Kabanata 13: Ang Hari ng Impyerno
[Kabanata 13]
NABABALOT ng liwanag ang El Restaurante na siyang madalas dayuhin ng mga elitista tuwing may okasyon, pribadong pagpupulong, o pagdiriwang ng mahalagang araw. Malawak ang kulay pulang alpombrang sahig. Ang bawat mesa ay mayroong puting tela na seda at malalambot na pulang silya.
Kapansin-pansin ang malalaking aranya sa kisame na siyang nagbibigay ng liwanag. Idagdag pa ang mga mamamahaling larawang oleo na nakasabit sa dingding. Mabagal ang tunog ng musika na pinapangunahan ng limang kalalakihan. Nakilala ni Xavier ang banda na iyon na konektado sa kaniyang ina na siyang nagpapatuloy ng mga iniwang pagtatanghal at musika ng ama nito.
Nakasuot ng pormal ang mga lalaking naghahatid ng pagkain at nakapalibot din ang mga pribadong guardia upang tiyakin ang kaligtasan ng mahahalagang tao sa loob. Dinala sila ng serbidora sa parisukat na mesa na may limang silya. Malapit ito sa bintana kung saan tanaw ang maluwag na kalsada at liwanag sa labas.
Kinuha ng serbidora ang sombrero ni Catarina at mga gabardinong suot nina Romeo at Xavier. Kapansin-pansin ang payapang atmospera sa loob kasabay ng ibang mga dayuhan at kilalang opisyal na abala sa kani-kanilang pagpupulong habang kumakain.
Marahang hinila ni Romeo ang silya upang paupuin si Catarina na tumugon ng ngiti sa asawa. Hinila rin ni Xavier ang silya para kay Segunda, gagawin naman din niya iyon dahil sanay siya sa pagiging maginoo sa tuwing dumadalo sa mga pormal na okasyon ngunit nauna lang si Romeo sa kilos nito.
Hinila ni Nova ang kaniyang silya saka naupo sa gitna. Magkatabi ang mag-asawang Castillo habang nasa tapat nila sina Segunda at Xavier na parehong tahimik. Sumenyas si Catarina sa serbidora at hinikayat ang mga kasama na pumili ng nais kainin.
Seryosong tiningnan ni Xavier ang menu ngunit napatigil siya nang mapansin na nagawang tumingin ni Romeo kay Segunda. Hinanap ni Xavier ang pinakamahal na putahe dahil nakasisiguro siya na si Romeo ang magbabayad. Napasingkit din ang mga mata niya sa pagpili ng alak dahil balak niyang kunin ang pinakamahal na magpapahina sa tuhod ng propesor.
Nang makapili na siya ng pagkain ay muling inayos ni Xavier ang kaniyang kuwelyo saka sumandal sa silya na tila siya ang may-ari ng elegenteng gusali. Bumubulong at ngumingiti naman si Catarina habang kausap si Nova dahil hindi siya makapili ng nais niyang kainin. Samantala, tahimik lang si Segunda na tila wala sa sarili.
Bumulong si Xavier kay Segunda na nakatitig lang sa menu, "Ibig mo ba nito? Masarap ito." Wika ni Xavier sabay turo sa pangalawang pinakamahal na pagkain. Umiling si Segunda nang makita ang presyo.
"Kapag tayo ay ililibre lamang, marapat na piliin natin ang pinakamura." Bulong ni Segunda ngunit ngumisi lang si Xavier. "Pasensiyahan na lang, nabanggit ko na ang akin. Kung hindi nila kayang bayaran, handa naman akong mag-ambag." Bulong ni Xavier dahilan upang mapahinga na lang nang malalim si Segunda dahil hindi niya nais makipagtalo kay Xavier sa harap ng ibang tao.
Nawala ang ngiti ni Xavier nang mahuli si Romeo na nakatingin sa kanila. Umiwas ito ng tingin saka ibinalik ang paningin sa binabasang menu. Sumandal muli si Xavier sa silya sabay halukipkip, nagawa niyang titigan si Romeo na tila ba hindi niya ito propesor.
Nang matapos pumili ang lahat, sandaling tiningnan ni Catarina sina Segunda at Xavier nang may ngiti sa labi, "Gracias por acompañarnos esta noche. He estado esperando conocerte, sobre todo, tú, Segunda. Mi esposo me dijo que su familia lo ayudó a él y a su familia." (Thank you for joining us tonight. I've been waiting to meet you, especially, you, Segunda. My husband told me that your family helped him and his family.)
Napataas ang kilay ni Xavier nang marinig ang sinabi ni Catarina. Muling nagkatinginan sina Romeo at Segunda na parehong hindi alam ang sasabihin. Napaisip naman si Nova na interesado malaman kung paano sila naging konektado.
"¿Se conocen?" (Do you know each other?) tanong ni Nova sabay tingin kina Romeo at Segunda.
Bakas sa hitsura ni Segunda na hindi nito alam ang sasabihin lalo pa't hindi niya napaghandaan ang araw na ito kung saan magkukrus muli ang kanilang landas nang hindi inaasahan. Marahang inilapag ni Romeo sa mesa ang hawak na baso ng alak.
"Oo. Ako ang dating kutsero ng pamilya De Avila." Tugon ni Romeo nang walang bahid ng hiya sa buhay na kaniyang pinagmulan. Kailanman ay hindi ikinahiya ni Romeo ang kaniyang mga pinasok na trabaho at sariling pamilya dahil naging inspirasyon niya ang mga ito upang patuloy na lumaban sa buhay.
Nanlaki ang mga mata ni Nova sa gulat, kaya pala tila pamilyar si Romeo noong una niya itong nakita kasama si Catarina na naging matalik niyang kaibigan. "Kilala rin kita, Nova. Madalas kang magtungo noon sa hacienda De Avila upang makipaglaro kina Señorita Socorro at Amor, hindi ba?" patuloy ni Romeo na nagawang ngumiti nang marahan.
"Bakit hindi mo agad sinabi sa akin Señor na taga-Sariaya ka rin pala?!" saad ni Nova na napangiti rin sa katotohanang magkababayan sila. Ngumiti lang si Romeo, "Ako'y hindi nakakasingit sa inyong tuloy-tuloy na usapan ni Catarina." Nagkatinginan sina Catarina at Nova na parehong napabungisngis dahil hindi nila napapansin ang oras sa tuwing sila'y magkasama. Nakakaunawa na ng Tagalog si Catarina kahit papaano dahil tinuturuan siya ni Nova.
"Paano ka nakapunta ng Europa, Señor? Handa kaming makinig!" Ngiti ni Nova na madaling nakapaghihikayat na magkuwento ang kausap. Tumingin siya kina Segunda at Xavier na mukhang hindi masaya.
Sinagi ni Nova nang marahan si Segunda dahilan upang matauhan ito. Nakatitig lang ang dalaga sa mesa. "Ayos ka lang Ate?" tanong ni Nova. Pilit na ngumiti si Segunda saka tumango nang marahan.
Samantala, nakasandal pa rin sa silya si Xavier habang seryosong nakatingin kay Romeo. Hindi niya akalain na konektado pala kay Segunda ang masungit na propesor. Hindi rin siya makapaniwala na nagagawa nitong ngumiti ngayon sa harap ng hapag gayong lagi itong seryoso sa klase at nagagalit sa mga estudyante.
Nilalaro ni Romeo sa kaniyang kamay ang hawak na baso ng alak, "Ang aming pamilya ay lumuwas patungo sa Sariaya. Pinalad kaming makapagtrabaho sa hacienda De Avila. Ilang taon din akong naging kutsero ni Don Epifanio at Señor Feliciano bago ako nakapag-aral sa Maynila sa tulong ng programa ng mga prayle at pamilya Villafuerte."
Dahan-dahang napatingin si Segunda kay Romeo, animo'y bumabalik sila sa nakaraan kung saan ang lahat ay payak at masaya. Tahimik lang si Romeo ngunit sa tuwing magkasama sila ay ito ang unang nagbubukas ng paksa. Marami rin itong kinukuwento tungkol sa kaniyang pangarap para sa mga magulang at mga kapatid. Ni minsan ay hindi niya narinig ang pangarap ni Romeo para sa sarili dahil palagi nitong inuuna ang ibang tao.
Naalala niya ang pangarap ni Romeo na maging matagumpay sa Europa at mahingi ang kaniyang kamay. Iyon lang ang pangarap na nagawang isama ni Romeo ang sariling kasiyahan. "Nang ako'y makatapos ng kolehiyo sa kursong abogasya. Nagkaroon ako ng pagkakataong makapunta sa Europa sa tulong ng isang prayle. Naging maayos naman ang mga naunang buwan ko roon hanggang sa..." napatigil si Romeo saka tumingin kay Segunda. Sa totoo lang, hindi rin siya handa na ikuwento ang naging karanasan niya sa Europa. Ang karanasan na siyang naging dahilan ng kaniyang kasalanan.
