23. THINKERS ARE DOERS
|23. Thinkers are doers|
Gericho "Echo" Escobar
Ang sabi ko kay Dette, magbabago na ako. Hindi ko na siya lolokohin, hindi na ako lalandi ng ibang babae at hindi na ako makikipag-chat.
Noong sinabi ko 'yon, alam ko sa sarili ko na mahihirapan ako. Pero sabi ko, kapag hindi ako nagbago, baka tuluyan nang mawala si Dette sa'kin.
Gusto kong magbago. Pinipilit ko naman, eh. Umiwas ako sa mga babae kahit minsan ay hindi ko talaga maiwasan na mapatingin, pero hanggang doon lang talaga. Kaya nga naging okay ulit ang relasyon naming dalawa ni Dette pagkatapos ng lahat ng nangyari.
Sa bawat araw na lumilipas, nagiging masaya ako kasama siya. Ginawa ko ang lahat para maibalik ko ang totoong ngiti niya. Pero may isang bagay ang hindi na yata kayang maibalik pagkatapos ng isang pagkakamali.
"Magpa-check up ka kaya sa OB, Mahal," sabi ko habang nagbibihis ako ng pangtrabaho.
Napapansin ko kasi na pumapayat siya. Masustansya naman ang mga pinapakain ko sa kaniya saka madalas ko pa siyang ibili ng mga prutas. Pati nga gatas ibinibili ko siya, eh.
"Hindi na kailangan, okay lang naman ako," sabi niya habang busy sa panonood ng YouTube sa phone niya at nakadapa sa kama.
"Kailangan pa rin natin makasiguro," pagpupumilit ko.
"Sige, sa Friday. Magpapasama ako kay Mccoy. Wala raw siyang pasok."
Nagsalubong ang mga kilay ko nang marinig ang sinabi niya.
"Bakit kay Mccoy pa? Siya ba ang tatay ng pinagbubuntis mo?"
Nakita ko sa gilid ng mata ko na nilingon niya ako nang salubong rin ang mga kilay.
"Anong klaseng tanong 'yan?"
"Bakit kay Mccoy ka magpapasama?"
"Alangan naman sa'yo, may trabaho ka, 'di ba?" Pasiring niyang inalis ang tingin sa akin at nagpatuloy sa panonood.
Napabuga ako ng hangin. "Mula nang mag-away tayo, naging close na talaga kayo ni Mccoy, 'no?" Tumawa ako nang sarkastiko. "Nagkuhaan pa talaga kayo ng number."
Binitawan ni Dette ang phone niya at bumangon para harapin ako. Napatigil tuloy ako sa paglalagay ng sapatos at napatingin sa kaniya.
"Atleast hindi kami naglalandian." Inirapan niya 'ko. "Kung ano-ano iniisip mo."
"May gusto sa'yo 'yon," giit ko.
"Huwag kang mag-alala, hindi naman ako katulad mo na mahilig makipaglandi," panunumbat niya kaya napailing ako.
"Kailangan mo ba talagang ibalik 'yang issue na 'yan?" nagpipigil na tanong ko. Ayokong mag-away kami.
"Sinasabi ko lang." Nagkibit-balikat siya. "Thinkers are doers, ika nga."
"Ano?" Tuluyan nang nangunot ang noo ko dahil sa inis. "Ang aga, Odette. Please lang, huwag kang magsimula."
"Ako pa talaga? Eh nananahimik kaya ako rito tapos pag-iisipan mo 'ko nang masama." Umirap ulit siya. "Gagawa-gawa ka ng kalokohan tapos ayaw mong masumbatan."
"Nagbabago na nga, 'di ba? Bakit kailangan mo pa ibalik 'yon? Problema sa'yo hindi ka maka-move on."
"Ewan ko sa'yo. Sige na. Umalis ka na." Dumapa na siya ulit sa kama at pinagpatuloy ang panonood niya.
Napailing na lang ako at umalis nang masama ang loob.
Bakit ba siya gano'n? Isang linggo na ang lumipas tapos hindi niya pa rin nakakalimutan 'yon?
"Nakasimangot ka?" usisa ni Ricky habang naglalakad na kami papunta sa site.
"Si Dette kasi," nakasimangot na reklamo ko. "Alam mo 'yung tipong wala ka namang ginagawang masama tapos bigla siyang manunumbat? Nakakaumay!"
