23: Alter

Tuwang-tuwa si Arjo sa bago niyang dress pag-uwi niya sa kanila. Alas-singko pasado na at nasa bahay na sina Zone at Armida.

Naabutan nina Max ang mama nila na nasa sala at may kinakausap sa laptop nito.

Dire-diretso si Arjo sa kuwarto ni Zone para makigamit ng computer nito. Grounded pa rin ang mga gadget niya at isang buwan pa ang aabutin para magkaroon siya ng sariling gadget. Gusto niyang maipamalita sa mga friend niya ang tungkol sa bago niyang damit.

Samantala si Max, hinintay munang matapos ang mama niya bago kausapin. Tumayo lang siya sa likuran ng sofa habang nakaharap sa ina.

"O, may kailangan ka?" tanong ni Armida habang nakatutok pa rin sa laptop.

"Ma . . ." Sandali siyang natigilan. Napahugot muna siya ng hininga at inipon muna ang lahat ng hangin sa bibig. Nagdadalawang-isip siya kung sasabihin ba niya o hindi.

"Mmm?" si Armida naman, naghihintay ng sasabihin ng anak.

"Kapag ba may ginawa 'kong hindi n'yo gusto, magagalit ba kayo sa 'kin?" malungkot na tanong ni Max habang nakatungo.

Tumaas naman ang kilay ni Armida sa kilos ng anak niyang panganay.

"Ano'ng ginawa mo? Hindi naman siguro 'yan yung tinutukoy ni Arjo na kinidnap siya."

Nanlaki naman ang mga mata ni Max at gulat na tiningnan ang Mama niyang nakataas ang kilay sa kanya.

"Sinabi ng Papa mo sa 'kin na pinahiram niya yung kotse sa 'yo last Wednesday. Tatanungin sana kita kung bakit hindi ka umuwi no'ng Miyerkules pero nag-explain na ang Papa mo, at kung 'yon ang tinutukoy mo, don't worry dahil okay na 'yon."

Kilay naman ni Max ang tumaas dahil sa sinabi ni Armida.

Ang sabi ng Papa niya noong araw na 'yon, huwag aamin kahit pa pilipitin ni Armida ang leeg niya. Tapos sinabi nito sa Mama niya ang lahat? Magulo ring kausap ang papa niya kung minsan.

Hindi tuloy alam ni Max ang ire-react.

Hindi naman iyon ang gusto niyang sabihin kundi ang tungkol sa blood transfusion, pero wala rin naman siyang balak sabihin ang nangyari kay Arjo noong Wednesday.

"May kailangan ka pa?" tanong ni Armida.

"Ha? Ah—" Napayuko na lang si Max at nahawak sa bridge ng ilong niya. Parang nanlata siya nang di-oras.

"Saan nga pala kayo galing ni Arjo. Mukhang masaya yung kapatid mo a."

Sinulyapan niya sandali ang mama niya at saka siya napabuntonghininga.

Iyon nga sana ang gusto niyang sabihin. Ang kaso, mas mabuting saka na lang niya kakausapin si Armida tungkol sa blood transfusion.

Ngumiti nang pilit si Max at tiningnan ang ina. "Binilhin ko lang siya ng dress na gusto niya."

Kumunot ang noo ni Armida sa sinabi niya. "Binilhan mo? At magkano na naman ang ginastos mo para doon sa damit niya?"

"15."

Napatayo sa kinauupuan niya si Armida at akmang aalis doon. "Nagpabili na 'yon ng tatlo no'ng Sabado, nagpabili na naman ngayon? Ilang beses ba niya kailangang magbihis ng dress sa isang buong linggo?"

"Ma! Hayaan mo na!" Pinigilan siya agad ni Max bago pa makaalis doon. Mamaya ilaglag pa siya ni Arjo dahil doon sa dress.

"Anong hayaan?" tanong ni Armida sa anak. "Max, 'yang kapatid mo, masyadong magastos, ha. Nasasanay na 'yan."

"Hayaan mo na, Ma. Regalo ko 'yon kaya 'wag mo nang isipin," mahinahong sinabi ni Max.

