18: Reviewer

Alas-nuwebe ng gabi, dumoon muna si Max sa kuwarto niya para bigyan ng mas madaling reviewer ang kapatid niya. Dahil alam niyang mababato lang niya ito ng unan kapag nag-ingay pa ito nang nag-ingay. Inilista niya ang full explanation sa mas madaling maiintindihan ni Arjo doon sa mismong pink notebook nito. Para na rin hindi na niya kailangang ibigay rito ang notebook niya.

Sampung minuto lang ang pinalipas niya bago balikan ang kapatid sa kuwarto nito.

Wala nang katok-katok pa, basta pumasok na lang siya sa loob.

"Aah!" Isang sandaling sigaw ang narinig ni Max kaya napahinto siya. "Kuya naman!"

Tumaas na lang ang kilay niya nang makita si Arjo na naka-towel lang at pinipilit takpan ng isa pang towel na pampunas sa buhok ang bandang dibdib. Naroon ito sa harap ng malaking puting closet nito sa kaliwang sulok ng kuwarto.

"Tss, arte." Nagtuloy lang si Max papunta sa study chair at umupo roon na parang wala siyang nakita.

"Kuya, ano ba!" reklamo ni Arjo. "Hindi pa 'ko nakakabihis!"

"Wala akong pakialam kahit nakahubad ka pa. Bilisan mo diyan para matapos na tayo. Gusto ko nang matulog," poker-faced na sinabi ni Max sabay kuha ng librong pinababasa niya rito at mga scratch papers para tingnan kung paano nito na-solve ang mga pinasasagutan niya kanina.

"Kuyaaa! Pa'no 'ko magbibihis, nandito ka?!"

"Aksaya ka sa oras, alam mo 'yon?" sagot ni Max habang hawak-hawak ang dalawang papel para ipagkompara ang mga gawa nito. "Bilis na. Isang ingay mo pa diyan, ako na magdadamit sa 'yo."

"Wha-" Napanganga na lang si Arjo sa sinabi ni Max.

"Isa!"

"Oo na! Oo na!" Inis lang na tiningnan ni Arjo ang kuya niya. "Aish . . ."

Iyon ang ayaw niya sa kuya niya. Mana sa mama niya pagdating sa pag-uutos. Kung ano ang gusto, iyon ang masusunod. Kung hindi man, mas malala pa sa mama niya. Palagi ngang sinasabi ng papa niya na nakahanap ng sariling demonyo ang mama niya sa katauhan ng kuya niya.

Binuksan na lang niya ang closet at kumuha roon ng cropped pink tank top at maluwang na mini shorts pantulog.

"'Wag kang maninilip, ha!" sigaw niya kay Max.

"Wala akong makikita sa pader, 'wag kang mag-assume," sabi ni Max habang patuloy na kino-compute ang mga problem na ibibigay na niya kay Arjo para sagutan pa ulit nito.

"'Pakasama mo talaga, Kuya!"

Nagbihis na nang madalian si Arjo at isinabit ang tuwalya niya sa hanger sa handle ng closet.

Nang makabihis, kinuha niya agad ang isang upuan sa sulok ng kuwarto at tumabi sa kanang gilid ni Max na nakaharap sa study table.

"Kuya, tama yung sagot ko?" nakangisi niyang tanong habang sinisilip ang mukha ng kuya niya.

Hindi ito nagsalita, nagpatuloy lang sa pagsulat.

"Kuya. Kuya. Kuyaaaa . . ." mahina niyang pagtawag habang nilalapit ang bibig niya sa tainga nito.

Napahinto lang siya nang bigla itong lumingon sa kanya.

Halos magkandaduling-duling na siya habang nakatingin sa mga mata nito sa malapitan.

Dati, laging sinasabi ng mga kabarkada niya na ang ganda ng mata ng kuya niya, pero nandidiri siya sa ideya dahil napakasungit nito, pero ngayon lang niya talaga naamin na ang ganda talaga ng mata nito. Parang mata ng papa niya ang hugis at kakulay naman sa mata ng mama.

Nagulat siya nang bigla siya nitong tinampal sa kaliwang sentido. "Mukha kang tanga, Jo."

