2: Bad Blood
Ilang minuto pa lang ang nakalilipas matapos ang alas-siyete, kinuha ni Arjo ang bike niya sa garahe ng bahay para pumasok sa school. Kung tutuusin ay malapit lang ang university kung saan siya nag-transfer. October, bagong semester. In-enroll siya ng mga magulang niya sa Hill-Miller University (HMU). Pagbukas pa lang ng pinto, tanaw na niya ang gate ng paaralan. Sa buong village na iyon, HMU ang pinakamalaki at namumukod-tanging university sa lugar. Ang eskuwelahang pagmamay-ari ni Erajin Hill-Miller, na may-ari din ng Hill-Miller mansion doon sa may burol na dulo ng Grei Vale.
Maaliwalas ang paligid, maganda ang sikat ng umagang araw. Limang bahay nga lang ang layo ng swing gate. Mataas iyon, mahirap talunin. Sintaas ng isang palapag. Pero kahit na ganoon, palagi namang bukas.
Nilalakad ni Arjo ang papasok sa gate tangay-tangay sa kanang gilid ang bike niya.
"Hi, babe!"
Napalingon siya sa kanang gilid at nakita ang isang lalaking humahabol sa kanya.
"Babe mo mukha mo!" Isang malakas tadyak ang ibinigay niya rito bago pa man siya nito malapitan. "Sino ka ba?!"
"Aray naman!" reklamo nito habang hawak ang hitang tinadyakan ni Arjo. "Mapanakit kang nilalang, ha. Hindi mo na 'ko kilala?"
Hinaguran niya ito ng tingin. Naka-brush up ang harapang buhok nito at wavy na sa likuran. Naghahalo ang brown at highlights na copper ang kulay niyon. Prominente ang prisukat na panga, manipis ang labi, maganda ang bilugang mata na may mahahabang pilik-mata. Malago ang kilay, pansinin ang Roman nose nito. Mga facial features nitong kapansin-pansin. Bumagay pa sa morenong kulay nito ang suot nitong maroon na V-neck na loose at gusot ang laylayan dahil nakaipit nang bahagya sa belt at stonewashed jeans. Nakasukbit sa kanang balikat nito ang isang backpack na mukhang walang laman.
"Kilala ba kita?" mataray pang tanong ni Arjo na kung tingnan ang lalaki ay parang nakakadiring nilalang ito.
"Huh! Ako si . . ." Nag-pogi pose pa ito. ". . . Melon."
"Pfft! M-Melon?" Napatakip ng bibig si Arjo para itago ang pagtawa. "Ang pangit ng pangalan mo." Napailing na lang siya at nagtuloy sa paglakad.
"Huy! Nagawa mo na yung homework sa calculus?" tanong pa nito habang nakasunod sa kanya sa paglalakad.
"Calculus?" Napahinto siya sa paglalakad at napatingin sa itaas. Ilang saglit pa, biglang nanlaki ang mga mata niya at gulat na gulat na tiningnan si Melon.
"Alam mo, madali lang yung number 3. Kaya malamang na itatanong 'yon mamaya ni Miss Etherin," pagmamalaki pa ni Melon.
"Psh." Umirap na naman si Arjo at nanghagod na naman ng tingin habang nagmamataray na naman. "Wala akong pakialam." Wala kasi akong sagot.
Napakamot tuloy siya ng ulo. Nakalimutan kasi niyang ipagawa kay Zone ang homework niya.
"Ang weird mo, alam mo 'yon?" sabi ni Melon.
"At paano naman ako naging weird, ha?" mataray niyang tanong sa lalaki nang makalampas na sila pagpasok sa gate.
Tiningnan niya si Arjo, tapos yung bike, tapos balik kay Arjo. "May bike ka pero hindi mo naman sinasakyan. Ano 'yan? Pinapasyal mo?"
Kumunot agad ang noo ni Arjo sabay tingin sa bike. Tanga!
"Sige! Mauna na 'ko! Kita na lang tayo mamaya sa room!"
