22: Blood Donation
Tapos na ang klase at magkasama ngayon sina Arjo at Max.
At dahil nagkasundo silang magdo-donate ng dugo, pupunta sila ngayon sa clinic ni Rayson. Pero bago iyon, magmo-mall muna sila para tingnan ang dress na gustong bilhin ni Arjo.
Nasa parking lot na sila ng HMU para kunin ang bike ni Arjo.
"Kuya, nasaan na yung skateboard mo?" tanong ni Arjo habang kinakalas ang bike niya sa lock nito.
Hindi naman nakasagot si Max. Naiwan niya kasi iyon sa kung saan at hindi na niya nabalikan pa.
"May dala ka bang pera?" tanong ulit ni Arjo.
"'Wag mong alalahanin ang pera." Kinuha ni Max ang bike kay Arjo at siya ang naupo rito. Inilagay niya sa basket sa harap nito ang bag niya at bag ni Arjo.
"T-teka . . . Bakit—?" Nagulat naman si Arjo dahil ang lakas mang-agaw ng bike ng kuya niya.
"Sakay na. Iiwanan kita rito kapag pinatagal mo pa," panakot ni Max na nakatingin sa gate ng school.
"Psh." Umangkas na lang si Arjo doon sa likod ng bike, na mabuti na lang at mataas. Niyakap niya si Max para hindi naman siya makabitiw.
Malapit lang ang mall. Pitong block lang ang layo at malapit din sa entrance ng Vale.
Alas-tres na pero hindi naman ganoon kainit ang araw. Malamig gawa ng mga puno sa bawat bahay na nadadaanan. Sinundan lang ni Arjo ng tingin ang bahay nilang nalampasan nila pagdaan doon. Tahimik, nakasara ang bintana. Malamang na nasa labas ang mama niya at si Zone.
Wala pa silang isang buwan doon sa Grei Vale pero talagang nagagandahan siya sa buong village. Hindi pa niya nalilibot nang buo pero malamang na babalakin niyang libutin iyon kapag hindi na siya grounded dahil pinababayaan niya ang pag-aaral niya.
Kung tutuusin, magkakamukha ang mga bahay sa Vale. Ang iba, nag-iba lang ang kulay. Puro two-storey touwnhouse ang naroon sa block nila. Nakahiwalay naman ang mga bungalow. At hiwalay rin ang block para sa mga three-storey houses. Parang wala siyang nakitang lumampas sa third floor ang bahay. Ang mansion lang ni Erajin Hill-Miller sa tuktok ng burol ang nakita niyang malaking bahay roon.
Pero kahit na walang ibang mansion sa Vale, pansin naman niyang mayayaman ang mga nakatira doon. Lahat ng nadaanan niyang bahay, may pine tree at naka-bermuda grass. Hindi niya alam kung mahigpit lang ba ang security sa entrance ng village dahil wala talaga siyang nakitang bahay na may bakod. Kung meron man, display lang na wooden planks tapos may vine para sa mga halaman. Kahit na luksuhin lang ang papasok, madaling-madali lang.
Pakiramdam niya, napakaligtas na lugar naman ng nilipatan nila. Maliban kasi sa mga bully niyang classmate, wala na siyang nakitang mga masasamang-loob pa. Di gaya sa dati nilang tinitirhan na parang palaging aligaga ang buong pamilya niya sa kahit anong gulo.
"Kuya, bakit mo naisipang mag-donate ng dugo?" tanong ni Arjo habang tinitingnan ang magagandang bahay na natatanaw niya.
Ramdam niya ang malalim na pagbuntonghininga ni Max. At imbis na sumagot, nanatili lang itong tahimik.
Ilang sandali pa ay tanaw na ni Arjo ang mall sa kanila. Napangiti na lang siya nang maisip ang dress na gusto niyang bilhin.
Huminto sila sa parking lot ng mga bike na katabi lang din ng mga nilalagyan ng mga shopping cart ng mall.
"Kuya, sure kang may pera ka?" hindi pa kumbinsidong tanong ni Arjo habang sinusuot ang bag niya.
