Chapter 16 - Mga Plano
"MAY SINASABI ka, Mr. Choi?" tanong ni Mia sa matandang intsik na ka-table niya. Iba ang dating sa kanya ng mga mata ni Mr. Choi. Parang nakakatakot siya. Ngayon lang siya natakot sa matandang intsik ng ganito. Ewan, hindi alam ni Mia pero kinakabahan talaga siya ngayon hindi tulad nung mga nakaraang araw na tumeybol din siya sa suking kostumer.
"Ah, wala Mia. Sabi ko lang ikaw iingat lagi. Dami bastos kostumel. 'Wag ka payag ikaw babastos nila." Ngumiti kay Mia si Mr. Choi habang kinukuha nito ang bote ng beer at tinungga ito.
Alinlangang sinuklian ni Mia ng ngiti ang ngiti ng matandang intsik.
SAMANTALA, pauwi na nang mga oras na iyon si Marko pagkatapos ng private show nila ni Stephen. Pagdating sa bahay ay agad siyang nakatulog dahil na rin sa pagod. Hindi na niya namalayan ang oras. Nagising na lang siya nang may nagbukas ng ilaw. Dumating na rin pala si Mia galing sa club.
"Kumusta?" sabi ni Marko na sa tunog ng boses niya ay halatang inaantok pa.
Nagkibit-balikat si Mia. "Ayun, medyo 'di maganda. May bastos na kostumer kanina na binastos ako. Buti na lang dumating 'yung suki kong intsik, ayun binugbog ng bodyguards ni tsekwa 'yung bastos na kostumer.
"Madalas bang mangyari sa'yo ang ganyan?" Bumangon si Marko mula sa pagkakahiga at naupo ito sa gilid ng kama. Si Mia naman ay naupo rin sa kama niya at hinubad ang suot na high heels. Magkasama na silang natutulog sa maliit na silid na iyon na may kama sa magkabilang gilid. Tig-isa sina Marko at Mia.
"Hindi naman. Ngayon nga lang ako naka-encounter ng ganun kabastos na kostumer. Mukha pa namang disente pero ang bastos. Manyak yata 'yun, eh. Hindi talaga nakapagpigil."
"Dapat siguro mag-resign ka na sa trabaho mo," biglang nasabi ni Marko. Napatingin sa kanya si Mia.
"Kung okay lang sa'yo," dugtong ng binata. "Puwede ka naman humanap ng ibang trabaho. Saleslady sa mall, college level ka naman, 'di ba? O sa call center. Balita ko tinatanggap sa call center kahit hindi graduate basta naka-two years sa college."
"Oo, pero hindi lahat. Iyong ibang call centers, priority pa rin nila 'yung graduate ng college."
"Ibig sabihin ba nun ayaw mong mag-resign sa trabaho mo ngayon?"
"Hindi naman. Kung may makikita akong ibang trabaho, bakit hindi. Ayaw ko rin naman siyempre na mabulok dun sa club. Kasi kahit magpaka-manang pa ako dun, hindi naman maniniwala ang ibang tao na wala akong masamang ginagawa dun. Ang alam nila at ang iisipin nila, walang taong lumusong sa putikan ang hindi nadumihan."
"Ganun nga," tumango-tango si Marko tanda ng pagsang-ayon sa sinabi ni Mia. "Gaya ko... Kaya nga hanggang ngayon hindi ko magawang sabihin sa mga magulang ko ang totoo kong trabaho dahil nahihiya ako sa kanila. Ang alam nila sa pabrika pa rin ako nagtatrabaho."
"Naitago mo 'yun sa kanila ng ganun katagal?"
"Kailangan eh. Kahit mahirap lang kami, alam ko kung gaano ang pagpapahalaga ng mga magulang ko sa moralidad at malinis na pangalan. Lagi ngang sinasabi sa akin ng nanay, kahit mahirap lang tayo huwag na huwag kang gagawa ng anumang ikasisira ng pagkatao mo. Lagi kang pumunta sa kung ano ang tama. Ganyan lagi siyang mangaral sa akin. 'Yung tatay ko naman, sasabihin nun sa akin, anak 'di bale nang mamatay tayong dilat ang mga mata, 'wag mo lang dudungisan ang pangalan mo." Bumuntong-hininga si Marko. "Ganun sila katinding magpahalaga sa pangalan at dignidad ng pagkatao."
