Sugar is not His Flavor

Hindi malaman ni Edison ang dahilan kung bakit pakiramdam niya iniiwasan siya ni Reed. Gaya na lang sa nangyari sa umagang ito. Inaasahan niyang sasamahan siya nitong kumain sa food court. Pero sinabihan lamang siya nito na marami siyang gagawin kaya hahayaan na lamang siya nitong kumain na mag-isa. Total, marami namang gwardya na magbabantay sa kanya at dahil sa laro na ginawa niya hindi siya magtatangkang gilitan ang sarili niya.

Kaya agad niyang naisip na may nangyari na naging dahilan ng malamig na pakikitungo sa kanya ni Reed.

"Alam mo sa palagay ko hindi si Reed ang sumasakal sa iyo. Mukhang ikaw yata ang may problema talaga sa inyo," satsat ni Christian na nasa tabi niya.

"Hindi ko hinihingi ang opinyon mo. At bakit ikaw ang kasama ko ngayon? Huwag mo nga akong sundan," reklamo ni Edison.

"Heh, you're welcome."

Nakarating na sila sa food court. Malawak ang paligid na napuno ng mga lamesang plastik at kahoy. May mga upuan rin na metal na makikitang nakadikit sa bawat isa. May mga nakapwesto naman sa terrace na pinatungan naman ng mga magagandang payong. May mga halaman sa paligid: ang iba ay nakalagay sa paso at mayroon din namang nakasabit sa mga poste.

Marami rin ang mga establishamentong pampagkain na nakapalibot sa buong lugar. Lahat sila ay may sariling espesyalisasyon sa pagluluto. Mayroong naghahanda ng mga pagkain na may ulam samantalang mga pangtawid pagkain ang iba. May nagbebenta rin ng mga matatamis na sorbetes at tinapay na pinamumugaran ng mga kabataan.

Maaga pa kaya kaunti pa lang ang bukas sa oras ito. Ito ay ang mga tindahan na magdamag na bukas, marahil branch ng isang sikat na fastfood o isang sikat na bentahan ng pagkain. Namasyal muna sa paligid ang dalawa na naghanap ng pagkaing kakainin. Napansin nila ang mga presyo ng mga pagkain sa bawat tindahan. Makikitang napakagara ng lugar pero ang mga presyo na ginagamit nila ay kabaliktaran sa inaasahan.

"Nang makita ko ang lugar inakala ko na mahal agad ang pagkain rito," sambit ni Christian na tinitigan ang isang shop na may niluluto sa harapan niya. "But surprisngly, mas mura ito kaysa sa ibang lugar na may mas mababang pasilidad at kalidad."

"Marahil dahil sa marami silang naglalaban rito?" Palagay ni Edison. Nakita ni Christian na may nginunguya na ang kasama niya. Isang itong tinapay mula sa panaderya na dinaanan nila kanina.

"Dude, mukhang hindi pa rin nawawala ang takaw mo sa pagkain. Hindi ba sobrang tamis ng tinapay na iyan? Akala ko ba hindi ka kumakain ng pagkain na may maraming asukal?" Tanong ni Christian na tinuro ang kinakain ni Edison at ang supot ng parehong tinapay na nasa kabilang kamay nito.

"Matamis? Matamis ba ito? Hindi ko kasi malasahan..." Mangiyak-ngiyak na sambit ni Edison na halatang nagluluksa dahil hindi niya kasama ang taong inaasahan niyang makasama. "At hindi naman siya matamis... mapait siya... mapait."

"Sabi ko na nga ba ikaw ang may problema sa inyong dalawa!"

Sa mga oras na iyon, kumakain rin si Madam Q kasama ang mga estudyante niya. Matapos ang nangyari sa kanyang grupo kahapon, inaasahan na niyang medyo manghihinga ang mga estudyante niya dahil sa lungkot. Pero laking gulat niya na maiingay pa rin sila na masayang nag-uusap sa hapag. Mukhang mas malakas sila sa inaasahan niyang tibay na taglay nila.

Napangisi na lamang siya habang nakikinig sa pinag-uusapan nila. Nahuli lamang ang atensyon niya nang may narinig siyang nag-uusap sa di kalayuan. Napatingin siya rito at nakita ang dalawang binata na nag-uusap sa harapan ng isang tindahan. Hindi niya alam kung ano ang pinag-uusapan nila pero makikitang may pinagtatalunan sila. Pinanood niya ang dalawa na mukhang dadaan sa direksyon nila.

