27: Unusual Morning

Sabado na, at ang aga gumising ni Josef para magluto ng agahan. Si Armida ang gumagawa niyon simula nang magsama sila ulit pero dahil hindi ang asawa niya ang nasa katawan ngayon, wala siyang magagawa kundi ang gawin ang tipikal na ginagawa nito.

Nagsibabaan na ang mga batang Malavega para kumain ng almusal.

Naabutan nila na si Josef ang nagluluto at hindi ang mama nila.

"Pa, nasaan si Mama?" bungad ni Arjo nang makitang tapos nang mag-asikaso si Josef at inaayos na lang ang mesa. Alas-siyete at kung ang mama nila ang nasa kusina, malamang na naghihintay pa rin sila ng niluluto nito dahil mabagal itong kumilos.

"Tulog pa yata," sagot ni Josef.

Pinanood na lang niya si Zone na masayang tumungo sa puwesto nito na gilid lang ng puwesto ni Armida sa mesa. Bagong ligo lang din ito na ikinataka niya.

"Zone, who took you to your bath time?" usisa ni Josef at inabutan ng isang basong gatas ang anak.

"Kuya Max did, Josef," sagot nito sabay higop ng gatas.

Napatango na lang si Josef. Mukhang maaga ring nagising ang panganay niya.

"Pa, ano'ng nangyari kay Mama kagabi?" takang tanong ni Arjo at biglang napangiti dahil hindi lang basta french toast ang tinapay nila sa mesa. Ham sandwich na iyon na binalot ng melted parmesan cheese. Kumuha agad siya ng isa at tinikman. "Uhm . . ." Halos mapapikit siya sa sarap habang nginunguya iyon. "Papa, dapat ikaw na lang lagi magluto, mas masarap ka pa magluto kaysa kay Mama!"

Nagtaas ng hintuturo si Josef at matipid na ngumiti. "Ang Mama mo ang gustong magluto, I have to let her cook."

Ilang saglit pa, bumaba na rin si Max na bagong ligo na rin at nakabihis ng smart casual attire. Simpleng light blue folded-sleeved shirt na naka-tuck in sa isang cream-colored trouser. Naka-brush pa ang buhok nito at inaayos ang suot na black leather watch.

"May lakad ka, Maximilian?" tanong ni Josef sa anak bago lapagan ng chocolate drink si Arjo.

"May kakausaping kliyente, Pa," katwiran ni Max na hindi man lang inabalang tingnan ang ama.

"Anong oras ka uuwi? Magco-commute ka?"

"Probably. I used the car yesterday para ihatid si Mama kay Uncle Ray. I hope that didn't count since I'm still grounded to use my own vehicle." Umupo na lang siya sa puwesto niya katapat ng upuan ni Arjo.

Kumuha siya ng isang sandwich sa mesa na gaya ng kinakain ni Arjo at kumagat nang malaki. Nakakadalawang nguya pa lang siya nang matigilan at mapatingin doon sa hawak na tinapay.

"Ang sarap magluto ni Papa, di ba?" nakangising sinabi ni Arjo sa kanya habang ngumunguya ito.

Sumasabog sa bibig ang lasa ng ham at keso. Pero may nalalasahan pa siyang nagbabalanse sa alat. Hindi niya alam kung gatas ba o asukal. Hindi pa siya nakakatikim ng luto ng papa niya, pero masasabi niyang di-hamak na mas magaling itong magluto kaysa mama niya.

Ilang saglit pa, nilapagan na siya ni Josef ng isang tasang kape.

Si Armida ang madalas gumawa niyon, ngayon lang din niya naranasang ipagtimpla ng kape pero ama niya ang gumawa. Tiningnan niya ang ibang mga kapatid. Naroon ang favorite milk ni Zone, ang chocolate drink ni Arjo, at ang kape niya.

Humigop siya ng mainit na inumin at natigilan na naman dahil hindi instant coffee ang nalalasahan niya. Mas mabango rin ang aroma ng kape at mas matapang kaysa hinahanda ng mama niya. Mas gusto niya ang mas matapang ang lasa gaya ng iniinom niyang espresso sa mga coffee shop. At ganoon ang lasa ng kapeng gawa ng papa niya.

"Good morning, Mama!" masayang bati ni Zone sa mama niya pagkakita rito sa may hagdan.

Kanya-kanya silang lingon sa direksiyong iyon.

Nabitiwan ni Arjo ang hawak na sandwich habang nakanganga nang makita ang mama niya na nakasuot ng itim na dress. Long-sleeved pa iyon at flowy na hanggang binti ang haba. At higit sa lahat, nakayapak pa. Nakalugay rin ang mahaba buhok nitong hanggang baywang na ang sukat at madalas nitong pinupusod dahil abala nga raw sa mukha. Wala silang makitang kahit anong ekspresyon sa mukha nito. Para itong nakatingin sa kawalan habang naglalakad.

