20: Escape Route
Sa sobrang puyat at stress ni Arjo, pag-upong pag-upo pa lang niya sa upuan niya sa room, nilamon na agad siya ng antok. Sa sobrang lalim ng idlip niya, kahit ang ingay ng room nila, bagsak pa rin siya.
"Hey, babes!" And speaking of ingay, sumulpot naman si Melon at umupo sa upuang kaharap ni Arjo. "'Musta ang tutorial? Gusto mong lumipat sa 'kin?"
Wala namang sinagot si Arjo dahil tulog.
"Babes? Gising ka ba?" Hinawi ni Melon ang buhok ni Arjo na nakatakip sa mukha nito. Napahinto lang siya nang may humawak sa pulsuhan niya para pigilan.
Itinaas ni Melon ang tingin at nakita si Max na nakataas ang kilay sa kanya. Tumayo na siya sa pagkakaupo at diretsong tiningnan ang kaharap.
"May problema ka ba sa 'kin?" maangas na tanong ni Melon.
"Ikaw, anong problema mo kay Arjo?" maangas ring balik ni Max.
"Oh, come on."
Lahat tuloy ng nasa loob ng room, napatingin sa kanilang dalawa. Bumaba bigla ang ingay roon para panoorin sila.
Ang President's lister na si Marlon Levarez, mukhang makakainitan ang transferee na si Maximilian Zach.
Napangisi si Melon at tinabig ang kamay ni Max. "Bakit ba napaka-concern mo kay Arjo, ha?" Nagtaas pa siya ng mukha para maghamon.
"Pakialam mo kung concern ako?" Nagtaas din si Max ng mukha para tapatan ang kasagutan.
"Then pakialam mo rin kung concern ako," balik agad ni Melon.
"Manliligaw kasi 'yan ni Malavega!" kantiyaw ng isa nilang classmate.
"Aaaayiiieee!"
Nagkakantiyawan na sa loob ng room.
Napayuko na lang at napapikit si Max. Kinuyom niya ang kamao dahil sa pagka-bad trip. Napakapakialamero talaga ng mga kaklase nila kahit kailan.
"Manliligaw, huh." Napatango na lang si Melon habang nakangisi pa rin. Naningkit bigla ang mga mata niya para tantiyahin ito ng tingin. "Parang hindi naman."
"Bakit ba ang ingay!"
Sabay nilang tiningnan si Arjo na nagising dahil sa lakas ng kantiyawan.
"Naman o! Tsk!" Inis na ginulo ni Arjo ang buhok niya. "Sapakin ko kaya kayo isa-isa? Mga istorbo kayo a! Kita na ngang natutulog yung tao e!"
Biglang ikot ng mga mata ni Max dahil sa kapatid. Umiling na lang siya at dumiretso na sa upuan sa likod.
Sinundan naman ng tingin ni Melon si Max. "Ipagpatuloy mo lang 'yan, wala kang makakasundo sa guild . . ." mahina niyang sinabi at saka siya umupo sa upuan niya sa bandang unahan.
Ilang minuto pa ay dumating na ang prof.
"Good morning," bati ni Miss Etherin na dire-diretso sa pagpasok sa room.
"Good morning, ma'am!"
Unang-unang tiningnan ni Miss Etherin si Melon na nakangiti sa kanya. Sunod ay si Arjo na nagbubuklat na ng notebook para alalahanin uli ang tinuro sa kanya ng kuya niya kagabi. Pagkatapos ay si Max na kakaiba ang tingin sa kanya. Naniningkit lang ang mga mata nito at parang sinusubaybayan ang galaw niya.
"Naka-ready ba kayo sa recitation?" wala sa mood na sinabi ni Miss Etherin.
"WHAAAT?"
"Ha?"
"Ma'am!"
"NOOO!"
"Sandali, ano yung lesson kahapon?"
"Ma'am, puwede mag-CR?"
"Ma'am, I'm sick!"
Bored na bored na kinuha ni Miss Etherin ang marker sa mesa at nagsulat sa board.
Puro reklamo ang naririnig niya sa mga estudyante niya. Sandali niyang tiningnan ang relo. Kahit siya, inaantok na rin. Ibinalik niya ang atensiyon sa sinusulat.
