4: Labyrinth
Labingwalong taon na mula nang itatag ang HMU, at simula pa noon, isang professor lang naman talaga ang laging inaabangan ng mga estudyante roon.
Pumasok sa room 403 ang babaeng tatlumpu’t siyam na taong gulang ang edad, nakasuot ng black bodycon dress na sobrang ikli at hanggang hita lang ang haba na pinatungan niya ng red blazer. Nakapusod ang blonde nitong buhok at may salaming mataas na rin ang grado. Angat na angat ang cherry red lipstick nito dahil sa mestisang balat, at walang lalaking estudyante ang umiiwas sa kaisa-isang subject niya sa university na iyon. At kahit na nakasisira ng utak ang pagtuturo niya ng Calculus, ang dami pa ring kumuha ng subject na iyon dahil lang sa prof na nagtuturo.
Kanya-kanya nang ayos ang mga lalaking estudyante habang ang mga babaeng estudyante ay kulang na lang na maging chubibo ang mata kakaikot.
“So . . .” Tiningnan niya ang lahat ng estudyante niya sa room na iyon. Lampas sa tatlumpu ang naroon pero hindi naman umabot sa kuwarenta. “. . . siguro naman, may nakagawa ng homework n’yong pang-elementary lang.”
Napabuntonghininga na lang si Arjo dahil hindi niya alam kung paano ba kokopyahin ang homework na gawa ng kuya niya. Hindi niya alam kung saan sisimulan dahil wala siyang naintindihan doon kahit isa. Si Max naman, nakatulala lang sa labas ng bintana. Hinihintay na matapos ang klaseng iyon.
“Sino ang nakagawa? Raise your hands,” sabi ng prof.
“MA’AM, AKO!”
“Ako, ma’am! Furpect ’to! Pramis!”
“Ma’am, nako! Baka matawag n’yo ’kong Einstein dahil sa sagot ko!”
Another eyeroll mula sa mga babaeng estudyante.
Itinuro niya ang mesa para sabihin sa mga estudyante niyang ipasa nito ang mga homework nila. Agad-agad namang lumapit sa kanya ang mga lalaking estudyante na akala mo ay pinakawalan sa koral kung makasugod.
Lahat halos ng lalaki ay lumapit liban kay Max na hinihintay na lang na ipasa ng kapatid ang notebook niya.
Napansin agad ng prof si Max na nakatulala lang sa labas ng bintana. Hindi niya inalis ang tingin doon habang nagkakagulo pa rin ang iba sa pagpasa ng kanilang homework.
Pag-alis naman ng mga lalaki, parang mga zombie na tumayo ang mga babaeng estudyante at walang ganang nagpasa ng gawa nila.
Nalipat naman ang atensiyon ng prof kay Arjo na halatang namomroblema habang hawak ang isang black at isang pink na notebook. Nakasimangot si Arjo nang ilapag ang notebook sa pinakaibabaw ng mga ipinasa. Sinundan naman siya ng tingin ng prof niya. Nang makaupo na siya ay agad na kinuha ng guro ang notebook na black at aang pink na nasa ibabaw.
“Armida Josephine F. Malavega.” Halatang walang gana niyang binuklat-buklat ang notebook para maghanap pa ng ibang nakasulat. Kaso wala nang ibang nakasulat liban sa unahang page na may nakalagay na “I’m not a fan of Mathematics. And if this homework is only the introduction, I don’t want to know the next topic. You think it rhymes?” with smiley pa at LOL.
Napailing na lang siya dahil ang lakas ng loob ni Arjo para isulat iyon samantalang napaka-basic lang ng pinagagawa niya.
Parang wala lang na inilapag niya ang pink na notebook sa gilid. Sunod na binuklat niya ay ang itim na hawak. Tumaas ang kilay niya nang makita ang mga page na puno ng sagot at explanations with complete solutions pa.
“Maximilian Joseph . . .” Napangisi na lang siya dahil gaya ng inaasahan niya ang nakita sa notebook. “. . . Zach.”
Inilapag na uli niya ang notebook at tiningnan ang mga estudyante niya.
Si Miss Milicent Etherin, isa sa mga professor sa HMU. Isang subject lang ang tinuturo niya sa university na iyon. Nagtuturo na siya roon nang maging university iyon pero limang taon na rin noong huminto siya sa pagtuturo dahil sa kung anong dahilan na hindi naman nababanggit sa eskuwelahang iyon. Bumalik lang siya noong nakaraang taon hanggang sa academic year na iyon. At hindi niya inaasahang makikita niya bilang estudyante si Max ngayong semester sa klase niya.
“Sino uli yung mga bago rito sa subject ko?” tanong niya sa buong klase.
Nagtaas naman ng kamay ang pitong estudyante. Kasama na roon sina Max at Arjo.
“Sino yung mga irregular?”
Naiwan na lang na nakataas ang kamay nina Arjo at Max.
“Sino yung mga repeater?” tanong niya ulit.
At halos buong klase yata ang nagtaas ng kamay.
“Masyado n'yo naman yatang mina-master ‘tong subject ko,” nangingiti niyang sinabi at saka siya kumuha ng chalk para magsulat sa board nilang sa gitna ay white at ang magkabilang gilid ay green board.
“Calculus comes from Latin meaning small stone . . ."
At sa puntong iyon, wala nang nakikinig sa kanya.
Yung mga lalaki, tango nang tango, pero ang totoo, kung hindi ang katawan niya ang tinutulalaan, yung mukha naman niya. Yung mga babae, mga puyat. Mabilis pa sa alas-kuwatro na nakatulog.