"Uh . . . a-attend ba ng lamay si Mama?" tanong ni Arjo.

Sinundan lang nila ito ng tingin hanggang sa makaupo ito sa puwesto sa dining table. At kahit ang pag-upo nito, mabagal din at mahinhin.

Biglang buga ng hininga ni Josef at lumapit na sa mesa. Tumayo lang siya sa gilid ng asawa para makausap ito. Ayaw na niyang magtanong dahil parang kilala na niya kung sino ang asawa niya ngayon.

"Jin," pagtawag niya rito.

Nagkapalitan ng tingin sina Arjo at Max. Nagtatanungan kung ano yung sinabi ng papa nila.

"Nahihirapan siyang bumalik," panimula ni Jin sa mas malamig at mababang tinig.

"What do you mean by nahihirapan siyang bumalik?" takang tanong ni Josef sabay halukipkip.

"Bigyan mo siya ng dahilan para bumalik dito," sabi pa nito.

Si Max, hindi tinanggal ang tingin sa mama niyang sobrang seryosong di-mawari. Parang hindi iyon ang mama niya.

"Kuya, ano problema ni Mama?" bulong ni Arjo.

Walang isinagot si Max. Hindi rin kasi niya alam ang nangyayari.

"Mama . . ." Lumapit si Zone sa kanya para mag-request ang kaso . . .

"'Wag mo 'kong tawaging Mama," seryosong utos ni Jin kay Zone at hinawakan sa dibdib ang bata para hindi na ito makalapit pa. "Wala akong anak."

"Jin," pag-aawat agad ni Josef.

Inangat ni Jin ang mukha para salubungin ang tingin ng lalaki. "Alam mo dapat kung bakit ayaw niyang magpagamot, Josef. Sinabi ko nang walang doktor ang makagagamot sa kanya. Sana hindi n'yo na sinubukang iligtas pa siya."

Napatungo si Josef at napasulyap sa panganay niyang nakatingin din sa kanya.

"Alam mo kung paano siya makakabalik?" seryosong tanong ni Josef.

"May paraan. Kailangan ko ng doktor," sabi ni Jin at tumayo na. Idinako niya ang tingin kay Arjo na nakatitig sa kanya habang ngumunguya—animo'y para siyang isang magandang pelikulang pinanonood.

"Magkikita pa ulit tayo . . . Arjo."

Napahinto sa pagnguya si Arjo at nanlaki ang mga mata. Sinundan lang niya ng tingin si Jin na maglakad patungo sa sala.

"Kuya," pagtawag niya kay Max habang nakalingon pa rin siya. "Kuya, narinig mo 'yon?" Saka niya inilipat ang tingin kay Max na nakataas ang kilay sa kanya.

"Anong 'yon?" tanong pa nito.

"Magkikita pa raw ulit kami," sabi ni Arjo. "Sabi ni Mama, magkikita pa raw ulit kami?"

"Jo, walang sinabi si Mama."

"Hindi! Meron, narinig ko!"

"Bobo, wala. Nakita mong nagsalita si Mama?"

Umiling agad siya. "Hindi."

"Kita mo 'yan?" sarcastic na tugon ni Max.

Samantala, si Zone, kinagat ang labi at humikbi na dahil iniwasan siya ng mama niya.

"Zone . . ." Lumapit na si Josef sa bunso niyang anak para patahanin ito. Umupo siya para pantayan ang height ng bata. "Mama's not feeling well, okay? Don't be sad."

Kinusot ni Zone ang mata niya kahit wala namang luhang lumalabas. "It's your fault, Josef! You slept there last night!" sigaw niya sa papa niya.

Yumuko na lang si Josef para ilayo ang tingin sa anak niyang sinisisi siya dahil sa nangyayari ngayon kay Armida.

"I hate you! Mama doesn't love me anymore! It's your fault!"

Kahit paano ay masakit din kay Josef na ayaw sa kanya ng anak niyang bunso. Sa lahat ng kilala niyang bata, ito lang talaga ang ayaw sa kanya. Pero kahit na ganoon, sinasakyan na lang niya ang nangyayari at tinitiis at pinagpapasensyahan ang ugali nito.

"Yes, Zone. It's Papa's fault, okay. Don't cry . . ." mahinahong sinabi ni Josef sa anak at saka niya ito binuhat para iupo sa upuan nito. "Mauna na kayong kumain. Susunod na lang kami ng mama n'yo." At umalis na siya ng kusina para kausapin si Jin na lumipat sa sala.

"Kuya, di kaya nababaliw na si Mama?" careless na tanong ni Arjo habang kumukuha ng panibagong sandwich na luto ni Josef. "Kagabi pa 'yon e."

Si Max, hindi alam kung ano ang ire-react sa sinabi ni Arjo na walang kaide-ideya sa nagaganap.

"Ang freaky n'yo talaga lahat," dagdag pa nito sabay subo sa tinapay. "Buti pa 'ko."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top