Makalipas ang sampung minuto, puno ang upper part ng board ng mga math problem. Inihagis niya agad ang marker sa lalagyanan nito. Kinuha niya ang class record at saka siya tumayo sa may tabi ng bintana.
"Favino, give me a number," utos ni Miss Etherin.
"Ma'am?" nagulat namang tanong ng tinawag niya.
"Number . . ."
"Uh, uh, n-n-nineteen?" hindi pa nito siguradong sagot.
"19, huh." In-scan niya ang record at hinanap ang pang-19 niyang estudyante. "Castelitto, stand up. Sagutin mo yung first problem."
"Ma'am?" Nagulat naman ang tinawag niya.
"Sabihin mo lang kung hindi ka sasagot. Dalawang grade lang naman ang pagpipilian mo: 50 o 95," sabi ni Miss Etherin habang tinitingnan ang class record niya.
Problemado namang tumayo ang estudyante niya. Wala siyang magagawa, kahit hindi niya alam, kailangan niyang sumagot.
Nagsisimula nang mag-panic ang mga nakaupong estudyante. Masyado kasing biglaan ang recitation, wala man lang pasabi ang prof nila. Kanya-kanya nang bukasan ng notes. Napa-review nang wala sa oras ang iba.
Yung iilang magagaling sa math, hintay-hintay na lang matawag.
Si Arjo, nagsisimula nang i-compute ang lahat ng problems sa isang scratch paper.
Gusto na niyang magmura dahil mas mahirap pa ang ibinigay na problems ng kuya niya kagabi kaysa sa problems na nasa board. Halos dumugo na ang ilong niya sa tinuro ni Max kahapon, tapos yung ipare-recitation lang pala sa kanila ngayon, mas sisiw pa sa sisiw.
Never niyang na-realize na ganito lang pala kadali mag-solve ng derivative, slope of a line, at iba pang calculus problems. Kung siya lang ang masusunod, kayang-kaya na niyang sagutan ang lahat ng problems sa board, matawag lang siya.
"Wala na bang mas hihirap pa diyan? 'Paka-basic," inis na sinabi ni Arjo habang tinatapos na ang 20 problems na nasa board.
Patuloy lang sa pagtawag si Miss Etherin.
Marami-rami na ang nakatayo sa board at sinusubukang i-solve ang mga problem na ibinigay sa kanila ng prof. Yung iba, hiningahan lang yata ang board, nasagutan na.
"Malavega."
"Yes, ma'am!" active agad siyang sumagot.
Ito na ang chance niya! Makakasagot na siya!
Masusulit na niya ang buong maghapon niyang paghihirap sa kamay ng malupit niyang kapatid.
Ito na ang pagkakataong masubukan sa klase ang lahat ng natutunan niya kagabi!
"Number."
"Ma'am?" Nagtaka naman siya sa tanong.
"Magbigay ka ng number," bulong ng nasa harap niya.
"Bakit? Para saan?" Hindi talaga niya alam kung para saan ang hinihinging number.
"Magsabi ka na lang kasi!" inis na sinabi sa kanya ng mga kaklase niya.
"Uh, 38?" Hindi pa siya sure sa sinabi.
Nilingon-lingon niya ang buong klase, yung ibang hindi pa sure kung sila, kinakabahan na. Yung iba na alam nilang hindi sila, napa-yes na lang nang mahina.
Habang siya, walang ideya kung anong meron at nangihingi ang prof niya ng number.
"38 . . . Zach, last problem," sabi ni Miss Etherin.
Si Arjo naman, nawindang.
"Uh, hindi ba 'ko sasagot?" tanong pa niya sa kahit sinong makakarinig.
"Pasalamat ka nga hindi ka sasagot e," sabi sa kanya ng nasa gilid niya.
Sinundan lang ni Arjo ng tingin ang kuya niyang sasagot sa huling problem.
"T-teka . . . wala nang problem na sasagutan?" tanong niya.
"Mabuti nga, wala na."
Nakahinga na nang maluwag ang mga estudyanteng hindi natawag. Napa-sign of the cross nang hindi oras at talagang kulang na lang ay magpa-party sa loob ng room dahil hindi sila pinasagot sa board.
