Chapter 10 - Trip
"O, PAANO? Tuloy tayo sa Linggo ha? Hindi na mamaya, sa Linggo na lang kaya wala nang atrasan, Dennis." Nasa canteen sina Dexter at Dennis at tuloy pa rin ang usapan sa kanilang pinaplano.
"Basta siguruhin mo na 'di tayo mapapahamak d'yan sa gagawin natin, Dexter. Anlaking iskandalo 'pag may masamang nangyari sa atin doon."
"Ang hina naman ng loob mo. Wala ngang raid 'pag Linggo. Walang opisina."
"Bakit, wala bang pulis sa presinto pag Linggo? 24/7 ang trabaho ng mga pulis. Walang pinipiling araw. Kaya' di sigurado na wala talagang raid 'pag araw ng Linggo."
"Eh ba't ako? Nakakadalawang punta na ako dun, napahamak ba ako? Nag-raid ba? Hindi naman,' di ba? At saka narinig ko sa usapan dun na regular naman daw naglalagay sa barangay at sa mga pulis 'yung may-ari ng sinehan kaya raid-free dun."
"O, siya! Ikaw na ang authority pagdating sa mga raid sa second class na sinehan."
"Mag-iingat naman tayo. Kahit ba mag-raid pa dun kung wala naman tayong ginagawang masama, bakit tayo matatakot?" Desidido talaga si Dexter na makumbinsi si Dennis na sumama sa kanya sa sinehang tambayan ng mga bakla at mga lalaking nagbibigay ng aliw, libre man o may bayad. "Ano? Umoo ka na? Ang hirap mo namang kumbinsihin."
"Sige, sasama na ako."
"Ayun! Papayag din pala, pinatagal pa." Iiling-iling pa si Dexter. "Paano, uuwi na ako. Wala na akong klase. Ikaw ba?"
"Wala na rin. Pero 'di pa ako uuwi. Pupunta pa ako sa library."
"Okay, mauna na ako."
Tinanguan lang ni Dennis si Dexter at naghiwalay na ang dalawa. Si Dexter papalabas ng gate ng campus, si Dennis naman pabalik sa building para pumunta sa library.
***
MASAYA si Marko nang umuwi siya nang umagang iyon. Medyo malaki ang tip na nakuha niya sa matronang nag-table sa kanya. Bale ba'y sobrang nagustuhan siya ng matandang babae kaya wala itong ginawa kundi pumulupot sa kanya at himasin ang dibdib at braso niya. May ilang pagkakataon pang dumapo ang palad nito sa kanyang harapan kaya naman malayang nadama ng kostumer ang kanyang pribadong bahagi na natatakpan lang ng manipis na bikini trunks. Pinayagan na lamang ni Marko ang mga ginagawa ng matandang babae sa kanya. Alam niya, kasama iyon sa trabaho. Alam niya, dun siya kikita ng mas malaki. At 'di nga siya nagkamali. Pagkatapos ng lambutsingan, hindi nagdamot ang matandang babae at binigyan siya ng malaking tip. Kung sana laging ganoon ang kita sa bar. Kung sana laging may galanteng kostumer na magte-table sa kanya, siguradong madali siyang makakaipon at hindi na mamomroblema sa ipapadalang pera sa mga magulang niya sa probinsiya.
Pagdating niya sa bahay ay naabutan niya si Mia na kumakain ng almusal.
"O, andyan ka na pala. Kain ka na. May dala akong almusal," alok ni Mia kay Marko.
"Sige lang, salamat. Matutulog na lang ako. Kanina pa ako inaantok."
"Ikaw ang bahala. Nagutom ako kaya eto, nag-almusal muna. Maglalaba pa ako pagkatapos nito. At saka pa lang ako matutulog."
"Ipa-laundry mo na lang yan, para makapagpahinga ka na rin."
"Wag na, sayang ang pera. Kaya ko naman gawin ito."
"Sige," pagsang-ayon ni Marko. "Mauna na akong magpahinga sa'yo."
Ngumiti lang si Mia. "Sige."
Pumasok na si Marko sa silid. Iisa lang ang kuwarto sa bahay at doon sila pareho natutulog ni Mia. Si Mia ang humihiga sa kama at si Marko naman sa kutson sa nakalatag sa sahig.
Hinubad lang ni Marko ang sapatos at t-shirt at agad na humiga sa kutson. 'Di nagtagal at agad siyang nakatulog. Kailangan niya ang pahinga dahil pagsapit ng gabi, muli siyang rarampa at gigiling sa entablado para kumita ng pera.
