25: The First Wife
3 hours ago . . .
"Aaaaaahh!"
Isang malakas na tili ang bumungad kay Arjo kaya iniatras niya ang mukha para lumayo roon sa bibig na gusto na niyang pasakan ng bamboo stick dahil sa lakas ng sigaw.
"Hahaha! Natakot ka ba?" natatawang tanong ng isang babae. Hinagod naman siya ng tingin ni Arjo. Naka-jacket na pink, naka-maong na shorts na medyo gutay-gutay na ang laylayan, naka-gladiator sandals, at base sa itsura e kaedad lang ng kuya niya ang babae. Tiningnan niya ang mukha nito, pansin niya ang pulang cord ng suot nitong earphone na nakatago sa loob ng jacket.
"Sino ka ba?" masungit na tanong ni Arjo sabay taas ng kilay.
Tinanggal ng babae ang kanang earbud niya at nginitian si Arjo. Nagpakita maging ang ngipin nitong naka-brace. "I'm Xylamea." Inalok pa niya ang kamay para makipagkilala.
Tinasaan lang ni Arjo ang kamay ng babae at humalukipkip lang para sabihing hindi niya tatanggapin iyon.
"Anyway," binawi na lang niya ang kamay. "Dito ba nakatira si Max-y dear?" tanong ng babae sabay beautiful eyes.
Max-y dear? Wow! Another psychotic fan ni Kuya.
"Kung yung tinutukoy mo e yung lalaking laging naka-itim at laging pinagkakaguluhan ng mga babae . . ." Itinuro niya ang bahay na nasa dulo ng kanto ng block nila. "D'on 'yon nakatira. Doon sa green na bahay. Mali ka ng binuwisit, psh, istorbo . . ." At saka siya umismid sabay sara ng pinto.
Pagsara ng pinto . . .
Isinuot uli ng babae ang earbud niya.
"Sav, nailagay mo?" tanong niya sa kabilang linya.
"Yes. Sigurado ka ba rito?"
"Mahina si Leanna. Dapat matagal na niya 'tong ginawa." At saka siya naglakad paalis sa tapat ng bahay ng mga Malavega.
>>
Quarter to ten na nang makauwi si Max sa kanila. Mabilis ding nagpaalam si Rayson dahil kailangan talaga nitong bumalik sa clinic para asikasuhin ang mga nangyari sa ospital at sa stock ng dugo ni Arjo na natira doon.
Pagbukas ng pinto ng bahay . . .
"Kuya!" Napatayo agad si Arjo na nakaupo sa may sofa sa sala.
"O, bakit gising ka pa?" malamyang tanong ni Max.
"A-Anong—" Nagtataka naman siyang tiningnan ni Arjo. May benda kasi siya sa braso, may punit ang ilang parte ng damit, may mga pasa sa mukha at ilang maliliit na sugat sa leeg.
"Anong nangyari sa 'yo? Naaksidente ba kayo?! Aaay! Kuya naman! Sabi kasi ni Papa 'wag ka nang mag-drive, di ba! Ganito rin nangyari sa 'yo noon e! Ang kulit mo kasi! Si Mama? Anong nangyari kay Mama?!"
Napa-eyeroll na lang si Max dahil sa reaksiyon ng kapatid.
Dahan-dahan siyang umupo sa sofa at sumandal doon. Tumingala siya at ipinikit ang mga mata. Gusto niyang magpahinga kahit sandali lang.
"Kuya!" Umupo si Arjo sa tabi niya. Kitang-kita sa mukha nito ang pag-aalala. "Magsalita ka nga! Ano bang nangyari?!"
"Si Zone . . . tulog na ba?" mahinang tanong ni Max.
"Hindi pa nga e. Nandoon sa taas. Hindi raw siya matutulog hangga't wala si Mama!" inis na sinabi ni Arjo.
Napabuntonghininga na lang si Max at idinilat nang kaunti ang mga mata.
"Pahingi nga ng tubig."
"Psh." Umismid muna si Arjo bago tumayo para kuhanan ang kuya niya ng tubig.
