Point of Return

This one-shot is my entry to Lumang Pahina's First Writing Contest.
Theme: Cannibalism.
Rank: Fifth Place
Date published: June 7, 2021

🌸🌸🌸

Mabuhay!
Welcome to Sitio Bagong-Umaga!
Ang barrio ng bagong pag-asa!

Mistulang anunsiyo sa dyaryo ang nakalagay sa arkong nadaanan nina Meliza, Gian, at Daniel. Nang-iimbita, nang-eenganyo sa kung sinumang makakabasa.

"Five missing persons last year. Three missing persons this year," wika ni Daniel habang binabasa ang nasa iPad nito. "Tingin ninyo, totoo ito?"

"Kaya nga tayo pupunta," sagot ni Meliza habang nagne-nail file ng kuko. "Para malaman kung totoo."

Pupunta silang tatlo sa Mt. Kalanguya para gawan ng dokumentaryo ang Kalanguya Group—isang indigenous tribe na napapabalitang mga cannibals. Ayon sa balita, mga tourists o mountaineers ang nai-report na nawawala.

Kapag naging matagumpay ang kanilang dokumentaryo ay isusumite nila iyon para mai-feature. May kilala kasi si Gian sa isang malaking TV station.

Isang gasolinahan ang nadaanan nila. Balak sana nilang mamili ng pagkain pero naikot na nila ang buong parking lot ay walang bakante.

"Baka may madaanan tayong grocery, doon na lang tayo bumili ng makakain," wika ni Gian. Ito ang nagmamaneho ng sasakyan dahil sa kanilang tatlo ito lang ang may lisensya.

Makalipas ang ilang minuto, nakakita sila ng grocery pero tulad ng gasolinahan ay puno rin ang parking lot nito. Nagpatuloy na lang sila sa byahe dahil balak din nilang bumalik sa Maynila nang araw na 'yon.

Nadaanan nila ang ilan pang kabahayan hanggang makarating sila sa sentro ng barrio. Dahil hindi nila alam kung saan maaaring dumaan paakyat ng Mt. Kalanguya, napagpasyahan na lang din nilang magtanong sa mga lokal.

"Magandang umaga, hijo't hija. Turista?" Isang matandang lalaki ang sumalubong sa kanila pagbaba ng sasakyan.

Isa-isang nagsitango ang magkakaibigan bilang sagot. "Ako nga pala si Mang Honesto."

"Ako po si Gian. Siya naman po si Meliza, girlfriend ko. At ang kaibigan namin, si Daniel." Tumatango-tango naman ang matanda habang kinakamayan sila isa-isa.

"Ay tara doon sa plaza, saktong-sakto ang dating ninyo at naghahanda kami para sa pista."

Iginiya sila ng matanda sa mismong plaza ng sitio. Isang malaking tent ang naka-set up sa gitna. May isang mahabang mesa ring nalalatagan ng dahon ng saging, ang abalang hinahainan ng mga lokal ng pagkain. May mga binata rin na nagse-set up ng sound system sa gilid ng tent.

"Ay bago ninyo gawin ang inyong sadya rito'y, kumain na muna kayo ng pananghalian. Mukhang malayo ang nilakbay ninyo."

Gusto pa sanang tumanggi ng magkakaibigan sa alok ng matanda pero ramdam na nila ang gutom. Habang kumakain ay nagkwe-kwento rin si Mang Honesto; ipinaliwanag nina Gian ang pakay nila roon. Nalaman nila mula kay Mang Honesto na malapit lang doon ang lugar kung saan matatagpuan ang Kalanguya group.

"Kulang-kulang isang oras na lakaran ang gagawin ninyo paakyat ng bundok. Makikita agad ang lugar dahil iisa lang ang daan papunta roon," wika ni Mang Honesto. Mukhang may sasabihin pa sana ito pero may isang babae ang lumapit dito.

