Chapter 5 - Street Hooker

ITINAAS NI Stephen ang kanang kamay hawak ang kutsilyong naagaw niya sa lasing na tiyuhin at walang pagdadalawang isip niya itong isinaksak sa taong paulit-ulit na nanakit sa kanya!

Napabalikwas ng bangon si Stephen. Naulit na naman ang panaginip niya. Ilang gabi na ring bumabalik sa panaginip niya ang alaalang ayaw na niyang isipin. Isang pangyayaring pilit niyang tinatakasan. Isang kahapong hinding-hindi na niya babalikan.

Inabot niya ang celfone na nasa maliit na mesang katabi ng higaan niya at tiningnan kung anong oras na.

"Pucha! Alas otso na pala. Kailangan ko nang rumampa." Mabilis itong tumayo, kinuha ang tuwalyang nakasabit sa likuran ng pinto at mabilis na tinungo ang banyo para maligo.

Wala pang sampung minuto ay lumabas na agad ito ng banyo, nakatapis lang ng tuwalya. Agad siyang nagbihis at iginayak ang sarili papunta sa trabahong kinasanayan niyang gawin.

SI STEPHEN ay dalawamput-isang taong gulang na ngayon. Mag-isa siyang naninirahan sa maliit na silid na yun na nirerentahan niya ng P1500 kada buwan. Mahigit isang taon na siyang nakatira rito. Dati ay kung saan-saan lang siya nakikitira, sa bahay ng kanyang mga kaibigan. Pero mula nang magkaroon siya ng pagkakakitaan ay sinikap niyang makakuha kahit maliit na kuwartong mauuwian upang hindi na rin siya paulit-ulit humingi ng pabor sa mga kaibigan. Nakakahiya rin kasi na lagi siyang nakikitira sa mga ito.

Nung una ay wala siyang magawa kundi kapalan ang mukha niya. Wala talaga kasi siyang mapupuntahan. Mula nang lumayas siya sa kanila dalawang taon na ang nakakaraan ay hindi pa niya ginawang bumalik o kahit sumilip man lamang sa kanilang bahay. Wala na nga siyang balita sa nanay niya at isang kapatid na babaeng labing-isang taong gulang na ngayon. At wala pa rin siyang balak bumalik sa kanila. Walang-wala.

Hindi maganda ang dahilan ng paglalayas niya. Hindi nga paglalayas 'yun kundi pagtakas sa isang pangyayaring hanggang ngayon ay bangungot na sumusunod sa kanya. Maagang namatay ang ama niya at ang nanay niya ay muling nag-asawa. Hindi pala, nakisama lang sa isang lalaking walang ginawa kundi magpalaki ng bayag, maglasing, at bugbugin siya. Sampung taon pa lang siya noon ay naranasan na niya ang 'di mabilang na kalupitan ng kinakasama ng kanyang ina. Sa konting pagkakamali lang niya ay siguradong lalatay sa balat niya ang sinturon ng kanyang tiyo Dado. Malupit ito at hindi kumikilala ng katuwiran. Wala itong pakialam kung sino man ang nasasaktan nito. Nung minsan, maging ang nanay niya ay pinagbuhatan nito ng kamay. Sinubukan niyang umawat pero tinabig siya nito at tumilapon siya sa isang sulok ng kuwarto. Wala siyang nagawa noon kundi umiyak na lang para sa kalupitang dinadanas nilang mag-ina sa kamay ng lalaking kung tutuusi'y hindi naman nila kaanu-ano.

Hanggang sa magbinata siya at dumating sa edad na labinsiyam. Ganoon pa rin ang trato sa kanya ng kanyang tiyo Dado pero kahit paano ay di na siya takot lumaban dito. Bakit, eh sa edad niyang iyon 5'8" na ang kanyang taas kumpara sa tiyuhin niyang 5'6" lang. At mas malaki na ang bulto ng kanyang katawan. Kaya isang araw na umuwi itong lasing na lasing at tinadyakan siya nang walang kadahi-dahilan habang kumakain siya ng hapunan ay nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo. Sinagot-sagot niya ang kanyang amain na sa sobrang kalasingan ay tila wala na sa tamang pag-iisip at bigla na lang pumunta sa kusina at kinuha ang kutsilyo sabay sugod sa kanya upang saksakin siya. Mabilis ang mga sumunod na pangyayari. Nag-agawan silang dalawa sa kutsilyo hanggang mabitiwan ito ng amain niya na agad naman niyang pinulot.

