Between The Lines

This one-shot is written as part of the PNY21: Lakbay Pinas anthology.
Date published: April 3, 2017

🌸🌸🌸

Tinapakan ni Tala ang silinyador ng sasakyan niya at dali-dali itong pinasibad. Hindi mapigilang mapamura ng dalaga nang makitang muli ang orasan sa sasakyan. 

Kung bakit kasi kagabi pa naisipan ng mommy niya na makipag-usap sa kanya sa Skype. Kasalukuyan kasi itong nasa Macau at namamasyal dahil nababagot daw ito sa bahay. Buti pa ang mommy niya pasyal-pasyal na lang ang inaatupag, palibhasa ay pensyonado na ito at maalwan na ang buhay.

"May kalahating oras pa naman ako, sana lang umabot ako." Nagpa-lipat-lipat ang tingin ng dalaga sa magkabilang side-view mirror ng sasakyan. 

Laking pasasalamat niya na walang traffic enforcer na sumisita sa kanya kahit sobrang tulin nang pagpapatakbo niya.

Isang malakas na busina mula sa kaliwa ng sasakyan ang pumukaw sa atensyon ni Tala. Kitang-kita niya mula sa kaliwang side mirror niya ang pilit na paggit-git sa kanya ng isang malaking truck. Umusbong ang inis sa dibdib ng dalaga. Wala ngang nakakairitang mga enforcer, isang walang modong truck naman ngayon ang gustong sumira sa araw niya.

"Tsk! H'wag mo lang talagang magagas-gasan ang pinakamamahal kong Mini Cooper." Hinayaan niyang mauna ang truck na animo'y siga ng kalsada at nang makahanap siya ng buwelo ay inunahan niya 'to saka tatlong beses na bumusina.

"Ha! H'wag mong minamaliit ang sasakyan ko. Maliit man 'to, kita mo't naungusan ka pa rin," maangas na sabi ni Tala habang tuloy na binabaybay ang daan palabas ng NLEX.

Hindi pa man nararating ni Tala ang toll gate ay narinig niya ang pagtunog ng cell phone niya. Hindi niya napigilang mapamura nang makita kung sino ang tumatawag sa kanya. Siguradong pagagalitan na naman siya nito. Bumuntong-hininga muna ang dalaga bago sagutin ang tawag. Tsk. Bahala na.

"He—"

"Nasaang lupalop ka na naman ng daigdig ngayon, Tala Aranas?!" Hindi pa man natatapos ng dalaga ang sasabihin ay isang malakas na sigaw na ang natanggap niya mula sa tumawag sa kanya. Idagdag pang naka-loudspeaker ang telepono niya. "Please h'wag mong sabihin sa aking nasa Hong Kong ka na naman kundi tatanggalin na talaga kita sa trabaho!"

Natawa siya sa tinuran ng kaibigan. Tumikhim muna si Tala bago sumagot. "Relax, Elisa. Nasa highway na ako pero male-late talaga ako."

"Gaano ka-late naman 'yan?!" Sigaw pa rin nito pero halata sa boses nito ang pagkataranta.

Hindi naman niya masisisi ang kaibigan dahil nangyari nang hindi siya nakasipot sa isang event na dapat siya ang magiging photographer. Hindi naman niya kasalanan kung biglang mag-aya ang Mommy niya na mag-shopping sa HongKong sa mismong weekend kung kailan ang event.

Gustuhin man niyang tumanggi rito pero binantaan siya nitong bibilhin ang kompanyang pinagtra-trabahuan niya kung hindi niya ito sasamahan.

"Super late?" Nag-aalangang sagot ni Tala sa kaibigan. 

Narinig niya ang marahas na pagbuga ng hangin ng kaibigan kasabay ang ungol na tila ba nagtitimpi ng galit. Muli siyang natawa sa inasta ng kaibigan.

"Hindi ito nakakatawa, Tala, kaya tigil-tigilan mo 'yang pagtawa-tawa mo d'yan!" Halatang inis na talaga si Elisa kaya naman itinikom na lang ni Tala ang bibig at pilit pinigil ang pagtawa. "Aabot ka naman siguro sa reception, diba?" 

