Chapter 30
Disclaimer: The following scenes are fictional. I do not claim to be an expert in the field of law, so if you see inconsistencies or wrong information/procedure, feel free to message me personally so I can edit it immediately. The content of this chapter is purely based on research, stock knowledge and personal experiences.
Read at your own risk.
***
Pinahid ko ang mga luhang walang tigil sa pag- agos sa aking pisngi. Hindi ko maintindihan kung bakit tila walang kapaguran ang mga mata ko sa pagpapalabas ng mga luha. Lumunok ako. Bakit ba kasi ayaw tumigil ng mga luhang ito, e. Napahinto ako at nasapo na lang ang aking mukha. Sobrang bigat ng pakiramdam ko pagkatapos ng pag-uusap namin ni Fel. Parang mas lumala lang ang lahat. Parang mas bumigat lang lahat. Ngayon, mas naramdaman kong mag-isa lang ako. Mag-isa lang ako at ang hirap hirap lumaban para sa mga tao kung ikaw mismo nahihirapang lumaban.
Bakit kasi ganito? Bakit kailangang ganito kahirap ang pagtatanggol sa hustisya? Bakit kailangang ganito kasakit?
"Prosecutor..."
Mabilis kong iniyuko ang aking mukha at pinahid ang mga luhang nasa aking pisngi. Huminga ako nang malalim at saka umayos ng upo. Tumingala ako. "Ano iyon?"
"Tumawag po kasi ang mga Garcia. May importante raw pong sasabihin sa inyo."
Sandali akong napatigil at tiningnan ang notebook ko. Hinanap ko ang schedule namin ngayon. Sa huli ay bumuntong-hininga ako at tumango sa aking clerk. Tumayo ako at kinuha na ang bag ko.
"Sa labas na ako kakain. Pag may naghanap pakisabi may inaasikaso akong kaso," bilin ko at sinukbit ang aking bag sa balikat. Pagkalabas ko ng opisina ay tinext ko agad si Aling Marie na magkita kami malapit sa kanila.
Binigay naman nila ang address nila sa akin kaya alam ko ang iilan sa malalapit na lugar roon. Pumara ako ng taxi pagkalabas ng building at nagpahatid sa isang coffee shop na malapit sa lugar nina Aling Marie. Alam nila kung saan iyon dahil doon din kami nag-usap noong pa-pre trial pa lang kami. May sworn statement ang kabila para sa character ni Tito. Ipipresent din nila mismo ang mga iyon sa korte sa hearing. Dalawang witness naman ang sa amin, medical records at ang mismong doctor na nag-autopsy sa bangkay. Nakumpiska rin ang baril na ginamit at nag-match ang balang nakuha sa katawan ni Mang Armando roon. Hindi ko alam kung ano pang ilalaban nila gayong napakaraming witness sa side namin at halos lahat ng mga ebidensya nakapanig sa amin. Hindi ko talaga alam, pero kinakabahan ako sa maaaring gawin nila.
Hindi pa nga rin ako makapaniwala sa mga sinabi nila. Walang sinasabi sina Adolf at Flynn at hindi pa rin naman kami nagkakausap pero alam ko namang kay Teon sila papanig. Magkasama na sila mula pa high school, siguradong gagawin nila ang lahat para matulungan ang isa't isa, gaya nga ng sinabi ni Fel. At iyon ang masakit, e. Lahat sila, ni hindi man lang nila ako tiningnan. Akala ko ba magkaibigan kami? Bakit parang iniwan na lang nila ako basta? Alam naman nila ang trabahong ito, di ba? Dahil ba hindi kami magkapareho ng paniniwala ganoon na lang? Matatapon na lang ba ang mga pinagsamahan namin?
