Chapter 12 - Pag-ibig

NAIINIS NA si Mia habang naka-table kay Mr. Choi. Tulad ng dati, exclusive na naman siya sa mayamang matanda at pag ganitong eksena pakiramdam ni Mia ay namomolestiya siya dahil kung saan-saan na naman nakararating ang mga kamay ng matandang intsik. Hindi na mabilang kung ilang beses na dumapo sa mas mataas na parte ng hita niya ang kamay ni Mr. Choi. May ilang pagkakataong dumapo ito sa mismong harapan niya na labis niyang ikinagulat. Muntik na niyang masampal ang matanda kung 'di lang niya nakitang nakahanda ang dalawang bodyguard nito sa sino mang gagawa ng hindi maganda sa amo nila. Marahan na lang niyang inalis ang kamay ni Mr. Choi sa pagkakapatong sa kanyang harapan. At sa malanding boses ay sinabi niyang, "Bawal d'yan. Mr. Choi. Alam mo naman kung hanggang saan lang ang puwede." Nginitian ni Mia ng pagkatamis-tamis ang matandang intsik kahit ang totoo'y gusto na niya itong sampalin at tadyakan.

Ngumisi si Mr. Choi. "Akyen subok lang, baka puwede na."

"Darating tayo diyan, Mr. Choi. Pero hindi pa ngayon."

"Eh, kelan puwede? Mistel Choi inip na. Gusto na kita gawin asawa."

Bahagyang hinampas ni Mia sa balikat ang matandang tsekwa. "Ang sweet mo talaga, Mr. Choi." Bakit di ka pa maglaho sa kinauupuan mo ngayon?

"Ako selyoso, Mia. Ikaw gusto ko maging asawa. Ako binata, walang sabit. Ako dami pela. Ikaw buhay leyna pag asawa mo mistel Choi."

"Alam mo naman na wala pa sa isip ko ang pag-aasawa, Mr. Choi. Marami pa akong gustong gawin sa buhay ko."

"Ano ba gusto mo pa gawin? Pwede mo naman gawin 'yun kahit asawa mo na mistel Choi. Di kita babawalan. Gawin mo lahat gusto mo, basta ikaw asawa mistel Choi."

"Masyado kang seryoso, Mr. Choi. Napaparami na yata ang naiinom mo."

"Ako talagang selyoso sa'yo, Mia. Ako tagal na pabalik-balik dito kasi gusto kita lagi makita. Ako masaya pag ikaw kita ko."

"Salamat, Mr. Choi."

"Wag ikaw salamat. Ako lagi masaya pag kasama kita. Ako enjoy talaga pag andito ako sa club. Sana payag ka na pakasal sa akin. Ikaw gaganda buhay pag naging asawa mistel Choi."

"Pag-iisipan ko ang alok mo, Mr. Choi. Pero sana, wag kang mainip," hindi alam ni Mia kung paano niya nasabi 'yun. Basta ang alam lang niya ay kailangang matuwa sa kanya ang matandang intsik. Hindi maganda kung magalit sa kanya ang nag-iisang galanteng kostumer na nakilala niya sa club na iyon. Kahit wala siyang maging kostumer nang ilang araw, pag dumating na si Mr. Choi, bawing-bawi ang ilang araw ng taghirap dahil sobrang galante ito at maging ang ibang mga empleyado sa club na iyon ay nakikinabang sa perang ipinamumudmod ng matanda. Hindi nga ba't nitong huling pagpunta nito sa club ay namigay ito ng pera sa mga empleyado? Kaya nga anlakas-lakas ni Mr. Choi sa mga tauhan ng club na iyon. VIP kung ituring nila ang matandang intsik na ito dahil sulit na sulit ang serbisyong ibinibigay nila sa matanda.

Nag-ring ang cellphone ni Mr. Choi na agad nitong sinagot. "Hello! O, Godo! Bakit 'pag ikaw tatawag lagi may gusot? Alam mo nag-eenjoy ako sa club, dapat hindi mo ako bigyan mga ganyang hindi ganda balita," medyo mataas ang boses ng intsik. Marahil ay para mangibabaw ang boses niya at hindi malunod sa ingay sa loob ng club. Pero baka naman galit na ito sa dahil biglaang pang-iistorbo ng kung sino mang tumawag.