Ngayon, paulit-ulit na nagpapakita ang imahe ni Armida sa isipan ni Max. Ang nakakatakot na tingin na iyon. Ang pagnanasang mapatay siya. Siguro nga, sanay siyang nagbabatuhan sila ng mama niya ng kahit anong madampot nito sa bahay nila, pero hindi naman iyon umabot sa puntong desidido itong mapatay siya. At hindi lang iyon, nagpakilala itong si Erah.
At ang naramdaman niya kanina pagdating ng papa niya. Ang ginawa nito sa mama niya kaya napatulog niya ito.
Napalunok siya dahil sa naisip. Iyon ang isa sa gusto niyang matutunan pero pilit na iniiwas ni Josef ang sarili sa pagtuturo sa kanya.
Mukha ngang normal ang mga magulang niya sa isang tingin, pero iba ang nasaksihan niya kanina.
Alam na niya kung anong klaseng tao ang mga ito. At tanggap niya iyon. Ang hindi niya naisip ay may nakakikilabot na parte pala ang mga magulang niya na noon lang niya nakita simula nang magka-isip siya.
"O, Kuya." Iniabot sa kanya ni Arjo ang isang basong tubig na hinihingi niya.
Kinuha ni Max ang tubig at uminom.
"Kuya, si Mama?" mahinang tanong ni Arjo habang pinanonood ang kuya niyang uminom.
Sinaid ni Max ang lahat ng laman ng baso at saka ito inilapag sa mababang mesang kaharap. "Magkasama sila ni Papa."
"Okay lang ba si Mama?"
Tiningnan ni Max ang kapatid. Isang pilit na ngiti ang ibinigay niya at saka niya t-in-ap ang ulo nito. "Okay na si Mama."
Nakarinig sila ng yabag ng paa mula sa taas at bumungad sa kanila si Zone na may yakap na puting unan na mas malaki pa sa kanya.
"Kuya, where's Mama?" inosenteng tanong ni Zone.
Sumenyas si Max na lumapit ang kapatid. Tumakbo naman si Zone papalapit sa kanya.
"Agh—" Kahit napapangiwi sa sakit, binuhat pa rin niya si Zone at kinandong ito sa kanang hita niya. Kinuha naman ni Arjo ang dalang unan ng kapatid.
"Zone . . ." mahinahon niyang sinabi. "Pagdating ni Mama, behave ka ha?"
"Where is Mama?" malungkot na tanong ni Zone habang nakatingin sa mukha ng kuya niya.
Isang malalim na pagbuntonghininga ang napakawalan ni Max at saka pinilit ang sariling ngitian ang inosente niyang kapatid. "Hintay lang tayo a. Dadating din si Mama."
Hinawakan niya ang ulo ni Zone at saka niya isinandal ang ulo nito sa balikat niya. "Uuwi rin si Mama, kaya mag-sleep ka na ha?" Hinagod niya ang buhok ni Zone at saka sinilip ang mukha nito.
Malungkot namang tumango ang bata.
>>
Ang inaasahan ni Josef, matatagalan bago maging okay ang asawa niya, pero lahat ng sugat nito, wala pang ilang oras, nawala na. Pina-discharge na lang niya ito para makauwi na sila.
Mabuti na lang at galing siya sa opisina kaya dala niya ang kotse pauwi sa bahay nila. Tinawagan niya si Rayson at sinabi nitong hinatid na nito si Max sa kanila.
Pasado alas-diyes na ng gabi at wala nang mga tao sa kalsadang dinadaanan nila.
"Josef, saan ba 'tong lugar na 'to?" tanong ni Jocas habang nakatingin sa dinadaanan nilang kalsada. Ang daming makukulay at magagandang Christmas decors ang natatanaw niya sa mga magagarang bahay na naroon. Angat na angat iyon sa kalaliman ng gabi. "Lumipat ba kayo ng bahay?"
"Kailangang lumipat," sabi ni Josef sabay tingin sa dulo ng mata niya para makita ang asawa niya sandali. "By the way, nasa Grei Vale tayo."
Nanlaki ang mga mata ni Jocas at agad na nilingon si Josef. "Vale?"
"Yeah."
"At kailan pa naging ganito ka-colorful dito sa Vale?!" gulat niyang tanong kay Josef. "Pumayag siya?"