Huminga ako nang malalim at ipinikit ang aking mga mata para pigilan ang aking muling pag-iyak. Ayoko nang umiyak. Mas lalo akong nanghihina at mas lalong gumugulo ang utak ko. Hindi ko bibiguin sina Aling Marie. Hinding hindi ko sila susukuan. Kung sina Fel ipinaglalaban nila ang pagiging magkaibigan nila, ipaglalaban ko naman ang mga taong kailangan ako dahil alam ko ang pakiramdam ng walang wala. Alam ko ang pakiramdam ng nasa ibaba. Maaga akong naulila dahil walang wala kami. Wala kaming pambayad sa hospital, wala kaming koneksyon kaya hindi kami natulungan ng gobyerno. Kung sino pa iyong nangangailangan talaga ay iyon pa ang napapabayaan. Nakakalungkot at nakakagalit ang ganitong sistema.
"Ma'am, nandito na po tayo." Bumuga ako ng hininga at saka kumuha ng pambayad sa aking wallet. Inabot ko iyon sa driver at saka ako tahimik na lumabas ng taxi.
Dire-diretso akong pumasok sa loob. Wala naman masyadong mga tao roon kaya sobrang okay na doon kami. Agad kong nakita ang pamilya Garcia sa may pinakasulok ng shop. Pinuntahan ko sila. Kagaya ng dati ay ang kasama lamang ni Aling Marie ay dalawang teenager na anak.
"Magandang umaga po, Prosecutor," bati ni Aling Marie.
Tipid na ngumiti ako sa kanila at tumango. Tumabi ako kay Aling Marie, nasa tapat namin ang dalawa niyang mga anak. Nginitian ko ang dalawa.
"May gusto ba kayong kainin?" tanong ko sa kanila pero tanging pag-iling lang ang kanilang isinagot. Tumango ako at binalingan naman si Aling Marie. "Ano po ba iyong problema?" tanong ko.
Napansin ko agad ang pagtinginan ng dalawang bata. Tiningnan ko si Aling Marie at tila balisa pa siya at hindi makatingin sa akin nang diretso. "Ano iyon? "tanong ko ulit. Tila nagtutulakan pa silang tatlo kung sino ang magsasalita sa pamamagitan lang ng mga tinginan. Sa huli ay tiningnan ko si Jr. Alam kong magsasabi siya ng totoo.
"Ano iyon, Jr.?" tanong ko.
Nag-iwas siya ng tingin pero sa huli ay bumuga rin ng hininga. "Hindi na po namin ma-contact si Isay."
Sandali akong natigilan. "A-Ano? Iyong primary witness?" takang tanong ko. Napalunok ako.
"Hindi pa naman po talaga sigurado, pero ang sabi kasi kanina sa may kanila ay umalis daw ito kaninang umaga at may dala raw pong mga bag. Natatakot po kami. Baka po kung anong ibig sabihin noon. Baka po..." Hindi na naituloy ni Marina ang kanyang dapat na sasabihin at napayuko na lang. Napalunok ako at agad ding nag-iwas ng tingin.
Hindi kaya...
Naikuyom ko ang aking mga kamay. Parang may nagbara sa aking lalamunan at hindi ako makahinga nang maayos. Huminga ako nang malalim at tiningnan ang mag-anak.
"Sa hearing next week, kayo po, Aling Marie ang sasalang at ang nag-examine kay Mang Armando tapos ay iyong kaibigan ni Mang Armando. Pakiramdaman niyo na lang po muna iyong si Isay. May number niya naman po tayo. Ako mismo ang tatawag sa kanya." Tumayo na ako.
Huminga ako nang malalim at isa-isa ulit silang tiningnan. "Mag-ingat kayo sa pag-uwi. Sabihin niyo sa akin kung may napapansin kayong mga taong kakaiba o kung may nagtatangka sa inyo. May pupuntahan lang po ako." Hinigpitan ko ang kapit sa aking shoulder bag at saka tinanguan sila. Tumalikod na ako pagkatapos.
Pasensya na ha, pasensya na kung hindi ko kaya ang ginagawa niyo, Fel! Hindi kasi ako pinanganak na katulad niyo. Hindi kasi ako pinanganak na may connection! Alam ko at ramdam ko ang sakit ng pamilya ngayon. At kung nagkasala man ang papa ni Teon, kailangan niyang pagbayaran iyon!
