26. NAPAGOD

|26. Napagod|

Odette Marie "Dette" Ojera





Present time (Prologue)

Hindi ito ang unang beses na umuwi ng late si Echo. Pero ngayon lang ako napuno nang husto. Siguro nambabae na naman siya sa club. Siguro may nilandi na naman siya.

Napakaraming siguro.

Pagod na pagod na 'kong mag-overthink. Tuwing wala siya sa paningin ko, napapraning ako. Hindi ko maiwasan, ilang beses niya na akong niloko. Ilang beses na siyang nagsinungaling.

"B-Birthday ko, eh..." Napaluhod na ako sa sahig habang kaharap ko siya. "A-Akala ko naalala mo... A-Akala ko kahit papa'no naalala mo..."

"S-Sorry," sambit niya, nasa boses ang pagsisisi.

Napapikit ako at hinayaang bumagsak ang mga luha ko.

"Kailan ba 'ko magiging sapat sa'yo, Echo? Bakit hindi ka na lang makuntento sa'kin?"

Tumingala ako sa kaniya at kahit nanlalabo ang mga mata ko dahil sa luha ay nakita ko pa rin paggalaw ng panga niya.

"Gusto mo lumuhod pa 'ko sa'yo? Heto na!" Ibinuka ko ang mga braso ko. "Nakaluhod na 'ko! Pwede ba, itigil mo na ang mga pambabae mo?! Pwede bang maging faithful ka na sa'kin?!"

Dahan-dahan siyang umiling at lumuhod din sa harap ko para magpantay ang mukha naming dalawa.

"Hindi lahat ng hinala mo ay totoo," sambit niya habang nakatitig sa mga mata ko. Kumawala ang mga luha sa mga mata niya. "Hindi mo ba naisip? Pagod ako sa trabaho tapos ganito ang dadatnan ko? Hindi mo rin ba naisip na kaya hindi ako tuluyang nagbabago dahil diyan sa ugali mo? Na kahit wala akong ginagawang masama ay halos patayin mo ako sa bugbog. Iyong mga tamang-hinala mo, hindi na nakakatuwa. Akala mo lahat ng kilos ko ay may gagawin akong mali. Nakakasawa na rin. Nakakapagod na."

"At ikaw pa talaga ang napagod at nagsawa? Napakagaling mo rin, eh!" Tumawa ako nang mapakla. "Ikaw ang dahilan kung bakit naging ganito ako!"

Umiling siya at ngumiti nang mapait. "Maghiwalay na tayo. Ayoko na."

Hindi ako nakapag-react kaagad dahil sa sinabi niya.

Ano daw? Nakikipaghiwalay na siya?

Sa ilang buwan naming pagsasama ay ngayon lang siya nakipaghiwalay sa'kin kaya nagulat talaga ako.

Tumayo siya at umalis sa harap ko. Sinundan ko siya kaagad sa kwarto at nakita kong inilalagay niya na ang mga gamit niya sa isang bag.

"Bibigyan kita ng pamasahe, umuwi ka na rin sa Mama mo," malamig ang boses na sambit niya habang busy pa rin sa pag-iimpake. "Sinubukan naman natin, 'di ba? Pero wala talaga, eh. Hindi tayo pwedeng magsama kasi nagkakasakitan lang tayo."

"K-Kaya ko pang baguhin ang ugali ko," nanginginig ang boses na sambit ko. Ngayon ko lang ibababa ang sarili ko basta huwag niya lang akong iwan. "K-Kaya ko pang magbago—"

"Kaya mo?" Tinitigan niya ako saglit bago umiling at pinagpatuloy ang ginagawa. "Kung kaya mo, dapat matagal na."

"Ikaw rin naman, ah," panunumbat ko. "Pinatawad kita nang paulit-ulit kahit paulit-ulit mo rin akong niloloko."

"Nagawa ko 'yon dahil sa pagiging tamang-hinala mo. Nagbabago na ako noon, pero anong ginawa mo? Sumbat ka nang sumbat."