Hindi niya ito sinagot at mas binilisan na lang ang pagmamaneho dahil nasa express way na rin siya. "Aish! Kung hindi ka lang talaga magaling na photographer, Tala, matagal na kitang sinesante!"

"C'mon Elisa, kaya nga nandiyan ka diba?" Pinalambing ni Tala ang boses. Ito ang kahuli-huliang paraang naiisip niya para pa-amuhin ang kaibigan. Alam kasi niyang hindi ito makakatanggi kapag ginamit niya ang malambing na boses niya.

"So ganoon, ako na lang lagi ang papalit sa'yo sa tuwing male-late ka sa mga events?!" Nakikini-kinita na niya ang itsura ng kaibigan. Tutop nito ang noo habang pabalik-balik na naglalakad. "At talagang mauuna pa yata sa'yo 'yung bride! Aba, parang ikaw 'yung ikakasal ah!"

Napakagat si Tala sa ibabang labi niya para pigilan ang tawang gustong kumawala sa bibig niya. "Ugh! Labin-limang minuto na lang magsisimula na ang kasal. Nasaan ka na ba?!"

"Nasa express way na ako. Isang exit na lang at nandiyan na ako." Kasalukuyan kasi akong nasa Dau Exit at ilang minuto na lang ay nandoon na rin ako pero hindi ko talaga masisimulan ang kasal. "Sige na, Elisa. Ikaw muna ang pumalit sa akin diyan sa simbahan at ako na ang bahala sa reception mamaya. Babawi ako sa'yo, pangako."

Narinig ni Tala ang pagbuntong-hininga ng kaibigan mula sa kabilang linya at hindi niya mapigil ang biglang pagsibol ng ngiti sa labi.

"Sige na! Sige na! Basta bilisan mo. Ingat ka sa biyahe. Bye." Binaba na ni Elisa ang linya kaya naman ibinaling na muli niya ang buong atensyon sa kalsada.

Madalas kasi mangyari na si Elisa ang pumapalit sa kanya kapag nahuhuli o nakakalimutan niyang may naka-schedule nga pala siyang event. 

Kahit ganoon na lang siya sigawan ng kaibigan ay sigurado siyang inaalala rin siya nito. Sisiguraduhin talaga niyang makakabawi siya sa kaibigan ngayon.

Bago pa man maitayo ang studio na pareho nilang pinagtra-trabahuan ay magkaibigan na sila ni Elisa. Sa kolehiyo sila nagkakilala dahil na rin sa pareho ang hilig nila. 

Ang pinagkaiba lang mas gusto kong kumuha ng mga larawan ng mga espesyal na okasyon tulad na lang ng kasal o debut. Samantalang si Elisa naman ay mas gustong kunan ang mga puno, damo o kahit anong may kinalaman sa kalikasan.

Makalipas ang mahigit isang oras ay nakarating rin si Tala sa simbahan kung saan ginaganap ang kasal. Inabutan pa kasi siya ng traffic sa may bandang Mabalacat area dahil na rin sa mga naglalakihang bus at truck na nakasabay niya. 

Dali-dali siyang bumaba at kinuha ang mga gamit sa may likurang parte ng sasakyan niya. Mukhang katatapos lang ng kasal dahil may mga bisita nang nagsisilabasan mula sa simbahan. 

Agad namang hinanap ni Tala ang kaibigan at nakita niya itong abala sa pagkuha ng larawan ng bagong kasal. Dapat pala sa reception na siya dumiretso, panigurado kasing sisigawan siya nito kapag nagkita siya.

"Ate. . ." Napalingon si Tala nang maramdamang may kumalabit sa kanya. Paglingon niya ay nakita niya ang isang batang cute na nakasuot ng kulay ocean blue na dress. Sa tantiya niya ay nasa lima hanggang anim na taong gulang ito. 

