Chapter 31
"Mang Kanor, nasaan po kayo noong araw na mabaril si Mang Armando at ano pong nangyari noong araw na iyon?
Umayos ako ng tayo at itinuon lang ang aking tingin kay Mang Kanor na nasa witness stand. Humigpit ang hawak ng aking kanang kamay sa aking kaliwa. Huminga ako nang malalim.
"Mga tanghali rin po noon at papunta ako sa bahay nila Pareng Armando kasi makikikain sana ako at may usapan din kami ni pare noon...nang palapit na po ako, nakasalubong ko po ang isang nagmamadaling itim na SUV. Nakita ko po sa loob si Sir Matthew na nagda-drive at seryoso ang mukha. Hindi nga ako binati noong binati ko siya. Siyempre nagtaka po ako kasi namamansin naman po iyong si Sir. Nang malagpasan niya po ako ay narinig ko na lang ang iyakan nina Mareng Marie tapos ay nakita ko iyong anak ng kapit-bahay naming si Isay na umiiyak at patakbo na palayo."
Huminga ako nang malalim at bumaling sa judge. "No more questions, Your Honor." Tumalikod na ako at bumalik na sa upuan ko. Nasapo ko ang aking noo pagkatapos.
Isang witness na lang ang ipi-present namin para makompleto iyong elements ng murder. Napasandal na lang ako sa likod ng upuan. Nakakapanghina ang mga pangyayari. Hindi naman sa nagmamalaki akong maipapanalo ko ito, pero kung titingnan naman ang mga ebidensya, halata na namang pabor sa amin. May mga kaso lang talagang alam mong tagilid. Ayokong mangyari ito kay Tito. Ayoko siyang makulong pero amas kasalanan siya at kailangan niya iyong pagbayaran. Mahal ko si Teon at ayoko siyang nagdurusa nang ganito pero hindi ko rin naman kayang baliin ang prinsipyo ko dahil doon. Hindi porket mahal mo ay susuportahan mo sa lahat ng bagay kahit mali kasi kung mahal mo talaga ang isang tao, hindi mo siya hahayaang mapunta sa maling daan.
~***~
Sobrang hinang hina ang katawan ko pagkatapos ng hearing. Pakiramdam ko ay wala na nga akong lakas para umuwi pa. Para akong lumulutang na lang. Blangkong blangko ang aking isip habang papasok ako ng aking apartment. Sa sobrang kawalan ko ng gana at panghihina ay hindi na ako kumain at dumiretso na ako pahiga ng kama.
Ganoon pa rin ang pakiramdam ko nang mga sumunod na araw. Alam mo iyong pakiramdam na parang hangin ka na lang at wala nang direksyon ang ang buhay mo. Iyong parang sobrang empty sa loob. Ni wala na akong makapang emosyon. Napapansin ko na lang na natutulala na ako habang nagbabasa ng mga complaints. Wala akong kinakausap kahit na sobrang dami sa mga katrabaho ko ang nagyayayang lumabas o kung ano pa man. Ganito ba ang pakiramdam ng walang buhay? Iyong lumulutang ka lang at wala ka nang patutunguhan.
May ilang araw pa ako bago ang susunod na hearing namin at pilit kong kinokondisyon ang sarili ko para sa araw na iyon pero wala nauuwi lang ako ganitong pakiramdam ulit. Sobrang empty. Sobrang blangko.
Muntik na akong mapatalon sa aking kinauupuan nang tumunog ang cell phone ko. Huminga ako nang malalim at hinilot ang aking sentido. Kinuha ko ang cell phone at tinapat iyon sa aking tenga nang hingi tinitingnan kung sino iyong tumawag.
"Cassia! Juskong bata ka! Anon ang nangyayari sa'yo diyan?!" Sandali akong natigilan nang marinig ang boses na iyon.
Umawang ang aking labi at agad na tiningnan ang caller ID.
Ate Arra.
Napabuga na lamang ako ng hininga. Hindi agad ako nakasagot. Hindi ko alam kung ano ang aking isasagot, sa totoo lang. Ni hindi ko na nga naisip na tawagan pa si Ate Arra simula noong pumutok ang kaso.
"Cassia Farrise! Anong nangyayari, ha? At ano itong nabalitaan namin?! Ikaw ang nagpakulong sa ama ni Teon?!" halos hindi makapaniwalang sabi niya.
Naipikit ko na lang ang aking mga mata. "Wala po, ate. Ongoing ang hearing. Confidential ang mga detalye," simpleng sabi ko.
