6: Broken Window
Ala-una ng hapon, huling subject para sa araw na iyon. Nasa klase ang magkapatid at ang subject ay psychology.
Patuloy lang sa paggawa ng sketch si Max at kinakalkula na ang mga sukat para sa blueprint. Nililista na niya ang estimated value ng mga gagamiting materyales sa project. Kailangan na niyang matapos ang miniature bago ang makalawa. Kung hindi lang niya kailangang bantayan ang kapatid niya, malamang na kahapon pa niya tapos ang plates at ang miniature.
Hindi naman kasi siya papasok sa HMU kung hindi siya naligaw roon noong nag-enroll si Arjo for second semester. Aware si Max na pagmamay-ari ni Erajin Hill-Miller ang university kaya nga naisipan niyang silipin ang administration at ang mga profile ng mga staff. Nagulat na lang siya dahil isa sa mga professor si Millicent Etherin.
Natatandaan pa niya noong unang tapak niya sa Citadel, ito ang babaeng kasama ng Papa niya sa malaking lugar na iyon. Bata pa siya noon, limang taong gulang, pero malinaw pa sa alaala niya ang lahat.
Bumalik din naman sila sa labas pagkalipas lang nang ilang buwan, kasama na nila noon ang ama niya. At paminsan-minsan, dumadalaw ang babaeng iyon sa bahay nila. Kakausapin ang Papa niya habang wala ang Mama niya. Kung ano man ang pinag-uusapan nila, palagi iyong tungkol sa "mga bata" na hindi niya alam kung paano uunawain.
Dati, iniisip niya kung ano ang kaugnayan ng Papa niya at ng babaeng iyon. Noong labintatlong taong gulang siya, ang buong akala niya, kabit ito ng Papa niya. Bigla kasing umalis ang Mama niya nang walang paalam. At sa dating bahay nila, Papa lang niya ang nandoon at sobrang dalas pumunta ni Milicent Etherin sa kanila. Nag-aaral pa siya noon kaya hindi siya sobrang dalas na nasa bahay. Makalipas ang isang taon, bumalik ang Mama niya kasama ang isang batang babae. Nagtataka siya kung paano iyon nangyari samantalang ni hindi sinabi ng Mama niya noon na nagbuntis ito at may kapatid pala siya.
Pero buhat nang dumating ang kapatid niyang babae sa kanila, doon na hindi nagpakita si Milicent Etherin sa kanila.
At pagkalipas ng limang taon, bumalik na naman ito dala ang isa pang bata at sinasabing anak naman ito ni Richard Zach. At sa lagay na iyon, hindi niya kahit kailan nakita ang Mama niya na nagbuntis.
Nagalit siya sa magulang niya. Sinisi niya ang Papa niya dahil sa pambababae nito, na kinunsinti naman ng Mama niya. Sinasabi lang ng mga ito na hindi nito naiintindihan ang nagaganap kaya siya nagagalit.
Kaya ang nangyari, noong labingwalong taong gulang siya, dinala siya ng mga magulang pabalik ulit sa Citadel. Lumaki siyang kasama ang parehong magulang niya at inisip na normal lang silang pamilya. Pero pagbalik niya sa lugar na iyon, doon niya nakitang hindi lang pala simpleng tao ang mga magulang niya.
Lumaki siyang ginagamit ang pangalang Malavega. Pero pagtapak niya sa Citadel, ipinagbabawal pala roon ang paggamit sa pangalang iyon. Kaya doon din niya nalamang hindi pala Malavega ang tunay niyang pangalan kundi Zach. At ang nagsabi niyon ay hindi pa ang mga magulang niya kundi si Milicent Etherin pa. Sinabi rin nito kung anong klaseng tao ang mga magulang niya.
Na dating sikat na magnanakaw ang Papa niya. Na dating sikat na assassin ang Mama niya. At siya ang susunod na tagapagmana ng posisyon na iiwan ng ama niya balang-araw.
At hindi ito kabit ng Papa niya kundi matagal nang katrabaho. Bagay na ayaw talaga niyang paniwalaan dahil kahina-hinala talaga ito.
Kaya pagkalipas ng dalawang buwan, pagbalik nila sa labas, bigla nang nagbago ang pakikitungo niya sa mga magulang. Nag-iba na rin ang tingin niya sa mga ito. Lalo na sa mga kapatid niya.
Sinulyapan ni Max si Arjo, at hindi gaya kanina sa Calculus, aktibo ito at sumasagot pa sa prof nila.
"Louis Terman was the responsible for the Stanford-Binet scale. He introduced the intellligence qoutient or IQ as an index of mental development . . ." sagot ni Arjo kay Mr. Xerces, ang prof nila sa psychology. "The IQ is obtained by expressing intelligence as a ratio of mental age to chronological age."
Marunong naman ang kapatid niya. Pero may mga bagay na hindi kayang abutin ng katamaran sa buhay.
Walang problema ang kapatid niya sa ibang subject dahil hindi naman sumayad ng below average ang iba. Medyo alanganin lang ito sa kahit anong math-related subjects.
Ayos sana kung ang kinuha nitong kurso ay hindi major in Finance. At sinisisi niya ang mga barkada nito sa dating school kung bakit ito ang kinuhang kurso ng kapatid. Dapat daw pare-pareho ang mga ito ng course para sila-sila rin daw ang magiging magkaklase sa college.
Ngayon, nakahiwalay na si Arjo sa mga kaibigan dahil sa kagagawan ng kapatid niyang maliit.
Nasa average normal ang IQ ni Arjo na nilalamon pa ng katamaran, samantalang nasa very superior ang kanya. Ang kay Zone, masyado nang obvious para itanggi pang nasa Genius level na.
