maikling kwento
Isang maaliwalas na umaga, asul ang kalagitan at walang nagbabadyang ulan. Kay gandang simula sa umaga. Hay, maganda na sana kung hindi ko na kailangan pang harapin ang mga activities ko. Tambak na.
Narito ako ngayon sa aking silid, naglilinis at nagtutupi ng mga hinigaan ko kaninang umaga. Tapos na kaming mag agahan at maligo, ngayon naman ay panahon na para maglinis sa kwarto. At kabilang na sa mga lilinisin ako ang study table ko. Sa linis, hindi lang pag aayos lang gagawin, dapat na ring sagutan para di na matambak. Hayy kapagod naman.
Walis dito, walis doon. Tupi sa kumot at ayusin ang kama.
At ayan tapos na! Panahon naman para sa study table ko.
Napangiwi ako nang makita ito. Tambak ang mga papel at mga notebook na sinamahan pa ng mga modules sa gilid. Sa kabilang banda naman ay ang sketchbook kong may mga nakaipit na papel sa gitna ng mga pahina nito.
Hayss mukhang kailangan ko na 'tong ayusin. No'ng nakaraang taon pa 'to e.
Isa isa kong tiningnan ang mga papel, notebook, modules at inayos batay sa subjects. Karamihan ay may kulang pang sagot o iba ay wala pa talagang sagot.
Ayan, procrastinate pa. Kailan ka ba magbabago? Bagong taon na. Ikaw, magbabago ka na ba? Sabi ng aking isip.
Hayss kailangan nga ba? Wala pang kasiguraduhan kung magbabago na nga ako. Maaaring oo pero baka babalik rin sa dating gawi kalaunan. Kagaya ng dati.
Sa pag aayos, dalawang bagay ang naka agaw ng aking pansin. Ang cellphone kong nasa kama at ang kulay rosas na notebook na nasa gitna ng study table. Gusto ko nang lapitan ang aking cellphone kaso 'di pwede. Hindi maaari, hindi ako matutulin dito kung magseselpon ako. Alam kong kapag nahawakan ko na yan ay tuloy tuloy na.
Oh tukso layuan mo'ko!
Saka ko na siguro lalapitan yon pag tapos na'ko mag ayos dito.
Napatingin naman ako sa modules ko. "Hmmm may bukas pa naman hehe."
Kinuha ko ang notebook para na rin doon ibaling ang atensyon ko.
'Schedule Planner 2022' 'Yan ang nakasukat sa pabalat nito.
Ito 'yung schedule planner ko. Ginawa ko ito no'ng nakaraang linggo. Kasama na sa new year's resolutions ko na hindi na ako magiging tamad at hindi na magproprocastinate kaya nandito ang schedule planner para sundin ko.
Ginamit ko na rin sa pagplaplano ang pomodro technique na tinuro ng kaibigan kong si Willow. Baka sakali raw na makatulong ito sa isang procrastinator na katulad ko.
Muli ko na namang naalala ang sitwasyon ko noong nakaraang taon. Liwaliw muna tsaka magsasagot kapag malapit na pasahan. Pinagpapabukas kasi kaya ayon, nagsasagot buong araw at magdamag kapag Miyerkules. Sa Huwebes ang pasahan at kailangan nang tapusin lahat sa Miyerkules. Nagmumukha na akong zombie sa itsura ko kada umaga ng Huwebes. Walang maayos na tulog, gulo-gulo ang buhok, at namumutla na ang labi.
"Aba Yumira! Kung ipagpapatuloy mo pa 'yan, magkakasakit ka talaga. Kailan ka ba matututo ha? Kung panahon ng pagsasagot, magsagot. Hindi yang kung ano ano ang inaatupag mo. Huwag mo nang ipagpabukas. Tingnan mo sitwasyon mo ngayon. Hayy. Sinasabi ko sa'yo, itigil mo na yan. Magbago ka na para sa ikabubuti mo."
Palagi na akong nasesermonan, at ewan ko ba, 'di pa rin ako natututo. Matigas nga naman ang ulo.
Nakakapagod na sa gano'ng sitwasyon.
Nadako ang tingin ko sa bagay na nasa harapan ko.
Ito na kaya ang paraan para makalaya ako sa aking pagiging procrastinator?
Hindi na ito ang unang pagkakataon na gumawa ako ng schedule planner. Nasubukan ko na noon. Pero walang epekto, 'di rin nasunod.
Wala naman sigurong mawawala kung susubukan ko ulit ngayon.
Pinakiramdaman ko ang makinis na pabalat ng kuwaderno at saka ko ito binuklat at binasa ang nilalaman nito.
"Science at English sa umaga, MAPEH at EsP sa hapon."
Nakalagay dito ang mga subjects at ang tintantyang oras na matatapos ko itong sagutan. May pahinga din sa pagitan ng mga ito, para na rin hindi ko mapagod masyado ang sarili ko.
Mukhang madali lang naman. Ang kailangan ko lang gawin ay mag focus at 'wag madistract sa ibang bagay para matapos ko ang gawain batay sa schedule planner.
Winaksi ko sa aking isipan ang ibang bagay na maaaring maging distraction para sa'kin sa pagsasagot. Kabilang na diyan ang selpon. Tapos na ako maglinis at sa ibang gawaing bahay kaya makakapagsagot na ako nang tuloy tuloy.
Ballpen, lapis, papel at pambura, nakalatag na sa lamesa. Ang mga sasagutan naman sa kabilang banda. Handa na.
Simula ngayon, susubukan kong sundin ang schedule planner ko. Simula ngayon, wala na ang dating Yumira na ipinagpapabukas ang mga gawain. Bagong taon, bagong ako.
Sana ay magtagumpay ako. Sana nga talaga.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top