Chapter 24 - Singil

"PARA SA TABI..."

Iniabot ni Mia sa driver ang bayad at agad na bumaba sa taksi pagkahinto nito sa gilid ng kalsada katapat ng eskenitang dinadaanan patungo sa kanilang bahay. Wala siyang kamalay-malay na bumaba rin sa kotse ang isang bodyguard ni Mr. Choi at ngayon ay nakasunod sa kanya upang alamin kung saan siya nakatira.

Nang makita ng bodyguard na pumasok sa isang bahay si Mia ay saglit nitong kinabisado ang lugar at pagkatapos ay naglakad na pabalik sa kotse ni Mr. Choi.

Si Marko ay naglalakad na rin pauwi. Katatapos lang niyang mag-ensayo sa Gym Pomelo. Ilang linggo na rin siyang hindi nakapagbubuhat kaya naisipan niyang mag-gym pagkaalis ni Mia kanina para mag-apply ng trabaho.

Nadaanan pa ni Marko ang kotse ni Mr. Choi na nakaparada sa gilid ng kalye. Nakasalubong rin niya ang bodyguard ni Mr. Choi na sumunod kay Mia hanggang sa tinitirhan nito. Hindi naman alam ni Marko kung sino ito. Nagpatuloy lang siya sa paglalakad patungo sa tirahan nila ni Mia.

Nagulat pa si Mia na wala si Marko sa bahay.

"Nasaan kaya 'yun?" tanong ni Mia sa sarili.

Nagpapalit ng damit si Mia nang maramdaman niyang may nagbukas ng pinto.

"Nandito ka na pala," nakangiting sabi ni Marko.

"Oo, kararating pa lang. Saan ka galing?"

"Diyan lang, nag-gym. Kumusta ang lakad mo?"

Lumawak ang ngiti ni Mia. "May trabaho na ako! Natanggap akong saleslady."

"Talaga? Wow naman! Ang galing!" Biglang niyakap ni Marko si Mia at aktong bubuhatin pa sana ang dalaga pero pinigilan siya nito.

Nagkatawanan silang dalawa.

"Kelan ka mag-uumpisa?"

"Sa isang linggo. Pero kailangan kong mag-ayos ng requirements bukas. Pupunta ako'ng NBI at saka sa medical na rin."

"Sasamahan na kita."

"Huwag na. Kagagaling mo lang sa trabaho nun. Matulog ka lang dito."

"Sige, ikaw ang bahala. Basta, masaya ako para sa'yo. Masayang-masaya!"

Isang sinserong ngiti ang isinagot ni Mia sa sinabi ni Marko.

*****

ALAS-SINGKO ng hapon.

Nasa Ever Recto na si Dennis. Malapit lang naman ang mall na iyon sa eskuwelahang pinapasukan niya kaya ilang minuto lang niyang nilakad ang pagpunta roon.

Dumiretso si Dennis sa third floor kung saan naghihintay si Stephen. Nakita niya ang binatang callboy na tumitingin sa isang kiosk ng mga pantalon at t-shirt.

"Balak mo bang bilhin 'yan?" tanong ni Dennis.

"O, nandito ka na pala."

"Diyan lang naman sa kabila 'yung school namin. Kaya nung nagtext ka na nandito ka na, pumunta na ako kaagad."

"Kumusta ka na?"

"Ikaw ang kumusta? Ano'ng nangyari sa'yo at bigla kang nawala sa presinto?"

"Halika, dun tayo mag-usap." Hinawakan ni Stephen sa braso si Dennis at nagsimulang maglakad.

"Saan?"

Pumunta sila sa ground floor at pumasok sa Greenwich.

"Humanap ka na ng mauupuan. Bibili lang ako ng makakain natin." Pumunta sa counter si Stephen. Si Dennis naman ay nagtungo sa isang bakanteng mesa sa bandang likuran malayo sa ibang customers.

Ilang sandali lang at pumunta na rin dun si Stephen dala ang biniling pizza, spaghetti at dalawang basong softdrinks.