Tumawa siya at tinapik ang balikat ko. "Ginawa mo 'yan, eh. Magtiis ka."
"Nagsalita ang matino dito." Sinamaan ko siya ng tingin.
"At least hindi na ako nagpapahuli kay Genna," proud na sabi niya. "Eh, ikaw? Bagong-buhay ka na ba talaga?"
"Oo," mabilis kong sagot. Totoo naman, pinipilit ko na nga magbago.
"Sus! Kaya pala hindi mo na pinapansin si Mona," pang-aasar niya.
"Ayoko na ng gulo."
"Sino pa ba? Ah, si Olivia! Iyong tindera sa tapat ng site! Hindi mo na raw siya pinapansin sabi niya sa'kin kahapon! Tapos ni-block mo pa raw number niya!"
"Ayoko na nga kasi ng gulo. Kulit ng kulangot mo!" inis na sabi ko.
Napailing siya. "Naku, maniwala ka. Kahit magbago ka, paulit-ulit ka pa ring pagdududahan ni Dette. Pustahan tayo. Parang si Genna lang 'yan noong nagtino ako. Puro na siya tamang-hinala sa'kin hanggang sa hawakan niya na ako sa leeg ko. Iyong tipong bawat kilos mo, dapat alam niya. Kokontrolin ka niyan—"
"Hindi ako magiging ander katulad mo, ulol!" Binatukan ko siya. "Bilisan mo na diyan maglakad!" Binilisan ko na ang paglalakad ko.
Hindi madaling magtrabaho sa construction lalo pa't tirik na tirik ang araw. Tapos sasabayan pa ng mga kupal mong kasamahan sa trabaho na akala mo maraming alam.
Nagsuntukan kami ng isa kong katrabaho. Dahil sa pangingialam niya ay nasira ang ginagawa ko.
"Malmal!" asik ko pagkatapos kaming awatin ni Ricky at ng iba pa naming kasama.
"Tumigil na kayo. Baka matanggal kayo sa trabaho kapag nakita kayo ni Architect," saway ng isang kasama namin.
Napailing na lang ako nang makita ko ang cellphone ko na basag-basag na ngayon. Iti-text ko sana si Dette kanina para kamustahin siya. Kaya lang bigla akong tinulak ng kupal kong kasama at nakipagsuntukan na nga. Hindi niya matanggap na sinigawan ko siya kanina, eh. Nagkabasag-basag tuloy ang cellphone ko.
Nagkaroon kami ng overtime sa unang pagkakataon dahil may kailangan kaming tapusin. Nanlumo ako dahil hindi ko mati-text si Dette. Baka mag-alala 'yon dahil hindi siya sanay na hindi ako umuuwi nang alas-cinco.
"P're, pa-text nga," sabi ko kay Ricky.
"Lowbat, p're. Nag-ML ako kaninang lunch break, 'di ba?"
Napakamot na lang ako sa ulo ko. 'Di bale na nga. Magpapaliwanag na lang ako mamaya kay Dette pag-uwi.
Alas-dies ng gabi ang out namin kaya pagod na pagod ang buong katawan ko at sinabayan pa ng gutom. Pero pag-uwi ko ay isang flying kick ang sumalubong sa'kin. Plakda ako sa sahig habang hawak ang nasaktan kong panga.
"Umuwi ka pa! Umuwi ka pa talaga!" singhal sa akin ni Dette.
Pulang-pula ang buong mukha niya dahil sa galit habang ako ay namimilipit sa sakit. Ang sakit ng ginawa niya!
"T-Teka lang!" Itinaas ko ang mga kamay ko nang akmang susugurin niya ulit ako.
Anak ng pucha, hindi pa nga ako nakakatayo, eh!
"Magpapaliwanag ako!"
"Nambabae ka na naman ba? At ano? Nakipaglandian ka? Ano, sumagot ka!"
"N-Nag-overtime kami, Mahal!" nanginginig na paliwanag ko.
Hindi ko alam kung bakit nanginginig ako sa takot. Siguro dahil nanlilisik ang mga mata niya habang nakatingin sa akin tapos ang bigat pa ng kamay niya. Halatang mahilig mag-volleyball!
"Overtime?! Bakit hindi mo sinabi sa'kin?! May cellphone ka!"
"M-Mayroon nga! P-Pero nabasag kanina!"