Narinig ko ang pagsinghap niya sa kabila. "Paano ka? Paano kayo? Okay ba kayo, ha? Okay ka lang ba? Bakit iba ang tunog ng boses mo? Cassia, nag-aalala naman ako!"
Napalunok ako. Umayos ako ng upo at bumuga ng hininga. "Okay lang po ako." Agad akong napahinto nang muntik na akong maduwal. Parang may nagbara sa lalamunan ko. Kasunod noon ay ang pag-iinit ng mga sulok ng aking mata.
Mariin akong napapikit at tumingala. Lumunok ulit ako at saka huminga nang malalim. "O-Okay lang po talaga ako, ate. Pasensya na kung hindi ako nakatawag. Medyo kailangan ko lang talagang pagtuunan itong kaso." Halos hindi ako huminga habang sinasabi iyon. Pakiramdam ko ay pag huminga ako kusa na lang babagsak ang mga luhang kanina pa nagbabadyang lumabas. Ayokong umiyak. Mas kukulitin lang ako ni Ate Arra. Mapipilitan akong magkwento, maiiyak na naman ako at malulungkot dahil sa mga nangyayari. Baka mas lalong hindi ko na talaga maiahon ang sarili ko. Kailangan ko munang harapin ang lahat ng ito.
Hindi siya agad sumagot. Narinig ko pa ang paghinga niya sa kabila. Sa huli ay bumuga siya ng hininga. "Sige. Basta okay ka lang, ha. At saka tumawag o mag-text ka naman kahit isa o dalawang beses man lang. Nag-aalala ako sa'yo, no. Tayo-tayo na nga lang, e."
Bumuntong – hininga na lang ako at tumango kahit na hindi niya naman ako nakikita. "Okay, te."
Huminga ako nang malalim bago tuluyang pinatay ang tawag. Itinabi ko ang cell phone sa lamesa at sinubsob ko ang aking mukha roon. Panay ang buga ko ng hininga para kalmahin ang aking sarili. Nag-angat lang ako ng tingin nang marinig kong bumukas ang pinto ng aking opisina.
"Bakit?" tanong ko sa aking clerk.
"Prosec, nandito po ang pamilya Garcia. Gusto raw po sana kayong makausap."
Bumuntong-hininga ako at marahang tumango. "Sige, papasukin mo."
Umayos ako ng upo at inayos din ang aking sarili. Tipid na nginitian ko sina Aling Mari at ang kanyang mga anak pagkapasok nila. "Upo po kayo." Iginiya ko sila sa couch sa aking harapan.
"Tungkol po ito kay Isay," panimula ni Jr. Agad na kumunot ang aking noo.
"Bakit? Anong nangyari?"
Kitang kita ko ang pagtinginan nila ng kanyang kapatid.
"Wala na po si Isay."
Nanlaki ang mga mata ko at gulat na napatitig sa kanila.
"Anong wala na?" Bigla ay bumalot ang isang kakaibang kaba sa aking dibdib. Bumilis ang aking paghinga.
"Wala na po ang mga gamit niya kanina. Noong kausapin po namin ang mga magulang niya, hindi naman po kami sinasagot. May pakiramdam po kaming umalis siya...dahil sa hearing."
Umawang ang bibig ko. Naikuyom ko ang aking mga kamay at napatingin na lang sa kawalan.
"May kutob kami roon, Prosec." Narinig kong sabi pa ni Jr. Rinig na rinig ko sa kanyang boses ang gigil at inis.
Napalunok ako at saka yumuko. Huminga ako nang malalim. Hindi ko sila kayang tingnan sa mata. Sila na naman ba? Talagang tinuloy nila? Aabot talaga sila sa ganito?
Kinagat ko ang aking labi. Halos hindi ako makahinga dahil unti-unting naninikip ang aking dibdib habang iniisip ang ginawa nina Fel. Ayokong mambintang, pero sa sinabi niya sa akin? Sa reaksyon niya nang komprontahin ko siya?
Mariin kong ipinikit ang aking mga mata at kinalma ang aking sarili. Tumayo ako. "Pakihanap po muna siya sa inyo. Magtanong-tanong po muna kayo. Pupuntahan ko na lang kayo sa inyo at tatawagan ko na rin po siya pagkatapos ng aasikasuhin ko," sabi ko sa kanila.