***
LINGGO
Ala-una pa lang ng tanghali. Napakainit ng panahon pero napakarami pa ring tao sa bahaging iyon ng Cubao. Hindi alintana ng mga ito ang matinding sikat ng araw.
Mabibilis ang lakad nina Dexter at Dennis. Mas nauuna nang bahagya si Dexter dahil alam na alam na nito kung saan patungo. Si Dennis naman ay mabilis na nakasunod kay Dexter.
Tumigil sila sa tapat ng isang lumang gusali. Sa harap nito ay nakapaskel kung anong pelikula ang palabas ngayon. Napansin ni Dennis, dalawang pelikula ang naroon. Double program. Parang katulad ng ibang mga sinehan sa malalayong probinsiya. May ilang lalaking nakatambay sa lobby ng sinehan. Parang nag-aabang ng kung ano man.
Nakita ni Dennis na bumibili na ng tiket si Dexter. Pagkatapos ay bumaling na ito sa kanya.
"Halika ka na. Pasok na tayo."
Mabilis na sumunod si Dennis kay Dexter. Napansin niya, nakatingin sa kanila ang mga lalaking naroon at nakatambay sa lobby ng sinehan.
Madilim sa loob ng sinehan. Pero alam na alam ni Dexter kung saan papasok at saan pupunta. Nakasunod lang si Dennis. Sinasanay ang kanyang mga mata sa dilim.
Napansin ni Dennis na maraming mga lalaking nakatayo sa bahaging likuran ng sinehan. Ang ilan naman ay palakad-lakad na tila naghahanap ng mauupuan gayong marami namang bakanteng upuan sa loob ng sinehan.
"Dito lang muna tayo," pagkuwa'y sabi ni Dexter. Pumuwesto sila sa gilid sa may bandang likuran ng kaliwang bahagi ng sinehan. Isang lalaki ang agad na lumapit sa kanila. Hindi maaninag nina Dexter at Dennis ang itsura ng lalaki pero mas matangkad ito kesa sa kanilang dalawa, siguro'y may taas itong limang talampakan at sampung pulgada.
"Serbis," sabi ng lalaki. Walang direktang pinatutungkulan kina Dexter at Dennis.
Tumingin si Dennis kay Dexter. Umiling-iling lang si Dexter.
"Mura lang. Three hundred. All the way na 'yun," muling alok ng lalaki.
"Next time na lang. Manonood lang sana kami ng sine nitong kaibigan ko," sagot ni Dexter.
"Sige, pero 'pag nagbago ang isip n'yo hanapin n'yo lang ako dito."
"Sure." Tumango si Dexter. Nakatingin lang sa kanya si Dennis na ngayon ay nasasanay na ang mga mata sa dilim.
Lumakad na ang lalaki at tinungo ang isang kumpol ng mga lalaki sa kabilang gilid ng sinehan. May tila pinagpipyestahan doon ang mga manonood na imbes panoorin ang pelikulang palabas ay iba ang pinagkakaguluhan sa bahaging iyon ng sinehan.
"Ba't andaming tao dun?" nagtatakang tanong ni Dennis.
"Di ko sigurado. Pero kung 'di ako nagkakamali, baka may gumagawa ng milagro doon at pinanonood ng mga tao."
"Milagro?"
"Baka may baklang sineserbisan," paglilinaw ni Dexter para maintindihan ni Dennis ang ibig niyang sabihin.
"Doon mismo?"
"Oo."
"At pinanonood sila?"
"Oo nga."
"Hindi sila nahihiya?"
"Ano ka ba? Para ka namang virgin. Sabi nung nakausap ko dati dito, lahat daw ng narito ganyan ang ginagawa. Walang pakialaman."
"Dexter, umuwi na tayo..."
"Ikaw, napakahina talaga ng loob mo. Wala namang masamang mangyayari sa atin dito. Gigimik lang tayo, magtri-trip! Halika, manood din tayo dun." At biglang hinila ni Dexter sa braso si Dennis at naglakad papunta sa kumpol ng mga lalaki.
"Teka! Dito na lang tayo." Pilit hinihila ni Dennis ang braso niya mula sa pagkakahawak ni Dexter.
"Bahala ka. Kung ayaw mong manood, ako na lang. Hintayin mo na lang ako dito."
Naiwang mag-isa si Dennis. Si Dexter naman ay nakita niyang sumisiksik at pilit nakikiusyuso sa kung ano mang pinagkukumpulan ng mga lalaki sa gawing iyon ng sinehan. Gusto man niyang sundan si Dexter ay nagdadalawang isip siya. Pero natatakot rin naman siyang mag-isa. Sa huli'y pinanindigan niya ang desisyong huwag pumunta sa nagkukumpulang mga kalalakihan.
