Chapter 4 - Si Mia
"O, P'RE! Sasakay na ako. Kita na lang tayo bukas," sabi ni Dax bago tuluyang sumakay sa bus.
"Ingat!"
Sumakay na rin si Marko sa unang dumaang jeep. Pagbaba niya rito kailangan pa niyang sumakay ng tricycle. Habang nasa jeep ay bumalik sa isip ni Marko ang unang gabi niya sa gay bar. Ngayon niya naisip kung paano siya tinanggap ng mga customers. Kung paano nagustuhan ng mga ito ang kanyang pagsayaw. Kung iisipin niya ay parang wala naman siyang kakaibang ginawa. Hindi man lang nga siya nagpasilip kahit konti gayong dapat ay naghubad siya. Pero gustong-gusto pa rin siya ng mga manonood. Naisip niya kung ano naman kaya ang gagawin niya sa mga susunod pa niyang pagsayaw sa club. Kailangang lagi siyang may ipapakitang bago para hindi siya pagsawaan ng mga tao.
Pagkababa ng jeep ay sumakay ng tricycle si Marko at nagpahatid sa Kalye Masagana. Kabababa pa lang niya sa tricycle at naglalakad papunta sa tinitirhan niua nang mula kung saan ay isang tumatakbong babae habang sumisigaw ang hangos na lumapit sa kanya. Sa likod ng babae ay dalawang lalaking tila lasing ang humahabol sa kanya.
"Mama, parang awa mo na tulungan mo ako. Hinahabol nila ako. Pinagnakawan nila ako. Gusto pa nila akong pagsamantalahan," umiiyak na pagmamakaawa ng babae. Bitbit nito ang isang maliit na pambabaeng bag.
Maagap na hinawakan ni Marko ang babae at itinabi sa kanya. "Wag kang matakot, miss. Ako'ng bahala."
"Hoy!" sigaw ng isa sa mga humahabol na lalaki. "Halika dito, babae ka!"
"Pare, ano ba'ng problema?"
"Wag kang makikialam dito. Diskarte namin ito!" sigaw ng isa pang lalaki.
"Mga pare, ibalik n'yo na sa babae yung kinuha n'yo. Tayo-tayo ba naman magtataluhan pa dito."
"Ibigay mo sa amin 'yang babae!"
"Eh kung ayaw ko?"
"Ayaw mo pala, ha!" Biglang sinugod ng unang lalaki si Marko at sinuntok ngunit mabilis itong nailagan ng binata sabay suntok dito.
Sumadsad ang lalaki nang tamaan ng suntok ni Marko. Nagtangka pa itong bumangon.
Agad namang sumugod din ang ikalawang lalaki pero sa hangin lang tumama ang suntok niya. Isang sipa sa bandang bewang ng lalaki ang ibinigay ni Marko ngunit tila hindi nito ininda.
Bumuwelta ang dalawang lalaki at sabay na sinugod si Marko. Naging mabilis ang naging pagkilos ni Marko para 'di siya maunahan ng dalawa. Sinalubong niya ng suntok ang dalawang lalaki at 'di na niya binigyan ng pagkakataong makabawi pa ang mga ito.
Bagsak ang dalawang lasing. Tulog!
"Sino sa kanila ang kumuha ng pera mo?"
"Iyong naka-jacket."
"Dinukot ni Marko ang bulsa sa pantalon ng lalaki. Hinanap niya doon ang pera ng babae."
Isang wallet ang nakuha ni Marko.
"Ayan! Sa akin 'yan."
"Ito lang ba ang kinuha sa'yo?"
Tumango ang babae.
"Tagasaan ka?" tanong ni Marko.
"Sa Laguna."
"Ah. So, pauwi ka na ng Laguna?"
Umiling nang sunud-sunod ang babae. Humikbi. "Lumayas ako sa amin. Tumakas ako."
"Bakit?"
"Pinagtangkaan akong halayin ng asawa ng nanay ko."
"Whew! Sobrang lapitin ka naman ng mga manyak. Eh, 'di wala kang uuwian dito?"
