14: Big Brother

Nasa hallway si Max at talagang inaabangan niya ang paglabas ni Miss Etherin sa admin office. Pinatawag kasi ang propesor tungkol kay Zone. Normal lang naman na nakakaalis ang mga bata sa mga room nila, pero bago lang si Zone sa HMU kaya naman sinabihan na lahat ng staff na kailangang ingatan ang bata dahil anak ito ng may-ari.

Halos isang oras din ang hinintay niya. Maya-maya, lumabas na rin ang hinahanap ni Max.

Pagbukas na pagbukas pa lang nito ng pinto ng opisina, mukha na niya ang bumungad dito.

"Saan mo nakuha ang kapatid ko?" seryosong tanong ni Max.

Isang malalim na hininga ang pinakawalan ni Miss Etherin habang nakahinto sa harapan ni Max natapos isara ang pinto.

"Maniniwala ka ba sa sasabihin ko kung ipapaliwanag ko sa 'yo?" Nagtaas pa siya ng mukha para hamunin ito. "Dahil ayokong sumagot kung dudugtungan mo rin ng 'At sa tingin mo, maniniwala ako sa 'yo?' Pareho lang tayong magmumukhang tanga."

Naningkit lang ang mata ni Max at nagpamulsa. Hindi talaga niya gusto ang prof niya magmula nang malaman niya kung sino ito. Kaya may punto rin ito dahil kahit ano pa ang sabihin nito, hindi rin naman siya maniniwala.

"Matuwa ka na lang dahil ako ang nakapulot sa kanya at hindi ang kung sinuman," sabi na lang ni Miss Etherin at naglakad na sa hallway para bumalik sa faculty.

Tumaas lang ang kilay ni Max at sinundan ng tingin ang papalayong babae. "Anong meron doon kay Arjo at kay Levarez?" pahabol niyang tanong.

Umalingawngaw lang ang boses ni Miss Etherin sa pasilyo nang hindi siya nililingon. "Nag-usap kami ni Josef last weekend about Arjo. I asked Marlon to teach her para makasunod sa klase ko. I don't want your mother to-"

Hindi na natapos ni Miss Etherin ang sinasabi nang bigla siyang kabigin ni Max at halos itulak siya nang marahas pasandal sa dingding sa dinaraanan nila.

"Hanggang ngayon pa rin ba, di mo pa rin tinitigilan si Papa?" galit na tanong ni Max at kitang-kita sa mga mata niya ang inis.

Natawa naman nang mahina si Miss Etherin at tiningnan si Max na parang nakakaawa ang lalaki para isipin iyon. "I knew your father since I was eleven. Wala ka pa sa hinagap ng parents mo, magkakakilala na kami. So please remove that impression na kabit ako ng papa mo dahil kung totoo nga, dapat matagal na 'kong pinatay ni Armida."

Lalong diniinan ni Max ang pagkakatulak niya sa balikat ni Miss Etherin habang naiirita sa sinabi nito. Kanina pang mariin ang pagkakaigting ng mga panga niya, pero dumoble pa ang pagtatagis niyon habang nakatingin sa mga asul na mata nito.

"Bakit hindi mo 'ko kinausap tungkol kay Arjo? Bakit doon pa sa lalaking 'yon?" pagbabalik niya sa nauna nilang usapan.

Napangisi na lang si Miss Etherin sa narinig. Hindi mawari kung matatawa o maiinsulto sa sinabi ng lalaki. "Before my class began, I really thought, tuturuan mo ang kapatid mo. But then, you saw her notes. She's not doing her responsibility as my student. Bumitiw na siya sa pagkakahawak ni Max sa balikat niya at saka siya nagkrus ng mga braso. "And besides, ayaw mong kinakausap kita, di ba? Nagulat nga ako, inabangan mo 'ko rito."

Napahugot ng hininga si Max kahit nanggagalaiti na siya sa inis.

"Bawiin mo yung utos mo kay Levarez. Ako na ang mag-tu-tutor sa kapatid ko." At saka siya naglakad paalis para abutan si Arjo sa mess hall.

Samantala, napailing na lang at napangisi si Miss Etherin habang tinitingnan si Max na paalis na.

