31. NATUPAD
|31. Natupad|
Gericho "Echo" Escobar
"Paano ba 'ko magsisimula?" Tumawa akong nang alanganin sabay kamot sa batok ko.
Yumukod ako para ilagay ang mga bulaklak na dala ko sa ibabaw ng libingan ng mama ni Dette.
Sinadya ko na huwag magpakita kanina habang nandito sila Dette. Wala akong lakas ng loob para magpakita sa kaniya at sa pamilya niya. At alam ko na kapag nakita ulit ako ni Dette ay maaalala niya lang ang lahat ng sakit na pinagdaanan niya habang kasama ako.
"Pumunta po ako dito para humingi ng tawad sa lahat ng ginawa ko," panimula ko. "Una sa lahat, dahil niligawan ko ang anak niyo. Alam kong bata pa siya pero niligawan ko pa rin siya kahit alam ko sa sarili ko na hindi ako gano'n kaseryoso sa kaniya. Pangalawa, dahil ako ang naging dahilan kung bakit siya nagrebelde sa inyo. Tumakas siya para makipagtanan sa akin. Pangatlo..." Suminghot muna ako dahil tumutulo na ang sipon ko. Hindi ko namalayan na naiiyak na pala ako.
"Gusto ko pong humingi ng tawad kasi hindi ko siya trinato nang tama habang nagsasama kami. Ilang beses ko siyang sinaktan. Oo, nagsinungaling siya sa'kin pero hindi pa rin tama ang mga ginawa ko. Na-realize ko na...hindi pa talaga tamang panahon para magsama kaming dalawa dahil hindi pa kami gano'n ka-mature pagdating sa relasyon. Immature pa siya habang ako naman ay hindi kuntento sa kaya niyang ibigay.
"Pero ngayon, pinagsisisihan ko talaga lahat ng ginawa ko at alam ko na dapat sa kaniya ko 'to sinasabi at hindi sa inyo. Pero hindi lang naman sa kaniya ako may kasalanan. Dahil may nanay ako, alam ko ang naramdaman niya nang makitang nasasaktan ang kapatid kong si Gia ng kahit sinong lalake. At alam kong gano'n din ang naramdaman niyo nang malaman niyo na niloko ko nang paulit-ulit ang nag-iisa niyong anak..."
Pinunasan ko ang mga luhang dumadaloy sa pisngi ko bago nagpatuloy. Suminghot rin ako nang ilang beses bago nagsalita ulit.
"Pang-apat...gusto kong humingi ng tawad dahil ako ang dahilan kung bakit wala si Dette sa tabi niyo nang mawalan kayo ng buhay. Araw-araw pinagsisisihan ko po 'yon. Ginago ko ang anak niyo. Sana pala hindi ko siya pinapunta sa bar kung nasaan ako. Pinapunta ko lang siya para saktan ulit. Ang gago ko, tangina..."
Sa buong buhay ko, ngayon lang ako nagsisi nang ganito dahil sa mga kagaguhan ko. Ang pagdating ni Dette sa buhay ko ay nagturo sa akin kung paano respetuhin at mahalin ang mga babae katulad ng pagrespeto at pagmamahal ko sa nanay at sa kapatid kong babae. Minahal ko naman siya, eh... Kaya lang mahina ako pagdating sa tukso sa mga paligid ko.
Hindi na magbabago ang isang katulad ko. Kaya dapat lang na hindi ako pumasok sa isang relasyon kung alam kong masasaktan ko lang ang girlfriend ko.
Ilang minuto pa akong umiyak nang umiyak sa ibabaw ng puntod niya bago ako umalis doon para dumiretso sa ospital. Sinalubong ako ng yakap ni Mama at ni Gia pagdating ko roon para sunduin sila.
"Kamusta ang check-up?" tanong ko kay Mama.
"Okay naman. May mga nireseta ang doctor sa kaniya para sa vitamins niya," sagot ni Mama.
Tahimik lang si Gia habang naglalakad kami sa hallway palabas ng ospital kaya inakbayan ko siya at ginulo nang kaunti ang buhok niya.