"Ang dami mong dahilan! Lumulusot ka pa, eh!" Tuluyan niya na akong sinugod at pinagsusuntok sa dibdib. "Nakakainis ka! Nakakabwesit ka!"
"S-Sorry na! Tama na, hindi ako lalaban!"
Tangina, wala akong laban! Alangan naman patulan ko siya! Kahit kailan wala akong balak na padapuin ang kamay ko sa pisngi niya! Mahal na mahal ko 'to, eh!
"Sorry na!" Niyakap ko siya nang mahigpit at sinubukang pakalmahin.
Lesson learned: Huwag gagalitin si Dette, nananakit!
Seryoso! Ang sakit ng mga suntok niya, tiniiis ko na lang dahil may mali rin naman ako. Dapat gumawa ako ng paraan kanina para ma-text ko siya.
Nang kumalma siya ay kumalas siya sa pagkakayakap ko at pumasok ng kwarto niya.
"Kumain ka diyan!" paasik na sabi niya.
"O-Oo!"
Inayos ko ang sarili ko.
Nagbihis ako bago kumain. Inaya ko siya pero kumain na raw siya kaya hinayaan ko na lang siya na matulog.
"Wow..."
Napangiti ako nang makitang nagluto pala siya ng ulam. Paborito ko pa talagang Sinigang. Bukas ko na siya tatanungin kung saan siya natutong magluto. Ginanahan tuloy akong kumain lalo na nang matikman ko 'yon. Masarap. Pwede na.
Malapit ko nang maubos ang nasa plato ko nang makita kong lumabas ng kwarto si Dette, nakanguso at parang maiiyak na. Pagtingin ko sa kamay niya ay nakita kong hawak niya ang basag-basag kong cellphone. Nakita niya yata iyon sa loob ng bag ko.
"Mahal..." Ngumuso siya lalo.
Inubos ko muna ang natitira kong pagkain sa plato bago ko siya nilapitan.
"Bakit, Mahal?" nag-aalalang tanong ko at hinawakan ang magkabila niyang pisngi.
Nataranta ako nang bigla siyang umiyak at may nginig factor pa.
"S-Sorry..." Pumiyok ang boses niya "H-Hindi kaagad ako naniwala sa'yo. Nakita ko 'to sa bag mo." Pinakita niya ang cellphone ko. "Sorry, nagpadala ako sa emosyon ko. S-Sorry talaga, nasaktan kita. S-Sorry..."
"Shh," alo ko. "Okay lang. Huwag ka na umiyak."
Umiling siya at niyakap ako sa dibdib ko at doon siya umiyak nang umiyak.
"Sorry kung ganito ang ugali ko, Mahal. Mahal na mahal lang talaga kita kaya ako nagkakaganito. Ayokong mawala ka, ayokong maagaw ka sa'kin ng iba. Sorry... Sorry talaga.."
Paulit-ulit ko lang na hinahaplos ang buhok niya habang nakikinig.
Tumingala siya sa'kin habang basang-basa ang pisngi ng mga luha.
"Hindi mo naman ako iiwan, 'di ba? Hindi mo naman ako susukuan nang dahil sa ugali ko?"
"Hindi mangyayari 'yon." Ngumiti ako sa kaniya. "Ako nga na nagloko, hindi mo ako sinukuan, eh. Kaya kong tiisin ang topak mo."
Hinampas niya ang dibdib ko kaya natawa lang ako. Pero medyo masakit 'yung pagkakahampas niya. Muntik na tuloy akong mapaubo.
"Sorry, ha? Sinusubukan ko naman na magtiwala ulit sa'yo, eh. Hindi ko lang talaga maiwasan—"
Pinatahimik ko na siya gamit ang labi ko. Pinaramdaman ko sa halik na 'yon ang pagmamahal ko para sa kaniya, sapat para hindi niya isipin na iiwan ko siya dahil sa ugali niya.
Nang humalik siya pabalik ay hinatak ko na siya papasok ng kwarto habang hindi binibitawan ang labi niya.
Dumaan pa ang mga araw. Umasa ako na babawasan ni Dette ang pagiging tamang-hinala niya sa'kin.
Pero nagkamali ako! Mas lumala pa yata siya pagkatapos naming mag-away ng gabing 'yon!
Dahil wala na 'kong cellphone, hirap kami ni Dette na magkaroon ng komunikasyon kapag nasa trabaho ako.