"May hinihintay ka ba?"
Nagulat pa si Dennis nang marinig ang boses ng isang lalaking biglang lumapit sa tabi niya nang hindi niya namamalayan. Tiningnan niya ang lalaki at dahil sanay na ang mata niya sa dilim ay naaninag niya ang gwapong itsura ng mukha nito kasama na ang magandang pangangatawan.
"Stephen... " Inilahad nito ang palad at hinintay na abutin ni Dennis.
Nag-aalangang inabot ni Dennis ang palad ng nagpakilalang lalaki. "Dennis."
"May kasama ka, Dennis?"
"Ha? Ah, eh oo! Andoon siya." Itinuro ni Dennis ang kumpol ng mga lalaki.
"Madalas ka ba rito?"
Umiling si Dennis. "Ngayon lang ako pumunta rito. Isinama lang ako nung kaibigan ko."
"Anong trip n'yo rito?"
Hindi alam ni Dennis kung paano sasagutin ang tanong ni Stephen. Hindi niya kilala ang lalaking ito. Baka police agent ito na nagmamanman sa mga pumapasok sa sinehang ito at pagkatapos ay ititimbre sa mga pulis para huli sa akto ang mga gumagawa ng kahalayan sa loob ng sinehang ito.
"Wag kang matakot sa akin. Hindi naman ako nangangagat." Ngumiti si Stephen at lumitaw ang pantay-pantay nitong mga ngipin.
"Pasensya na, ngayon lang talaga kasi ako pumunta rito."
"Upo tayo, Dennis."
"Wag na. Dito na lang ako."
"Ayaw mo ba akong kasama?"
"Hindi naman sa ganoon. Baka kasi hanapin ako ng kasama ko."
"E, 'di dito na lang tayo?"
Hindi alam ni Dennis kung bakit kahit nag-aalangan siya sa pakikipag-usap kay Stephen ay tila ayaw naman niyang umalis ito sa harap niya.
Tumabi sa kanya si Stephen at sumandal sa pader. "Ano? Trip tayo?"
"A-anong...?"
"Trip. Sex trip! Ayaw mo ba?"
"Nagpapabayad ka ba?" nag-aalangang tanong ni Dennis.
Napahalakhak nang medyo malakas si Stephen. "Mukha ba akong nagpapabayad?"
"Ewan ko. Hindi ko alam."
"Pero anong tingin mo? Nagpapabayad ba ako."
"Di mo na dapat tinatanong sa akin 'yan. Malay ko ba kung nagpapabayad ka. Kaya nga ako nagtatanong sa'yo kasi hindi ko alam."
"O, easy ka lang. Wag kang magalit."
"Sorry..."
"Wala 'yun," sagot ni Stephen. "Ang totoo, nagpapabayad ako. Iyon ang trabaho ko eh. Pero gusto kong mag-trip lang ngayon. At kung papayag kang mag-trip kasama ako, hindi ako magpapabayad sa'yo."
Parang natulala si Dennis sa kaprangkahan ni Stephen. "Bakit hindi ka magpapabayad sa akin?"
"Sabi ko nga, gusto ko lang mag-trip ngayon. At saka, baka wala kang pambayad sa akin. Mukha kang estudyante pa lang. Baka maubos ang allowance na galing sa mga magulang mo kung ibabayad mo lang sa akin. Kawawa naman ang mga magulang mo. Pinapadalhan ka ng pera, binibigay mo lang sa lalaki."
"Hindi ako nagbibigay ng pera sa lalaki," mabilis niyang kontra. "Kung magsalita ka naman parang kilalang-kilala mo ako. Kahit kelan, hindi pa ako gumastos sa lalaki."
Natawa na naman si Stephen. "Nakakatuwa ka. Ang bilis mo naman magalit. Nagbibiro lang naman ako."
"Feeling close, ganoon?"
"Ayaw mo bang maging close tayo?" biglang naging seryoso si Stephen. "Pwede tayong maging magkaibigan kung gusto mo. Mabait naman ako. At gwapo."
Napaisip si Dennis. Tiningnan ni Stephen. Oo nga at madilim sa sinehan. Pero naaaninag niya ang kaguwapuhan ni Stephen. At sigurado siyang hindi nagkakalayo ang edad nila.
"Friends?"
Hindi sumagot si Dennis.
"Sumagot ka naman. Please..." Sadyang pinagmukhang kawawa ni Stephen ang itsura niya.
