PROLOGUE

|Prologue|


"Umay! Ang hirap kapag pinag-initan ka ni Architect!" reklamo ko habang naglalakad kasabay ang katrabaho ko na si Ricky.

Sabay na kaming umuwi galing sa construction site dahil magkatabi lang kami ng apartment na tinutuluyan.

"Ikaw kasi. Kung hindi ka sana nakipag-live in kaagad, wala ka sana sa site ngayon at nag-aaral ka—Oy, chicks!" Nakangisi na itinuro ni Ricky ang nakasalubong namin na magandang babae na nakasuot ng maikling short at kulay gold na jersey.

Sinundan ko ng tingin ang babae hanggang sa lampasan kami nito. Pero dahil naba-badtrip ako ay umiwas na ako ng tingin.

Itong si Ricky ay may nilalandi kaya tutok na tutok sa hawak na cellphone pero kapag nakakakita ng chicks ay lumuluwa ang mga eyeballs ng pukingina.

"Huwag mo nga akong sisihin. Baka mamaya masipa kita, eh," banta ko sa kaniya habang sinisipa ang mga maliliit na batong nadadaanan namin.

"Totoo naman, eh. Kung naging mas matalino ka sana, hindi ka sana nahihirapan ngayon."

"Eh, anong magagawa ko? Naipit ako sa sitwasyon!"

"Kasalanan mo naman kung bakit ka nasa sitwasyon na 'yan. Magtiis ka," iiling-iling na sabi niya habang tutok pa rin sa cellphone.

"Hoy!" Hinila ko ang likod ng damit niya para pigilan siya sa palalakad. "Nandito na tayo. Lampas ka na, ugok!"

Napakamot siya sa ulo nang makitang nasa harap na kami ng kulay green na gate na kasingtangkad naming dalawa. Sa loob ay ang tatlong apartment na magkakatabi. Kaming dalawa ang nakaupa sa dalawang apartment.

Nagpipindot si Ricky sa cellphone at maya-maya ay nagkatinginan kaming dalawa, parehas na napapalunok. Sabay din kaming nag-iwas ng tingin.

"Handa ka na ba, dong?" tanong niya, nakatingin sa loob ng gate.

"Handa ka na rin ba, dong?" tanong ko pabalik, nakatingin din sa loob ng gate.

Muli kaming nagkatinginan at sabay na tumango.

"Kaya ko 'to! Hindi ako magpapatalo!" matapang na sabi ni Ricky at ipinakita pa ang patpatin niyang braso.

"Nabura mo na ba 'yung convo niyo ng syota mo?" tanong ko.

"Opcors! Ako pa!" ngumisi siya nang nakakaloko.

Huminga ako ng malalim at saka muling tumingin sa loob. "Okay. Tara na!"

Ako na ang nagbukas ng gate hanggang sa maghiwalay na kami ni Ricky. Pumunta siya sa kaliwang apartment habang ako ay nasa gitnang apartment.

Huminga ulit ako nang malalim bago dahan-dahang binuksan ang pinto ng apartment namin. Patay na ang ilaw sa sala kaya kinapa ko ang switch ng ilaw sa gilid. Pero hindi ko makapa dahil sa nanginginig kong kamay!

Sana tulog na siya. Sana tulog na siya. Sana tulog na—

"Bakit umuwi ka pa?" ani isang tinig kaya natigilan ako at napalunok.

Patuloy kong kinapa ang switch ng ilaw gamit ang nanginginig kong mga kamay. Hindi ko pa man siya nakikita ay natatakot na ako sa kanya!

"Hindi ka sasagot?" tanong niya sa kasinglamig ng yelong tono.

"T-Teka lang," nauutal kong sabi.

Nasaan na ba ang lecheng switch ng ilaw?!

"Sumagot ka!" sumigaw na siya.

Pinagpawisan na ako. Pakiramdam ko ay bibitayin ako kapag hindi ko nahanap kaagad ang switch ng ilaw.

"Sumagot ka sabi! Sagot!"

"G-Gulaman!" sagot ko. Wala, eh. Nataranta na ako!

Saktong-sakto na nakapa ko na rin sa wakas ang switch ng ilaw. Biglang nagliwanag ang buong paligid ng sala pero kabaliktaran sa madilim na mukha ng ka-live in kong si Dette.

