40: Missing

Monday na at himala dahil wala pang alas-siyete ay nasa HMU na si Arjo.

Buong maghapon ng nakaraang araw, ni hindi nagawang magkita nina Max at Arjo kahit nasa iisang bahay lang sila. Todo-iwas si Arjo sa kuya niya dahil ang awkward talaga ng feeling niya. Si Max naman, masyadong tutok sa kung ano man ang ginagawa nito—bagay na kahit sino sa pamilya niya ay hindi alam kung ano ang ginagawa niya.

Nasa room na si Arjo at siya pa lang ang nandoon mag-isa. Magkakatao lang naman sa room na iyon pagpatak ng alas-otso ng umaga. Hawak niya ang phone at paulit-ulit na tiningnan ang mga picture sa profile niya. Wala siyang ibang magawa dahil sobrang aga pa niyang dumating sa school. Ayaw niya sa cafeteria o sa kahit sa campus man lang dahil aakyat pa siya ulit kung sa ibaba siya tatambay.

Sandali siyang napahinto sa isang picture ng buong pamilya niya. Nakaupo silang pamilya sa isang mahaba at magarang red cushioned couch. Katabi niya ang mama niya sa kanan, kasunod ang kuya niya, at katabi naman nito ang papa niya. Ang gara ng itsura ng mama niya. Mukhang donya. Ang ganda ng suot nitong pulang infinity dress na hanggang talampakan ang haba. Ang dami pang alahas na suot. Pearl earrings, gold necklace, may maliit na korona pa sa naka-bun nitong buhok. Siya naman, nakasuot ng red and black victorian dress at nakaipit ng pulang ribbon. Ang kuya at papa niya, mga naka-tuxedo na all-white. Sa panahon na iyon, wala pa si Zone. Nine pa lang siya noong kinuhanan iyon. Ngayon lang niya napansin na wala pala siyang kamukha sa kahit sino sa mama at papa niya. Nadako ang tingin niya sa kuya niyang ang simple ng ngiti. Iyon ang huling panahon na nakita niya ang kuya niyang nag-ayos. Bata pa ang itsura nito, dose anyos na binata. Iyon din ang huli nilang family picture. Sandali na lang siyang napangiti at inilipat ang picture.

Nawala ang ngiti niya nang makita ang nakatagong photo sa profile niya. Isang picture ng isang batang babae na kasama siya. Nakasuot lang ito ng itim na pantalon at puting T-shirt. Panlalaki ang gupit nito at matamis ang ngiti kahit mukha itong may malalang karamdaman.

"Ana . . ."

"Hey, babe! Early bird tayo ngayon a!"

Naitago agad ni Arjo ang phone niya at nakakunot ang noong tiningnan si Melon na nakaupo sa kaharap niyang upuan. "Ang aga mo mambuwisit, 'lam mo 'yon?"

Natawa nang mahina si Melon at napailing na lang. "Anong meron, bakit ang aga mo?"

"Wala ka na r'on," sarcastic niyang sagot sabay irap.

Inilayo ni Arjo ang tingin kay Melon at napansin niyang marami-rami na rin palang tao na pumapasok sa room nila. Hindi niya napansin.

"Kumusta yung bunso n'yo?" tanong ni Melon.

"Okay naman, bakit?" sagot niya.

Sandali siyang natigilan at inisip na bakit nga ba napunta si Zone doon sa kama ng kuya niya. Hindi na niya naitanong dahil masyado siyang iwas sa buong pamilya niya nitong weekend.

"Oy, Melon."

"Uuuuy." Napangiti nang malaki si Melon dahil tinawag siya ni Arjo. "What can I do for you, Miss Beautiful?"

"Psh," sumimangot sandali si Arjo dahil sa tinawag sa kanya. "Ikaw ba yung naglagay kay Zone sa kama ni Kuya?"

Hindi nawala ang ngiti ni Melon pero kitang-kita ang kawalan ng tuwa sa mata niya. "Bakit ang ganda mo ngayon?"

Tumaas lang ang kilay ni Arjo sa pagbabago ng topic ni Melon. "Ikaw ba yung naglagay kay Zone sa kama?"

"Alam mo, 'pag nakikita kita, ang ganda ng araw ko," pagpapatuloy ni Melon. "Parang may tumutugtog na mga violin, parang may mga angel na bumababa sa heaven . . ." Inilipat niya ang tingin at pasimpleng hinanap si Lei sa paligid. Alam niya, may klase si Lei ngayon sa room na iyon "Everything is soooo . . . briiiight . . ." Patay. Walang Lei sa paligid. "Uy!" Tiningnan niya ang relo. "May klase pa pala 'ko!" Tumayo na siya sa kinauupuan at nginitian nang matamis si Arjo. "Sige, babes! Kitakits mamaya! Bye!" sabi niya sabay alis sa room na iyon.

Naningkit lang ang mga mata ni Arjo habang sinusundan ng tingin si Melon na paalis na. "Psh." Sumimangot lang siya at inilipat ang tingin.