"Bakit ka ganyan? Iniwan ba kita nang niloko mo 'ko? Bakit ka aalis nang dahil lang sa ugali ko?!"

"Subukan mong mahalin ang sarili mo, baka sakaling maintindihan mo kung bakit ako sumuko."

Binitbit niya na ang bag niya pagkatapos niya itong masara.

"Happy birthday pala. Heto pamasahe mo—"

Tinapik ko ang kamay niyang may hawak na limang daan. Nahulog iyon sa sahig pero hindi namin pinansin.

"Hindi ko kailangan 'yan!" umiiyak na sigaw ko. "Ikaw ang kailangan ko dito!"

"Tangina! Ayoko na nga, Dette! Napapagod din ako!" Nilampasan niya ako pero hinawakan ko ang braso niya para pigilan siya.

"Please! Huwag kang umalis!"

Pero pinalis niya ang kamay ko at tumama ang braso niya sa tiyan ko, dahilan para sumubsob ako sa sahig.

Napatingin siya sa'kin pero hindi niya ako tinulungang makatayo. Bumuntong-hininga siya saka umiwas ng tingin.

"Huwag mo na 'kong sundan."

"E-Echo!" nahihirapang sigaw ko nang tuluyan na siyang lumabas ng kwarto.

Gusto ko siyang sundan pero nakaramdam ako ng pananakit ng tiyan ko. Napahawak ako sa tiyan ko at dahan-dahang tumayo para sundan siya.

Pero nakakaisang hakbang pa lang ako ay may nararamdaman na akong malapot na likido na dumadaloy sa hita ko.

Pagtingin ko sa bandang hita ko ay nakita ko ang napakaraming dugo na dumadaloy pababa. Hinawakan ko iyon at pinagmasdan ang dugo sa nanginginig kong kamay.

Kumabog nang malakas ang dibdib ko nang may mapagtanto. Napatulala ako. Napaawang ang bibig ko at nag-umpisang manginig ang buong katawan ko.

Shit. Buntis ako!

"E-Echo!!!"

***


Gericho "Echo" Escobar


Pakiramdam ko ay nakahinga ako nang maluwag nang makalabas ako ng apartment namin ni Dette. Para akong isang ibon na nakalaya mula sa isang hawla.

Napagod na 'ko, eh. Paulit-ulit na lang kasi. Kailan ba 'ko huling nagloko? Last month, sa club kasama si Ricky. Pero wala akong ginalaw na babae noong gabing 'yon. Oo, lumandi ako pero walang nangyari. At sabi ko sa sarili ko, tama na 'yon. Ayoko nang nakikitang umiiyak si Dette kahit pa paulit-ulit niya akong pinag-iisipan nang masama, kahit pa nagsinungaling siya sa akin noon.

Kaso, kahit pala pilitin kong magbago, hindi na kayang magtiwala ni Dette. Araw-araw, palala siya nang palala. Hanggang sa hindi ko na kinaya.

Bakit? Napupuno rin naman ako, ah. Hindi ako pinalaki ng nanay ko para bugbugin lang ng isang babae, para paghinalaan nang walang katuturan, para sumbatan nang paulit-ulit.

Birthday niya ngayon, oo. Pero sapat bang dahilan 'yon para sumabog siya sa galit? Muntikan niya na akong tuhugin ng hairstick niya kanina, ah! Sumusobra na siya, tangina!

Kakababa ko pa lang ng tricycle at tinanaw ko na kaagad ang bahay namin sa loob ng gate.

Ilang buwan ba akong nawala? Tatlo? Apat? Hindi ko na matandaan. Na-miss ko ang pamilya ko at wala akong ibang uuwian kung hindi sila lang. Kasi pamilya ko sila, sila lang ang tatanggap sa akin kahit nagkamali ako.

Hindi naka-lock ang gate kaya malaya ko iyong nabuksan. Nakabukas pa rin ang ilaw sa loob ng bahay kahit malapit nang mag-alas dose ng madaling araw kaya napakunot ang noo ko.

Humakbang ako papasok pero nakarinig ako ng isang malakas na palahaw. Palahaw ni Mama at ni Gia.

