Chapter 1: Rain

Chapter 1: Rain


"It's a wrap! That's all for tonight. See you all next week; call time, 4 a.m.!" Kasunod ng anunsyo ni direk ang hiyawan ng bawat isa. Pati ako napangiti at napapalakpak na rin dahil sa reaksyon ng lahat. Nakakapagod pero nandoon 'yong fulfillment.

Nag-inat-inat muna ako at saka pumasok sa storage room na pinaglalagyan ng mga gamit ng mga staff at crew. Dumiretso ako sa may shelf kung nasaan 'yong bag ko. Kaagad kong pinasok 'yong kopya ko ng script at inayos 'yong iba kong gamit sa loob.

Nasa isang mansyon kami ngayon, dito nai-shoot at ishu-shoot halos kalahati ng scenes sa kasalukuyang ginagawa naming pelikula.

Comedy movie ito na ang kuwento ay umiikot sa tatlong magkakapatid na nagbabalik-tanaw sa pandemic experience nila noong menor de edad pa lang sila. Ayon 'yong panahon kung kailan nagsimula silang magka-interes sa online selling at paggawa ng vlogs.

Declining ang business ng pamilya nila kaya naisipan nilang tumulong sa mga magulang nila. The goal they set at the beginning is to become popular to earn money, not minding the quality of content they are making. Hanggang sa natutunan nila ang essence, art, at purpose ng mga bagay na 'to.

"Ang lakas ng ulan! Magko-commute ka lang ba pauwi?" Saktong kakukuha ko lang ng pamalit na shirt nang dumating si direk.

"Yes, direk, sayang naman kung magbu-book pa ko ng private vehicle, mag-isa lang naman ako," natatawa kong sagot sa kaniya nang hindi siya nililingon.

"Ihatid na lang kaya kita?" Sinara ko na 'yong zipper ng backpack ko at saka isinukbit ito sa kanan kong balikat habang hawak sa kaliwang kamay ang shirt ko. Pagkalingon ko sa kaniya, nakita ko siyang nakasandal sa may pintuan. "Tapos na shooting, hindi mo na ko direk dito," natatawa niyang dugtong sa naunang sinabi.

"Huwag na! Baka sabihin ng iba, inaabuso ko friendship niyo ni Peter," sagot ko at saka siya binigyan ng ngiti— assurance na okay lang ako.

"Ng asawa mo," pagdidiin niya. "May meeting siya ngayon malapit dito 'di ba? Magpasundo ka na lang kaya," suhestiyon niya pa.

"Hay nako, Brent," inirapan ko siya at saka naglakad papalapit sa kaniya. Sakto naman na nagpasukan na rin 'yong iba naming mga kasamahan.

Nagpaalam lang ako sa kanila at saka ibinalik ang tingin kay direk. Itinataas-baba niya ang kilay niya, hudyat na hindi niya ko titigilan hanggat hindi ko sinusunod ang suggestion niya.

"Ikaw rin, your script will get wet," pabulong niyang sabi at saka umalis na sa harap ko.

Napangiwi na lang ako sa pag-alala sa mga papel na nasa bag ko. Sayang naman kung mababasa 'yon, ayaw ko pa namang nag-aaksaya ng papel.

Lumabas na ko sa kwarto na 'yon para pumunta sa malapit na comfort room. Nagpalit lang ako sandali ng pantaas at saka dumiretso sa front door ng mansion.

Pagkabukas na pagkabukas ko ng pinto, bumungad sa 'kin ang anggi ng ulan at malakas na ihip ng hangin. Napasara kaagad ako ng pinto at saka sumandal sa gilid na pader nito.

Kinuha ko 'yong phone sa bulsa ng bag ko at saka pumunta sa contact list. Hindi ko alam kung ilang minuto kong tinitignan 'yong number ni Peter bago ako nag-desisyon. "Minsan lang naman ako humingi ng pabor, baka naman pagbigyan ako n'on," bulong ko sa sarili bago ako nag-text kay Peter.

To: Peter Pareja

Hi? Nasa Makati ka rin ngayon, right? Pwede ba kong sumabay pauwi? Dito kami nag-shoot sa mansyon kung saan kayo nagkita ni Brent last time.

Pagka-send na pagka-send ko n'on, napapikit ako kaagad, tamang dalangin lang na isabay niya na ko pauwi. Pero pagbukas ng mga mata ko, kaagad akong napasimangot.

From: Peter Pareja

I'm not yet done with my meeting. Just book a car.

"Ang damot, pwede naman akong maghintay!" pabulong na sigaw ko sa phone ko, as if maririnig ako n'on.

Wala akong ibang nagawa kundi umasang titila ang ulan kahit papaano habang nakaupo sa sahig para hindi makaabala sa naglilinis. Sinubukan kong mag-book ng kotse kaso 'yong presyo, kinabog pa isang araw kong sweldo!