"Mang Honesto, nangangailangan sila ng isang volunteer sa may munisipyo. Bumalik na kasi ang Liaison Officer," wika ng babae. "Hinahanap nila si Aurelio."

"Nako! Lumuwas ng Maynila si Aurelio. May kailangan siyang asikasuhin doon." Umiling-iling pa ang matanda habang bakas sa mukha niya ang pagkadismaya.

Nagkatinginan ang tatlong magkakaibigan. Nakakahiya naman kung umalis na lang sila bigla, lalo na sa ipinakitang hospitalidad ng mga lokal.

"Excuse me, kung gusto ho ninyo pwede akong tumulong as a volunteer?" singit ni Daniel sa usapan.

Natuwa naman ang matanda sa sinabi ni Daniel. Nagpaiwan ito para tumulong at para siguraduhing naka-kondisyon ang sasakyan nila pabalik ng Maynila.


Matarik at masukal ang bundok na dinaanan nina Gian at Meliza. May mga palatandaan naman kaya hindi maliligaw ang sinumang aakyat doon.

Halos isang oras ang nilakad nila para lang makarating sa bukana ng teritoryo ng mga Kalanguya. Isang malawak na bakod na gawa sa sibat ang sumalubong sa kanila. May mga taong nakatayo sa gate na gawa sa malalaking kahoy. Lalapitan sana ito nina Gian nang biglang may mga taong sumulpot at pinalibutan silang dalawa.

Walang nagawa ang dalawa kundi ang sumunod nang tahimik sa mga nakapalibot sa kanila.

"Anong gagawin natin, babe?" Bakas ang takot sa boses ni Meliza. Mahigpit niyang ikinuyom sa kamao ang nail file na hawak.

"Shh... I-ready mo na lang ang camera mo. Baka i-wewelcome nila tayo." Pilit pinatatag ni Gian ang tinig.

Unti-unting nagsilapit ang mga tao sa dalawa. Nakasuot ang mga ito ng bahag at makukulay na beads na tumatakip sa maseselang parte nila.

Inilibot ni Gian ang tingin sa paligid. Parang maliit na barrio ang lugar na napuntahan nila. Magkakalapit ang mga kubo, at may isang malaging siga sa gitna. Napansin din ni Gian na puro matatanda lang ang nakikita nila.

Dinala sila ng mga ito sa isa sa mga kubo. Sa loob ay may nakita silang isang matandang babae. Ito siguro ang leader ng tribo.

"Naggapo ka'y ba jay adayo?" wika ng matanda.

"Sorry ho, pero hindi namin maintindihan." Yumuko pa si Gian pero naging aware siya sa kilos ng katutubo.

"Ammok nga nabannog kayo. Mangan ka'y pay ta itulod da kay to jay bangir nga dalan." Iminuwestra ng matanda ang labas ng kubo nito. Hinawakan ng mga katutubo sina Gian at Meliza saka iginiya palabas.

Nakaramdam na ng takot si Meliza at nag-umpisa ng mag-panic.

"Babe, iluluto na nila tayo!" Naghi-histerikal na ito.

Si Gian naman ay nag-umpisa ng mag-isip ng paraan kung paano sila makakaalis doon habang unti-unti silang idinadala sa may siga.

Siniko ng binata sa mukha ang humahawak sa kaniya na agad namang natumba. Saka niya hinablot ang kasintahan mula sa humahawak dito. Patakbo nilang tinungo ang gate kung saan sila pumasok kanina. Nagmamadali silang lumabas. Lakad-takbo ang ginawa nila at hindi na lumingon pa kahit na narinig nilang sumisigaw ang mga katutubo.

"Teka, babe! Pagod na ako." Humihingal na sumandal sa puno si Meliza. Medyo malayo-layo na rin ang natakbo nila.

"Baka maabutan tayo!"

Ni hindi nila namalayang papalubog na ang araw.

Pagbalik nila sa barrio ay hinanap agad nila si Daniel pero hindi nila ito makita. Hinanap din nila si Mang Honesto subalit ang nakita nila ay ang babaeng kausap kanina ng matanda.