"'Wag na lang kaya?" sarcastic na sinabi ni Max sabay talikod.
"Hindi! Hindi!" Pinigilan siya agad ni Arjo. "Eto naman, masyadong seryoso!"
"Tss." Napairap na lang si Max at dumiretso na lang sa paglalakad papasok ng mall.
Sumimangot lang si Arjo at hinabol ang kuya niya.
Sa loob ng mall . . .
Sinabayan niya ang malalaki nitong hakbang habang tinitingnan ang buong mall.
Ayaw niyang kasama ang kuya niya dahil nga sa itsura nito noon; pero ngayon, okay lang na magkasama sila. Guwapo na uli kasi ang kuya niya.
Pasimple niyang tinitingnan ang mga babae sa paligid na napapahinto kapag dumadaan sila. Pasimple siyang ngumiti at sinulyapan ang kuya niyang mas seryoso pa sa seryoso.
"Kuya, saan ka pupunta?" nakangiting tanong ni Arjo.
Tuloy-tuloy kasi sila sa paglalakad samantalang hindi naman alam ni Max kung saan sila pupunta.
Napahinto tuloy si Max at tiningnan si Arjo habang nakataas ang kilay.
"Nasaan yung boutique?" naiinis niyang tanong nang maisip na hindi nga pala niya alam kung saan sila pupunta.
"Hehehe, pauna-una kasi e," nakangisi niyang sinabi.
"Tss," inilayo na lang ni Max ang tingin para hindi makita ang pang-asar na mukha ng kapatid niya.
"Tara, doon tayo!" Inangkal ni Arjo ang kamay sa braso ng kuya niya at hinatak ito papunta roon sa stall kung saan niya nakita ang dress.
Nagpahatak na lang si Max sa kapatid niyang excited.
Pagdating sa stall . . .
"Aaaaaah! Nandito pa rin siya!" masayang-masayang sinabi ni Arjo habang kagat-kagat ang necktie dahil sa sobrang excitement. Napangiti na lang ng mga saleslady dahil sa kilos niya.
Si Max naman, nililibot ang tingin sa buong stall. Medyo masakit sa mata ang puting LED light na tumatama sa puting pader. Minimalist ang interior design. Pastel colors din ang karamihan ng mga kulay. Marami namang naka-display na damit at sapatos. Nakasuot sa mannequin ang ibang long dress. Ang gustong bilhing damit ni Arjo ay naka-hanger sa may kataasang rack na nasa loob ng isang pakahong porma ng dingding at iniilawan ng LED light.
Inilipat niya ang tingin kay Arjo na halos kuminang ang mata habang nakatingin sa dress at ngata-ngata ang dulo ng necktie.
Napakababaw talaga ng kaligayahan nito.
"Ma'am, bagay po sa inyo 'yang dress," naka-smile na sinabi sa kanya ng saleslady habang itinuturo ng nakalahad na palad nito ang nginingitian ni Arjo na sleeveless pink cocktail dress. Maraming sequins at pearls. Parang damit ng Barbie doll. Napatango na lang si Max dahil kung iisipin, ganoong damit talaga ang paglalawayan ng kapatid niya.
"How much?" tanong ni Max sa saleslady.
"Wow, bibilhin n'yo po ba, sir?" kinikilig na tanong ng saleslady.
Biglang bumagsak ang mood ni Arjo dahil sa maarteng pagkakatanong ng saleslady sa kuya niya.
"Hindi. Rerentahan niya. Bibilhin nga—" Kinabig agad ni Max ang balikat ng kapatid at isinubsob ang mukha nito sa dibdib niya para hindi na makapag-ingay
May kaunting pagsilip ang matamis na ngiti ni Max sa saleslady na napakamot bigla ng ulo dahil sa sinabi ni Arjo. "Don't mind her. How much again?"
Kumalas na si Arjo sa yakap ng kapatid at marahas na pinunasan ang ilong na unang nasubsob doon.
"Uhm, 14, 999, sir," sabi ng saleslady sabay pa-ipit ng buhok sa tainga.
"Psh, di pa ginawang 15," masungit na binulong ni Arjo.