Nagkrus naman ng mga braso si Armida at saka mataray na tiningnan ang anak.

Napayuko na lang si Max para iiwas ang tingin sa ina.

"Gusto kong makausap ang kapatid mo." Tumalikod na si Armida at tumungo na agad sa hagdan.

Nagulat si Max sa sinabi ni Armida kaya hinabol niya agad ito. "Ma!" Pinilit niyang pigilan ang mama niya na makaabot sa kuwarto ni Arjo. "Ma naman! Masama na bang bilhan si Arjo ng damit?"

"Hindi nga masama. Gusto ko lang kausapin yung kapatid mo. Itatanong ko kung bakit kailangan niyang magpabili ng bagong damit," sabi ni Armida habang tuloy-tuloy lang sa paglalakad.

"Ugh!" Napaikot ng mga mata si Max at hinarangan ang pinto ng kuwarto nang makaabot sila roon.

"Max," mariing sinabi ni Armida.

"Ma, nagbibihis pa 'yan," katwiran ni Max.

"So?"

"Gift ko nga yung dress! May problema ba r'on?" pagpipilit niya.

"Kahit pa gift mo, ang gusto kong malaman e kung bakit?" Itinulak niya nang malakas pagilid si Max kaya naalis ito sa tapat ng pinto. Wala nang katok-katok pa, binuksan agad ni Armida ang pinto. "Arjo!"

Napakunot agad ng noo si Armida dahil wala roon si Arjo.

"Ma!" pag-awat na naman ni Max at nakuha pang hatakin ang braso ng ina pero tinapik lang nito ang kamay niya.

Mabilis na tumungo si Armida sa kuwarto ni Zone at pagbukas niya ng pinto, naabutan niya roon si Arjo sa tapat ng computer ni Zone.

"Armida Josephine!"

Napalingon agad si Arjo sa ina at napahinto sa pag-co-computer.

"Ma?" Napatayo agad si Arjo at gulat na tiningnan ang mama niyang nakataas ang kilay sa kanya habang nakapamaywang. Nalipat ang atensiyon niya sa kuya niyang nasa likod nito at tinalo pa ang traffic enforcer sa paggawa ng hand sign.

"Bakit nagpabili ka na naman ng damit, ha?" masungit na tanong ni Armida. "Kulang pa ba yung binili ko sa 'yo no'ng Sabado?"

"Uh . . ." Palipat-lipat naman ang tingin ni Arjo sa mama niya at sa kuya niya sa likuran nito.

Pinilit niyang basahin ang sinesenyas sa kanya ni Max.

"Uh . . ." Tingin kay Armida, tapos tingin kay Max. "Kasi . . . sa kanto . . . may poso . . . at . . . brasong . . . putol? Ha? Kuya, ayusin mo nga! Di ko maintindihan! Anong ibig sabihin ng ganito?" At gumawa siya ng sign na tsina-chop-chop ang ang braso niya nang tatlong beses.

Napa-facepalm na lang si Max dahil ang engot talaga ng kapatid niya.

"Bobo . . ." hopeless na binubulong ni Max.

"Uhm!" Isang hampas tuloy ang natanggap ni Max mula kay Armida.

"Ma! Why?!" di-makapaniwalang tanong ni Max sa nanay niya habang hawak ang brasong napalo.

"Why-why ka pa diyan! Kayong dalawa, ha!" naiinis na sinabi ni Armida habang palipat-lipat ang turo niya sa dalawa niyang anak. "Ano na namang kalokohan ang binabalak n'yo?"

"Ha?" Hindi naman ma-gets ni Arjo kung ano ang binabalak daw nila ng kuya niya.

"Wala naman kaming binabalak! Ma naman!" tanggi agad ni Max.

"Wala? Wala, ha?" Hinampas niya uli ang braso ni Max pero sinalag agad nito ang kamay niya.

"Ma!" inis na bulyaw ni Max.

"Isa, Maximilian!" Umunday na naman ng sapok si Armida sa ulo ni Max, pero sinalag na naman nito ang kamay niya at tinapik iyon palayo.

