31: The Cure
Hindi talaga maisip ni Arjo kung bakit napadpad sa bahay niya sina Melon at Lei. Nagtanong siya kung may pasok ang mga ito pero nagsabi naman na wala. Kahit paano, nagpapasalamat siya na may bisita siya sa araw na iyon dahil bagot na bago na siya, pero sa dinami-rami naman ng bibisita, kasama pa si Melon samantalang nabubuwisit siya rito.
Pababa na ng second floor ang tatlo, nauuna si Arjo habang nasa likod niya sina Melon at Lei.
"Nailagay mo?" bulong ni Melon sa kasama.
"Oo, sa loob ng unan," sabi ni Lei.
"Good. Hahanapin ko yung device, alam mo nang gagawin mo," ani Melon at humiwalay na sa kanila at agad na tiningnan ang smartwatch para malaman kung nasaan ang device na inilagay kinagabihan lang ng mga tauhan ng isang Superior na kinakalaban ang mag-asawa. Kailangan niyang mahanap iyon kundi mapapahamak si Zone kapag na-expose ito sa mataas na radiation.
Samantala sa ibaba, dumiretso agad si Arjo sa ref para tingnan kung ano ang puwedeng lutuin.
"Hindi pa pala nakakapag-grocery si Papa," sabi ni Arjo habang tinitingnan ang loob ng ref. "Mamaya pa dapat siya maggo-grocery e."
Nilingon niya si Lei sa likuran na nililibot ng tingin ang buong lugar habang papalapit sa kanya.
"Walang laman ang ref namin. Anong lulutuin mo?" tanong ni Arjo.
Nilapitan naman siya ni Lei at nakisilip sa loob ng ref.
Maraming laman ang lalagyan ng prutas at gulay. Nangangalahati ang tray ng itlog, may mga carton ng gatas pa. May limang klase ng juice, marami ring laman ang chiller, puno pa ang freezer ng mga karne. May dalawang box ng cake pa na hindi nagagalaw.
"Kung 'yan ang walang laman sa 'yo, ano na lang kung meron na?" takang tanong ni Lei habang nakatingin sa loob ng ref.
Kapag kasi hindi marunong magluto, kahit maraming maluluto, sasabihin wala.
"May bigas ba kayo rito?" tanong ni Lei na kumukuha na ng puwedeng maluto roon.
"Bihira kaming mag-rice, palaging couscous or macaroni," sabi ni Arjo. "Pero may rice na naluto kanina si Papa na hindi naubos kaya ulam na lang ang lulutuin."
"Okay." Inilapag na ni Lei sa mesa ang isang balot ng bacon at kumuha siya ng dishware para paglagyan doon sa walong pirasong sausage.
"Teka, saan na yung Melon na 'yon?" tanong ni Arjo habang nililingon ang paligid.
"Ha? Ah . . ." Sandali pang nag-isip si Lei ng palusot. "Baka nagbanyo."
"E di sana nagtanong siya kanina kung saan. Baka kung sana pa pumunta 'yon."
Samantala . . .
Ilang pinto lang ang nasa second floor kaya hindi siya nahirapan hanapin ang kuwartong hinahanap niya. Lumalakas na ang tunog ng suot niyang relo.
Binuksan niya ang isang puting pinto na may nakalagay na pangalang Zone.
"Hello," mahina niyang pagtawag habang tinitingnan ang paligid. Nagtuloy na siya sa loob nang walang sumagot.
Maaliwalas sa buong kuwarto. Maraming laruan. Puro laruan, iba't ibang klaseng stuff toy at building blocks. Pero mas maraming mga educational board, limang klase ng world map sa dingding at may iba't ibang klase ng sukat ng globe—ang pinakamalaki ay ang nasa kanto malapit sa pinto na four feet ang taas, at isang bookshelf na puro encyclopedia. Maliban doon, may isang mini tent din sa loob, at ang kama ay malaking polar bear na doble sa sukat ng tao. Para siyang nasa loob ng isang stuff toy land. Sa isang sulok, naroon ang computer na customized pa dahil blue bear's fur din ang cover ng monitor at nakabalot sa fluffy blue fur ang CPU.
