Chapter 37 - Pagtutuos

MASAKIT NA pangangatawan ang nararamdaman ni Marko nang magkamalay siya. Kahit halos hindi na makita ang kanyang mga mata dahil sa labis na pamamaga sanhi ng mga tinamong pasa at sugat ay malinaw sa kanya ang mga nangyari bago siya tuluyang nawalan ng malay.

Sinikap makatayo ni Marko subalit hindi niya magawa dahil nakagapos ang kanyang mga paa at kamay. Nakakulong siya sa isang silid kung saan siya dinala kanina ng mga lalaking dumukot sa kanya. Noong una ay hindi niya kilala ang mga ito. Hindi rin niya alam kung bakit siya dinukot. Basta dinala siya sa isang malaking bahay na base sa mga dinaanan nila kanina ay nasa parteng Alabang sila.

Bitbit siya ng tatlong lalaki nang pumasok sila sa loob ng malaking bahay at dinala siya sa silid na iyon. Maya-maya pa ay isang matandang lalaki ang pumasok sa silid. Mukhang intsik. Akala niya noong una ay isang matandang bakla ang lalaki na may gusto sa kanya kaya siya ipinadukot. Ngunit nagulat siya nang magsalita ito.

"Ikaw pala boyfliend Mia..." Tiningnan si Marko ng matandang intsik mula ulo hanggang paa na tila ba kinikilatis ang buo niyang pagkatao. "Kaya ayaw Mia sa 'kin dahil sa'yo!" Nanlilisik ang mga mata nito habang galit na nakatingin kay Marko.

"Sino ka ba? Hindi kita kilala. Anong kailangan mo sa akin?" Si Marko ang tipo na hindi basta nagpapasindak.

Isang malakas na suntok mula kay Mr. Choi ang dumapo sa mukha ni Marko.

Halos bumagsak si Marko sa lakas ng suntok kung hindi nga lang siya hawak ng dalawang bodyguard ng matandang intsik.

"Hayup ka! Matapang ka lang dahil may mga alalay ka!" Nagpilit kumawala si Marko mula sa pagkakahawak ng dalawang lalaki pero wala siyang nagawa.

"Ikaw pasalamat buhay pa Mia. Akyen akala patay na siya." Nakangising sabi ni Mr. Choi.

"Ikaw? Ikaw ang bumaboy kay Mia? Hayup ka! Hayup ka! Hayuuup ka!!!"

Isang suntok ulit ang dumapo sa mukha ni Marko. At isa pa na tumama sa kanyang kaliwang mata. At isa pa. At isa pa hanggang sa napagod ang matanda.

"Bugbog n'yo 'yan! Lumpo n'yo!" utos nito sa kanyang dalawang tauhan.

Agad na kumilos ang dalawang tauhan at pinagtulungang gulpihin ang binata. Sa umpisa'y sinikap pang lumaban ni Marko subalit hindi sapat ang lakas niya para magapi ang dalawang bodyguard ng matandang intsik. Hindi siya nilubayan ng dalawa hanggang sa tuluyan na siyang mawalan ng malay dahil sa mga tinamong sakit at bugbog sa katawan.

Sinikap ni Marko na makaupo. Subalit dahil nakatali ang kanyang mga paa at kamay kaya hindi siya gaanong makakilos. Madilim sa buong silid. Tanging liwanag na nagmumula sa labas at tumatagos sa bintana ng silid ang nagsisilbing tanglaw niya. Anong oras na ba? Gabi na.

Kailangan niyang makalag ang tali sa mga kamay niya at paa. Kailangang makatakas siya sa bahay na ito. Ngunit paano?

Sa tulong ng liwanag na naglalagos sa bintana ay tiningnan ni Marko ang pagkakagapos sa kanya at masusing pinag-aralan kung paano niya matatanggal ang mga buhol sa lubid na ipinangtali sa kanya. Mabuti na lang at sa paharap ang pagkakatali ng kamay niya. Maaari niyang gamitin ang kanyang bibig para makalag ang pagkakabuhol ng lubid.

Hindi na siya nag-aksaya ng panahon. Agad niyang sinubukang paluwagin ang pagkakatali sa kanyang kamay gamit ang bibig. Mahirap, pero kailangan niyang gawin. Walang ibang paraan at wala na ring oras. Hindi puwedeng maghintay na lang siya ng kamatayan sa silid na iyon.
***
"MATULOG KA na, Stephen."

"Mamaya na lang po, inay. Mauna na po kayo. Hindi pa naman ako inaantok." Nanatili siya sa pagkakaupo habang hawak ang binabasang magazine.