Si Arjo, twice pa lang niyang napapasukan ang klase ni Miss Etherin simula noong lumipat siya. Thursday at Friday ang schedule. Friday na at ang utak niya, mukhang nasa dulo ng mundo na sa sobrang layo ng tinakbo.
Nakatakip ang kaliwang kamay niya sa noo habang kunwaring nag-iisip. Pero ang totoo, bumibigat na ang mata niya dahil nakakaantok ang math.
“What is the slope of the function y = x3 at x=1?”
Pagewang-gewang na si Arjo sa inuupuan dahil nakatulog na siya. Pinipilit niyang dumilat pero hindi niya magawa nang maayos. Antok na antok kasi siya.
Si Max naman, ang sama ng tingin sa prof niyang nagtuturo.
“And here we see the graph of y = x3. The slope is continually changing, but at the point (1,1) we can draw a line tangent to the curve and find the slope there really is 3 . . .”
Inilipat ni Max ang tingin kay Arjo na biglang nauntog ang ulo sa mesa niya dahil nakatulog na ito.
“Ugh, God.” Napa-facepalm na lang si Max nang magpunas ng laway ang kapatid habang lilingon-lingon pa sa paligid para tingnan kung tapos na ba ang klase. "Sarap mong batukan, Arjo . . ." inis niyang bulong sa kapatid.
Wala na talagang pag-asa si Arjo. Hindi niya alam kung ano na ang gagawin sa kapatid.
***
Naglalabasan na ang mga estudyante. Ang iba ay lilipat sa ibang room, ang iba ay uuwi na dahil iyon na ang huling subject nila, ang iba naman ay magbe-break muna at maghihintay ng next subject.
Alas-onse y medya na ng umaga.
Kung may natutunan man ang mga pumasok sa klaseng iyon, wala nang pakialam doon ang professor. Basta nakapagturo siya, ayos na.
Pinanonood ni Max na lumabas ang lahat ng estudyante bago siya lumabas. Wala siyang balak makipagsiksikan dahil hindi naman tatakbo ang pinto.
Nakita niya ang kapatid na tamad na tamad maglakad papalabas. Mamaya pang ala-una ang susunod nilang klase kaya malamang na kakain muna ang kapatid niya.
Nang makitang wala na ang mga kaklase niya ay saka siya tumayo para lumabas.
“You’re wasting your time."
Napahinto sa paglalakad si Max. Tiningnan niya si Miss Etherin na nag-aayos ng mga notebook ng mga estudyante niya.
“She’s made to die. And that’s her purpose.”
Napakunot ang noo ni Max dahil sa sinasabi ng guro. “Leave her alone.”
Natawa ito nang mahina at saka umiling. “I’ll leave her alone if you’ll accept my invitation.” Inilipat niya ang tingin kay Max. “At hangga’t hindi ka pumapayag sa offer ko, hindi rin kita titigilan.”
Lalong nainis si Max sa narinig. Lumapit agad siya sa teacher’s table at ibinagsak doon ang magkabilang kamay. “Leave. Us. Alone.”
Iniangat ni Miss Etherin ang mukha niya at pababang tiningnan si Max. “You can’t hide from me, Max. Your family can’t hide from us.”
Nanigkit ang mga mata ni Max sa babae. “Hindi ako interesado sa posisyong inaalok mo. Tigilan mo na ’ko. Tigilan mo na ang kapatid ko. At lalong tigilan mo na ang buong pamilya ko.”
Isang pang-asar na ngiti mula kay Miss Etherin. “Oh well, saka na natin pag-usapan ’yan.” Nagkibit-balikat na lang siya at ipinakita ang notebook ni Arjo. “Eto muna ang problemahin mo."
Hindi natanggal ang simangot na mukha ni Max at hinalbot ang notebook sa prof. Tiningnan niya ang pahinang nakabuklat.
“Kung ganyan nang ganyan ang gagawin ng kapatid mo sa subject ko, walang personalan dahil ibabagsak ko talaga siya.” Tumayo siya nang maayos at saka nagkrus ng mga braso. “Iba ang trabaho ko bilang professor at trabaho ko bilang Superior."
Napapikit na lang sa inis si Max nang makita ang nakasulat sa notebook ng kapatid. Nasa harap na nito ang sagot! Binigay na nga niya ang notebook para kopyahin nito ang homework nila! Pati ba naman ang napakasimpleng bagay na iyon, ni hindi pa nito nakopya?
Ang talino talaga ng kapatid niya. Sobra.
“Now, kung wala kang gagawing paraan sa bagay na ’yan, makikita at makikita mo pa rin ako dahil hindi ko siya paaalisin sa subject ko hangga’t hindi siya pumapasa.”
Napabuntonghininga na lang si Max at ibinato sa mga patong-patong na notebook ang hawak.
Sa bagay na ito, hindi niya pwedeng isisi kay Miss Etherin ang lahat. Dahil kahit siya, aminadong may sa pagong ang utak ng kapatid niya. At kung siya ang prof nila, malamang na kahit singko, hindi niya bibigyan si Arjo.
Naglakad na lang siya palabas sa room na iyon dahil sa inis.
Inis sa pandedemonyo sa kanya ng prof niya at inis sa pagiging engot ng kapatid.
Kaya bago pa man tuluyang masira ang araw niya, hahanapin na niya ang kapatid niyang engot para sermunan.
Mabilis niyang kinuha ang phone at dumaan sa walang makakarinig sa kanya.
"Ano na naman, Kuya?"
"Hoy, bobo. Nasaan ka?" inis na tanong niya.
-----
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top