42: The Haunted Mansion
Balisa si Arjo nang lakarin ang daan patungong burol. Talagang dinibdib niya ang mga sinabi ni Melon tungkol sa kuya niya. Sampung block ang layo ng burol. Kung lalakarin, aabutin nang sampung minuto.
Bago sila sa Grei Vale. Walang ibang sinabi ang mama niya tungkol sa lugar kundi maganda at mahigpit ang security. Naniniwala naman siya roon. Hindi lang niya alam kung kailan nalaman ng mga magulang niya ang tungkol sa village na iyon. Iniisip niyang baka sa real estate dahil ang dami na nilang nilipatan mula pa noong sampung taong gulang siya.
Tirik na tirik ang tanghaling araw. May klase pa dapat siya sa psychology nang ala-una pero plinano talaga niyang mag-cutting class para lang puntahan ang mansyon na sinasabi ni Melon.
Wala naman siyang ibang alam tungkol sa mansyon kundi pagmamay-ari iyon ng may-ari din ng Hill-Miller University kung saan siya nag-aaral. Wala rin naman siyang alam kung may tumatao ba sa bahay na iyon dahil wala pa siyang napapansing napapadako sa burol mula nang tumira sila sa Vale.
Ilang minutong paglalakad at napahinto siya nang may marinig sa likuran.
"Beshie, 'pag tayo talaga napagalitan, sinasabi ko sa 'yo."
"Ako bahala! Hindi 'yan!"
Nakakita siya ng apat na dalagang mukhang taga-HMU rin. Mga naka-uniporme pa. Naglalakad sa kaparehong daang tinatahak niya.
Nagtataka naman siya dahil nasa paanan na sila ng burol at wala nang bahay sa paligid maliban sa mansyon sa dulo.
"Oy!" pagtawag niya sa grupo. Nilingon naman siya ng mga ito. "Saan kayo pupunta?"
"Sa mansyon! Pupunta ka rin?" sagot ng dalagang may nakasabit sa noo ang strap ng sling bag.
"Ano'ng gagawin n'yo r'on?" usisa ni Arjo at lumapit na sa kanila.
"Maggo-ghost hunting!"
"Wooooh . . ." sabay-sabay pa nilang sinabi habang pinabababa ang boses. "Hahahaha!"
Biglang kunot ng ni Arjo. "Ghost hunting? Haunted ba yung mansyon?"
Nagpatuloy sa paglalakad ang grupo at nakasunod naman sa kanila si Arjo.
"Ang kuwento kasi ni Ma'am Det, nakatira daw dati sa mansion na 'yon ang may-ari nitong buong Grei Vale," kuwento ng dalagang naunang sumagot kay Arjo. Tumanaw siya sa langit at gumawa ng imaginary rainbow. "Ang sikat na si Erajin Hill-Miller. The richest, the greatest, the awesomest woman lived in this country . . . Wew."
"Ang sabi-sabi, matagal na raw siyang patay," sabi ng isang medyo chubby na dalaga.
"Wala namang nagpatunay na patay siya, di ba? Kasi sabi n'ong janitor sa school, wala naman daw nakakita sa katawan niya," sabi ng isang pinakamatangkad sa kanila. "Wala ngang lamay na nangyari."
"Pero kung buhay pa siya, bakit niya iiwan yung mansyon niya?" kontra agad ng isa.
"Saka ang sabi-sabi, di ba, marami raw namatay sa village na 'to? No'ng in-excavate nga raw yung HMU, ang dami nilang nakuhang kalansay."
"Ay, sabi rin ni Daddy 'yan! Nalagay nga raw 'yan sa news e!"
"Baka sementeryo pala talaga 'tong buong village dati."
Ilang usap-usapan pa at huminto na sila sa tapat ng isang metal gate na pagkataas-taas. Mas mataas pa sa isang palapag ng building. Ang tanging disenyo lang nito ay hilera ng paikot na bakal at nakaporma ang pinakagitna ng pinagtabing gate sa hugis ulo ng leon na may korona. Nasa ibaba niyon ang malalaking letra na naghihiwalay sa dalawang panig ng gate.
