Chapter 32 - Agaw-buhay
TATLO LANG ang pasahero ng jeep na nasakyan ni Marko. Siya lang at dalawang lalaking tila parehong nakainom. Abala sa pagmamaneho ang driver habang bukas naman ang radyo at kasalukuyang tinutugtog ang isang sikat na love song.
Nang matapos ang kanta ay nagsalita ang DJ ng programa sa radyo.
"Akala ko ba change is coming na? Eh, bakit kaliwa't kanan pa rin ang krimen? Eto po at may natagpuang isang babaeng duguan at itinapon lang sa gilid ng kalye. Alamin natin ang buong detalye ng balita mula sa ulat ni field reporter Jose Diaz. Anong balita diyan, Ka Jose?"
Nakuha ng DJ ang atensyon ni Marko. Tila naging interesado ito sa sinasabi ng DJ.
Nagsimulang magbalita ang field reporter.
"Isang babae ang walang awang binugbog, ginahasa, at pagkatapos ay itinapon sa gilid ng kalye sa kahabaan ng McArthur Highway dito sa lalawigan ng Bulacan. Ayon sa mga saksing scavengers, papauwi na sila mula sa pangangalakal ng basura nang mapansin nila ang isang tila taong nakalugmok sa gilid ng daan kaya nilapitan nila ito at laking gulat nila nang makitang duguan ang hindi pa nakikilalang babae. Hubo't-hubad ang biktima at binalot lang sa isang puting kumot. Agad na humingi ng tulong ang mga nakakita sa duguang babae upang madala ito dito sa Our Lady of Perpetual Help Hospital. Agaw-buhay ngayon ang biktima sanhi ng maraming dugong nawala rito dahil sa malaking sugat nito sa ulo. Sa ngayon ay kasalukuyang ginagamot ang biktima pero wala pa tayong kongkretong detalye kung ano na ang lagay nito. Iyan muna ang ulat natin sa ngayon. Aantabay ako dito sa ospital para makapagbigay tayo ng update mamaya kapag nakausap na natin ang doktor na tumitingin sa biktima."
"Ka Jose, ano ang teorya ng mga pulis tungkol sa kasong 'yan?"
"Sinisilip ng mga pulis ang angulong love triangle pero hindi nila inaalis ang teorya na posibleng kidnapping with rape ang nangyari."
"Sige, Ka Jose. Tutukan mo ang kasong 'yan at bigyan mo kami ng update mamaya."
"At 'yan muna ang ating balita. Ako si Jose Diaz nag-uulat para sa Radyo Balita."
Seryosong napakinggan ni Marko ang balita. Ewan, pero bakit parang kinabahan siya pagkatapos mapakinggan ang kabuuan ng balita. Sa Bulacan nakita ang duguang babae. Ang layo naman ng Bulacan sa Quezon City kung saan sila nakatira ni Mia.
Hindi. Imposibleng si Mia ang babaeng sinasabi sa balita. Nasa bahay na si Mia at mahimbing na natutulog kaya hindi nito sinasagot ang mga text message at tawag niya rito. Pilit na iwinawaksi ni Marko sa kanyang isipan ang mga naiisip niyang kawirduhan.
Agad na nakasakay ng tricycle si Marko pagkababa niya ng jeep. "Sa Kalye Masagana tayo," sabi niya sa driver.
Mabilis na narating ng tricycle ang Kalye Masagana. Bumaba na ng sasakyan si Marko at mabilis na naglakad sa kahabaan ng eskenitang iyon, hanggang sa marating niya ang tirahan.
Patay ang ilaw sa loob ng bahay, napansin ni Marko.
Pumasok siya sa loob. Binuksan ang ilaw at agad na nagtuloy sa kuwarto.
Wala si Mia!
Ang higaan ni Mia ay nananatiling maayos. Pati ang kumot ay maayos ang pagkakatupi at halatang hindi pa nagagamit.
Asan si Mia?
Hindi ito umuwi?
Hindi pa ba ito umuuwi mula nang umalis kahapon nang umaga para magpa-medical at kumuha ng NBI clearance?
Bakit hindi ito tumawag o nag-text man lang sa kanya?
Nasaan si Mia?
Anong nangyari sa kanya?
Agad na sinubukang kontakin ni Marko ang telepono ni Mia pero hindi naman nagri-ring ang celfone nito.
Ano na ang gagawin niya? Magre-report na ba siya sa pulis na nawawala ang dalaga?
Isang subok pa ang ginawa ni Marko. Wala pa ring sagot. Nag-text na lang siya rito. Umaasang mababasa ni Mia ang mensahe niya at sasagot ito sa kanya.