"Ma naman, ano ba 'yan?" Lalo lang naiinis si Max dahil talagang gusto siyang saktan ng ina.

"At talagang lumalaban ka na?" Naningkit bigla ang mga mata ni Armida at inihakbang ang kanang paa at idiniretso ang mga palad para pabagsakin si Max mula sa isang atake sa balikat.

Mabilis na tinapik ni Max pataas ang palad ng ina at idiniretso lang din niya ang palad at itinapat sa leeg ni Armida ang dulo ng daliri niya sa leeg nito, sunod sa ibabaw ng dibdib, sunod ay kinuyom niya ang kamao para puntiryahin ang gitna ng dibdib nito. Iyon nga lang, iniwan lang niya ang kamao sa tapat ng damit nito.

"Ma, tama na," banta niya sa ina. Hindi ito kumilos. Tiningnan lang siya nito na para siyang isang napakawalang kuwentang taong humahamon dito. Ni hindi kababakasan ng takot ang mga mata nito, na kung tutuusin, sa tatlong atake niyang iyon, kayang-kaya na niya itong pabagsakin. Siya tuloy ang napalunok.

"Ang papa mo, hinding-hindi gagawin 'to para pigilan ako," mariing sinabi ni Armida habang tinatantiya sa titigan ang anak.

"Ma, hindi ako si Papa!" mariin ding sagot ni Max. "And when I say enough, enough."

Maangas na napangisi si Armida dahil sa sinabi ng anak sa kanya. "Inuutusan mo ba 'ko, Maximilian Joseph Zach?"

Humakbang nang isa si Max papalapit kay Armida at sinubukan itong labanan sa titigan. "I said enough!"

At mukhang masyado nang seryoso si Max. Ultimo si Arjo na nanonood sa sagutan nila ng ina, napahawak sa dibdib nito dahil biglang lumakas ang kabog niyon. Parang sinasakal ang lalamunan ni Arjo habang pigil na pigil ang paghinga. Nagtitindigan ang balahabo niya sa katawan at gumapang ang kilabot mula sa binti niya, patungong braso, paakyat sa batok.

Napapikit bigla si Armida at napahawak sa dibdib. Ang lakas ng kalabog doon na naririnig niya hanggang sentido. Huli niyang naramdaman iyon, matagal na panahon na. At si Shadow lang ang alam niyang nakagagawa nang ganoon. Parang lumilindol at kinukuha sa direksiyon ni Max ang huwisyo niya.

"Ma?" nag-aalalang pagtawag ni Max nang mapansing parang babagsak si Armida. Inalalayan niya agad ito para huwag itong bumuwal.

Biglang napahinga nang maluwag si Arjo sa hindi niya malamang dahilan. Naroon pa rin ang malakas na kabog ng dibdib niya pero at least, nakahinga na siya nang maayos.

"Ma!" sigaw ni Max na ikinaalerto ni Arjo.

Biglang bumagsak si Armida at tumulo agad ang dugo sa ilong.

Nanlaki ang mga mata ni Max nang makita ang dugong biglang tumulo sa ilong ni Armida.

"MA!" Sinalo agad ni Max ang nanay niya bago pa ito bumagsak.

"Mama! Kuya, anong nangyari?!" Lumapit agad si Arjo at tiningnan ang mukha ng mama niyang maputla.

"Jo, tumawag ka kay Papa, dali!"

Ang kaso, sa sobrang pagpa-panic ni Arjo, nagpaikot-ikot lang siya sa gilid habang kagat-kagat ang kuko ng hinlalaki.

Binuhat agad ni Max ang mama niyang nawalan na ng malay.

"Jo, ano ba?!"

"Saglit lang, Kuyaaaa!" Mabilis na tumakbo si Arjo papalabas at halos talunin ang hagdan.

Sumunod na lumabas si Max ng kuwarto para dalhin ang mama niya sa clinic ni Rayson. Alam niyang dito lang ito magagamot.

Mabilis na tinungo ni Arjo ang telepono sa sala sa ibaba lang ng hagdan at tiningnan ang maliit na phonebook sa gilid. D-in-ial niya agad ang linya ng papa niya sa opisina para makausap ito.