'Isa siguro ito sa mga flower girls,' sa isip-isip niya.

Umupo siya para mapantayan ang bata saka ito nginitian. "Ano 'yon, Cutie?" Nakangiting tanong ni Tala sa bata.

"Pwede mo ba kaming kunan ng larawan?" Nakangiti ring tanong ng bata sa kanya. Kitang-kita niya ang dalawang bakanteng espasyo sa pang-itaas na bahagi ng ngipin ng bata. Mas lalo tuloy itong naging cute para sa kanya.

"Sige ba. Sino bang kasama mo?"

"Siya po. . ." Sinundan ko kung saan nakaturo ang bata at nakita ko ang isang batang lalaki na mukhang nasa edad walo hanggang sampung taong gulang. Nakatingin ito sa ibang direksyon na animo'y naiilang o nahihiya. Sa tabi naman nito ay isang lalaki na halos kasing edaran lang niya.

"Tara na, Riguel!" Tuwang-tuwang hinila ng batang babae ang isang kamay ng batang lalaki papunta sa may pinto ng simbahan. "Tara dito, Ate!" Napailing na lang si Tala saka sinundan ang dalawang bata.

Akala mo'y isang propesyonal na model ang batang babae na nagpakilala bilang Mona. Samantalang halata naman ang pagkailang at pagkairita sa mukha ng batang si Riguel. Natatawa na lang si Tala kapag biglang uungot ng alis si Riguel ay hinihila naman siya pabalik ni Mona. Kung hindi pa siguro tinawag ng nanay niya si Mona ay hindi pa ito titigil sa kaka-pose sa harap ng camera niya.

"Tsk! Ang aga mo naman para sa reception." Pasinghal na sabi sa kanya ni Elisa habang nakaismid ito. 

Laking pasasalamat ni Tala at hindi siya sinigawan ng kaibigan nang magkita na sila. Kinurot lang siya nito sa tagiliran saka siya niyayang mauna na sila sa reception.

"Sorry na, Elisa. Dapat nga matuwa ka kasi nakahabol pa talaga ako." Natatawang umilag ang dalaga nang akmang babatukan siya ng kaibigan. 

"Naku! Ikaw talaga, Tala! Siguraduhin mong babawi ka sa akin kung hindi ewan ko talaga!" Padabog na sumandal sa back rest ng upuan si Elisa saka humalukipkip.

"Teka nga pala, bakit ka sumabay sa akin? Nasaan 'yong sasakyan mo?" takang tanong ni Tala sa kaibigan. Imposible kasing bumiyahe ito nang malayo na walang dalang sasakyan.

"Coding 'yong sasakyan ko. Wala naman akong magamit na ibang sasakyan dahil may lakad si Mama at Papa. Si Kuya naman ayaw akong ihatid kasi malayo raw." Nakasimangot na sagot ni Elisa sa kanya.

"Kawawa ka naman. Anong sinakyan mo papunta rito kung ganoon?"

"Baka naglakad ako? Ay nako, malamang nag-commute ako! Buti nga at hindi ko naisipang sumabay sa'yo, kung hindi pati ako late!" asik ng kaibigan niya. 

Natawa na lang si Tala nang makitang magkasalubong ang kilay at kunot ang noo ng kaibigan.

Ang totoo kasi niyan ay hindi sanay mag-commute si Elisa. Sanay itong laging may dalang sasakyan o kaya naman hinahatid ni Tito Ramon. Minsan kapag coding ang sasakyan nito ay tinatawagan siya nito para magpasundo.

"Oh, anong gagawin natin dito sa McDonalds? Hindi dito ang reception, Tala." takang tanong ni Elisa sa kaibigan ng mapansing bigla itong nag-U turn at pumasok sa drive thru ng fastfood chain.

"Bibili lang ako ng pwedeng kainin. Sa sobrang pagmamadali ko kanina nakalimutan kong kumain ng breakfast." 

Nakaramdam naman ng kaunting guilt si Elisa sa tinuran ng kaibigan. Naalala kasi niya kung paano niya nasigawan ito kanina habang kausap sa telepono. 