"Kain na tayo," alok ni Stephen kay Dennis. "Eto, sa'yo 'tong spaghetti tapos kumain ka rin nitong pizza."

"Ikaw, anong kakainin mo?"

"Itong pizza rin. Hati tayo. 'Di naman natin mauubos ito." Kumuha ng isang slice ng pizza si Stephen at nagsimulang kumain.

"Ano ba'ng nangyari kanina? Ba't bigla kang nawala?" muling tanong ni Dennis kay Stephen.

"Hindi ako nawala. Inilabas nila ako sa selda at dinala sa isang silid. Itinali nila ako, binusalan ang bibig..."

"Bakit?" naguguluhang tanong ni Dennis.

"Trip lang siguro nung mga gagong pulis. Ikaw, ba't ka nakalaya?"

"Pinalaya ako ni hepe..."

"Si hepe rin ang nagpalaya sa akin. Pero 'yun ay pagkatapos kong gawin ang ipinag-uutos niya."

"Utos?"

"Sabi niya, gagawin daw niya akong asset. Akala ko, police asset na magtitimbre sa kanila ng mga wanted na kriminal. Hindi pala..."

"Eh anong klaseng asset pala?"

"Ginawa niya akong tagadala ng shabu sa mga kontak niya."

Nanlaki ang mga mata ni Dennis. "Involved sa drugs si hepe?"

Tumango si Stephen. "Hindi mabait si hepe. Mapanganib siya."

Biglang gumapang ang kilabot sa katawan ni Dennis. Natataandaan pa niya ang huling salitang binitiwan ni hepe bago siya lumabas sa presinto: "Isang araw malay mo, ako naman ang may hinging pabor sa'yo."

Biglang natigilan si Dennis. Paano nga kung dumating ang araw na may hinging pabor sa kanya si hepe?

"Dennis..."

"H-ha?"

"Bakit parang natigilan ka?"

"A-e, may naalala lang ako. Sige kain na tayo para makauwi na."

"Sige..."

"Stephen..."

"Bakit?"

"Dahil ba asset ka na ni hepe, mauulit pa 'yung pagdadala mo ng shabu sa mga kontak niya?"

"Parang ganoon ang dating sa akin ng sinabi niya bago ako umalis sa presinto kanina. Pero nagpasya na akong huwag magpagamit sa kagaguhan niya."

"Paano mo siya maiiwasan? May record tayo sa presinto."

"Ewan ko. Lilipat siguro ako ng boarding house. Basta, hindi na ako magpapagamit sa kanya."

"Natatakot ako. Paano kung ako ang puntahan niya kapag hindi ka niya nakita? Alam din ni hepe ang address ko, pati school. Madaling lumipat ng bahay pero hindi ako basta-basta makakalipat ng eskuwelahan."

"Sorry... Kung hindi kita niyaya dun sa sinehan, hindi sana nangyari sa atin iyon. Hindi sana tayo nahulog sa bitag ni hepe."

"Hindi mo kasalanan iyon. Huwag mong sisihin ang sarili mo. Ginusto ko rin naman 'yun, eh. Kaya hindi tayo dapat magsisihan," malumanay na sabi ni Dennis. "Noong pinalaya ako ni hepe, sabi niya sa akin baka raw dumating ang araw na siya naman ang may hinging pabor sa akin. Sa tingin mo ba sisingilin niya talaga ako sa pagpapalaya niya sa akin? At ganyang pabor din kaya ang hihingin niya sa akin?"

"Ewan ko. Siguro. Kaya dapat talaga na mag-ingat tayo. Kung makakalipat ka ng boarding house, gawin mo na rin. Saka mo na problemahin ang school."

"Sige, magtatanong ako kay Dexter baka may bakante pa sa tinitirhan niya. Lilipat ako kaagad 'pag meron."

Nag-ring ang cellphone ni Stephen. Numero lang, walang pangalan.

"Hello..."

"Stephen..."

"Sino 'to?"

"Pumunta ka sa presinto bukas, may ipade-deliver ako sa'yo."

"Hepe?!"

Nagkatinginan sina Stephen at Dennis, bakas ang pag-aalala sa mga mukha nila.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top