Halos lumuwa na sa aking dibdib ang puso ko sa sobrang bilis ng pagtibok nito. Nanginginig ang buong kalamnan ko habang pumapara ng taxi. Pagkasakay na pagkasakay ko ay agad kong kinuha ang aking cell phone at ni-dial ang number ni Fel. Nakailang tawag ako pero walang sumagot kaya sinabi ko sa driver ang address ng dating condo niya.
Hindi ko alam kung nandoon siya nagsi-stay, pero wala namang masama kung susubukan. May kutob na ako at kahit na ayaw kong mangyari iyong iniisip ko, hinahanda ko na rin ang sarili ko. Hindi ako makapaniwala. Kaya talaga nilang gawin ito? Hindi ito iyong mga kaibigan at boyfriend na minahal ko sa law school! Kung totoo mang naniniwala silang walang kasalanan si Tito, bakit hindi sila lumaban nang patas?! O baka talagang alam nilang may kasalanan si Tito. Bakit hindi na lang siya nag-plead guilty nang sa ganoon bumaba ang sintensya niya?! Bakit ganito? Bakit pakiramdam ko ibang mga tao ang mga kaibigang itinuring kong pamilya noon?
Pagkalabas ko ng sasakyan, dire-diretso ang naging lakad ko papunta sa unit niya. Sunod-sunod kong pinindot ang doorbell. Ni hindi ko alam kung may tao roon. Nang pang-apat na pindot ko na ay biglang bumukas ang pinto at bumungad sa akin ang medyo gulat na mukha ni Fel. Agad niya namang inalis iyon sa kanyang mukha.
"Cassia," malamig niyang sabi. Lumunok ako.
"Anong ginawa niyo?" mariing sambit ko sa kanya. Sandali niya akong tinitigan tapos ay kinunutan ng noo.
"What are you talking about?"
Hindi ako sumagot. Marahan ko siyang inilingan.
"Tingin mo ba gusto ko itong nangyayari? Tingin mo ba gusto kong ipakulong si Tito at saktan nang ganito si Teon? Tingin mo talaga kayo lang ang nahihirapan?! Nahihirapan din ako! Hindi mo alam kung anong pinagdadaanan ko sa kasong ito, Fel! Kung naniniwala kayong walang kasalanan si Tito, bakit hindi kayo lumaban nang patas, ha?! Bakit hindi?!" Hindi ko na napigilan ang sumigaw. Taas-baba ang aking dibdib at halos hindi na ako makahinga sa sobrang bilis ng tibok ng puso ko.
Sinalubong niya ang matatalim kong tingin. "I don't know what you're talking about. Hindi ako manghuhula, Cass. All I can say is that what we are doing is for Teon and Tito Matthew's good. That's what friends are for."
Suminghap ako at tinitigan siya. Mariing kong ipinikit saglit ang aking mga mata bago nakipagtagisan ulit ng tingin sa kanya. "Kung tunay mong mahal ang isang tao, Fel, hindi mo ito-tolerate ang pagkakamali niya. Hindi mo siya tinutulungan kung ganoon, mas ibinabaon mo siya sa lupa."
Hindi ko na siya hinintay pang sumagot at tinalikuran ko na siya. Hinayaan kong bumagsak ang mga luha sa aking pisngi at mas binilisan na lang ang aking lakad. Humigpit ang kapit ko sa aking bag. Ganito ba ang pagmamahal sa kanila? Kahit mali poprotektahan nila dahil mahal nila ang tao? Paano naman iyong mga taong naapakan? Paano iyong totoong mga biktima? Mulat ako sa kasamaan ng mundo, pero hindi ko akalaing ang mga taong itinuring kong pamilya at minahal ko na ay siya pa palang magiging kalaban ko sa hustisya. Kaya ba sila nag-abogado para manakip ng mali?