Isang linggo na rin ang lumipas magmula nang malaman namin na buntis si Gia. Nakabawi na rin kami ni Mama sa pagkabigla at unti-unti naming tinanggap ang nangyari sa kaniya. Wala naman kasing ibang tatanggap sa kaniya kung hindi kaming pamilya niya.
"Okay ka lang?"
"Nalulungkot lang," mahinang sagot niya. "Kailangan kong tumigil sa pag-aaral, eh. Mapang-iiwanan ako ng mga kaklase ko."
"Okay lang 'yan. Makakahabol ka pa naman sa kanila kapag nanganak ka na," malambing na sambit ko sa kaniya.
Alam ko kasi ang pakiramdam na tumigil sa pag-aaral. Napakabigat sa pakiramdam lalo pa't gustong-gusto ko makapagtapos noon.
"Kuya..." Niyakap ako ni Gia sa beywang ko habang naglalakad kami. Nagkatinginan tuloy kami ni Mama at sabay na napangiti. "Sorry, ha? Bati na tayo."
"Mag-backflip ka muna para bati tayo," biro ko kaya kinurot niya ako sa tagiliran.
"Kuya naman, eh..."
"Wala 'yon." Binatukan ko siya nang mahina. "Nagising nga ang kuya mo dahil sa mga sinabi mo, eh. Basta tatandaan mo 'to, hindi hadlang ang pagbubuntis mo para magpatuloy ka sa pag-aaral. Pagkatapos mong manganak, mag-aaral ka ulit tapos ako ang tatayong tatay ng pamangkin ko."
"Talaga, Kuya Echo?" Nag-angat siya ng tingin at ngumiti nang matamis. "Bait mo talaga."
"Naku, mahilig kasi 'yang kuya mo sa mga bata kaya ganyan 'yan," pang-aasar ni Mama.
"Paano pa magkakaroon ng anak si Kuya Echo? Wala naman siyang siniseryosong babae."
Dahil sa sinabi ni Gia ay sumagi ulit sa isip ko si Dette. Naalala ko na muntik na pala kami magkaanak kung hindi lang siya nakunan dahil sa'kin.
"Kausapin mo kaya si Ate Dette, Kuya."
Umiling kaagad ako. "Mas masasaktan lang siya kapag nagpakita pa 'ko."
"Pa'no 'yan, wala kayong closure?"
"Closure? Kailangan pa ba 'yon?" Napakamot ako sa ulo ko. "Ikaw ang dami mong alam, ah."
"Malamang! Babae ako!"
"Tumigil na nga kayong dalawa," saway ni Mama. "Nga pala, Echo. Dumaan kanina si Tadeo. Pinaalala niya na bukas na daw ang Christmas Party ng Night Class 10. Pupunta ka ba?"
Natigilan ako sandali dahil sa sinabi ni Mama. Nagkausap na kami ni Tadeo tatlong araw mula nang makabalik ako. Nagalit siya sa'kin pero hindi siya mahilig magtanim ng galit kaya nagkasundo rin kami. At ngayon ay pinipilit niya akong sumama sa Christmas Party nila dahil miss na miss na raw ako ng dati kong mga kaklase.
"Ayokong pumunta, Ma," nakangiwing sabi ko.
Ayokong makita ang galit na mukha ng mga kaklase ko sa Night Class. Alam ko naman na hindi nila nagustuhan ang biglaang pagkawala ko. Hindi man lang ako nagpaalam sa kanila. Siguro maiintindihan ako ng iba pero hindi lahat, lalo na't karamihan sa kanila ay napamahal sa akin.
"Pumunta ka kaya, Kuya Echo. Siguradong na-miss ka ng mga kaklase mo," untag ni Gia.
Napabuga ako ng hangin. "Bakit pa? Hindi naman na ako kasama sa Night Class. Bakit pa 'ko pupunta?"
"Pwede nga daw sabi ni Kuya Tadeo!" pamimilit ng kapatid ko. "Arte mo naman!"
"Alam mo ikaw..." Piningot ko nang slight ang tenga niya. "Sige. Pag-iisipan ko."
"Sus!" Inirapan niya ako.
