21: Neophyte Guardian
Sa mess hall . . .
Nakaupo ang magkapatid sa isang table na nasa gitna ng mess hall.
Chill na chill si Arjo habang ninanamnam ang orange juice niya. Katabi niya si Max na nakatitig lang sa mineral water nito na nasa mesa.
"Kuya, dala mo phone mo?" tanong ni Arjo.
"O?"
"Puwede pahiram?" tanong niya habang nakalahad ang palad.
"Nasaan yung iyo?" masungit na tanong ni Max.
"E kinuha nga ni Mama kasi grounded ako mag-phone, di ba? Sige na, Kuyaaaa . . ." Nagpapadyak pa si Arjo habang nakanguso.
"Tss." Kinuha na lang ni Max ang phone niya sa bulsa ng pants at iniabot sa kapatid.
Ngiting-ngiti naman si Arjo habang kinakalikot ang phone ng kuya niya. Nagbukas agad siya ng camera para mag-picture.
"Jo, gusto mong sumama sa 'kin mamaya?" tanong ni Max habang pinaglalaruan ang bote ng inumin niya.
"Saan?" tanong ni Arjo habang nagpapa-cute sa harap ng phone.
"Kay Uncle Ray."
"Bakit? Anong gagawin natin do'n?" tanong ulit ni Arjo habang ini-scan ang mga photo na kinunan niya.
"Donate tayo ng dugo."
Napahinto naman si Arjo sa pag-scan at nagtatakang tiningnan si Max. "Dugo?"
"Sige na, sabi sa libro maganda raw sa katawan ang nagdo-donate ng dugo," sabi ni Max. Umaasang maniniwala ang kapatid niya sa kanya.
"I already know about that, Kuya. Math lang ang problema ko, hindi biology, psh." Ininuman niya ulit yung juice niya at tinuloy ang pag-picture habang nakasubo ang straw sa bibig. "Pero sige, sama 'ko. Basta ba may kapalit."
Tiningnan agad ni Max ang kapatid niyang nakangiti habang nakatitig sa phone at iniisa-isa ang pictures nito. "Ano?"
"Uhm . . . 15 thousand," sabi ni Arjo sabay smile sa kuya niya.
"15 thousand na kutos, gusto mo?" sarcastic na sinabi ni Max.
"Sige na, Kuyaaaa . . ." pagmamakaawa niya sabay hawak sa manggas ng damit ni Max at hatak-hatak doon.
"No. Ano na naman bang paggagamitan mo?" masungit nitong tanong.
"Eh . . . Ano . . ." Napatingin siya sa gilid at nagdalawang-isip kung sasabihin ba niya o hindi ang rason. "Ano . . ."
"Puro ka ano, kukutusan na talaga kita," masungit nitong sinabi.
"Psh," napanguso na naman si Arjo bago sabihin ang kailangan. "Gusto kong bilhin yung dress doon sa mall na nakita ko no'ng Sunday," sabi niya na nahihiya pa at saka ibinalik ang pagtingin sa phone. "Mahal e. Ayoko ipabili kay Mama. Magagalit 'yon. 'Pag kay Papa naman, aawayin siya ni Mama . . ."
"Ako na'ng bibili, ituro mo na lang sa 'kin mamaya." sabi ni Max at saka niya ininuman ng tubig niya.
Nabuhayan bigla si Arjo at gulat na tiningnan ang kuya niya. "Talaga?"
"Oo na, dress lang pala. Bilhan pa kita ng boutique."
"Waaaah!" Ipinalibot agad ni Arjo ang mga braso niya sa balikat ni Max. "Bibilhin mo talaga?"
"Ayaw mo?"
"Aaaaah—! MMMM!" At dahil tili siya nang tili, tinakpan na lang ni Max ang bibig niya para hindi na makapag-ingay. Lalo pa, nakatingin sa kanilang dalawa ang ibang nandoon.
"Napakaingay mo talaga!" singhal ni Max at inalis na rin ang kamay niya sa bibig ng kapatid.
Tumahimik na rin si Arjo at tiningnan ang kuya niya nang may malapad na ngiti.
"Tss." Pinunasan na lang ni Max gamit ng tissue sa mesa ang kamay niyang nalawayan nang kaunti "Kadiri ka talaga, Armida Josephine."
"Uy! Kuya, ha! Yung dress! Mamaya, ha!"
"Oo na! Ilang beses ka ba pinanganak? Kulit mo!" inis nitong sinabi at binilog ang tissue saka ibinato pabalik sa mesa.
"Uhm, hi . . ."
Nalipat ang tingin ng magkapatid doon sa nakatayo sa kanang gilid nila.
"Hi, Lei!" masayang bati ni Arjo.
"Hi, babes!" masayang bati rin ni Melon na nasa likuran lang ni Lei.
Tumaas lang ang kilay ni Max sa tawag ni Melon sa kapatid niya.
"Puwede makiupo?" tanong ni Lei.