Sabay na nagtanguan sina Aling Mari at ang babaeng anak niya. Si Jr ay nanatiling nakatitig sa akin. Parang may gusto siyang itanong pero hindi niya maitanong. Humugot ako ng hininga at nag-iwas na lang ng tingin bago ako tuluyang lumabas ng opisina.
Naramdaman ko rin namang sumunod sila sa akin. Tuloy-tuloy ang naging lakad ko palabas ng building. Sinubukan kong tawagan ang number ni Fel pero hindi na siya sumasagot. Nasa labas na ako ng building at naghihintay na ng taxi nang mapansin kong nasa tabi ko pala si Jr. Ang akala ko ay kasama niya ang nanay at kapatid niya pero mag-isa lang siya. Nakatingin pa rin siya sa akin kaya kinunutan ko siya ng noo.
"May problema ba?" tanong ko.
Hindi siya agad sumagot. Medyo nagtaka pa ako sa klase ng pagtitig niya.
"Mahirap po ba?"
Sandali akong napahinto. Mas lalo akong naguguluhan. "Ang kaso?" tanong ko.
Diretso pa rin ang tingin niya sa akin.
"Kalabanin ang mga kaibigan niyo." Hindi ako nakapagsalita. Umawang ang aking labi at napatitig lang sa kanya. Bahagya pang namilog ang mga mata ko sa gulat. "Alam ko pong kaibigan niyo sila. Niresearch po kita noong nalaman kong ikaw ang hahawak ng kaso ni tatay. Alam kong iyong anak ni Sir Matthew, boyfriend mo. Alam ko rin pong siya ang top 1 at ikaw ang top 2 sa bar niyo," dire-diretsong sabi niya. Hindi ako nakagalaw. Nakatitig lang ako sa kanya at hinihintay ang susunod niyang sasabihin. Nabalot kami ng katahimikan pero ilang segundo ay nagsalita na rin siya. "Bakit niyo po kinakalaban ang boyfriend at mga kaibigan niyo?"
Napalunok ako. Ramdam ko ang panginginig ng aking labi at ang pagbilis ng tibok ng aking puso. Nag-iwas ako ng tingin. Hindi agad ako sumagot. Sa huli ay huminga ako nang malalim at binalingan ulit siya.
"Dahil trabaho ko ang ipaglaban ang mga naaapi at nanumpa ako para sa batas. At dahil mahal ko sila."
~***~
Nasapo ko na lang ang aking sentido at napasandal na lamang ako sa dingding ng hallway. Wala si Fels a condo niya. Pati mga condo nina Flynn at Adolf pinuntahan ko na. Pumunta na rin ako sa condo ni Teon pero wala rin. Hindi ko na alam ang gagawin ko at hindi ko na alam kung saan ko sila hahanapin. Kailangan ko silang makausap. Tama na itong kahibangang ito. Tama na ang pag mamanipula.
Bumuga ako ng hininga at kinuha ang cell phone ko. Sa huling pagkakataon ay di-nial ko ang number ni Fel. Agad akong napaayos ng tayo nang mag-ring iyon. Sobrang bilis ng tiboko ng puso ko habang hinihintay siyang sumagot.
"Yes."
Parang huminto ang mundo ko nang marinig iyon. Huminga ako nang malalim para kalmahin ang aking sarili.
"Nasaan si Isay, Fel? Anong ginawa niyo?" mariin at malamig kong tanong sa kanya. Hindi siya sumagot. Naghintay ako pero ilang segundo na ang lumipas at hindi pa rin siya nagsasalita. Doon na ako nainis. "Fel, anong ginawa niyo? Anong ginawa mo?!" Rinig na rinig ko ang pag-echo ng boses ko sa buong hallway. Halos lumabas na sa aking dibdib ang puso ko. Ramdam ko na ang pag-init ng mga sulok ng aking mata. Narinig ko ang pagbuntong-hininga niya sa kabila.
"You of all people should know how this is important to Teon, Cassia." Napasinghap ako sa sagot niya.
"Alam ko Fel, pero paano naman yung namatayan?! Paano naman sila?! Pasensya na pero hindi ako kasing selfish niyo. Pasensya na kung hindi ko kayang sikmurahin ang galawan sa mundo ninyo. Hindi kasi tayo pareha ng kinalakihan! At pasensya na rin kung hindi tayo pareho ng paraan ng pagmamahal kasi kung ako lang, hindi ko hahayaan si Teon na gumawa ng masama para pagtakpan ang mali dahil mahal ko siya!" Habol ko ang aking hininga habang pilit kong pinapaatras ang mga luhang kanina pa gustong bumaba sa aking pisngi. Lumunok ako at mabilis na pinatay ang aking cell phone.