Lalong lumalakas ang tunog ng relo niya. Nilibot na niya ang buong kuwarto para matapos na ang gagawin niya.
"Seriously?" sabi niya.
Ang iniisip niya, nakatago iyon. Pero nakuha niya ang device sa nightstand katabi ng bear bed na nakalagay sa isang teddy bear. Katabi iyon ng malaking alchohol for disinfectant. Binutas niya ang stuff toy at nakita sa loob ang isang maliit na makina na kasing laki lang ng kahon ng posporo. Ang lakas ng tunog ng relo niya kaya agad niyang itinapon sa may bintana ng kuwarto ang nakuha.
"Who are you?"
Gulat na napalingon si Melon. Nakatayo sa may pintuan ng banyo si Zone at poker-faced na nakatingin sa kanya.
Inilayo niya saglit ang tingin para piliin ang magiging reaksiyon at saka ibinalik uli sa bata. "Hi!" masaya niyang bati. Mabilis siyang nag-dispense ng alchohol sa kamay at pinunasan iyon gamit ang panyo sa bulsa. Nilapitan niya ang bata at umupo para pumantay sa height nito. "Ako si Kuya Melon, classmate ako ni Ate Arjo."
"Melon?" pag-uulit ni Zone. "Like the fruit?"
"Yes, Melon like fruit. Do you know me?" nakangiting tanong ni Melon at tinatantiya kung kilala siya ng bata dahil naroon na siya noong mabuhay ito.
Umiling naman si Zone sa tanong niya.
"Good," sagot niya at nakahinga nang maluwag. "What's your name?"
"Zone!" masayang sagot ng bata.
"Hi, Zone! How are you feeling?"
Biglang ngumuso ang bata na parang nagtatampo. "Mama hates me."
"Oh, your mama hates you? Why?"
"Josef slept in her room last night."
Nagtaka si Melon sa sinusumbong ng bata. "Josef?" takang tanong niya dahil hindi tinawag na Papa ni Zone ang ama nito. "You don't want Josef to sleep with your mama?"
Mabilis na tumango si Zone habang nakanguso.
"Aaaaah!"
Isang malakas na sigaw ang narinig ni Melon mula sa baba kaya agad siyang napatayo. Nakarinig pa siya ng mga nababasag.
"Damn it." Binuhat niya agad si Zone at inilabas ng kuwarto nito.
Si Zone naman, nakatitig lang sa mukha ni Melon na sobrang seryoso.
Sinilip ni Melon ang ibaba, natanaw niya nang kaunti si Lei na kino-cover si Arjo doon sa dalawang lalaking nakaitim at may maskara.
"Problema talaga." Dali-dali siyang pumunta sa kuwarto ni Max na hindi naman naka-lock. Ibinaba niya sa kama si Zone at saka niya ito pinatingin nang diretso sa kanya. "Zone, just stay here and behave, ha?" mahinahon niyang sinabi
Wala namang sinagot sa kanya si Zone. Lumapit naman siya sa wallclock na nasa gilid lang ng pinto at tinanggal iyon sa pader. Bumungad sa kanya ang isang itim na buton at pinindot niya iyon. Unti-unting lumubog ang kama ni Max kaya nilapitan na niya si Zone. "Babalik din si Kuya Melon ha. Just wait for me, okay?"
Tumango naman si Zone habang unti-unting bumababa sa sahig.
"High five," sabi ni Melon at itinaas ang kanang kamay. Nakipag-apir naman sa kanya si Zone bago pa magsara ang sahig para takpan ang kamang nakalubog na.
Mukha nang ligtas doon si Zone. Sa tingin niya, kailangan na niyang tulungan naman ang mga nasa baba.
Samantala . . .
Ang sama ng tingin ni Josef kay Mr. Xerces habang hinahanda ang gamot na ibibigay nito kay Jin. Dumoon sila sa ward, sa may hospital bed na ibabaw ng baywang nila ang taas, nakahiga roon si Jin at nakatingala lang sa kisame at hindi umiimik.
