37. SCARED TO DEATH
|37. Scared to death|
Gericho "Echo" Escobar
"Mahal, kapag nanganak na 'ko, gusto kong ipangalan mo sa kaniya ay Heaven," sambit ni Dette habang nakahiga siya sa braso ko at yakap-yakap ko siya.
"Heaven? As in langit?"
"Oo. Kasi nasa langit na si Mama kaya 'yon ang gusto kong ipangalan mo sa magiging baby natin," masiglang sambit niya at napangiti ako.
"Oo nga, 'no? Pero paano kapag lalake ang baby natin?" Sinuklay ko ang mahaba niyang buhok gamit ang mga daliri ko habang nakapikit ako.
Nakapatong ang baba ko sa tuktok ang ulo niya. Amoy pa lang niya ay nagbibigay na ng pahinga sa pagod kong katawan dahil sa kakatrabaho.
"Eh di Skye ang ipangalan mo. Atleast related pa rin sa langit, 'di ba?" Tumawa siya.
"Okay..." Humikab ako. "Bakit mo pa binibilin sa'kin 'yan? Sabay naman nating papangalan ang anak natin, eh."
"Malay mo, mamatay ako pagkatapos ko manganak," pagbibiro niya kaya kinurot ko ang ilong niya. "Joke lang. Kailangang mangurot?"
"Hindi ka pa mamamatay, bibigyan mo pa 'ko ng tatlong anak," pagbibiro ko kaya tumingala siya sa'kin.
Idinilat ko ang mga mata ko at nakita ko ang kakaibang lungkot sa mga mata niya habang nakatitig sa akin.
"Oh, bakit ganyan ka makatingin?"
"Wala." Ngumiti siya nang matamis. "I love you so much I'm willing to do everything for you."
Ngumiti rin ako at pinatakan ng halik ang labi niyang medyo nangingitim. Tinitigan ko iyon nang maigi.
"Naglagay ka ba ng lipstick na kulay itim?"
"H-Ha? Hindi ah." Hinawakan niya ang labi niya kaya nakita ko rin ang mga kuko niya na nangingitim din.
Ngayon ko lang napansin iyon dahil madalas ay may nail polish iyon. Inalis niya yata kanina.
Napakunot ang noo ko at hinawakan ang kamay niya para titigan ang mga kuko niya.
"Oh, bakit nangingitim ang mga 'to?"
Binawi niya kaagad ang kamay niya at ngumiti. "Epekto lang 'to ng paglalagay ko ng nail polish. Don't think too much. Ma-stress ka pa." Hinalikan niya ako.
Dala na rin siguro ng antok ay hindi na ako nagtanong pa ulit at pinaniwalaan ko na lang ang mga sinabi niya.
"I love you," malambing na sabi ko at saka yumakap sa bewang niya. "Kantahan mo nga ako para makatulog kaagad ako."
"Sure." Ngumiti siya at sinuklay ang buhok ko gamit ang mga daliri niya.
Pumikit na ako at saka ko narinig ang boses niya.
"Kung sa habang-buhay, isa lang ang sasabihin. Ang pangalan mo ang sasambitin," kanta niya. "Kung sa habang-buhay isa lang ang matatanaw, ang iyong mukha ang pagmamasdan..."
Dahil sa malambing niyang boses ay hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako.
Naramdaman ko ang paghalik niya sa noo ko at ang mahinang bulong niya. "I'm sorry. Isa lang ang kaya kong maibigay sa'yo, Mahal ko."
Walang awat ang mga luha ko sa pagpatak habang inaalala ang huling pag-uusap namin ni Dette. Kinabukasan kasi niyon ay maaga akong pumasok sa trabaho at tulog pa siya nang umalis ako. Hindi ko inasahan na pagbalik ko ay hindi ko na maririnig ulit ang boses niya at ang tawa niya.
