Chapter 39 - Ang Wakas

"BILISAN MO ang pagmamaneho. Baka mauna pa sa atin sa bodega si Mr. Choi," utos ni hepe sa kasamang pulis. Si Dennis ay wala pa ring malay at nakaposas na ang mga kamay. Ipinosas siya ni hepe habang hinahabol ng kasama nitong pulis si Dexter.

Matulin na pinatakbo ng pulis ang kotse para mabilis nilang marating ang bodega kung saan naroon si Stephen. Kailangang naroon na sila bago pa dumating si Mr. Choi.
***
SI DEXTER ay nakapagtago sa malalagong water lilies kaya hindi siya nakita kanina ng pulis na humabol at bumaril sa kanya. Mabuti na lang at marunong siyang lumangoy kaya hindi siya nagawang tangayin ng agos ng maruming tubig sa Ilog Pasig.

Sinikap niyang agad na makaahon sa ilog. Nang makaahon ay nagtanong siya sa mga tao roon kung saan ang pinakamalapit na police station para mai-report niya ang nangyari. Agad na nagsagawa ng follow up operations ang pulisya kaugnay sa insidenteng ini-report ni Dexter. Nakatulong nang malaki ang plate number ng kotse na sinakyan ng mga dumukot kay Dennis.
***
"GISING!!!"

Sinampal-sampal ni hepe ang pisngi ni Dennis hanggang sa magising ito. Nakarating na sila sa bodega at kailangang ipasok na rin sa loob ang estudyante.

"Dalhin mo 'yan dito sa loob," utos ni hepe sa kasamang pulis.

Nakaramdam ng kaunting kirot si Dennis sa likod ng kanyang ulo. Pakiramdam niya ay may sugat ito. Gusto niya sanang hawakan ang kanyang ulo pero hindi niya magawa dahil nakaposas ang kanyang mga kamay.

"Bilisan mo!" Itinulak siya ng pulis kaya muntik na siyang madapa.

Noon tumunog ang cellphone ng pulis at saglit itong nakipag-usap sa tumawag. Si Dennis ay tuluy-tuloy na naglakad papasok sa bodega.

Nang makapasok sa loob ng bodega ay nakita ni Dennis ang isang lalaking nakagapos sa isang poste at lungayngay ang ulo. Binabantayan ito ng dalawang tauhan ni hepe. Sa itsura ay mukhang bugbog-sarado ang lalaki.

"Stephen?" Nanghilakbot si Dennis nang makilala ang nakagapos na lalaki.

Nag-angat ng ulo ang lalaki. "Dennis..."

Tinakbo ni Dennis si Stephen. "Anong ginawa nila sa'yo?" Nakita niya ang namamagang mukha ni Stephen sanhi ng tinamong suntok. Bumaling siya kay hepe. "Hayup ka, hepe! Hindi ka dapat naging pulis! Masahol ka pa sa kriminal!" galit na galit niyang sigaw.

Parang walang narinig si hepe. Tumatakbong lumapit sa kanya ang kasamang pulis.

"Hepe, may tawag galing sa presinto. Patay na si Mr. Choi. Naaksidente!"

"Sigurado ka ba sa balita mo?"

"Oo, hepe."

"Kung ganoon, wala na pala tayong problema," deklara nito.

"Anong gagawin natin ngayon sa dalawang ito?" tanong ng pulis.

Ngumisi si Hepe at pagkatapos ay bumaling kay Dennis. Tinitigan nitong mabuti ang estudyante. "Pagkatapos ng gagawin mo ngayon, wala ka na ring ipinagkaiba sa mga kriminal," humahalakhak na sabi nito.

"Anong---?"

"Tanggalin n'yo sa pagkakagapos 'yan!" utos ni hepe sa kanyang tauhan.

Agad na sumunod ang dalawang nagbabantay kay Stephen at inalis ito sa pagkakatali sa poste.

"Ngayon naman, umpisa na ng palabas..."

Hindi maintindihan ni Dennis kung anong ibig sabihin ni Hepe, pero nakita niyang binunot nito ang baril at itinutok sa kanya. Nahintakutan si Dennis. Gumapang ang kilabot sa buo niyang katawan.

Dahan-dahang lumapit si Hepe kay Dennis.

"Huwag... Huwag, Hepe. Maawa ka..." Nakita niya ang nakakalokong pagngisi ni Hepe habang papalapit sa kanya. Nang makalapit ay iniabot nito sa kanya ang baril.

"Binibigyan kita ng pagkakataong patayin ang traydor na lalaking 'yan. Kapag nagawa mo, palalayain kita rito at hindi na muling gagambalain pa."