Nakatayo lang si Josef sa gilid ng kama, nakahalukipkip at binabantayan ang asawa niya. Hindi talaga siya komportable sa nakikitang ginagawa ng doktor. Ang daming warning ng box na dala nito. Ang akala niya, tabletas na iinumin pero hindi. May maliit na syringe itong hinahanda at isang maliit na botelyang inilabas mula sa kahon.
"Jin, are you sure about this?" paninigurado ni Josef habang nakatingin kay Jin.
"Kung gusto mong makita ang asawa mo, magtiwala ka na lang at tumahimik ka," ani Jin sa mababang tinig.
Napasulyap si Josef kay Mr. Xerces na sinulyapan din siya dahil sa sinabi ni Jin. Mabilis siyang nag-iwas ng tingin at nagbuntonghininga.
"Walang available na tablet kaya naghanap ako ng injectible," paliwanag ni Mr. Xerces habang kumukuha ng tamang dami ng gamot sa maliit na botelya at sinasalin sa syringe. "Five ml lang muna ang ibibigay ko sa 'yo ngayon. Five ml lang ang standard dosage nito sa tao, dodoblehin ko lang para malaman kung allergic ka ba sa gamot. Magsabi ka kung may kakaiba ka bang nararamdaman after three minutes."
Hindi umimik si Jin. Kay Josef humingi ng sagot si Mr. Xerces. Tumango lang si Josef para sabihing ituloy na niya ang gagawin.
Kumuha ng in vitro needle si Mr. Xerces at itinusok sa likod ng palad ni Jin. Tinapalan niya iyon ng medical tape para hindi matanggal at doon niya itinurok ang gamot sa maliit na syringe.
Wala pa ring imik si Jin habang ginagawa ang proseso. Kung tutuusin, masakit ang ginagawa sa kanya pero hindi man lang siya kumikibot.
Tumingin agad sa orasan si Josef para bilangin ang tatlong minuto.
Nagligpit ng ibang gamit si Mr. Xerces habang nagpapalipas ng minuto.
Pasado alas-diyes na, nag-aalala na rin si Josef dahil malamang na ang bunso nila sa bahay, naghahanap na sa mama nito. Hindi pa naman ito sanay na wala sa paligid si Armida.
Mabilis lang ang tatlong minuto, binalikan na ng doktor si Jin. "Ano'ng nararamdaman mo? Mas kumalma ka ba? Naiinitan?"
"Wala namang nagbago," kaswal na sagot ni Jin.
Tumango lang ang doktor at kumuha agad ng panibagong 5 ml dosage ng gamot.
"Hindi ba siya malalason diyan?" nag-aalalang tanong ni Josef sa doktor.
"Actually, dapat by this time, nakatulog na siya."
"Jin, okay ka lang ba?" tanong ni Josef sa asawa.
"Josef, sinabi ko na, at alam kong alam mo na hindi normal ang katawan ng asawa mo."
"But this drug has a lot of red flags."
Nagbaba ng tingin si Jin at halatang naiinis na rin kay Josef dahil sa kakulitan nito. "Gusto mo bang makatikim ng gamot na 'to?"
"But—" Napahimas agad ng noo si Josef at hindi na nakapagsalita pa. Nagtaas na lang siya ng magkabilang kamay, umupo sa isang folding chair na nandoon at sumuko na lang.
Pinanood na lang niyang iniksyunan na naman ang asawa niya. Nag-aalala talaga siya. Kung noon, gustong-gusto niya itong dalhin sa psychiatrist; ngayon, sobrang kabadong-kabado na siyang dalhin ito sa kahit sinong doktor na hindi taga-Citadel.
"Mr. Zach, mukhang umeepekto na ang gamot," paalala ni Mr. Xerces. Tumayo na si Josef at sinilip ang asawa. Nakapikit na ito di gaya kanina.
"Ano ba dapat ang reaction ng mga binibigyan ng gamot na 'yan?" usisa ni Josef.
"Pinapakalma lang dapat niyan ang pasyente," sagot ni Mr. Xerces. Para lang 'yan sa mga nagwawalang pasyente. Pinatutulog ang consciousness para matahimik kaya nagdadalawang-isip din akong ibigay sa kanya. Mukha naman kasi siyang kalmado. Hindi lang natin masabi kung gano'n din ba sa loob ng utak niya."
