SCOPE | IX

PAGKATAPOS NG practice namin para sa PE, nagpahinga muna kami sa may clubhouse kung saan kami nag-rehearse na first group para sa ipe-present namin bukas. Busy ang iba kong classmates na kagrupo ko rin sa paghilata sa malamig na madulas na tiles, habang kaming iba naman ay kung hindi busy sa paglalaro ng Mobile Legends ay nagse-selfie pa para may ipang-upload sa FB or IG.

"Guys, gusto n'yong maglaro tayo?" tanong sa amin ni Pearl habang may hawak-hawak na bote ng mineral water na binili sa katabing tindahan ng covered court. Nagising naman ang diwa ng iba kong classmates. "Spin-the-bottle, you like?"

"Ay, sige, game!" pag-agree naman ni Daryl nang may eagerness sa boses niya. Kahit pagod sa last wave ng practice ay kahit papaano, mayroong ice breaker.

Kaya nagporma kami ng circle at inilagay ni Pearl 'yong bote sa gitna namin.

"Siyempre, familiar na kayo sa mechanics ng game, 'no?" pagtatanong ni Pearl na nasa tabi ko lang. "Iikot natin 'yong bote, tapos kung kanino matututok ang leeg, siya ang papipiliin kung truth ba or dare."

"Walang KJ dito, a?"

"Of course, game kami diyan!" enthusiastic na saad ni Howell. In fairness ay bumagay ang loose niyang t-shirt na naka-tuck in sa kaniyang black jogging pants. Hinawi pa niya ang kaniyang buhok na lagpas kilay ang bangs. Napaiwas na lang ako ng tingin sa kaniya mga ilang saglit lang.

"Truth or dare?" Kay Gino unang natapat ang bote.

"Dare," iyon ang isinagot naman ni Gino sabay stretch ng mga kamay. Napa-"woah" pa nga kami sa sinabi niyang iyon. Aba, matapang, a?

Napatingin sa kaniya si Pearl at saka sinabi kung ano ang ipagagawa sa kaniya, "Takbuhin mo nga 'yong buong clubhouse nang limang beses."

"Grabe, wala bang mas hihirap diyan?" Eager at energetic na tumayo itong si Gino. Partida, siya pa 'yong choreographer namin para sayaw, pero parang nasobrahan pa nga siya ng energy kaya para siyang si The Flash na tumakbo paikot sa palibot ng clubhouse.

Hingal na hingal man ay napabulalas na lang siya ng salitang "Basic!"

Noong ikatlong pagpapaikot ng bote ay sa akin naman naturo ang leeg.

"Truth." Napabuntong-hininga na lang ako. Bahala na kung ano ang isasagot ko sa tanong na ibabato sa akin.

Dahil si Daryl ang nagpaikot ng bote, siya rin ang nagbigay ng opportunity na magtanong, "What's the real score between you and Howell?"

Nakaramdam tuloy ako ng awkwardness sa tanong ni Daryl, tapos nandito rin si Howell. Hindi ba awkward na magtanong ang dati kong crush.

"Ang showbiz, a!" patutsada ko sa tanong niyang iyon at parehas kaming napatingin ni Howell sa isa't isa na nasa peripheral view ko lang sa kaliwa ko.

"Daryl naman! Ang dami-daming magandang tanong, iyan pa napili mo?" Sumunod naman itong si Howell.

"Peace yow!" mapang-asar pang saad ni Daryl sabay ngisi. Naglabas pa nga siya ng peace sign sa amin. Por que talaga masaya na siya sa love life niya, gaganituhin na lang niya kami?

Napaisip ako... ano ba talaga ang mayroon kami? E, wala naman yatang binibigay na motive itong si Howell, e. Wow, lakas ko namang mag-assume kung mayroon.

"Sagutin n'yo na, please!" pagpipilit pa ng isa kong kaklase na excited ding malaman ang lahat.

Napatingin ulit ako kay Howell, napabuntong-hininga, at saka inilahad ang totoo, "Wa... wala. Lagi nga kaming magkasama, pero wala namang ibang meaning 'yon. We're friends, 'yon lang." Isang awkward na atmosphere ang namayani, pero at least, sinabi ko naman ang totoo. At least, iyon naman ang totoo, 'di ba?

"Wow, ang showbiz din ng sagot mo," pagkomento pa ni Daryl sa sinagot ko.

"Truth!" bulalas ni Howell nang matapat ang bote sa kaniya. Mukhang hindi pa matatapos ang larong ito na puro bukingan at laglagan.

"Is there someone that you like right now?" pang-iintrigang tanong ni Troy na kaklase ko rin kay Howell. Iyon ang nagpagising ng diwa ko at naging seryoso dahil sa tanong na ito.

"Like? Hmm..." Napaisip pa si Howell. Siyempre, ito namang si Shunga, umaasa.

