Cassia Farrise Alvedrez
"Uy, Cass, ingat ka doon ha? Nako, mag-isa ka pa naman doon."
Ngiti lang ang isinagot ko sa akin pinsan. Ginulo ko ang buhok niya at saka inayos ang aking suot na backpack.
"Okay lang ako, Arra. Kaya ko naman," sabi ko.
Bumuntong-hininga siya at tiningnan pa ako.
"Sigurado?"
Tumango-tango ako.
"Hay, ano pa nga ba. Sige na. Mag-check in ka na at uuwi na rin kami. Lika nga!"
Natawa ako nang ibinuka niya ang kanyang mga braso. Niyakap ko siya. Naramdaman ko pa ang pagtapik niya sa balikat ko.
"Ingat ka doon ha. Wag mo akong kalimutan."
Bahagya akong napatawa. Tinapik ko rin siya.
"Grabe. Sisikapin kong umuwi ng bakasyon pag may extra akong pera. Wag ka na mag-alala. Ingat ka rin. Kayo nin Jasmin," sabi ko tapos ay kumalas na sa yakap.
Tipid akong ngumiti saka huminga nang malalim.
"Paano? Alis na ako," sabi ko at humawak na sa strap ng suot kong backpack.
Bumuntong-hininga lang ang aking pinsan at saka tumango na rin.
Kumaway ako sa kanya saka ko hinawakan ang handle ng aking maleta. Dalawang bag lang ang dala ko, isang medium na maleta na binigay ng tiyahin naming galing states at itong backpack ko.
Binalingan ko ulit si Arra at saka kinawayan bago ako tuluyang tumalikod at naglakad papunta sa check in area.
Ipinuwesto ko sa aking harapan ang aking maleta at ipinatong ang dalawang kamay ko sa handle. Huminga ako nang malalim.
Ito na ito. Ito na talaga 'to. Para sa pangarap, Cassia. Para sa titulo. Kaya mo ito. Kakayanin mo.
~***~
"Okay na ba sa'yo ito?"
Nginitian ko ang landlady na naghatid sa akin sa aking bagong apartment.
"Okay na po. Maraming salamat po!" sagot ko.
Tumango-tango siya.
"Hala siya. Sige. O, ito na ang susi. Wag mong iwawala yan at wala kang duplicate. Siguraduhin mo ring nakalock palagi ang pinto mo. Malapit ka pa naman sa kalsada. Alam mo naman kung saang bahay ako hahanapin di ba? Nasabi ko na naman siguro ang rules di ba? Tsaka nakapaskil din diyan sa dingding mo kung sakaling nakalimutan mo. Alam mo na."
"Opo. Salamat po ulit." Ngumiti ulit ako.
Hindi na naman siya nagsalita at tumalikod na rin. Hinintay ko na lang munang makaalis siya bago ako tuluyang pumasok sa loob ng apartment.
Bumuntong-hininga ako at sinuyod ang loob. Ito na yung pinakamurang nakita ko at pinakamalapit din sa eskwelahan. Nasa tapat lang kasi ang Clarke kaya wala na akong gastos sa pamasahe. Maliit lang naman ito pero okay na. Parang bahay na nga, e, kasi may kusina, maliit na banyo, sala at isang kwarto.
Pagpasok mo bubungad agad ang sala. Sa harap naman noon ang kusina. Sa gilid ng sala ang kwarto at katabi ng kwarto ang maliit na banyo. Saktong sakto lang to sa akin at sa presyo.
Binalingan ko ang aking malet at hinila na iyon papasok ng kwarto. Tinanggal ko muna ang aking backpack at nilagay iyon sa aking kama. Tinumba ko ang aking maleta at saka iyon binuksan.