"Ma'am, tapos na po kami magligpit, isasara na po 'to," saad n'ong isang lalaking staff namin pagkalapit sa 'kin.

Kaagad akong napatayo at saka pinagpagan ang suot kong pantalon. Nag-thank you lang ako at saka kinuha 'yong payong sa bag ko.

Wala akong ibang nagawa kundi ang lumabas na at sagupain ang malakas na ulan.

Pagkalabas ko sa gate, may dumating na pamilyar na orange na kotse sa tapat ko. Pagkababa ng window nito sa passenger seat, nakita ko si Peter. Nagtama pa 'yong mga tingin namin bago siya lumingon sa harapan niya.

Hindi ko naitago 'yong saya ko at kahit wala pa siyang sinasabi, pumasok na ko kaagad. Pagkaupo ko't naipatong na ang bag sa lap ko, isinara niya na 'yong window at hininaan ang aircon. Inabutan niya rin ako ng panyo na ginamit ko naman pamunas sa nabasa kong braso.

"Pupunta ka rin pala," saad ko at saka siya nilingon. "Salamat," ngiting-ngiting dugtong ko bago siya nagsimulang magmaneho.

Tinago ko na 'yong panyo sa bag. Lalabhan ko muna 'yong panyo niya bago isauli sa kaniya.

"We have a family dinner tomorrow," mahina niyang banggit pero tama lang para marinig ko.

Nilingon ko siya, "Family na kayo lang ng family mo o kasama relatives mo?"

"The latter." Napatango na lang ako at saka tumingin sa labas ng bintana.

Sa two years na kasal kami, never niya pa kong naisama sa dinner na kasama ang mga kamag-anak niya. Kahit n'ong kasal namin a month after graduation, hindi rin sila invited. Parents niya lang, pamilya ko, tapos mga kamag-anak kong nagawang lumuwas ang nakasaksi ng araw na 'yon.

Pero okay lang, hindi na lang din ako nagtatanong kung bakit. He might have his reasons and I respect his decision.

Hindi rin naman kami close nitong si Peter. Sobrang dalang naming mag-usap, este sobrang dalang niya kong kausapin. Mas nag-uusap pa ata kami n'ong college pa lang kami kahit sa ilang minor courses lang kami magkaklase kaysa n'ong ikinasal na kami.

"Sasama ka?" Sa sobrang gulat ko sa tanong niya, parang naipitan ata ako ng ugat sa leeg sa bilis ng paglingon ko sa pwesto niya.

Napahawak ako sa masakit na part at nagtatakang sumagot, "Ako?"

Tinanguan niya lang ako at seryoso pa rin sa pagmamaneho. "You can reject—"

"Sige, sasama ako," nakangiti kong saad at saka ibinalik ang tingin sa bintana. Inayos ko 'yong upo ko at nakangiting pinagmamasdan ang labas habang yakap ang bag ko.

Palakas nang palakas 'yong ulan at ang traffic na rin. Ganito talaga ang sitwasyon kapag Saturday, lalo na kapag maulan. Maya't maya kong nililingon si Peter dahil sa pag-aalala. Once nakuwento ng mommy niya na madalang mag-drive si Peter kapag may bagyo. Nagpapa-drive lang siya sa driver ng mommy niya.

"May condo unit ka naman dito sa Makati 'di ba?" tanong ko. "Stay muna tayo r'on ngayong gabi. Ang lakas na talaga ng ulan, eh," concern kong saad.

"Wala kang damit d'on. Sasama ka sa dinner bukas 'di ba?" tanong niya nang hindi ako nililingon. Hindi ko tuloy masilayan 'yong mga asul niyang mata at hindi ko mawari kung anong iniisip niya.

"Pwede naman akong umuwi sa bahay bukas. Gabi pa naman 'yon," kibit-balikat kong sagot.

Mukhang na-convince ko naman siya dahil nakita kong 'yong tinatahak naming kalsada ay papunta sa condo.

Wala pang 30 minutes, nakarating na kami sa building. Nag-park lang siya at kaagad akong bumaba dala-dala ang bag ko.

Sabay kaming pumasok sa elevator at hindi ko mapigilang tignan ang repleksyon niya sa harap. He's tall, has average white skin, and has that Filipino kind of handsomeness which he inherited from his dad.

Pero tuwing tinitignan ko siya, 'yong mga asul niyang mata talaga ang pumupukaw sa atensyon ko. Nakuha niya naman 'yon sa mommy niya.

Pagkabukas ng pinto ng elevator, pinauna niya na kong lumabas. Walang nagsasalita sa 'min hanggang sa nakapasok na kami sa loob ng unit niya.

First time kong makapunta rito. Bukod kasi sa bahay namin at bahay ng parents niya, wala pa kong ibang napupuntahang pagmamay-ari nila, kahit sa kompanyang minana niya.