Nanlilisik ang mga mata niya habang nakatingin sa akin. Nakatayo siya nang tatlong metro ang layo mula sa akin habang nakahalukipkip.

"M-Mahal..." Alanganin akong ngumiti.

Tinaasan niya ako ng kilay. "Anong oras na?"

Napakunot ang noo ko.

Wala ba siyang relo?

"10:30 na, Mahal..." Sinagot ko pa rin siya.

"Hindi 'yan ang ibig kong sabihin!" Naging dragon na naman siya kaya napatalon ako sa gulat. "Bakit ngayon ka lang umuwi?!"

"N-Nag-overtime kami, Mahal."

"Overtime? Sigurado ka?"

Sasagot sana ako pero parehas kaming natigilan nang makarinig ng nabasag na pinggan. Sunod-sunod iyon at alam kong nanggagaling sa katabi naming apartment, kay Ricky.

Gusto kong matawa dahil dinig na dinig ko ang sigawan ni Ricky at ng asawa niya.

"Anong araw ngayon?"

Napatingin ako kay Dette nang itanong niya iyon.

Bakit ba ganyan siya magtanong? Kanina, tinanong niya 'ko kung anong oras na kahit may relo naman siya. Tapos ngayon, pati araw itatanong niya. Wala ba siyang kalendaryo?

"Anong araw ngayon?!" Sumigaw na naman siya at mas lalong nanlisik ang mga mata niya kaya napaderetso ako ng tayo.

"December 9! Bakit mo ba itinatanong?!" tanong ko at hindi napigilang magtaas ng boses.

"Hindi mo alam kung ano ngayon, ha?!"

Napakunot ang noo ko. "December 9 nga. Ano ba naman 'yan, Dette! Ulit-ulit ka, eh!"

"So, hindi mo talaga alam?!"

"Ang alin ba?!"

Hindi siya sumagot at tiningnan lang ako nang masama. Tumaas-baba pa ang dibdib niya dahil sa galit.

Ano bang problema nito? Nakakapikon na siya, ah.

Pero napaatras ako nang makitang hinugot niya ang hairstick na nakatusok sa nakapusod niyang buhok.

"O-Oh, anong gagawin mo dyan?!" natataranta kong tanong. "D-Dette!"

"Birthday ko ngayon, lintik ka!" sigaw niya kaya nanlaki ang mga mata ko.

Yari na. Nakalimutan kong birthday niya pala ngayon. Mamamatay na yata ako.

"S-Sorry! Nakalimutan ko—Oy!" Kaagad akong yumuko nang makitang hinagis niya sa direksyon ko ang hairstick!

Muntik na 'yon, ah!

Umayos ako ng tayo at nanlalaki ang mga matang tiningnan ko ang pinto kung saan nakatusok ang hairstick niya! Mabuti na lang at nakailag ako—Pukinginga, meron pa pala!

Pero hindi na hairstick ang ibinato niya sa mukha ko! Kamao niya na!

Napaatras ako sa pinto dahil sa ginawa niya. Nasapo ko ang ilong kong napuruhan ng kamao niya.

Pukingina! Ang sakit!

"Birthday na birthday ko, pinapasama mo ang loob ko! Sana hindi ka na lang umuwi!" singhal niya sa akin.

Sana nga hindi na lang ako umuwi! Dahil tuwing uuwi ako ay para akong sinisilaban nang buhay sa impyerno!

Tinitigan ko ang makinis na mukha ni Dette. Namumula na ang mga mata niya sa sobrang galit. Ako rin, galit na galit ako pero hindi ko magawang sabihin 'yon sa kaniya.

Sana hindi na lang kita nakilala! Kung maibabalik ko lang ang panahon, hindi na sana kita niligawan! Impyerno ang buhay ko kapag kasama kita sa pukinginang bahay na 'to!

Hindi ganito ang gusto ko nang magdesisyon akong ligawan siya. Hindi ko inaasahan na ganito pala ang ugali niya kapag nagkasama na kami sa iisang bubong.

Habang nakatitig ako sa mukha niya ay napatanong ako sa sarili ko.

Bakit nga ba ako napunta sa sitwasyon na 'to? Bakit ko siya nagustuhan? At bakit siya ang kasama ko sa apartment na 'to?




Chapter 1 is next...

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top