18. NAWALA LAHAT

|18. Nawala lahat|

Gericho "Echo" Escobar





Putangina. Buntis?

Sa sobrang gulat ko sa sinabi ni Dette ay paulit-ulit akong napamura sa isip ko.

Buntis?! Eh, isang beses lang may nangyari sa'min! Nakabuo kaagad?!

"Echo," naiiyak na untag ni Dette sa akin nang makitang napatulala lang ako. "Buntis ako. Magtanan na tayo. Ayoko na sa bahay, ayoko nang mag-aral."

"Paano naman ang pag-aaral ko, Mahal?" tanong ko, nanlulumo.

Wala 'to sa plano. Hindi naman ako gano'n kaseryoso sa kaniya pero hindi ko rin kaya na nakikita siyang nagkakaganito.

"Ano, tatalikuran mo 'ko?" May bahid ng hinanakit ang boses niya nang itanong iyon. Namumula na rin ang mga mata niya.

Napaiwas ako ng tingin at paulit-ulit na napamura sa isip. Kapag hindi ko siya pinanindigan, baka ipakulong ako ng Mama niya. Kapag naman nakipagtanan ako sa kaniya, matitigil ako sa pag-aaral!

Tangina, ano 'tong pinasok ko?

"S-Sigurado ka na ba na buntis ka talaga?" tanong ko.

"Of course!" giit niya. "Alam kong buntis ako dahil nararamdaman ko. Gumamit na rin ako ng pregnancy test noong Lunes at positive ang lumabas."

"Parakpatakan," anas ko bago ako napahawak sa batok ko.

Yari na 'ko.

"Buntis ka, Ate Dette?"

Marahas akong napalingon kay Gia na kanina pa pala nakikinig sa aming dalawa ni Dette. Nakasilip siya sa pinto ng kwarto niya.

"Gia! Anong ginagawa mo diyan?" Pinanlakihan ko siya ng mga mata.

"Totoo? Buntis si Ate Dette?" tanong niya ulit habang naglalakad palapit sa amin. "Magkakaroon na ako ng pamangkin?!"

"Shh! Huwag kang maingay baka marinig ka nila Papa—"

"Anong ingay 'yan?!"

Napamura na lang ulit ako nang makita ko si Papa na lumabas sa kwarto nila ni Mama, kasunod niyang lumabas si Mama na panay ang kusot ng mga mata.

Sabay kaming tumayo ni Dette nang naglakad palapit sa amin si Mama at Papa. Nakatingin sila parehas sa girlfriend ko, nagtataka kung bakit nandito siya ngayon.

"Bakit nandito 'to?" tanong ni Papa sa'kin habang nakaturo kay Dette.

"Mama! Papa! Buntis daw si Ate Dette!" masayang bulalas ni Gia. "May magiging pamangkin na 'ko!"

Putangina. Paano ba magpalamon sa lupa? Gia, kung hindi lang kita kapatid, tiniris na kita!

"Ano?" Nanlaki ang mga mata ni Mama at saka napatingin kay Dette na ngayon ay nakayuko na. "Buntis ka?"

Narinig ko ang mahinang hikbi ni Dette. "O-Opo."

"Tarantado talaga 'to, eh," pabulong na asik ni Papa, nanggigigil na suntukin ako. "Nakabuntis ka?!"

"P-Pa—" Hindi ko na natuloy ang sasabihin ko nang pinalipad niya ang kamao niya sa mukha ko. Plakda ako sa sahig.

"Ang yabang mo pa noong sinabi mong magpapatuloy ka sa pag-aaral pero mambubuntis ka rin naman pala!" Napailing siya. "Lumayas ka na dito!"

"Gian!" saway ni Mama at tinulungan akong makatayo.

Medyo nahilo ako sa sapak ni Papa pero nakatayo pa rin ako nang maayos habang hawak ni Mama ang braso ko.

"Kaya nang gumawa ng bata ng anak mo, kaya niya na ring bumuhay ng pamilya!" sigaw ni Papa kay Mama.

"Papa, bakit niyo palalayasin si Kuya Echo?!" Nagsimulang umiyak si Gia. "Pwede naman silang tumira dito ni Ate Dette, 'di ba?!"

"Anong gusto niyo? Patirahin 'yang dalawang 'yan dito? Tapos ano? Papakainin, palalamunin?! Hindi ako papayag! Ayoko ng pabigat sa bahay na 'to!"

"Saan mo gustong tumira sila Echo?!" tanong ni Mama kay Papa, naiiyak na rin. "Sa kalsada? Mga bata pa sila!"

"Mga bata na kaya nang gumawa ng bata!" giit ni Papa. "Alam nilang mali pero ginawa nila! Hindi ko kasalanan na malibog ang anak mo!"

"Hindi mo naiintindihan, Gian! Hindi pa nila kayang magbukod!"

"Sa tingin mo matututo 'yang anak mo sa ginawa niya kung tutulungan natin siya? Hindi! Kaya hayaan mo sila!"