"At alam niyo ba ito ang sabi niya... Ah!" Napatayo si Janice sa kanyang upuan sabay turo sa isang pares ng kalalakihan na dumaan. "Ang dalawang iyan!"

Napatingin ang lahat sa dalawa na saktong nakatayo sa tabi ng mesa. Silang dalawa ay parehong may dalang tray ng mga pagkain. Nakilala agad sila ng mga kasamahan ni Janice na natahimik. Hindi nagustuhan ni Christian ang binungad sa kanyang panunuro kaya isang matulis na tingin ang ibinigay niya sa dalaga.

"Kung mamarapatin mo lang, hindi 'yan' ang pangalan ko," reklamo ni Christian.

"Heh, hindi porket nalamangan mo na kami kahapon ay tataasan mo na kami ng tono," balik ni Janice na biglang nawala ang takot sa dalawa.

Napangisi na lamang si Edison na nanonood sa dalawang nagsimulang magbangayan. Napansin niya si Madam Q na nakatingin sa kanya. Ngumiti si Edison at binati ng magalang ang guro. Nagustuhan naman ni Madam Q ang ginawa ng binata at ginantihan ito ng ngiti.

"What a good boy,' ani ni Madam Q. "Ibang iba sa narinig kong masamang pag-uugali mula sa mga estudyante ko."

Natahimik ang lahat sa narinig. Oo nga pala, sinabi nila ang tungkol sa engkwentro ng dalawang grupo. Nalaman ni Madam Q ang ginawa ng kanyang mga estudyante at kung ano ang iginanti ng dalawa sa kanila. At sa kung sino man ang makakarinig sa ginawa ni Edison, siguradong matatakot ang lahat maliban sa mga nakakatanda na hindi sang-ayon sa aksyon na ginawa nito.

"The fault is on the neither sides. Don't worry," sabi ni Edison na hindi winawala ang mapagkunyaring ngiti. Pero nakita na ito Madam Q. Naging estudyante niya sina Elias at Jeremy. Kilalang kilala na niya ang mga ngiti ng mga taong mapagkunyari at nagpapanggap.

"How about you join us? May bakante pa namang upuan at gusto ko ring malaman kung kumusta ang pamamalakad nila Mero at Clarckson sa paaralan niyo."

Tinignan ni Edison si Christian kung sasang-ayon ba ito. Wala namang nangyaring pagtutol kaya umupo sila sa mga bakanteng upuan na nasa mismomg harapan ni Madam Q. Tahimik lamang ang iba na hinayaan na lang rin ang dalawa na sumama sa kanila dahil si Madam Q na ang umalok. Nagpatuloy na lamang sila sa pagkain pero mas tahimik kaysa kanina.

Nagpatuloy sila sa pagkain na hindi nagkikibuan. Mukhang malamig nga ang atmospera sa paligid. Hindi naman maiiwasan na mangyari ito. Magkalaban ang dalawang grupo. Hindi dapat sila nagsasama ng ganito. Napansin ni Madam Q ang sitwayson na sinubukang pagaanin ang paligid.

"Patuloy sa pinag-uusapan natin... narinig ko na si Jeremy Clarckson ang punongguro ng paaralan niyo. Kamusta naman ang pamamalakad niya?" Tanong ni Edison.

"Hindi pa ako nakakatagal ng isang buwan pero masasabi kong delikado siyang tao," direktang tugon ni Edison.

Biglang napabahing si Jeremy na walang dahilan. Napatingin sa kanya sina Elias at Amijan na nagulat sa biglang pag-atsing nito.

"Oo, sadyang mapanganib. Isa sa mga taong hindi mo dapat kalabanin," seryosong tugon ni Christian.

Binigyan na ni Elias ng panyo si Jeremy nang bumahing ito sa pangalawang beses.

Napatabon na lamang sa bibig si Madam Q na pilit ikinukubli ang munting tawa.

"Hindi na nakakagulat. Simula pa noon hindi na naging simpleng tao ang batang iyan. Sa unang tingin aakalain mong mahina at walang ibubuga. Pero kapag nakilala mo makikita mong isang matalino at malakas siyang tao. Hindi malabong makarating siya sa tuktok sa sariling pagsisikap," sang-ayon ni Madam Q.