Ngayon, gusto na talagang magmura ni Arjo. Yung malutong na malutong.
Kagabi, halos ubusin na niya ang lahat ng braincells niya kaka-solve; kinutus-kutusan pa siya ng kuya niya dahil diyan; nagpuyat-puyat pa siya, masagutan lang ang makadurog-utak na problems na gawa ng kuya niya.
Tapos ngayon, hindi siya pasasagutin?
Ang sama tuloy ng tingin niya sa kuya niyang minani-mani lang ang last problem. Parang tumayo lang doon at tinitigan ang board tapos pagharap, puno na yung parteng kanya ng equations.
"Psh, tutor-tutor pang nalalaman," inis niyang binubulong, "nagkandahirap-hirap ako kaka-solve ng letseng problems na 'yon. Inubos ko halos kalahati ng notebook kong bago para masagutan yung mga pinapasagot niya, tapos wala rin pala kong mapapala ngayon?"
Nakikita naman ni Max ang kapatid niyang sinaniban na naman ng aura ng ampalaya't apdo dahil sa nakasimangot nitong mukha.
Pinipilit niyang huwag tumawa, kaya pagdaan niya sa puwesto ng kapatid, tinulak niya agad ng hintuturo ang gilid ng ulo nito para tumigil na kakasumpa doon sa notebook na nasa table nito.
Tiningnan lang nang masama ni Arjo ang kuya niyang nakaupo na sa upuan nito. Naningkit lang ang mata niya nang makita ang evil smirk nito sa kanya.
"Ang sama mo talaga, Kuya . . ." bulong niya habang kinukuyom ang hawak na signpen.
>>
Alas-dyes y medya na ng umaga. Naglalabasan na ang mga estudyante sa Room 308.
At dahil hindi talaga matanggap ni Arjo ang nangyari, talagang nilapitan niya si Miss Etherin na nag-aayos ng mga dala nitong gamit para lang komprontahin.
"Ma'am, bakit di n'yo 'ko tinawag kanina?" reklamo niya.
Poker-faced naman si Miss Etherin na nakatingin sa kanya "Tinawag kita kanina, sumagot ka naman. Don't worry naka-95 ka. Very good."
Si Arjo naman, hindi ma-gets ang logic ng pagkakakuha niya ng 95.
Nakakuha siya ng 95 samantalang hindi nga siya sumagot.
"Saan galing yung 95, ma'am? Wala naman akong nasagutan sa board a." Hindi talaga niya matanggap. Hindi talaga makatarungan ang nakuha niyang 95 sa di-malamang kadahilanan.
Mataas na ang 95 kung tutuusin. Napakalaking good news. Pero paano ang pinag-aralan niya kagabi?
"Namili ng number ang nakakuha ng problem 19. Ikaw ang napili niya, kaya ang recitation mo ay yung pagpili mo ng number, which is yung number ni Zach." Saglit na huminto si Miss Etherin sa pagliligpit at tiningnan nang may ngiti si Arjo. "Hindi mo kailangang magsagot sa board dahil dalawa ang category ng recitation ko today; first is the problem-solving, and second is yung magbibigay ng problem sa magso-solve. Ikaw ang nakakuha ng isang slot for the second category." Kinuha na niya ang mga gamit at akmang aalis na. "You should be thankful. Masuwerte ka dahil natawag kita, yung iba mong classmate na hindi natawag, bibigyan ko ng 100 items na quiz next time." At saka siya dumiretso palabas ng room.
Si Arjo, napanganga nang sobra habang pinanonood ang prof niyang iwanan siya.
"Seryoso ba siya? Di kaya pinagtitripan ako ni Miss Etherin?" bulong niya sa sarili habang nakapamaywang.
"Sulit ang pagre-review kagabi, di ba?"
Tiningnan nang masama ni Arjo ang gilid niya. Nakita niya roon ang kuya niya na nakapamulsa at naglalakad papalapit sa kanya.
"Anong sulit d'on?! Pinagpuyatan ko 'yang review-review na 'yan tapos di pala ako sasagot!" reklamo niya.