"Dumami ang pagsubok hanggang sa dumating ang araw na kailangan kong pasukin ang iba't ibang trabaho masuportahan lang aking pamilya. Bilang panganay, nais kong tulungan ang aking mga kapatid na umangat din sa buhay. Mahina na ang aming mga magulang at hindi ko sila nais mabigo. Sa tuwing ako'y pinanghihinaan ng loob, madalas ko lang iniisip ang pangunahing rason kung bakit ako umalis. Hindi biro ang mabuhay sa ibang bayan at malayo sa sariling pamilya." Patuloy ni Romeo saka uminom ng alak. Hindi niya nais malaman ni Segunda kung paano siya naghirap, nagutom, nabugbog, nabilanggo at muntik nang mamatay sa Europa dahil ibig niyang mabubuting bagay na lang ang isipin nito tungkol sa pananatili niya roon.
Napapalakpak si Nova na nagawa pang hawiin ang nangingilid niyang luha, "Isa kang inspirasyon, Señor. Ang iyong pagtitiyaga at dedikasyon ay huwaran para sa aming lahat." Wika ni Nova saka itinaas ang baso ng alak upang alukin ang mga kasama na magbigay-pugay sa pagsusumikap ni Romeo.
Ininom lang ni Xavier ang alak saka muling tiningnan si Romeo. Ngayon ay nauunawaan na niya kung bakit ganoon na lamang ang matinding galit ng propesor sa mga tulad niyang pinanganak sa mayamang pamilya at hindi nagsusumikap sa buhay.
Dumating na ang mga pagkain at karagdagang alak. Nagpasalamat ang lahat at sandaling inawitan si Catarina ng maligayang kaarawan. Matamis na ngiti at walang hanggang pasasalamat ang itinugon ni Catarina matapos ipikit ang kaniyang mga mata at ibinulong sa hangin ang kaniyang hiling.
Nagpatuloy sila sa pagkain, nagsimulang magpatugtog ng nakakaindak na musika ang banda. Tumingin si Romeo kay Segunda na tila nag-alinlangan magsalita ngunit itinuloy niya pa rin, "Kumusta pala sina Don Epifanio at Doña Marcela?"
Napatigil si Segunda sa paghiwa ng karne. Napatingin ang lahat sa kaniya na nag-aabang sa kaniyang sasabihin.
"Mabuti." Tipid na sagot ni Segunda na mabilis tumingin kay Romeo at ibinalik ang paningin sa pagkain. Napataas muli ang kilay ni Xavier nang maramdaman ang mapait na tugon ni Segunda. Tiningnan niya si Romeo na ngayon ay dismayadong dahil halatang walang gana si Segunda sumali sa usapan.
"Si Feliciano, kailan siya babalik?" tanong ni Romeo kay Segunda dahilan upang mapatingin muli ang lahat kay Segunda. Napansin ni Xavier na tila may kakaiba sa reaksyon at kilos ni Segunda. Hindi niya rin maunawaan kung bakit pilit gumagawa ng paraan si Romeo upang makausap ito.
Umiling si Segunda bilang tugon, "Ako'y walang ideya kung kailan niya nais bumalik." Sagot ni Segunda na nagawang tingnan nang diretso si Romeo na tila ba may iba pa siyang ibig ipahiwatig sa sinabi. Maging si Xavier ay hindi nakapagsalita sa gulat dahil nababasa niya sa mga mata ni Segunda na sumasagad na ang pasensiya nito. Hindi niya namalayan na kagat-kagat niya na ang tinidor habang nakatitig kay Segunda.
Nagpabalik-balik naman ang tingin ni Nova kina Romeo at Segunda. Habang si Catarina naman ay pilit sinusundan ang usapan ng mga kasama. Nauunawaan niya ang mga salita ngunit kailangan niya pang isiping mabuti kung tama ang pagkakaintindi niya sa mga kahulugan niyon. Mabuti na lang dahil paminsan-minsan ay bumulong sa kaniya si Nova upang ipaliwanag ang mga salita.
Tumikhim si Nova, minsan na niyang nakitang nagalit si Segunda dahil kina Socorro at Jacinto at ang bagay na iyon ay hindi niya ibig matunghayan muli dahil sadyang nakasisindak si Segunda magalit nang totoo. "Ang sabi ni Amor noon, baka raw umuwi sa sunod na pasko si Señor Feliciano." Singit ni Nova upang basagin ang katahimikan ngunit ilang segundong walang nagsalita dahilan upang maghari ang kakaibang tensyon.
"Iyon din ang aking naalala, ang sabi ni ama ay uuwi si Feliciano sa sunod na pasko." Sabat ni Xavier upang ituloy ang usapan. Tumingin siya kay Segunda na nagpatuloy muli sa pagkain at kay Romeo na na nanatiling tahimik.
Nagpabalik-balik ang tingin ni Nova hanggang sa mapatingin siya kay Xavier na katulad niya ay nais isalba ang nakaiilang na atmospera. "Ikaw, Ginoo ha. Ikaw na marahil ang paborito ni Tiyo Epifanio. Galante pa naman si tiyo tuwing pasko. Minsan na niya akong pinamaskuhan ng limampung piso." Wika ni Nova na sinabayan ang sinabi ni Xavier upang ibalik ang sigla ng usapan.
Ngumisi si Xavier saka nilaro sa kamay ang baso ng alak, "Kay suwerte kong tunay sa aking biyenan. Sadyang mapalad akong maging kabiyak ni Segunda," wika ni Xavier saka hinila ang upuan ni Segunda papalapit sa kaniya. Napakunot ang noo ni Segunda dahil umiiral na naman ang kalokohan nito.
Natawa sina Nova at Catarina na parehong nagulat sa mapangahas na kilos ni Xavier. "Yamang pinag-uusapan na natin ang kasuwertihan. Kailan niyo balak magkaroon ng anak? Ako'y handang maging ninang!" wika ni Nova na nagawa pang itaas ang kamay.
Nagawang takpan ni Catarina ang kaniyang bibig nang maunawaan ang tanong ni Nova, "En el tiempo perfecto de Dios." (In God's perfect timing.) nakangiting tugon ni Catarina na nagawang hawakan ang kamay ni Romeo sa mesa. Napatitig si Segunda sa kamay ng dalawa dahilan upang sandali siyang mawala sa sarili.
Tumikhim si Xavier saka ipinatong ang kamay sa likod ng silya ni Segunda, "Sinusubukan na namin gabi-gabi." Mapangahas na sagot ni Xavier dahilan upang mapatakip sa gulat si Nova sabay tingin kay Segunda na napapikit na lang sa hiya saka pinadilatan si Xavier na tumawa-tawa lang.
Natawa rin si Catarina na namula ang mukha, "Segunda, admiro la audacia de tu marido." (Segunda, I admire your husband's boldness.) papuri ni Catarina na nagawang tumingin kay Romeo na hindi man lang tumawa o nagsalita.
Bumulong naman si Nova kay Segunda, "Ate, bakit ganiyan lumalabas sa bibig ng asawa mo? Ako ang nahihiya para sa inyo." Nag-aalalang bulong ni Nova saka lumingon sa mga katabing mesa sa takot na may nakarinig sa sagot ni Xavier na napaka-detalyado.
"Maghintay ka lang Nova, magiging ninang ka ng panganay namin ni Segunda." Habol ni Xavier na hindi mawala ang ngisi sa labi ni Xavier dahil tila natatalo niya ngayon si Romeo na piniling yumuko na lang at magpatuloy sa pagkain. Ang katotohanan na mas matibay at malakas siya pagdating sa bagay na ginagawa ng mag-asawa ay naghahatid sa kaniya ng karagdagang kumpyansa.
Nanatiling nakaakbay si Xavier sa silya ni Segunda, mas malapit na rin ito sa kaniya matapos niyang hilahin ang upuan nito kanina. "Nova, kailan ka ba mag-aasawa? Nang sa gayon ay hindi mo kami inuusisa nang ganiyan." Tanong ni Xavier upang ipagpatuloy ang usapan. Kung nagkaroon lang siya ng kapatid na babae ay tiyak na magiging kaugali ito nina Nova at Amor.
Napakunot ang noo ni Nova habang hinihiwa ang karne. "Ako'y walang balak mag-asawa, Ginoo. Nais kong magpayaman na lang at libutin ang buong mundo. Ako'y nawalan ng gana sa mga lalaking paasa. Matapos ka suyuin. Matapos guluhin ang iyong nananahimik na buhay. Iiwan ka lang nila sa ere sa oras na makahanap sila ng iba." Buwelta ni Nova na nagawang panggigilan ang karne dahilan upang matawa si Catarina.
Napakamot naman sa ilong si Xavier sabay inom ng alak nang maalala ang mga binibining naging saw isa pag-ibig dahil sa kaniya. Napayuko naman si Romeo na tila tinamaan sa sinabi ng dalaga. Nagawang sumulyap ni Segunda kay Romeo upang tingnan ang reaksyon nito. Ang bagay na iyon ay muling natunghayan ni Xavier dahilan upang lumakas ang kaniyang hinala.
"Debes dejar que tu corazón descanse por un tiempo. Cuando llegue el momento adecuado, cuando estés listo para abrir tu corazón de nuevo, espero que finalmente conozcas a la persona correcta." (You should let your heart rest for a while. When the right time comes, when you're ready to open your heart again, I hope you finally meet the right one.) Wika ni Catarina saka tinapik nang marahan ang kamay ni Nova.