Saglit akong pumikit bago nagmamadaling umalis doon. Agad akong nagtungo sa bahay nina Aling Marie. Naabutan ko sina Jr at ang babaeng kapatid nito na nasa bakuran nila at may kausap na mga binatilyo. Kitang kita sa mukha ng dalagita ni Aling Marie ang pag-aalala at panlulumo. Doon pa lang alam ko nang hindi na maganda ang balita.
Nang magtagpo ang tingin namin ay agad niyang tinapik ang kanyang kapatid. Madaling lumapit ako sa kanila.
"Ayaw po talagang magsalita ng mga magulang ni Isay," tila nagsusumbong na sambit niya sa akin. "Ano na pong gagawin natin?"
Bumuntong-hininga ako at hinigpitan ang hawak sa aking cell phone. Iginala ko ang aking tingin sa buong paligid. Pinagtitinginan na kami ng mga tao rito. Binalingan ko ulit sina Jr at ang kapatid niya.
"Tayo ang maghahanap sa kanya. Sigurado akong may alam ang mga magulang niya." Hindi ko na sila hinintay pang sumagot at nauna na akong maglakad. Naramdaman ko naman silang sumunod sa kin. Tinuro nila sa akin ang bahay ni Isay. Kumatok kami pero wala ng tao roon. Noong tinanong namin ang kapitbahay nila ay ang sabi hindi pa raw umuuwi.
Wala na rin naman akong nagawa kundi ang hintayin sila.
"Maghihintay po talaga kayo, prosecutor?" Kitang kita ko ang tila pagkagulat ng kapatid ni Jr. Bumuntong-hininga ako at tiningnan siya sa mata.
"Kung kailangang hanggang umaga tayo rito, hihintayin natin sila. Kailangan nating malaman kung nasaan si Isay. Siya ang susi para maipanalo natin ito.
~***~
"Sigurado po ba talaga tayo rito?"
Ramdam na ramdam ko ang takot sa boses ni Aling Marie. Kasalukuyan kaming sakay ng grab. Magkatabi kami ni Aling Marie sa likod habang nasa harapan si Jr.
Hindi umuwi kagabi ang mga magulang ni Isay kaya wala na rin naman akong choice kundi ang umuwi at ipagpabukas na ang paghahanap namin kay Isay. Mabuti na lang din at may nakakita raw rito noong umalis ito at saktong nasabi nito kung saan ito pupunta kaya iyon ang pupuntahan namin. Kinailangan ko pang ipa-cancel sa clerk ko ang mga lakad at plano ko ngayong araw. Hindi pwedeng hindi namin makita si Isay ngayon. Isang araw na lang at hearing na ulit at siya ang tatayo sa witness stand. Kailangang kailangan namin ang testimonya niya.
Kinuha ko ang kamay ni Aling Marie at marahang pinisil iyon. "Sigurado po," sambit ko sa kanya.
Kitang kita ko pa rin ang pag-aalangan sa kanyang mukha. Kitang kita ko ang takot at pag-aalala. Bumuntong – hininga ako at tinapik ang kanyang balikat. Yumuko siya. "Pasensya na po. Natatakot lang po kasi ako sa pwedeng mangyari. Marami na akong nasaksihang ganito,e."
Hindi ko mapigilan ang hindi mainis at magalit sa naririnig ko. Nakakagalit ang sistemang ito. Bakit kung sino pa ang naapi ay ang siya pang natatakot? Hindi dapat ganito.
"Parang may sumusunod po sa atin." Natigil kaming dalawa ni Aling Mari at agad na napatingin sa rear view mirror.
Lumingon ako para tingnan ang tinutukoy ni Jr. Agad na kumunot ang noo ko nang makitang may dalawang motor ngang nasa magkabilang gilid namin. Hindi naman sa pagiging paranoid pero agad akong kinabahan sa sitwasyon. Para kasi talagang nakabuntot sila sa amin tapos noong tiningnan ko pa ang paligid ay nakita kong halos kami na lang ang tao sa daan at puro mga puno pa ang paligid namin. Napalunok ako at napahawak kay Aling Marie. "Manong pwede po bang pabilisan?" sambit ko sa driver, hindi pa rin tinatanggal ang mga tingin sa dalawang motorsiklo.
