13: Tutorial
Huwebes ng umaga, nag-aagahan ang mga Malavega. Gaya ng normal na araw nila ang normal na agahang iyon. Ang kaibahan lang, wala pa rin si Max sa bahay.
At hindi pa rin sila pinapansin ni Armida. Naghanda ito ng almusal at pinakakain lang si Zone. Naninibago nga sila, hindi ito maingay samantalang madalas, umaga pa lang, para nang armalite ang bibig nito.
Si Arjo, walang pakialam dahil matagal naman nang bad trip sa kanya ang mama niya. Nagpapasalamat pa nga siya na hindi siya nito pinapansin sa mga oras na iyon. Hindi na naman mapag-uusapan yung note na gawa ng mga kaklase niyang baliw roon sa psychology class nila.
And speaking of psychology class, slow-mo ang pagnguya ni Arjo habang iba ang tingin sa Papa niyang nagbabasa sa business section ng hawak nitong diyaryo.
Ang weird talaga sa isip-isip niya.
Naamoy niya sa abandonadong bahay ang perfume ng Papa niya sa mga oras na iyon. At halos kasabay na niya itong umuwi kagabi. At ang kotseng kataka-taka talaga.
Wala iyon sa garahe tapos biglang nandoon na, samantalang wala naman sa itsura ng tatay niya ang magaling mag-magic.
"Agk!" Biglang napahawak sa dibdib si Josef at nabitiwan ang diyaryong hawak niya. Bumagsak ang kalahati ng katawan nito sa mesa at parang nawalan ito ng malay.
"Josef!" Napatayo tuloy si Armida dahil sa biglang nangyaring iyon sa asawa niya.
"Pa!" Kahit si Arjo ay nag-alala agad dahil biglang nagkaganoon ang papa niya.
Napasugod agad si Armida sa puwesto ni Josef at ibinangon ito. "Josef, ano'ng nangya—"
Pag-angat niya rito ay nakangiti na ito sa kanya nang nakakaloko. "Akala ko, di mo na 'ko papansinin e," nakangising sinabi nito.
Biglang bumagsak ang mukha ni Armida at akmang hahampasin ang asawa niya nang saluhin nito ang kamay niya at niyakap siya nito sa baywang.
"Huwag ka na kasing magalit. Ito naman, kung makakauwi ako nang maaga, uuwi naman ako nang maaga, di ba?" malambing na sinabi ni Josef, inaamo ang asawa niya.
Imbis na mapaamo, nasapok pa ni Armida ang ulo ni Josef. "At pag-aalalalahin mo pa 'ko sa drama mo?" nagagalit na singhal nito. "Gusto mo bang patayin kita, ha?"
"Mama, kill him already," pokerfaced na sinabi ni Zone sabay alok sa mama niya ng butter knife para mapatay na nito si Josef.
Si Josef naman, natatawa pa rin kahit na gusto na siyang mamatay ng asawa at ng bunso niyang anak.
"Naku, Josef! Kung di lang talaga kita—grr! Sakit ka talaga sa ulo ko."
"I know you love me, milady. Quit with your silent treatment, alright?"
Ngiwing-ngiwi si Arjo sa ginagawa ng mga magulang niya. Hindi niya alam kung ano ang ire-react. Kung masusuka na ba sa kalandian ng mga ito o maiirita, ang aga-aga.
"Papasok na po 'ko sa school," nakangiwi niyang paalam sa mga ito. Tinangay na lang niya ang kinakaing french toast at lumabas ng bahay na talagang gulong-gulo sa mga nagaganap. At kahit nasa labas na siya, naririnig pa niya ang mama niya na binubungangaan ang papa niya dahil sa trip nitong hindi niya ma-gets.
Ang papa niya, masayahin namang tao. Marunong ngumiti, tumatawa naman nang normal. Ang bait-bait pa. At masasabi niyang kung magkaka-boyfriend o asawa siya, malamang na gaya ng papa niya ang pipiliin niya. Lalo pa, ang guwapo ni Josef. Tapos kagalang-galang talaga, very neat and clean, at ang class. Iniisip nga niyang kung kumilos madalas ang papa niya, parang anak mayaman ito samantalang lahat naman ng gastos nila sa bahay, pulos mama niya ang nagbibigay.
Pero may mga pagkakataon talaga na hindi niya alam kung malungkot lang ba ang papa niya at gustong sumaya kaya ang daming kabulastugang ginagawa, na kahit siya, gusto rin itong sapukin gaya ng inis ng mama niya.