"At paniguradong hindi rin tayo makakakain nang maayos doon dahil siguradong magiging abala tayo sa pagkuha ng litrato," dagdag pa ni Tala.

"Sige. Big Mac, Extra Large Fries, at Monster Coke Float sa akin." Napatingin naman si Tala sa kaibigan at binigyan ito nang nagtatakang tingin. "H'wag mo kong tignan ng ganyan. Gutom rin ako, okay?" 

Napakibit-balikat na lang si Tala.

Habang sinasabi ang order nila sa isang crew ay hindi mapigilan ni Tala ang mapatingin sa rear view mirror ng sasakyan niya. Kanina pa kasi niya napapansin ang pagsunod-sunod ng isang kulay asul na Toyota Corolla. Hindi lamang ito pinapansin ng dalaga dahil baka mali lang siya ng hinala.

"Here's your order, Ma'am. Please come and see us again." Nabaling ang tingin ni Tala sa crew nang marinig niya itong magsalita. 

Nginitian na lang niya ito bilang sagot saka nagsimulang magmanehong muli. Pero bago siya tuluyang umalis ay tinapunan muna niya ng isa pang tingin ang sasakyang nasa likuran niya.

'Lagot ka sa akin kung sino ka man,' saad sa sarili ni Tala. 

Ayaw niyang maghinala pero malakas ang kutob niyang kilala niya kung sino ang sumusunod sa kanila ni Elisa. Maya't-maya ay napapatingin si Tala sa rear view mirror ng sasakyan at tulad nga ng hinala niya ay nakasunod pa rin ito sa kanila.

Nagulat si Elisa nang biglang bumaba mula sa sasakyan si Tala nang biglang mag kulay pula ang stoplight. 

"T-teka! Saan ka pupunta?" takang tanong niya sa kaibigan pero hindi siya nito sinagot at nagtuloy-tuloy sa paglabas ng sasakyan.

Dire-diretsong tinungo ni Tala ang kotseng kanina pa sumusunod sa kanila. Tinted ang mga salamin nito kaya naman hindi niya makita kung sino man ang nasa loob. Sunod-sunod na katok ang ginawa niya sa bintana kung nasaan ang drayber.

"Bakit mo kami sinusundan?" tanong niya sa lalaki ng ibinaba nito ang salamin pero agad ring natigilan ang dalaga nang makilala kung sino ang nasa likod ng manibela. 

"C-Claus?" Hindi makapaniwalang bulaslas ni Tala.

Umiling naman ang binata at ikinumpas pa ang isang daliri sa mukha ng dalaga na animo'y parang nagkamali ng sagot. "Hindi ako si Claus. Ako si Nicolo. Ni-Co-Lo." Pagbibigay diin ng binata sa pangalan. "At hindi kita sinusundan, Ate Star, sadyang pareho lang tayo ng tinatahak na daan." Gusto niyang batukan ang binata ng bigyan siya nito ng nakakalokong ngiti.

Siguro nga ay umalis siya sa dating trabaho pero hindi ibig sabihin nun ay nakalimutan na rin niya ang mga natutunan niya mula roon. Kaya naman alam niya kung kailan siya sinusundan at hindi.

"H'wag mo kong pinagloloko, Claus. Alam kong sinusundan mo ako kanina pa. Sabihin mo sa akin kung anong kailangan mo?" Salubong ang kilay na tanong ni Tala sa binata. Pero hindi pa man nakakasagot ang binata ay sunod-sunod na bumusina ang mga sasakyang nakasunod sa kanila. 

Inis na napalingon si Tala sa binata saka ito binigyan ng matalim na tingin. "Hindi na ako babalik, Claus. Pakisabi 'yan kay General." Makahulugang saad niya. Hindi na hinintay ni Tala'ng makasagot pa ang bintana at patakbong bumalik sa sasakyan. Masyado na kasi silang naka-perwisyo sa kapwa motorista.