"Actually, mayroon." Napa-snap pa siya ng daliri bago ulit nagwika. Pero hindi ko in-expect kung sino sa pagbuka ng kaniyang bibig.

"Childhood friend ko."

Bigla akong naistatuwa sa narinig. Hindi ako makagalaw sa kinauupuan ko at feeling ko ay naging gelatinous ang aking mga paa.

Nagpatuloy pa nga ang pagkukuwento niya sa amin sa kaniyang special someone na para bang si Lola Basyang ang nagsasalaysay sa history nila .

"Since pre-school? As far as I remember na magkakilala na kami. We're classmates then. Pero pagka-graduate, nag-advance na siya into Preparatory, habang ako, nagpatuloy ng Kinder."

"But, yeah... matagal na akong may gusto sa kaniya. Ilang years na, until now." May sparkles sa mga mata ni Howell sa pagkukuwento niyang iyon. Feel na feel kung gaano talaga kaimportante ang taong iyon sa buhay niya, habang para akong voodoo doll na tinutusukan ng karayom.

"I don't know. I still can't find someone who can resonate my feelings like the way I feel for her." 'Yong kada sinasabi niya, iyon ang karayom na dumadagdag na tumutusok sa aking puso.

"Wow, nosebleed naman, Chong!" Napakomento pa tuloy si Gino sa sinagot na iyon ni Howell. Mukhang pang-MMK ang paglalahad na iyon ni Howell.

Hindi naman masakit...

"Oh, may special someone na pala," komento pa ng isa ko pang kaklase.

"My HowRa heart is breaking."

Masiyado talagang ma-issue ang mga kaklase ko. Lahat na lang, ginagawang issue. Lahat na lang, binibigyan ng malisya.

Wow, hipokrita lang? Sino ba 'yong binibigyan ng meaning ang lahat ng little gestures niya? Wala, e, may ibang tao ang nakapaloob sa puso niya.

Habang nasa kalagitnaan pa ng paglalaro ay biglang nag-ring ang phone ni Howell.

"Uy, wait, guys, may tumatawag lang. I'll be back," pagpapaalam niya sa amin bago tumayo.

"Hello, Celine." Hindi pa nga ako nakare-recover sa mga rebelasyon niya, may panibago na namang dumating.

Tiningnan ko siya nang may nangungusap na mga mata habang papatayo siya at hawak ang phone niya at sinimulang naglakad palayo sa amin para kausapin ang nasa kabilang linya.

Napayuko na lang ako at parang pakiramdam ko ay piniga ang puso ko. Hindi ko na lang inalintana ang ingay ng mga kaklase ko na nagpapatuloy sa paglalaro.

Bakit pa ba ako aasa kung may iba nang itinitibok ang puso niya? Ano, history repeats itself na naman ba?

---

Habang pauwi galing sa practice ay dumaan muna kami ni Howell sa may Nepo Mall. May pinabibili kasi sina Mama, kaya sumaglit na kami rito bago sumakay ng jeep pauwi sa kaniya-kaniya naming bahay.

Seryoso kaming nagtitingin-tingin ni Howell ng mga libro sa Booksale kung saan nasa harapan kami noong shelves na puno ng bargain books. Seryoso siyang nagtitingin-tingin at mukhang may bibilhin. Habang ako, tahimik ko na pinagmamasdan ang mala-tore niyang height. Nagkadikit pa nga ang mga katawan namin at doon ko naamoy ang kaniyang pabango kahit pinagpawisan man siya.

Napalayo ako sa kaniya nang kaunti at baka kung ano pa ang isipin niya at saka nagpatuloy sa pagtitingin. Wala pa akong mahanap na bibilhin dahil wala pa raw deliveries noong bagong release na librong hinahanap ko.

"Regarding sa childhood friend mo..." lakas-loob kong itinanong sa kaniya.

"Why?" may kuryosidad niyang tanong pagkatingin niya sa akin. "At kailan ka pa nagkaroon ng interest sa kaniya?"

Bigla tuloy akong nahiya sa follow-up question niya. Parang gusto ko tuloy tumiklop. Bakit ko ba naman kasi itinanong iyon, e?

Imbes na sumagot ay nanahimik na lang ako. "Gusto mo siyang makilala?" pagtatanong pa niya. Pero mga ilang saglit lang ay binitiwan niya ang librong kinuha sa shelf at saka inilabas niya ang kaniyang cellphone sa bag at. Ipinakita niya mula sa gallery ang picture nilang dalawa na mukhang recently lang kinunan. Magkaakbay silang dalawa sa picture at hindi maide-deny ang closeness nila.

"Her name is Celine." Alam ko, Howell. "Schoolmate din natin siya. Baka nakikita mo na rin siya sa campus."

"A, oo... familiar na ang face niya sa akin," komento ko pagkakita sa napakaganda niyang mukha. Parang napa-retreat ako nang wala sa oras dahil wala akong panama kay Celine.