May isang beses na nag-aya si Architect na pumunta kami ng bahay niya sa Barangay Dies dahil birthday niya raw. Wala sanang problema 'yon dahil sinabihan ko si Ricky na sabihin kay Dette na mali-late ako ng uwi. Hindi kasi siya sumama dahil masama raw ang pakiramdam niya.
Kaso, ang kumag, nakalimutang sabihan si Dette. Kaya naman pag-uwi ko ng apartment, isang lumilipad na plato ang sumalubong sa'kin. Mabuti na lang at sa gilid ko lang iyon tumama at dumiretso sa pader.
"Anong ipapaliwanag mo ngayon, ha?! Overtime?! Putangina, Echo! Alas dose na ng madaling araw!"
"M-Mahal..." Sinubukan ko siyang lapitan pero may hawak pa pala siya na isa pang plato at inamba niya 'yon sa'kin. "Mahal, sandali! Magpapaliwanag ako!"
"Ano na naman, ha?! Ano na naman?!" Pinagsusuntok niya ako sa dibdib at hinarang ko naman ang mga braso ko. "At talagang uminom ka pa?! Saan ka galing?! Sa bar?! Doon ka ba nambabae?! Tangina naman, Echo!"
Dahil may tama na ako ng alak ay nawalan ako ng balanse sa kakasuntok niya sa dibdib ko. Napaupo ako sa sahig pero hindi niya pa rin ako tinigilan.
"Hindi ako nambabae, ano ba!" sigaw ko, dahilan para matigilan siya. "Birthday ni Architect kaya nagpainom siya sa bahay nila! Puro kami mga barako doon, Mahal!"
"Kung totoo 'yan, bakit naunang umuwi sa'yo si Ricky?! Nakita ko siyang dumating!"
"Dahil masama ang pakiramdam niya! Nagbilin pa nga ako sa kaniya na sabihan ka niyang mali-late ako ng uwi!" paliwanag ko.
Tangina, hilong-hilo na 'ko pero mabuti na lang at naipaliwanag ko pa rin nang maayos sa kaniya.
"Paano ako maniniwala sa'yo?!"
Napasabunot na lang ako sa buhok ko.
Napupuno rin ako, tangina!
"Bahala ka kung ayaw mong maniwala! Nagpapakatino na ako para sa'yo tapos gaganituhin mo 'ko?! Sumusobra ka na, ah!"
Napamaang siya sa sinabi ko pero hindi ako nagpatinag sa kaniya. Dala na rin siguro ng kalasingan kaya ko siya nasagot nang ganito. Pero hindi naman pwedeng hayaan ko lang siya na itrato akong parang ander niya. Puro siya tamang-hinala. Nakakaumay na.
Hindi ko na siya hinintay na makasagot at tumayo na ako. Pumasok ako ng kwarto at kaagad na nagbihis. Nagsepilyo rin ako kahit hilong-hilo na ako dala ng kalasingan. Nang matapos ay nadatnan ko siya sa kama na nakaupo at umiiyak.
"Iniiyak-iyak mo diyan?" inis na tanong ko. Nakakairita lang.
"N-Nagbago ka na," umiiyak na sambit niya habang nakayuko.
Bumuntong-hininga ako sabay hilot sa sentido ko. "Hindi ako nagbago. Ayoko lang na masanay ka sa ganyan. Puro ka tamang-hinala, eh. Uso magtanong at maniwala."
Humiga na ako sa kama at tumalikod sa direksyon niya. Ayoko na siyang kausapin. Hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako.
***
Linggo kinabukasan kaya sinadya ko na tanghali gumising. Masakit ang ulo ko gawa ng hangover kaya napamura na lang ako.
Uminat ako nang kaunti. Pagtingin ko sa katabi ko ay nakita kong nakaupo si Dette sa gilid ng kama habang panay ang pagsuntok nang mahina sa batok niya.
"Anong nangyari sa'yo?" tanong ko at saka bumangon at sinilip ang mukha niya.
Namumula ang buong mukha niya pati ang mga mata niya, mukhang paiyak niya. Nataranta kaagad ako.
"Bakit?"
"Masakit lang," matipid na sagot niya sabay singhot.
"Ano ka, highblood? Ang bata mo pa," pabirong sabi ko.
"Hindi ka nakakatawa." Inirapan niya ako.
Hindi na lang ako umimik. Alam ko naman na badtrip siya sa'kin dahil sa nangyari kagabi. Ako rin naman, badtrip ako sa kaniya.