"Ma, attitude na 'tong bunso niyo, oh," pabirong pagsusumbong ko kay Mama at natawa lang siya.
Ginabi na kami nakauwi dahil namili kami ng mga grocery. Bumili na rin kami ng pagkain para kay Gian dahil paniguradong gutom 'yon pagkagaling ng school.
"May kausap 'ata si Gian, Ma," sabi ko pagkapasok namin ng gate.
Dinig namin ang boses ni Gian mula sa loob ng bahay at parang may kausap siya.
"Tricycle 'yon ni Papa, ah!" Itinuro ni Gia ang isang tricycle na nakaparada sa gilid. "Nandito siya?! Umuwi na siya?!"
Nagkatinginan kami ni Mama at base sa reaksyon ng mukha niya ay alam kong pareho kami ng iniisip. Hindi namin napigilan si Gia nang patakbo siyang pumasok sa loob ng bahay.
"Anak..." Nasa boses ni Mama ang pag-aalala nang hawakan niya ang braso ko.
Napalunok ako at bumuntong-hininga. Hindi ko alam kung paano ko pakikiharapan si Papa sa kabila ng mga nangyari at nalaman ko. Bumilis tuloy ang kabog ng dibdib ko na parang may naghahabulan na kabayo.
"Nandito lang ako, anak." Nginitian ako ni Mama sa kabila ng pag-aalalang nakikita ko sa mga mata niya.
Nginitian ko siya pabalik saka kami nagpatuloy sa paglalakad para pumasok na rin sa loob.
Nadatnan namin si Gian at Gia na nakayakap kay Papa na panay ang haplos sa buhok ng mga kapatid ko. Nakasuot siya ng itim na jacket at itim na pantalon at mukha siyang zombie dahil sa eyebags niya. Hindi yata siya nakatulog nang maayos sa tinulugan niya noong mga araw na wala siya dito.
Naramdaman niya yata ang presensya namin ni Mama kaya napatingin siya sa direksyon namin. Nagtama ang paningin nila ni Mama at nakita ko kung paano lalong lumambot ang expression sa mukha niya.
"G-Gian," naiiyak na sambit ni Mama at pasugod na niyakap si Papa.
Nasa pinto lang ako at nakatayo habang pinapanood silang apat.
Nakaramdam ako ng kirot dahil sa nakita ko. Gusto kong sumali. Gusto kong makiyakap. Gusto kong makiiyak. Pero may karapatan ba 'ko? Sila ang tunay na pamilya. Sabit lang ako. At paniguradong ayaw ni Papa na makasama ako.
Napaiwas na lang ako ng tingin dahil sa inggit na pumuno sa dibdib ko. Nakayukong naglakad ako papunta sa kusina at ipinatong sa mesa ang mga pinamili namin. Hahayaan ko muna sila roon, total sila lang naman ang na-miss ni Papa.
Suminghot ako habang inaayos ang mga pinamili namin sa loob ng refrigerator. Nang matapos ay naghilamos ako ng mukha ko sa lababo para mapigilan ang pag-iyak ko. Ipinatong ko ang dalawa kong kamay sa gilid ng lababo at paulit-ulit na bumuga ng hangin para maalis ang bigat sa dibdib ko. Pinipilit ko namang alisin, eh. Pero kusa talagang tumutulo ang mga luha ko.
"Tangina naman..." bulong ko sabay punas sa mga luha na dumaloy sa pisngi ko.
"Gericho."
"Gericho!" Napahawak ako sa dibdib ko kasabay ng marahas na paglingon ko sa pinto ng kusina kung saan si Papa nakatayo.
Tumawa siya nang mahina nang makita ang reaksyon ko.
"Magugulatin ka pa rin pala."
Naglakad siya palapit sa'kin at natuod ako sa kinatatayuan ko.
Anong gagawin ko?! Baka bugbugin niya ako bigla!
"Bakit hindi ka nakiyakap kanina?" seryosong tanong niya nang tumigil siya sa harap ko.
Napaiwas kaagad ako ng tingin at tumikhim para alisin ang bara sa lalamunan ko.
