwag mo sabihing imbento mo na naman 'yan." wika ni Segunda habang hinuhuli sa hitsura ni Xavier kung niloloko ba siya nito.

Tumawa si Xavier saka nagpatuloy sa paninigarilyo. Ilang metro ang layo ni Segunda at hindi rin tumatama sa kaniya ang usok dahil patungo sa kaliwa ang ihip ng hangin. "Nilalaro na namin 'to dati pa. Mas masaya 'to sa inuman." Tugon ni Xavier sabay ngisi. Bakas sa mukha ni Segunda na hindi niya matukoy kung totoo ba ang sinasabi ni Xavier o nagsisimula na ang laro na sinasabi nito.

"Ganito. Magsasabi tayong dalawa ng tig-tatlong pahayag na may kinalaman sa ating sarili. Kailangan nating hulaan kung totoo ba iyon o hindi. Kung sino ang mas maraming puntos, siya ang magwawagi." Paliwanag ni Xavier na hindi mawala ang pag-ngisi. Nagawa niya pang ikumpas ang kaniyang kamay habang nagpapaliwanag.

Napaisip si Segunda. Hindi siya mahilig sa mga larong pambata na tulad ng sinasabi ni Xavier. Ngunit nababagot na siya at hinihintay na lang matapos ang pagtatanghal ng dalawang kapatid. Hindi rin niya maitatanggi na nagkaroon siya ng katiting na interes sa laro na suhestiyon ni Xavier.

Tumikhim si Segunda saka tumingin sa paligid, natatanaw nila ngayon ang malawak na hardin ng pamilya De Avila. "O'siya, anong premyo ng mananalo?" tanong ni Segunda dahilan upang mas lalong lumaki ang ngiti ni Xavier dahil napapapayag niya ito.

"Ang mananalo ay may karapatang humiling ng kahit ano. Kung sasabihin mo sa akin na ibigay ko sa 'yo ang mansyon sa Sta. Mesa. Ibibigay ko sa 'yo." Wika ni Xavier sabay ngiti na tila ba isa siyang galanteng hari. Napailing na lang si Segunda, halos lumuwa ang mata ni Xavier nang malaman niya na sa kaniya ipapamana ang mansyon na iyon, imposibleng ibigay sa kaniya ni Xavier ng ganoon na lang ang bahay na pangarap nito. Napatunayan niya sa sarili na magaling nga sa pagsisinunggaling ang kausap.

"At dahil pumayag ka na, ako na ang magsisimula... Una, maniniwala ka ba na mahusay akong sumayaw?" saad ni Xavier habang nakatitig kay Segunda upang basahin ang reaksyon nito.

Napaisip si Segunda, naalala niya kung gaano kadali kay Xavier ang isayaw siya kanina sa pagdiriwang. Tumango nang marahan si Segunda, "Sa palagay ko, Oo." Tugon niya ngunit umiling-iling si Xavier saka tumawa.

"Mali. Hindi ako sumasayaw. Inikot-ikot lang kita kanina. Mabuti na lang dahil mabilis ang indak ng musika kung kaya't hindi niyo nahalata." Tawa ni Xavier dahilan upang mapaisip si Segunda. Hindi nga niya mapapansin dahil siya ang kasayaw. Ngayon ay malinaw na kung bakit ilang minuto siyang nakaramdam ng hilo pagkatapos ng sayaw.

Tumikhim si Segunda, "Ako'y hindi mahilig sa matamis." Wika ni Segunda. Napahawak si Xavier sa kaniyang baba saka sandaling nag-isip. "Kabulaanan. Mahilig ka sa matamis." Wika ni Xavier sabay tingin kay Segunda na nagulat dahil tumama agad ito.

"K-kaya binigay ko sa mga kaibigan mo ang pan de krema dahil hindi ko kayang ubusin iyon." Saad ni Segunda ngunit ngumiti lang si Xavier saka umiling nang marahan.

"Aking nararamdaman na gusto mo lang bahaginan sila maging ang mga kusinera. Hindi ibig sabihin na nagbahagi ka ng pagkain o bagay ay hindi mo na iyon gusto." Wika ni Xavier dahilan upang mapaiwas ng tingin si Segunda.

"Hindi nawawala ang panghimagas sa mga niluluto mo araw-araw. Matamis na panghimagas din ang madalas mong kinakain sa merienda. Mahilig ka sa matamis." Patuloy ni Xavier na mas lalong lumaki ang ngiti dahil tumama nga siya.

"Ako'y mahilig sa hayop." Wika ni Xavier. Napaisip si Segunda, walang aso sa bahay nila. Wala ring aso ang mga magulang ni Xavier. Ang mga antigo sa mansyon ay puro paso, santo, at mga gintong alahas.

Sandaling tinitigan ni Segunda si Xavier, "Oo. Sa tingin mo mahilig ka sa hayop." Sagot ni Segunda dahilan upang lumaki ang mga mata ni Xavier.