Nabitawan ko ang bag ko at nagmadaling maglakad papunta sa pinto pero hindi pa man ako nakakarating ay lumabas na ang kapatid kong si Gian, tumatakbo habang hinahabol ni Papa.

"Tama na, Pa! Tama na!" umiiyak na sigaw ni Gian, pero natigilan siya nang makita ako.

"N-Nong?!" Nanlaki ang mga mata niya. "Nong!" Sinugod niya ako ng yakap. "Nong, tulungan mo 'ko! G-Gusto akong saktan ni Papa! Tulungan mo 'ko, Nong!"

"Bakit, ano bang nangyayari?!" tarantang tanong ko dahil nakita kong putok ang labi niya.

Sasagot sana siya pero narinig ko ang malakas na sigaw ni Papa mula sa pinto.

"Bumalik ka dito, Gian!" malakas at galit na galit na sigaw ni Papa.

"Papa, tama na po!" Hinawakan siya ni Gia sa braso para pigilang sugurin si Gian.

"Tumigil ka na! Papatayin mo ba ang anak mo, ha?!" asik ni Mama kay Papa na nakaharang sa harap niya.

"Pa!" sigaw ko, dahilan para mapatingin siya sa'kin, gano'n din si Mama at si Gia.

Napaawang ang bibig ni Mama at Gia habang nanlalaki ang mga mata. Tinapunan naman ako ng masamang tingin ni Papa.

"Ano bang nangyayari? Bakit sinasaktan niyo si Gian?!" tanong ko.

Ramdam ko ang panginginig ng buong katawan ni Gian habang nakayakap siya sa'kin. Sobrang higpit ng pagkakahawak niya sa damit ko at halos mapunit na iyon.

"Ano, magsalita kayo! Dahil ba umalis ako sa bahay na 'to ay si Gian naman ang gagawin niyong punching bag?! Akala ko ba paborito mo 'to?! Bakit mo sinasaktan ang anak mo, Pa?!"

Siguro ay dala na rin ng kinikimkim kong galit kay Papa kaya may lakas ako ng loob na sigawan siya nang ganito. Idagdag pa na alam kong may kabit siya kaya sumabog na rin ako sa galit.

"Wala akong anak na bakla!" nanlilisik ang mga matang sigaw ni Papa.

Napatulala ako sa sinabi niya at napatingin kay Gian na umiiyak habang nakatago sa likod ko.

"A-Alam niya na, nong,"  nanginginig ang boses na sambit niya. Bakas sa mga mata niya ang takot.

"Nakita ko 'yan!" asik ni Papa kaya napatingin ulit ako sa kaniya. "Kaya pala hindi pa umuuwi kasi may kalandiang lalake sa kalye!"

"Hindi kami naglalandian, Pa!" angil ni Gian. "Nakaakbay lang sa'kin 'yung tao—"

"Gano'n na rin 'yon!" putol ni Papa. "Junior pa man din kita tapos tagilid ka rin pala?! Lumayas ka sa bahay na 'to! Wala akong anak na bakla!"

"Hindi niyo siya paaalisin, Pa!" matapang na sabi ko. "Ano naman ngayon kung bakla siya?! Anak mo siya kaya dapat ikaw ang unang nakakaintindi!"

"K-Kuya," tinawag ako ni Gia. "Bakit hindi ka nagulat na bakla si Kuya Gian? A-Alam mo na ba dati pa?"

Natahimik ako at nagbaba ng tingin. Oo, matagal ko nang alam. Inamin sa'kin ni Gian nang minsan ko siyang mahuli naglalagay ng liptint. Hindi siya natakot sabihin sa'kin ang totoo dahil alam niyang maiintindihan ko siya. Pero kay Papa? Alam niyang magagalit ito katulad na lang ngayon. Halos patayin siya ni Papa sa bugbog.

"Oo, matagal ko nang alam," pag-amin ko. "Ano ngayon kung bakla siya?"

Bigla akong sinugod ni Papa at hinawakan ang damit ko. Kitang-kita ko ngayon ang galit sa mga mata niya.