"Sino 'yon?" Usisa ni Elisa sa kaibigan nang makabalik ito.

"Wala." Agad na pinatakbo ni Tala ang sasakyan at pinaharurot. Tumingin muli ang dalaga sa rear view mirror niya at nakahinga siya nang maluwag ng hindi makita ang sasakyan ni Claus sa likuran nila.

"Anong wala?" Humarap sa kanya si Elisa saka humalukipkip. "Bigla kang bumaba ng sasakyan at sinugod 'yong sasakyang nakasunod sa atin at h'wag mong sabihing wala lang dahil kitang-kita ko kung paano rumehistro sa mukha mo na nakilala mo kung sino man 'yong driver nun. So sino 'yon, Tala?" Tuloy-tuloy na saad ni Elisa. 

Napabuntong-hininga na lang si Tala dahil alam niyang hindi siya titigilan ng kaibigan hangga't hindi niya nasasagot ang tanong nito.

"Dati kong ka-trabaho." Walang magawang sagot ni Tala sa kaibigan.

"Hmm... Bat ganun na lang 'yong naging reaksyon mo nung makita mo siya? Teka... May nakaraan siguro kayo no?!" Bakas sa tono ng pananalita ni Elisa na inaasar siya nito.

"Wala! Anong nakaraan ang pinagsasabi mo d'yan?! NBSB ako, no!" 'Di mapigilan ni Tala ang panlalaki ng mga mata sa tinuran ng kaibigan. Sinulyapan niya ito at kitang-kita niya kung paano magpigil ng tawa si Elisa.

"Masyado kang defensive, Tala. Sa trabaho ang ibig kong sabihin. Baka kako may nakaraan kayo ng hindi pagkakaintindihan sa trabaho, ganoon!" Tumatawang saad ng kaibigan niya pero imbes na mainis ay sinabayan na lang niya ito sa pagtawa. Nakuha pa talaga nitong asarin siya kay Nicolo, eh ang totoo niyan parang nakababatang kapatid lamang ang turing niya sa huli.

Agad na inayos nila Elisa at Tala ang kanilang mga gamit nang makarating sila sa reception ng kasal. 'Di mapigilang mamangha ng magkaibigan sa ganda ng lugar. 

Sa isang pribadong villa ang lugar kung saan gaganapin ang reception. Nagkalat ang iba't-ibang klaseng putting bulaklak. May mga nakasabit na kumukutitap na mga kristal sa mga sanga ng puno. Sa bawat lamesa naman ay may tig-iisang bungkos ng kulay puting rosas na nakalagay sa mga vase. Sa isang bahagi naman ay may isang malaking lamesa kung saan nakalagay ang mga souvenirs.

"Woah! Ang ganda!" Namamanghang ilinibot ni Elisa ang tingin sa paligid. Nagsimula na rin itong kumuha ng mga larawan. Napailing na lang si Tala dahil paniguradong puro halaman na naman ang magiging laman ng camera ng kaibigan.

Nagsimula na ring kumuha ng litrato si Tala nang magsimulang magsidatingan ang mga bisita. Nagpapasalamat si Tala at hindi ganoon karami ang bisita sa kasal. Ang nasabi kasi sa kanya ni Elisa bago pa man ang event ay pribado at ekslusibo lang ang kasal na 'to sa malalapit na kamag-anak at kaibigan ng bagong kasal. 

Hindi mapigilang mapangiti ni Tala habang pinapanood ang mga bagon kasal. Kitang-kita mo kasi sa kanilang dalawa ang sobrang pagmamahal sa isa't-isa. Pakiramdam nga niya ay malapit na siyang masilaw sa ngiti ng dalawa.

Nang makuntento sa mga nakuhanang litrato ay umupo muna si Tala sa isang tabi. Inilibot niya ang tingin sa paligid para hanapin si Elisa at muntik na siyang matawa nang makita na isa na ang kaibigan sa sumasayaw sa harapan. Napailing na lang si Tala saka napag-pasyahang tignan ang mga larawang nakuha.