"Hindi kaya dapat na ikaw ang maunang mag-resign sa trabaho?" seryosong biro ni Mia. "Para sa parents mo..."
"Para rin naman sa kanila kaya ko ginagawa ito."
"Pero hindi nila ikatutuwa na ganyan ang trabaho mo."
"Kaya nga plano ko dati mag-ipon tapos umuwi ng probinsiya at mag-alaga ng mga manok at baboy dun sa bakanteng lote sa likuran ng bahay namin. Kaso, hindi pala ganun kadaling mag-ipon kung ganito ang trabaho. Una, hindi naman regular ang kita ko. Minsan meron, madalas wala. Paano ako makakaipon pag ganun?"
"Magtulungan na lang tayo. Mag-ipon tayo kahit pakonti-konti. At dapat hindi natin hawak ang pera para hindi tayo matukso na gastusin iyon. Kaya dapat nasa bangko. Magbukas ka ng account sa bangko," pangungumbinsi ni Mia kay Marko.
"Samahan mo ako sa bangko mamaya. Magbubukas na ako ng account. Kumita ako ng kinse mil kanina. Eto, o tingnan mo," kinuha ni Marko ang pera sa wallet niya at ipinakita kay Mia.
"Oo nga. Galante ang kostumer mo!"
"Oo." Tumango na lamang si Marko. Hindi na niya ikinuwento kay Mia na nag-private show siya para kumita ng ganung halaga. Tingin naman kasi ni Marko ay pareho lang ang private show at pakikipag-sex sa customer. May sex pa rin kaya walang kaibahan 'yun.
"Sige, sasamahan kita. Matulog na tayo para makapagpahinga."
"Goodnight..." Si Marko.
"Goodnight din," sagot ni Mia at humiga na ito sa kama at nagkumot.
"Basta, mag-resign ka na sa trabaho mo, ha? Hindi ako mapapanatag hanggang hindi ka umaalis dun. Paano kung makatagpo ka ng kostumer na mas manyak pa sa kostumer mo kanina. Baka mapahamak ka lang dun. Ayokong may masamang mangyari sa'yo."
"Akala ko matutulog ka na," natawa ng mahina si Mia.
"Iniisip ko kasi 'yung sinabi mo na binastos ka kanina. Mabuti sana kung andun ako para ipagtanggol ka."
"Uy, ang sweet mo ha! Huwag kang mag-alala, nag-iingat naman ako. At may bouncer naman kami dun. Siyempre tutulungan ako nun.Di naman papayag si Madam Elosia na bastusin kami ng mga kostumer.
"Mabuti kung ganun. Eh, kelan ka nga magreresign?" pangungulit ni Marko.
"Titingnan ko. Siyempre, hahanap muna ako ng ibang trabaho. Mahirap mag-resign nang wala pa akong mapapasukang ibang trabaho. Ayokong maging tambay."
"Sabagay, tama ka naman dun. Sige, basta, maghanap ka na agad ng ibang trabaho at umalis ka na sa club. Hindi ka bagay dun. Disente kang babae. Matino. Dapat sa'yo 'yung mas disenteng trabaho rin."
"Ikaw ba, kelan mo balak iwanan ang trabaho mo sa gay bar?"
"Sige, maghahanap na rin ako ng ibang trabaho. Pag nakakita na ako, aalis na rin ako sa bar. Para fair tayo."
"Dapat lang. Mag-umpisa tayo nang maayos. Mag-umpisa tayo nang matino. Para kung magkatuluyan man tayo o hindi, alam natin na may magandang nagawa sa mga buhay natin ang relasyon natin. Naituwid natin ang mga buhay nating dalawa."
"Magkakatuluyan tayo. Sigurado na ako sa'yo eh. Ayoko na ng iba. Ikaw lang ang gusto ko."
"Asus! Bola!"
"Hindi, ah! Totoo 'yun."
"Salamat kung ganun. Ako rin, sigurado na ako sa'yo. Ikaw ang gusto kong makasama hanggang sa pagtanda ko."
"So, usapan na natin iyon, ha? Magbabagong-buhay tayong dalawa. Ikaw at ako... para sa kinabukasan natin."
"Opo..."
Natawa si Marko. "I love you, Mia."
"I love you too, Marko."
Nakatulugan na nina Mia at Marko ang pag-uusap. Sa pagsikat ng bagong umaga, dala nila ang mga planong pagbabago sa kani-kanilang buhay.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top