"Sure!" masayang sinabi ni Arjo.
Sabay na naupo sina Lei at Melon sa kaharap na upuan ng magkapatid. Katapat ni Max si Lei, si Melon naman si Arjo.
"Bakit magkasama kayong dalawa?" tanong ni Arjo kay Lei.
"Uhm, nasa iisang department lang kami, di ba? Sabay-sabay ang break ng mga taga BA dept, kaya nakisabay na siya," sagot ni Lei.
"Ay, gano'n?" Napatango naman si Arjo sa sinagot ng kausap.
"E kayo? Bakit magkasama kayong dalawa?" balik na tanong ni Lei kay Arjo.
"Uhm . . ." Sinulyapan ni Arjo ang kuya niya sa dulo ng mata. "Ano kasi e . . ." Napainom na lang siya ng juice para makaiwas sa pagsagot.
"Masama bang makiupo rito?" poker-faced na tanong ni Max.
"Ah—Sorry." Nahiya tuloy si Lei dahil sa sinagot ni Max. Dapat pala hindi na siya nagtanong.
"Tch." Hindi naman kumbinsido si Melon sa sinabi ni Max. "Magka-ano-ano ba kayong dalawa?"
"Ugk! Ugk! Ugk!"
Nasamid tuloy sa ininom niyang juice si Arjo dahil sa tanong na iyon ni Melon.
"Tsk!" Kinuha agad ni Max ang panyo ni Arjo na nakapatong sa mesa at mabilis na pinunasan ang bibig nito. "Magpapakalunod na lang, sa isang boteng juice pa."
Napangisi na lang si Melon sa nakikita niyang kilos ng dalawa. Si Lei naman, hindi alam ang ire-react. Nagulat din kasi siya kay Arjo.
Inis na pinunasan ni Arjo ang bibig niya kahit natuyo naman na. Nasamid na nga siya, ang sarcastic pa ni Max sa kanya.
Hindi naman sinasadya pero nasiko ni Max ang bote ng tubig niya na nasa mesa nang pagpagin ang kamay.
Pasimple sana niyang sasaluhin sa ilalim kaso nakita niya sa gilid ng mesa na nasalo ni Lei ang tubig kahit nakatingin ito kay Arjo at nakangiti.
Pinanood lang niya na dahan-dahang ibalik ni Lei ang tubig sa mesa na parang walang nakakahalata sa kanya.
"Ano bang kaseng tanong 'yan?" inis na sinabi ni Arjo kay Melon.
"Why? Nagtatanong lang naman e!" natatawang sinabi ni Melon. "Ang sweet n'yo kasing dalawa."
"YUCK! SWEET?" gulantang na tanong ni Arjo habang nakatingin sa kuya niyang pinakamalalang lalaki na yata sa mundo sa paningin niya dahil sa sama ng ugali nito.
Pasimpleng sinulyapan ni Lei si Max. Nakatingin lang ito kay Arjo. Mukhang sa tingin niya ay hindi siya napansin.
"Kumusta yung recitation n'yo, Arjo?" nakangiting tanong ni Lei.
"'Pakawalang kuwenta!" Umariba na naman ang ka-bitter-an niya dahil doon. Naalala na naman niya ang paghihirap niya noong nakaraang gabi tapos hindi pala siya makakasagot.
Ibinalik naman ni Max ang tingin niya kay Lei. Mukhang may kakaiba sa babaeng ito.
>>
Nauna nang pumunta si Arjo sa psychology class nila. Habang si Max, gustong makompirma ang hinala niya.
Nagpunta siya sa office ng BA dept. Sinilip niya ang loob ng kuwarto at nakitang may ilang taong nandoon.
"Sige! Una na 'ko!"
"Bye, Lei! Mamaya a!"
Sa wakas ay lumabas na rin ang kailangan niya.
"Hoy."
"O!" Napahinto si Lei dahil nakita nito si Max na nakatayo sa tapat ng office. "Psychology na a, bakit nandito ka?"
Walang isinagot si Max sa halip ay kinuha na lang niya ang pulsuhan ni Lei at hinatak ito.
"M-Max? May problema ba?" nag-aalala nitong tanong.
Nararamdaman ni Max ang tibok sa pulsuhan ni Lei, at alam niyang napakabilis niyon.
Dinala niya ang babae sa isang stockroom ng school na nasa dulo ng hallway ng fifth floor. Hindi iyon kalakihan, kalahating room lang din ang lawak, madilim at ang liwanag lang na pumapasok ay galing sa salaming bintana. Tambakan lang naman iyon ng mga dating thesis ng mga estudyanteng naka-graduate na ng HMU.
"Uh, Max . . ." Nagtataka naman si Lei dahil sa nangyayari. "B-Bakit tayo . . . nandito?"
"Puwedeng malaman ang buong pangalan mo?" mahinahong tanong ng lalaki.
