Chapter 33 - Room 201

SUMAKAY NG bus na byaheng Marilao si Marko.

"Boss," tawag ni Marko sa konduktor. Pakibaba ako sa Marilao, malapit sa ospital. 'Yung Our Lady of..."

"Perpetual Help?" maagap na salo ng konduktor. "Madadaanan natin 'yun."

"Oo, iyon nga. Pakibaba na lang ako do'n." Nag-abot si Marko ng isandaang piso sa konduktor."

Binigyan ng konduktor ng tiket at sukli si Marko.

Mahaba rin ang naging biyahe ng binata dahil sa masikip na daloy ng trapiko. Pero hindi ang matagal na biyahe ang inaalala ni Marko kundi ang tanawing daratnan niya sa ospital.

Sana naman ay hindi si Mia ang babaeng natagpuang duguan sa gilid ng highway.

Sana naman ay walang masamang nangyari sa dalagang napakahalaga sa kanya.

Sana naman...

Pero ang kaway ng malikot niyang isipan ay iba ang naglalarong larawan. Bakit nga ba napakalinaw ng imahe sa isip niya ng isang babaeng naliligo sa sariling dugo at halos wala nang buhay? At bakit kamukhang-kamukha ni Mia ang babaeng iyon sa sulok ng kanyang utak?

Ipinilig ni Marko ang kanyang ulo na tila ba pinapagpag ang masamang pangitaing naglalaro sa kanyang isip.

Hindi na namalayan ni Marko ang pagtakbo ng oras dahil nakaidlip siya habang nasa biyahe. Nagising na lang siya sa naramdamang marahang pagtapik sa kanyang balikat. Nagmulat siya ng mga mata at nakita niya ang konduktor.

"Boss, malapit na tayo sa Perpetual," paalala ng konduktor.

Ha? Sige, salamat."

Lumakad na ang konduktor papunta sa gawi ng driver habang nagsasalita, "O, 'yung mga bababa ng Perpetual andito na tayo."

Tumayo na si Marko para bumaba ng bus. Eksaktong sa harap ng ospital huminto ang bus. Kinakabahan pero kalmadong pumasok siya sa loob ng pagamutan. Agad niyang tinungo ang reception area para magtanong.

"Miss, saan 'yung babaing binalita kanina sa radyo at tv?" tanong ni Marko. 'Yung nakitang duguan sa kalye."

"Kamag-anak po ba kayo?" tanong ng babaeng receptionist.

"Gusto ko lang po sanang makita kung siya 'yung girlfriend ko. Nawawala kasi ang girlfriend ko at sabi nung kapitbahay namin, kahawig ng girlfriend ko 'yung babae sa news."

Tinawag ng receptionist ang isang lalaking nurse. "Jay, pakisamahan mo naman si sir dun sa room nung unidentified patient. Room 201."

"Sir, sumunod po kayo sa akin."

Pumasok ang dalawa sa elevator at bumaba sa ikalawang palapag ng ospital.

Hindi alam ni Marko kung ano ang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon. Parang may naghahabulang mga bubuwit sa kanyang sikmura at tila nadoble ang pagpintig ng kanyang puso.

Kinakabahan siya.

At ngayon lang siya kinabahan nang ganito katindi.

"Sir, pumasok na po kayo sa loob. Pero huwag po kayong magtatagal," magalang na sabi ng nurse.

"S-salamat..."

"Hihintayin ko na lang po kayo rito sa labas."

Tumango si Marko at pumasok na ito sa kuwarto.

Napabilis ang paghakbang niya nang mamukhaan niya ang babaing nakahiga sa kama at wala pa ring malay.

Si Mia!

Si Mia nga!

Pakiramdam ni Marko ay nanlaki ang kanyang ulo. Hindi matanggap ng isip niya na ang babaing mahal niya ay naririto sa ospital at walang malay.

Maputla si Mia, tila kulang na kulang sa dugo. Bahagyang namamaga ang mukha nito, sanhi marahil ng sugat na tinamo ng ulo nito.

Anong nangyari? Bakit si Mia pa?

Sinong walang kaluluwa ang gumawa nito kay Mia?

Gustong sumigaw ni Marko pero pinigilan niya ang sarili. Hindi tamang dito pa siya mag-eskandalo. Isa pa, wala rin namang mangyayari kahit magwala pa siya sa ospital na 'yun.