"Nakabalik na pala kayo. Tara! Kumain muna kayo," yaya ng babae.

Medyo nagtaka sina Gian sa ikinikilos nito. Wala man lang kasi itong reaksyon sa madungis na itsura nila ng kasintahan.

"Hindi na po. Hinahanap lang namin 'yong kasama namin, si Daniel. Siya 'yong nag-volunteer sa munisipyo," paliwanag ni Gian.

Naglibot-libot pa ang magkasintahan sa pagbabaka-sakaling makita ang kaibigan nila. Napadpad sila sa isang store. Medyo nagtaka pa sila na maraming nagkukumpulang mga tao roon.

Nang lumapit sila ay nakita nila si Mang Honesto sa loob at may hawak na butcher knife habang may tinatadtad na karne. Tinawag ni Gian ang matanda na agad namang lumingon at ngumiti nang makita sila.

"Mang Honesto, nakita ba ninyo si Daniel? 'Yong kasama namin."

"Ah, oo. Nasa loob siya. Sandali lang." Pumasok ang matanda sa loob ng meat shop, marahil ay tumutulong si Daniel doon.

Pero ganoon na lang ang panghihilakbot ng magkasintahan nang lumabas si Mang Honesto at tangan sa kamay ang ulo ni Daniel.

Tumili si Meliza at tatakbo na sana pero mabilis siyang pinigilan ng mga lokal. Si Gian naman ay hinawakan agad ni Mang Honesto.

Kitang-kita ni Meliza kung paano gilitan ng matanda ang leeg ng kasintahan. Unti-unting sumirit ang dugo mula sa leeg at bibig ni Gian.

"Sige na, umpisahan na ninyo ang mga kamay at paa. H'wag n'yong gagalawin ang katawan. Ihahanda iyan sa susunod nating mga turista," wika ng matanda.

Lalong nagtitili si Meliza habang pilit sa kaniyang ipinanood ang pagkain ng mga lokal sa kamay at paa ni Gian. Kahit anong sigaw niya ay naririnig pa rin niya ang tunog ng napupunit na laman, pati na rin ang tuwang-tuwang mga tinig ng mga lokal. Sabik na sabik sa laman.

Nagising si Meliza sa matinding sakit ng katawan. Huling naaalala niya bago panawan ng ulirat ay ang duguan at halos wala ng laman na binti ng kasintahan.

Isang malakas na sigaw ang lumabas sa bibig ni Meliza pagmulat niya ng mata. Dahil gising na ang diwa ay mas lalo na niyang naramdaman ang mga kagat at pagpilas ni Mang Honesto sa laman ng braso niya.

"Malapit na kaming matapos, hija," nakangiting wika nito habang tumutulo pa ang dugo sa bibig.

Nagsimula na namang magtitili ang dalaga, humihingi ng tulong. Isang matigas na bagay ang dumapo sa ulo ni Meliza, paulit-ulit na pinaghahampas ng babaeng kausap kanina ni Mang Honesto ang ulo ng dalaga. Kumalat sa sahig ang basag na bungo pati ang mangilan-ngilang utak ng dalaga.

"Tumawag nga pala si Aurelio. May isang pamilyang nagpapa-gas ngayon doon." Pinunasan ng babae ang dugong tumalsik sa mukha nito, saka dinilaan ang baseball bat na pinanghampas niya kay Meliza. "Ano nga palang gagawin natin sa sasakyan nitong tatlo?"

"Hindi ba sinabi ko na sa inyo na i-scrap na ang mga sasakyang naiiwan dito pati na rin 'yong nasa gasolinahan? Tsaka bakit ako ang palagi ninyong tinatanong? Matador ang trabaho ko rito. Hindi mekaniko." Tumayo na ang matanda at pinunasan ang bibig saka naglakad pabalik sa loob ng freezer ng meat shop.

🌸🌸🌸

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top