Chapter 36 - Godo
TUMUNOG ANG cellphone ni hepe.
"Godo! Ikaw asan na? Hindi mo pa bigay sa aken bayad sa epektos! Ako iinip na, Godo!" Narinig ni hepe ang dumadagundong na boses ni Mr. Choi. Sa background ay nakaririnig siya ng boses na tila mula sa palabas sa telebisyon.
"Pasensya na, Mr. Choi. Ginagawan ko naman ng paraan para mahanap 'yung gagong nagtakas ng pera. Ibibigay ko kaagad sa'yo, Mr. Choi kapag nabawi na namin ang pera."
"Ikaw siguluhin na bibigay pera sa aken. Ako sama galit, Godo. Ako, kilala mo. Ako dami kilala pulis taas pa posisyon sa'yo. Ako dami koneksyon. Kahit hepe ka, kaya kita ipatumba!"
"Sigurado, Mr. Choi na maibabalik ko sa'yo ang pera. Bigyan mo lang ako ng ilang araw pa. Makikita rin namin si Stephen." Nawala sa linya si Mr. Choi. Ibinaba na nito ang telepono.
Tinawagan ni hepe ang kanyang tauhan. "Ano na ang balita kay Stephen?"
"Negative pa rin, chief. Ang galing magtago ng hayup. Hindi talaga namin makita.
"Kunin n'yo 'yung syota niyang bakla. Maaring alam noon kung saan nagtatago si Stephen," utos ni hepe sa kanyang tauhan. "Huwag kayong titigil hanggang hindi ninyo nakikita ang gagong Stephen na 'yan!"
"Masusunod, chief."
***
"NAKILALA NA ang duguang babaeng itinapon sa kahabaan ng Mc Arthur Highway at nakita ng mga basurero noong isang araw. Positibong kinilala ang biktimang si Mia Ruiz ng kanyang boyfriend na si Marko Saavedra. Ayon kay Marko, nagpaalam lang si Mia upang magpamedikal para sa inaaplayan nitong trabaho ngunit hindi na nakauwi ang biktima. Wala pang lead ang mga pulis sa may kagagawan ng krimen pero tinitingnan nila ang anggulong hold-up na humantong sa panggagahasa at muntikan nang pagkamatay ng biktima. Iyan muna ang ating update hinggil sa balitang ito. Ako si Karla David nag-uulat."
Nagulat si Mr. Choi nang mapanood sa telebisyon ang balita. Katatapos lang niyang kausapin si hepe nang ipakita sa telebisyon ang mukha ni Mia at ni Marko sa isang silid sa ospital. Buhay si Mia. Ang buong akala niya ay napatay niya ito.
Agad niyang tinawag ang kanyang bodyguard na nasa lanai. "Rocco, ikaw punta rito!
Tumatakbong dumating ang tinawag. "Bakit, boss?"
"Buhay pa Mia. Hindi siya patay! Kunin n'yo boyfliend niya at dala n'yo sa 'ken. Kaya aayaw Mia sa aken dahil may boyfliend siya. Puwes, aalis ko sa mundo ang lalaki na 'yan. Kunin n'yo siya at dala n'yo sa 'ken agad," madiin na utos ng matandang intsik.
"Saan namin siya makikita, boss?"
"Ikaw, bobo? Nood mo tv. Andun balita kay Mia!"
Napakamot na lang sa ulo ang bodyguard. "Sige, boss. Kami na ang bahala."
"Gusto ko kuha n'yo siya agad. Dala n'yo siya sa aken!"
"Yes, boss." Nagmamadali nang umalis ang bodyguard.
***
"SALAMAT AT pumayag kang magkita tayo. Nami-miss na kita," bakas sa mukha ni Stephen ang pagkasabik na makita si Dennis. Nasa loob sila ng Parks and Wildlife. Doon nila piniling magkita dahil pakiramdam nila ay mas ligtas sila roon. Hindi naman siguro magagawi sa isang parke ang mga naghahanap kay Stephen.
"Kumusta ka? Ang hirap ng sitwasyon natin. Pareho tayong nagtatago kay hepe at sa mga tauhan niya. Ang pagkakaiba nga lang, alam nila kung saan ako makikita. Madali para sa kanila na kunin ako kung gugustuhin nila."
"Akala ko ba lilipat ka muna sa boarding house ni Dexter?"
"Hindi na lang siguro." Walang balak si Dennis na ipaalam kay Stephen ang ginawa sa kanya ni hepe. "Mag-iingat na lang ako."
"Sigurado ka?" Makikita sa mukha ni Stephen ang pag-aalala. Dahil sa kanya, pati si Dennis ay puwedeng mapahamak.
Tumango si Dennis. "Ikaw ang mas dapat mag-ingat. Ikaw ang hinahanap nila."
"Pero kapag hindi nila ako nakita, natatakot akong ikaw ang kunin nila at gawing pain para lumabas ako sa pinagtataguan ko. Gets mo?"
Nasa dibdib pa rin ni Dennis ang takot pero ano pa ba ang mas malalang puwedeng gawin sa kanya ni Hepe? Patayin siya? Sinabi na niya rito na sa sinehan lang sila nagkakilala ni Stephen. Maaaring naniwala ito sa kanya na wala na siyang kontak dito. Pero maaari ring hindi. At posible ngang mangyari ang iniisip ni Stephen.
"Hindi ba? Iyon ang ikinatatakot ko. Kaya kong magtago, pero mapipilitan akong lumabas kapag ikaw na ang idinamay nila."
"Ano na ang gagawin natin ngayon?" Nabuong muli ang takot ni Dennis sa posibilidad na muli siyang balikan ni Hepe.
"Lumipat ka ng bahay."