Napangiti si Nova sa sinabi ni Catarina. Wala man siyang kapatid, napapalibutan naman siya ng mga taong handa siyang damayan at samahan sa tuwing siya'y nalulumbay. "Tal vez ya conozcas a tu alma gemela. Es solo que aún no lo has descubierto." (Maybe you already know your soulmate. It's just that you haven't figure it out yet.) patuloy ni Catarina dahilan upang mawala ang ngiti ni Nova at mapakunot ang noo. Umiling ito saka nagpatuloy na lang sa pagkain.
"Ako'y maraming kaibigang maginoo. Magsabi ka lang kung nais mong ipakilala kita sa kanila." alok ni Xavier na nagawa pang itaas ang baso ng alak ngunit napakunot lalo ang noo ni Nova na tila nandidiri.
"Kung ang mga kaibigan mo ang iyong tinutukoy... Huwag na lang." buwelta ni Nova dahilan upang matawa sila. Kahit papaano ay nabawasan ang tensyon na nararamdaman ni Segunda dahil sa naging takbo ng usapan tungkol kay Nova.
"¿Y usted, señor Sánchez? ¿A qué te dedicas?" (How about you, Mr. Sanchez. What do you do?) tanong ni Catarina. Natutuwa siya sa pagiging prangka at palangiti ni Xavier. Pakiramdam niya ay bagay na bagay ito kay Segunda na tulad niya ay pinipiling tumahimik sa lahat ng oras at obserbahan ang paligid.
Napapikit si Xavier nang mapagtanto na hindi pa rin natatapos ang pagkukuwestiyon ng mga tao sa paligid niya tungkol sa mga plano niya sa buhay. "Estoy en mi último año como estudiante de derecho en Letran." (I am in my senior year as law student in Letran.) tugon ni Xavier saka tumingin kay Romeo na nagawa rin siyang tingnan nang diretso.
"Mi esposo también enseña derecho como profesor a tiempo parcial en Letran." (My husband is also teaching law as a part-time professor in Letran.) Nakangiting saad ni Catarina sabay hawak sa braso ng asawa. Palagi niya itong ipinagmamalaki sa mga kasama lalo na't nababatid niya ang lahat ng hirap na pinagdaanan ni Romeo makamit lang ang mga pangarap nito.
Napayuko si Segunda nang makita kung gaano kalambing at kabait ang asawa ni Romeo. Animo'y tinutusok ang kaniyang puso sa katotohanang higit na maganda, mabait, at mahusay sa pakikisama at pagharap sa ibang tao ang naging asawa nito.
Tumikhim si Xavier, "Es mi profesor." (He is my professor.) iritableng saad ni Xavier saka nilagok ang alak at nagsalin muli sa baso.
Napanganga sa gulat sina Nova at Catarina. Gulat namang napatingin si Segunda kay Xavier dahil sa sinabi nito. "¿Así que os conocéis? ¿Por qué lo acabas de decir ahora?" (So you know each other? Why did you just say it now?) gulat na tanong ni Segunda dahilan upang magtaka ang lahat dahil sa reaksyon nito.
Napakibit-balikat si Xavier habang iniikot ang baso ng alak, "Nadie me preguntó." (No one asked me.) tugon ni Xavier dahilan upang mapapikit na lang si Segunda. Hindi rin niya masisisi si Xavier dahil hindi naman nito nalalaman ang kaniyang nakaraan at koneksyon kay Romeo.
Natahimik na lang ang lahat. Mabuti na lang dahil nagpalakpakan ang mga panauhin sa kabilang mesa dahilan upang mapukaw ang kanilang atensyon. Muling napatingin si Segunda kay Xavier na halatang hindi natutuwa sa presensiya ni Romeo. Sa isip ni Segunda, posibleng si Romeo ang propesor na nakagalitan ni Xavier noong isang araw.
Alas-siyete na ng gabi, nakatayo sila sa labas ng El Restaurante. Naunang yumakap si Nova kay Segunda upang magpaalam. Hinawakan naman ni Catarina ang kamay ni Segunda, "Me alegro de conocerte, Segunda. ¿Te gustaría visitar nuestra casa? Podemos hacer una fiesta del té." (I'm glad to meet you, Segunda. Would you like to visit our house? We can have a tea party.) paanyaya ni Catarina sabay ngiti. Napatitig si Segunda sa kamay nilang dalawa na magkahawak.
"Palagi kitang kinukuwento kay Ate Catarina. Sabi ko nga, mas mauunawaan niyo ang isa't isa dahil pareho kayong may asawa." Bulong ni Nova kay Segunda upang mas lalong mahikayat ito. Nakatayo lang sa likuran si Xavier habang nakasuksok ang bulsa sa gabardino at bakas sa hitsura ang pagkainip. Samantala, nakatayo naman sa likod ni Catarina si Romeo na piniling pagmasdan ang mga kalesa at paminsan-minsan ay sumusulyap kay Segunda.
Kumapit na rin si Nova sa braso ni Segunda at sinimulan itong lambingin dahilan upang mapangiti at tumango na lang si Segunda, "De acuerdo. ¡Nos vemos el domingo!" (Alright. I'll see you on Sunday!) ngiti ni Catarina bakas sa hitsura ang matinding pagkasabik.
Sinisipa-sipa ni Xavier ang bato sa lupa. Hindi niya maunawaan kung bakit inabot pa ng ilang minuto ang pag-uusap ng mga babae. Nagbubulungan, nagyayakapan, at napapabungisngis pa ang mga ito sa isa't isa.
Ilang sandali pa ay kumapit na si Catarina sa braso ni Romeo at nagpaalam. Nagawang tumango ni Romeo kay Segunda upang magpaalam. Tumingin din ito kay Xavier na napataas lang ang kilay dahil wala siyang balak magbigay-galang sa propesor gayong nasa labas sila ng paaralan.
Kumaway sa kanila si Nova na sumabay din sa kalesa ng mag-asawang Castillo. Marahang kumaway si Segunda pabalik kay Nova na mas lalong naging maingay dahil nakainom din ito. Napailing na lang si Xavier sa sarili at saglit na natawa nang mapansin na bago na ang gulong sa kalesa ni Romeo. Maging ang kabayo nito ay bago na at kulay puti.
Lumapit si Xavier kay Segunda saka tumayo sa tabi nito at napapamewang. "Ang liit nga naman ng mundo. Iyong lalaking 'yon ang bago naming propesor na nagawa akong markahan sa klase." Buwelta ni Xavier na kanina pa hindi makapaghintay sabihin kay Segunda kung gaano siya naiirita sa pagmumukha ng propesor nila na para sa kaniya ay mukhang rebulto.
Hindi umimik si Segunda, tulala lang itong naglakad patungo sa kalesa na naghihintay sa kanila. Hindi na siya nagulat. Kanina niya pa iniisip kung bakit gayon na lamang ang naging reaksyon ni Xavier kay Romeo. At kung bakit hindi man lang nagawang kausapin ni Romeo si Xavier.
"Ni hindi nga rin nagpasalamat ang lalaking 'yon na binigyan natin siya ng pagkain. Kukunin ko talaga 'yong mga lagayan sa kaniya sa Lunes." Inis na buwelta ni Xavier na nagawang humabol sa kalesa nang makitang nakasakay na roon si Segunda.
KINABUKASAN, sumama si Xavier sa kaniyang mga kaibigan sa dating dormitoryo pagkatapos ng klase upang sumabay sa pag-aaral ni Jose para sa nalalapit nilang pagsusulit. Nakadapa sa sahig sina Pedro at Julio habang nakatitig sa mga kuwaderno na halos walang sulat. Nakahiga naman sa kama si Tito sa kama habang nakapatong ang kuwaderno sa kaniyang dibdib at pilit na isinasaulo ang mga aralin kahit pa bawat minuto ay natatagpuan niya ang sarili na napapapikit dahil sa antok.
Nakaupo naman si Xavier sa kama ni Pedro habang nakasandal sa dingding. Hawak niya rin ang kuwaderno ni Jose na hindi niya maintindihan ang sulat kung kaya't napapakamot na lang siya sa ulo. Samantala, nakaupo si Jose sa silya habang nagbabasa ng libro. Sa kanilang lima, siya ang kampanteng makakapasa kahit papaano.
Binuksan ni Pedro ang maliit na kahon na naglalaman ng mga nilagang mani. "Makatutulong daw ito sabi ni ina upang tumalas ang ating memorya." Wika nito saka inabutan ang mga kaibigan.
Napakunot lang ang ilong ni Julio, "Wala nga akong maalala sa lahat ng ating aralin, paano tatalas ang aking memorya." Buwelta nito dahilan upang bawiin ni Pedro ang binigay niyang mani kay Julio.
"Kung gusto mong bumagsak. Mag-isa ka ha. Huwag mo kaming dinadamay sa iyong kamalasan." Saad nito, sinubukang kumuha ni Julio ng mani ngunit pinagdamot na ito ni Pedro sa kaniya dahilan upang mauwi sila sa pagsasakalan at nagpagulong-gulong sa sahig.