Hindi ako umalis mula pagkakayakap sa bangkay ni Dette hanggang sa kunin siya at ilipat. Kung gaano kalakas ang iyak ng pamilya ni Dette ay ganoon naman katahimik ang pagluha ko. Damang-dama ko ang pighati sa bawat iyak nilang lahat, lalo na ni Tonette na halos maglupasay sa sahig.
Pero nang ibigay sa akin ng nurse ang anak ko ay doon na 'ko napahagulhol. Hindi ko siya nabigyan ng pansin dahil sa nangyari kay Dette at nakaramdam kaagad ako ng pagsisisi. Sinakripisyo ni Dette ang buhay niya para maipanganak ang anak namin at hindi ko kayang balewalain iyon.
"She's a girl," namamaos ang tinig na sambit ni Tito Dominic, ang Papa ni Dette. Mugto ang mga mata niya ngayon katulad ko.
Dahan-dahan kong kinarga ang anak ko at natakot pa ako dahil baka mabitawan ko o mapamali ako ng hawak.
"H-Hi," umiiyak man pero nakangiting sambit ko habang nakatitig sa mukha ng anak ko. "Hi, Little Odette."
"P-Pinaghirapan siya ng anak ko," sambit ni Tito Dominic. "H-Huwag mong pababayaan."
"S-Sorry po..." puno ng pagsisising sambit ko. Hindi ko magawang makatingin sa kaniya ngayon.
"Gusto kong magalit sa'yo, pero ginusto 'to ni Dette...para sa'yo, para sa anak niyo." Tinapik niya ang balikat ko. "M-Mahal na mahal ka ng anak ko."
Napangiti ako nang mapait dahil sa sinabi niya. Hindi ko inaasahan na dadalhin si Dette ng pagmamahal niya sa kamatayan.
Tangina, hindi ko matanggap, eh. Ang sakit maiwan, ang sakit makita si Dette na hindi na humihinga, hindi na gumagalaw at hindi na babalik kahit kailan.
"Look at her," tukoy ni Tito Dominic sa anak ko.
May mainit na humaplos sa puso ko habang pinagmamasdan ko ang mukha ng anak ko. Kuhang-kuha niya ang ilong at hugis ng mukha ko at kay Dette niya nakuha ang ibang parte ng mukha niya.
"S-Sorry. Nasasaktan kasi ako sa pagkawala ni Mama mo kaya hindi kita kaagad pinansin." Pinunasan ko ang mga luha sa pisngi ko at ngumiti nang malawak.
Gustuhin ko man na maging masaya sa paglabas ng anak ko ay hindi ko magawa nang lubos dahil sa nangyari kay Dette. Wala akong mukhang maiharap sa pamilya ni Dette kaya nang ibalik ko ang anak ko sa nurse ay lumayo muna ako sa kanila para mapag-isa ako.
Natagpuan ko ang sarili ko sa loob ng chapel ng ospital. Lumuluhang tumingin ako sa rebulto ni Jesus na nasa harapan. Nasa gitna lang ako at hindi nag-abalang umupo, wala ring katao-tao dahil madaling-araw na.
"B-Bakit naman gano'n?" Mas lumakas pa yata ang pagbuhos ng mga luha ko nang magsalita ako. "Bakit kung kailan hindi na 'ko gago, saka mo siya kinuha sa'kin? Parusa mo ba 'to sa lahat ng mga ginawa ko? Kasi kung oo...sobra naman yata 'to..."
Alam kong kagustuhan 'to ni Dette. Pero hindi ko mapigilan ang sarili ko na tanungin Siya. Alam niya naman na nagbago na 'ko, eh. Hindi ako nanakit ng mga babae mula nang maghiwalay kami ni Dette. Malinaw kong sinasabi sa mga babaeng nilandi ko noon na hindi ako pwede sa commitment, para iwas-hassle, iwas-drama. Pero kung kailan naman nakita ko na ulit si Dette, kung kailan nagsisimula ulit kaming bumuo ng mga bago at magagandang alaala ay saka siya kukunin sa'kin?