Marahil ay nilukuban na rin siya ng demonyo nang mga oras na iyon kaya hindi na niya naisipang gawin kung ano ang tama. Itinaas niya ang kanyang kanang kamay na may hawak ng kutsilyo at walang pagdadalawang-isip niya itong isinaksak sa taong paulit-ulit na nanakit sa kanya mula pa nung kanyang pagkabata. Nagawang iharang ng kanyang tiyo Dado ang dalawang braso nito kaya doon bumaon ang kutsilyo. Iyon ang eksenang naabutan ni Aling Edna, ang kanyang ina na halos himatayin nang makita ang duguang kinakasama. Galit na galit sa kanya ang nanay niya. Hindi man lang nito tinanong kung anong nangyari. Bigla'y sa kanya lahat nabunton ang sisi.

Tumakbo si Stephen papalabas ng bahay at hindi na siya umuwi sa kanila mula noon. Nabuhay siya sa kahit anong paraan hanggang matagpuan niya ang sarili sa madidilim na sulok ng kalye, naghihintay sa mga bakla at matrona na bibili ng panandaliang aliw.

QUEZON CITY MEMORIAL CIRCLE

Mag-a-alas diez na nang dumating si Stephen sa lugar na iyon kung saan madalas siyang tumambay para maghintay ng customer. Sa labas ng circle ay marami kang mapapansing mga kalalakihang akala mo ay dumaraan lang o naghihintay ng sasakyan pero kung oobserbahang mabuti ay mapapansing paikot-ikot lang sila roon at tila wala namang balak umalis. Sa isang parte ng lugar ay may ilang kababaihan na tulad ni Stephen ay naghihintay rin ng parukyano.

Hindi lang dito sa circle tumatambay si Stephen. Minsan ay dumadayo siya sa Recto o kaya naman ay sa kahabaan ng España sa mga araw na tila matumal ang "negosyo". May mga araw namang nakikipagkompetensya siya sa mga callboy sa Cubao.

"Puke! Puke kayo riyan!" Narinig niyang sabi ng isang babae. Sa tindi ng kompetensya, kanya-kanyang diskarte ang mga pokpok sa lugar na iyon.

"Hoy! Pokpok ka na nga pinopokpok mo pa ang sarili mo!" Sinita ng isang babae ang pokpok na nagsalita kanina lang.

"Ano bang pakialam mo? Nagse-salestalk ako para makakuha ng customer. Palibhasa kasi wala kang alam sa marketing," ayaw patalo ng unang babae.

"O, siya ikaw na ang nakapag-aral! E asan ka ngayon? Di ba andito ka rin at kapareho ko lang pokpok?"

Natigil lang ang pagtatalo ng dalawang babae nang isang kotse ang huminto sa harap nila. Agad na nilapitan 'yun ng unang babae at saglit silang nag-usap ng lalaking sakay ng kotse. Pagkalipas ng ilang sandali ay sumakay na ang babae sa kotse na mabilis ding umalis sa lugar na iyon.

"Swerte ang bruha! Nakahagip agad ng customer," sabi ng pangalawang babae.

"Mag-aral ka kasi ng marketing," pang-aasar ng iba pang mga pokpok sa kasama nila. Nagkatawanan na lang ang mga ito.

NAINIP si Stephen kaya nagpasya siyang maglakad-lakad muna. Mukhang matumal ngayong gabi. Walang masyadong customer.

Pumasok siya sa loob ng circle. May ilang tao pa ring andun sa loob ng park. Mukhang mas wala siyang makukuhang customer sa loob ng park kaya lumabas na lang ulit siya at binaybay ang gilid ng circle bandang tapat ng Philcoa.

Huminto si Stephen sa isang madilim na bahagi ng lugar.

Maya-maya'y isang kotse ang huminto sa tapat niya. Ibinaba ng lalaking driver ang bintana at sinenyasan si Stephen na lumapit.

"Available ka ba ngayon? How much do you charge?" sabi ng lalaki.

"P1000 kung ikaw ang magtatrabaho. P1500 kung ako. P2000 all the way." Kabisado ni Stephen kung paano prepresyuhan ang sarili. Kahit minsan wala namang umangal sa presyo niya. Sa itsura pa lang niya, sulit na ang ibabayad ng sino mang kukuha ng serbisyo niya. Idagdag pa na ginagalingan niya talaga at hindi siya nanggagantso ng customer.

"Sakay na," utos ng lalaki.

Agad na sumakay si Stephen. Pinaandar ng lalaki ang kotse.

"Anong pangalan mo?"

"Stephen." Hindi rin siya katulad ng ibang callboy na paiba-iba ng ginagamit na pangalan. Sinasabi niya talaga sa customer ang totoong pangalan niya. "Ikaw, anong pangalan mo?"

Ngumiti lang ang lalaki pero hindi nito sinagot ang tanong ni Stephen. Ipinagpatuloy lang nito ang pagmamaneho.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top