Totoo nga talaga iyong sinabi nilang kung sino ang may alam, sila ang mang-aabuso. Nakakasuka. Nakakagalit. Sobrang sakit.
~***~
Para akong nawalan ng pakiramdam habang palapit nang palapit ang oras ng hearing namin. Nasa court room na ako kasama ang pamilya Garcia at ang nag-autopsy sa bangkay. Tila nag-slow mo ang buong paligid nang makita kong dumaan sa aking gilid si Tito na nakaposas at may kasamang mga jail guard. Hindi kami nag-abot ng tingin dahil nakayuko siya. Kasunod nila ang isang matandang lalaki, ang abogado ni tito, tapos ay si Teon, Fel, Flynn at Adolf. Saglit akong pumikit para kalmahin ang sarili ko.
Ilang sandali lang ay dumating na rin si Judge at nagsimula na kami. Kami ang unang sasalang at si Aling Marie ang magsasalita sa witness stand. Pinisil ko ang aking kaliwang kamay at saglit na ipinikit ang aking mga mata bago tuluyang tumayo. Pilit kong kinakalma ang aking sarili kahit na parang nanlalambot na ang tuhod ko at halos kumawala na sa aking dibdib ang puso ko.
Huminga ako nang malalim at pumunta sa harapan. Binalingan ko si Aling Marie. Lumunok ulit ako.
"Aling Marie, maaari niyo po bang sabihin sa hukumang ito kung ano ang relasyon ng pamilya niyo sa nasasakdal?"
Lumunok ulit ako. Pinanatili ko ang tingin kay Aling Marie. Hindi ako lumingon o kumilos man lang. Natatakot akong kapag lumingon ako at nakita ko ang kabilang kampo ay ma-distract na naman ako. Baka hindi ko na malaman ang susunod kong sasabihin.
"Iyong lupa pong kinatatayuan ng bahay namin at ng maliit na palayan namin ay galing kay Don Mario Escueda, ama po ni Sir Matthew. Bago po mamatay iyong matanda, ibinigay niya po sa amin ang lupa, kabayaran daw sa pagseserbisyo namin sa kanilang pamilya. Driver po kasi dati ang asawa ko sa kanila at namasukan din po ako."
"May Deed of Donation po ba kayong natanggap mula sa yumaong Don?"
"Meron po. Alam po ni Sir Matthew iyon dahil siya po mismo ang naghatid."
"Objection, your honor, I don't see any relevance of that Deed of Donation."
Tumigil ako sa pagsasalita nang marinig iyon sa defense. Lumunok ako at humarap sa judge. "Your honor, I am just establishing how things escalated from that Deed of Donation, considering the defendant and the victim had a fight regarding a lot before the murder."
Sandaling huminto ang judge. "Overruled."
Huminga ako nang malalim at muling binalingan si Aling Marie. "Aling Marie, pagkatapos ibigay ang Deed of Donation, kumusta po ang relasyon ng pamilya niyo sa nasasakdal?"
"Okay naman po siya. Naging close po sa amin si Sir Matthew kasi palagi siyang dumadalaw. Wala naman pong naging problema hanggang sa isang araw po kinausap ni Sir ang asawa ko tungkol sa lupa."
"Anong sinabi niya?"
"Kung pwede raw pong ibalik namin at bibigyan niya na lang po kami ng bayad doon. May plano raw po kasi silang negosyo ng gma kaibigan niya at magandang spot po ang lupa namin. Hindi po pumayag ang asawa ko kasi wala rin naman po kaming matitirhan at kahit na babayaran po kami ni Sir, mahirap pong magsimulang muli. Kinausap naman po siya ng asawa ko nang masinsinan. Akala nga po namin okay na, pero isang linggo pagkatapos ng pag-uusap na iyon, bumalik si Sir Matthew. Doon sila nagkapisikalan ng asawa ko. Mabuti na nga lang po at naawat sila ng mga kapit-bahay namin. Pagkatapos din po noon, panay na ang mga texts ni Sir Matthew tungkol doon sa lupa. Galit nag alit pa nga po siya sa mga texts niya."