"K-Kulang pa, alam mo ba 'yon?" pagpapatuloy ko. "Kulang pa ang mga ginawa ko para bumawi kay Dette. Bubuo pa kami ng pamilya, eh. Ang labo mo naman..." Tumawa ako nang pagak.
"S-Sinong lalake 'yung matutuwa kapag namatay ang isang babaeng naging dahilan para magbago siya? Kulang na kulang ang dalawang taon. Sana pinahaba mo man lang. Gusto ko pang makasama sa pagtanda 'yung tao, eh. Gusto ko pang magpakasal sa kaniya, gusto ko pang makita kung paano siya maging ina sa anak namin, gusto ko pa siyang makasama nang mas mahaba, magising na siya ang katabi ko. Naiintindihan mo ba 'yon? Gusto ko pa siyang makasama pero binawi mo kaagad!"
Alam kong dahil sa pagiging emosyonal ko kaya ko nasasabi ang mga ito. Pero alam ko na mas sinisisi ko ang sarili ko dahil sa nangyari.
Naalala ko pa 'yung mga araw na sinabi ko sa kaniya na gusto kong magkaanak, na 'yon na lang ang kulang sa buhay ko dahil nasa tabi ko na siya. At hindi ko akalain na tutuparin niya 'yon kahit alam niyang magiging delikado para sa kaniya.
"T-Tulungan mo 'kong maintindihan," kalmadong sambit ko pero ang puso ko ay nagwawala pa rin dahil sa sobrang kalungkutan. "Tulungan mo 'kong mabawasan 'yung sakit."
Dahil alam ko, naniniwala pa rin ako na may dahilan kung bakit nangyari 'to.
Umupo ako sa pinakahuling linya ng upuan at doon ko inilabas ang lahat ng sakit na nararamdaman ko. Hindi ko alam kung gaano ako katagal doon hanggang sa nararamdaman ko ang presensya ni Mccoy.
Nakayuko lang ako pero nakita ko ang mga paa niya na humakbang papunta sa upuan na kaharap ko at doon siya umupo. Dahan-dahan akong nag-angat ng tingin at nakita kong nakatingala na siya sa harap.
"I never thought I will find myself again here in the chapel for the same reason," namamaos ang tinig na sambit niya.
Wala akong planong magsalita. Bahala siyang kausapin ang sarili niya. Wala akong pakialam.
"More than a decade ago, I was here in this hospital. Dito ko siya isinugod," pagpapatuloy niya. Hindi ko alam kung sinong tinutukoy niya kaya na-curious ako bigla.
"Duguan ang mga kamay ko noon, pati puting damit ko ay naging kulay pula dahil sa dami ng dugo na galing sa kaniya. Nang malaman ko na kritikal na ang lagay niya, sumugod ako dito para magdasal. Pero hindi natupad ang dasal ko dahil nawalan na siya ng buhay. Bumalik ako dito sa chapel at paulit-ulit ko Siyang tinanong kung bakit kailangang mawala ng babaeng 'yon. Tapos heto na naman ako, itinatanong ang parehong mga tanong ko noon."
"Pa'no mo nakaya 'yon?" Kasi ako, hindi ko alam kung kakayanin ko pa.
"Tinanggap ko na lang," sagot niya. "Kasi hindi naman 'yung pagkamatay niya ang dahilan para tumigil ang mundo ko, eh. Iyong pagdating niya sa buhay ko, 'yon ang nasa isip ko dahil tinuruan niya ako sa maraming bagay."
Namayani ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. Hindi ko alam ang sasabihin ko at hindi na rin naman nagsalita si Mccoy. Pero akala ko lang pala.
"Kahit pala naranasan mo na dati, masakit pa rin kapag naulit." Tumawa si Mccoy. "Sinabi ko 'to sa sarili ko noon at sasabihin ko sa'yo ngayon. Sana kayanin mo, sana tulungan mo ang sarili mo na bumangon. May anak ka na."
"Alam ko." Nagbaba ako ng tingin at pumikit nang mariin. "Alam ko."
"Oh."