Pagkalipas ng sampung minuto, wala namang sumagot sa text message niya. Siguro, tulog na si Mia. Pero saan siya natulog?
At bakit hindi man lang nagsabi sa kanya ang nobya para hindi naman siya sobrang nag-aalala nang ganito!
Biglang bumalik sa utak ni Marko ang balita sa radyo kanina habang sakay siya ng jeep. Diyos ko! Huwag naman sana.
Ano na nga bang ospital 'yung sinabi sa balita? Parang may nagtutulak kay Marko na puntahan ang ospital. Hindi niya alam kung bakit mas malakas na ang kabog ng dibdib niya ngayon.
Pilit niyang inalala ang pangalan ng ospital kung saan dinala ang babaeng duguan daw na natagpuan sa Bulacan, pero hindi niya talaga maalala.
Haay, Mia! Nasaan ka na?!
***
PAGKATAPOS TAWAGAN si Stephen ay nagbabad sa banyo si Dennis. Gusto niyang tanggalin ang lahat ng bakas ng mga haolos, himas at halik sa kanya ni hepe. Ipinangako niya sa sariling hinding-hindi na siya papayag na maulit ang nangyari sa kanya. Lalaban na siya sakali mang may magtangkang gawin ulit sa kanya ang ginawa ni hepe kanina. Bahala na kung anong mangyayari pero wala nang sino man ang pwedeng mang-abuso sa kanya!
Nang matapos maligo si Dennis ay nagbihis ito at humiga na sa kama para matulog. Mahimbing nang natutulog ang mga kasama niya sa kuwarto. Mabuti pa ang mga ito, walang mga problema. Pag-aaral lang ang inaatupag ng mga dorm mate niya.
Pinatay na ni Dennis ang ilaw at pinilit na makatulog.
***
MALALAKAS NA katok sa pinto ang gumising kay Marko.
"Marko! Marko!" tawag ng kumakatok na tila hinahabol ng sampung demonyo.
"Sino 'yan? Teka lang!" Pupungas-pungas pa si Marko habang papunta sa pintuan.
Pagbukas niya ng pinto ay umakyat ang dugo sa ulo ni Marko nang makita si Bebang tsismosa. "Tangina naman, Bebang! Ang aga-aga, ba't nambubulahaw ka?"
"Marko, napanood mo ba 'yung balita sa tv?"
"Anong balita? Tsismis na naman? Pati ako isasama mo pa sa pagka-tsismosa mo!"
"Hindi. Marko, may babae kasing natagpuang duguan. Ipinakita sa tv 'yung mukha. Kamukha ni Mia. Andyan ba si Mia?"
Biglang nawala ang antok ni Marko. "Anong sabi mo?"
"Sabi ko, kamukha ni Mia 'yung babae sa balita. Hindi ko sigurado kung si Mia 'yun pero kamukha niya talaga. Kung andyan sa loob si Mia, hindi siya 'yun. Pero kung wala..."
"Saan daw natagpuan?"
"Bulacan daw, eh. Pero dinala na sa ospital."
Pakiramdam ni Marko ay nanlaki ang kanyang ulo. "Anong ospital?"
"Hindi ko natandaan, eh."
"Puta naman! Magbabalita ka na nga lang kulang-kulang pa."
"Marko, tsismosa lang ako, hindi reporter."
"Isipin mo kung saang ospital dinala 'yung babae!"
Nanlaki ang mga mata ni Bebang. "Marko, si Mia nga 'yun? Wala dyan sa loob si Mia?"
"Ewan ko. Pero kahapon pa hindi umuuwi si Mia. Nagpaalam lang siya para magpa-medical at kumuha ng NBI para sa bago niyang trabaho."
Saglit na pumikit si Bebang, tila may pilit na inaalala. "Parang may Help Hospital, eh."
"May ganun bang pangalan ng ospital?"
"Our Lady of Help? Parang ganun, eh. Basta hanapin mo na lang."
"Ang laki ng Bulacan. Saan ako mag-uumpisa?"
"Sa Marilao. Sabi sa balita, dinala daw 'yung babae sa ospital sa Marilao, Bulacan. Sigurado ako diyan. Dun lang sa pangalan ng ospital ako hindi sigurado."
Nagliwanag ang mukha ni Marko. "Salamat, Bebang. Hayup ka, may pakinabang din pala sa'yo," nakangiting sabi niya.
"Ulol! Sige na, puntahan mo na. Balitaan ko ako, ha? Aalis na ako."
Tinanguan ni Marko si Bebang. Muling bumalik ang matinding pag-aalala sa mukha ng binata. Paano kung si Mia nga ang babaeng ibinalita?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top