"Huwag nga kayong maingay!" puna ni Jose saka sinubukang sipain ang dalawa ngunit hindi ito nagpatinag. Naalimpungatan si Tito saka bumangon sa kama at diretsong binanggit ang minememoryang aralin.
"Las Islas de Filipinas se regían por la normativa española: las Partidas, la Novísima Recopilación y la recopilación de las Leyes de Indias. El órgano supremo era la Royal Audiencia, que más tarde se dividió en dos salas: Sala de lo Civil y Sala de lo Penal." (The Philippines Islands were governed by the Spanish normative: the Partidas, the Novísima Recopilación and the racopilación de las Leyes de Indias. The Supreme Judicial body was the Royal Audiencia, which was later divided into two divisions: Civil Chamber and Criminal Chamber.)
Napatigil ang lahat at napatingin kay Tito na muling humilata sa kama saka napatulala sa kisame. Ilang oras na siya nagkakabisa ngunit hindi pa rin siya nakakausad sa isang pahina. Napailing na lang si Jose saka napatingin kay Xavier na tulala sa kuwaderno kahit pa nakabaligtad ito.
Tumayo siya saka kinuha sa kamay ni Xavier ang kuwaderno at binaliktad iyon. Natauhan si Xavier nang mapagtanto na lumilipad na naman ang kaniyang isip. Tumikhim si Xavier saka isinara ang kuwaderno at piniling ipikit ang mga mata sabay halukipkip.
"May tanong ako," panimula ni Xavier nang hindi makatiis sabihin ang gumugulo sa kaniyang isipan. "Iyong pinsan ko kasi nalaman niya na magkakilala pala at magkaibigan ang pamilya ng babaeng tinakdang ipakasal sa kaniya at ang propesor niyang masama ang ugali." Patuloy ni Xavier dahilan upang mapatingin ang lahat sa kaniya. Maging sina Julio at Pedro na nagbubugbugan ay napatigil.
"Ano naman? May relasyon ba sila dati?" tanong ni Julio na umupo nang maayos at itinulak si Pedro dahil mas interesado siya makinig sa buhay ng ibang tao.
Umiling si Xavier, "Imposible. Mukhang hindi naman daw papatulan ng babae ang propesor na naging kutsero nila noon." Tugon ni Xavier. Napaupo na rin si Pedro at nagpatuloy sa pagkain ng mani na tila ba nakikinig siya ngayon ng drama sa teatro.
"Kung gayon, bakit nababagabag ang pinsan mo? Wala ba siyang tiwala sa kaniyang kasintahan?" tanong ni Julio na humingi ng mani ngunit tinapik lang ni Pedro ang kamay nito.
Napaisip nang malalim si Xavier, hindi niya alam kung bakit tila malakas ang kutob niya na may tensyon at kakaiba sa kilos nina Segunda at Romeo sa isa't isa. Ngunit hindi siya nakatitiyak dahil sa palagay niya ay hindi matitipuhan ni Segunda ang mga tulad ni Romeo na napakaseryoso sa buhay at palaging galit.
"Aba'y ewan ko sa buhay nila. Iyong propesor e may asawa na. Mukhang mabait at maganda pa naman ang asawa niya." saad ni Xavier dahilan upang mapatingin sa kaniya si Tito na nanatiling nakahiga nang diretso sa kama.
"Kilala mo ang propesor at asawa nito na tinutukoy ng iyong pinsan?" tanong ni Tito dahilan upang mapamulat ng mata si Xavier saka tumingin sa kaliwa at kanan. Nakatingin lang ang lahat sa kaniya maliban kay Jose na piniling magbasa ng libro.
"Ah. Oo, kasama ko ang aking pinsan kahapon at nakasalubong namin sila." Tugon ni Xavier na madaling nakakaisip ng palusot.
"Sinong propesor 'yon? Baka guro rin natin." Tanong ni Tito dahilan upang mapatikhim si Xavier. Lumingon na rin si Jose dahilan upang wala siyang magawa kundi magsabi ng kaunting katotohanan dahil tiyak na kapag nagtanong na si Jose ay mahuhuli siya nito.
"Si Señor Castillo ang propesor. Ang asawa niya ay si Señora Catarina na anak ng punonghukom sa corte ng España." Tugon ni Xavier dahilan upang mapatulala ang mga kaibigan.
"Hindi malabong mangyari na nagkaroon ng relasyon si Señor Romeo at ang mapapangasawa ng iyong pinsan. Noong unang dumating si Señor Castillo sa ating klase ay masasabi kong mahuhulog ako sa kaniya kung ako'y isang babae. Mga ganoon ang aking tipo, matalino, seryoso, at magaling sa debate." Saad ni Julio na tumatango-tango at natawa sa sarili.
Sumang-ayon din sina Pedro at Tito na iyon din ang unang napansin. "May asawa na pala si Señor Castillo. Kay suwerte niya rin sa kaniyang asawa. Marahil kaya nabigyan agad siya ng mataas na posisyon sa Audencia sa edad na hindi nalalayo sa atin ay dahil sa koneksiyon ng kaniyang asawa." Wika ni Tito na nagawa nang umupo dahil tila nawala na ang kaniyang antok.
Napahimas si Xavier sa kaniyang baba, "Heto pa, alam niyo ba? Natuklasan ko na si Señor Castillo pala ay naging kutsero rin sa pamilya De Avila." Patuloy ni Xavier dahilan upang mapaisip ang mga kaibigan. Ibinalik ni Jose ang paningin sa libro saka lihim na natawa sa pinagsasabi ni Xavier.
"Ibig sabihin, magkakilala rin sila ng iyong asawa?" tanong ni Julio kay Xavier. Napakunot ang noo ni Xavier nang banggitin ni Julio ang salitang asawa.
"Oo. Hindi naman nila tinangging dalawa. Kinumusta pa nga ng propesor na 'yon ang mga kapatid niya sa harap ko." Wika ni Xavier dahilan upang magulat muli ang lahat. Napatakip pa ng bibig si Pedro. Napakamot naman sa ulo si Tito na tila naguguluhan sa kuwento ni Xavier.
"Ha? Ibig sabihin, kasama mo rin si Señora Segunda nang makasalubong niyo si Señor Castillo at ang asawa nito?" pagkumpirma ni Tito. Naguguluhan siya dahil sa bawat pagsalaysay ni Xavier ay nadagdagan ang mga kasama nito sa eksena.
Napakamot sa ulo si Xavier, kulang siya sa tulog at sumasakit ang ulo niya sa dami ng kailangan kabisaduhin kung kaya't hindi gaano gumana ang kaniyang utak sa pagsisinunggaling. "Oo. Magkakasama kaming lahat." Ang tanging naitugon ni Xavier. Napalingon sila nang marinig ang mahina at saglit na pagtawa ni Jose.
"Anong nakakatawa, Jose?" tanong ni Xavier na nagawang itaas ang kaniyang kilay. Si Jose ang pinakauna niyang naging kaibigan. Sila'y magkababata at magkapitbahay. Sa edad na apat na tanong gulang ay hindi sila maawat sa pagtakbo sa loob at labas ng bahay. Hindi rin sila naghiwalay ng paaralan, maging sa kurso sa kolehiyo ay pareho rin ang kanilang kinuha.
Humarap sa kanila si Jose habang iniikot-ikot ang labis sa kaniyang kamay. "Sa aking palagay, maaaring nagligawan din sina Señor Castillo at ang Señora Segunda. Maaaring naudlot lamang o 'di kaya ay nagkaroon talaga sila ng relasyon ngunit hindi natapos nang maayos." Panimula ni Jose saka tumingin sa mga kaibigan na tila ba kaya niyang isa-isahin ang mga ebidensiya.
"Xavier, ang iyong asawa ay sadyang mabait. Hindi malabong magustuhan niya si Señor Castillo. Masungit at malupit man siya sa atin, malamang mga estudyante niya tayo. Tiyak na iba ang pakikitungo niya sa mga binibining kaniyang natitipuhan. Bukod doon, hindi naman lahat ng babae ay tumitingin sa antas ng estado ng tao. Maraming babae ang humahanga sa mga kalalakihan na nagmula sa hirap ngunit nagsusumikap. Ang dating kutsero ay naging representante na ngayon ng Audencia, hindi ba't tunay na kahanga-hanga ang buhay ni Señor Castillo?" Patuloy ni Jose saka tiningnan isa-isa ang mga kaibigan upang hikayatin ang mga ito sumang-ayon sa kaniyang punto.
Tumingin si Jose kay Xavier na halos walang kurap lang na nakatingin sa kaniya na tila ba unti-unti itong nalilinawan. "Isa pa sa palaisipan sa akin, bakit gayon na lamang ang init ng ulo sa 'yo ni Señor Castillo? Palagi ka niyang tinatawag sa klase. Nagawa ka pa niyang markahan na tila siya'y nanghahamon. Maaaring mayroon siyang mas malalim na galit sa 'yo dahil asawa mo ang dati niyang nobya." Dagdag ni Jose na nagawang tumawa ngunit tumikhim na lang siya dahil naging seryoso ang hitsura ni Xavier, habang sina Tito, Pedro, at Julio naman ay pinoproseso pa ang lahat ng sinabi niya.