"So that's what happened if it was transferred naturally . . ." at saka niya hinawakan ang dibdib. Kanina pa ayaw tumigil sa mabilis na pagtibok ang puso niya simula nang makita si Max-bagay na nararamdaman lang niya noon sa ama nito kahit wala naman itong ginagawa.





****





Nakabusangot na nakatingin si Arjo sa order niyang spaghetti na kanina pa niya nilalamutak dahil sa pagka-bad trip. Sino ba kasi ang hindi maba-bad trip, binigyan siya ng tutor ng prof niya samantalang wala namang nagsasabing kailangan niya ng tutor.

At hindi lang iyon, kinausap nito ang papa niya. Nagtataka nga siya kung paano nito nakakausap ang parents niya samantalang hindi naman niya nakita si Miss Etherin noong nag-enroll siya roon. O kung tumawag man ito sa magulang ng mga classmate niya, bakit siya lang? Bakit siya binigyan ng tutor samantalang hindi lang naman siya ang engot sa calculus at halos lahat naman ng classmate niya, pulos repeater.

"Hi, Arjo!"

Napaangat si Arjo ng mukha nang makita si Lei na umupo sa upuang kaharap niya. May dala itong tray na may lamang pagkain.

"Hi, Lei," walang effort na bati ni Arjo at bumalik sa pagdadamdam.

"O? Bakit ganyan ang mukha mo?" tanong ni Lei sabay kuha sa soft drink in-can niya.

"Binigyan ako ng tutor ng prof ko sa calculus," buryong na reklamo ni Arjo.

"O? Si Miss Etherin?" gulat na tanong ni Lei.

"Yeah," bored na sagot ni Arjo.

"Wow! Walang pakialam sa estudyante niya si Miss Etherin, alam mo ba 'yon? At talagang buwis-buhay ako makapasa lang sa subject niya last year, pero ikaw? Binigyan ng tutor?" di-makapaniwalang sinabi ni Lei.

"Kaya nga ako naiinis e. Bakit ako lang?" inis na sagot ni Arjo at lalong tinusok-tusok ang spaghetti niya. "At sa dinami-rami ng magiging tutor-"

"Let me guess, si Marlon Levarez," sabi ni Lei sabay kindat at ngisi.

"Oh . . ." Napasandal naman sa inuupuan niya si Arjo dahil mukhang may idea si Lei kay Melon. "Kilala mo ba yung prutas na 'yon?"

"Hahaha!" Natawa naman nang malakas si Lei dahil sa tinawag ni Arjo kay Melon. "Prutas talaga?"

"Why? E prutas naman talaga yung Melon, di ba?"

"Yeah, yeah, yeah . . ." Tumango naman si Lei sabay subo ng hotdog-in-a-bun na pagkain niya. "Magaling 'yon sa math! President's lister 'yon!" pagmamayabang niya habang ngumunguya with matching thumbs up pa.

Slow-mo namang tumango si Arjo habang pinanonood si Lei na ngumuya.

"Laging seat-in 'yon sa klase ni Miss Etherin. E matagal na 'yong walang calculus." Uminom pa muna siya sandali at saka nagsalita uli. "Ewan ko nga kung bakit pero lagi siyang gumagawa ng homework and quiz kahit na wala namang grade yung mga pinapasa niya."

"Aaaah . . ." Tumango naman si Arjo sa narinig. "Di kaya may gusto yung Melon na 'yon kay Miss Etherin?"

"Uhm!" Umiling agad si Lei bilang pagtanggi. "Imposible 'yon!"

Napahalukipkip naman si Arjo at nagdududang tiningnan si Lei. "Paano mo naman nasabi, ha?" hindi pa kumbinsidong tanong niya.

"Kasi-"

"Hellooo, mga babes!"

"O! Hi, Mel!" masayang bati ni Lei sabay kaway nang matipid.

"Hello, Leanna Marie . . . ang ganda mo ngayon a." Umupo si Melon sa tabi ni Arjo at saka niya ito inakbayan. "'Musta yung i-tu-tutor ko?" tanong niya sabay smile kay Arjo.

"Psh!" Tinabig agad ni Arjo ang kamay ni Melon na nasa balikat niya. "Asa kang magpapa-tutor ako sa 'yo! Magpapabagsak na lang ako!"

"Whoah!" Nagulat naman si Lei sa ikinikilos ni Arjo.