"Jo, buksan mo muna yung pinto!" utos ni Max pagkababa ng hagdan.

"Saglit lang, Kuya, tumatawag pa 'ko!" nagpa-panic na sagot ni Arjo.

"Buksan mo muna!" Lalong lumakas ang sigaw ni Max.

"Ano ba 'yan, Kuya?! Di ko na alam gagawin ko!" Papaling-paling si Arjo sa magkabilang direksiyon, hindi alam kung saan pupunta.

"Jo, ano ka ba naman?!" Lalo pang nadagdagan ang inis ni Max.

Binaba muna ni Arjo ang telepono at binuksan muna ang pinto sa sala.

"Buksan mo yung pinto ng kotse ko, dali!" utos ni Max.

Natigilan si Arjo at tinitigan lang ang mukha ng kuya niyang puno ng pag-aalala.

"Arjo, ano ba?! Kanina ka pa!" reklamo ni Max.

"E sabi ni Papa, bawal ka mag-drive, di ba? Grounded ka pa e!"

"Dadalhin ko si Mama kay Uncle Ray! Ano, paglalakarin mo 'ko?!"

"Ano ba 'yan, Kuya, naman kasi!" Walang magagawa si Arjo kundi ang sundin ang kuya niya. Mamamatay na ang mama nila, kung ano-ano pa ba ang iisipin niya?

Tinakbo na niya ang papunta sa likod ng bahay nila. Hinatak niya agad ang cover ng isang black 1969 Ford Mustang Mach 1.

"Ugh! Ugh! Ugh!" Napaubo na lang siya dahil tambak ng alikabok ang cover. Paghawi niya ng alikabok sa mukha ay napa-wow agad siya dahil kahit na tatlong taon nang ban ang kotse para sa kuya niya na pinangangarera nito noon, mukha pa rin itong bago pagkatapos ng nangyaring iyon.

"Ano na?!"

Napalingon si Arjo nang makita ang kuya niya sa likuran.

Dali-dali niyang binuksan ang backseat at doon inilapag ni Max ang walang malay na si Armida.

"Tawagan mo na si Papa! Si Zone, 'wag mong hahayaang makalabas ng bahay, ha!" Binuksan na niya ang pinto ng driver seat. "'Wag ka ring magpapapasok ng kahit sino! Kapag may naghanap sa 'tin, sabihin mo, hindi mo kilala!" At sumakay na siya ng sasakyan.

Nag-drive na agad si Max papunta ng ospital.

Binuksan niya agad ang communication device ng kotse at lumabas sa may dashboard ang isang maliit na screen. D-in-ial niya agad ang number ni Rayson para makausap.

"Come on, Uncle Ray . . ." mahina niyang binubulong habang pasanda-sandaling tinitingnan ang Mama niya na wala pa ring malay "Answer the phone . . . please . . ."

"Hello?"

"Uncle Ray, nag-collapse si Mama!"

"Max?"

"Dadalhin ko diyan sa clinic si Mama!"

"Ha? Okay, wait, calm down. Anong oras siya nawalan ng malay?"

"Mga . . ." Sinulyapan niya ang oras sa screen. "Eight minutes na!"

"8 minutes . . . Dalhin mo agad sa hospital sa likod ng clinic. Idiretso mo sa OR. Sabihin mo, walang papapasukin doon liban kina Jessica at Fred. Papunta na 'ko."

"Sige."

At binaba na ng kabilang linya ang tawag.

Paghinto ng kotse sa tapat ng ospital, sinalubong agad sila roon ng isang babae at lalaking nurse. Kinuha nila agad si Armida at inilipat sa isang stretcher.

Pinanood ni Max na dalhin ng mga ito ang mama niya papunta sa loob ng ospital.

Iniikot ni Max ang kotse at dumiretso sa may parking lot.

Nang mai-park ang kotse ay dumiretso na siya sa loob ng ospital.