"Matagal ko na siyang gusto, actually." Naging seryoso ang usapan namin na para bang ang mga nangyayari sa buhay niya ay kinuhanan sa isang romance novel.

"But never ka pang umamin sa kaniya?" tanong ko naman. Wow, kailan pa nga ako naging curious sa kaibigan ni Howell?

"Nope." Napangiti siya, pero 'yong may bitterness sa mga ngiting iyon. "Sinubukan ko ilang beses na, pero wala, e... torpe ang ugok."

"Kung ngayon din, huwag muna. I want to make her cope with her broken heart muna." Sa paraan ng pananalita niya ay para din bang umaasa siya kay Celine.

"Kagagaling lang niya sa break-up at ayaw ko munang isiksik ang sarili ko hangga't hindi pa siya ready." Napayuko pa siya. "Nakakatakot din kasing sumugal lalo na at friendship namin ang nakataya rito. I don't want to lose her. She's my everything."

Kita sa mga mata niya kung papaano ikuwento ang babaeng espesyal sa buhay niya, kahit kanina sa laro namin. Nakita ko kung paano magpahalaga si Howell sa mga malalapit sa kaniya.

"Suwerte naman ni Celine sa iyo." Marahan kong hinimas ang balikat niya para i-comfort siya. Mukhang parehas lang kaming biktima. Parehas kaming naghahabol sa taong hindi naman kami sure kung maibabalik ang feelings na in-invest sa kanila.

"Marcie...," pagkaklaro pa niya.

"Ako lang tumatawag na Celine sa kaniya. I don't know, pero it feels special kasi." Napakamot pa siya ng leeg habang ine-explain pa iyon.

Ouch. Ganoon pala iyon? Ganoon pala siya ka-importante sa buhay ni Howell.

"E 'di Marcie." Pabiro ko na lang na itinaas ang kilay ko at saka siya inirapan.

"May bibilhin ka ba? Bayaran ko na 'to, a?" pagpapaalam pa ni Howell pagkakuha sa librong kinuha niya sa may shelf- 'yong The Supernaturalist by Eoin Colfer.

"Okay lang, punta ka na sa counter," tugon ko naman sabay ng pagngiti. "Lalabas na rin naman ako," pagpapaalam ko para lumabas at doon na lang siya hintayin.

---

Selos, parang infatuation na mahirap pigilan. Ito ang feeling na para bang may kakumpitensiya ka sa nararamdaman mo para sa ibang tao. Ito 'yong pakiramdam na parang may umaagaw ng atensiyon sa taong gusto mo.

Na-realize kong napakalawak ng mundo ni Howell. Na-realize kong hindi lang pala sa akin umiikot ang mundo niya⁠-na may iba pang tao na nakapalibot sa kaniya. Wait, para bang ang selfish ko naman kung ganoon?

Lumipas din ang mga araw na si Marcie na ang laging bukambibig ni Howell. Naging love adviser pa nga ako niya na todo bigay ng mga love advice kahit never naman siyang humihingi. Wow, masokista lang? Ako lagi ang naglalapit sa ikasasakit ko.

Diyan naman ako magaling, sa pagtago ng nararamdaman. Ang hilig kong magtago sa isang malaking façade. Masiyado kong ginagawang clown ang sarili ko.

Pagkatapos maglinis ng classroom dahil kami ang na-assign na maglinis sa araw na iyon, deretso na akong naglakad pauwi. Pero habang napadaan sa may campus shed ay nadaanan ko si Howell na nakaupo at para bang may hinihintay.

"Uy, hindi ka pa ba uuwi?" tanong ko sabay hagip sa strap ng kulay purple na Ruffles bag ko.

"Hindi pa, may hinihintay lang." Sabi ko na nga, may hinihintay pa siya.

"Sige, una na ako, a?" At saka na ako nagpaalam.

"Okay, ingat sila sa iyo," bulalas pa nga niya sabay ngiti sa akin. Napailing na lang ako sa ginawa niyang iyon. Bakit ba lagi akong ipinapahamak ng mga ngiting iyon?

Habang naglalakad papalayo ay napalingon muli ako sa direksiyon niya at nakitang lumapit si Marcie kay Howell at saka niya hinimas ang buhok nito. Pagkatapos noon ay tumayo na si Howell at saka na sila naglakad papaalis.

Ang ginawa ko naman ay dali-daling lumihis ng direksiyong nilalakad para hindi nila ako makasalubong. Please lang, ayaw kong magkrus ang landas namin, kaya lumiko na lang ako at tinahak ang longcut. Hindi nga siya shortcut kasi liko-liko ang dadaanan ko para lang maiwasan sila.

Sa mga oras na iyon, na-realize ko kung saan lang ang pedestal ko sa buhay ni Howell. Hindi ko naman dapat maramdaman ito dahil first of all, friends naman ang turingan namin sa isa't isa. Iyon lang.

Pero bakit? Bakit ba naguguluhan ako?

-30-

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top