"Pero, kakailanganin ko ng pera pang-down sa lilipatan. Wala akong pera. Allowance lang mula sa parents ko ang meron ako. At magtataka sila kung bakit ako lilipat samantalang napakalapit ng boarding house ko sa school na pinapasukan ko. Mas magiging kumplikado, Stephen kasi baka lumuwas pa ng Manila ang mga magulang ko at madamay pa sila sa gulong pinasok natin."
"Ano ang magiging plano natin?"
"Mag-iingat na lang ako. At kung sakaling mangyari ang ikinatatakot natin, huwag na huwag ka pa ring lalabas sa pinagtataguan mo. Papatayin ka nila maisoli mo man o hindi ang pera, dahil hindi ka na nila mapakikinabangan."
"Eh, paano ka?" Hindi maitago ni Stephen ang pag-aalala.
"Okay na ang isa lang ang mamatay kesa dalawa tayo," giit ni Dennis. "Pero basta mag-iingat ako."
"Sorry, ha? Dahil sa akin gumulo ang buhay mo."
"Wala na tayong magagawa, nandito na ito. Harapin na lang natin."
Niyakap ni Stephen si Dennis. "Sorry... pasensya ka na." Naramdaman ni Dennis na umiiyak na si Stephen dahil yumuyugyog ang balikat nito at gumaralgal na rin ang boses. Hinagod na lang niya ang likod nito para ipadama ang kanyang suporta at pakalmahin ito.
"Tama na. Huwag ka nang umiyak, Stephen. Malalagpasan din natin ito."
"Sana nga, Dennis. Pero kung sakaling mapatay ako ni hepe o ng mga tauhan niya, huwag kang malulungkot. Bata ka pa. Tapusin mo ang pag-aaral mo. Marami pang magagandang bagay ang puwedeng mangyari sa'yo. Magsimula ka ng bago. Magsimula ka ng tama." Hindi na napigilan ni Stephen ang muling paghagulgol. Si Dennis man ay napaiyak na rin sa kinasadlakan nilang sitwasyon.
***
SINUBUAN NI Marko si Mia. "Kumain ka ng marami para lumakas ka kaagad. Uuwi muna si Bebang ngayon. Ako na muna ang magbabantay sa'yo."
"Pero babalik din ako mamaya, Mia. Para makapasok sa trabaho si Marko," sumabad sa usapan si Bebang habang nilalantakan nito ang pagkaing binili ni Marko sa karinderya sa labas ng ospital.
"Salamat sa tulong mo, Bebang." Bagama't mahina pa ang tinig ay nagagawa nang magsalita ni Mia.
"Wala 'yun. Sino pa ba ang magtutulungan kundi tayong magkapitbahay?" Tuloy lang ito sa pagkain.
"Siyanga pala," dumukot sa bulsa si Marko at kumuha ng isang libo. Iniabot niya iyon kay Bebang. "Eto, o kunin mo. Kumita ako sa bar kaya 'wag mo itong tatanggihan."
Nanlaki ang mata ng babae. "Aba, paldo ka ngayon, ah. Sige, hindi ko tatanggihan ito." Agad nitong inabot ang pera at ibinulsa.
"Nakatiyempo ng galanteng kostumer. Kaya nga hindi kaagad ako nakabalik dito. Malaking tulong din itong kinita ko para sa pambayad sa ospital at pambili ng gamot ni Mia." Tiningnan niya ang kasintahan na tila nahihiyang ngumiti sa kanya.
"Salamat... Makakabayad din ako sa'yo," sabi ni Mia sa mahina pa ring tinig.
"Huwag mong isipin iyon. Ang mahalaga, gumaling ka. Kikitain pa rin natin ang pera."
"Marko, Mia, uuwi muna ako. Baka wala na akong maabutang tsismis sa atin. Nahuhuli na ako sa balita," nakangiting sabi ni Bebang sa tonong nagbibiro lang.
"Sasabay na rin ako sa paglabas para mabili ko na itong mga gamot." Lumingon si Marko sa kasintahan. "Mia, lalabas muna ako. Iiwan ko muna itong bag ko. Nandyan 'yung pera."
Tumango si Mia.
Lumabas na ng silid ang dalawa at dumiretso na papalabas ng ospital. Nasa kabilang kalye ang botika. Kailangang tumawid ng kalsada si Marko.
"O, Marko balik na lang ako mamaya. Aagahan ko na lang ang pagpunta rito."
"Sige, salamat Bebang."
Isang puting van ang biglang pumarada sa harapan nina Marko at Bebang at mula rito ay bumaba ang dalawang lalaking armado ng baril at mabilis na tinutukan si Marko sabay tulak sa kanya papasok sa sasakyan. Hindi na nakapanlaban si Marko. Mabilis ding sumibad ang van papalayo sa lugar na iyon.
Naiwan si Bebang na sa bilis ng pangyayari ay hindi agad nakapag-isip ng dapat niyang gawin. Sa huli ay naisipan pa rin niyang humingi ng tulong.
"Saklolo!!!"
***
PAPALUBOG NA ang araw nang magpasyang umuwi na sina Dennis at Stephen. Paglabas nila ng gate ng Parks and Wildlife ay nagpaalam na sila sa isa't-isa.
"Mag-iingat ka pag-uwi," bilin ni Dennis.
"Ikaw rin," sagot ni Stephen.
Hinintay ni Stephen na makasakay muna ng jeep si Dennis bago niya tuluyang nilisan ang lugar na iyon. Wala siyang kamalay-malay na isang asset ni hepe ang maingat na nakabuntot sa kanya hanggang makarating siya ng bahay.
Nang masiguro nito kung saan umuuwi si Stephen ay agad nitong tinawagan ang among pulis.
"Hepe, nakita ko na 'yung pinahahanap mo sa akin. Alam ko na kung saan siya nagtatago."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top