"At least, may natutunan ka." Nagtuloy-tuloy na lang si Max at nilagpasan ang kapatid niya
"E di ba . . . " Sinundan naman ni Arjo ang kuya niya. ". . . kaya nga ako binigyan ng tutor kasi may recitation ngayon! Para saan pa yung tutor kung di pala ako tatawagin!"
Huminto sa paglalakad si Max at tumalikod. Tiningnan niya si Arjo na ang sama ng tingin sa kanya. "Ngayon lang ba may recitation?" Itinulak niya gamit ang hintuturo ang noo ng kapatid. "Ang bobo mo talaga, alam mo 'yon?"
Tumalikod na si Max at nagtuloy-tuloy sa paglalakad. Si Arjo naman, lalo lang nainis sa kuya niya.
"Kasalanan mo 'to e!" Hahampasin sana niya si Max sa likod kaso nakaiwas lang ito. "I hate you!" Isang hampas pa niya na nailagan uli nito. "Isusumbong kita kay Papa!" Another hampas na naiwasan uli. "Sasabihin ko sa kanya, binu-bully mo 'ko!"
Ang mukha naman ni Max, halatang wala sa mood habang iniiwasan ang mga hampas sa kanya ng kapatid.
"Nakakainis ka talaga—!" Napahinto si Arjo nang mahampas niya si Max sa kanang balikat nito.
"Ikaw pala, huh! Tikas mo rin, 'no?"
Napasilip si Arjo sa harap ni Max para makita ang nagsasalita.
"Oh shi—" Napatakip na lang si Arjo ng bibig na makita ang mga nambu-bully sa kuya niya.
"Pinopormahan mo ba yung girlfriend ko, ha?" maangas na tanong ng lalaking ready na mambasag ng mukha.
Sintaas lang ito ng kuya niya, ilang pulgada lang ang layo sa anim na talampakan. Mas payat nga lang at mas nakakairita ang mukha.
Malamang, nalaman na nitong nilapitan ni Liberty si Max. At ang pinalabas pa yata, si Max ang nanlandi.
Ang mukha ni Max, poker-faced pa rin. Wala siyang balak lumaban. Ayaw niya ng kahit anong komosyon. Ayaw niya ng kahit anong problema.
Saktong labasan ng mga klase sa third floor, lahat ng nasa hallway na iyon, pinanonood sila. Mga nag-aabang ng away yung iba. Yung iba, lumayo na dahil ayaw madamay.
"Girlfriend mo?" tanong ni Max at kinuha niya ang kamay ni Arjo. "Siya ba yung tinutukoy mo?" At saka niya itinuro ang likuran ng lalaki.
Lahat sila, napatingin sa direksyon na itinuro niya.
"Niloloko mo ba 'ko, ha?! Wala namang—"
Pare-pareho silang nagulat dahil wala na sina Max at Arjo sa hallway.
>>
Hingal na hingal si Arjo habang nakaupo sa tuktok ng hagdanan sa kabilang dulo ng building. Nakasandal naman si Max sa dingding habang nakatayo sa harapan ni Arjo.
"'Lam mo, Kuya . . . ang . . . ang dami mo laging problema," sabi ni Arjo habang pinupunasan ang noong pawisan.
"Tsk!" Napasuklay nang wala sa oras si Max dahil sa inis.
Ayos na sana siya roon sa simpleng pambu-bully ng classmate niya. Kaso dumagdag pa ang paglapit sa kanya ng Liberty na iyon.
"Ikaw kasi e! Bakit kasi kailangan tumakbo?"
"Gusto mong gapangin pagtakas do'n, ha?" Napahawi rin ng nabasang buhok si Max at saka lang kinuha ang panyo niya sa bulsa. "Tara nga!" Hinawakan niya ang batok ni Arjo at pinunasan ang mukha nito. Sunod ang kamay nitong basa.
"Kuya, nauuhaw ako!" reklamo ni Arjo.
"Tsk." Sumimangot lang si Max at siya na ang kumuha ng bag ni Arjo. "Kung mag-iinarte ka diyan, sa tingin mo, makakainom ka?" Saka siya naglakad pababa.
"Kuya naman e!"
"Bahala ka! Sa tingin mo, lalapit sa 'yo yung tubig?"
"'Ba 'yan!" Sumimangot lang si Arjo at saka siya sumunod sa kuya niya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top