"Ha?" Napamulagat si Dennis. "Hindi, Hepe. Hindi ko magagawa."

"Kung hindi mo gagawin, sa tingin mo ba'y makalalabas ka pa nang buhay dito?" Hindi nawawala ang nakakalokong ngisi ni Hepe. "Mamili ka, Dennis. Patayin mo siya at mabubuhay ka o pareho kayong mamamatay dito."

Tiningnan ni Dennis si Stephen. Wala siyang makitang reaksyon sa mukha nito. Para bang handa na ito sa kung ano man ang kahihinatnan ng buhay nito.

Muling bumaling si Dennis kay Hepe. "Ayoko, Hepe. Hindi ko kayang pumatay. Hindi ko siya magagawang patayin. Ayoko!"

Isang malakas na suntok mula sa kamao ni Hepe ang tumama sa mukha ni Dennis.

Tumilapon si Dennis at nabitiwan niya ang hawak na baril. Iyon ang sinamantala ni Stephen. Agad nitong dinampot ang baril at mabilis na ikinasa sabay putok sa dalawang alagad ni Hepe na nasa kanyang likuran. Agad na tumumba ang dalawa. Pero bago pa niya muling naiputok ang baril sa pulis na kasamahan ni Hepe ay naunahan na siya nito. Sapul siya sa balikat.

Pinilit ni Stephen na huwag indahin ang tama sa kanyang balikat. Muli niyang ipinutok ang baril at nasapol niya ang pulis sa didbdib.

"Dennis, takbo! Umalis ka na rito!" utos niya sa kaibigan habang nakatututok ang baril kay Hepe.

"Paano ka?" nag-aalalang tanong ni Dennis.

"Tatapusin ko lang ang hayup na hepeng ito..." Hindi inaalis ni Stephen ang pagkakatutok ng baril kay Hepe.

Malikot ang mga mata ni Hepe. Humahanap ito ng tiyempo kung paano malalansi si Stephen.

"Hayup ka, Hepe. Ikaw ang mamamatay sa bodegang ito, hindi kami." Dahan-dahan gumalaw ang daliri niya para kalabitin ang gatilyo ng baril.

Kinakabahang nakatingin lang si Dennis. Palipat-lipat siya ng tingin kina Stephen at Hepe.

"Mamatay ka!!!" Kinalabit ni Stephen ang gatilyo ng baril. Siniguro pa niyang masasapol niya ang noo ng hayup na pulis.

Pero kakampi yata ni Hepe ang demonyo! Hindi pumutok ang baril. Wala na itong bala!

Ngiting aso si Hepe sa nangyari. Hindi na siya nag-aksaya ng panahon. Agad niyang dinaluhong si Stephen at nagpambuno sila.

Nagpalitan sila ng suntok. Si Dennis ay nasa gilid lang at hindi malaman ang gagawin. Isang suntok ni Hepe ang tumama sa panga ni Stephen na ikinatumba nito. Bago pa makabangon si Stephen ay sinalubong na ito ni Hepe ng isang tadyak kaya muli itong nalugmok sa semento. Sinamantala iyon ni Hepe para takbuhin ang baril ng isang tauhan niyang napatay ni Stephen. Nakita iyon ni Dennis kaya agad din niyang tinakbo ang isang patay na alagad ni Hepe sa gawing likuran. Kinuha niya ang baril nito at itinutok kay Hepe.

Babangon na si Stephen nang pumutok ang baril na hawak ni Hepe at tumama sa kanyang tagiliran. Napasigaw si Dennis sa nakita. Sinubukan niyang iputok ang hawak na baril subalit nauna na muling magpaputok si Hepe at sapul si Stephen sa dibdib.

Parang nauupos na kandilang natumba muli sa semento si Stephen.

Ipinutok ni Dennis ang hawak na baril. Tatlong magkakasunod na putok na tumama lahat sa katawan ni Hepe.

Itinutok ni Hepe ang baril kay Dennis ngunit isang putok pa ang muling pinakawalan nito na tumama sa pisngi ng buhong na pulis.

Walang buhay na lumatag sa sahig ang katawan ni Hepe.

Agad na nilapitan ni Dennis si Stephen. Naghihingalo na ito at nilabasan na ng dugo sa bibig.

"Stephen, dadalhin kita sa ospital..."

Mapait ang ngiti ni Stephen. "T-Tapos na... Wala na t-tayong p-prob... lema..." Iyon lang at ipinikit na nito ang mga mata.

"Stephen!!!" Ang sigaw ni Dennis ay pumuno sa loob ng bodegang iyon.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top