Paglabas ko ng kwarto ay nakarinig kaagad ako ng ingay mula sa apartment nila Ricky. Lumabas ako at nakita kong may mga babae sa may pinto at kausap si Genna. Nakasuot siya ng maikling dress na hindi abot ng tuhod at nakaayos rin ang buhok niya sa ponytail.
"Uy, p're!" Tinawag ako ni Ricky na ngayon ay sobrang pormado rin. Nakasuot siya ng kulay gray na polo shirt at itim na pantalon.
"Anong meron?" usisa ko.
Nakita kong pumasok na sa loob 'yung mga babaeng kausap ni Genna.
"Birthday ni Piyang! Punta kayo sa loob, nagluto si Genna ng handa!"
"Sinong Piyang?!" Kumunot kaagad ang noo ko.
"Iyong anak ko, sira!" Binatukan niya ako kaya binatukan ko rin siya pero binatukan niya ulit ako. Para kaming tanga.
"Gago, bakit wala kang sinabi kahapon?!"
"Masama pakiramdam ko, eh! At saka nakalimutan ko rin!"
"Maiba nga..." Inakbayan ko siya pero siniguro ko na masasakal siya sa sobrang higpit niyon. "Bakit hindi mo sinabi kay Dette na nasa birthday ako ni Architect kahapon? Alam mo nangyari? Binato niya ako ng plato pag-uwi ko."
Bumulanghit siya ng tawa dahil sa sinabi ko kaya binitawan ko siya.
"Hayop na 'yan. Iyon pala narinig ko kagabi na ingay." Tumawa ulit siya nang malakas. "Pero maswerte ka pa rin kasi plato lang ang pinapalipad sa'yo, hindi kaldero o kawali. Naku! Mahirap ilagan 'yon!"
"Ulol ka!"
"Punta kayo ni Dette sa loob, may mga darating din na kaibigan ko. Tagay tayo mamaya."
"Pucha, tagay na naman? May hangover pa 'ko!" reklamo ko.
"Sige na. Birthday naman ng anak ko, eh. Pagbigyan mo na 'ko."
"Wala akong pangregalo. Nag-iipon ako para sa panganganak ni Dette."
"Hindi na kailangan!" Napatingin siya sa likod ko kaya napalingon ako.
Nakatayo si Dette sa may pintuan at salubong ang mga kilay habang nakatingin sa akin.
"Dette! Punta kayo sa loob! Birthday ng anak ko! Hindi ka naman iinom, eh! Kakain lang!" nakangiting baling ni Ricky sa kaniya.
Ngumiti lang nang tipid si Dette. "Sorry. Masama kasi pakiramdam ko, eh."
Napangiwi na lang si Ricky. "Okay. Si Echo na lang! Hiramin ko muna siya mamaya, ha?! Sige!" Umalis na siya sa harap namin at pumasok na sa apartment nila.
"Pupunta ka?" Tinaasan ako ni Dette ng kilay.
"Oo, kung papayagan mo." Pumasok na ako sa loob at nilampasan siya.
"Pumunta ka," sabi niya bago pumasok ulit ng kwarto. Sinundan ko na lang siya ng tingin.
"Alam ko naman na hindi talaga masama pakiramdam mo," sabi ko nang pumasok ulit ako ng kwarto. Nadatnan ko siya na nakahiga ulit sa kama. "Ayaw mo lang talaga na makisama."
"Pumunta ka kung gusto mo, huwag mo na 'kong pakialaman," malamig na tugon niya kaya napailing na lang ako.
Ipinagluto ko muna siya ng itlog para kumain na lang siya mamaya ng almusal. Pagkatapos ay naligo na ako at nagbihis ng itim na pantalon at isang puting t-shirt na may designer brand. Hindi na ako pumorma masyado dahil sa kabila lang naman at wala naman doon si Dette.
"Punta muna 'ko do'n," paalam ko kay Dette pero hindi siya sumagot kaya hinayaan ko na lang.
Pagpasok ko sa loob ay pinakain ako nina Ricky at Genna. Walang mga balloons sa paligid pero maraming nakahain na pagkain sa malaking mesa sa harap habang nasa gitna ang maliit na cake at may nakatusok na number 1 na kandila.
Hindi ko tuloy maiwasang isipin na kapag nanganak na si Dette at nag-birthday ang anak namin ay maghahanda rin kami nang ganito kahit simple lang.