"Hindi ka na kasali sa pamilyang 'to, kaya huwag kang makikialam!" singhal niya sa'kin. Hinablot niya ang braso ni Gian pero hinarang ko ang sarili ko.

"Tama na!" sigaw ni Mama at pilit inaawat si Papa.

Malakas si Papa kaya nahirapan akong ilayo siya kay Gian. Nahablot niya si Gian at akmang susuntukin pero niyakap ko siya mula sa likod at buong lakas na hinila pahiga sa lupa. Gumulong kaming dalawa ni Papa sa lupa at ako ang unang tumayo.

"Pumasok ka na do'n sa loob!" utos ko kay Gian.

Mabilis naman siyang sumunod. Lumakas ang iyak ni Mama at Gia nang makitang ako naman ang susugurin ni Papa.

"Papa, tama na! Tama na!" umiiyak na sigaw ni Gia at saka ako niyakap para hindi ako masaktan ni Papa. "Huwag mo nang saktan ang mga kuya ko!"

"Hindi mo kuya 'yan! Umalis ka diyan, Gia!" asik ni Papa.

Parang lasing na naglakad siya palapit at pilit pinapaalis si Gia mula sa pagkakayakap sa'kin.

"Ano ba! Nasasaktan ang anak mo!" Itinulak ni Mama si Papa at humarang na rin sa amin. "Hindi ka ba titigil, ha?! Wala ka bang sinasanto kahit sino sa mga anak mo?!"

"Hayaan mong disiplinahin ko ang anak mo!" asik ni Papa.

"Hindi na disiplina ang ginagawa mo lalo na kay Gian!"

"Naglihim sa atin si Gian!" giit ni Papa. "Magulang niya tayo pero itinago niya sa'tin ang totoo!"

"Dahil alam niyang ganito ang magiging reaksyon mo! Punyemas naman, Gian! Halos patayin mo na siya kanina sa kakabugbog mo!"

"Ang lakas ng loob mong magalit dahil naglihim si Gian sa'yo," matigas na sambit ko kay Papa kaya napatingin siya sa'kin. "Samantalang mas malala pa nga ang lihim mo kaysa sa pagiging bakla ni Gian."

Napatingin sa akin si Mama at si Gia, nakaawang ang mga bibig at bakas ang pagkalito sa mga mukha.

"Anong sinasabi mo?!" asik ni Papa sa akin.

Naglapat ang mga labi ko, nagpipigil na paliparin ang kamao ko sa mukha ni Papa. Hindi ko na dapat sasabihin 'to pero karapatan ni Mama at ng mga kapatid ko na malaman ang totoo.

"Ano, Pa? Maang-maangan ka?" Tumawa ako nang sarkastiko. "Barangay Nwebe. Babaeng kasing edad ko lang, 'di ba?"

"Gericho, ano bang sinasabi mo?!" umiiyak na tanong ni Mama, litong-lito na.

"Bakit hindi mo tanungin si Papa?" hamon ko kay Mama. "Sa kaniya dapat manggaling ang totoo, Ma."

"Gian!" baling ni Mama kay Papa. "Anong sinasabi ni Gericho?!"

Nagbaba ng tingin si Papa habang nakakuyom ang mga kamao.

"Magsalita ka!" Hinampas ni Mama sa dibdib si Papa.

"Oo! May babae ako, matagal na!" pag-amin ni Papa. "At madami sila!"

Nagkuyom ang mga kamao ko at kumawala ako sa pagkakayakap ni Gia. Namalayan ko na lang na nasubsob si Papa sa lupa dahil sa pagsuntok ko sa kaniya. Matagal ko nang gustong gawin 'yon kahit noong nakita ko siyang may kasamang babae.

Oo, hindi ako perpekto. Oo, babaero ako. Pero hindi ko matatanggap kapag ang nanay ko na ang apektado. Tangina, makakapatay ako!