Idinilat ko ang mga mata ko at nakita kong may inaabot sa akin si Mccoy.
"Cellphone 'yan ni Dette. Pinapabigay ni Manang Rosie kasi may kailangan ka raw panoorin," sambit niya bago tumayo at mabagal na naglakad palabas ng chapel.
Ilang segundo akong tumitig sa cellphone ni Dette, ini-imagine na hawak niya iyon kanina lang.
Humugot ako nang malalim na hininga bago tumayo at lumabas na rin ng chapel. Umupo ako sa bench na nasa labas para hanapin ang sinasabi ni Mccoy na kailangan kong mapanood.
Hanggang sa makita ko ang isang video na may habang sampung minuto. Nanikip na naman ang dibdib ko nang makita ko na siya ang nasa video. Iyon lang ang nag-iisang video sa phone niya kaya alam kong iyon ang tinutukoy ni Mccoy.
Nang pindutin ko ang play button ay nakita ko si Dette na nakaupo sa gilid ng kama at nakasuot ng kulay light blue na maternity dress. Ang ganda niya roon lalo pa't ang tamis ng ngiti niya habang nakatingin sa camera.
"Hi, Mahal!" Kumaway siya nang kaunti bago hinawakan ang umbok niyang tiyan. "I'm sorry kung hindi masyadong malinaw ang boses ko. I don't have a camera, you know? Iphone lang sapat na." Tumawa siya.
Napangiti ako nang mapait at hindi ko napigilan ang muling pagbuhos ng mga luha ko. Miss ko na kaagad ang boses niya, ang pagtawa niya.
Tangina, ang sakit.
"Kidding aside..." Sumeryoso rin siya. "This is my video confession in case na hindi na ako magkaroon ng pagkakataon na sabihin sa'yo lahat ng gusto kong sabihin. But first, magkikwento muna 'ko." Tumigil siya sandali para huminga nang malalim.
"May naging reader ako dati sa Wattpad. I was reading the comments but that question caught my attention. Ang sabi niya, 'have you ever met a human version of heartache?'. Kaya napaisip din ako. And you came up in my mind."
Kinagat ko ang labi ko habang pinapakinggan ang mga sinasabi niya.
"Ang sabi ko sa sarili ko ay ikaw ang human version of heartache para sa'kin. At alam mo na 'yon kung bakit." Tumawa siya na parang nahihiya. "Yah. You were my human version of heartache because you broke my heart many times!" Tumawa pa siya ulit at hindi ko napigilan ang sarili ko na matawa nang mahina. Nakakahawa ang pagtawa niya.
"Humingi ako ng tulong noon kay God. Sabi ko, tulungan niya akong maintindihan ang lahat ng nangyayari. As far as I could remember, that was the time that I caught you cheating on me. After that, hindi pa rin kita hiniwalayan pero mas lalong lumala ang away natin. Hindi ko alam na sign pala 'yon ni God para lumayo na 'ko sa'yo pero hindi 'ko ginawa. Hanggang sa...tuluyan na nga tayong naghiwalay. Nakunan ako, namatay ang Mama ko at ikaw ang sinisi ko. Those were the reasons kung bakit kita tinawag na human version of heartache. Kasi sobra mo 'kong sinaktan."
"But honestly, ikaw at ang pagkawala ni Mama ang nagtulak sa'kin para maging matatag ako, para makaya ko ang lahat. It was hard to forget you but my family was there to help me cope up with everything. At habang tumatanda ako, saka ko lang naintindihan kung bakit ka dumating sa buhay ko. When I met you, I was so impulsive to the point that I wasn't thinking about the consequences I might get. Napaka-immature ko pala noon." Humalakhak siya.
"Pero naging gano'n lang naman ako kasi noong Grade 3 ako, na-ospital ako at doon namin nalaman na may butas ang puso ko. Bata pa 'ko noon pero natakot na ako sa sakit ko. Naisip ko, paano kapag namatay kaagad ako? Ang dami ko pang gustong maranasan. Pero si Mama, naging todo ang pagbabantay sa'kin hanggang sa magdalaga ako. Ayaw niya akong mapagod, ayaw niya akong kumain ng mamantika, ayaw niya akong makipagkaibigan sa kung sino-sino. At siempre, nasakal ako."