"Humuhusay ka nang tunay ha. Tama!" hindi makapaniwalang saad ni Xavier dahilan upang matawa si Segunda. Ang totoo, kaya sumang-ayon si Segunda ay dahil naniniwala siya na hindi naman sasabihin ni Xavier na mahilig siya sa hayop kung hindi totoo.

"Tig-isang puntos na tayo. Hindi ko akalain na kilalang-kilala mo na ako." Hirit ni Xavier dahilan upang mapailing na lang si Segunda habang natatawa sa sinabi ni Xavier. Nagkataon lang na sumablay si Xavier sa paggamit ng salita at masyadong halata ang tanong nito kung mahilig ba siya sa hayop o hindi. Naunawaan lang agad ni Segunda ang proseso ng pagtatanong ni Xavier.

"Madalas akong magising tuwing alas-tres ng madaling araw." Saad ni Segunda. Napahalukipkip si Xavier saka ilang segundong pinagmasdan si Segunda. Iniisip niya na maaga nagigising si Segunda ngunit hindi kasing-aga ng alas tres. Mapupuyat din ito kung palaging nagigising nang ganoong oras. Ngunit mukhang nakakatulog naman nang maayos palagi si Segunda.

Napakamot si Xavier sa kaniyang kilay, "Iyan ay... Katotohanan." Sagot ni Xavier. Ilang segundong napakurap si Segunda dahil muling tumama si Xavier. "Nagdadasal ka ng Angelous tuwing alas-sais, alas-dose, alas-tres ng hapon hanggang alas-sais ng gabi. Sa palagay ko ay nagdadasal ka rin tuwing alas-tres ng madaling araw." Dagdag ni Xavier sabay ngiti dahil ramdam niya na tama nga ang kaniyang hula.

"Hindi pa kita nakakasama niyan sa silid ha, nababatid ko na." Bulalas ni Xavier ngunit napatigil siya nang mapagtanto na wala nga palang ideya si Segunda na umalis din siya sa silid nito kagabi.

"Hindi kita naabutan kaninang umaga, natulog ka ba talaga sa tabi namin ni Concordio?" tanong ni Segunda. Napasingkit ang mga mata ni Xavier, "Iyan na ba ang pangatlo mong nais malaman sa ating laro?" tanong ni Xavier.

Umiling si Segunda, "Hindi. Huwag mo na sagutin. Hindi ko naman kailangan malaman." Wika ni Segunda dahilan upang matawa si Xavier. Ibinuga na niya ang huling usok saka akmang itatapon ni Xavier ang sigarilyo sa hardin ngunit napatigil siya nang magsalita si Segunda.

"Huwag. Hindi tama ang magtapon kung saan-saan. Nawa'y respetuhin natin ang inang kalikasan. Hindi rin mabuting halimbawa ang makita ng mas nakababata na ikaw ay naninigarilyo. Masama rin iyan sa kalusugan maging sa mga taong nakalalanghap ng usok kasama mo. Si Tiyo Marcelo ay madalas nang ubuhin dahil sa paninigarilyo." Paalala ni Segunda dahilan upang mapatikhim na lang si Xavier. Pakiramdam niya ay kanina pa naghahanap ng tiyempo si Segunda at ngayon ay matagumpay siya nitong napangaralan.

Naglakad si Xavier patungo sa pabilog na mesa sa azotea saka dinikdik sa sinisero (ashtray) ang sigarilyo. Tumingin siya kay Segunda na nagawang tiiisin mula kanina ang usok ng sigarilyo ngunit hinayaan lang siya nito maubos ang sigarilyo bago pinagsabihan.

Napayuko si Xavier saka nilaro-laro ang kaniyang paa sa sahig. Hindi niya alam ang sasabihin. Hindi rin siya humihingi basta-basta ng paumanhin lalo na kapag seryosong bagay ang pinag-uusapan. Huminga nang malalim si Segunda saka humarap sa kaniya, "Ako na muli ang magpapatuloy... Ako'y marunong umawit." Wika ni Segunda upang muling gumaan ang paligid.

Magsasalita pa sana si Segunda ngunit nagsalita na si Xavier, "Oo. Marunong kang umawit." Diretsong sagot ni Xavier na tila ba hindi na pinag-isipan ang kaniyang tugon.

Sandaling napatulala si Segunda sa mga mata ni Xavier. Ang totoo, para kay Xavier, hindi man marunong umawit si Segunda, sasabihin niya pa rin na marunong ito upang hindi bumaba ang kumpyansa ng dalaga. Matalo man siya sa kanilang laro, kahit papaano ay hindi naramdaman ni Segunda na wala siyang talento na maipagmamalaki.

Napalunok si Segunda saka umiwas ng tingin, "Ako'y umaawit. Madalas hilingin ni Concordio na siya'y awitan ko sa pagtulog." Tugon ni Segunda na napangiti sa sarili dahil ito ang unang beses na nagawa niyang ibahagi sa iba na mahilig siyang umawit mag-isa at nagagawa niyang awitan ang mga kapatid dahilan upang makatulog ang mga ito nang mahimbing.