Marami siyang nakikitang mga pasyente sa dinaanan. May mga nakikita rin siyang naghihintay sa waiting area na nandoon. Itinanong niya sa nurse station kung nasaan si Dr. Rayson Dee at sinabing nasa OR ito na nasa third floor.

Nang makapunta sa itinurong lugar sa kanya ay huminto na lang siya sa tapat ng isang puting pinto na may OR sa itaas na umiilaw na pula.

Hingal na hingal siya habang sinisilip ang maliit na salamin ng pinto. May isang hallway pa bago makapasok doon sa kuwarto kung nasaan ang mama niya.

Matagal na panahon na noong huling mag-collapse ang mama niya nang wala ang papa niya kaya hindi niya talaga alam kung ano ang gagawin. Kapag kasi dumudugo ang ilong nito o kaya nawawalan ng malay, si Josef na agad ang bahala sa lahat. Ang gagawin lang niya, bantayan ang mga kapatid.

Tatlong oras na ang lumilipas . . .

Nakaupo si Max sa waiting area na katapat ng pinto ng operating room.

Halos magka-stiff neck na siya kalilingon sa pinto, naghihintay na sana ay lumabas na si Rayson para sabihing ayos na ang mama niya.

"Aaaah!"

Napatayo siya nang makarinig ng malakas na sigaw mula sa loob. Agad siyang umilip sa may pinto.

Nakita niya ang tatlong taong tumatakbo papalabas ng OR. Isa roon si Rayson. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang isa sa mga tumatakbong nurse na bumagsak. Binuksan niya agad ang pinto ng OR at tumakbo papalapit sa mga naroon sa loob.

"Don't go inside!" pagpigil sa kanya ni Rayson.

"Si Mama! Ano'ng nangyari kay Mama?!" alalang tanong ni Max.

"I don't know if—" Napahinto si Rayson sa pagsasalita nang bigla siyang hinatak ni Max pakaliwa at sinalo nito ang isang scalpel na dapat ay tatama sa kanya.

Halos lumuwa ang mata ni Rayson at nanlambot nang ma-realize na muntik na siyang tamaan ng hawak na scalpel ni Max.

Iniabot ni Max ang panghiwa sa doktor. "'Wag kayong papasok." Itinulak niya ito papalabas ng pinto ng OR at isinara iyon.

"Max!"

Tinakbo na ni Max ang hallway papasok sa kuwarto kung saan ginagamot ang mama niya.

Pagpasok niya sa loob . . .

"Mama."

Nakita ni Max ang ina na pilit hinahatak ang isang hemostat sa dibdib ng isang lalaking nurse. May dugo pa ang gitna ng braso nito. Tiningnan niya ang buong kuwarto, hindi ganoon kaliwanag at iniilawan lang ng isang puting ilaw na nasa itaas ng kama. Hindi ganoon kagulo sa buong lugar, pero alam niyang nagkaroon ng kaunting komosyon. Nakatumba ang pinaglalagyan ng mga gamit pang-opera. Kalat-kalat ang mga nakapatong dapat doon.

Nilipat nito ang tingin kay Max na gulat na nakatingin sa kanya.

"At sino ka naman?" mataray na tanong ng babae. Tumayo na siya at pinagpag ang kamay niyang duguan habang hawak ang bagay na kinuha niya sa dibdib ng nurse.

"M-Ma . . . Anong—Anong nangyari . . ." Hindi naman makapaniwala si Max sa nakikita.

"Ma?" Napangisi ito at napatango. "Ikaw pala ang unico hijo niya." Kinuha niya ang isang scalpel na naiwan sa operating table. "Magaling. Siguro masaya ka na dahil ikaw ang sumira ng katawan ng magaling mong ina." At saka niya ibinato ang scalpel kay Max.

Sinalo lang niya nang walang kahirap-hirap ang papalapit na panghiwa at dali-dali niya itong sinugod para pigilan.

Hinawakan niya ito sa braso pero tinabig lang nito ang kamay niya. "Mama, ano bang nangyayari sa 'yo?!"

"'Wag mo 'kong matawag-tawag na Mama dahil wala akong anak!" Kinuha niya ang braso ni Max at saka niya ito ibinato sa mesang pinaglalagyan ng gamit ng mga doktor.