"Hindi ako nakinig kay Mama. Ang nasa isip ko kasi noon, baka bukas mamatay na 'ko kaya ginagawa ko lahat ng gusto kong gawin. I was so scared to death—scared to die without having a boyfriend, scared to die while I wasn't even enjoying my teenage life. Kaya sa kakamadali kong maranasan ang mga gusto ko, natagpuan kita. At 'di ko alam na sa kakamadali ko ay doon ko mararanasan ang lupit ng mundo. Tama ang sinabi noon ni Mama na hindi sa lahat ng oras ay sapat ang pagmamahal. Pero pinagpatuloy ko pa rin, minahal pa rin kita kahit bata pa ako. Masisisi mo ba 'ko?" Kinagat niya ang labi niya at nakita ko ang pamumula ng mga mata niya.
"Alam mo 'yung feeling na parang may orasan ka sa ulo mo? Iyong tipong parang kailangan mong magmadali kasi hindi mo alam kung kailan ka mamamatay, eh. Itinago ko 'yon sa lahat, pati sa'yo kasi ayoko lang. Ayokong makita ako ng mga taong nasa paligid ko bilang isang mahinang babae."
"Noong mabuntis mo ako noon, natakot ako para sa sarili ko kasi alam kong hindi ako pwedeng magbuntis. Pero sabi ko sa sarili ko, kakayanin ko 'yon kasi kasama naman kita, eh. At hindi pa malala ang sakit ko noon. Iyong pisikal na sakit tuwing tinuturukan ako ng antibiotic, nakaya ko. Pero 'yung paghiwalay nating dalawa, halos ikamatay ko 'yon. Sa'yo kasi umiikot mundo ko noon, eh—na kahit ilang beses mo 'kong niloko ay pinapatawad pa rin kita."
Pinunasan niya ang mga luhang dumaloy sa pisngi niya at saka huminga nang malalim bago nagpatuloy.
"Naging dalawa ang butas ng puso ko noong maghiwalay tayo. Pinayuhan ako ng cardiologist ko na magpa-heart transplant pero ayaw ko dahil baka hindi ko kayanin at isa pa ay walang heart donor kaya nagtiyaga na lang ako sa pagpapaturok. Ayoko pang mamatay noon, eh. Gusto ko pang makapagtapos ng pag-aaral at maging published author. Natupad naman ang lahat ng iyon at doon ko na-realize na may mga bagay na hindi minamadali. Kasi marunong si God na bumalanse, ibibigay at ibibigay niya sa huli ang kasiyahan na deserve ko kahit hindi ako magmadali. Kasi dumating ka ulit, pinagtagpo niya tayo ulit."
"Nang magkita tayo ulit, akala ko wala na 'kong nararamdaman para sa'yo. But I was wrong. Iyong sampung taon na hindi tayo nagkita, nag-focus ako sa pag-aaral, nag-focus ako sa mga bagay na gusto kong gawin habang nabubuhay ako. Kasi hindi ko alam, eh. Baka bigla na lang umatake ang puso ko kaya takot na takot ako. Takot akong mamatay kasi parang may kulang pa sa buhay ko."
Tumingala siya at kumislap ang mga mata niya na para bang may naaalala siyang maganda.
"Tapos nagkita tayo. Doon ko nalaman na ikaw pala 'yung kulang. Ikaw 'yung pupuno sa buhay ko. At dahil do'n, wala na akong ibang mahihiling pa. Kasi sa loob ng dalawang taon na magkasama tayo ay nararamdaman ko na totoo ang pagmamahal mo para sa'kin."
"Kaya pinili mong isakripisyo ang buhay mo para mabigyan ako ng anak," sarkastikong sambit ko habang panay ang punas sa mga luha kong ayaw magpaawat sa pagtulo. "Ang daya mo."