Alam kasi ni Lei kung sino si Melon sa HMU, at hindi siya makapaniwalang ginaganoon-ganoon lang ni Arjo ang lalaki.

"Grabe ka naman, babes." Nagtampo pa kunwari si Melon at nagpunas ng kunwaring luha gamit ang braso. "Para namang wala tayong pinagsamahan niyan."

"Talagang wala tayong pinagsamahan, kapal ng mukha mo, baliw." Umurong pa sa mahabang upuan niya si Arjo para lumayo kay Melon.

Yung reaction naman ni Lei, nagpipigil ng tawa.

"Lumayo ka nga sa 'kin! Naaalibadbaran ako sa 'yo!" iritang utos ni Arjo habang tinutulak sa balikat si Melon.

"Hwoy! Hala!" Nagpupumilit naman si Melon na manatili sa inuupuan niya kahit na paulit-ulit siyang tinutulak ni Arjo.

"Alis na sabi e-!"

Si Lei naman, tuwang-tuwa sa ginagawa nina Melon at Arjo.

"Alis!"

"Ayoko nga-aray!"

Pare-pareho lang silang napahinto nang may biglang lumapit kay Arjo at hinatak ang kanang pulsuhan nito.

"Hwoy!" Nagulat si Arjo dahil bigla siyang napatayo dahil doon sa humatak sa kanya.

"Mag-usap nga tayo," sabi nito.

Si Arjo naman, natigilan. Natulala roon sa lalaking humatak sa kanya. Tinitigan niya ang mukha nito na parang kilala niya na parang hindi.

Sinuklay naman palikod ang buhok nitong lumampas lang nang kaunti sa tainga, pero may ilang hibla pa ring nakatakas na nakaharang sa noo nito. Pamilyar ang mga malalim na mga mata nitong matingkad ang pagkaka-brown. Bumaba ang tingin niya sa labi nitong masyadong mapula para maging natural. Nakasuot ito ng uniform ng HMU at hindi niya matandaan kung kilala ba niya talaga ito dahil wala naman siyang kakilala roon maliban kay Melon, kay Lei, at sa kuya niya.

Napalunok muna si Arjo bago magsalita. "S-s-sino ka?" kinakabahan niyang tanong. Sumulyap pa siya kay Lei na natulala rin doon sa humatak sa kanya. Tiningnan niya ang paligid.

Mas weird dahil napahinto rin ang mga babaeng nasa malapit habang nakatingin sa kanila.

Ibinalik niya ang tingin doon sa humahatak sa kanya. Para talagang pamilyar, pero hindi.

"Kunin mo na 'yang gamit mo," utos nito.

Tumayo naman si Melon at hinatak ang kaliwang pulsuhan ni Arjo.

"Bro, kung may kailangan ka kay Malavega, puwede mo naman siyang kausapin nang maayos," seryosong sinabi ni Melon sabay hatak kay Arjo.

"Bro, alam ko ang ugali nito kaya 'wag kang mangialam," sabi ng lalaki sabay hatak din kay Arjo.

"Teka, sino ka ba?! Kilala ka ba niya?" maangas na tanong ni Melon sabay hatak ulit kay Arjo at tabig sa kamay ng kaaway niya.

"Kilala niya 'ko? Sasapakin ko siya kapag hindi!" Marahas na naman hinatak si Arjo ng lalaki palayo kay Melon na halos magkanda-tisod-tisod na ito dahil sa paghatak niya.

Si Arjo naman, hindi alam kung sino ang kakampihan.

Ito bang makulit na Melon na ito o itong lalaking wagas maka-torture sa kamay niya.

Pero kahit sino pa man, basta ang alam niya, ayaw niya sa pareho dahil ginagawa siyang lubid sa tug-of-war ng dalawa.

"Sino ka ba, ha?!" maangas na tanong ni Melon at humakbang paabante para palagan ang lalaking kaaway.

"Wala kang pakialam!" At saka nito hinatak si Arjo paalis doon.

Si Arjo naman, hindi na naka-react. Basta nagpahatak na lang siya.

Ang weird dahil hindi rin niya alam kung bakit niya hinayaan ang sariling magpahatak sa lalaking ito na ngayon lang niya nakita pero parang pamilyar talaga.