"Sige na nga. Sapilitan na ang pakikipagkaibigan ngayon."
"Ito naman, napakasuplado. Pero walang biro, salamat. May kaibigan na ako."
Ewan kung anong naramdaman ni Dennis pero ramdam niya ang sinseridad ng sinabi ni Stephen. Bigla'y parang naawa siya sa binatang kaharap. "Nag-aaral ka pa ba? Tingin ko kasi, 'di nagkakalayo ang edad natin."
"Hindi," mabilis ang naging pagsagot ni Stephen. "Pinilit ko lang makatapos ng hayskul. Pagkatapos no' n, pinasok ko na ang ganitong trabaho."
"Trabaho?"
"Ang pagko-callboy. Iyon lang naman ang alam kong paraan para buhayin ang sarili ko. Maliban dun, wala na."
"Matagal ka na bang nagko-callboy?"
"Medyo. Kailangan eh. Kailangang mabuhay."
"Ba't 'di ka humanap ng ibang trabaho. Sa food chains, sa mall. Marami namang trabaho kung gugustuhin mo lang talagang maghanap ng iba."
"Sinubukan ko na rin 'yan. Pero kapos lagi ang kita.' Di naman malaki ang kita sa ganung trabaho. Isang kahig, isang tuka rin. "
"At least, siguradong may regular na suweldo ka. At mara..."
"Marangal," si Stephen ang tumapos sa sinasabi ni Dennis. "Sa katulad kong hayskul graduate lang, saan ba ako dadalhin ng pagiging marangal?"
"Wala ka bang pamilya? Magulang, kapatid?"
"Wala." Nagsinungaling si Stephen. Ayaw pa niyang magkuwento ngayon ng tungkol sa pamilya niya. Sabagay, totoo naman na mag-isa lang siyang namumuhay ngayon. Walang pamilya.
"O, solong katawan ka lang naman. Mabubuhay mo na ang sarili mo sa pagtatrabaho sa mall o sa mga restaurant."
"Tapos after five months, apply ulit. Kasi, endo na. Hanggang magkaedad na ako at pati ang mga sinasabi mong mall at restaurant ay 'di na rin ako tatanggapin. Paano ako mabubuhay 'pag overage na ako?"
"Eh sa trabaho mo ngayon, hanggang kelan ka mabenta? Hanggang kelan ka makakapagpresyo ng mahal?"
"Nag-iipon ako ngayon pa lang. Kapag may sapat na ipon na ako, mag-uumpisa ako ng maliit na bisnes. Kahit ano. Carinderia, junk shop. Basta kahit anong pagkakakitaan. Hindi ako tatandang kolboy."
Nagkibit-balikat lang si Dennis. "Okay, sabi mo eh."
Ngumiti ulit si Stephen. "Pwede ko bang hingin ang cellphone number mo?"
"Bakit?"
"Anong bakit? 'Di ba magkaibigan na tayo? Paano kita makokontak kung 'di ko alam ang number mo?"
"Ahh. Akina'ng cellphone mo, ise-save ko ang number ko."
Binigay ni Stephen kay Dennis ang cellphone niya. Inilagay dito ni Dennis ang number niya at pinindot ang "save" button.
"O, naka-save na." Iniabot ni Dennis ang cellphone kay Stephen.
"Salamat. Ite-text kita, ha at tatawagan paminsan-minsan."
"Sure, walang problema."
"Saan ka pala umuuwi?" tanong ni Stephen.
"Sa Sampaloc. Malapit sa Bustillos."
"Pwede ba akong pumasyal sa tinitirhan mo minsan?"
"Wow, ha! Anong gagawin mo dun, aakyat ng ligaw?"
"Sige! Gusto mo bang ligawan kita?"
"Hay naku, 'wag ako ang pagtripan mo. Wala kang mapapala sa akin. Ikaw na nga ang nagsabi, estudyante lang ako na umaasa sa allowance na ipinadadala ng magulang ko."
"Sino ba'ng nagsabing pinagtitripan kita? Seryoso ako, Dennis."
"Sira! Seryoso, eh ngayon lang tayo nagkakilala. Dito pa sa sinehan na tambayan ng mga nagtritrip na mga bakla."
"Hindi ako nagbibiro, Dennis. Okay lang kung 'di ka maniwala sa ngayon na seryoso ako. Pwede ko namang patunayan 'yun pagdating ng araw. Pero sana, maniwala ka sa sasabihin ko..."
Hinihintay ni Dennis ang kasunod na sasabihin ni Stephen.
"Gusto kita, Dennis."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top