Chapter 23 - Pera at Droga

NILISAN NA ni Stephen ang bahay ni hepe upang dalhin ang maliit na kahong naglalaman ng kung ano. Maingat itong nakalagay sa body bag na ngayon at nakasabit sa katawan ng binata.

Sumakay siya ng jeep biyaheng Proj. 8, Quezon City. Hindi naman nagtagal at narating niya ang lugar. Dinukot ni Stephen sa bulsa ng pantalon niya ang calling card at binasa ang pangalan at address na nakasulat dun. Kabisado ni Stephen ang lugar na iyon. Nung panahong naglayas siya sa kanila ay isa ang Proj. 8 sa mga naging pansamantalang tirahan niya. May mga naging barkada rin siya rito pero wala na siyang balita sa mga ito.

Nilakad na lang ni Stephen ang kahabaan ng kalye at pagdating sa ikatlong kanto ay lumiko siya sa kaliwa at muling naglakad patungo sa bahay na hinahanap niya.

Malaki ang bahay na tumutugma sa address na nasa calling card. Sa isip ni Stephen, bigatin ang sino mang nakatira rito.

Nag-doorbell si Stephen.

Ilang saglit lang at may nagbukas ng pinto.

"Anong kailangan mo?" tanong ng matabang lalaking nagbukas ng pinto. Mukha itong goon sa isang tagalog action movie.

"Ah, hinahanap ko si Mr. Sy," sagot ni Stephen.

"Anong kailangan mo sa kanya?" tila nagdududang tanong ng lalaking mataba.

"May padala sa kanya si hepe."

Matamang tinitigan ng lalaking mataba si Stephen, pagkuwa'y pinapasok siya sa loob. "Halika, pumasok ka."

Walang alinlangang pumasok sa loob si Stephen. Mas lalo pa siyang humanga sa ganda ng bahay. May malaking bakuran dito na napapalibutan ng maliliit na halaman. May malaking swimming pool sa isang bahagi at may malawak na lanai na may mesa at mga upuang marmol.

"Sino 'yan?" narinig ni Stephen ang malaking boses ng isang lalaki.

"Mr. Sy, padala sa'yo ni hepe," mabilis na sagot ng matabang lalaki.

Lumawak ang pagkakangiti ni Mr. Sy. Tipikal na itsurang intsik si Mr. Sy. Halos mawala na ang mga mata nito sa pagkakangiti.

Lumapit ang intsik kay Stephen.

"Nasaan ang dala mo?" matatas ang pananagalog ng matandang intsik. Hindi siya katulad ng ibang intsik na bulol kung bumigkas ng tagalog na mga salita.

"Eto po..." Inilabas ni Stephen mula sa body bag ang maliit na kahon at iniabot iyon kay Mr. Sy.

Agad na binuksan ni Mr. Sy ang maliit na kahon. Malapad ang ngiting pinakawalan ng intsik nang makita ang laman ng kahon. Isang plastic na puno ng tila pinulbos na tawas.

Shabu!

Kinuha nito ang plastic na naglalaman ng shabu at hinarap si Stephen.

"Salamat!" Tinawag ni Mr. Sy ang isa niyang tauhan. "Dagul!"

"Boss!" agad na sagot ni Dagul.

"Iabot mo sa akin ang sobre."

Agad na kumilos si Dagul at pumasok sa loob ng bahay. Maya-maya pa'y muli itong lumabas dala ang isang makapal na sobre.

"Eto na, boss." Iniabot ni Dagul kay Mr. Sy ang sobre.

Tumingin si Mr. Sy kay Stephen. "Alam mo na kung anong gagawin sa sobreng ito." Ibinigay nito kay Stephen ang sobre.

Kinuha ni Stephen ang sobre. "Tutuloy na po ako. Dadaan pa ako kay hepe."

"Ingatan mo 'yang dala mo."

Tuluy-tuloy na lumakad si Stephen patungong gate. Walang lingon siyang lumabas at nilisan ang bahay ni Mr. Sy.

Madaling nakabalik sa presinto si Stephen. Tuwang-tuwa si hepe nang iabot sa kanya ni Stephen ang sobreng bigay ni Mr. Sy.