Yumuko si Aling Marie. Bumuga ako ng hininga.
"At nangyari iyan ilang araw bago ang pagpatay, Aling Marie?"
"Uhm...m-mag d-dalawang linggo po..."
Huminga ako nang malalim at tumango. "Maaari niyo po bang ikwento sa amin ang nangyari noong araw ng pagkamatay ng mister ninyo?"
Humugot ng malalim na hininga si Aling Marie. "Uhh n-nasa palayan po kaming lahat...nang magtanghalian, bumalik ang asawa ko sa bahay namin para kumuha ng pang tanghalian namin. Kasama ko ang mga anak ko sa palayan nang makarinig kami ng magkasunod na putok na sinundan ng isang sigaw. Nang tumakbo kami papunta sa bahay...n-nakarinig kami ng ugong ng papalayong sasakyan ...t-tapos i-iyon na...nakita ko na ang asawa kong nakahandusay..."
Mariin kong naipikit ang aking mga mata nang makitang tuluyan nang umiyak si Aling Marie.
"Nakita niyo po ba ang sasakyan?"
Marahan siyang umiling. "H-Hindi po...n-nalaman lang po namin kung anong s-sasakyan dahil sa kaibigan naming si Kanor...s-siya iyong nakakita ng sasakyan... i-iyong sumigaw naman pong si I-Isay ang nakakita mismo kay Sir Matthew na binabaril ang asawa ko." Tuluyan na siyang umiyak doon.
Huminga ako nang malalim. Binalingan ko si Judge.
"Your honor, the defendant and the deceased victim had an argument about the donated land. They tried to talk it out, and the victim clearly said no to the proposition of the defendant. They settled it the first time, but they got physical the second time around. The defendant also messaged the complainant harsh and violent messages. Almost two weeks after that, the victim was shot in his household, in which the defendant was seen by two people leaving the premises. The bullet that was taken from the victim also matched the gun that the defendant possessed. Given the time frame of the circumstances, the defendant had enough time to meditate and reflect. Thus, the qualifying circumstance of premeditation exists. Exhibit A shows the Deed of Donation that was given to the complainants. Exhibit B shows the photo of the victim's body on the day of the murder. Along with that a sworn affidavit of one of our witness, Mang Kanor, who will be presented today as well. While Exhibit C presents the violent text messages of the defendant to the victim days before the murder and Exhibit D is the result of the autopsy as well as the bullet that matched with the defendant's personal firearm. I rest my case."
Huminga ulit ako nang malalim bago bumalik sa aking upuan. Kinailangan ko pang itukod ang mga kamay ko sa may upuan. Parang nablangko ako at tila nag-slow mo ang buo kong paligid. Para akong namanhid na hindi ko na naintindihan ang mga sinasabi ng kabila na noon ay nagko-cross examine na. Huminga ako nang malalim at tumuwid ng upo. Itinuon ko ang aking atensyon sa harapan at nakinig na rin sa tanong ng kabila.
Nagkaroon kami ng recess pagkatapos ng questioning na iyon. Pagbalik namin, iyong nag-autopsy kay Mang Armando ang tumayo sa kampo namin. Iyong kasambahay naman at driver ang sa kabila. Pinabulaanan nila ang mga claim ni Aling Marie at na hindi raw nagda-drive si Tito mula noong mag-retire ito. Hindi raw naipag-drive ng driver niya si Tito kina Aling Marie noong araw na iyon. Hindi ko alam pero habang tinitingnan ko ang driver na nagbibigay ng testimonya niya, mas lalo akong nagagalit. Alam nilang pwedeng makasuhan ng perjury ang driver dahil sa pagsisinungaling. Kaya talaga nilang gawin iyon? Base pa lamang sa mga ebidensya, alam nilang talong talo na sila. Hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwalang ginagawa nila ito. Ang sakit – sakit. Ang hirap tanggapin.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top