Hindi niya alam kung bakit pero napakabilis ng tibok ng puso niya. Hindi tuloy siya sigurado kung dala ba iyon ng bilis ng paglalakad, ng pagod, ng takot . . . o baka iba na.

Nadadala ng hangin ang pabango ng lalaking humahatak sa kanya.

Nanlaki ang mga mata niya. Yung amoy. Pamilyar ang naaamoy niya.

"Wait!" Napahinto si Arjo at binawi ang kamay niya sa lalaking humahatak sa kanya.

"Ano na naman?" Nagtataka naman itong tumingin sa kanya.

"S-saan mo . . . Saan mo nakuha 'yang . . . pabango mo?" utal na tanong ni Arjo habang nakatingin sa mukha ng lalaki.

"Pati pabango ko, pinag-iinitan mo? Tumahimik ka na nga lang!" Hahatakin na sana nito ang kamay ni Arjo pero tinabig agad niya ang kamay nito.

"Tinatanong kita! Saan mo nakuha 'yan?!" inis na tanong uli ni Arjo.

Napahilamos nang wala sa oras ang lalaki dahil sa tanong ni Arjo. "Gift 'to ni Lola sa 'kin last Christmas, ano masaya ka na?" Kinuha niya uli ang kamay ni Arjo at hinatak na naman ang dalaga.

"Lola? Sinong lola?" nagtatakang tanong ni Arjo habang pinipilit sabayan ang bilis ng paglalakad ng humahatak sa kanya.

"Cas. Bakit ba tanong ka nang tanong?" inis nitong sinabi.

Napahinto tuloy si Arjo at nakangangang tiningnan ang lalaki. Napahinto na rin tuloy ito at inis siyang tiningnan.

"H-hindi . . ." Umiling pa si Arjo habang nakatingin sa mukha ng lalaking kanina pa humahatak sa kanya. "No way . . . hindi puwede. . ."

"Hoy, bobo, kanina ka pa, ha!" At dinuro nito ang mukha ni Arjo. "'Pag ako nainis sa 'yo, iuuwi kita nang wala sa oras!"

"Kuya?" takang-takang tanong ni Arjo habang hinahaguran ng tingin ang lalaki. "Bakit-Bakit ganyan ang ayos mo?"

"Pakialam mo naman sa ayos ko?"

Nakanganga pa rin si Arjo habang nakatingin sa mukha ng kapatid na nasa harap niya ngayon.

Limang taon na oong huli niyang makita itong nag-ayos nang matino. Halos hindi na nga niya matandaan ang itsura nito kapag hindi naka-foundation at eyeliner, at walang bigote saka hindi long hair. At alam naman niya ang rason kung bakit nito iyon ginagawa. Pinagkakaguluhan noon pa man ang kuya niya ng mga classmate nitong babae, at kahit ang mga ina ng mga kaibigan niya, pero hindi niya inaasahan na ganito ang ikinalaki ng pagbabago ng itsura nito pagkalipas ng limang taon.

"Ano? Tapos mo na 'kong titigan?" Kinuha na uli ni Max ang kamay ni Arjo at hinatak uli.

Si Arjo naman, hindi makapaniwala. Nagulat talaga siya nang sobra. Akala niya kung sino na, kuya pala niya.

"Alam ba nina Mama na nakauwi ka na?" tanong ni Arjo habang nakatingin sa likuran ng kuya niya.

"Alam ni Papa. Si Mama, hindi ko pa nakikita."

"Kailan ka nakauwi?"

"Kahapon."

"K-kahapon pa? Bakit di kita nakita?"

"'Wag ka na lang magtanong. Tungkol nga pala doon sa tutor, kalimutan mo na yung kay Levarez. Ako na ang mag-tu-tutor sa 'yo mamaya." Huminto siya at dinuro ang mukha ni Arjo. "At ang gusto ko, umuwi ka nang maaga, naiintindihan mo?" Pumikit-pikit pa si Arjo habang nakatitig sa mga mata niya. "Ayokong nagpapa-late ka nang uwi. Mamaya, kung sino na naman ang dumampot sa 'yo."

Nahihirapan nang huminga si Arjo. Hindi tuloy niya alam kung ano nga ba ang dahilan ng sobrang bilis ng tibok ng puso niya. At kung ano man ang sinabi ng kuya niya, hindi niya na inintindi dahil masyado nitong ini-invade ang buong sistema niya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top