Pag-ayos niya ng upo, halos manlaki ang butas ng ilong niya habang nakasimangot dito.

Aminado naman siyang ang guwapo pala talaga ng kuya niya, lalo na kapag neat and clean ito. Dati, nagtataka siya kung paano nagkakagusto ang mga kakilala niya rito, pero ngayon alam na alam na niya kung bakit. Ang kaso, alam na alam talaga niya kung bakit ayaw niyang maniwala kung bakit hindi ito guwapo noon. Napakasama kasi talaga ng ugali nito. Hindi na nga niya nabibilang kung ilang beses niyang sinasabi sa buong araw na napakasama ng ugali nito, gaya ng hindi niya pagbilang kung ilang beses siya nitong sinasabihang bobo.

"Sagutan mo 'yan." Inilapag ni Max ang notebook na blue sa harap ni Arjo. Notebook na naman yata iyon ng kuya niya.

"Psh." Sinimangutan lang ni Arjo ang notebook at saka inis na kinuha iyon. Sandali niyang tiningnan ulit ang kuya niya. Nakataas lang ang kilay sa kanya.

Habang nakatingin siya sa notebook, hindi niya maiwasang isipin kung bakit hindi pa niya ito nakikitang may kasamang babae o may niligawan man lang ni minsan.

"Kuya," pagtawag ulit niya at pagtingin dito ay nagbabasa lang ito ng librong pinababasa kanya. "Bakit ka pala kinausap kanina ni Betty?"

"Sinong Betty?" tanong nito sabay lipat ng pahina.

"Si Liberty."

"Nagpapapansin."

"Di mo siya type? Sexy naman 'yon a?"

"Ayoko sa pangit."

"Hah!" Napasinghap si Arjo at napahawak pa sa dibdib habang napaatras nang bahagya. "Pangit na 'yon sa 'yo?" Napatingin sa notebook si Arjo at napapaisip. Isa si Liberty sa pinakamaganda sa kanila, pero pangit ito sa paningin ng kuya niya. Naisip niya bigla si Lei. Cute lang kasi ito.

"E si Lei, Kuya? Tingin ko, crush ka niya." Ngumisi pa siya para kantiyawan ang kapatid.

"Ayoko sa madaldal."

"Ano ba 'yan, Kuya, ang choosy mo naman!" Napanguso pa si Arjo sabay halukipkip. Hindi na tuloy niya alam kung paano ilalakad si Lei sa kuya niya kung ganitong ang hirap nitong i-please.

"Ayaw mong magka-girlfriend?" nangingising usisa niya.

"Magkaka-girlfriend lang ako kapag hindi ka na bobo."

Automatic ang hampas niya sa braso nito. "Bakit ang sama-sama ng ugali mo, Kuya? Di naman ganyan kasama ugali ni Papa a!"

"Bakit? Ako ba si Papa?" Gumanti rin si Max ng pitik sa tainga ng kapatid. "Tigilan mo 'ko diyan, igagapos ko na 'yang leeg mo 'pag di ka pa tumigil."

"Psh! Sungit!" Bigla siyang napatingin sa kamay nito nang maglipat ulit ng pahina.

Naalala niya noon na lagi itong sinasabihan ng mama niya na may training ito. Martial arts ang kadalasan. Kapag naman kasama nito ang papa nila, palagi nitong bukambibig ang mga pag-aaral sa blueprint kaya nga ito naging architect. Hindi tuloy niya alam kung bakit parang ang daming alam ng kuya niya samantalang siya nga na simpleng mathematical equation, iniiyakan na niya. Istrikto rin naman sa kanya ang parents niya, pero hindi niya alam kung gaano ito naging istrikto sa kuya niya para tumalino ito nang ganoon.

Bigla niyang kinuha ang kamay ng kuya niya at tinitigan iyon. Ang hahaba kasi ng daliri nito sa kamay, hindi pa gaanong maugat, at parang kamay ng lalaking mannequin, tapos maputi pa. Hindi mahaba ang kuko, at malinis ang pagkakagupit.