Napailing-iling si Tito, "Kung totoo nga iyon, magdasal ka na Pinuno dahil tiyak na babagsak ka kay Señor Castillo." Wika ni Tito dahilan upang mapalunok si Xavier. Sumagi na sa isip niya na siguradong hindi papayag ang kaniyang ama at susuhulan nito si Romeo ngunit pakiramdam niya ay hindi iyon tatanggapin ng malupit na propesor.
"Kapag binagsak niya si Pinuno, tiyak na lagot siya kay Señora Segunda. Kausapin mo na lang ang iyong asawa na kausapin si Señor Castillo upang hindi ka umulit ng isang taon." Suhestiyon ni Julio ngunit umiling lang si Xavier sabay taas ng kilay.
"Bahala sila riyan. Ako'y magsasampa talaga ng kaso sa oras na ibagsak niya ako nang dahil lang sa sarili niyang damdamin. Parang hindi naman tama na ako ang magdusa nang dahil lang hindi sila nagkatuluyan." Inis na buwelta ni Xavier, hindi na siya ngayon makapaghintay na harapin si Segunda at lapagan ito ng mga panibagong kondisyon. Pakiramdam niya ay nalinlang siya at ngayon ay kailangan niyang bumawi.
"Hindi mo nalalaman ang nagagawa ng matinding inggit at selos. Tiyak na ang asawa mo lang ang magpapakalma sa pusong bigo ni Señor Castillo. Kamakailan lang ay nahuli ang kerida ni Maestro Suarez. Galit na galit ang kaniyang asawa na nagsisisigaw sa kalsada. Totoo pala ang usap-usapan na may babae ito." Wika ni Jose dahilan upang maalaala ni Xavier ang liham na isinampal sa kaniya ni Segunda.
"Kakaiba pala ang kuwento nila, ano? Si Señora Segunda ay tila langit. Si Señor Castillo ay lupa." Saad ni Julio na naantig sa pag-iibigang tila langit at lupa ang istorya.
"Si Pinuno naman ang Impyerno." Sabat ni Pedro sabay tawa dahilan upang matawa ang lahat maliban kay Xavier na napasingkit ang mata. Kinuha ni Xavier ang unan na kaniyang sinasandalan saka ibinato sa direksyon ni Pedro. Tumigil din sila sa takot na daganan at sakalin sila nito sa sahig dahil sa inis.
"Bakit hindi mo na lang tanungin nang diretso ang asawa mo? May karapatan ka naman malaman ang kaniyang nakaraan. Asawa mo na siya. Marapat lang na maging tapat kayo sa isa't isa." Suhestiyon ni Jose sabay ngisi kay Xavier na napapikit lang din sa inis.
"Ano siya? Sinuswerte? Kailanman ay hindi ako nagapi nang sinuman. Ano naman kung nagkaroon sila ng relasyon? Para namang apektado ako." Buwelta ni Xavier na tila dinedepensahan ang sarili.
Binuklat na lang niya muli ang kuwaderno saka kunwaring nag-aral ngunit bakas sa mukha niya ang inis. Naalala niya pa na nakalagay sa kanilang kasunduan ni Segunda na hindi dapat nila pakialaman ang buhay ng isa't isa.
"Sabagay, lugi ka rin Pinuno dahil tiyak na kailangan mong ipaliwanag sa iyong asawa ang lahat ng iyong naging karelasyon. Karamihan pa naman sa mga 'yon narito lang sa Maynila." Saad ni Pedro na nagawang tumawa muli. Hindi na nakapagtimpi si Xavier, nilundag niya si Pedro saka inipit ito sa sahig, nagpupumiglas si Pedro na nagawang gumapi at ipulupot ang kaniyang binti sa baywang ni Xavier. Sa huli, nauwi sa sigawan, kantyawan, at tawanan ang silid ng magkakaibigan na tuluyan nang nakalimutang mag-aral.
ILANG oras nakatitig si Xavier sa kahon na naglalaman ng liham na pag-aari ni Segunda. Pagkatapos ng klase ay dumiretso siya sa tahanan ng kaniyang mga magulang upang balikan ang ilan niyang gamit na naiwan doon. Mabuti na lang dahil nasa trabaho pa si Don Manuel at nagtungo sa pamilihan si Doña Antonia kasama si Manang Dioneng kung kaya't hindi siya nahirapang kunin ang liham na matagal nang nawala sa kaniyang isip.
Nakaupo siya sa opisina ng mansyon. Malinis ang malaking mesa na walang anumang papeles o libro. Naroon lang ang kahon na nagawa niyang buksan muli at basahin ang laman niyon dahilan upang mas lalong maging matibay ang kaniyang hinala.
Ilang sandali pa, natauhan siya nang marinig ang katok sa pinto, "Bukas iyan." Wika ni Xavier.
"Kailangan mo raw ako?" tanong ni Segunda. Inutusan ni Xavier ang kutsero na tawagin si Segunda sa ikatlong palapag kung saan naglilinis ang dalaga mula umaga.
"Maupo ka." Saad ni Xavier na tila ginagaya ang kilos ng kaniyang ama sa tuwing may kausap ito sa pagpupulong. Nagtaka ang hitsura ni Segunda dahil tila naging pormal si Xavier. Hindi rin siya sanay sa seryosong hitsura nito habang nakaupo sa opisina na para bang abalang-abala ito sa pagpapalakad ng mga negosyo.
Nang makaupo si Segunda sa tapat na mesa, sumandal si Xavier sa silya sabay tingin sa kahon. "Nariyan na ang liham na hinahanap mo." Saad ni Xavier. Napansin niya ang matinding gulat sa reaksyon ni Segunda. Agad nitong kinuha ang kahon at binuksan ngunit napatakip ng ilong si Segunda saka muling sinara ang kahon.
"Sinasabi ko sa 'yo, ako'y walang oras upang makipaglaro." Diretsong saad ni Segunda dahilan upang sarkastikong tumawa si Xavier saka humilig sa mesa upang mas mapalapit kay Segunda.
"Sino kaya sa 'ting dalawa ang naglilihim?" buwelta ni Xavier gamit ang mala-demonyo nitong ngisi. Tiningnan lang siya ni Segunda mula ulo hanggang mesa nang may pagtataka. Naalala niya na nabasa pala ng ihi ang liham kung kaya't nagtataglay ito ng hindi kaaya-ayang amoy.
"Pasalamat ka hindi ko tinapon 'yan." Dagdag ni Xavier dahilan upang mapahinga na lang nang malalim si Segunda.
"Salamat." Saad ni Segunda. Hindi niya maunawaan kung bakit naglalaro ng hari-harian si Xavier. Sa isip niya, bawat araw na lang ay iba-iba ang ganap nito sa buhay na tila ba hindi maaaring magkaroon ng payapang araw sa kaharian ng binata.
Kinuha ni Xavier ang kaniyang kopya ng kasunduan saka inilapag sa mesa. Isinulat na rin niya roon ang mga idinagdag sa kasunduan noong isang araw. "Isang kopya na lang ang gagamitin natin sa kasunduang ito," panimula ni Xavier saka inusog ang papel papalapit kay Segunda. Nanlaki ang mga mata ni Segunda nang mabasa ang mga idinagdag ni Xavier.
Bilang 10: Nabanggit sa ika-walong bilang ng kasunduan na hindi maaaring pakialaman nina Xavier at Segunda ang buhay ng isa't isa. Subalit, mahalaga na linawin nila sa isa't isa ang mga personal na detalye na maaaring makaapekto sa kanilang buhay. Tulad ng mga sumusunod:
I. Ang mga nakaraang relasyon ay dapat ayusin ng taong sangkot. Sa oras na madamay ang isa sa kanila, kailangan gumawa ng paraan ng taong sangkot upang hindi maging malala ang sitwasyon.
II. Ang mga manggagawa at kasambahay ay hindi maaaring pakialaman ni Segunda. Maging ang pagpapasahod sa kanila ay wala siyang kinalaman. Si Xavier na ang bahalang gumawa ng paraan kung paano sasahuran ang mga manggagawa.
III. Hindi maaaring manatili si Segunda sa Batangas hangga't naroon si Lolo Manuel. Hindi ibibigay ni Xavier ang susi sa bahay ni Feliciano hanggang matapos ang kasunduan sa Marso.
IV. Bilang pagtanaw ni Segunda ng utang na loob kay Xavier sa pagtira sa Sta. Mesa, kailangan niyang magluto ng baon araw-araw para kay Xavier. Hindi maaaring bigyan ang sinuman lalo na ang propesor na nagngangalang Señor Castillo. Ang mga sangkap, uling, at lagayan ay pag-aari ni Xavier kung kaya't siya ang magpapasiya kung sino lang ang maaaring makinabang sa kaniyang salapi at mga gamit.
V. Kailanman ay hindi maaaring pumunta sa tahanan sa Sta. Mesa si Señor Castillo. Si Señora Catarina sa pamilya Castillo lang ang bibigyan ng konsiderasyon makatapak sa tahanan ni Xavier.