Naalala niya bigla, classmate niya ang kuya niya, pero wala pa iyon sa room hanggang ngayon. Ilang minuto na lang half past eight na.

Kinuha niya ang phone at naisipang tawagan ang kuya niya.

"Hmm," nagdadalawang-isip siya ngayon kung tatawagan ba niya ang kuya niya. Matanda na iyon, hindi na iyon dapat pinapaalalahanan kung kailan ba dapat pumasok. "Tsk! Nasaan na ba 'yon?"



Nagsisimula na ang lesson nila sa Calculus, and as usual, sarado ang tainga ni Arjo sa sinasabi ni Miss Etherin. Puro tulog lang naman kasi ang ginawa niya sa klase. Pero ngayon, gising na gising naman siya pero iba naman ang iniisip. Tinitimbang kung dapat na ba niyang tawagan ang kuya niyang hindi pumasok ngayon sa klase. Nakailang lingon na siya sa pinto para hintayin ang kuya niyang lumitaw.

Tiningnan niya ang orasan sa room. 18 minutes na lang at tapos na ang klase nila.

Napasandal siya bigla sa upuan habang nakasimangot sa board. "Bakit ko ba hinahanap si Kuya? Pakialam ko ba kung papasok 'yon ngayon o hindi?" mahina niyang sinabi habang pinaniningkitan ng mata ang board at humalukipkip pa. "Pero di ba, pumasok si Kuya rito dahil sa 'kin? So dapat kung nasaan ako, nando'n din siya." Napapanguso na siya habang tumatango.

Lumipas ang isang buong klase na walang Max na nagpakita.

Nakatitig lang si Arjo sa phone niya at iniisip kung dapat na ba niyang tawagan ang kuya niya o hindi. Tumayo na siya at lumabas ng room.

"Hmm? Tatawag o hindi? Tatawag o hindi?" tanong niya sa sarili "Hmm . . ."

Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya. Huminto siya sandali sa paglalakad at pinindot ang call button.

"Owkeeey . . ." Itinutok niya ang phone sa tainga. "Go, Arjo. Kaya mo siyang kausapin. Go . . ."

"O, anong problema mo?"

"Ayp—" Nagulat si Arjo nang sagutin agad ng kuya niya ang phone. Ni hindi man lang hinayaang mag-ring. "A-a-a-ano k-k-kasi . . ."

"May problema ba?"

"B-b-bakit hindi ka p-pumasok kanina?!" galit na tanong ni Arjo kahit na nauutal habang nagpatuloy na sa paglalakad sa hallway.

"Pumasok si Miss Etherin?"

"O-Oo . . ." mahinahon na niyang tugon.

"Pinagalitan ka? Tinulugan mo?"

"Uy, hindi!" kontra niya agad.

"Hindi naman pala e."

Napahinto siya sa paglalakad at inisip kung ano pa ba ang dapat niyang itanong. Nauubusan na siya ng iisipin. Ayaw niya namang tapusin ang tawag. Kinagat niya ang kuko ng hinlalaki at tumingin sa ibaba.

"Nasan ka na ba kasi, Kuya?" malungkot niyang tanong

"Ano nga kasing problema?"

Sandaling nag-isip si Arjo kung ano nga ba ang problema.

Ang totoo, wala namang problema. Ginagawan lang niya ng problema ang sarili dahil sa hindi pagpasok ng kuya niya.

"Bakit ka absent?" malungkot na tanong ni Arjo at saka siya nagpatuloy sa paglakad.

"Baka may trabaho ako, ano?"

Napanguso agad si Arjo at pinalobo pa ang pisngi na parang batang nagtatampo. "Bakit di mo sinabing may trabaho ka pala?"

"Si Mama ka ba? Kung wala kang problema, patayin mo na yung call. Nagda-drive ako."

"Saan ka papunta?"

"Bakit ang dami mong tanong? Magpakita ka sa 'kin, di 'yang puro ka tago, tapos iingayin mo 'ko kung kailan may ginagawa ako."

"E kasi naman—Ugh! Oo na!" naiinis niyang sagot.

"Baliw. Sige na, bye."

"Okay . . ." malungkot na sagot ni Arjo at inilayo sa tainga ang phone nang ibaba ng kuya niya ang tawag.

Kahit kailan ang sungit talaga ng kuya niya.

"Hi, Arjo!"

Napaangat ng tingin si Arjo nang marinig ang pagtawag sa kanya. Pilit na pilit ang ngiti niya nang salubungin si Lei na papalapit sa kanya.

"Hi, Lei," walang gana niyang bati rito.

"Uy, tara sa mess hall! Lilibre daw tayo ni Melon ng lunch!"

Napasimangot agad si Arjo. Nabanggit na naman kasi si Melon. Pero nagbago agad ang hilatsa ng mukha niya nang maalala ang naiwan niyang tanong dito nito lang umaga tungkol sa kama ng kuya niya. "Nasa mess hall siya?"

"Uhm-hmm!" Nakangiting tumango si Lei.

"Tara!" Siya na ngayon ang naghatak kay Lei patungong mess hall. "May itatanong din ako sa lalaking 'yon e."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top