Chapter 24


Pagkatapos namin mag-usap ni Tita Alexis ay umuwi agad ako. Hindi ko na nakausap si Andrei dahil tulog pa rin siya pagbalik namin sa kwarto niya.

Nag-ayos ako ng mga damit at iba pang gamit na pwede kong magamit sa dalawang araw. Siguro sapat na ang dalawang araw para makausap ang taong pupuntahan ko.

"Last month ay pinahanap ko si Lucio. Ang sabi ay nasa isang probinsya daw siya. Ibibigay ko sayo ang address niya."

Naglabas si Tita Alexis ng papel at ballpen. Isinulat niya doon ang address na sinasabi niya.

Pagkatapos niyang magsulat ay ibinigay niya sakin ang isang maliit na papel.

"Thank you po." Sabi ko.

Nginitian niya ako. "Thank you rin, Katie. Sigurado akong matutuwa si Andrei kung makikita niya muli ang tatay niya."

Kinuha ko ang isang envelope na nakapatong sa kama ko. Nasa loob nito ang address at litrato ng taong hinahanap ko.

Kinuha ko ang litrato at tinignan 'tong mabuti.

"Lucio Zamora." Magkamukhang-magkamukha sila ni Andrei.

Sana magkita na sila.

***

Ala sais ng umaga nang makarating ako sa pilahan ng bus. Dalawang oras ang byahe bago ako makarating doon sa probinsya at sasakay ako ng jeep para makarating doon sa bahay ng tatay ni Andrei.

Tinulungan din ako ni Tita Alexis na mag hanap ng hotel na pwede kong pagtuluyan. Malapit lang din 'to sa bahay ng tatay ni Andrei.

To: Tita Alexis
Good morning po. Nakasakay na po ako ng bus. Wag niyo po munang sabihin kay Andrei na pupuntahan ko ang tatay niya. Salamat po.

Ayoko munang malaman ni Andrei na pupunta ako sa tatay niya. Gusto ko siyang i-surprise.

From: Tita Alexis
Sige, hija. Mag-iingat ka. Sana makapag-usap kayo ng maayos ni Lucio.

Habang nasa byahe ay hindi ko maiwasang kabahan.

Base sa kwento ni Andrei ay hindi na sila nakapag-usap pa ng maayos ng tatay niya nang umalis ito. Ilang taon na rin silang hindi nagkikita at ang alam ko ay may bagong pamilya na ang tatay niya.

Bakit kaya hindi niya binalikan sila Andrei?

***

Nagising ako dahil sa ingay ng mga pasahero na nagbababaan sa bus. Tumingin ako sa bintana at nakita kong nasa pilahan na kami ng bus.

Bumaba na rin ako at tinignan ang paligid.

"Ate, saan po pwede sumakay ng jeep papunta dito?" Tanong ko sa isang tindera ng kakanin at pinakita ko sa kaniya yung address.

"Tawid ka dun tapos mag-abang kalang sa tindahan na 'yon. Maraming dumadaan na jeep dun." Sagot niya.

"Salamat po." Sabi ko. Tumawid ako at nag abang sa tindahan na sinabi niya. Ilang minuto lang ay may tumigil na jeep at sumakay na ako.

Pumunta muna ako sa hotel na tutulugan ko para maibaba ang mga dala kong gamit. Maliit lang yung kwarto ko pero ayos lang dahil mag-isa lang naman ako.

Inayos ko ang mga gamit ko at naligo muna. Sa baba ng hotel ay may mga dumadaan na tricycle. Pwede daw ako sumakay doon para makapunta sa bahay ni Lucio Zamora.

Nag text muna ako kay Tita Alexis pagkatapos kong mag-ayos.

From: Tita Alexis
Sige, itext mo nalang ako pagkatapos niyong mag-usap. Hinanap ka nga pala ni Andrei pagkagising niya. Sinabi ko nalang na nasa convenience store ka.

Napabuntong-hininga nalang ako.

"Dalawang araw lang, Andrei. Paniguradong matutuwa ka pag balik ko at kapag nakita mo kung sino ang kasama ko."