"I'll buy it." Tinapik ni Max ang balikat ng kapatid. "Isukat mo na, baka hindi kasya sa 'yo."
"Waaaah! Yes!" Niyakap niya agad ang kuya niya dahil sa saya. "Thank you! Thank you! Thank you!"
Kinuha na ng saleslady ang dress at iniabot kay Arjo para isukat.
"Ma'am, nandoon po ang fitting room," sabi ng saleslady habang tinuturo ang dulong part ng stall.
Agad-agad namang pumunta roon si Arjo para masukat na ang gusto niyang dress.
"'Pag pumutok 'yan sa katawan mo, ikaw na ang magbabayad, ha!" sabi ni Max at kinalkal na ang bag para kunin ang wallet niya.
"Bleh!" Dumila lang si Arjo sa kanya at saka pumasok sa fitting room.
Ngayon, kailangan na niyang magbayad sa cashier para makapunta na sila kina Rayson.
Kagat-kagat ng mga saleslady ang mga labi nila at kanya-kanya nang ipit ng buhok sa likod ng tainga habang nakatingin kay Max na papalapit sa kanila.
"Hi," simpleng bati ni Max. "15 thousand for the dress, right?"
Tumango naman ang mga saleslady sa kanya habang pinagpapantasyahan na siya sa isipan nila. Tiningnan nila ang inilabas niyang wallet.
"Wow." Nagulat sila dahil binuklat ni Max ang mahabang walet niya at hile-hilera roon ang iba't ibang klase ng credit at debit cards. At ang mas nakakalula ay ang cash na laman niyon na nagpapakapal sa mismong wallet.
Hindi rin puwedeng gamitin ni Max ang mga card niya dahil mamo-monitor ng mga magulang nila ang expenses niya. At dahil hindi niya magagamit ang cards, kumuha si Max ng 15 thousand cash at inilapag sa counter. Tiningnan niya ang cashier na nakanganga sa kanya.
"Miss, I'm paying," sabi ni Max nang tulalaan lang siya ng kahera.
"H-ha?" Parang nawala sa huwisyo ang cashier habang nakatingin kay Max.
"I said I'm paying." At itinuro niya ng tingin ang pera sa counter.
"Ha? Ah—I-I'm sorry, sir." Namula sa hiya ang cashier dahil natulala talaga siya nang bongga kay Max.
"Ta-dah!"
Napalingon silang lahat kay Arjo na nagpaikot-ikot sa kinatatayuan para makita kung bagay ba sa kanya ang dress.
"Maganda ba?" tanong niya habang tinitingnan ang sarili sa salamin.
"Ang suwerte naman ng girlfriend n'yo, sir," sabi ng isang saleslady na katabi ni Max.
"Kuya! Cute ba 'ko?" tanong ulit ni Arjo at nag-beautiful eyes pa habang pinaglalaruan ang laylayan ng bagong suot na dress.
"If you're fine with that, then it's good," sabi na lang ni Max at binalikan ang saleslady na napapakagat ng labi.
"Kapatid n'yo pala siya, sir," nahihiyang sinabi ng isa. "Di kasi kayo magkamukha."
Walang isinagot si Max sa sinabi ng saleslady, sa halip ay kinuha na lang niya ang bag ni Arjo at isinukbit niya sa balikat.
"Kunin mo na yung uniform mo," sabi ni Max at saka niya nilingon ang isang saleslady na nakaantabay sa kanya sa gilid. "Miss, paki-bag yung damit niya."
"Sige, sir," nakangiting sinabi ng saleslady at saka ito kumuha ng paperbag.
Iniabot naman ni Arjo ang uniform niya roon sa babae.
"Kuya, maganda ba 'ko?" tanong ni Arjo habang nagpapa-cute sa kuya niya.
Poker-faced naman si Max sa kanya. "Bobo ka pa rin."
"Psh! Pakasama mo talaga!" Napasimangot na lang si Arjo sa sinabi ng kuya niya. "Oo o hindi lang ang sagot, kung ano-ano pa'ng sinasabi."