"Huwag na po kayong mag-away," sabad ko dahilan para mapatingin silang apat sa akin. "Aalis na lang po ako dito. Bubukod kami ni Dette."

Wala naman akong magagawa kung ayaw ni Papa na nandito ako. At tama naman siya, ginawa ko 'to kaya dapat panindigan ko.

"Ililigpit ko lang po mga gamit ko," nakayukong sabi ko bago hinatak si Dette papasok ng kwarto ko.

Nang maisara ko ang pinto ay dumiretso ako sa closet at isa-isang nilabas ang mga gamit ko na importante at madalas kong gamitin.

Natigilan ako saglit nang makita ang Arnis stick ko na nakalagay sa holder at nakasabit sa likod ng pinto ng kwarto ko.

Nanikip ang dibdib ko pero umiling ako at pinagpatuloy ang pag-aayos ng mga gamit ko sa itim kong bag.

Narinig ko ang mga hikbi ni Dette mula sa likuran ko pero hindi ko siya pinansin. Gusto kong magalit sa kaniya pero anong karapatan ko? Ginalaw ko siya at kailangan ko siyang panindigan.

Nanghihinayang lang ako sa pag-aaral ko. Lahat ginawa ko para makapag-aral nang maayos, nagtrabaho pa nga ako sa Dreamy para lang matustusan ang mga gastusin ko sa school tapos ganito lang ang mangyayari? Mawawala lahat sa isang iglap lang.

Ang dami kong maiiwan. Ang mga kaklase ko sa Night Class na parang mga kapatid ko na. Si Tadeo, Hiroshin at Marife na matatalik kong kaibigan. Ang mga kapatid ko na si Gia at Gian. Si Mama na alam kong nahihirapan sa sitwasyon ko ngayon. Ang Dreamy na napamahal na rin sa'kin. Nawala lahat na parang bula nang dahil lang sa isang pagkakamali.

Nag-init ang mga mata ko nang makita ang uniform ko sa Henderson University na naka-hanger pa.

Bumuntong-hininga ako at tumingala para pigilan ang mapaluha.

Goodbye, Henderson. Goodbye Engineering.

"E-Echo," rinig kong tawag ni Dette.

Hindi ako sumagot dahil ayokong madamay siya sa galit na nararamdaman ko. Galit ako sa sarili ko dahil ginawa ko 'to. Wala na lahat ng pangarap ko dahil sa kagagawan ko.

Natigilan ako nang maramdaman kong niyakap ako ni Dette mula sa likuran. Ramdam ko na umiiyak siya kaya hinayaan ko lang siya.

"I-I'm sorry, hindi ko alam na aabot sa ganito..."

Bumuntong-hininga ulit ako at tinanggal ang mga kamay niya sa tiyan ko para humarap ako sa kaniya.

"Wala kang kasalanan."

"I'm sorry..." paulit-ulit na sambit niya habang umiiyak.

Hinawakan ko ang magkabila niyang pisngi at pinatakan ng halik ang labi niya.

"Magiging okay din tayo, Mahal," bulong ko sa kaniya. "Huwag kang mag-alala, may ipon naman ako. Para sana 'yon sa mga gastusin ko sa school pero gagamitin ko na lang 'yon sa pagbubukod natin."

Hindi siya sumagot at ibinaon ang mukha sa dibdib ko. Hinayaan ko lang siya habang masuyong hinahaplos ang buhok niya.

"Kuya..."

Bumukas ang pinto at pumasok si Gia. Basa ang pisngi niya ng mga luha.

"Kuya, huwag na kayong umalis," umiiyak na sabi niya.

Kumalas si Dette sa pagkakayakap sa akin at tumingin kay Gia. Ngumiti siya. "'Dadalaw kami dito, Gia. Huwag kang mag-alala."

"T-Talaga, Ate Dette? Basta promise mo sa'kin, huwag mong pababayaan ang kuya ko at ang magiging pamangkin ko, ha?"

Tumawa si Dette. "I promise."

Hinayaan ko lang silang dalawa na mag-usap at pinagpatuloy ko ang pag-impake ng mga gamit ko. Nang matapos ay iniwan ko muna silang dalawa sa kwarto ko at pinuntahan ko si Mama na umiiyak habang nakaupo sa sofa. Nasa pintuan naman si Papa at nakatalikod habang nakatanaw sa labas.

"Ma..." Umupo ako sa tabi niya kaya nag-angat siya ng tingin sa'kin.

Masakit sa'kin makita na umiiyak nang gano'n ang mama ko kaya umiwas kaagad ako ng tingin.

"A-Anak, bakit mo naman ginawa 'to?"

Suminghot ako. Nanginginig ang boses niya at mas nasasaktan ako.

"Hindi ko sinasadya, Ma. S-Sorry... S-Sorry talaga..."

"Tanggap kong nagkamali ka, anak..." Hinawakan niya ang mga kamay ko. "Kahit ilang beses kang magkamali, paulit-ulit kitang tatanggapin kasi anak kita, eh. Walang makapagbabago sa pagmamahal ko para sa inyong mga anak ko. Wala naman kasing ibang tatanggap sa inyo kundi kaming mga magulang niyo."