Nagkalansingan ang mga metal na bumagsak sa sahig dahil sa pagkakatama rito ng lalaki.

"Agh!" Napabaluktot ng katawan si Max dahil sa sakit ng pagkakatama ng likod niya sa mesa.

"Ikaw ang may kasalanan kung bakit nahihirapan ang katawang 'to." Kinuha niya ang kuwelyo ni Max para itayo. "At malamang na ikaw ang dahilan kung bakit ako mamamatay." Tinuhod niya ang sikmura ni Max at saka niya ito binalibag sa may pintuan.

Isang malakas na kalabog ang umingay pagkatama ng katawan niya sa pinto. "Ugh! Ugh! Ugh!" Napaubo si Max ng dugo dahil sa ginawa ni Armida sa kanya. Pumutok ang dulo ng labi niya at nakagat pa niya ang loob ng pisngi. Napaluhod siya dahil sa sakit habang hawak ang tiyan.

"Ikaw at ang magaling mong ama ang dahilan kung bakit hindi na magtatagal ang katawang 'to." Lumapit siya kay Max at akmang sisipain ang mukha nito pero nasalag agad ni Max ang paa niya at hinatak ito.

Natumba tuloy ang babae pero hindi umabot ang katawan niya sa sahig dahil itinukod niya agad ang kamay at buong puwersang inangat ang sarili. Lumukso siya nang isang beses at diretsong tumayo pagkalapag ng paa sa sahig.

Tumaas ang kilay niya habang nakatingin kay Max na masama ang tingin sa kanya habang tumatayo.

"Don't tell me, lalabanan mo 'ko?" tanong niya sabay ngisi nang masama. "Wala pang nakakatalo sa 'kin, baka lang hindi 'yon sinabi sa 'yo ni Milady."

"Ibalik mo ang mama ko!" seryosong utos ni Max sabay dura ng dugo sa gilid.

"Huh!" Pinalitan niya ang expression ng nakakaawa. "Oh, poor child . . . you gave us a favor to track you down. Soon, we'll be back and it's all because . . ." Itinuro niya ng nakapilantik na hintuturo si Max. ". . . of you."

"Ibalik mo ngayon din si Mama!" sigaw na utos ni Max at saka niya kinuha ang isang metal rod na sabitan ng dextrose sa gilid niya.

Umangat lang ang dulo ng labi ng babae at saka niya sinipa pataas ang isang forceps na nasa paanan. Umikot iyon sa ere at sinalo niya ito gamit ang kaliwang kamay bago ibinato nang malakas kay Max.

Sinangga lang ng lalaki ang panghiwa gamit ang hawak na metal rod.

"You can't fight me, kid! I'm Erah, and nobody dares to fight me!" sigaw ng babae at saka niya kinuha lahat ng scalpel sa isa pang mesa na nandoon. Ibinato niya ang tatlong scalpel kay Max na sinalag lang nito isa-isa gamit ang hawak na bakal. Ang kaso, may isang nakalusot at nahiwaan ang braso nito.

"Argh!" Hinampas ni Max ang hawak kay Armida. Sinalo lang ng kaliwang kamay nito nang walang kahirap-hirap ang bakal at agad na ipinaikot sa braso para lalong higpitan ang pagkakahawak.

Pinipilit hatakin ni Max ang metal rod pero nananatiling mahigpit ang pagkakahawak dito ng babae.

"Any last words?" nakangising tanong nito habang pinaiikot sa mga daliri niya ang mga natitirang scalpel at handa nang pakawalan.

"Bring . . . my mother . . . back!" sigaw ni Max sa kanya. Hinatak niya ang metal rod kaya napahakbang pasulong ang babae. Agad din niya itong binitiwan kaya napaatras naman ito.

Nanlaki ang mga mata ng babae nang makita sa mismong harapan niya si Max na nakatayo at hawak ang kanan niyang pulsuhan.

"Argh!" Isasaksak sana niya ang mga scalpel kaso wala nang kahit ano sa kamay niya.

