Epilogue


Halos lahat, inaabangan ang kamatayan ng mag-asawang Zordick-Zach. Hindi rin biro ang lahat ng kayamanang hawak nila, higit na si Richard Zach. Hindi pa kasama sa usapan na kaya ito gustong patayin ay dahil ito ang kasalukuyang may hawak sa tatlong project na ginawa ni Labyrinth.

Ayon nga sa kasunduan, dahil ipinangalan sa mga Zordick ang mga project, nakaatas sa mag-asawang Zordick-Zach ang pangangalaga rito. At babawiin lang ito ng Citadel oras na mamatay silang dalawa.

Iyon nga lang, iniisip ng lahat na imposible pa ang bagay na iyon dahil unang-una: kasalukuyang Fuhrer si Richard Zach; pangalawa, masyadong limitado ang impormasyong hawak ng lahat ukol sa Project Zone na matagal nang gustong bawiin ng mga Superior. Iniisip ng mga ito na kahit ang Project Zone lang ang makuha nila dahil napakalaking bagay ng prototype at ng bioweapon. May kakayahang kumontrol ng lahat ng system na konektado sa iba't ibang agency ang isa. May kakayahan namang

Pinag-iinteresan naman ng associations ang Project ARJO mula nang kumalat ang tungkol dito bilang susi sa imortalidad.

Pero sa kabila ng lahat ng iyon, para sa pananaw ng mga batang Malavega, isang normal na pamilya lang sila. At iyon ang mali ng mag-asawang Zordick-Zach, gaya ng palaging pinaaalala sa kanila ni Cas.

Imposible ang normal na buhay sa mga gaya nila.



Panibagong araw, at hindi lang iyon basta normal na araw lang. Kaarawan ni Prince Maximilian II Joseph ayon sa kalendaryo. Araw naman ng pagtatalaga para kay Maximilian Joseph Zach bilang Fuhrer.

Hindi gaya ng tipikal na kaarawan ni Max sa bahay nila na madalas abangan nina Arjo at Zone dahil nagpapahanda talaga sina Josef at Armida ng house party kahit ayaw niya, para lang masabi na may nangyayaring celebration sa pamilya—wala sa araw na iyon ang mga magulang niya. Wala rin sina Arjo at Zone. Wala rin ang inaasahang masayang selebrasyon. Walang kahit sino sa pamilya niya maliban sa lola sa pamilya ng ina at apat na Superior na sasaksi sa araw ng pagtatalaga sa kanya.

Bagsak na bagsak ang tuwa niya sa araw na iyon. Sa tatlong suit na pagpipilian, sinuot niya ang isang Alexander Amosu Vanquish II Bespoke na naka-armored van pa nang personal na i-deliver sa Citadel ayon sa sukat niya. Matagal nang nakahanda iyon para sa araw na iyon, pinagawa noon pang nakaraang taon ng mama niya at hindi niya inaasahang magagamit pala talaga niya ang damit.

Kinikilabutan siya habang inaayos ang sarili. Paulit-ulit niyang sinasabi sa harap ng salamin na kung hindi niya tatatagan ang loob, walang mangyayari sa kanya. Hawak ng ibang tao ang mga kapatid niya. Pinatay ang mga magulang niya. Wala siyang pakialam sa trono at pagiging Fuhrer, pero alam niyang oras na kunin ang titulo, magkakaroon na siya ng pagkakataong makaganti sa kung sino man ang sumira sa pamilya niya sa isang kisap-mata lang.

"Lord Maximilian, nakahanda na ang Oval para sa pagtatalaga," paalala ni Xerez na naghihintay sa labas.

Lalong lumala ang kilabot. Parang maraming maliliit na langgam ang gumagapang sa mga braso, likod, at binti niya.

Bumalik siya sa loob ng walk-in closet ng kuwartong inilaan sa kanya bilang anak nina Richard Zach at Armida Zordick. Humahalimuyak ang pabango sa loob. Para siyang inaakit ng amoy. Nakahilera sa kanan at kaliwang panig ang iba't ibang suit na nakatago sa isang glass box. May glass table sa gitna kung saan naman nakahilera ang mga box ng relo at mga custom perfume. Nakahanda sa ibabaw niyon ang isang maliit na bote ng pabangong may disenyong leon. Malamang na isa na naman sa customized perfume na likha ng angkan nina Xerez. Pinabango niya iyon sa kuwelyo at sa manggas dahil mas magtatagal sa damit ang amoy kaysa balat. Sinuot din ang Graff All-Black Eclipse watch at inayos iyon sa pulsuhan.

Walang ibang masilayan sa suot niya kundi itim—senyales ng pagluluksa niya sa sariling pamilya.

Paglabas ng silid, nakahilera roon ang limang Guardian, kaliwa't kanan, si Seamus na butler ng ama, kasama pa ang apat na maid sa dulo.

Laging sinasabi noon sa kanya ng mama niya na huwag siyang magpapatinag at magpapaloko sa magagandang bagay sa Citadel. Dahil kung paiiralin niya ang sariling pagkabilib, sistema ang lalamon sa kanya nang buo.