"Noong sinabi mo sa'kin na anak na lang ang kulang sa buhay mo, naisip ko na...bakit hindi ko 'yon ibigay sa'yo? Iyon ang magpapaligaya sa'yo, eh. Wala na akong pakialam kahit maaapektuhan ang puso ko sa pagbubuntis ko. Inalagaan ko ang sarili ko habang buntis ako, para maipanganak ko nang maayos ang anak natin."
Pinisil ko ang mga mata ko gamit ang mga daliri ko dahil sa walang humpay kong pag-iyak. Nasasaktan ako habang pinapakinggan ang mga sinasabi ni Dette.
"I'm... so sorry, Mahal," halos pabulong na sambit niya pero rinig ko ang bawat pagsinghap niya dahil sa pag-iyak. "I'm sorry kung feeling mo ay nagdesisyon ako nang hindi mo alam. I'm sorry kung iiwan din kita. I'm sorry kung iiwan ko sa'yo ang magiging anak natin. Sana dumating ang araw na matanggap mo ang nangyari sa'kin at sana alagaan mo ang baby natin. Huwag na huwag mong sisihin ang sarili mo dahil walang may kasalanan nito. Sarili kong desisyon ang isakripisyo ang buhay ko para mapaligaya ka, para punan ang kulang sa buhay mo. You've always wanted a kid, right?"
Dumilat ako at nakita ko ang napakatamis na ngiti ni Dette.
"I'm so proud of you, Engineer..." puno ng emosyon na sambit niya na para bang sa akin siya mismo nakatingin. "Sinaktan mo man ako noon ay masaya pa rin ako dahil binago mo ang sarili mo nang kusa. Lahat naman tayo ay nakakagawa ng kasalanan na pwedeng ikasakit ng iba, pero ang importante ay natututo tayo. Echo, kahit anong mangyari, mahal na mahal kita. Sapat na ang mga panahon na magkasama tayo para bumawi ka. Sapat ka na sa'kin, Mahal."
"You can cry your heart out when I'm gone, but don't forget about our child. Continue your life with a smile on your face. Masaya akong mamatay na nabigyan kita ng anak. At ngayon... hindi na ako takot mamatay. Dahil alam ko sa sarili ko na naging makabuluhan ang buhay ko. Mahal na mahal ko kayo ni Papa, Tita Maris and Tita Divina, Tonette, Serene, Mccoy and you. Masaya ako na naging parte kayo ng journey ko."
Bumuntong-hininga siya na para bang excited siya sa isang bagay. Kitang-kita ko ang pagkislap ng mga mata niya sa kabila ng pagluha.
"I will finally saw my mom again."
"P-Pero ikaw naman ang hindi ko makikita, ikaw naman ang hindi ko makakausap," puno ng hinanakit na sambit ko.
"I love you, Echo," malambing na sambit niya. "I've always wanted to be with you but I know our memories were enough. Just close your eyes whenever you miss me and you will feel my presence. Mahal ko kayo ng anak natin...."
Iyon ang huling sinabi niya bago naputol ang video. Ipinatong ko ang cellphone sa tabi ng kinauupuan ko at saka ako napahagulhol nang malakas. Isinandig ko ang ulo ko sa pader at pumikit.
Nasasaktan ako, Dette. Mahirap tanggapin ang pagkawala mo, pero para sa'yo at sa anak natin, hindi ako susuko. Nagpapasalamat pa rin ako dahil binuo mo ang kulang sa buhay ko.
Pinapabubaya ko na sa Dios ang sakit na nararamdaman ko ngayon. Mahal kita at mas mamahalin pa kita kahit ngayong wala ka na. Masaya pa rin ako na ikaw ang una at huling babaeng minahal ko nang ganito, ang babaeng tinanggap ako nang buong-buo sa kabila ng lahat ng ginawa ko.
Salamat sa lahat, Mahal ko.
Epilogue is next...
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top