Naghintay pa sila nang ilang minuto habang nakatingin dito. Ilang saglit pa, dumilat na ulit ito.
"Jin?" alalang tawag ni Josef.
Pumaling sa kanan ang ulo nito at para nang pagod ang mga mata nito. "Pahingi nga ng tubig."
"Nauuhaw ka ba?" tanong ni Mr. Xerces.
"Saan ka ba nakakita ng nanghihingi ng tubig pero hindi nauuhaw?" Ang sama ng tingin niya nang ilipat sa doktor. "Ikaw yung antipatikong prof ng anak ko, di ba?"
"Oh my god," parang may malaking bagay na naalis sa dibdib ni Josef dahil alam na niyang iyon na ang asawa niya. "Armida, how are you feeling?"
Biglang lipat ng tingin ni Mr. Xerces kay Josef dahil mukhang kabisadong-kabisado nito ang asawa.
"Nasaan na yung tubig ko?" nanghihina nitong utos.
"Wait! I'm-I'm gonna go get your water. Wait for me."
Mabilis na pumasok si Josef sa likurang bahagi ng clinic kung nasaan ang quarters ni Rayson kapag may emergency. Alam niyang may ref ito roon. Hindi naman siya nabigo dahil may stock roon ng alkaline water at kumuha siya ng isang bote.
Samantala, nakatitig lang si Mr. Xerces kay Armida. Aamin niyang hindi kapani-paniwala ang kaso nito—unang beses magmula nang maging rehistradong doktor siya.
Pansin niyang nanghihina ito. Malamang na gawa ng gamot na itinurok niya.
"Nauuhaw ka lang ba, Mrs. Zach?" curious na tanong ni Mr. Xerces.
"Ikaw ba ang may gawa nito sa 'kin?" tanong ni Armida.
"Ang sabi mo, ikaw si Jin at nanghingi ka ng gamot para ilabas ka," sagot nito.
"Tama lang ang ginawa mo," ani Armida at pumikit saglit.
"Armida, ito na ang tubig," dulog agad ni Josef at binuksan ang boteng dala. Inilapag niya iyon sa mesang katabi ng kama at ibinangon ang asawa niya. Kinuha niya agad ang tubig at ibinigay rito. "Nanghihina ka ba? Nahihilo? Nagugutom? Anong nararamdaman mo?" sunod-sunod niyang tanong.
Nilagok agad ni Armida ang tubig at inubos ang kalahating litrong laman ng bote. Inabot niya iyon kay Josef para itapon nito agad.
"Anong oras na?" tanong ni Armida.
"Half past ten," sagot ni Josef.
"Sinong kasama ni Zone?"
"Si Arjo."
"Si Max?"
"Nagpaalam na may meeting."
"Iniwan mo yung mga bata sa bahay?" inis na sinabi ni Armida. Pansin na basag ang boses niya na parang bagong gising lang. Kinampay niya ang mga kamay para alalayan siya ni Josef.
"Armida, hindi ka pa ayos," naghalo na ang pag-aalala at inis sa boses ni Josef habang inaalalayan ang asawa niyang bumaba sa kama.
"Yung mga anak natin ang isipin mo kung nasa ayos ba." Tinapunan niya ng masamang tingin si Mr. Xerces na nakatingin sa kanya. "Ipadala mo agad sa admin office ng HMU ang professional fee mo at official receipt ng gamot. Babayaran ko agad kahit magkano." Inilipat niya ang tingin kay Josef. "Tara na."
Hindi na nagsalita si Mr. Xerces, pinag-iisipan niya kung paano ba ang gagawin sa pasyente niya. Puwede naman na itong pauwiin dahil mukhang maayos na ito. Iyon nga lang, gusto niyang pag-aralan ang kaso nito. Mukhang hindi naman ito ang tipo ng tumatakbo sa responsibilidad kaya puwede niya itong makausap ulit kapag sinabi niyang kailangan na nitong magbayad. May paraan pa para magkita ulit sila.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top