Gaya kanina, muntik na talaga siyang mapamura sa harap ng mga magulang niya dahil akala niya ay inatake ito sa puso. At kung hindi lang talaga masamang manghampas ng kawali sa mukha ang anak sa ama, malamang na nakibugbog na rin siya sa mama niya.
Tiningnan niya ang garahe. Wala yung bike niya.
"Psh . . ." Naisip niyang malamang ay nasa parking lot pa iyon ng HMU dahil sa pagkaka-kidnap sa kanya ng mga retarded niyang classmate. Wala siyang magagawa, maglalakad siya ngayon—na kung tutuusin, palagi naman siyang naglalakad kahit may bike pa siya.
"Hi, babes!" Sinalubong agad siya ni Melon na malaki ang ngiti sa mukha. Ang aga-aga, ngiti na naman nito ang bubungad sa kanya.
Pasimpleng eyeroll naman si Arjo dahil kay Melon. Mangungulit naman kasi, malamang.
"Siguro naman, yung take home quiz sa Calculus, nagawa mo . . ." sabi ni Melon sabay ngisi.
Napahinto agad si Arjo sa narinig. "Take home . . ." hinarap na niya ang lalaki, ". . . quiz?"
"Yeah, di ba kulang na tayo sa time last meeting kaya yung remaining items sa quiz, pina-take home na lang."
Dahan-dahang tumango si Arjo sa sinabi ni Melon. "May gano'n? Ba't di ko alam?"
"Well . . . kung gusto mong kumopya, pakokopyahin kita!" masayang alok ni Melon.
"Asa!" mabilis na sagot ni Arjo sabay irap. Nagmadali siyang maglakad papasok sa school. "Baka may gawa si Kuya." Ang kaso, bigla siyang napahinto at napaisip. "Where's Kuya Max?"
Ilang meetings pa lang ang nabubuno nila sa Calculus I, pero talagang sumusuko na ang utak ni Arjo sa pag-aaral. Ang hina na nga niya sa math, lalo pa niyang naramdamang nabobobo siya sa subject ni Miss Etherin.
Hindi na nga niya alam kung paano magso-solve sa Calculus, hindi pa niya alam na may iso-solve pala sila. Halos isang linggo rin ang dumaan na wala siyang kaide-ideya. Kung alam lang niya, ang dami sana niyang time para ipagawa iyon kay Zone.
"Nagawa mo?"
"Hindi nga e, ang hirap."
"Kay Mel, kopya tayo."
"Tara!"
"Bad trip!" Naisubsob ni Arjo ang mukha sa mesa dahil hindi niya alam kung paano ang gagawin niya roon sa lesson nila last time tungkol sa trigonometric functions. "Halp mey . . . Kuyaaaa . . ."
Naipaling niya ang mukha sa gilid nang maramdamang may lumapag sa table niya.
"Hah!" Napaangat agad siya ng ulo nang makita ang black notebook na alam niya kung sino ang may-ari. Lumingon agad siya para makita ang nag-abot ng notebook. "Ku—"
Natigilan siya nang hindi makita sa paligid ang kuya niya. Wala namang ibang naglalakad sa aisle kundi yung iba niyang mga kaklaseng nangongopya sa mga may gawa.
"Nasaan na 'yon?" Napakamot tuloy siya ng ulo dahil walang Max sa room na iyon.
Anyway, she didn't care. Basta, ligtas na siya sa assignment nila.
Dali-dali niyang binuklat ang notebook, at napansin niya agad ang isang papel na nakaipit sa isang pahina kung nasaan ang homework nila.
"Hoy, bobo. Kopyahin mo 'to nang matino kundi yari ka sa 'kin pag-uwi."
"Psh." Napasimangot na lang si Arjo dahil hindi talaga papaawat ang kuya niya sa pagtawag sa kanya ng bobo.
Kompara sa pinakokopya nito noong nakaraan, naka-box na ang mga question at may numbers pa na susundan niya kung ano ang mauunang kokopyahin.
Base sa pagkakasalansan ng mga sagot sa notebook, halatang pang-slow ang pagkakasagot dahil may instruction pa kada box na kulang na lang ipamukha sa kanya na ganoon siya katanga para hindi makopya ang kokopyahin na lang.
At dahil nakakopya na si Arjo ng take home quiz nila mula kay Kuya Max niya, ang lapad na ng ngisi niya at confident pa nang dumating si Miss Etherin. Hindi man niya naintindihan ang mga kinopya niya dahil puro f, x, at numbers lang iyon, ang mahalaga ay may laman ang notebook niya.