"Two decades ago, pinaayos ni Armida 'tong Vale at binuksan as semi-private village. Exclusive pa rin naman. Kompleto sa mga establishment. Nagpagawa siya ng mall, ng school, ng sarili niyang ospital. Hindi siya pumayag magpagawa ng bahay na mas mataas pa sa four-storey houses, prone kasi sa sniper. Malaki naman 'tong buong lugar. Nakatira kami ro'n sa up-and-down block."
"Oooh . . ." Napatango-tango naman si Jocas sa sinasabi ni Josef. Hindi niya kasi alam iyon.
"Wala ka bang alam d'on?" tanong ni Josef sa kanya.
"Uhm . . ." Tumingin siya sa itaas para kalkalin sa utak kung meron nga ba siyang alam doon. "Wala akong matandaan."
Hindi na rin umasa si Josef na may maaalala si Jocas. Alam niyang may problema ang memorya ng asawa niya. At sobrang tagal na panahon na noong huli niya itong nakita bilang si Jocas.
"Paano ka pala nakabalik, Jocas?" usisa niya rito.
Pumaling paharap sa kanya si Jocas at tiningnan siya. "May ginawa sila sa kanya kaya hindi kami nakabalik agad."
Tumango si Josef. Alam niya ang tungkol doon. May binibigay si Laby na gamot kay Armida. Ini-inject iyon kada buwan para ma-maintain ang mga alter nito. Ang alam niya, para iyong sedative na may iba pang component na ang inaalis lang ay mga memorya ni Armida na magiging trigger dito para maalala ang masamang nakaraan nito.
"Pero may nakapagbukas ng Terminal kaya kami nakalabas," dagdag ni Jocas sa kuwento nito.
Huminto na ang kotse sa parking lot ng isang bahay na may nag-iisang bukas na ilaw sa pintuan. "Terminal?" tanong niya kay Jocas.
Mabilis naman itong tumango. "You'll know about that someday." Binuksan na rin ni Jocas ang pinto dahil mukhang naroon na sila. "Wow, sa ganito kayo nakatira? Ayaw n'yo sa mansyon?" Nilingon niya si Josef para alamin ang sagot nito. Kasasara lang nito ng pinto ng kotse.
"Okay, Jocas, ganito . . ." Lumapit na si Josef sa asawa at hinawakan niya ito sa magkabilang balikat saka diretso itong tiningnan. "Act normal, okay? Bawal ma-shock or mag-react nang exaggerated."
Nakangiti namang tumango si Jocas sa kanya sabay tanong ng "Bakit?"
Parang bumagsak ang pag-asa ni Josef dahil sa tanong na iyon. Akala pa naman niya, naintindihan nito ang sinabi niya.
"Alam mong may mga anak kami, di ba?"
Biglang napatakip ng bibig si Jocas na talo pa ang nag-propose sa harapan niya ang lalaki dahil sa pagkabigla. "Si Max?"
"Uhm, yes," tumango naman si Josef. Mabuti dahil kilala pala ni Jocas si Max.
"OH MY GOOOSH! GUSTO KONG MAKILALA YUNG ANAK N'YO!" excited na tili ni Jocas at bigla itong kumaripas ng takbo papasok sa loob ng bahay.
"Jo—" Hindi na natapos pa ni Josef ang pagtawag dahil wala nang Jocas ang natatanaw ng mata niya.
"Oh God." Ngayon, nakaramdam si Josef na parang ang laking problema ng mangyayari.
Mabilis niyang sinundan si Jocas para maabutan ito at makapagpaliwanag.
Naabutan niya roon ang mga anak na gising pa at nakatingin sa ina nilang hawak-hawak ang pisngi nito.
"Ma!"
"Mama!"
Tumakbo agad si Zone at tumayo sa harap ni Jocas.
"Mama!" masaya nitong pagbati.
"OH!" Umupo si Jocas para ipantay ang height niya sa height ni Zone. "Hello, Max! Oh my gee! Kamukhang-kamukha mo si Josef! Ang cute-cute mo naman!" At pinanggigilan niya ang pisngi ng bata. "Bakit gising ka pa? Gabi na a! Ay! Di ba dapat maaga matulog ang mga bata? Mmm?"