Napangiti si Xavier dahil naging maganda ang dulot ng tahasang sagot niya kay Segunda. "Bilib nga ako sa inyo. Kay rami niyong magkakapatid ngunit tila naalagaan kayong lahat. Si Manang Tonya lang ang inyong tagapag-alaga, hindi ba?"

Tumango si Segunda, "Si ina at Manang Tonya ang madalas naming kasama ngunit palagi rin namin nakakasama si ama sa hapag. Hindi rin niya nakakaligtaan kausapin kami at tanungin sa aming mga pinagkakaabalahan. Bukod doon, kaming tatlo nina Ate Remedios at Feliciano ay maagang naging husto ang isip upang alagaan din ang aming mga kapatid. Naniniwala sina ama at ina na mas mabuting kami ang mag-alaga sa mga mas nakababata naming kapatid upang maging malapit kami sa isa't isa." Wika ni Segunda habang nakatitig sa mga bulaklak sa hardin na marahang sinasayaw ng malamig na hangin.

"Naalala ko pa kung paano lumuha si Jacinto nang mabalitaan niya na ikakasal na ako. Para siya pa rin ang apat na taong gulang na Jacinto na madalas magpabuhat at nakasunod sa akin saan ako magpunta." Patuloy ni Segunda saka napangiti sa alaalang iyon.

"Bilang isa sa mga panganay, maaga kaming tumanda ngunit akong sinisisi dahil masaya ako na nasubaybayan ko ang paglaki ng aking mga nakababatang kapatid at naging bahagi ng kanilang kabataan. Kung tutuusin, mas nakikinig pa si Socorro sa aming dalawa ni Feliciano kumpara sa aming mga magulang. Sina Leonora at Amor naman ay hindi nakakatulog noon kapag hindi nila katabi si Ate Remedios. Si Jacinto ang madalas nakabuntot sa akin. Sina Agustino at Concordio naman nang sila'y nagiging maliksi na, hindi sila mawalay kay Ate Remedios. Mas umiiyak pa sila kapag hindi sila kasama sa tuwing umaalis si Ate Remedios." Dagdag ni Segunda na sandaling natawa nang maalala kung paano magwala ang dalawang bata sa sahig.

Napatingala si Xavier sa langit, nakaramdam siya ng lungkot sa katotohanang hindi niya naranasan iyon. Malayo ang agwat ng edad niya sa mga nakatatandang kapatid at hindi sila nagpapansinan. Noong bata pa siya, nasa kolehiyo na ang dalawa at abala na ito sa pag-aaral. Nang mag-asawa rin ang kaniyang dalawang kapatid, umalis na ito sa bahay, sa tuwing may okasyon na lang sila nagkikita-kita.

Mayroon naman siyang mga kaibigan ngunit iba pa rin ang sariling pamilya na maaari niyang makasama hanggang pagtanda. Nanatiling tahimik si Xavier, kailanman ay hindi siya naging bukas pag-usapan ang sariling pamilya. Wala rin siyang maalala na magandang karanasan bukod sa handa siyang sagipin ng ama sa anumang kalokohang kinasangkutan upang protektahan ang pangalan ng kanilang pamilya.

"Siya nga pala, nais kong magpasalamat sa 'yo, sa iyong regalo, sa pagtulong mo sa akin kaninang sumayaw, at sinamahan mo rin ako rito sa Sariaya." Wika ni Segunda upang kahit papaano ay gumaan ang loob ni Xavier. Umaasa siya na mapagtanto ni Xavier na hindi nauuwi sa wala ang mga magagandang bagay na nagawa nito. Na ang lahat ng kabutihan ay marapat lang pasalamatan.

Tumango si Xavier habang nakapikit at nakangiti nang tipid. Kahit papaano ay nakapagpahinga rin siya sa pag-aaral at magulong mundo sa Maynila. Hindi rin niya maitatanggi na nagustuhan niya ang tahimik, payapa, at masayang buhay sa Sariaya.

"Hindi pa pala tapos ang ating laro, ikaw na ang huli magtatanong." Wika ni Segunda. Iminulat ni Xavier ang kaniyang mga mata saka tumingin kay Segunda na tila ba kanina niya pa pinag-iisipan kung sasabihin ba niya ang bagay na tumatakbo sa kaniyang isipan.

"Maniniwala ka ba na... gusto ko nang maging totoo ang pagkukunwaring ito?" Tanong ni Xavier na nakatingin nang diretso sa mga mata ni Segunda. "Gusto kong maging tunay na asawa mo, Segunda." Patuloy nito dahilan upang hindi nakapagsalita si Segunda. Hindi niya matukoy kung totoo ba o kabulaanan ang sinabi ni Xavier na hindi man lang ngumisi o tumawa na karaniwang ginagawa nito sa tuwing nagbibiro.


*******************************

#SegundaWP

https://youtu.be/5G6jcJVs92c

"Lihim" by Arthur Miguel

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top