"Experiential intelligence is the ability to formulate new ideas, and uhm . . ." Nag-isip pa si Arjo ng idudugtong. ". . . to combine unrelated facts or information aaand . . . create new insight, yeah." Nagkibit-balikat siya at inisip na baka iyon ang sagot sa tanong. "It focuses on how a person's training or prior experiences affect intelligence, and how thooose, uhm, experiences are brought tooo . . . theee . . . fore in problem solving situations." Nginitian nito ang lalaking professor nila pagkatapos ay umupo na.
"Mm-hmm, very well, Miss Malavega." At nagsulat sa board si Mr. Xerces para ipaliwanag pa nang husto ang lesson.
Pagdating sa mga ganitong subject, active si Arjo. Mga literature, human behavior, psychology, sociology. May pinipili talagang topic ang utak niya. Basta ba walang numero.
Nalipat ni Max ang atensiyon sa mga lalaking katabi na may pinagtatawanan. Sinundan niya ang mga tingin nito at nakitang nakatingin sa kapatid niya.
Napairap tuloy siya dahil nagsisimula na naman ang mga ito.
Ibinato ng isa sa mga lalaki ang isang nilukot na papel. At ang tungo niyon ay ang kapatid niya.
Naningkit ang mga mata ni Max at tinira ng hawak na technical pen ang lumilipad na papel. Tinuhog iyon ng lapis at tumagos ang kalahati nito sa glass window ng room na iyon. Napahinto naman ang mga naglalakad sa hallway dahil sa nangyari.
"WHOAH!" sigaw ng mga lalaking kaklase ni Max na nakakita sa ginawa niya.
Napapikit agad si Max at napakagat ng labi nang makita ang kinahinatnan ng ginawa niya. Napayuko na lang siya habang tinatakpan ang noo.
Patay.
"What's happening here?!" sigaw ng professor nila na nakatingin sa buong klase na nakatingin sa glass window. "What's that?" Pare-parehas tuloy silang nagtataka kung paano napunta ang technical pen sa bintana.
Lumingon naman ang mga lalaki sa direksyon kung saan galing ang lapis. Tatlong tao lang ang suspect nila. Yung mga nakaupo roon sa pinakadulong likuran at isa roon si Max.
Lumapit si Mr. Xerces sa bintana at dahan-dahang kinuha ang nakatuhog na papel sa lapis. Hindi niya makuha ang panulat dahil baka lalong lumaki ang crack ng bintana at ma-salary deduction pa siya kung siya ang makasira nang tuluyan doon sa glass window.
Binuklat ng prof ang nilukot na papel. Hindi naman mapakali ang mga lalaking nagbato.
Biglang tumaas ang kilay ng guro at tiningnan ang mga lalaking estudyante niya. "Who made this note?" Walang sumagot sa kanya at lahat ay nag-iwas ng tingin.
"I'm asking you, people! Who made this note?!"
Nangingibabaw ang buong-buong boses nito sa buong room. Bumalik siya sa table at tiningnan nang masama ang mga estudyante niya. "If none of you will speak . . ." warning niya sa lahat. "I'll mark all of you failed!"
Nag-alala na ang mga estudyante dahil nananahimik ang ilan tapos madadamay dahil lang doon sa siraulong gumawa ng note, at doon sa matalinong naghagis ng lapis.
Lumalakas na ang bulungan at sisihan.
"Hoy, umamin na kasi kung sino man 'yon!"
"Mandadamay pa kayo!"
"Sige na!"
"Sir!" Nagtaas ng kamay ang isa sa mga tropa ng naghagis ng papel. "Si Zach po! Siya po yung naghagis!" Itinuro niya si Max na nagtatago sa palad nito.
Lahat tuloy ng mata, nakatingin kay Max. Ang sama ng tingin nila at mga dismayado dahil kitang-kita nila ang pagtatago nito sa likod ng palad. Ni hindi man lang sila magawang tingnan kaya lalong lumakas ang hinalang ito nga ang may gawa.
Kumunot agad ang noo ni Arjo dahil may kung anong kalokohan na naman ang pinapasok ng kuya niya ngayon.
Alam niya. Alam na alam niyang ang kuya niya ang may gawa ng lapis na iyon. Wala siyang ibang suspect.
Lumapit ang professor kay Max at padabog na inilapag ang lukot na papel sa table ng estudyante.
"Read it aloud," utos ni Mr. Xerces kay Max.
Tiningnan nang masama ni Max ang prof, pagkatapos ay inilipat niya ang tingin sa nilukot na papel.
Nanlaki ang mga mata niya dahil sa nakasulat. Inilipat niya ang tingin doon sa prof niya at umiling para sabihing hindi sa kanya galing iyon.
"Read. It. Aloud," maotoridad na utos ng propesor.
"Sir, he can't talk," sabi ni Arjo para tulungan ang kuya niya. Nalipat tuloy ang tingin ni Mr. Xerces sa kanya. Agad siyang nag-iwas ng tingin at humarap na ulit sa pisara.
Ibinalik ng prof ang tingin kay Max. "I won't tolerate this kind of behavior in my class."
Nakarinig si Max ng mahinang tawa sa gilid niya. Tiningnan niya nang masama ang mga siraulo niyang kaklase.
"You, young man!" sigaw ni Mr. Xerces. "I will see you after class!" Itinuro niya ang pinto. "Now, get out!"
Ang bigat ng paghinga niMax habang kuyom-kuyom ang kamao. Gusto sana niyang sumagot kaso hindi niya magawa.Padabog niyang kinuha ang gamit at saka lumabas ng room na iyon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top