VI. Kailangan magsabi nina Segunda at Xavier kung saan sila magtutungo sa oras na sila ay aalis. Walang pananagutan ang isa't isa sa oras na abutan ito ng oras ng paghihigpit o maligaw sa gitnang kalsada dahil hindi nagawa ng isa ang obligasyon na ipaalam ang kaniyang patutunguhan.
"Mayroon ka bang tanong, nais linawin o balak idagdag?" tanong ni Xavier. Sandaling hindi nakapagsalita si Segunda sa dami ng mga kondisyon nadagdag na tila ba lahat ay pabor kay Xavier.
Iniharap ni Segunda ang kasunduan saka itinuro ang mga kodisyon. "Anong kahibangan ito? Hinihintay ko lang ang iyong lolo bumalik sa Espanya. Hindi naman siguro siya aabutin ng higit isang buwan, ano?"
Ipinkit ni Xavier ang kaniyang mga mata saka umiling nang marahan, "Tiyak na dito pa siya magpapasko at bagong taon. Iyon ang pinakapaborito niyang okasyon taon-taon." Sagot ni Xavier dahilan upang mapahawak na lang si Segunda sa sentido.
"Uuwi na lang ako sa Sariaya." Saad ni Segunda sabay tayo, kinuha na niya ang kahon at akmang aalis na ngunit napatigil siya nang magsalita si Xavier.
"Siguradong hahanapin ako ng iyong pamilya. Anong sasabihin mo sa kanila? Hindi totoo ang ating kasal? Aaminin mo na nagawa natin silang linlangin makuha lang ang salapi at mana?" tanong ni Xavier dahilan upang kunot-noong lumingon sa kaniya si Segunda.
"Oo. Nilinlang nga natin sila. Wala tayong magagawa ngayon kundi magsama sa iisang bubong. Hindi na kita pipilitin magkaroon ng anak. Ngunit iyong alalahanin na pareho tayong madedehado sa oras na malaman nila ang totoo. Tiyak na maghihinanakit ang iyong magulang. Itatakwil naman ako ng aking pamilya. Wala na akong pakialam sa kahihinatnan nito. Subalit, kung ako'y madadamay sa galit ng isang tao dahil lang sa hindi kayo nagkatuluyan. Paumanhin ngunit hindi ako makapapayag." Diretsong saad ni Xavier dahilan upang mapatigil si Segunda. Nababasa niya sa reaksyon ni Xavier na tila may nalalaman ito.
"Binasa mo ang aking liham, ano?" tanong ni Segunda. Huminga nang malalim si Xavier saka inikot sa kaniyang kamay ang tobacco na nasa tabi.
"Oo. Pinagdikit ko rin ang mga punit. Malamang kailangan kong basahin para alam ko kung tama ba ang pagkakadikit." Tugon ni Xavier na nagawang ngumisi. Muling napaikot ang mata ni Segunda. Hindi niya akalaing hindi matatapos ang surpresang dala ni Xavier sa bawat araw.
"Cariño S at Cariño R... na ang ibig sabihin ay Segunda at Romeo. Ni hindi man lang kayo nag-isip ng tawagan na hindi halata ha." Patuloy ni Xavier na nagawa pang tumawa. Kinagat niya ang tobacco at akmang sisindihan iyon ngunit lumapit si Segunda saka ibinagsak ang kamay sa mesa.
"Matagal nang natapos ang tungkol sa aming dalawa. Wala rin akong ideya na siya ang propesor na iyong nakaalitan. Ang lahat ng sinabi ko tungkol sa pakikipagmabutihan sa guro at pagbigay ng pagkain sa kaniya ay walang kinalaman sa aming nakaraan." Paliwanag ni Segunda. Tumango-tango si Xavier saka inalis ang tobacco sa bibig.
"Nauunawaan ko. Hindi ko naman sinabi sa 'yo ang pangalan ng propesor na 'yon e. Ang akin lang, hindi tama na pagbuntunan niya ako ng galit sa pag-aakalang nagmamahalan tayong dalawa." Wika ni Xavier dahilan upang mapaisip si Segunda. Unti-unti na niyang nauunawaan ang pinanggalingan ng inis ni Xavier. Hindi rin naman tama na pag-initan sa klase si Xavier ng dati niyang kasintahan. Hindi rin siya makapapayag na hindi ito makatapos sa pag-aaral nang dahil sa kaniya.
Sandaling nag-isip si Segunda, ang lahat ng nilagay ni Xavier sa bagong kondisyon ay makatuwiran naman lalo na't ito ang nagmana ng mansyon at siyang gumagastos ngayon matapos niyang kausapin ang katiwala ni Lolo Manuel na alisin ang mga manggagawa sa mansyon. Ang kutsero lang ang natira sa kanilang dalawa.
Napahinga nang malalim si Segunda saka kinuha ang pluma, sinawsaw sa tinta at nagdagdag ng termino sa kasunduan.
VII. Sa oras na walang makuhang manggagawa si Xavier, at sa panahong kailangan nilang magtipid. Kailangan nitong tumulong sa gawaing-bahay. Bilang lalaki, kailangan niyang gawin ang mabibigat na gawain tulad ng pagsasalok ng tubig, pagsibak ng kahoy, paglalaba, at pagbuhat ng mga gamit.
VIII. Kailangan mag-aral nang mabuti ni Xavier at makakuha ng mataas na marka sa bawat asignatura. Hindi maaaring makatapos lang siya sa pag-aaral nang walang natutunan at magandang marka. Mahalaga na isapuso niya ang pribilehiyong makapag-aral. Sa oras na siya'y bumagsak, isa-isang mapapawalang-bisa ang mga inilagay niya sa kondisyon. Si Segunda ang pipili kung alin sa mga termino ang unang mawawalan ng bisa.
IX. Alas-nuwebe pa lang ng gabi ay dapat nakauwi na si Xavier sa bahay. Sa oras na lumagpas siya sa takdang oras, bahala siyang gumawa ng paraan makapasok sa bahay. Dahil mag-isa na lang si Segunda sa loob ng bahay, marapat lang na isara na niya ang lahat ng pinto at bintana upang masiguro ang kaligtasan.
X. Si Xavier ang maghuhugas ng lahat ng pinaglagyan ng baon na kaniyang hiniling. Si Segunda ang mamimili ng sangkap at magluluto ng pagkain kung kaya't marapat lang na siya ang maghugas ng lahat ng pinagkainan.
Ibinagsak ni Segunda ang pluma sa mesa saka seryosong tiningnan si Xavier na napakurap ng tatlong beses nang mabasa ang lahat ng idinagdag ni Segunda.
"Hindi maaari! Hindi ako papayag!" buwelta ni Xavier. Hindi niya nais magsunog ng kilay sa pag-aaral, paano na siya maglilibang at magpapakasaya? Hindi rin siya makapaniwala na sasaraduhan siya ni Segunda sa sarili niyang bahay. Animo'y uminit ang kaniyang mata nang mabasa sa kasunduan na kailangan niya pang maghugas ng plato bago matulog!
Napahalukipkip si Segunda. "Kung gayon, hindi ko pipirmahan ang mga idinagdag mo sa kasunduan. Aalis ako sa sunod na byahe ng barko pa-Batangas o uuwi ng Sariaya." Wika ni Segunda na desididong gawin ang kaniyang sinabi lalo na't hindi siya makapapayag na manaig ang kagustuhan ni Xavier na buong buhay ay palaging nasusunod ang gusto.
Napasabunot si Xavier sa sarili saka ilang minutong nag-isip. Nanatiling nakatayo lang si Segunda habang nakatitig sa binata. Naalala niya kung paano disiplinahin ang mga nakababatang kapatid. Sa huli, napagtatanto rin ng mga ito ang kaniyang punto dahilan upang sumunod ang mga kapatid.
Napabuntong-hininga si Xavier saka sumandal sa silya habang pilit pinapakalma ang sarili. Iniisip pa lang niya na uulit siya ng isang taon sa posibilidad na siya'y bumagsak at hayaan lang ni Segunda magdusa sa dati nitong nobyo ay nais na niyang magwala sa inis. Subalit, kung magagawang gumawa ng paraan ni Segunda upang pakalmahin si Romeo, mas mapapadali ang buhay niya. Naniniwala siya na susunod si Romeo kay Segunda. Hindi man maamin ni Xavier ngunit nababatid niyang may kakayahan si Segunda mapasunod ang mga tao sa paligid nito sa sariling paraan.
Kinuha na ni Xavier ang pluma saka pumirma sa kasunduan, "Iyong tiyakin lang na umayos ang propesor na 'yon. Pagbibigyan ko siya sa ngayon ngunit sa oras na mawala siya sa katuwiran ay hinding-hindi ko talaga siya palalagpasin." Wika ni Xavier na nanggigigil pa ang kamay sa pagpirma.
Umupo si Segunda sa silya, "O'siya, ikaw na ang bahala sa kaniya. Siguraduhin mo lang din na makakuha ng sapat na pondo para sa pagpapasuweldo sa mga mangaggawa. Kung hindi, simulan mo nang kumilos sa bahay dahil hindi habambuhay ay may mga taong magsisilbi sa 'yo." Saad ni Segunda saka kinuha ang pluma upang pirmahan din ang kasunduan.