Sabay na tumaas ang kilay nina Arjo at Max sa narinig sa mama nila.
"Uhm . . ." Yumuko naman si Josef para bulungan si Jocas. "Hindi 'yan si Max."
"Ha?" Gulat na tiningnan ni Jocas ang asawa at saka inilipat ang tingin kay Zone na poker-faced lang na nakatingin sa kanya. "E . . . sino 'to?" sabay turo kay Zone.
"Si Zone 'yan," mahinang sinabi ni Josef.
"Aaah, Zone pala . . . Akala ko si Max na." Tumayo na si Jocas at hinanap si Max sa paligid. "E si Max, nasaan na? Max . . . Maaaax . . ." Lumingon-lingon pa niya para makita ang hinahanap.
"Ma, nandito 'ko," sabi ni Max na nasa kaliwang gilid lang ni Jocas at nakatayo malapit sa hamba ng pintuan.
Naka-smile naman si Jocas nang tiningnan ang binata. "Teka . . ." Itinuro niya si Max habang nakatingin kay Josef. "Sino 'to?"
Lumapit naman si Josef sa kanya at bumulong ulit. "Siya si Max."
"Aaaah, Max . . ." Tumango pa siya at hinagod ng tingin si Max. "Ikaw pala si Max . . ." Tumango pa ulit siya nang lapitan ito na parang kinikilatis pa ang anak. "Guwapo kang bata a. Nakuha mo kay Milady yung mata. Pati yung kutis. Saka yung kilay din. Pati rin pala yung labi. Hmm, medyo hindi kayo hawig ni Josef, pero kahawig mo ang mama mo. Hmm . . . Max . . ."
Napahinto siya at gulat na tiningnan ang mukha ng binata.
Nagtakip na ng tainga si Josef at umatras nang kaunti.
"Aaaaaaahh!"
Napatakip ng tainga si Arjo at napaatras si Max dahil sa tili ni Jocas na sobrang tinis.
"Ikaw si Max?!" Tinakpan niya agad ang bibig dahil sa sobrang shock. "OWEMGEE!" Isa pang hagod ng tingin. "Aaaaah! Ang guwapo mo!" Hinawakan niya ang pisngi ni Max at saka niya inilibot ang tingin sa lahat ng anggulo ng mukha nito. "Josef! Eto na ba yung anak n'yo?! Gandang lalaki! Ang guwapo pala 'pag pinaghalo yung mukha n'yo ni Milady!"
Hindi naman alam ni Max ang ire-react dahil may pasa ang mukha niya tapos balak pa iyong lamukusin ni Jocas.
Isang hopeless headshake na lang ang nagawa ni Josef habang hawak ang noo. Ito na nga ba ang sinasabi niya. Kahit kailan, napaka-OA talaga ni Jocas.
"Ngayon lang kita nakita tapos ang laki mo na!" Sinukat niya ang height niya at height ni Max. Matangkad lang ito nang ilang pulgada sa kanya samantalang dalawang pulgada lang ang kulang niya bago mag-anim na talampakan. "Mas matangkad ka pala sa personal! Nakakaloka ka!" Tiningnan niya ang ayos nito. Nawala ang saya niya nang mapansing parang idinaan sa shredder si Max. "Teka. Anong nangyari sa 'yo? Nakikipagbugbugan ka ba?" tanong niya sabay pamaywang.
"Ma, I'm fine," poker-faced na sagot ni Max. Hindi niya alam ang sasabihin, lalo pa't ito rin mismo ang may gawa ng mga sugat niya.
"Fine? Max, sino ang may gawa niyan sa 'yo? Sabihin mo at papatayin ko agad." Nilingon niya si Josef na may nanunukat na tingin. "Pumapayag kang nakikipagbugbugan ang anak n'yo? Agent na ba 'to? Tanggap ko 'tong pasa kung galing ng mission 'to."
"Jo—" Pinigilan ni Josef ang sariling tawagin ito sa pangalan sa harap ng mga anak. "Let me explain."
"Pa," tawag ni Arjo. "What's happening?"
Nalipat naman ni Jocas ang tingin kay Arjo. "Oh my . . ." Inilipat niya uli ang tingin kay Max. "Are you two . . . ?" Papalit-palit ang turo niya kay Arjo at kay Max.