"Good morning," bati ni Miss Etherin.
"Good morning, ma'am," bati ng lahat.
Ang akala ni Arjo ay magiging normal na umaga pa rin iyon, at magiging normal ang klase nila sa Calculus. Pero mukhang hindi.
"O! Sino 'yan, ma'am?"
"Anak n'yo?"
"NOOOO!" tutol agad ng mga lalaki.
"Hello!" masiglang bati ng kasama ni Miss Etherin.
"Ang cute naman niya . . ."
"Aaaaw . . ."
"Ate Arjo!"
Napabangon agad si Max mula sa pagkakayukyok sa table niya nang marinig ang pamilyar na sigaw ng isang bata. "Oh shit."
"Zone! Ano'ng ginagawa mo rito?" gulat na tanong ni Arjo sa kapatid na tangay-tangay ng prof nila. Sinalubong niya ito at binuhat para ikalong.
Hindi alam ni Max ang ire-react. Nasa room na iyon ang bunso nila.
"Ma'am, saan n'yo napulot 'yan?"
"Nakita ko siya sa secondary school. Malavega, kapatid mo?" tanong ni Miss Etherin na parang hindi naman nagtataka sa tanong, sa halip ay para lang klaruhin na hindi niya iyon anak gaya ng iniisip ng buong klase niya.
"Yes, ma'am . . ." sagot ni Arjo habang kandong-kandong ang kapatid "Younger brother ko po."
"Ooohh . . ."
Kaya hindi na rin nagpaliwanag si Miss Etherin dahil si Arjo na ang luminaw sa katanungan ng lahat sa umagang iyon.
"Nai-report ko na siya sa office, sinabi kong dito puntahan sa room kapag hinanap ng teacher niya."
"Sorry po sa abala, ma'am," paumanhin ni Arjo habang yakap-yakap ang kapatid at nilalaro ang maliliit na kamay nito.
"Ano pala ang name niya?" takang tanong ni Miss Etherin. "Wala raw naka-enroll dito sa school na Hwong Dae-Hyun."
Napatingin sa likuran si Miss Etherin nang mapansing napasapo ng noo si Max na parang naging problemado bigla sa tanong niya.
"Uhm . . ." Napatango bigla si Arjo nang alanganin, parang hirap ipaliwanag ang sagot niya. "Daemon Hughne Malavega po, ma'am."
Saglit na naningkit ang mga mata ni Miss Etherin na parang nagtataka sa pangalang sinabi ni Arjo. Tumango na lang ito kahit na puno pa rin ng pagdududa ang mababasa sa mukha ng propesor.
"Okay, let's start."
Nagsimula na ang klase nila, pero para kay Arjo, wala na roon ang focus niya.
"Zone, di ba dapat nasa room ka?" tanong ni Arjo.
Tumango naman ang bata habang inuusisa ang itim na necktie na suot Arjo.
"Anong ginagawa mo rito?" mahinahong tanong ni Arjo.
Umiling naman si Zone dahil hindi rin niya alam kung bakit ito nandoon.
Nilibot ng tingin ni Zone ang buong room. Napahinto siya nang makita si Max na nakatingin sa kanya.
"Hi . . ." pasimpleng kumaway si Zone sa kuya niya.
Nagulat naman si Max dahil nakilala siya ng kapatid.
"To find the derivate of a function, we use the—"
"Me! Me! Me!" Nagtaas ng kamay si Zone kaya naman lahat napatingin sa kanya. "Slope formula!" Gumawa pa siya ng imaginary calculations sa hangin. "Slope equaaaaals change in Y oveeeer change in X . . ."
Unti-unti namang tumaas ang kilay ni Miss Etherin sa ginagawa at sinasabi ni Zone.
"f times x plus change in x minus f times x over change in x . . ."
Gusto sanang purihin ni Max ang kapatid dahil alam niyang ito ang madalas kumalkal ng mga notebook niya noon. At malamang ay nakita ni Zone ang mga sinasabi nito sa mga librong ginagamit niya noon pang high school at college siya. Kaso nga lang, ayaw niyang makakuha ng atensiyon at malamang na gagamitin na namang pam-blackmail ni Miss Etherin ang bata sa kanya kapag nag-react siya.
Si Zone, sobrang matalino. Si Arjo . . .
Buti pa talaga si Zone sobrang matalino.
"Wow . . ."
Napuno naman ng palakpakan ang buong room na iyon dahil kay Zone.
"O! Buti 'pa yang bata alam ang lesson," singhal sa kanila ni Miss Etherin.