Naalala ni Mia na nung huling pagpunta ni Mr. Choi sa club ay may tumawag rin dito tapos ay bigla na lang itong umalis kahit kararating pa lang. Nag-iisip tuloy siya kung bakit ganun naman yata ka-busy ang matanda na kahit gabi na at oras na ng pahinga ay biglang susugod pa rin ito para puntahan ang tumawag sa kanya. Ganun ba talaga ang mga negosyante? Sobrang busy at hindi na magkaroon ng sapat na oras para sa sarili? Sabagay, gusto naman ni Mia na ganun ang nangyayari; na umaalis agad si Mr. Choi. At least, nahihinto ang pagtsansing sa kanya at nagkakapera na kaagad siya. Iyon ang isang bagay na hindi talaga niya magustuhan kay Mr. Choi. Wala itong ginawa kundi himasin siya sa tuwing naka-table siya rito. Sawang-sawa siya sa paghawak ng matanda sa kanyang kamay, hita at kung minsan ay tahasan na nitong dinadakma ang kanyang harapan katulad na lang ng ginawa nito kani-kanina lang.

"Ako aalis na, Mia," biglang sabi ni Mr. Choi. "Kailangan ko puntahan negosyo, baka ako lugi."

"Pero gabi na ah."

Hindi na sumagot si Mr. Choi. "Akina bag," sabi nito sa isa niyang bodyguard na agad naman nitong iniabot sa among intsik.

Kumuha si Mr. Choi ng pera sa bag at ibinigay kay Mia. "Sa'yo ito. Ito naman, bigay mo sa mga tauhan n'yo dito. Ako, aalis na."

"Salamat, Mr. Choi."

"Alis na tayo," sabi ni Mr. Choi sa dalawang bodyguard niya at agad na naglakad papalabas ng club. Naiwan si Mia na nag-iisip pa rin kung ano bang negosyo ng matandang instik na kailangang puntahan kahit dis-oras ng gabi.

Nang mawala na sa paningin niya si Mr. Choi ay saka pa lang kumilos si Mia. Nilapitan niya si madam Eloisa at ibinigay ang perang pinabibigay ni Mr. Choi sa mga tauhan ng club. Katulad ng dati, masayang-masaya ang mga empleyado sa grasyang bigay ng galanteng kostumer na si Mr. Choi.

"Uuwi na ako, Madam. Medyo napagod na ako."

"Sure, Mia. Umuwi ka na at magpahinga. Basta maging mabait ka lang lagi kay Mr. Choi sa tuwing nandito siya para lahat tayo, masaya!" Bumaling ito sa mga tauhan niya sa club, "O, kayo gayahin n'yo si Mia. Galingan n'yo rin ang pagserbisyo sa mga kostumer n'yo para matuwa sila at magpaulan ng grasya sa ating lahat dito. Huwag kayong nagmamaldita sa mga kostumer. Tandaan n'yo, sila ang bumubuhay sa negosyong ito. Pag nawala sila, sa kangkungan tayong lahat pupulutin."

"Kukunin ko lang iyong bag ko at uuwi na ako, madam."

"Sige. Agahan mo ang pasok bukas."

**********
ALAS DOS ng madaling araw nang makauwi si Mia. Sanay na siyang umuwi nang alanganing oras. Uwing pokpok, sabi nila. Kung dati ay natatakot pa siya sa mga tambay sa kalye, ngayon ay hindi na. Sanay na siyang makipagsagutan sa sino mang haharang sa kanya. Alam na rin niya kung paano poproteksiyunan ang sarili. Araw-araw ay hindi niya kinalilimutang dalhin ang pen knife na bigay sa kanya ni Marko. Isa itong maliit na kutsilyo na hitsurang ballpen. Maliit man ito, sigurado si Mia na sa ospital pupulutin ang sino mang masaksak nito.

Maingat na binuksan ni Mia ang pinto ng bahay na tinitirhan nila ni Marko. Tuloy-tuloy siyang pumasok sa silid at binuksan ang ilaw. Laking gulat pa niya nang makita si Marko na nakahiga sa kama at tila nanginginig sa ginaw.

