Chapter 7 - Bagansya

"MARKO!"

Nilingon ni Marko ang tumatawag.

"O, Dax. Bakit?"

"Uuwi ka na ba?"

"Hindi pa. Raraket muna ako."

"Hindi mo na tatapusin yung show?"

Umiling si Marko. "Wala namang masyadong customer. Patay na araw kasi. Sa Biyernes at Sabado pa dadagsa ang customer kaya raraket na lang muna ako para kumita."

"Sabagay... Sige, ako na lang bahala kay Mama Bang pag hinanap ka."

"Salamat, p're. Aalis na ako."

Tumango si Dax. "Ingat!"

Lumakad na si Marko papalayo sa gay bar. Si Dax naman ay muling bumalik sa loob nito.

***

ESPAÑA, MANILA

Dito naisipang rumaket ni Marko. Raket ang tawag niya sa ginagawa niyang pag-sideline para humanap ng customer sa madidilim na kalye tuwing matumal ang customers sa gay bar kung saan siya nagtatrabaho bilang macho dancer. May ilang beses na rin niyang ginawa ang ganito. Pero hindi naman ganun kadalas. Kung talagang kailangang-kailangan na niya ng perang ipapadala sa probinsiya at gipit siya ay saka lang niya pinapasok ang ganitong raket. Dito kasi, nakakapagpresyo siya ng presyong gusto niya. Hindi tulad sa bar na porsiyento lang ang makukuha niya kung may maglalabas sa kanya. Maliit kung tutuusin ang nakukuha niyang kabayaran sa gay bar dahil lumalabas na suwelduhan lang siya dun. Hindi katulad dito na kung susuwertehin siya, pwede siyang makakuha ng bigtime na customer na babayaran siya sa presyong siya ang magsasabi.

Pumuwesto si Marko sa gilid ng kalsada sa bandang ibaba ng isang overpass sa harap ng isang sikat na unibersidad. Medyo madilim sa bahaging iyon. Alas dos na ng madaling-araw at mangilan-ngilan na lang ang mga taong naglalakad. May mga dumadaang sasakyan sa kahabaan ng España. Paminsan-minsan ay may taksing humihinto sa harap niya na nag-aakalang nag-aabang siya ng masasakyan. Minsan naman ay may kotseng humihinto sa kanyang harapan at tinatawag siya ng sakay nito pero makalipas ng maikling pag-uusap ay aalis din ang kotse dahil hindi sila nagkasundo sa presyong gusto niya.

May mga dumadaang ilang bading na tila nagpapapansin sa kanya pero hindi man lang nililingon ni Marko ang mga ito. Sa tagal na niya sa ganitong raket, alam na niya kung sino ang may pera at kayang bayaran siya ng tama sa serbisyong ibibigay niya.

Ilang metro lang ang layo kay Marko ay naroon naman si Stephen na nakatambay rin at nag-aabang ng customer. Ilang beses na ring nakita ni Marko ang lalaking ito dito kaya sigurado siya na tulad niya ay bayaran din si Stephen.

Nakita niyang isang police mobile ang huminto sa harapan ni Stephen. Bumaba ang isang pulis. Nilapitan nito si Stephen at saglit silang nag-usap.

Biglang nakita ni Marko na tumakbo si Stephen patungo sa gawi niya. Ang pulis naman ay mabilis na bumalik at sumakay sa mobile. Hindi agad malaman ni Marko kung ano ang magiging reaksiyon niya. Tatakbo rin ba siya? O magkukunwari na lang siyang naghihintay lang ng masasakyan pauwi.

Pagtapat ni Stephen kay Marko ay sumigaw ito. "Pare, bagansya!"

Iyon na ang hudyat!

Tumakbo na rin si Marko sa gawing tinatakbuhan ni Stephen. Magkasabay nilang tinakbo ang kahabaan ng España habang ang police mobile ay mabilis na nakasunod sa kanila.

May nadaanan silang eskinita kaya pumasok sila doon para hindi na sila masundan ng humahabol sa kanila. Tuloy-tuloy at walang lingon-lingon nilang tinakbo ang kahabaan ng eskinita patungo sa kabilang dulo nito.