"Yes, Ma," sagot agad ni Max.
"May girlfriend ka na agad?!" gulat pang tanong ni Jocas at napatakip na naman ng bibig. "OH. MY. GOSH."
"HA?!" sabay-sabay pa nilang nasabi dahil sa narinig.
Tumapat agad si Jocas kay Arjo. "Oh, you're so beautiful." Ngumiti siya nang matamis at pinagdaop ang mga palad. "Mukha kang pamilyar." Inalok niya ang kamay kay Arjo. "Hi, ako ang Mama ni Max."
"Uh . . ." Tinaasan lang ni Arjo ng kilay ang kamay ng mama niyang balak makipag-shake hands. "Ma, I'm Arjo . . ."
"Arjo! Nice name!" Siya na ang humalbot ng kamay ni Arjo at puwersahan niya itong kinamayan. "Hello, nice to meet you, Arjo."
Lahat sila, napanganga.
"Ma, kapatid ko si Arjo," paalala ni Max dahil mukhang hindi sila nakikilala ng sarili nilang ina.
May ngiti pa rin sa mukha si Jocas nang tingnan si Max. "Sinong kapatid mo?"
"Si Arjo," sagot ng binata sabay turo sa kapatid na babae.
Unti-unti namang inilipat ni Jocas ang tingin kay Arjo na iba na ang tingin sa kanya.
"Aaaah . . ." Napatango na lang si Jocas at binitiwan na ang kamay ng dalaga.
Dahan-dahan siyang umatras at saka hinatak si Josef sa kanto ng pinto ng sala.
Yumuko siya at pinayuko na rin si Josef.
"Anak ko raw yung Arjo. Anong ibig sabihin n'on?" bulong ni Jocas.
"Anak mo nga si Arjo pati si Zone," sabi ni Josef.
"Talaga?" Parang nalito naman si Jocas sa sinabi ni Josef. "Pero ang alam ko, isa lang ang anak niya. Saan galing yung dalawa?"
"Uhm . . ." Hindi naman alam ni Josef ang isasagot. Ayaw niyang magpaliwanag ngayon dahil pagod na siya. Mahabang kuwento pa naman kung paano nabuo sina Arjo at Zone.
"Josef, don't tell me—" Isang malungkot na mukha ang iginawad niya kay Josef. "Oh my god . . . You can't do that to me, Josef . . ." At bigla siyang humagulgol.
"Oh, God . . ." Napa-faceplam na lang si Josef dahil sa nangyayari.
"I can't believe it! Nambabae ka! My god, Josef! How dare you!" Tinakpan niya ang mukha at doon ulit humagulgol ng iyak. "I always thought hindi ka babaero! You lied to me!"
"Jocas . . ." Niyakap niya agad ang asawa at itinago ito sa view ng mga anak niyang windang din sa nangyayari. "Hindi gano'n 'yon, mali ka ng iniisip."
"E saan galing 'yang dalawa?!"
"It's a long story, okay. Mahirap mag-explain ngayon . . ."
"Anak mo ba 'yan sa labas?!"
"Well . . ."
"Anak mo nga sa labas?! How could you?!"
"Anak natin. Hindi lang anak ko. Natin, okay? Anak natin."
"E isa lang ang anak ko e!"
"Ssshh . . . Tahan na. Mamaya ako mag-e-explain." Sinenyasan niya ang mga anak niyang umakyat muna sa taas. "'Wag ka nang umiyak, ha? Mag-aalala lang sa 'yo yung mga bata."
Tumango na lang ang mga ito habang kakaiba ang tingin sa kanilang dalawa ni Jocas.
"Kuya, naka-drugs ba si Mama?" tanong ni Arjo. "Bakit biglang ang sakit na sa tainga ng boses niya?"
Si Max, hindi naman alam ang isasagot. Isa rin siya sa nawindang. Unang beses niyang nakitang ganoon kaligalig ang mama niya.
"Itulog mo na lang 'yan.Masakit na yung ulo ko para sumagot sa kahit anong tanong," nanghihinang sabini Max. "Tara, Zone. Doon ka muna sa kuwarto mo matulog," sabi niya sa kapatidna buhat-buhat.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top