Pinakilala rin ako ni Ricky sa mga lalakeng kaibigan niya noong high school, ganoon din si Genna pero medyo umiwas ako kasi mga babae 'yon. Baka mamaya bigla akong sugurin ni Dette dito.
Karamihan sa mga kaibigan nila ay may mga anak na maliliit kaya nawili ako sa pakikipagkulitan sa kanila hanggang sa kumanta na kami ng Happy Birthday song para kay Piyang.
Ang cute ni Piyang dahil nakasuot siya ng kulay pink na dress pero umiyak siya nang hinipan na ni Genna ang kandila.
Nang dumating ang hapon ay nagsiuwian na ang mga babaeng bisita nila Ricky at natira na lang kaming mga lalake para tumagay. Nagliligpit na si Genna ng mga kalat at tulog na rin si Piyang kaya nagsimula na kaming tumagay.
"Kumain na ba si Dette?" tanong ni Genna sa' kin habang naghuhugas siya ng mga pinggan sa lababo.
"Pucha..."
Napamura kaagad ako dahil ngayon ko lang naalala na wala pala akong iniwan na pagkain niya para sa tanghalian. Alas tres na ng hapon! Yari ako! Nalibang ako masyado dito!
Tumayo kaagad ako at pupuntahan ko sana si Dette pero hindi pa man ako nakakalabas nang sumalubong na sa'kin si Dette, galit na galit ang mukha.
"M-Mahal..." nauutal na sabi ko.
"Ano, dito mo na gustong tumira?!" asik niya habang nakapameywang.
Napatingin kaagad ako kay Genna, Ricky at sa mga kaibigan niya dahil sa hiya.
"Ano, nahihiya ka?!" asik ulit ni Dette.
Napabuntong-hininga ako at hinawakan ko ang braso niya para hatakin siya palabas pero pinalis niya ang kamay ko.
"Napakagaling mo rin, eh! Basta nag-eenjoy ka sa isang lugar, nakakalimutan mong may naghihintay sa'yo! Pinayagan na nga kitang pumunta dito kahit gusto kitang makasama! Linggo ngayon, eh! Dapat oras natin pero anong ginawa mo?! Inubos mo oras mo para dito!"
"Pwede ba, Dette?! Huwag dito! Nakakahiya!" halos pabulong na asik ko sa kaniya bago ko binalingan sila Ricky. "Pasensya na."
Hinatak ko ulit ang braso ni Dette at hindi na siya nakapalag dahil sa sobrang panggigigil ko. Nang makapasok kami ng apartment namin ay halos ibalya ko siya sa kama.
"Ano 'yon?!" bulyaw ko sa kaniya. "Kailangan talaga doon ka mag-eskandalo?! Sinasadya mo bang pahiyain ako?!"
"Wow!" Tumawa siya nang sarkastiko. "Ako dapat ang galit dito dahil kinalimutan mo 'ko—"
"Wala sa lugar 'yang galit mo!" Halos iduro ko na siya.
"At bakit? Iyong panloloko mo ba sa'kin ay nasa lugar?!" panunumbat niya. "Siguro kaya ka natagalan doon kasi enjoy na enjoy ka sa mga babaeng nakikita mo!"
"Putangina naman, Dette!" Halos masabunutan ko ang buhok ko sa sobrang gigil. "Ang punto ko lang naman dito ay sana ilugar mo 'yang galit mo! Pwede mo 'kong sigawan pero huwag naman sa harap nila! Hindi mo na 'ko binigyan ng respeto!"
"Bakit?! Ito bang relasyon natin ay binibigyan mo ng respeto?!" panunumbat niya ulit. "Linggo ngayon! It was supposed to be our day! Pero enjoy na enjoy ka sa kabila at kinalimutan mo 'ko!"
"Hindi ko kasalanan na ayaw mong makisama roon!"
"Ah..." Umawang ang bibig niya. "So, kasalanan ko pala lahat 'to?"
Napahawak ako sa noo ko. Ngali-ngali kong suntukin ang pader sa gilid ko pero nagpigil ako.
"Hindi mo naiintindihan, eh!"