Kinuha na ni Max ang paperbag at siya na halos nagdala ng lahat ng bitbitin nilang magkapatid. Sayang naman ang porma ng kapatid niyang maganda kung pabibitbitin lang niya.
"Tara na," aya ni Max. "Yung kailangan ko naman ang ibigay mo."
"Psh." Saglit na sumimangot si Arjo pero napangiti na rin at isinukbit ulit ang braso niya sa braso ng kuya niya. "Gusto mo, lahat ng dugo ko i-donate ko pa e!"
Napapikit bigla si Max sa sinabi ni Arjo. Sana nga puwede iyon. Kung sana lang.
"Whoosh! Tara kina Uncle Ray!" masayang sinabi ni Arjo habang nakaturo sa itaas niya.
Alas-kuwatro ng hapon.
Nasa clinic na ni Rayson ang magkapatid. Tatlong block lang ang layo ng mall sa clinic kaya mabilis lang silang nakapunta.
Nakahiga si Arjo sa isang hospital bed at kinukuhaan na ng dugo. Chill na chill lang siya habang nakatingin sa kisame.
May opisina si Rayson sa bandang likuran ng clinic kung saan kinakausap niya nang pribado ang mga pasyente niya. Doon sila nag-usap ni Max nang masinsinan.
Nakasandal si Rayson sa table niya habang nakaupo sa light blue couch si Max. Nakapatong ang kaliwang braso niya sa arm rest ng upuan habang nangangalumbaba.
"Alam ba 'to ng Mama mo?" seryosong tanong ni Rayson.
"Dapat bang malaman ni Mama?" tanong ni Max habang nakatulala sa sahig.
"Alam kong worried ka kay Jin, pero kapag nalaman niya 'tong ginawa mo—"
"Bakit niya kailangang malaman? Hindi niya naman malalaman kung hindi n'yo sasabihin, di ba?" At saka niya tiningnan si Rayson na seryosong nakatingin sa kanya.
"Max."
"Uncle Ray, alam kong masamang tao si Mama. NOON. At siguro, kahit na hindi na siya ganoon ngayon, hindi pa rin magbabago na marami na siyang ginawang masama. Siguro nga, tama sina Uncle Razele na nagbabayad lang siya sa paniningil ng walang kuwentang tadhanang—whatever that is . . ." aniya sabay paikot ng mga mata. "Pero ayokong makita ang mama kong nahihirapan kahit na alam kong meron namang paraan."
"Hindi mo naiintindihan . . ."
"I'm trying to understand!" inis niyang sinabi sabay lahad ng palad kay Rayson. "I'm trying, Uncle Ray . . . more than anyone can imagine. My mother was an assassin, and everybody knows she's an immortal. And now, she's dying. I'm trying to understand that shit."
"Hindi mo alam kung anong pinagdaanan ng Mama mo para lang sa 'yo."
"Exactly!" Napadiretso siya ng upo at nagtalo sa mukha niya ang inis at desperasyon. "I know I'm the reason why she's dying! Kung hindi niya 'ko pinanganak, hindi siya magkakaganyan! And I'm the only one to blame dahil ako lang ang anak na nagpahirap sa kanya!" Itinuro niya si Rayson. "Kayo ang nakakaalam ng lagay ni Mama! Dapat alam n'yo na si Arjo lang ang kailangan niya para mabuhay! Bakit n'yo pinipigilan na magbigay ng dugo si Arjo? Bakit n'yo pinipigilang mabuhay si Mama?!"
"Hindi namin pinipigilan . . . Sinubukan namin pero . . ."
Hinintay ni Max na ituloy ng doktor ang sinasabi pero umiling na lang ito.
"Pero ano? Pero ano, Uncle Ray?"
Napabuntonghininga na lang si Rayson at tumayo na nang diretso. Hindi niya alam ang isasagot kay Max.
"Tapos na siguro si Arjo." Umalis na lang si Rayson doon at pinuntahan na si Arjo sa labas.
Isang malalim na buntonghiningana lang ang nagawa ni Max at saka siya tumayo para puntahan na rin si Arjo.Mukhang ayaw magsalita ni Rayson tungkol sa kaso ng mama niya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top