"H-ha? Akala ko pa naman kung ano na . . ." Napalunok si Lei at humugot muna ng hininga. "P-Pangalan lang pala e . . ." Napahawak siya sa dibdib niyang halos iluwa na ang puso niya sa sobrang tibok nito. "L-Leanna Marie . . . A-ako si Leanna Marie."
"Leanna Marie what?"
"B-bakit mo ba tinatanong?"
"Gusto ko lang malaman, masama ba?" Hindi pa rin nawawala ang mahinang tono ni Max.
"A, g-ganoon ba? S-sana di mo na 'ko d-dinala rito." Hindi tuloy alam ni Lei kung ano nga ba ang dahilan ng bilis ng tibok ng puso niya. Mukha naman kasing hindi siya sasaktan ni Max. "D-Devero . . . Devero ang—ang apelyido ko."
Bumibigat na ang paghinga ni Lei. Para siyang nagkaroon ng instant claustrophobia. Alam niyang hindi malaki ang loob ng stockroom, pero okay lang naman siya kapag pumupunta roon at nag-che-check ng inventories. Hindi lang niya alam kung bakit ganoon na lang ang nangyayari sa kanya ngayon.
"Devero, huh." Napatango si Max. "Ang kilala kong Devero, may pangalang Giuseppe. Kilala mo rin ba?"
Biglang nanlaki ang mga mata ni Lei at napatingin agad kay Max.
Napaangat ng mukha si Max at napangisi dahil base sa reaksiyon ni Lei, mukhang oo ang sagot sa tanong niya.
"Umamin ka nga sa 'kin, sino ka bang talaga at anong kailangan mo rito?" seryoso nang tanong ni Max, nawala na ang pagiging mahinahon nito.
"P-Pero . . ."
Nagkrus ng mga braso si Max at tiningnan nang napakatalim si Lei para magbanta. "Aamin ka o pupuwersahin pa kitang magsalita?"
Parang pinutol ang paghinga ni Lei dahil sa narinig. Mabilis siyang umatras nang isang hakbang para ilayo ang sarili kay Max bago siya nagbigay-galang. "Patawad, Lord Maximilian!" pagmamakaawa ni Lei habang nakayukod lang na halos ipantay na ang ulo sa baywang. "Neophyte Guardian ako ng Fuhrer."
Napatango naman si Max sa narinig habang nakatingin lang sa nakayukod pa ring si Lei. "Guardian, huh. Citadel ba ang nagpadala sa 'yo rito?"
"Dito po kami nakatira, milord."
"Dito nakarita?" Napatingin sa kanang gilid si Max habang kunot na kunot ang noo.
May mga Guardian na nakatira sa Grei Vale, at hindi niya alam kung alam ba iyon ng mga magulang niya.
"Ilan kayong Guardian na nandito?"
"Milord, labag sa Credo ang sagutin ang tanong na 'yan. Parusahan n'yo na lang po ako!"
Napakamot bigla ng ulo si Max nang mabanggit agad ang Credo. Mas nauna pa niyang nabasa iyon kaysa Qu'ran at Holy Bible kaya iniisip pa lang niya ang usapang parusa, napapakamot na talaga siya ng ulo.
"Tumayo ka na nga nang diretso," naiinis niyang utos dito.
At kahit tumayo na nang diretso si Lei ay hindi pa rin nito binabago ang pagkakayuko.
"Anong kinalaman dito ni Marlon Levarez?" tanong ni Max.
"Milord, ipinagbabawal po sa Credo—"
"Credo na naman?" putol agad ni Max kay Lei. "Ano ba ang puwede mong sabihin sa 'kin na hindi ipinagbabawal sa Credo, ha?"
"Ang importante lang po, nandito sina Melon at Labyrinth para bantayan ang Project ZONE. Sa kanila nakaatas ang pagbabantay sa bioweapon habang hindi pa nagsisimula ang Annual Elimination."
Biglang kumuyom ang kamao ni Max dahil sa sinabi ni Lei. Biglang bumigat ang paghinga niya dahil sa nalaman.
Nasa Vale sina Melon at Miss Etherin para sa bunsong kapatid niya. Ibig sabihin, babawiin din pala ito ng Citadel sa kanila.
"Alam ba 'to nina Papa?" mariin na niyang tanong.
"Patawad, milord, pero hindi namin alam ang sagot sa tanong na 'yan."
Napapikit na lang si Max at napahimas ng noo.
Hindi alam ng mga magulang niya. At ayaw niyang malaman iyon ng mama niya dahil hindi pa maayos ang lagay nito. Ang papa niya, kung alam man niyon, malamang na matagal na itong kumilos at hindi na dapat sila nagtagal sa Vale.
Kung may tao sigurong dapat niyang kausapin sa mga oras na iyon, malamang na si Miss Etherin iyon. Dahil kahit paikot-ikutin man nila ang lahat, ito naman talaga ang nagsimula kung bakit sila umabot sa ganoong punto. Kung hindi nito pinaglaruan ang buhay ng mga kapatid niya, wala sana siyang poproblemahin ngayon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top