"Ako ang hindi mo naiintindihan!" Nagsimulang mamula ang mga mata niya. "Ang gusto ko lang ay makasama kita ngayon! Gusto ko sa'kin naman ang atensyon mo buong maghapon dahil buong linggo ay nasa trabaho ka—"
"Putangina, hindi lang ikaw ang tao sa mundo, Odette!" Hindi ko na napigilan ang bibig ko. "Anong gusto mo? Hindi ako magtrabaho at buong araw lang akong magmukmok kasama ka?! Tapos anong mangyayari sa'tin?! Mamamatay sa gutom?! Iyon ba ang gusto mo?!"
Pero isang malutong na sampal ang sinagot niya. Pakiramdam ko ay namanhid ang pisngi ko at napabaling ako sa kanan.
Putangina, nakakarami na siya sa'kin, ah.
"Ikaw 'yung mundo ko, gago ka!" umiiyak na sigaw niya habang nakaduro sa mukha ko. "Sa'yo umiikot ang mundo ko pero balewala lang sa'yo 'yon!"
Dahil sa pinaghalong emosyon ko ay hindi ko na napigilan na hawakan nang mahigpit ang magkabila niyang braso. Napasinghap siya sa ginawa ko at napatitig siya mga mata kong nanlilisik.
"Alam mo, nakakasakal ka na, eh!" Abot-langit ang pagpipigil ko na huwag siyang saktan lalo't buntis siya. "Nakakapagod na 'yang pagtatamang-hinala mo! Pwede bang papaghingahin mo muna 'ko?! Nahihirapan din ako!" Binitawan ko na siya bago ko pa siya mapagbuhatan ng kamay.
Ilang segundo kaming nagtitigan habang habol ang parehong hininga. Tahimik siyang lumuluha habang ako naman ay hindi ko namalayan na umiiyak na rin pala ako. Pinahid ko 'yon gamit ang likod ng kamay ko bago ako naglakad palabas ng apartment.
Namalayan ko na lang na naglalakad ako sa gilid ng daan. Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Gusto kong huminga, gusto kong mapag-isa.
Bakit siya gano'n? Bakit sumbat siya nang sumbat sa mga nagawa kong mali dati?
Pakiramdam ko, bawat araw, pahigpit nang pahigpit ang pagkakahawak niya leeg ko. Masyado na siyang tamang-hinala, sadista, kuda nang kuda at madrama.
Kung alam ko lang ganito ang ugali niya, sana hindi ko na lang siya niligawan noon. Totoo pala talaga ang sabi ng iba na makikilala mo lang ang isang tao kapag nakasama mo na ito sa iisang bubong.
Sa halos isang buwan naming pagsasama ni Dette ay nakita ko kung gaano siya kalambing. Sobrang sweet at clingy niya pero hindi ko alam na may mga itinatago siyang ugali na hindi ko gusto.
Aminado ako na hindi ako perpekto pero marunong naman akong lumugar. Siguro ito ang napala ko dahil pumatol ako sa isang bata at immature. Mahal ko siya pero tangina, parang hindi ko kaya 'yung ganito.
Kaso magkakaanak kami, eh. Hindi ko siya pwedeng pabayaan.
Tangina, karma ko ba 'to? Kung karma ko 'to, sige lang. Pero sana bigyan naman ako ng pahinga kasi napapagod din ako.
Hindi ko na alam kung ilang minuto na akong naglalakad pero napatigil ako kaagad nang makita ko ang isang pamilyar na tricycle na tumigil sa harap ko. Sampung metro pa ang layo ng tricycle mula sa akin pero alam ko na kaagad kung kanino 'yon.
Tricycle ni Papa!
Bumaba mula sa tricycle si Papa at tinulungang makababa ang isang babaeng pasahero na sa tingin ko ay kaedad ko lang. Nakasuot ang babae ng itim na dress at tumatawa habang nagpapaalalay kay Papa.
Pero nanlaki ang mga mata ko nang makitang hinalikan niya sa labi ang papa ko!
Tangina. May kabit si Papa?!
To be continued...
Author's Note:
To all couples out there, I just want to remind you. Don't settle for this kind of relationship. Kung hindi niyo na kayang alisin ang pagiging toxic ng relasyon niyo, just let it go. Pero kung may pag-asa pa at willing kayong magbago para sa ikakabuti ng relasyon niyo, why not try to fix it, 'di ba?
Don't enter a relationship kung hindi ka pa matured enough. Masasaktan at masasaktan ka lang. Kaya sa mga teengagers na nagbabasa, sana maintindihan niyo ang point ng kwentong ito. Tenchu.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top