"Yakap niyo po 'yon kasama ang pamilya niyo. Baka makasira lang ako—"
"Patawarin mo 'ko."
Kaagad akong nag-angat ng tingin sa kaniya nang marinig ang sinabi niya.
"A-Ano po?"
"Patawarin mo 'ko," sinserong sambit niya habang nakatitig sa akin.
Ang mga mata niya na noon ay palagi kong nakikitaan ng galit ay biglang napuno ng pagsisisi.
"Wala akong kwentang ama sa'yo. Ang tagal kitang pinahirapan, pinaramdam na hindi ka kasali sa pamilya ko. Ibinaling ko sa'yo ang galit na nararamdaman ko para sa kakambal ko, pero hindi ko man lang inisip na nasasaktan ka."
Literal na napaawang ang bibig ko dahil sa sinabi niya. Naramdaman ko ulit ang pag-iinit ng mga mata ko habang pinapakinggan ang mga sinasabi niya.
"N-Nasaktan ako, eh..." Pumiyok ang boses niya. "Sobra akong nasaktan sa ginawa ng mama mo at ng kapatid ko. At mas lalo akong nasaktan nang malaman kong nabuntis siya...at ikaw ang naging bunga. Pero sa kabila ng galit ko, tinanggap ko 'yon kasi mahal na mahal ko ang mama mo."
Tumingala siya at bumuntong-hininga para pigilan ang pagluha bago ako muling tiningnan.
"Habang lumalaki ka, mas lalo kong naaalala ang pagkakamaling ginawa nila sa'kin," pagpapatuloy niya. "Oo nga. Kamukha kita, pero hindi dahil anak kita...kung hindi dahil anak ka ng kakambal ko. Ang hirap tanggapin, eh. Sinubukan ko naman na mahalin ka nang buo, pero tuwing sinusubukan ko, mas lalo lang akong nasasaktan."
Tahimik akong umiyak sa harap niya. Alam ko na ang kwento sa likod ng pagtataksil ni Mama kay Papa pero iba pa rin pala kapag narinig ko mismo mula sa bibig ni Papa.
Naroon ang sakit sa boses niya at kitang-kita ko sa mga mata niya na hanggang ngayon ay nahihirapan pa rin siyang tanggapin ang mga nangyari noon.
Ngayon ko lang napagtanto na may mga sugat pala sa puso ng mga tao na hindi kayang paghilumin ng panahon. Na kahit lumipas pa ang maraming taon ay naroon pa rin ang sakit ng nakaraan.
Bigla ko tuloy naalala si Dette. Hindi ko alam kung kailan siya maghihilom dahil sa mga ginawa ko. O maghihilom pa ba ang mga sugat sa puso niya? Kasi may mga taong katulad ni Papa na nahihirapang makalimot.
"Inaamin ko, marami akong pagkukulang sa'yo. Ilang beses kong pinaramdaman sa'yo na ayoko sa'yo at hindi kita tanggap bilang parte ng pamilya ko. Pero nang umalis ka, nang nawala ka..."
Umiling siya at ngumiti nang mapait habang panay ang tulo ng mga luha mula sa mga mata niya.
"Hindi ko alam pero hinanap-hanap ko ang presensya mo sa bahay na 'to. At doon ko lang nakita ang halaga mo sa pamilyang ito noong nawala ka. Hindi buo ang pamilya ko kung wala ka, Gericho..."
Bumuhos ang mga luha ko dahil sa narinig ko. Parang may isang kamay na humaplos sa puso ko dahil sa mga sinabi niya. Sa tagal kong paghahanap ng pagmamahal mula sa kaniya ay hindi ko inakala na darating ang araw na 'to, na matatanggap ako ng isang taong itinuring kong ama magmula nang mamulat ako sa mundo.
"K-Kaya sana...patawarin mo 'ko. Hayaan mo akong makabawi sa'yo...anak."
Hinawakan niya ang balikat ko at paulit-ulit na tinapik iyon. Nanginig ang mga labi ko hanggang sa hindi ko na napigilan ang sarili ko na yakapin siya.