"Bakit niyo po siya kilala? Kamag-anak niyo po ba siya?" Normal na tanong ni Edison na nabigyan ng biglaang interest.

"Hindi, bale naging estudyante ko ang dalawang iyan noon," sagot ni Madam Q.

"Talaga po? Ibig sabihin ba nito naging guro ka rin sa School of Phobia?" Dagdag na katanungan ni Edison.

"Hindi, naging guro nila ako sa kolehiyo. Pero galing sila sa paaralan na iyan. Nauna ng isang taon si Jeremy kay Elias. Pero pareho ang taon ng kanilang pagpasok. Medyo natagalan lamang si Elias dahil mayroon pa siyang tinatapos."

"Kitang kita naman na galing talaga si Elias sa School of Phobia," palagay ni Edison. "Pero hindi ko inisip na ganoon din si Principal. Kung tama ang hinala ko, ang phobia niya ay nasa mga clowns."

"Kaya pala lagi siyang nakangiti na parang clown. Maraming sekretong nakakubli," biro ni Christian.

Ngayon, napa-isip si Jeremy kung mayroon ba siyang sipon o pinag-uusapan ba siya ng mga nakakakilala sa kanya.

"Si Elias naman," ani ni Madam Q na inaalala ang nakaraan. "Halos walang pinagbago sa naging ugali niya noon at ngayon. Suot suot pa rin niya ang werdong mga damit na 'yon. At ang tapang niya sa pagsasalita ay hindi pa rin nawawala. At hanggang ngayon, silang dalawa pa rin ang nagsasama."

"Para silang pilipit na mas mahigpit pa ang kapit sa malagkit," saad ni Edison.

Ngayon, napa-isip si Elias kung nahawa ba siya sa sipon ni Jeremy dahil siya naman ang bumahing kapalit nito.

"Pero nakikita ko naman na maayos ang lagay nila. Wala na akong masasabi pa," sambit ni Madam Q.

Sabay na napakibit balikat sina Edison at Christian na hindi na umagal pa sa sinabi ng matandang guro. Ngayon, naintriga naman ang mga nakikinig na kababaihan. Ang isa sa kanila, si Melody, ay naglakas ng loob na magsalita.

"Kung galing kayo sa School of Phobia ibig sabihin may mga Phobia kayo. Ano iyon?" Buong tapang niyang tanong.

Nabilaukan si Christian sa biglang tanong ng dalaga samantalang walang reaksyon si Edison na sumubo muna ng pagkain at nginuya ito bago hinarap si Melody. Ngumiti siya rito na nagsasaad ng kakaibang pakiramdam. Mukhang nagustuhan ni Edison ang diretso nitong tono.

"Hmmm... Ang sa kanya ay Pistanthrophobia," turo ni Edison sa katabo. Mas lalong nabilaukan si Christian sa biglaang rebelasyon.

"Ikaw ang tinatanong niya, bakit ang sa akin ang sinagot mo?" Inis na kinuwelyuhan ni Christian si Edison.

"Pistanthrophobia? Ano iyon?" Dagdag na katanungan ni Melody.

"Fear of trust," mabilis na tugon ni Edison na nakatikim na naman ng sapak kay Christian.

"Eh... mayroon palang ganoon? Hindi ko alam na nakakatakot pala ang magtiwala sa ibang tao,"sabat ni Janice na hindi sinasadyang magtunog magaan sa pinag-uusapan. "Hindi naman sa iniinsulto ko ang phobia mo..."

Napabuntong hininga na lamang si Christian na hinayaan na lamang si Edison. Siya na ang kusang sumagot at kung ano anong istorya pa ang ikwento ni Edison sa kanila.

"Huwag kang mag-alala. Hindi naman lahat ng bagay kailangan mong maintindihan. Basta iyon na iyon," malamig na tugon ni Christian na naglagay ng harang sa lahat. Halos hindi naka-imik ang lahat na agad siyang iniwasan.

"Paano naman ikaw... um, kung hindi mo mamasamain, ano ang Phobia mo?" Tanong ni Janice.

Tinignan lamang sila ni Edison habang nginunguya ang bagong subo ng pagkain. Nilunok niya ito sabay ngiti sa lahat. Bigla silang nakaramdam ng biglaang kilabot. Kahit si Christian na nasanay na sa ganitong mga ngiti ay nagulat rin sa naramdaman. Naging seryoso ang mga mata ni Edison at sinabing:

"How about we play a guessing game?"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top