"Marko? Anong nangyayari sa'yo?" Nilapitan ni Mia ang binata at hinawakan ito sa bandang leeg. Halos mapaso siya sa init ng balat ni Marko. "Ang taas ng lagnat mo, ah. Uminom ka na ba ng gamot?"

Umungol lang si Marko. Halos di ito makapagsalita. Patuloy lang sa panginginig ang katawan nito.

"Teka, ano bang gagawin ko sa'yo? Gusto mo bang dalhin na kita sa ospital?" halata sa boses ni Mia na natataranta siya.

Patuloy lang sa pag-ungol si Marko. Saglit na lumabas ng silid si Mia at pagbalik ay may dalang bimpo at palangganang may maligamgam na tubig. Pinunasan niya ang mga braso at mukha ni Marko. Nang matapos ay binuksan niya ang kanyang bag at kinuha roon ang isang popular na tableta para sa lagnat.

"O, inumin mo ito." Inalalayan ni Mia si Marko para bahagyang maiangat ang katawan upang mainom ang gamot.

"G-giniginaw ako..." nangangatal na sabi ni Marko.

"Teka, dodoblehin natin 'yung kumot mo." Kinuha ni Mia ang kumot na ginagamit niya at ikinumot iyon kay Marko. Pero tila walang epekto ang dobleng kumot dahil tuloy pa rin sa panginginig ang binata.

"Ang ginaw..."

"Gusto mo bang dalhin na kita sa ospital? Para ma-check ka at mabigyan ng tamang gamot."

Umiling-iling si Marko habang nanginginig pa rin. "Wag na. Ayoko."

"Ano bang dapat kong gawin para di ka na manginig sa ginaw? Mamayang konti pag umepekto na yung gamot, baka mawala na ang panginginig mo. Gusto mo bang kumain, humigop ng sabaw? Ipagluluto kita ng noodles."

"A-ayoko..."

Hinawakan ni Mia ang noo ni Marko. "Sobrang taas talaga ng lagnat mo, kaya ka nanginginig sa ginaw. Umusog ka ng konti. Umayos ka ng higa." Tinabihan ni Mia sa higaan si Marko at niyakap niya ito. Mahigpit. Binigyan niya ng init ng kanyang katawan ang giniginaw na binata. Matagal silang nanatili sa ganung puwesto hanggang namalayan na lang ni Mia na tulog na si Marko. Nang masigurong payapa na ito ay hindi na rin napigilan ni Mia ang antok at siya man ay agad na ring nakatulog.

Alas-siete na ng umaga nang magising si Marko. Si Mia ang agad niyang nakita sa pagmulat ng kanyang mga mata. Matagal na silang magkasama sa bahay pero ngayon lang sila natulog na magkatabi sa iisang higaan. Ngayon lang din napalapit ang mukha niya nang ganito kalapit sa mukha ni Mia. Alam niyang maganda ito pero sa pagkakataong iyon ay ibang kagandahan ang nakikita niya sa babaing tila anghel lang na natutulog. May kakaibang naramdaman si Marko. Maging ang bahagi niyang iyon sa pagitan ng kanyang mga hita ay nagpakita ng matikas na reaksyon. Ewan kung anong naisip ni Marko nang marahan niyang hinalikan sa labi si Mia. Napapikit pa si Marko habang ninanamnam ang halik. Saglit lang iyon, dampi lang pero nagbigay sa kanya ng di maipaliwanag na kasiyahan. Laking gulat niya nang sa pagdilat ng kanyang mga mata ay nakita niyang gising na si Mia at nakatitig ito sa kanya. Nagising ba ito sa halik niya?

"Kumusta na ang pakiramdam mo?" tanong ni Mia kay Marko.

"Medyo okay na. Salamat, ha?"

Bumangon si Mia. "Pasensya na dito ako nakatulog sa higaan mo."

Masayang ngiti ang isinagot ni Marko.

"Mamaya ka na bumangon. Ipagluluto kita ng mainit na sabaw. Para pagpawisan ka at nang mawala ng tuluyan ang lagnat mo." Tumalikod na ang dalaga para lumabas ng silid.

"Mia..."

Napahinto si Mia at nilingon si Marko. "Bakit?"

"I love you."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top