"Niloko mo ang mama ko!" bulyaw ko kay Papa kahit hindi pa siya nakakatayo. "Ngayon mo 'ko disiplinahin, Pa! Ngayon mo ako sumbatan na wala akong ginawang tama! Isa ka rin pala, eh! Ginago mo si Mama! Ginago mo!"

Wala akong ibang narinig kung hindi ang malakas na pag-iyak ni Mama at Gia. Dahan-dahang tumayo si Papa habang masama ang tingin sa akin. Pumutok pala ang gilid ng labi niya dahil sa ginawa ko.

"Wala kang alam," anas niya habang nakatingin sa akin. "Bakit hindi mo rin tanungin ang mama mo kung bakit ko nagawa 'yon?"

Natigilan ako at napalingon kay Mama na nakayuko habang umiiyak.

"Ano, aminin mo sa anak mo!" asik ni Papa kay Mama.

"Ano na naman 'to?!" Napahawak ako sa ulo ko bago binalingan si Mama. "Ma, anong sinasabi ni Papa?!"

"Naunang kumabit ang nanay mo sa ibang lalake!" sambit ni Papa, dahilan para manlaki ang mga mata ko at mapabalik ang tingin ko sa kaniya. "At alam mo ba kung sinong naging kabit niya?!"

"S-Sino?!" tanong ko habang walang awat sa pagkabog nang malakas ang dibdib ko. "Sino, Pa?!"

"Ang Tito Marlo mo," halos pabulong na sagot niya at saka nagbaba ng tingin.

Ang tinutukoy ni Papa ay ang kakambal niya na namatay noong isang taon pa lang ako dahil sa sakit na Diabetes.

Napakunot ang noo ko. "Pero matagal nang patay si Tito Marlo—"

"Wala pa kaming anak ng nanay mo nang kumabit siya sa kapatid ko." Mapait na ngumiti si Papa at nag-angat ng tingin sa akin. "Ngayon mo isipin kung bakit palaging mainit ang ulo ko sa'yo—"

"Gian, huwag!" pigil ni Mama kay Papa habang umiiyak. "Huwag, please! Parang awa mo na!"

Putangina, ano bang nangyayari?!

"Kailangan niyang malaman!" asik ni Papa bago ako binalingan ulit.

Pakiramdam ko ay natuod na ako sa kinatatayuan ko habang dinadama ang malakas na pagkabog ng dibdib ko. Malakas ang pakiramdam ko na may itinatago sila sa'kin.

"Araw-araw kong tiniis na makita ka," sambit ni Papa habang nakatingin sa mga mata ko. "Tuwing nakikita kita, naaalala ko ang ginawang panloloko sa'kin ng Mama mo at ni Marlo!"

"Gian!" Sinubukan pa rin ni Mama na pigilan si Papa sa pagsasalita pero hindi man lang siya tinapunan ng tingin nito.

"Hindi kita anak," puno ng pait na sambit ni Papa na siyang dumurog sa puso ko. "Anak ka ng nanay mo sa pagkakamali. Pamangkin kita at hindi kita anak!"

Pakiramdam ko ay tinakasan ako ng lakas dahil sa rebelasyong sinabi ni Papa. Namalayan ko na lang na nakaluhod na ako sa lupa habang tahimik na dumadaloy ang mga luha sa mga mata ko.

Kaya pala. Kaya pala kahit kamukha ko si Papa, pakiramdam ko ay hindi niya ako anak. Kaya pala palaging mainit ang ulo niya sa'kin. Kaya pala mas mahal niya si Gian at Gia kasi silang dalawa lang ang anak niya. Kaya pala pakiramdam ko ay hindi ako kabilang sa pamilyang 'to kasi bunga ako ng pagkakamali ni Mama at ni Tito Marlo...ng totoo kong ama.

Nasagot na ang lahat ng katanungan sa isip ko kung bakit gano'n si Papa sa'kin...pero durog na durog naman ang puso ko ngayon. At hindi ko na alam kung mabubuo pa ito ulit.

Umuwi ako para magpahinga sa sakit, pero mas masakit pa pala ang madadatnan ko sa bahay na 'to.

Tangina.



To be continued...

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top