Zordick sa kaliwa. Zach sa kanan.
Biglang umawang ang bibig niya dahil sa nakita.
Zach. Gaya ng apelyido ng kuya niya. Mukhang tama ang sinabi ni Melon.
Tiningala ni Arjo ang malaking bahay. Tatlong floor lang iyon pero kada floor, katumbas na ng isa't kalahating palapag ang taas. Kulay kumupas na puti ang pintura ng dingding ng labas. Halatang matagal nang hindi napapalitan ng pintura. Namumuo na ang ilang lumot na nagtatago sa mga baging at fern na gumapang na sa haligi at palibot ng mga nakasarang bintana.
Nagtayuan ang mga balahibo nila habang nakatitig doon sa malaking bahay. Ang lamig din ng hangin kahit mataas ang sikat ng araw.
Walang nakalagay na NO TRESPASSING o kahit anong babala na bawal pumasok doon.
Walang kadena pero may malaking lock ang gate na mabubuksan lang mula sa loob.
"Paano tayo papasok diyan?" tanong ng isa habang nakatingin doon sa gate.
"Sabi n'ong janitor sa school, wala raw gate saka bakod 'tong mansion dati," sabi ng matangkad na dalaga.
Lumapit ang isa sa pinakapayat sa kanila sa gate at pinilit isiksik ang sarili sa espasyo ng bakal na gate. "Nge! Hindi ako kasya!"
Tumingin-tingin sandali ang dalagang nakasukbit ang bag sa noo. Ibinaba niya ang gamit sa pader ng gate at nilingon ang malaking puno sa tabi ng mansion.
"Sandali, mga besh!" sabi niya sa grupo. Tumakbo siya papalapit doon sa puno.
Pinanood naman siya ng mga kasama niya habang umaakyat siya roon sa malaking puno ng acacia na pahiga ang porma.
"Hoy, baka malaglag ka diyan!" sigaw ng isa.
"Hindi 'yan! Ako bahala!" sagot nito. Naglakad ito sa matabang sanga papunta sa malapit na pader ng bakod. "I can do it, mga besh!" sigaw nito nang mahawakan na ang sementong bakod.
Nakanganga lang ang apat habang pinanonood siyang tumawid mula roon sa sanga papunta sa may bakod.
"O! Abangan n'yo 'ko diya—aaaah!"
Nakarinig sila ng malakas na kalabog sa kabila.
"Hwoy!"
"Hala!"
Nagtakbuhan sila roon sa tapat ng bakod kung saan nahulog ang dalaga.
"Ano nang gagawin natin? Baka patay na siya! Ang taas n'ong bakod!" Nagpa-panic na ang pinakapayat sa kanila dahil sa nangyari.
"Nahulog na siya! Tawag na tayo ng tulong! Paano kung mabulok yung katawan niya sa loob niyan?!" alalang sinabi ng isa pa.
"Ba't kasi hinayaan n'yong tumawid sa sanga!" inis na sinabi ni Arjo. "Dapat pinigilan n'yo na e!"
"Buhay pa 'ko!" sigaw nito sa kabila. "Punta na sa gate! Bubuksan ko na!"
"O, buhay pa raw, tara sa gate," chill na sinabi ng pinakamatangkad sabay tulak sa mga kasama niya.
Napasimangot na lang si Arjo at nanlaki ang butas ng ilong dahil ang wiwirdo ng mga kasama niya.
Naglakad na sila pabalik sa gate na animo'y walang nangyaring laglagan sa sanga.
Naririnig nila ang tunog ng bakal na pinapalo at pagdating nila sa gate, binubuksan na iyon ng kasama nila para sa kanila.
"Ah, hanep! Hahaha!" Nag-apir pa sila maliban kay Arjo na tutok lang sa mansyon.
"Welcome to my humble abode, mga hampaslupa!" mayabang na sinabi ng dalagang nagbukas at nagtaas pa ng mukha na akala mo, siya ang may-ari ng mansyon.
Tuloy-tuloy na pumasok ang apat sa loob.