Napataas ang kilay ni Xavier saka natawa nang sarkastiko, "Humahaba na ang iyong mga sinasabi ha. Bilib na ko sa 'yo." Buwelta ni Xavier na napailing-iling na lang sa sarili.
Muling napaikot ang mata ni Segunda, nababatid niya na hindi matatapos ang usapan hangga't hindi nasasabi ni Xavier ang huling salita sa usapan. Kailangan ito ang magtapos ng usapan bagay na walang problema sa kaniya dahil nais na niyang umalis at magpatuloy sa ginagawa.
Tumayo na si Segunda bitbit ang kahon sabay talikod at naglakad palabas. Nagawa niya ring ibagsak ang pinto dahil sa sobrang inis. "Tinutubuan na rin talaga ng sungay ang babaeng 'to." Wika ni Xavier sa sarili habang pilit na nagtitimpi. Buong akala niya ay susunod lang si Segunda sa mga kondisyon at hihingi sa kaniya ng paumanhin gaya ng isang anghel na mapagpakumbaba. Hindi siya makapaniwala na nagawa nitong lumaban at pantayan ang kaniyang mga kondisyon.
NAPAPAPIKIT na lang at ilang ulit na napapakamot sa ulo si Xavier sa bawat tanong na hindi niya masagot sa kanilang pagsusulit. Ilang beses niyang sinubukang kalabitin si Jose na nakaupo sa kaniyang unahan ngunit naglalakad sa palibot si Romeo na tila rumurondang guardia civil.
Nang magtama ang mga mata nila ni Romeo ay hindi rin siya nagpatinag. Nagawa niyang titigan si Romeo na tila ba anumang oras ay aambahan niya ito ng suntok. Napatigil lang siya nang hilahin ni Tito ang manggas niya at ipaalala na hindi ito ang lugar ng pakikipag-duelo.
Pagkatapos ng pagsusulit, halos lugmok ang buong klase sa hirap nito. May ilang estudyante pa ang lumapit kay Romeo upang tulungan iton ayusin ang mga papel at dalhin ang kaniyang gamit ngunit hindi tumatanggap ng anumang serbisyo ang propesor na agad tumayo at umalis sa klase nang makuha ang mga papel.
"Putangina. Laglag talaga ako." Dismayadong saad ni Tito. Nagawa pang buklatin nina Pedro at Julio ang kanilang kuwaderno kahit pa hindi na nila maalala ang tanong sa pagsusulit.
Tumayo na si Jose bitbit ang kaniyang gamit, "Saan ka pupunta?" tanong ni Julio.
"Kaarawan ni Kuya Juan. Magpapa-inom siya sa bahay." Sagot ni Jose na nagawang ngumisi. Kahit hindi niya kaarawan, magagawa naman niyang imbitahan ang kaniyang mga kaibigan dahil kilala rin ng kaniyang pamilya ang mga ito.
"Nais niyo bang sumama?" tanong ni Jose dahilan upang magmadali sila mag-ayos ng gamit. Ang kaninang lugmok na balikat ay napalitan ng pagkasabik at kasiyahan sa katotohanang magiging masaya na naman ang kanilang gabi.
Nang makalabas sila sa paaralan ay pinili na lang nila maglakad dahil malapit lang ang bahay ng pamilya Nuestro. Si Jose Pablo Nuestro ay bunsong anak sa tatlong magkakapatid. Ang kaniyang mga nakatatandang kapatid na lalaki ay parehong nakatapos sa kursong medisina. Ang kaniyang ama ay kilala ring doktor at may sariling klinika.
Sabay-sabay ding lumalabas ang mga estudyante na tulad nila ay naubos ang enerhiya sa pagsusulit. Ang kaibahan nga lang, madali silang nakausad sa kalungkutan dahil mas nasasabik sila sa ideyang muling aagos ang alak sa kanilang lalamunan.
Nauunang maglakad si Xavier habang nakasunod sa kaniya sina Jose at Tito. Nasa likuran naman sina Pedro at Julio. Taas-noo, kumpyansa, mga elitistang nagmula sa mayayamang angkan, at malaking tiwala sa sarili ang pangunahing taglay ng lima. Tumatabi ang mga estudyante sa kanilang daraanan na tila ba walang sinuman ang nais mangahas harangan ang grupo. Nagbibigay-galang at yumukod ang mga kalalakihang kapapasok lang sa kolehiyo. Unang araw pa lang ng klase ay nalalaman na ng lahat kung sino ang hari na dapat iwasang mabangga.
Napatigil si Xavier sa paglalakad nang matanaw ang maputik na daan sa gitnang kalsada dahil sa itinapong tubig ng katapat na panciteria. Napatingin siya sa kaniyang bagong sapatos na kumikinang sa kalinisan. Nagsisi siya na pinauwi na niya ang kutsero at inutusang hintayin siya mamayang gabi dahil tiyak na gagabihin siya sa pag-uwi upang hindi siya masaraduhan.
"Bakit, Pinuno?" tanong ni Tito. Inilbot ni Xavier ang paningin sa paligid sa pag-asang makakahanap ng solusyon, malawak ang putik at wala siyang balak tahakin iyon.
Napatigil siya nang makita ang paparating na kalesa, "Nova!" tawag ni Xavier sabay kaway sa dalaga. Pinatigil ni Nova ang kalesa saka dumungaw, "Bakit, Ginoo?" tanong nito nang may pagtataka dahil nakatingin na rin sa kaniya ang mga kalalakihan. Umatras siya saka dahan-dahang hinila ang kurtina nang makaramdam ng pagkailang.
"Pasakay sa kalesa. Maputik ang daan. Baka madulas pa kami." Tugon ni Xavier na tila hindi nakikiusap. Napakunot ang noo ni Nova, iniisip niya kung ganoon lang ba talaga magsalita ang asawa ni Segunda o inuutusan siya nito.
"Paumanhin, Ginoo ngunit hindi tayo kasya lahat dito." Tugon ni Nova saka tuluyang isinara ang kurtina. Mayamaya ay hinawi nito muli ang kurtina, "Sandali, hindi ka ba sasama sa merienda sa tahanan nina Ate Catarina at Señor Romeo? Papunta ako ngayon sa inyong tahanan upang sunduin si Ate Segunda." Tanong ni Nova dahilan upang mapapamewang si Xavier at mapaigting ang panga sa narinig.
"Pupunta si Segunda?" Pagkumpirma ni Xavier. Hindi siya makapaniwala na napakadaling kausap ni Segunda pagdating sa mga bagay na may kinalaman kay Romeo.
Tumango ng ilang ulit si Nova. "Oo. Pumayag siya noong anyayahan siya ni Ate Catarina. Hindi ba't narinig mo rin 'yon?" saad ni Nova dahilan upang magkatinginan ang magkakaibigan nang mapagtanto nila na ang bagay na isinangguni sa kanila ni Xavier noong isang araw ay hingi tungkol sa pinsan nito at babaeng papakasalan.
"Ngayon na ba iyon?" tanong ni Xavier. Tumango-tango muli si Nova bilang tugon. Napapikit si Xavier saka inilibot ang paningin. Hindi siya makapaniwala na hindi man lang siya sinabihan ni Segunda na aalis ito at pupunta pa sa dating kasintahan na may matinding galit sa kaniya.
Lumingon si Xavier kay Jose saka tinapik ang balikat nito, "May pupuntahan lang ako. Pakiabot na lang kay Juan ang aking pagbati." Wika ni Xavier saka tumango sa mga kaibigan. Nagtaka ang hitsura ng mga ito sa mabilis na pagpapasiya ni Xavier. Sinubukan pa nilang tawagin si Xavier ngunit desidido na itong puntahan ang asawa.
Nagulat si Nova nang sumakay si Xavier sa kaniyang kalesa. "Sunduin na natin si Segunda. Bakit kayo lang ang mag-memerienda?" buwelta ni Xavier. Napausog na lang sa gilid si Nova habang nagtataka kung bakit parang kasalanan niya na hindi imbitado ang asawa ni Segunda.
"Nasaan ang kalesa niyo ginoo? Naghihirap na ba kayo?" tanong ni Nova saka tiningnan ang kalagayan ni Xavier na mukhang hindi naplantsa ang uniporme.
"Sabihan mo ang Ate mo na 'yan, sa sobrang kabutihan niya e nais niyang tulungan ang lahat ng tao sa mundo." Wika ni Xavier na sumandal sa silya saka hinawi ang kurtina. Nakalagpas na sila sa putik.
"Ganoon talaga kabuti si Ate Segunda kaya marami ang nagmamahal sa kaniya." Saad ni Nova nguni napataas ang kilay ni Xavier nang mabanggit ang salitang mahal.
Tumikhim siya saka tumingin kay Nova na nababatid niyang may nalalaman sa nakaraan ni Segunda. Iniisip niya ngayon kung paano bubuuhin ang mga salita nang hindi maghihinala si Nova sa kaniyang mga itatanong.
"Oo. Marami nga ang nagmamahal kay Segunda. Siguradong marami rin siyang naging kasintahan." Saad ni Xavier sabay tingin kay Nova upang hulihin ang reaksyon nito.