"Kuya, ba't yung kamay mo, maganda saka malambot?" tanong niya habang pinapagpag iyon sa sarili niyang kamay.

Ang sama tuloy ng tingin ni Max sa kapatid niya. "Sabihin mo lang kung ayaw mong sumagot ng pinasasagutan ko. Daming palusot."

Biglang lapad ng ngisi ni Arjo. Akala niya, hindi nito mapapansin ang delaying tactics niya.

"Kuya, ayoko na sa math," nakangusong reklamo ni Arjo.

"Tanungin mo muna yung math kung gusto ka niya," sabay tampal sa noo ng kapatid. "Sagutan mo na yung pinasasagutan ko. Inaantok na 'ko."

"Aray naman!" Lalong sumimangot si Arjo habang hawak ng magkabilang kamay ang noo. "Isusumbong talaga kita kay Papa, sasabihin ko, sinasaktan mo 'ko!"

"E di magsumbong ka. Sino'ng tinakot mo?" Tumayo na si Max at ibinagsak ang sarili sa kama ni Arjo sabak humikab. "Gisingin mo 'ko kapag tapos ka na."





*****





Ang simple ng utos ni Max sa kapatid. Kapag natapos ito, gisingin siya agad.

Naalimpungatan si Max nang bigla niyang maalalang kailangan pala niyang gumising. Hindi niya namalayan, napalalim na ang tulog niya. Sinilip niya ang orasan sa study table. Nakapatay na rin ang ilaw at lampshade na lang sa nightstand at study table ang nakabukas. Quarter to 12 na pala.

Nadako ang tingin niya kay Arjo na nakasubsob na ang ulo sa mesa at natutulog na rin.

"Tss." Lumapit na lang siya rito para kunin ang blue notebook na dinadaganan ng braso nito. Dahan-dahan niya itong hinatak para hindi magising ang kapatid.

Napatango na lang siya nang makitang nasagutan ni Arjo ang mga problem na binigay niya, liban sa huling dalawa na mukhang nakatulugan na. Ayos lang dahil tama naman ang mga sagot ni Arjo sa mga nasagutan nito.

Mabuti naman.

Inilapag niya ulit ang notebook sa table at tiningnan ang kapatid. Masyadong mahimbing ang tulog para gisingin.

Binalikan niya ang higaan at inalis nang bahagya ang kumot. Isinilid na lang niya ang kanang braso sa likod ng tuhod nito at inalalayan ang likod saka ito binuhat pahiga sa kama.

"Uhm, Kuya, ayoko na ng math . . ." sabi ni Arjo sabay paling sa kanan at namaluktot dahil sa lamig.

Napangiti na lang si Max. Mukhang tinakot niya talaga ang kapatid.

Inayos na lang niya ang sando nito na nakaangat at saka niya kinumutan.

Sandali niyang tiningnan ang mukha ni Arjo. Napabuntonghininga na lang siya dahil sa naiisip.

Noon pa man, noong bagong tapak nito sa bahay nila, laging paalala sa kanya ni Armida na wala siyang ibang gagawin sa mundo kundi protektahan ang kapatid niya. At masyado siyang matalino para malaman na sa bahay na iyon, siya lang naman ang nag-iisang anak ng mga magulang niya.

Hanggang sa nalaman niya na siya ang dahilan kung bakit mamamatay ang ina niya. At ang kapatid na tinutukoy nito ay ang magiging pag-asa nito para mabuhay nang matagal.

Kahit naman hindi niya sabihin sa kanila, alam naman ng mga ito na ginagawa lang niya ang lahat ng sinabi sa kanya ng mga magulang niya. At kung sa paanong paraan niya gagawin ang pagprotekta sa iba pa niyang kapatid na tinutukoy nila, siya na ang bahala roon.

Ang mahala lang naman sa kanya ay mabuhay ang mama niya at protektahan ang kapatid niya-kahit pa sa bahay ng mga Malavega, itong dalawa ang palaging kaaway niya.

Hinawi na lang niya ang buhok ni Arjo sa mukha at saka niya ito hinalikan sa noo.

"Good night, Arjo . . ."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top