Tiningnan niya nang masama si Max at sinakal na lang ito dahil wala na siyang kahit anong hawak. Ibinaon niya ang mga kuko sa leeg nito.

"Ma! Please! Stop this!" Pilit na iniinda ni Max ang sakit ng ginagawa ng mama niya sa kanya.

"I'm not your mother!" Binawi nito ang kamay niyang hawak ni Max at kinuha niya ang parte ng damit nito saka buong lakas niyang hinagis sa may pinto.

"Agh!" Napabulagta si Max sa may sahig at pinilit pa ring tumayo kahit na hindi niya kaya.

Hingal na hingal na ang babae. Dumodoble na ang paningin niya. Nagsisimula na siyang mapagod. Patuloy ang pag-agos ng dugo sa braso niya. Pinulot niya sa may operating table ang isang mahabang plastic na tubo na naka-konekta sa dextrose. Ipinaikot niya iyon sa magkabila niyang kamay. Hindi na niya kayang ibato nang may lakas ang kahit anong mahawakan kaya sasakalin na lang niya si Max. Doon may tsansang mapatay pa niya ito.

Dahan-dahan siyang lumakad papalapit dito na pulit-ulit nang dumulas sa tiles na sahig dahil sa dugong nasa sahig at ilang pawis na nahahawakan.

"Armida!"

Napahinto siya sa paglalakad nang bumukas ang pinto at bumungad doon si Josef na masama ang tingin sa kanya.

"Haha . . . Hahaha . . . Hahahaha . . ." Walang buhay na tawa ang nagawa niya habang nakatingin kay Josef. "Shadow . . . Huh . . . Long time no see." Naglakad siya nang mabilis at inisip na mas maganda kung una niyang papatayin si Josef bago ang anak nito.

Sinalubong siya ni Josef at agad siya nitong hinawakan sa magkabilang pulsuhan

"Armida, kung ako sa 'yo, hindi na 'ko lalaban," seryosong babala ni Josef.

"Bitiwan mo 'ko." Nagpumilit pumalag ang babae pero masyadong malakas si Josef para sa kanyang nanghihina na. "Bitiwan mo 'ko!" Tumulo na ang kaunting dugo sa ilong niya. "Don't touch me!"

Hinawakan ni Josef sa panga ang asawa at pinilit niyang itaas ang mukha nito. Itinapat niya ang labi niya sa labi nito.

Nanlaki ang mga mata ni Armida at nagkabalu-baluktot ang mga daliri niya sa kamay. Nagbago nang paulit-ulit ang tibok ng puso niya, babagal-bibilis. Namuo ang butil-butil na pawis sa noo niya at naluha siya nang wala sa oras. Parang hinihigop ni Josef ang natitira niyang lakas.

"Sleep . . ." mahinang sinabi ni Josef.

Napapikit ito at agad na nawalan ng malay. Sinalo siya agad ni Josef at binuhat.

Napakaseryoso ng mukha ni Josef nang ilabas ang asawa sa loob ng operating room. Ni hindi na nga niya naisip ang anak niyang hirap makatayo sa may gilid lang niya kani-kanina lang.

"I'm not expecting this—" Pinilit magpaliwanag ni Rayson kaso hindi niya maipaliwanag kung bakit bigla siyang kinabahan habang sinusundan ng tingin si Josef. Kung kanina, natatakot siya sa asawa nito; ngayon, doble pa ang kilabot na nagpapatindig ng balahibo niya habang sinusundan ito ng tingin.

"Handa na ba ang kuwarto niya?" malamig na tanong ni Josef habang nakatingin ng diretso sa dinadaanan.

"O-oo . . ." Napalunok na lang si Rayson dahil ngayon lang niya nakitang ganoon si Josef simula noong maging magkaibigan sila.

Sinilip niya ang bintingnanginginig. Kahit kailan, hindi talaga siya masasanay sa mag-asawang iyon. Hindiniya alam kung sino ba ang mas nakakatakot. Si Armida ba na kanina pa nakapatayng tao o si Josef na wala namang masamang ginagawa pero nakakatakot na.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top