Wala akong aasikasuhin ngayon bukod sa pag-aayos ng mga gamit ko. Bukas pa ako pupunta ng eskwelahan at sa opisina ng scholarship ko. Nakakuha kasi ako ng scholarship mula sa isang anonymous sponsor. Nag-apply ako sa isang private scholarship mula sa isang foundation noong college ako tapos pag nakapasa ka sa exam may naka-assign na sponsor sa'yo. Yung sa akin anonymous daw. Sayang gusto ko pa naman sanang pasalamatan. Kung hindi dahil sa kanya hinding hindi ako makakatungtong ng Clarke at hinding hindi ko maipagpapatuloy ang pangarap kong maging abogado.
Bumuntong-hininga ako at sinimulan nang mag-ayos ng mga gamit. May maliit na cabinet naman sa kwarto kaya may paglalagyan din ako. May electric fan din doon at yung kama ay okay pa naman. May dalawang unan pa. Ang swerte ko nga talaga sa unit na ito. Renta, tubig at kuryente na lang ang babayaran ko dahil meron na namang mga gamit. Ang sabi ng land lady kanina sobrang swerte ko raw talaga dahil yung huling umupa pala rito ang may-ari noong mga gamit. Hindi na raw kinuha kaya hindi na rin niya sinuli.
Konti lang naman ang mga gamit ko kaya mabilis lang din akong natapos. Itinabi ko lang sa cabinet ang maleta tapos yung backpack ko naman ang inatupag ko. Umupo ako sa kama at sinimulan halungkatin ang aking backpack.
Mga importanteng mga bagay yung nandoon. Inilabas ko lang ang aking laptop tapos yung iba ay pinanatil ko na lang sa backpack. Ipinatong ko ang backpack sa maliit na cabinet saka ako bumalik sa kama.
Nagtanggal lang ako ng doll shoes saka dumapa at binuksan ang aking laptop. Tiningnan ko ang aking cellphone.
Mag-aala-una na pala. Hmm hindi pa rin naman ako gutom kaya mamaya na lang siguro.
Nagkibit-balikat ako at hinintay na bumukas ang aking laptop.
Regalo ito ng lola ko sa akin noong first year college ko. Isang taon niya pa itong pinag-ipunan mula sa pananahi.
Hay. Sayang at wala na siya. Wala na sina mama at papa. Sana nakikita nila ako ngayon.
Tumingala ako.
Pa, Ma, Lola, nandito na po ako Manila. Mag-aabogado na ako.
Ipinikit ko ang aking mga mata ng ilang segundo at saka huminga nang malalim. Pagbalik ko ng tingin sa aking laptop ay naka-on na iyon.
Dumiretso ako sa mga files ko at ni-click ang kasalukuyan kong sinusulat na kwento. Isa akong paid writer sa isang platform sa ibang bansa. Nakahiligan ko na ang pagsusulat noong bata ako kaya noong nangailangan ako ng part time job, dito rin ako bumagsak. Ang laki ng tulong nito sa akin, sa totoo lang. Ito ang tumustos sa akin buong college lalo na noong naulila ako. Bukod sa panggastos, dito rin nabaling ang atensyon ko at hindi ako masyadong nagmukmok sa mga nangyari.
Ngayon, ito ulit ang magiging kasama ko rito ngayong mag-isa ako. Naisip ko tuloy, ano kayang mangyayari sa akin dito sa mga susunod na taon?
Apat na taon na akong ulila at medyo nasanay na rin naman akong mag-isa pero iba pa rin itong nasa malayo ako. Ni hindi ko pa nga kabisado ang mga lugar dito. Napilitan pa akong mag-taxi kanina mula airport papunta rito, e.
Napabuntong-hininga na lang ako.
Kakayanin ko ito. Dapat na kayanin ko talaga. Para sa akin. Para kina lola, mama at papa at para sa pangarap.
~***~
Kinabukasan, maaga akong nagising. Alas sais pa nga lang handa na ako, e. Wala pa akong pagkain dito kaya lumabas na lang ako at naghanap ng karinderya. Meron na naman siguro kasi umaga naman.
Sinigurado kong naka-lock talaga ang pinto bago ako tuluyang naglakad palayo. Naglakad-lakad lang muna ako para maghanap ng makakainan hindi naman ako nabigo at may nakita rin ako di kalayuan lang.