Hindi na namalayan ni Marko nang mag-unahan sa pagpatak ang kanyang mga luha. Tahimik niyang iniluha ang masaklap na trahedyang nangyari kay Mia.

"Sir..." Narinig ni Marko ang pagtawag ng lalaking nurse. Nilingon niya ito.

"Kilala n'yo po ba ang pasyente?" tanong ng nurse.

Marahang tumango si Marko. "Girlfriend ko siya," nanginginig ang boses ng binata. Pilit pa rin nitong pinipigil ang pagluha. "Asan ang doktor? Kumusta ang lagay ng girlfriend ko?" Bakas sa mukha ng binta ang sobrang pag-aalala sa kalagayan ng kasintahan.

"Nasa office po niya. Puwede ko po kayong samahan do'n," sagot ng nurse.

Tumango nang sunod-sunod si Marko. "Sige, samahan mo ako."

Mula sa kuwarto ni Mia ay naglakad ang dalawa patungo sa opisina ng doktor na hindi naman kalayuan sa silid ng dalagang pasyente.

Kumatok ang nurse sa opisina bago nito binuksan ang pinto at sumilip sa loob. "Doc, andito po 'yung boyfriend nung unidentified patient natin kanina."

Sumenyas ang doktor na pumasok sila.

"Pasok ka na," sabi ng nurse kay Marko. "Kausapin mo na si Doc. Babalik na ako sa nurse station."

"Maraming salamat..."

Tinanguan ng lalaking nurse si Marko tapos ay lumakad na ito pabalik sa nurse station.

"Tuloy ka..." Narinig ni Marko na sabi ng doktor.

Pumasok sa loob ng opisina si Marko. Pinaupo siya ng doktor. Nabasa niya ang pangalan ng manggagamot sa marmol na nakapatong sa mesa nito: Dr. Aris Reyes.

"Ako po si Marko. Girlfriend ko po 'yung babaeng pasyente n'yo. Iyong nasa balita kanina. Kumusta na po ang lagay ng girlfriend ko?"

"Wala pa siyang malay. Masyadong napuruhan ang ulo niya sa matigas na bagay na ipinanghampas sa kanya. Malalim ang tinamo niyang sugat at maraming dugo ang nawala sa kanya bago pa siya nadala dito sa ospital. Hindi ko pa masasabing okay siya. Hintayin nating magising siya at makita rin natin 'yung resulta ng lab tests sa ulo niya."

Nanlumo si Marko sa sinabi ng doktor.

"Sana magising siya kaagad," dagdag na sabi ng doktor.

"Sana nga, doc. Sana nga..."
***
"DENNIS!"

Nilingon ni Dennis ang pinanggalingan ng tinig. Nakita niya si Dexter na tumatakbo papalapit sa kanya.

"Pauwi na ka ba?" tanong ni Dexter.

"Hindi pa. Papunta lang sana ako sa library. Saan ka galing?"

"Nagpraktis. Swimming. Alam mo na. Athlete ako, 'di ba?"

Matipid na ngiti ang isinagot ni Dennis.

"Ang mahal naman ng ngiti mo. Hindi ko mabili," reklamo ni Dexter.

"Hindi naman. Pagod lang siguro ako."

"O, pati boses mo parang walang gana. May problema ka, sigurado ako."

"Wala," tanggi ni Dennis.

"Naku, ha? Ako pa ba ang lolokohin mo, bakla?"

"Wala nga..."

"Kung may problema ka, pwede mong sabihin sa akin. Magkaibigan tayo, 'di ba? Kilala mo ako at kilala kita. Kaya walang sense na maglihim ka sa akin dahil kabisadong-kabisado kita."

"Can you keep a secret?" biglang naibulalas ni Dennis sa kaibigan sabay ang pagtulo ng luha sa kanyang mga mata.

Nataranta si Dexter. "Bakla, bakit ka umiiyak? Grabe ba ang problema mo?"

"Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Natatakot na ako. Baka maulit pa ang nangyari."

"Anong nangyari?" Bakas sa mukha ni Dexter ang pagkalito sa mga sinasabi ng kaibigan.

"Dexter..."

"O..."

"I was raped!"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top