Paglabas nila sa kabilang dulo, nagulat sila dahil naroon ang mobile at ang dalawang pulis na sakay nito ay nasa labas na at inaabangan sila.

Mabilis na lumapit sa kanila ang dalawang pulis kaya tumakbo muli ang dalawa pabalik sa pinanggalingan nila.

"Tigil!" sigaw ng isa sa mga pulis habang humahabol sa dalawang lalaki.

Mas binilisan pa nina Marko at Stephen ang pagtakbo.

Kung anong bilis ng pagtakbo nina Marko at Stephen ay siya ring bilis ng paghabol ng dalawang alagad ng batas.

Narating nina Marko at Stephen ang kabilang dulo ng eskinita at agad silang tumawid sa kabilang kalsada upang mas mahirapan ang mga pulis na masundan sila.

Pagdating sa kabilang bahagi ng kalsada ay muli silang pumasok sa isang makipot na eskinita hanggang tuluyan na silang makalayo sa mga pulis na humahabol sa kanila.

Alam nila, hindi na sila masusundan ng dalawang pulis.

Kapwa pagod at humahangos na nagpahinga sina Marko at Stephen sa isang bahagi ng kalye.

"Gagong mga pulis iyon," sabi ni Marko.

"Akala yata aabot sila sa atin. Eh, anlalaki ng tiyan!" komento ni Stephen na hinahabol pa rin ang paghinga.

Ilang sandali ring nagpahinga muna ang dalawa bago nila naisipang umalis na sa lugar na iyon.

"Uuwi na ako, 'tol. Bukas na lang ako rarampa," ang sabi ni Stephen. "Ikaw ba?"

"Lilipat na lang ako ng lugar. Maaga pa naman. Makakakuha pa naman siguro ako kahit isang customer."

"Punta ka na lang sa circle. Marami dun," suhestiyon ni Stephen.

"Sige, doon na nga lang siguro ako raraket."

"Stephen nga pala," iniabot ng binata ang palad kay Marko.

"Ako si Marko." Nagkamay ang dalawa.

"Sige, 'tol. Mauna na akong umuwi. Ingat ka na lang baka andun pa sa kanto ng España ang mga buwaya at nag-aabang."

"Salamat. Saan ka ba umuuwi?" si Marko.

"Blumentritt. Sumabay ka na lang sa akin. Sakay ka ng biyaheng Quiapo. Tapos sa Quiapo ka sumakay ng papuntang Fairview dadaan na iyon ng circle. Para siguradong hindi mo masasalubong yung mga pulis."

"Eh ikaw?"

"Biyaheng Blumentritt na ang sasakyan ko. Isang sakay lang ako mula rito." Pinara ni Stephen ang paparating na jeep. "Sasakay na ako, 'tol. Lumipat ka sa kabila, dun ka sumakay ng biyaheng Quiapo."

"Oo sige, salamat."

Sumakay na ng jeep si Stephen. Tumawid sa kabilang kalye si Marko at sumakay rin ng jeep patungong Quiapo.

Malas ang gabi niya ngayon.

Una, walang masyadong customer sa bar.

Ikalawa, muntik pa siyang mapresinto.

Sana pagpunta niya sa circle ay makakuha siya kahit isang customer. Kailangan niya talaga ng pera para maipadala sa mga magulang niya sa probinsiya.

Habang sakay ng jeep ay malalim na nag-iisip si Marko.

Ano pa ba ang pwede niyang gawin para kumita ng pera? Ang alam ng mga magulang niya sa probinsiya ay nagtatrabaho pa rin siya sa pabrika ng patis sa Malabon. Iyon kasi ang sinabi niya sa mga ito. Sa loob ng dalawang taon na pagtatrabaho sa gay bar ni Mama Bang, ni minsan ay hindi niya inamin sa mga magulang niya ang paglusong niya sa putikan para kumita ng kanilang ikabubuhay.

Kahit kailan, ayaw niyang sirain ang pagkakakilala sa kanya ng kanyang tatay at nanay. Hindi niya magagawang aminin sa mga ito na nagbebenta siya ng katawan para kumita ng pera.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top