Kinagat ko ang aking labi at kumapit sa dala kong shoulder bag.
Saktong sakto at lutong bahay. Mukhang kaluluto nga lang noong mga ulam, e. Tsaka wala pa masyadong tao.
Hmm. Mukhang may makakainan na ako tuwing umaga.
Lumapit ako sa naka-display na ulam.
"Anong sa inyo?" tanong ng tindera.
Tipid akong ngumiti.
"Ahh isang kanin lang po tsaka itong monggos. Magkano po?"
"Sampung piso ang kanin, bente naman ang monggos."
Napanguso ako. Grabe sa Cebu, sampung piso lang yan, a.
Napabuntong-hininga na lang ako at saka tumango.
"Sige po. Yan na lang," sabi ko na lang at saka kinuha ang coin purse ko.
Kinuha ko yung order ko pagkatapos at saka umupo sa pinakamalapit na upuan.
Binalingan ko ulit ang aking relo. Alas otso pa naman yung bukas ng Clarke tapos bago ako pumunta roon ay pupunta pa ako sa opisina ng scholarship ko. Di ko pa nga pala alam kung anong sasakyan papunta roon. Nako, naman.
Napabuntong-hininga na lang ako at nagsimula nang kumain. Panaka-naka pa akong tumitingin sa kalsada. Grabe. Traffic na sa Cebu pero mas traffic talaga dito. Di ko ma-imagine. Buti na lang talaga at nasa tapat ko lang ang eskwelahan ko.
Napailing na lang ako.
Habang kumakain, sinubukan kong i-search yung lugar ng opisina ng scholarship. Nagtanong na rin ako sa tindera rito pero nalito lang ako sa sasakyan kong jeep. Nagdadalawang-isip tuloy akong mag-jeep. Grabe. Baka mamulubi naman ako sa pamasahe nito.
Nako, Cassia. Kailangan mo nang pag-aralan ang mga ruta rito.
Bumuntong-hininga ako at ipinatong iyong ginamit kong plato tapos tumayo na.
"Salamat po," sabi ko sa tindera bago lumabas ng karinderya.
Napabuntong-hininga na lang ulit ako habang tinitingnan ang mga sasakyan sa kalsada. Kinakabahan ako na ewan. Baka kasi maligaw ako pag nag-jeep ako. Doble gastos pa iyon.
Ilang segundo pa akong napatanga roon, iniisip kung anong gagawin, pero sa huli ay nagdesisyon akong mag-taxi na lang.
Basta. Kinakabahan talaga ako. Mabuti ng safe no. Next time na lang ako magji-jeep kapag alam ko na pasikot-sikot.
Pumara ako ng taxi. Tiningnan ko ang coin purse ko. Abot pa naman siguro ito. Magwi-withdraw na lang ako mamaya ng sweldo. Naubos kasi cash ko sa upa at yung pamasahe ko pa. Buti na lang talaga medyo malaki naipon ko. Hindi naman kasi ako palagastos doon. Saka sa State U rin ako nag-aaral kaya walang tuition.
Dito naman, kasama sa scholarship ang book allowance kaya hindi na rin ako mamomroblema roon. Siguro naman may sobra iyon. Yung pang-araw araw ko na lang talaga ang pinagkakagastusan ko tsaka yung upa.
Pumasok ako sa taxi at saka ibinigay ang address sa driver.
Sumandal ako sa likod ng upuan.
Panay ang tingin ko sa metro ng taxi dahil mukhang hanggang sa pabalik sa Clarke ay magta-taxi ako. Pagkatapos talaga ng enrollment, pag-aaralan ko yung rutang to. Di pwedeng pa-taxi taxi ako palagi no.
Hay, ang hirap mabuhay dito sa Maynila. Ang gulo gulo pa.
"Nandito na po tayo, Ma'am."
Bahagya akong napabalikwas nang marinig iyon.
"Ay opo. Ito po, o." Agad kong inabot ang bayad at saka mabilis na bumaba ng taxi.
Di naman ako nahirapang hanapin iyong building dahil sa tapat nito mismo ako ibinaba ng taxi.