"S-Salamat po..." Ang sarap sa pakiramdam nang tinawag niya akong anak. "A-Ang tagal kong pinangarap 'to, Pa. Wala akong pakialam kahit hindi ikaw ang tunay kong ama."
"Wala na rin akong pakialaman kahit pamangkin lang kita," natatawang sambit niya habang tinatapik ang likod ko. "Babawi sa'yo si Papa."
"S-Salamat, Pa. Salamat talaga. Tangina kasi..." inis na sabi ko at saka kumalas sa pagkakayakap sa kaniya. "Ayaw paawat ng mga luha ko. Nakakabakla."
"May problema ka ba sa bading, Kuya Echo?"
Napatingin ako sa pinto ng kusina at nakita ko si Gian na nakasimangot. Nasa likod niya si Mama at si Gia na parehong nakangiti sa amin ni Papa. Kanina pa siguro sila nanonood sa amin.
Sinenyasan sila ni Papa na lumapit kaya ang ending ay nagyakapan kaming lima. Ang sarap sa pakiramdam. Para akong lumulutang na ewan dahil sa sayang nararamdaman ko ngayon.
"Nagulat nga ako kasi pag-uwi ko kanina galing school, biglang dumating si Papa!" kwento ni Gian habang masaya kaming kumakain sa hapag. "Akala ko nga sasapakin ako, eh!"
"Hindi ko na uulitin 'yon, anak." Masuyong hinaplos ni Papa ang buhok ni Gian. "Kaya nga ako umuwi para bumawi sa inyong lahat. Sa lahat ng pagkakamali ko."
Binalingan niya si Mama at nang magtama ang paningin nilang dalawa ay nakita ko kung paano napuno ng pagmamahal ang mga mata nila. Kahit wala silang sinabi ay alam kong pinatawad na ni Mama si Papa sa ginawa nito. Hindi kasi mahilig magtanim ng galit ang mama ko.
"At siempre, para na rin pag-usapan ang tungkol sa nangyari sa bunso ko." Binalingan ni Papa si Gia na ngayon ay muntik nang mabilaukan kaya inabutan ko siya ng isang baso ng tubig.
"P-Papa..." Bakas sa tinig ni Gia ang takot pagkatapos makabawi. Tumitig siya kay Papa nang puno ng takot ang mga mata. "S-Sasaktan niyo rin po ba 'ko?"
Umiling si Papa at inabot ang kamay ni Gia na nakapatong sa ibabaw ng mesa. "Hindi ko kayang saktan ang nag-iisang prinsesa ng buhay ko."
"P-Pero nabuntis po ang nag-iisang prinsesa niyo, Papa." Yumuko si Gia para maiwasan ang tingin ni Papa.
Bumuntong-hininga si Papa at saka sumandig sa upuan niya. "Galit ako sa nangyari sa'yo, Giana. Pero hindi kita pwedeng sumbatan. Pinabayaan din kita, eh. At saka...natuto na 'ko."
"Kailangan kitang intindihin." Tiningnan niya kaming tatlo ni Gia at Gian. "Kailangan ko kayong intindihin dahil mga anak ko kayo. Walang ibang inintindi sa mga pagkakamali niyo kung hindi kaming mga magulang niyo. Kaya sana naman, huwag na kayong magtatago ng sikreto sa amin ng Mama niyo. Ituring niyo rin kaming kaibigan na pwedeng pagsabihan ng mga sekreto niyo. Maging open kayo sa amin."
Tumango si Mama at hinawakan ang kamay ni Papa. "Tama ang Papa niyo. Minsan kasi, sa pagsisikreto nagsisimula ang lahat. Kaya mula ngayon, lahat ng problema niyo sa kahit anong aspeto. Mapa-lovelife man 'yan, barkada o sa eskwelahan, ipaalam niyo sa amin."
Sabay-sabay kaming tumango ni Gia at Gian at sinuklian naman kami ng matamis na ngiti ni Mama at Papa. Sa gabing iyon, nakompleto ang isa sa mga pangarap ko: Ang maramdaman na nag-eexist ako sa pamilyang ito.
To be continued...
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top