"Baka dumating na ang tiyo Dado mo, magkasagutan na naman kayo," nag-aalalang sabi ng nanay niya. Ayaw na ayaw nitong magkabanggaan sila ng kinakasama nito.

"Sige po, matutulog na ako." Umakmang tatayo na siya para sundin ang gusto ng ina.

Noon naman bumukas ang pinto at pumasok si Dado. Nang makita nitong nasa salas ang kinakasama ay agad na nagsalita. "Kakain ako," sa tono ay halatang nakainom na naman ito.

"Oo, maghahain na ako." Bumaling ito sa anak bago pa pumunta sa kusina. "Stephen, pumasok ka na sa kuwarto."

"Opo," magalang niyang sagot at nagtungo na rin sa kuwarto upang matulog.

Naiwan sa salas si Dado. Hindi pa nagtatagal nang may sumipa sa pinto at pumasok ang apat na mga armadong lalaki.

"Sino kayong basta na lang papasok sa ---" Hindi na natapos ni Dado ang sasabihin dahil ipinutok ng isang lalaki ang baril at naglagos ang bala nito sa noo ni Dado. Walang buhay itong bumagsak sa sahig.

Si Jade na natutulog sa silid ng magulang ay nagising ngunit mas pinili nitong huwag lumabas dahil sa takot. Si Aling Edna ay napasigaw at napasugod din sa salas. Si Stephen na agad lumabas ng kanyang kuwarto ay nagulat sa mga armadong lalaking nasa loob ng kanilang bahay at ang mga baril ay nakatutok sa kanya. Hindi na siya nakapalag nang pitserahan siya ng isa sa mga lalaki at hilahin papalabas ng bahay.

"Sasama ka sa amin!" sigaw ng isa sa apat na lalaki. Hindi nito inaalis ang pagkakatutok ng baril sa ulo ni Stephen.

"Saan n'yo dadalhin ang anak ko?" sigaw ng ina ng binata na nagtangkang humabol para pigilan ang mga lalaki ngunit tinabig lang siya ng isa sa mga ito at sa lakas ng puwersa ay tumilapon ang matanda at humampas ang ulo sa plywood na dingding.

"Inay!!!" malakas na sigaw ni Stephen sa nakitang pagbagsak ng ina sa sahig malapit na bangkay ni Dado.

Ipinagtulakan ng mga lalaki si Stephen hanggang sa maisakay sa van na mabilis ding humarurot paalis sa lugar na iyon.

Habang nasa biyahe ay pinosasan ng isang lalaki si Stephen at pagkatapos ay nilagyan ng piring sa mata. Wala na siyang ideya kung nasaan siya at kung saan siya dadalhin ng mga ulupong na dumukot sa kanya. Malakas ang kutob niyang mga alagad ito ni hepe. Si hepe lang naman ang puwedeng magpadukot sa kanya.

Mahaba rin ang itinagal ng biyahe hanggang sa maramdaman ni Stephen na huminto ang van. Narinig niya ang isang lalaki na nag-utos sa kasamahan. "Ipasok n'yo 'yan sa loob. Kanina pa 'yan hinihintay ni hepe."

Tama nga ang kutob ni Stephen. Si hepe nga ang nagpadukot sa kanya. Paanong nalaman ni hepe ang pinagtataguan niya? Sabagay, sa dami ng galamay ng hayup na pulis na 'yon madali lang talaga rito ang ipahanap siya.

"Baba!" Naramdaman ni Stephen ang pagtulak sa likod niya. Wala mang nakikita ay bumaba siya ng van. Isa ang humawak sa kamay niya at hinila siya kaya wala siyang nagawa kundi sumunod kung saan man ito pupunta.

Maya-maya pa ay huminto na sila sa paglalakad at naramdaman niya ang kamay na tila inaalis ang kanyang piring sa mata.

Mukha ni hepe ang agad sumalubong sa mga mata ni Stephen nang maalis na ang piring. Gusto man niyang makadama ng takot ay galit ang mas nananaig sa kanyang puso.

"Kumusta ka?" mala-demonyo ang pagkakangisi ni hepe. "Akala mo siguro ay makapagtatago ka nang matagal. Paano ngayon 'yan? Nahuli na ang daga. Wala ka nang pagtataguang lungga." Humalakhak si hepe na tila nang-uuyam. Tuwang-tuwa siya sa munting laruang kaharap niya ngayon. Hawak na niya sa kanyang palad ang buhay ng lalaking iniisip niyang tumarantado at nanggago sa kanya. Kailangang ibalik ni Stephen ang pera. Kung hindi, sisiguruhin niyang hindi na ito makalalabas ng buhay dito sa bodega!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top