Wala silang maid sa bahay, pinalaki rin siyang walang maid sa kanila. Pero sa Citadel, imposibleng bumaba sa lima ang personal na magsisilbi sa kanya.

Dire-diretso siya sa paglakad, maid na ang nagsara ng pinto ng silid niya. Diretso lang din ang tingin.

Sa araw na iyon isasalin sa kanya ang titulong gustong paglaban-labanan ng lahat. Alam niyang may parusa ang ina dahil ang kasunduan ay palalakihin siya sa Citadel pagtuntong niya ng limang taon. Pero hindi iyon nangyari.

Bata pa lang, sinasabi ng mama niya na malaking bagay na hindi siya lumaki sa Citadel at hindi rin siya na-expose sa association. Sinasabi nito na malaki ang parusa roon dahil nasa batas nila na kailangan niyang magsanay para maging bahagi ng Order sa darating na panahon. Hindi pa man niya alam ang kaibahan sa mali at tama, paulit-ulit na sinasabi sa kanya ng ina na kailangan niyang alamin ang batas nila—ang Criminel Credo. Ang batas na kahit ito ay hindi rin nagustuhan. At kapag alam na niya ang bawat pasikot-sikot ng Credo, magagamit na niya ang mismong Credo sa sarili nito at sa mga taong dahilan kung bakit sila kailangang parusahan.

Sinasabi ng mga taga-Citadel na kailangan nang palitan ni Richard Zach sa posisyon. At ang dahilan? Ito lang ang bukod-tanging tumataliwas sa lahat ng batas na inilalatag sa Order. At mahirap kontrolin ang taong alam ang ginagawa niya—bagay na nahirapan sila kay Josef. Kaya umaasa sila kay Max na hindi man lang nakita kung paano ba pinalalakad ang Citadel ng mga Superior. Umaasang makokontrol siya dahil bago siya sa lugar.

Ang kaso nga lang . . . doon sila nagkamali.

Kalmado ang Oval pagpasok niya. Malamig ang nadadama ng palad at pisngi kaya masasabi niyang makapal nga ang suot na damit dahil hindi man lang nagbago ang temperatura ng katawan na natatakpan ng suit.

Malawak ang malaking meeting room, parang tatlong bahay nilang pinagdikit-dikit. Nasa kaliwang panig ang malaking glass window. Sa dulo ng mesa, sa may dingding kitang-kita ang insigna ng mga Guardian. Alam niyang hindi iyon opisina para sa mga Superior.

Doon sa mahabang mesa nakaupo si Cas sa upuang katabi ng kabisera. Nakasuot ito ng puting suit. Dalawang upuan naman ang pagitan sa inuupuan ng lalaking nakasuot naman ng navy blue suit. Katabi ng lalaking iyon si Laby na nakasuot ng pulang suit. Tatlong upuan ang nakapagitan sa isang lalaking nakasuot naman ng simpleng white long-sleeved shirt na di man lang sinara ang dalawang butones sa itaas. Katabi niyon ang isa pang lalaking abala sa phone nito. Naka-black suit nga ito pero pansin niyang gray V-neck shirt lang ang ipinang-ilalim. Ang inaasahan niya, puno ang mesang iyon. Mukhang tama ang sinabi ng mama niya na may mga pagkakataong hindi nakokompleto ang mga Superior sa iisang mesa.

Tuloy-tuloy na naglakad si Max sa dulong upuan at muling pinagmasdan ang buong Oval mula sa puwesto.

Lalong lumala ang kilabot niya. Hindi na gawa ng takot, pero klase ng pakiramdam na hindi pa niya naramdaman noon. Dumoble ang bigat ng paghinga niya. Iniisip niyang tama nga ang sinabi noon ng ama.

Kapag naroon ka sa lugar na iyon, mararamdaman mo kung ano ang tunay na kahulugan ng salitang makapangyarihan.

Nagbukas siya ng butones ng suit at umupo sa upuan—isang simpleng malambot na upuan. Pero iyon ang upuan na walang ibang makakaupo kundi mga namumuno lang.

Sinimulan na ang pagtatalaga. At akala niya, sina Cas ang gagawa niyon pero hindi pala. Mga Guardian ang nagbasa sa kanya ng panunumpa at pinaulit sa kanya ang lahat ng sinabi ni Xerez habang nakapatong ang palad niya sa unang libro ng Criminel Credo.

Pakiramdam niya, para siyang pinanunumpa bilang presidente.

Nang matapos ang oath-taking niya, bumalik siya sa pagkakaupo at inisa-isa ng tingin ang mga kasama sa mesa. Ang paalala sa kanya ni Xerez, ang nakadalo lang sa araw na iyon ay sina Labyrinth, King, Weefee, Cas, at Hawkins. Pero alam niyang marami pa ito at lampas dapat sa sampu, hindi pa kasama ang mga magulang niya. Ang iba ay gaya niya noon na hindi pa nanunumpa kaya wala sa posisyon.