Ibinaba ko lang 'yong bag ko sa gilid ng sofa at saka naupo. Pinagmamasdan ko ang kabuuan ng unit niya nang makita ko siyang pumasok sa kaliwang room, mukhang kwarto niya 'yon.

May isa pang pinto sa bandang kanan, baka papunta naman 'yon sa kitchen.

Ang ganda-ganda ng condo niya. Ang linis tignan since puting-puti ang pader tapos gray at itim lang ang kulay ng mga gamit. Hindi rin gan'on karami ang laman, tamang mga gamit at appliances lang na kailangan talaga.

"Naghapunan ka na?" tanong niya pagkalabas sa kwarto. Nahubad niya na 'yong coat niya, naka-white long sleeves na lang siya at itim na pantalon.

"Hindi pa," nag-aalangan kong sagot. "May tinapay ka ba diyan?" tanong ko kasabay ng pagtayo.

Iniiwasan ko 'yong tingin niya kaya dumiretso na ko sa room sa kanan. Tama naman ako't ito nga ang kitchen niya. Pati rito, ang ganda-ganda, ang linis-linis at organized lahat ng gamit.

Naramdaman ko 'yong presensya niya sa likod ko kaya kunware'y nagtingin-tingin ako sa loob ng ref. Pangangaralan na naman kasi ako niyan for sure. Ayon kasi bilin sa kaniya ni mama, pagalitan ako kapag nagpapalipas ako ng gutom.

Minsan, nakakalimutan ko lang talaga. Hindi naman sadya.

"Gagawa ko ng noodles, paabot na lang ng gulay na nandiyan sa ref," he said in a low tone. "How many times do I need to remind you—"

"Oo, oo, nawala lang sa isip ko kanina. Ikaw kaya ma-stress kakaisip kung p'ano uuwi dahil sa lakas ng ulan," singit ko bago niya pa matuloy ang sasabihin niya.

Pagkakuha ko ng repolyo at carrots sa ref, inabot ko 'yon sa kaniya na ngayon ay nasa counter na.

Wala na ulit nagsalita sa 'min habang focus na focus siya sa ginagawa niya. First time ko siyang makitang magluto kahit noodles lang 'to.

Minsan lang naman kami magtagpo ng landas sa bahay. Most of the time, sa gabi lang dahil late ako umuuwi at siya naman sa sala ko palagi naaabutang gumagawa ng kung ano sa laptop niya.

Takam na takam ako habang inaamoy 'yong noodles na ginagawa niya. N'ong mapansin kong patapos na siya, kumuha na ko ng dalawang kutsara at dalawang mangkok.

Sa stool ako pumwesto. Pagkalapag niya ng kalderong wala ng takip, langhap na langhap ko 'yong mabangong amoy. Nakakagutom lalo!

Sasandok na sana ko n'ong napansin kong paalis na siya sa kitchen. "Hindi ka kakain?" nagtataka kong tanong.

"Sa sala ko matutulog, ikaw na sa kwarto," ayon lang 'yong sinabi niya at lumabas na.

Medyo nagda-dalawang-isip pa ko kung kakain ba ko dahil sa konsensya pero sa huli, naubos ko pa rin. Ang sarap kaya! At masamang nag-aaksaya ng pagkain.

Nilinis ko lang 'yong pinagkainan ko. Ibinalik sa platuhan 'yong mangkok at kutsarang hindi nagamit. Naghugas. At lumabas na sa kitchen.

Napahinto ko sa paglalakad nang nakita ko si Peter na mahimbing na ang tulog sa sofa. May maliit lang siyang unan tapos nakapatong ang kaliwa niyang braso sa may noo niya. Nakasuot na lang din siya ng puting shirt at sports shorts.

Napahinga ko nang malalim at saka pumunta sa kwarto. Naghanap ako ng extra na kumot at saka pumunta sa sala.

Dahan-dahan ko siyang kinumutan para hindi siya magising. He looks really tired. Napakagat ako sa ilalim kong labi sa isiping pinagluto niya pa ko, mukha na nga siyang pagod.

Minsan, naiisip ko, ako lang ba 'yong screenwriter na kasal na pero hindi magawang makasulat ng romance movie?

At normal lang din ba na parang pangalan at mga titulo lang din ng asawa ko ang alam ko tungkol sa kaniya?

Sabagay, hindi nga ko nakonsensya noon na magkakasala ako sa Itaas dahil sa pagpapakasal ko sa kaniya kahit hindi ko siya mahal. That's life, sometimes we need to do things for the good sake of our loved ones– kahit kailangan nating isakripisyo ang maraming bagay.

May pera. May trabaho; bonus nang dream job ko 'to. May bahay. Sure ang lahat. There's nothing to worry about.

Yet, am I happy? Siguro.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top