Maya't-maya pa ay naramdaman niyang may umupo sa tabi niya kaya naman napalingon siya dito. Kunot-noo'ng pinagmasdan niya ang lalaki sa tabi niya, kung hindi siya nagkakamali ay ito 'yong kasama ng dalawang bata kanina.

"Hi." Napalingon sa gawi ni Tala ang lalaki at nginitian naman niya ito. Pero unti-unting nawala ang ngiti sa labi ni Tala ng nanatiling seryoso ang mukha ng lalaki.

'Ang sungit naman nito.' Saad ng dalaga sa isip.

Nang hindi pa rin nagsalita ang lalaki ay tumayo na lang ang dalaga saka nagsimulang kumuha ulit ng mga litrato.

"May itsura nga, ang sungit naman. Tsk." Napapailing na saad ni Tala sa sarili.

Nagtuloy-tuloy ang programa ng kasal at nagpatuloy rin sa pagkuha ng litrato si Tala. Kukuhanan sana niya ulit ang bagong kasal habang sumasayaw pero natigilan siya nang mahagip ng camera niya ang isang bultong nakasandal sa isa sa mga posteng nakatayo roon. 

Hindi niya mapigilan ang mapamura ng makilalang si Nicolo ito. Paano nito nalaman kung nasaan siya? Sa pagkakaalam niya ay hindi na sila nito nasundan pagkatapos ng insidente sa highway kanina. 

Naglakad siya papalapit sa binata at nakita niya kung paano sumilay ang isang ngiti sa labi nito.

"Hi Ate Star." Nakangiting bati nito sa kanya sabay alok sa hawak nitong kopitang may lamang alak. Pero imbes na suklian ang ngiti nito ay hinigit niya ang isang braso nito at hinila palabas. "A-aray! Aray! Masakit, Star!"

"Anong ginagawa mo dito, Nicolo?" Paasik na tanong niya. "Hindi pa ba malinaw ang sinabi ko sa'yo kanina?"

Kita niya ang pagbuntong-hininga ni Nicolo bago magsalita. "Napag-utusan lang ako ni General, Ate. Alam ko namang ayaw mo ng bumalik pero wala naman akong magagawa dahil ito ang binigay na assignment sa akin." Binigyan ni Nicolo ng isang malungkot na ngiti si Tala. Alam niya kung ano ang nararamdaman nito dahil dati rin siyang naging katulad nito.

"Bakit ngayon pa? Bakit kung kailan maayos na ako sa bago kong trabaho?" Inis na bulalas ni Tala saka naihilamos sa mukha ang dalawang kamay.

"Hindi ka naman permanenteng pinapabalik, Ate Star." Sagot ni Nicolo sa kanya.

Pero bago pa man makasagot si Tala ay naramdaman niya ang biglang pag-vibrate ng telepono sa bulsa. Wala sa loob na sinagot niya iyon habang nakatingin pa rin kay Nicolo. Hindi na rin siya nag-abala pang tignan kung sino ang tumatawag sa kanya.

"Hello?"

"Hello, Ms. Aranas." Daig pa ni Tala ang binuhusan ng malamig na tubig nang marinig ang baritonong boses sa kabilang linya. Kahit tulog ay makikilala pa rin niya kung kanino ang boses na 'yon. "Gusto lamang kitang makausap ng ilang minuto, pwede ba?"

"G-General..." Nanlalaki ang mga matang napatingin ulit si Tala kay Nicolo. Hindi niya alam kung dapat ba niyang sagutin o hindi ang tanong ng nasa kabilang linya.

Napukaw lamang mula sa pagkabigla ang dalaga ng marinig ang marahang buntong-hininga ng tinawag niyang general. "Kailangan ko ang tulong mo, hija."

"Sorry, General, pero alam niyo namang matagal ko nang tinalikuran ang dati kong trabaho." Napakagat sa ibabang labi ang dalaga nang maisip kung ano ang isinagot niya dito. 