Napaisip naman si Nova, "Ang alam ko walang ibang naging kasintahan si Ate Segunda." Tugon ni Nova ngunit hindi kumbinsido si Xavier.
"Talaga? Marahil hindi mo lang nalalaman dahil sadyang malihim ang babaeng iyon." Wika ni Xavier saka napailing sa sarili.
"Kung mayroon man, sa aking palagay, si Ate Segunda ang bahala kung nais niyang ilahad sa iba ang kaniyang relasyon o gawin itong pribado. Buhay niya iyon kung kaya't malaya siya magdesisyon para sa sarili. Hindi naman niya kailangan ikuwento sa lahat ang nangyayari sa kaniyang personal na buhay." Saad ni Nova dahilan upang mapataas na lang ang kaniyang kilay dahil tila binigyan siya lektura ng babaeng mas bata sa kaniya.
Ngunit kailangan niyang makuha sa kaniyang panig ang mga taong malalapit kay Segunda upang hindi siya mahirapan at makahingi ng pabor sa kanila. "Huwag mo na akong tawaging, Ginoo. Tawagin mo na lang akong Kuya." Wika ni Xavier dahilan upang mas lalong magtaka si Nova. Hindi niya mawari kung nakainom bai to ng agua bendita.
"Tawagin mo akong Kuya ha? Magkapatid na rin tayo." Hirit pa ni Xavier sabay ngiti saka inilahad sa ere ang kaniyang kamao senyales na nakikipagkaibigan ito. Pilit na ngumiti si Nova saka tumango na lang at ibinangga ang kaniyang kamao sa kamay ni Xavier.
Nang marating nila ang mansyon sa Sta. Mesa ay naabutan nila si Segunda sa salas na palakad-lakad at tila hindi mapakali. Nakabihis na ito. Nakapusod ang buhok dahilan upang masilayan ang makinis nitong batok. Nakasuot siya ng puting kamiso at kulay luntian na saya.
Naunang lumapit si Nova bitbit ang maliit na baul, "Ate Segunda, nagdala ako ng mga kolorete na kabibili ko lang kanina sa pamilihan. Halika, lalagyan kita." Ngiti ni Nova ngunit umiling si Segunda.
"Ako'y hindi hiyang sa mga kolorete o pabango, Nova." saad ni Segunda saka napatingin sa mga koloreteng dala ni Nova. Napansin ni Xavier na tila nalungkot si Segunda dahil hindi nito magagamit ang mga pampaganda na karaniwang nagpapasaya sa mga kababaihan.
"Akala ko ay hindi mo lang nais maglagay nito, Ate. Ibibigay ko sana ito sa 'yo." Saad ni Nova saka inabot ang dalawang pares ng pampakulay sa labi at pisngi. Ngumiti si Segunda saka ibinalik iyon sa kamay ni Nova.
"Maraming salamat ngunit hindi mo na kailangan mag-abala. Ako'y ayos lang." saad ni Segunda. Napatingin siya kay Xavier na nakatayo sa tapat ng pintuan habang nakatingin sa kanila. Nakasandal ito sa gilid na tila ba naghihintay.
"Balita ko ay magmemerienda kayo sa tahanan ng pamilya Castillo." Panimula ni Xavier habang nakatingin nang diretso sa mga mata ni Segunda na para bang nais niyang ipahiwatig na walang lihim ang makakatakas sa kaniya.
Tumikhim si Segunda, "Oo. Kanina lang nagpadala ng mensahe si Catarina. Nagpadala ako ng mensahe sa inyong paaralan sakaling makaalis na kami ni Nova." paliwanag ni Segunda. Hindi niya maunawaan kung bakit kailangan niya magpaliwanag sa lalaking walang ginawa kundi usisain ngayon ang kaniyang buhay.
Tumingin si Xavier kay Nova, "Akala ko ba ay kasama ako?" tanong ni Xavier. Napakamot sa ulo si Nova sabay ngiti nang may pag-aalinlangan, "Naalala ko Kuya, kaming dalawa lang pala na babae ang inimbitahan ni Ate Catarina dahil nais niyang makapagkuwentuhan kami sa mga usapin na mas higit naming maiintindihan." Sagot ni Nova na sinubukang humingi ng paumanhin ngunit mukhang seryoso si Xavier lalo na sa tuwing tinitingnan nito si Segunda.
"Kayong tatlong babae lamang? Paano si Romeo? Hindi naman siya kasama, ano?" tanong ni Xavier dahilan upang mapatingin si Nova kay Segunda na seryoso na rin ang hitsura. Nagtaka si Nova dahil tinawag lang ni Xavier si Romeo sa pangalan nito gayong propesor niya ito.
Sinubukang ngumiti ni Nova upang pagaanin ang sitwasyon. Pakiramdam niya ay naiipit siya ngayon sa away mag-asawa. "Ah, marahil hindi siya sasama sa amin." Tugon ni Nova. Hindi rin naman palasalita si Romeo kung kaya't siguradong mas pipiliin nito magkulong sa silid.
"Ngunit doon siya nakatira. Makakasalubong niyo siya sa bawat sulok ng bahay nila." Saad ni Xavier na diretsong nakatingin kay Segunda. Isinuksok niya ang kamay sa magkabilang bulsa.
Napaisip si Nova, "Malamang. Hindi naman namin siya maaaring paalisin sa bahay nila." Pilosopong sagot ni Nova na nagtataka na sa nangyayari. Tumikhim si Xavier saka naglakad patungo sa hagdan.
"Nakaplano ang araw ko ngayon. Ako'y magbabasa para sa sunod naming pagsusulit. Ngunit, mas makabubuti kung itatanong ko na kay Señor Castillo ang mga paksa na dapat kong pagtuunan ng pansin." Paliwanag ni Xavier habang naglalakad nang nakasuksok ang kamay sa bulsa. "Hintayin niyo ako. Kukunin ko lang ang aking libro." Patuloy nito na kampanteng umakyat sa ikalawang palapag.
"Ate mukhang sinasaniban na naman ang asawa mo." Bulong ni Nova. Hinawakan na lang ni Segunda ang magkabilang balikat ni Nova saka marahan itong hinila palabas ng bahay.
"Hayaan mo na 'yon. Hindi natatapos ang araw nang hindi siya nagkakaganiyan." Saad ni Segunda. Tila nasasanay siya sa pagganap ni Xavier bilang hari sa sarili nitong kaharian.
Alas-singko na ng hapon nang marating nila ang tahanan ng mag-asawang Castillo na matatagpuan sa Paco. Tahimik at payapa ang daan lalo pa't malapit ito sa sementeryo ng Paco, Maynila.
Nang makababa sila sa kalesa ay naunang naglakad si Nova patungo sa pinto. Malaki ang dalawang-palapag na bahay ng pamilya Castillo na napalilubutan ng halaman at rosas dahil paborito iyon ni Catarina. Sandaling napatitig si Segunda sa puting rosas, maging sa uri ng bulaklak ay magkapareho silang dalawa.
Sinagi ni Xavier nang marahan ang braso ni Segunda na sinabayan niya sa paglakad, "Pagkatapos ng merienda, uuwi na tayo." Bulong ni Xavier na hindi natutuwa sa nangyayari. Nasa inuman siya dapat ngayon ngunit heto sasama siya sa usapan ng mga babae habang umiinom ng tsaa at kumakain ng matamis.
"Sino ba kasing may sabi na sumama ka? Umuwi ka mag-isa. Sasabayan ko si Nova." Saad ni Segunda na mas binilisan ang lakad. Napakagat sa labi si Xavier sa inis, hindi siya makapaniwala na mas pipiliin ni Segunda manatili sa bahay ng propesor kaysa umuwi sa payapa nilang tahanan.
Napasingkit ang mga mata ni Xavier saka tiningnan si Nova na nasa tapat na ng pinto. Kailangan niya ngayon makumbinse si Nova na umuwi nang maaga nang sa gayon ay walang magawa si Segunda kundi umuwi na rin. Tumatakbo na ngayon sa kaniyang isipan ang iba't ibang paraan kung paano mapipilitang umuwi agad ang dalawa.
Akmang kakatok na si Nova sa pinto ngunit napaatras ito nang biglang bumukas ang pinto. Nagulat sila nang makita si Romeo na basang-basa sa pawis at namumutla habang buhat si Catarina na walang malay.
"Anong nangyari?" tanong ni Nova. Agad tumakbo sina Segunda at Xavier papalapit.
"Kailangan ko na siyang dalhin sa ospital." Saad ni Romeo na tila wala sa sarili. Hindi nakapagsalita sina Nova, Segunda at Xavier matapos makita ang hitsura ni Catarina na bagsak na ang buong katawan, namumutla, at nangingitim ang labi.
******************************
#SegundaWP
References:
© Universidad de Deusto • ISSN 0423-4847 • ISSN-e 2386-9062, Vol. 66/1, enero-junio 2018, págs. 23-31 doi: http://dx.doi.org/10.18543/ed-66(1)-2018pp23-31 • http://www.revista-estudios.deusto.es/
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top