Huminga ako nang malalim at tumingin sa king relo. Napanguso pa ako nang wala pa palang alas otso. Sumandal na lang ako sa may dingding at doon naghintay hanggang sa magbukas iyong opisina.
~***~
Bandang mga alas nuebe na ako nakabalik sa Clarke. Hindi naman ako natagalan sa pag-asikaso ng papel sa opisina. Nahirapan lang akong kumuha ng taxi kaya ito, hindi agad ako nakabalik.
Pinagmasdan ko ang kabuuhan ng Clarke pagkapasok ko.
Grabe. Nakakalula at nakakamangha naman ang laki. Mukhang sosyal pa ang mga nandito.
Ano ba yan, ang dami ko pa palang kakabisaduhin.
Napailing na lang ako at agad na tiningnan ang school map na bigay ng guard kanina. Ilang sandali pa akong natanga dahil medyo nalito ako sa pasikot-sikot ng mga building. Pagdating ko tuloy sa pila ng enrollment, marami ng tao.
Napabuntong-hininga na lang ako at pumila na lang din. No choice naman ako.
Habang nasa pila, sinusulat ko na iyong mga dapat kong bilhin sa grocery. Ang sabi may malapit na mall dito. O kung wala man kahit yung maliit na tindahan na lang sana. Maghahanap ako pagkalabas ko mamaya. Hahanapin ko na rin pala yung Rex Bookstore para makabili na ako ng codals. Yun lang muna kasi maghihintay pa naman ako ng mga recommendation ng mga professor para sa textbook. Mabuti na ang sigurado.
Pa-tanghali na nang matapos ako sa enrollment. May schedule na rin ako. Kumain lang muna ako sa kinainan ko kaninang umaga tapos ay hinanap ko na yung Rex. Mabuti na lang at isang sakayan lang pala yun mula sa karinderya kaya nakapag-jeep ako sa wakas. Malapit lang din iyon sa isang mall kaya pagkatapos kong bumili ng codals dumiretso ako sa mall at doon na lang nag-grocery. Bumalik na rin ako sa tinutuluyan ko pagkatapos.
Patihaya akong bumagsak sa kama. Katatapos ko lang maglagay ng mga pinamili ko sa maliit na ref. Na-arrange ko na rin yung iba sa may lalagyan ng mga stocks. Ang swerte ko nga talaga sa apartment na ito, e. Tinantya ko naman ng isang buwan yung stocks kaya sa susunod na buwan pa ako mamimili ulit, pag suweldo na.
Grabe kakapagod. Pangalawang araw ko palang pero parang ilang buwan na ako rito, e. Ewan ko ba.
Bumuntong-hininga na lang ako at inabot ang aking laptop. Binuksan ko iyon. Kailangan ko nang magtrabaho para hindi ako maabutan ng deadline tsaka para magaan na lang pag nagsimula na ang klase ko. Ito na muna ang gagawin ko habang naghihintay ng pagbubukas ng klase.
Nagta-type na ako nang mag-ring ang telepono ko. Humikab ako at inabot iyon. Si Arra pala.
"Kumusta ka na diyan?" bungad niya sa akin.
Ngumuso ako.
"Hmm. Okay naman ako. Tapos na ako magpa-enroll."
"Nako, mabuti naman. May pera ka pa ba?"
Bahagya akong natawa sa boses niya.
"Kadarating lang po ng sweldo ko. Tsaka nakuha ko na rin ang allowance ko para sa libro. Ayos pa po."
Narinig kong bumuntong-hininga siya.
"O siya, sige. Mag-iingat ka diyan okay?"
Napangiti ako.
"Opo."
Ibinaba niya na ang tawag. Bumuntong-hininga ako at umupo sa kama.
Dumako ang tingin ko sa plastic ng Rex na nasa sahig. Yumuko ako at inabot iyon. Nilabas ko yung mga codals at tiningnan isa isa.
Bumuntong-hininga ulit ako.
This is it Cass, this is really it.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top