Lumabas na ako sa hotel at sumakay na ng tricycle. Ipinakita ko sa driver yung address. Ilang minuto lang ay ibinaba niya ako sa isang tindahan. Sa tapat nito ay isang malaking bahay.

"Yan yung hinahanap mong bahay." Sabi ng driver.

"Salamat, kuya." Sabi ko at inabot ang bayad ko.

Pinagmasdan ko yung bahay at halatang mayaman ang nakatira dito. Lumapit na ako doon at akmang pipindutin yung doorbell nang makarinig ako ng ingay.

Nilingon ko kung saan nanggagaling ang ingay. Isang matandang lalaki ang tumatawa habang nakaakbay sa isang lalaki na sa tingin ko ay mas bata lang ng isang taon sakin.

Mukhang kakatapos lang nila magbasketball dahil pawisan pa sila at may hawak na bola yung binata.

Tinignan kong mabuti yung matanda at doon ko lang narealize kung sino ito.

Si Lucio Zamora. Naka salamin ito at sa tingin ko ay nasa 40's na. Sunod kong tinignan ang lalaking kasama niya.

Siguro ay anak niya 'to.

Hindi ko mapigilang isipin si Andrei. Siguro kung kasama niya rin ang tatay niya ay ganyan din sila kasaya.

"Miss, sino ka?" Napakurap ako. Hindi ko namalayan na nakalapit na sila sakin.

"Good morning po. Ako po si Katie Cordova. Sir Lucio, pwede ko po ba kayong makausap?" Halatang nagulat ang matanda nang tinawag ko siya sa pangalan niya.

"Dad, pasok muna ako." Paalam ng anak niya. Kunot noo muna siyang tumingin sakin bago pumasok.

"Paano mo ako nakilala?" Tanong niya.

"Kaibigan po ako ng anak mo. Si Andrei Zamora." Sagot ko. Narinig ko ang malalim na paghinga niya.

"Sumunod ka sakin," utos niya at pumasok sa loob ng bahay. Nanlaki ang mata ko nang makita kung gaano kaganda sa loob. Maganda ang pagkakadisenyo sa bahay at bumagay pa ang mga mamahaling muwebles.

"Manang, paki dalhan kami ng maiinom at pagkain sa office ko." Utos niya sa isang matandang katulong.

Umakyat siya kaya sumunod na rin ako hanggang sa makarating kami sa isang kwarto. Ang office niya.

Naupo siya sa kaniyang swivel chair at ako naman ay sa isang upuan malapit sa kaniya.

"Anong kailangan mo?" Tanong niya habang inaayos ang salamin niya.

Bumuntong hininga ako. "Gusto po kayong makita ni Andrei." Diretsong sabi ko.

"Pasensya na, hija. Hindi ako pwedeng lumuwas ng Maynila. Marami pa akong inaasikaso dito." Nagulat ako sa sinabi niya.

"Pero gustong-gusto po kayo makita ni Andrei. Matagal niya na kayong hinahanap."

"Ibigay mo nalang sakin ang number ng anak ko para makapag-usap kami." Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. Wala ba talaga siyang balak na puntahan ang anak niya?

May inilabas siyang sobre at inabot sakin ito. "Pakibigay nalang sa kaniya para may panggastos siya." Napatayo ako dahil sa inis.

Hindi ako pumunta dito para ihingi ng pera si Andrei sa kaniya.

"Hindi ho kailangan ni Andrei ng pera niyo. Ang kailangan niya ay kayo mismo! Ang gusto niya ay makita at makasama kayo." Pinilit kong hindi siya masigawan.

"Pero kailangan ako sa trabaho---"

"M-mas mahalaga pa po ba sa inyo ang trabaho? Mas kailangan ho kayo ng anak niyo ngayon! May sakit si Andrei at nanghihina na siya. Ang gusto niya lang ay makita kayo!" Basag ang boses ko habang sinasabi ko ang mga 'yon.

Yumuko lang siya at hindi sumagot.

"Pag-isipan niyo pong mabuti. Sana po mapagbigyan niyo si Andrei." Pinunasan ko ang luha ko at tumalikod na.

Sayang lang pala ang pag punta ko dito.

---

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top