Panaginip
*****
Patuloy kong tinatanong sa aking ina kung ano nga ba talaga ang nangyari noon subalit,
"Nabangga ka ng isang lasing na driver habang patawid ka sa daan, iyon ang nangyari sa iyo noon anak. Ni minsan din, hindi ka pa nagkakaroon ng kasintahan dahil sa sobrang busy mo sa pagsusulat." Ito ang palagi niyang sagot, subalit bakit parang iba iyon sa nararamdaman ko ngayon sa tuwing lumalapit siya sa akin? Tila parang may koneksyon ako sa taong iyon na hindi ko maintindihan.
Umakyat ako sa aking kwarto matapos ang hapunan namin ni ina. Sa pagpasok ko ay napansin ko ang isang papel sa ibabaw ng aking mesa at sa ibabaw nito ay isang rosas na sa tansiya ko bago palang ito pinitas. Alam kong siya ang nagbigay nito sa akin subalit sa papaano niya ito nagagawa ay wala akong ideya.
"Sa ilalim ng buwan ang lahat ay tahimik,
humimlay ng dahan-dahan,
nakaraa'y nais maibalik,
ang hindi natapos na simula,
mga pusong puno ng pananabik,
gusto kong punan upang madama uli't ang iyong halik."
Isang tulang isinulat niya para sa akin at ang bawat salita nito'y tumagos sa aking damdamin. Sumakit bigla ang ulo ko habang binabasa ko ang sulat niya kung kaya't humiga ako sa aking kama. Dama ko rin na nasa tabi ko lang siya, kasama kong nakahiga, binabantayan ako sa lahat ng pagkakataon.
"Samantha! Samantha!"
"Bakit mo ako tinatawag? Sino ka?"
"Samantha! Samantha!"
"Brandon?"
Bigla akong nagising sa aking panaginip na puno ng pagtataka. Alam na alam kong hindi pa siya umaalis, damang-dama ko pa ang presensya niya sa tabi ko.
"Please, ano ka ba sa buhay ko? Ang daming katanungan sa isipan ko subalit hindi ko kayang sagutin. Ikaw lang ang tanging nakakaalam ng lahat kung kaya't nagmamakaawa ako sa'yo, linawin mo ang utak ko."
Nagsimulang tumulo ang mga luha ko nang walang pahintulot mula sa akin. Pilit kong inaalala ang nakaraan at kung sino ang lalaking nagngangalang 'Brandon' subalit bigo pa rin ako. Sumigaw ako ng malakas upang maibsan ang hinanakit sa puso ko hanggang sa pumasok si ina sa aking kwarto na puno ng pag-alala.
"Samantha, anong nangyari?" Umupo si ina sa tabi ko habang hinimas-himas ang aking likuran upang pakalmahin ako.
"Sino si Brandon ina? Ang sakit sakit na ng ulo ko sa kakaisip kung sino siya at kung bakit siya bumabalik ngayon sa akin?" Bigla siyang tumigil, nag-iisip ng sobrang lalim, hindi siya nakasagot agad sa tanong ko kung kaya't humiga uli't ako sa aking higaan upang umiwas sa kanya subalit biglang umiyak ang aking ina sa hindi ko malamang dahilan.
"Patawad anak, tinago ko ang lahat upang hindi mo na uli maramdaman ang sakit ngunit nagkamali ako. Patawad Samantha." Dagli akong bumangon at hinarap si ina, tumingin siya sa mga mata ko habang hawak-hawak ang aking mga kamay.
"Si Brandon ay ang iyong kasintahan subalit naaksidente siya habang papunta sa inyong kasal. Sobrang sakit sa akin bilang ina mo na makita kang nahihirapan at nasasaktan sa pagkawala niya. Higit roon noong ikaw naman ay naaksidente sa pagmamaneho ng lasing, akala ko mawawala ka na sa akin. Nang nalaman kong nawala ang memorya mo, ginawa ko ang lahat ng paraan upang hindi na muling maibalik sayong isipan ang nangyaring trahedya noon sa iyo dahil ayaw kong bumalik ang sakit sa 'yong puso." Mas naging malalim ang iyak ni ina, niyakap ko siya ng mahigpit at pinatawad sa kanyang nagawa. Alam ko ring naririnig niya kami, dama kong nakatunghay lamang siya ngayon sa amin dala ang pananabik sapagkat alam ko na ang lahat.
*****
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top