Ang tinutukoy niyang trabaho dati ay kailanman ay hindi niya mailalagay sa resume niya, kahit pa sabihing isa siya sa pinakamagaling sa larangang 'yon.

"Alam ko, Hija. Pero gusto ko sanang isipin mo na lang ito bilang isang pabor mula sa akin at hindi isang utos mula sa dating nakakataas sa'yo." Malumanay na saad ng nasa kabilang linya. "Hindi mo ba kayang pagbiyan ang kahilingan ng isang matandang tulad ko?"

Napabuntong-hininga si Tala at hindi mapigilan ang ngiting kumawala sa labi. Kapag ganoon kasi magsalita ang dating boss niya ay pakiramdam niya katulad ito ng mommy niya kapag may hinihiling sa kanyang kung ano-anong pabor.

"K-kung sakaling pumayag po ako, sa tingin ko ay hindi naman ako pwedeng basta-basta na lang makialam sa kaso."

"Pumapayag ka na bang gawin ang pabor ko, Tala?" Narinig niya ang mahinang tawa nito sa kabilang linya at hindi niya mapigilan ang biglang pag-ikot ng mga mata niya. "Magagawan ko ng paraan ang pagtulong mo sa kaso, Hija. Kailangan ko lang ng isang mapagkakatiwalaang tao doon."

Napabuntong-hininga ang dalaga at napatingin kay Nicolo na sumisimsim sa kopita niya. "May magagawa pa ba ako? Tsk! Kahit kailan talaga napakadaya mo, Daddy Volt. Pinayagan mo nga akong umalis sa organisasyon pero sa tuwing kailangan mo ako ay tumatawag ka."

Narinig niya ang mahinang pagtawa ng matanda sa kabilang linya. "Alam mo namang ikaw lang ang maaasahan ko sa mga bagay na 'to, hija." 

'Di mapigilang mapasinghal ng dalaga. Bakit ba palagi siyang kinokonsensya ng mga matatanda? Unang-una sa listahan ang mommy niya, kasunod naman ay ang dati niyang boss.

"Fine. Pero ito na ang huling pabor na gagawin ko para sa'yo. Pagkatapos nito, hindi niyo na ulit ako tatawagan. Okay?" Mataray na wika niya. "Tsk. Kaya ba nandito si Nicolo ay dahil pinapasundo niyo ako sa kanya?"

"Oo, nagkita na ba kayo?"

"Sinasabi ko na nga ba, eh!" Sinapak ko ang isang braso ni Nicolo. "May pareho ang daan ka pang nalalaman!" Kinurot niya ang kaliwang pisngi nito at hindi niya mapigilan ng halos maiyak na ito sa sakit.

"Anong ibig mong sabihin, hija?" Nakalimutan niyang kausap pa pala niya si General sa kabilang linya.

"W-wala po, Chief."

"Ganoon ba. Sige, si Claus na ang bahalang maghatd sa iyo. Maraming salamat, Tala." Paalam ng matanda.

Matalas ang tinging ipinukol ni Tala kay Nicolo nang matapos ang usapan nila ni General. 

"Pareho ang daan pa ha! Tsk. Sabi ko na nga ba sinusundan mo talaga ako eh." Sinuntok niya sa balikat si Nicolo nang tumawa lang ito.

"Aray! Grabe ka, Ate. Hindi mo naman kailangan saktan ang isang gwapong katulad ko." Hinimas-himas nito ang balikat na sinuntok niya.

"Hindi ka kasi nakakatuwa." Inirapan niya ito saka muling sumulyap sa loob kung saan patuloy pa ring nagaganap ang kasiyahan. "Saan ba tayo pupunta?" Tanong ni Tala kay Nicolo.

"Las Casas Filipinas de Acuzar sa Bagac, Bataan. Tara!" Hinawakan ni Nicolo sa braso si Tala saka naglakad palayo.

'Patawad, Elisa. Pangako, babawi ako sa'yo ng sobra pagbalik ko.' Bulong ko bago tuluyang naglakad paalis doon.

🌸🌸🌸

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top