Tumakbo na si Melon papasok sa building sa kanan nila. Sinalubong nito roon ang iba nitong kabarkada na papasok na rin.
"Psh! Epal!" sabi niya at saka na sinakyan ang bike papasok sa loob ng school.
****
School na yata ang isa sa pinakaayaw na lugar ni Arjo. Wala kasi siyang magagawa kundi sunugin ang utak sa mga subject nila.
Buryong na buryong siya habang nakapangalumbaba at bored na bored na nagdo-drawing ng kung anong bagay sa likod ng notebook niya. Naroon siya sa room 403, nakaupo. Second column, third row, fourth table. Second sem na nang pumasok siya sa HMU kaya inis na inis siya nang malamang magiging irregular student siya. Hindi kasi na-credit ang iba niyang subject sa former school na pinanggalingan sa kabilang city.
"Hey, may gawa ka ro'n sa calculus?"
"Wala pa nga e."
"Baka pwede tayong kumopya sa meron?"
"Kay Mel? Baka pwede tayong makihiram ng notes."
Kanina pa pinag-uusapan ang subject nila sa calculus at rinding-rindi na siya. Para kasing pinamumukha pa talaga ng mga classmate niya na isa rin siyang walang gawa.
"Haaay," ang lalim ng buntonghininga niya at halos saksakin na ng tusok ng signpen ang notebook niya.
Nagulat na lang siya dahil may bumagsak na notebook mula sa taas pababa sa mesa niya.
Nanlaki ang mga mata niya at biglang nagningning. Kulang na lang, may angel choir na umawit sa kanya dahil doon.
Sinundan na lang niya ng tingin ang naghagis ng notebook sa mesa niya na patungo sa likuran, apat na table ang layo sa kanya.
"Psh, attitude ka, Kuya?" Sumimangot siya nang kaunti at saka ibinalik ang tingin doon sa notebook nang may ngiti na. Sa wakas! May assignment na siya.
Kinuha niya iyon agad at binuklat ang first page.
"Private property of Maximilian Joseph Zach. If you don't want to see your head rolling down the aisle, never dare touch my things! Unless I allowed you to do so." Bigla siyang napasimangot. "Psh. Daming alam." Umirap pa siya at nag-make face. "Zach. Psh, talagang binago niya yung pangalan niya?"
Sa katunayan, Malavega naman talaga ang ginagamit na pangalan noon ng kuya niya, hanggang sa umalis ito sa kanila three years ago at napunta sa lugar na malay niya kung saan. Basta, pagbalik nito sa bahay, hindi na Malavega ang apelyido nito kundi Zach na. Tinanong niya ang mama niya kung puwede bang palitan ang pangalan ng tao, pero sinabi lang nito sa kanya ay hayaan na ang kuya niya.
Ang reklamo nga niya sa mama niya, "Puwede kong gawing Chalrmaine ang pangalan ko? Ayoko kasi ng Armida Josephine."
At ang nangyari? Sumagot ang mama niya ng "Kung sampalin kaya kitang bata ka? Tumigil ka diyan, Arjo."
Kaya talagang inis na inis siya sa mama niya dahil sa nangyaring iyon. Kuya lang niya at si Zone ang ini-spoil nito. Papa lang niya talaga ang kumukunsinti sa kanya.
Pero kahit paano ay nagpapasalamat siya dahil hindi sila napagkakamalang magkapatid dahil doon. Zach ang kuya niya, Malavega naman siya.
Binalikan niya ang notebook.
Lalo siyang napasimangot. Graduate na kasi ang kuya niya. Architect na nga at nagtatrabaho. Kumikita pa ng sariling pera. Ang hindi lang niya maintindihan ay kung bakit mula noong lumipat siya sa HMU ay nag-aral na ulit ito. At hindi lang iyon. Kung ano ang course niya, iyon din ang course nito. Kung ano ang mga subject niya, iyon din ang subject nito. At kung ano ang schedule niya, iyon din ang schedule nito.
Ang reklamo nga niya, nagmumukha itong stalker niya. At ang mas nakakainis, ito ang nagprisintang mag-aral ulit at hindi ang mga magulang niya.