"Jusko! Ano bai yang dalawang iyan!" Nakagat ko ang aking labi at napakapit na lang talaga kay Aling Marie.
Parang nilalakumos ang puso ko sa kaisipang kaya talaga nilang gawin ito? Talagang aabot sila sa ganito?
~***~
Hindi ko alam kung paano kami nakarating nang buhay sa sinabing address noong kapitbahay nila Aling Marie. Para akong nawalan ng lakas at hindi makagalaw pagkarapada ng sasakyan namin sa harap ng isang bahay. Para kaming nakikipaghabulan kay kamatayan kanina sa sobrang bilis ng takbo namin. Laking pasalamat ko na lang nang may makasalubong kaming mga sasakyang sa isang intersection at nawala iyong dalawang motor. Halos hindi na nga kami gumagalaw hanggang sa nakarating kami sa bahay na sinabi sa amin.
Saglit akong pumikit bago tuluyang lumabas ng sasakyan, Nakaakbay si Jr sa ina niyang medyo nine-nerbyos pa rin. Lumunok ako at saglit na tumingala. Makailang beses akong huminga nang malalim bago tuluyang naglakad palapit sa bahay.
Kaya mo ito, Cassia. Kaya mo ito.
"Isay." Napaangat ako ng tingin nang marinig iyon. Binalingan ko ang tinitingnan Jr. Napahinto ako nang makita ang nag-iisang witness namin na nakatayo sa may bakuran nila at may hawak na walis. Gulat na gulat ang kanyang mukhang nakatingin sa amin.
Huminga ako nang malalim at lumapit sa kanya.
"Isay..." sambit ko na agad niyang ikinaatras. Huminto ako. "Please...pwede ba tayong mag-usap? Ako na mismo ang nakikiusap sa'yo...please..."
"Isay?" Natigilan kami at halos sabay pang napalingon nang marinig iyon. Nakita kong palabas ng bahay ang isang ginang na hula ko ay ang in ani Isay. Gulat na gulat ang kanyang mukha nang makita kami at agad pa siyang dumalo kay Isay. "A-Anong ginagawa niyo rito?! Umalis na kayo!" Agad niyang inilagay sa likuran ang kanyang anak.
"Please po...gusto ko lang pong makausap kayo..."
"Ayoko na pong madamay ang anak ko! Alam ko kung sino ang mga kalaban niyo. Nag-witness na nga si Kanor sa inyo, e. Ayaw na naming makialam!"
Nakagat ko ang aking labi at saka mariing napapikit. Tiningnan ko si Isay. "Please...m-mag-usap lang tayo..."
Hindi siya sumagot.
"Isay, parang awa mo na..." Narinig kong sambit ni Jr. Nilingon ko siya tapos ay binalikan din ng tingin si Isay. Nakita ko pa ang pagtinginan nila ng kanyang ina. Nakita ko rin kung paano niya niyugyog ang braso ng kanyang ina. Sa huli ay nagkatinginan sila at naglakad palapit sa amin si Isay.
Huminga ako nang malalim. Hinawakan ko ang kamay niya.
"Alam kong natatakot ka. Alam kong ayaw mong madamay at maaaring may ginawa sila para mas matakot ka pero hindi matatapos ito kung palagi na lang tayong matatakot." Nilingon ko ang kanyang ina. "Alam kong takot kayo sa mga buhay ninyo. Takot din po ako...hindi lang para sa akin kundi para na rin sa inyo. Pero palagi na lang ba tayong matatakot? Kailan tayo lalaban? Kung ganitong ganito lang din walang mangyayari sa sistema natin. Handa akong sagutin ang pamilya niyo matapos lang ang kasong ito."
Tiningnan ko sila isa-isa. Hindi ako kasing yaman nila pero kung kinakailangan kong ubusin ang mga naipon ko sa pagtatrabaho, gagawin ko para lang masigurong safe sila.
Nagkatinginan kami ng ina ni Isay. Kitang kita ko ang pag-iwas nito ng tingin sa akin. Sa huli ay bumuntong-hininga ito. "P-Pasok muna kayo..." tanging sabi lang niya.
Para akong nabunutan ng tinik dahil sa sinabi nito. Binalingan ko ng tingin ang mag-inang kasama ko at pinauna sila sa pagsunod kina Isay at sa nanay nito. Bago ako pumasok ay ikinalat ko pa ang mga tingin ko sa paligid. Saglit kong tiningnan ang cell phone ko bago muling bumuga ng hininga at saka pumasok na rin sa loob.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top