"Feel at home, guys! 'Wag kayong mahiya tutal mga walanghiya naman tayo!" hirit niya sabay tawa. Itinuro niya yung loob. "Sige, pasok lang kayo! Manang! Manang pakiasikaso ng mga bisita!"
"Hahaha! FEEL!" sabay-sabay nilang sinabi with matching tawanan pa.
Pagkatapos ng tawanan nila . . .
Napahinto rin sila sa tapat ng malaking pinto ng mansyon. Kulay itim iyon na kahoy at may gintong handle. Natulala sila dahil mas malaki pala iyon sa malapitan. Sakop ng pagdipa nilang apat ang lawak ng pinto.
"Kung ganyan ang bahay ko, di na ko lalabas," sabi ng dalagang nalaglag habang tinatanggal ang mga dahon na naipit sa damit niya.
"O, e di pumasok ka na," anyaya ni Arjo.
"Nge! Sabi ko kung ganyan lang ang bahay ko! Bahay ko ba 'yan?"
Natulala na naman sila sa bahay.
"Ano? Nandito na tayo," sabi ng isa.
"Papasok ba kayo o hindi?" tanong ni Arjo.
"Anong kayo?" tanong ng pinakamatangkad kay Arjo. "Kasama ka namin tapos hindi ka sasama?"
"Ano ba? Papasok ba o hindi?!" inis nang tanong ni Arjo.
"O! Tara na! 'Wag nang magpatumpik-tumpik pa!"
Nagkapit-kapit sila ng mga braso at sabay-sabay na lumapit sa pinto para buksan iyon.
"Okay, inhale . . ." Hinga naman sila. "Inhale . . ." hinga uli. "Inhale . . ." hinga uli. "Inhale."
"Letse 'yan! Dito pa lang patay na tayo!"
"Psh!"
"Okay, serious na."
Dahan-dahan nilang sinipa ang pinto na hindi naman pala nakasara. Pagbukas nila . . .
"Oh . . ."
"My . . ."
"Goodness . . ."
Napanganga silang lima nang makita ang loob.
Iniilawan ang buong lugar ng magandang sikat ng tanghaling araw mula sa mataas na glass part ng bubong ng kinatatayuan nila. Patay ang mga ilaw pero maliwanag pa rin. Ang ganda sa buong lugar na iyon. Nagkikislapan ang mga mamahaling kagamitan at displays sa gilid. Ang ganda ng mga furniture sa kanan na walang takip na telang puti, gaya ng inaasahan nilang makikita nila. Ang ganda ng chandelier na kumikislap dahil sa liwanag. Nakasabit iyon sa gitna rin ng glass na bubong. Ang gara ng grand stairs na may red carpet. Makintab din ang marble na sahig. Parang naka-air-con ang buong lugar dahil sa lamig. Para silang pumasok sa isang portal na nakakatakot at biglang naging makalaglag-pangang bahay na pagkatapos.
Hindi iyon mukhang haunted gaya ng sinasabi nila. Mukha ngang kahapon lang nilinisan ang buong lugar, mabango pa naman doon at amoy bulaklak din.
"Haunted ba talaga 'to?" mahinang tanong ng isa habang nililibot ng tingin ang buong paligid.
"Astigin pala sa loob, sabi ng chubby na dalaga habang nakatingin sa sahig na puwede na siyang manalamin sa sobrang kintab.
"Ang cool pala rito," sabi ng pinakamatangkad. Nilapitan na niya ang mga display at inusisa iyon isa-isa
"Kung ganito ang bahay ko, hindi na talaga 'ko lalabas," sabi ng nagbukas ng gate habang nakatingala.
Samantala, si Arjo naman natulala sa malaking painting na nasa itaas ng grand stairs.
"Sino ang may-ari nitong mansyon?" tanong niya sa mga kasama.
"Si Erajin Hill-Miller," sabay-sabay nilang sagot.
Sandali siyang hindi nakapagsalita.
"Erajin . . . Hill . . . Miller . . ." bulong niya. Unti-unti siyang naglakad papalapit sa gitna ng lugar para lalo pang makita ang painting. "Mama?"
_______________
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top