"Maaasahan ka, bata. Hindi ako nagkamali ng pagpili sa'yo."

"Maaari na ba akong umuwi?" tanong ni Stephen.

"Teka muna..." Binuksan ni hepe ang sobre. Tumambad kay Stephen ang bungkos ng perang laman ng makapal na sobre. Puro isang libuhin. Kumuha ng dalawang libo si hepe at iniabot kay Stephen. "Sa'yo 'to! Bayad sa serbisyo mo."

Nag-aalangan si Stephen kung kukunin ba niya ang pera.

"Kunin mo!" matigas na sabi ni hepe.

Kinuha ni Stephen ang pera.

Ngumisi si hepe. "Maging mabait ka lang, magkakasundo tayo."

"Uuwi na ako, hepe."

Tumango lang ito sa kanya. "Hanggang sa muli."

Nagmamadaling nilisan ni Stephen ang presinto. Kailangan niyang makauwi kaagad. Kailangan niyang makontak si Dennis. Nasaan na si Dennis?

Sumakay ng jeep si Stephen patungong Dapitan sa Sampaloc.

NASA school canteen si Dennis nang mga oras na iyon. Hindi siya makapag-concentrate sa binabasang libro dahil nag-aalala pa rin siya kung nasaan na si Stephen. Hindi pa rin siya kinokontak hanggang ngayon ng lalaking 'yun!

"Ba't ba parang balisa ka? Para kang pusang di maihi," pansin ni Dexter sa kaibigan.

"Wala, may iniisip lang ako."

"Sino? Si Stephen?"

"Hindi!"

"Hmm... May LQ kayo?"

"Ano ka ba? Hindi nga siya," tanggi ni Dennis.

"Hay naku, aamin ka rin sa akin mamaya."

"Anong aaminin ko sa'yo?"

"Malay ko?"

"Eh wala nga kasi."

Lumabi lang si Dexter. Hindi siya kumbinsido sa sinabi ni Dennis.

Biglang tumunog ang cellphone ni Dennis.

"Ayan na siyaaa!" pigil ang pagtili ni Dexter. Ito pa ang mas naunang kinilig kesa kay Dennis.

"Excuse me, sasagutin ko lang sandali."

"Go ahead, girl!"

Bahagyang lumayo si Dennis kay Dexter bago nito sinagot ang tumatawag sa cellphone.

"Hello, nasaan ka?" narinig ni Dennis ang boses ni Stephen.

"Nasa school. Ikaw, asan ka? Bigla kang nawala kagabi pagkagaling ko sa office nung hepe."

"Di ako nawala. Mahabang kuwento. Eto nga kauuwi ko pa lang. Pwede ba tayong magkita mamaya. Kailangan nating mag-usap."

"Alas singko ang tapos ng klase ko. Kita na lang tayo sa Ever Recto."

"Sige, puntahan kita mamaya. Magpapahinga lang muna ako sandali. Pagod at inaantok ako."

"Sige, mamaya na lang. Bye!"

Bumalik na si Dennis sa kinaroroonan ni Dexter.

"O, ano bati na kayo?" maagap na tanong ng kaibigan ni Dennis.

"Si mama 'yun. Nangungumusta lang."

"Sus! Denial queen ka bakla!"

"Magbasa ka na nga. May quiz pa tayo mamaya!"
***
MASAYA si Mia paglabas niya sa HR Department ng isang mall. Katatapos lang kasi ng interview niya at natanggap siyang cashier sa isa sa mga branch ng mall na iyon. Sa wakas, wala nang sinumang magsasabi na hindi matino ang trabaho niya.

Nag-abang ng masasakyan pauwi si Mia. Kung hindi siya matatrapik, makakauwi siya nang maaga at maabutan pa niya sa bahay si Marko. Siguradong matutuwa ang lalaki sa ibabalita niya. Iyon rin naman ang gusto ni Marko, ang makaalis siya nang tuluyan sa pagiging GRO.

Naisipan ni Mia na mag-taxi na lang. Wala siyang kamalay-malay na isang taong may malaking pagkakagusto sa kanya ang ngayon ay nakabuntot sa taksing sinasakyan niya.

Si Mr. Choi!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top