Tinanong niya na naman ang mama niya kung bakit ito pumayag sa ginagawa ng kapatid niya, pero nasinghalan na naman siya dahil bakit daw niya pinakikialaman ang ginagawa ng kuya niya.
Siya lang talaga ang binabara ng mama niya sa bahay. Kaya nga bad trip na bad trip siya rito.
Padabog niyang nilipat-lipat ang pahina ng notebook.
"Oh . . . Wow . . . So wow . . ." Ngumiwi siya at napahawak sa ilong na parang may tumutulo roon. "Tissue! Tissue! Halp! Halp mey! Eeee." Inurong niya palayo ang notebook na parang puno iyon ng germs. "Numbers. Letters. Numbers. Letters. Numbers. Ulk." Hinimas niya nang mabilis ang mga braso dahil para siyang kinikilabutan sa notebook ng kuya niya. "Kailan pa pumayag ang Diyos na pagsamahin ang dalawang 'to sa iisang equation?"
Yumuko siya at ginulo-gulo ang buhok dahil sa inis. Pagbalik niya ng tingin sa notebook, binasa niya ang unang question.
"We know f(x) is equals to x squared . . . bro, I don't even know you, duh," reklamo niya sa notebook. "And we can calculate f . . . ano'ng f? F ka talaga, ewan ko sa 'yo. Mag-calculate ka mag-isa mo."
Padabog niyang isinara ang notebook ng kuya niya at saka niya isinubsob ang ulo sa notebook.
Samantala . . .
Pinanonood ni Max si Arjo na nakayukyok ang ulo sa mesa habang hindi pa rin makuha kung paano nito kokopyahin yung homework nila.
Kung hindi lang siya makakakuha ng atensiyon, kanina pa niya iyon hinampas sa ulo ng notebook. Napailing na lang siya at pinandilatan ang mesa. "Ang bobo mo talaga, Jo," mahina niyang bulong na siya lang ang nakaririnig.
Itinuon na lang niya ang atensiyon sa sketchpad para matapos ang initial structure ng thin plates para sa townhouse project niyang worth 13 million.
"Hmm . . ." Nag-isip pa siya kung ano ang idadagdag roon. Sa bahay pa kasi siya makakapagsimula ng mas detalyadong face at boundary.
"Uy . . ." Isang kamay ang biglang humalbot sa sketchpad niya. "Ano 'to? Blueprint?" maangas na sinabi ng isang kaklase niyang lalaki na may kasama pang tatlong alipores.
Napatingin lang sa harapan si Max at halata sa mukha ang pagtitimping makasapak ng tao.
"Ang pangit naman nito hahaha!"
Akmang pupunitin na sana ng lalaki ang sketchpad nang biglang tumayo si Max.
Napahinto ito at nakipagsukatan ng tingin sa kanya.
"Ano? Papalag ka na, ha, mute?" mayabang nitong sinabi habang tinatantiya ng tingin si Max.
Gumawa naman ng mga hand gesture ang tatlong lalaki sa likod nito para gayahin kung paano makipag-usap si Max at saka humirit ng malutong na tawanan.
Nasa kanila na lahat ng atensiyon ng buong klase.
Noong nalaman kasi nila na hindi nagsasalita si Max, at wala itong ibang paraan kundi magsulat sa sketchpad o di kaya ay mag-sign language, lalo lang itong nakaranas ng discrimination at pambu-bully sa kanila.
Ni wala man lang umawat sa mga kaklase niya. Lahat ng ito ay walang imik, o di kaya ay nakikitawa na lang din.
Tiningnan ni Max si Arjo na nakatingin sa kanya. Umiling pa ito na parang nadidismaya dahil hindi siya lumalaban.
"Hahaha! Wala pala 'tong pipi na 'to e!" sabi ng bully sa mga kasamahan niyang nakikitawa rin. "O!" Nagulat na lang siya nang kunin ni Max ang sketchpad at dali-dali itong lumabas ng room. "Hahaha! Duwag!"
-----
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top