"Tapos na ba?" tanong ng isa sa dulo na kanina pa gumagamit ng phone kahit nanunumpa siya.

Pagtingin niya roon, saka lang niya napansin na may name plate palang nakatapat sa mga ito roon sa mesa at ang lalaking nagtanong ay si Weefee.

"Kung naiinip ka, puwede ka nang umalis," walang pag-aatubiling sagot ni Max. Bagay na ikinagulat ng lima.

Napaurong tuloy si Weefee at puno ng pagtatanong ang mababasa sa mukha. Halatang hindi inaasahan ang asta ni Max sa unang araw—o sa unang oras nito sa puwesto.

Nagpatuloy si Max at mahahalatang nakahanda siya sa araw na iyon. "Iba ang inaasahan ko sa araw na 'to. Pero wala na 'kong magagawa."

"What? Expecting a birthday celebration?" natatawang sagot ni Weefee.

"I don't have time to mourn for my family," maangas na sagot ni Max. "And this is not the right time to celebrate, kung may common sense ka para maisip 'yon."

Biglang naningkit ang mga mata ni Weefee dahil talagang sinusukat ni Max ang pasensya niya. "If you're planning to give a dramatic speech, aalis na 'ko." Tumayo na si Weefee at nagpagpag ng damit.

Nagpatuloy pa rin si Max. "Nabasa ko kagabi ang mga naiwang documents sa table ng dating Fuhrer. Pending ang revision niya para sa paparating na Annual Elimination. Ten days pa bago ma-finalize ang mechanics and theme."

Napahinto si Weefee at napatingin kay Max. Napaangat ang mukha niya dahil mukhang hindi nga ito iiyak sa harapan nila dahil sa pagkamatay ng pamilya nito.

"Max, kahit hindi mo muna asikasuhin ang tungkol diyan," paalala ni Cas sa kanya. "Kami na ang bahala."

"No," putol ni Max sa sariling lola. "Wala pang revision na ginawa si Richard Zach sa papers. Open pa rin ang mechanics. May venue na at pagmamay-ari ng mga Li ang sponsored island."

"Max," kahit si Laby ay sumabat na sa sinasabi niya. "Hindi mo pa alam ang tungkol dito."

Pero hindi nagpatinag si Max at nagtuloy-tuloy lang sa salita. "Kill For Will Tournament ang pangalan ng proposal, dalawa sa premyo ay ang Project ARJO at Project Zone. Makukuha ng winners ang projects kung makakapasok sila sa Top 5 winners."

"Max, enough!" pagpigil ni Cas. Pero hindi iyon sapat para pigilan ang apo. Kahit si Weefee, napabalik sa upuan niya para makinig.

"Open pa rin ang sponsorship, pati ang bidding. Patuloy ang lineup ng mga player pero hindi pa pumapasok sa records ang official battle list of players."

"You did your research, huh," bilib na sinabi ni Hawkins na isa sa nagpanukala ng laro.

"I'm going to announce the revision from the Fuhrer's Office," huling bahagi ng paliwanag niya.

"Pero hindi bumoto si Richard Zach para sa Annual Elimination," kontra agad ni Weefee.

"At hindi ako si Richard Zach," mabilis na sagot ni Max. "Ipagagawa ko mamaya ang revised mechanics. Hindi limitado ang players sa mga bahagi ng Associations under ng Four Pillars at independent players outside Citadel's jurisdiction. Non-transferrable at non-salable ang mga premyo. Bubuksan ko ang lineup sa mga Superior bilang battle player at gagawing exclusive sa mga winner ang premyo nila. Hindi puwedeng ibenta sa mga Superior ang kahit alin sa mga makukuhang premyo, whether it's monetary, bonds, or property kung hindi iyon personal na mapapanalunan."

"That's bullshit!" reklamo ni King na isa sa umaasa sa mga player niya.

"That's just," sagot ni Max. "Nakalagay sa Credo na honored ang kahit anong revision na magmumula sa opisina ng Fuhrer, bumoto man siya o hindi sa proposed mechanics. Nagpapasalamat ako na hindi pa niya ginagalaw ang mesa niya."

Tumayo na si Max at nag-ayos ng butones ng suot na suit.

"Hindi mangyayari 'to kung walang gumalaw sa pamilya ko," paalala niya sa lahat.

"Max," pagtawag ni Cas na may pang-aamo na. Halatang nagulat din sa mga sinabi ng apo niya.

"We're done with these secret-hiding game, Oma," sagot ni Max. "It would be fair to all of us. I'll be joining the battle. At babawiin ko ang mga kapatid ko sa paraang sasang-ayunan ng batas sa ayaw o sa gusto n'yo." Ibinalik niya ang tingin sa kanilang lahat. "At papatayin ko kung sino man ang sumira sa pamilya ko sa paraang hindi ako parurusahan ng Criminel Credo."




To be continued . . .

Next Book: Hunting Project:ARJO

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top