Tuluyan nang umiyak ang babae.
"Teka, 'wag kang umiyak, miss. Ano nga'ng pangalan mo?"
"Mia..."
"Mia, kung wala kang uuwian at kung magtitiwala ka sa akin puwede ka munang doon tumira sa inuuwian ko. Pero pagpapasensyahan mo lang kasi maliit lang 'yun. At saka 'yung tsismis. Alam mo na, baka kung anong isipin ng kapitbahay dahil dalawa lang tayo sa bahay. Kung okay sa'yo ang ganoong set up, doon ka na muna kaysa naman magpalaboy-laboy ka sa kalye."
Nagliwanag ang mukha ni Mia. "Nakakahiya sa'yo pero 'di ako tatanggi. Wala talaga kasi akong matutuluyan. Hindi ko na nga alam kung anong gagawin ko. 'Di ko na alam kung saan ako pupunta. Salamat. Maraming salamat..."
"Marko. Ako si Marko."
Tumango-tango si Mia. "Salamat, Marko. Napakabuti mo."
"Halika na at baka magising pa 'tong mga 'to."
Lumakad ang dalawa papunta sa tinitirhan ni Marko. Binagtas nila ang isang mahabang eskinita hanggang marating nila ang bahay.
"Pasok ka. 'Wag kang mahiya."
"Salamat talaga, Marko. Kung 'di sa pagmamagandang loob mo 'di ko alam kung saan ako pupunta ngayon. At baka napahamak na rin ako doon sa dalawang lasing na humabol sa akin kanina."
"Wala 'yun. Kalimutan mo na 'yun. Basta, puwede kang tumira dito hangga't gusto mo."
"Huwag kang mag-alala, maghahanap ako ng trabaho para makatulong ako sa'yo sa mga gastusin dito sa bahay. Hindi ako magiging pabigat, pangako."
Ngumiti si Marko. "Huwag mo na munang isipin 'yan. Magpahinga ka na muna kasi mag-uumaga na. At saka na natin 'yan pag-usapan."
"Salamat ulit."
"O, d'yan ka na matulog sa kuwarto ko. Dito na lang ako. Maglalatag na lang ako dito. Basta, ipanatag mo ang loob mo. Safe ka dito."
Iyon ang umpisa kung paano sila nagkakilala at naging magkasama sa bahay ni Mia. Hanggang kahit nagkaroon na ng trabaho ang dalaga, hindi na ito lumipat ng tirahan. Nakihati na lang ito sa mga gastusin sa bahay. Naging pabor din ito kay Marko dahil nagkaroon ng babae sa bahay at naging maayos at malinis ang tinitirhan niya. Masipag si Mia. Halos lahat ng gawaing bahay ay inaako nito. Pati sa paglalaba ng maruruming damit, isinasama na ng babae ang mga labada ni Marko.
Natanggap si Mia bilang waitress sa isang club, ang Midnight Shadows. Nang lumaon ay naging GRO siya sa club na ito sa kondisyong hindi siya pwedeng i-take out. Hanggang pag-table lang ang puwedeng gawin ni Mia. Biniro pa nga siya ni Marko na tinakasan pa ang amain na nagtangkang humalay sa kanya 'yun pala ay sa lugar na mas maraming hayok na lalaki pa pala siya mapupunta. 'Di man gusto ni Mia ang naging trabaho niya, wala naman siyang choice dahil hindi siya nakatapos ng pag-aaral. Basta pinaninindigan na lang niya ang usapan nila sa club na hindi siya pwedeng i-take out ng kahit sino. Mabuti na lang at mabait sa kanya ang club manager na si Madam Eloisa. Tumutupad ito sa lahat ng mga pinag-usapan at napagkasunduan nila. Kaya naman kahit sa ganoong klase ng lugar siya nagtatrabaho, alam ni Mia na hindi siya puta. Kumbaga, paa lang niya ang inilubog niya sa putikan, hindi buong katawan kaya madaling hugasan at banlawan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top