Kumuha ng prof nila ng marker sa drawer ng table at nagsulat ng formula sa white board.
"Uhm, excuse, ma'am."
Lahat sila ay napatingin sa may pintuan.
"Ma'am, ako po si Teacher Hope, class adviser ni Dae Hyun. Kukunin ko na po sana siya," nahihiyang paalam nito. "Pasensya na sa abala, ma'am, hindi ko napansing nakalabas pala yung bata."
Tumango naman si Miss Etherin sa kanya at naglakad na papalapit kina Arjo.
"Ano'ng grade ni Dae Hyun?" tanong ni Miss Etherin kay Teacher Hope habang kinukuha na si Zone kay Arjo.
"Nasa preparatory school po, ma'am," sagot ni Teacher Hope.
"Prep?" gulat na tanong ni Miss Etherin. "Did you talk to his mother about the acceleration program?" Iniabot na niya si Zone sa guro nito.
"Ayaw po ni Misis Malavega. Hanggang second grade lang daw ang tatanggapin niyang acceleration program sa bata."
"Oh, I see," sagot na lang ni Miss Etherin.
"Dae Hyun, say bye to your ate and kuya," mahinahong utos ni Teacher Hope.
"Ba-bye . . ." malungkot namang nag-close-open ng kamay si Zone sa mga estudyante sa klaseng iyon para magpaalam.
"Aaaw . . ."
"Bye . . ."
"Balik ka rito a . . ."
"Ang cute-cute mo! Dalaw ka uli, ha!"
"Salamat, Ma'am . . ." magalang na sinabi ni Teacher Hope.
"Sige, bantayan n'yo 'yang maigi, ha. Baka mawala na naman."
Naglakad na si Zone at si Teacher Hope paalis doon.
"Bye, Laby . . ." sabi ni Zone habang malungkot na nagpapaalam kay Miss Etherin.
"Bye, Zone," paalam din ni Miss Etherin na may malungkot na mga mata.
Hindi alam ni Arjo kung existing din ba ang theory of relativity sa calculus class nila dahil kapag nagkaklase na, parang napakabagal ng oras. Ang isa't kalahating oras nila, parang limang oras sa kanya. Nakatulog na nga siya, pagmulat niya, nagliligpitan na ng gamit ang mga kaklase niya.
"Malavega, Levarez, tara nga rito," tawag ni Miss Etherin na hindi niya alam kung kakabahan ba siya o ano dahil hindi niya naman alam kung tinawag ba siya habang natutulog siya tapos hindi siya nakasagot.
Kung ano man ang dahilan, malamang iyon ay dahil wala talaga siyang pakialam sa subject.
"May ginagawa ka ngayon?" tanong ni Miss Etherin kay Melon.
"Depende, ma'am. Kapag ikaw ang nagtatanong, marami."
"Uhm!" Pinalo agad ni Miss Etherin ng notebook si Melon sa braso. "Gusto mong maparusahan, hmm?"
"Hahaha! Hindi ka mabiro, 'no?" Halos pandirihan ng tingin ni Arjo si Melon kahit ang sarap naman sa pandinig ng tawa nito. Kung hindi lang siguro siya naiirita sa ugali ng lalaki, malamang na magugustuhan niya iyon. Kaso naiirta talaga siya rito. Napakahangin kasi.
"Anyway, what's with this sudden meeting?" tanong ni Melon na parang hindi prof ang kausap.
"I-tutor mo 'to," utos ni Miss Etherin sabay turo kay Arjo.
"Ha?" gulat na sagot ni Arjo sa prof niya. "Ma'am! Ba't ako lang?"
"I talked to your father last Saturday, sinabi kong mababa ang performance mo sa subject ko."
"Ma'am, ba't n'yo naman kinausap si Papa?!" Bumakas ang naghalong takot at pagkabigla sa mukha ni Arjo.
"Hindi ka puwedeng bumagsak sa subject ko, Arjo. Papa mo pa lang ang kinakausap ko. Kapag nalaman 'to ng Mama mo—"
"Ma'am, 'wag na si Mama!" reklamo agad ni Arjo at nagpapadyak pa ng paa para mag-tantrum. "Psh!" Bigla niyang inilipat ang tingin kay Melon at lalong dumoble ang inis niya sa mga sandaling iyon. "Ano ba naman 'yan?!"
Wala nang paa-paalam, nagmartsa palabas ng room si Arjo habang inis na inis sa ideya na kailangan niyang pumasa sa ayaw niyang subject, at ang magtuturo sa kanya ay ang kinaiinisan niyang si Melon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top