"Mama naman..." Bumuntong-hininga ako. "Ang drama, eh."

"Basta anak, kung kailangan mo ng tulong, uwi ka lang dito, ha?"

Hinawakan niya ang pisngi ko at saka ngumiti sa kabila ng mga luhang dumadaloy sa pisngi niya.

"S-Salamat, Ma..."

Pumiyok ang boses ko at hindi ko na napigilan ang pagluha ko. Niyakap ako ni Mama at saka siya humagulhol sa balikat ko.

Sinubukan kong pigilan ang pag-iyak ko pero putangina, ayaw magpaawat.

Okay lang naman sigurong umiyak kahit lalake, 'di ba? Wala naman si Tadeo dito para asarin ako.

Nang maalala ko ang kaibigan ko ay nanlumo ako lalo. Mukhang hindi na ako makakapag-paalam sa kanila ni Hiroshin at Marife.

Nang matapos ang pagdadrama namin ni Mama ay pinalabas ko na si Dette sa kwarto. Kausap ni Dette si Mama kaya hinayaan ko muna sila at nilapitan ko si Papa na nakatayo pa rin sa may pinto at nakatulala sa labas.

"Pa, alis na po kami."

Hindi siya sumagot. Hindi man lang siya lumingon sa'kin.

"S-Sorry, Pa..." Yumuko ako nang magsimula ulit na bumuhos ang mga luha sa mga mata ko. "S-Sorry kung hanggang ngayon, pabigat pa rin ako sa inyo. S-Sorry...Sorry talaga, Pa.."

"Umalis na kayo..." malamig ang boses na sabi niya.

Tumango na lang ako at pinunasan ang mga luha sa pisngi ko bago nilingon si Dette.

"Alis na tayo." Isinabit sa balikat ko ang bag ko. Binitbit ko na rin ang dalang bag ni Dette.

"Alis na po kami," sabi ni Dette kay Papa pero hindi man lang ito sumagot. "S-Sorry po sa lahat."

Narinig ko ang paglakas ng hagulhol ni Mama at ni Gia pero hindi ko na sila tiningnan pa. Nasasaktan ako na nakikita silang ganyan.

"Anong nangyayari dito?"

Napatingin kami sa pinto ng kwarto ni Gian. Nakatayo si Gian doon habang panay ang hikab. Nanlaki kaagad ang mga mata niya nang makitang nag-iiyakan si Mama at si Gia.

"May namatay ba? Bakit kayo umiiyak, Ma? Gia, ano 'to?" takang tanong niya sa amin. Nang makita niya si Dette ay napaawang ang bibig niya. "Princess of the swan!"

Walang umimik. Tahimik lang ako habang nakatingin sa kapatid ko. Nang mapatingin siya sa'kin ay bumaba ang tingin niya sa bitbit kong bag.

"Aalis ka, nong?" tanong niya at saka naglakad palapit sa'kin. "Saan ang punta? Travel? Sama 'ko!"

"Aalis na ang kuya mo, Gian," umiiyak na sambit ni Mama dahilan para matigilan si Gian at mapatitig sa'kin.

"Saan ka pupunta, nong?" seryosong tanong niya. "Iiwan mo na kami?"

Bumuntong-hininga ako at tinapik ko ang balikat niya. "Oo. Kaya mula ngayon, ikaw na ang magsisilbing panganay para kay Gia. Naiintindihan mo?"

Napakunot ang noo niya, walang maintindihan sa mga pinagsasabi ko.

"B-Bakit kailangan mong umalis? Ano bang nangyayari? Ma? Pa? Gia? Ano 'to?"

"Magkakaroon na 'ko ng pamilya," sabi ko na lang. Maiintindihan niya na ang ibig sabihin niyon.

"H-Ha?" Napatingin siya kay Dette pababa sa tiyan nito. "B-Buntis siya?"

Tumango ako. "'Iyong bilin ko, ha?"

Tinapik ko ulit ang balikat niya bago hinatak ang braso ni Dette.

Umalis si Papa sa pinto at dere-deretsong pumasok ng kwarto, hindi man lang kami tinapunan ng tingin.

"Ma, Gia, Gian, alis na kami," paalam ko sa kanilang tatlo. Kumaway naman sa kanila si Dette bago kami tuluyang lumabas ng bahay.

"Bakit kailangan niyang umalis?!" dinig kong sigaw ni Gian mula sa loob. "Pwede naman silang tumira dito, 'di ba, Ma?!"

"Mahal ka ng mga kapatid mo," halos pabulong na sabi ni Dette habang naglalakad kami papuntang gate.

"Alam ko," sambit ko, pinigilan na maluha ulit.

"Kuya!"

Napatigil kami sa paglalakad at napalingon kay Gian na tumatakbo palapit sa amin. Niyakap niya kaagad ako at naramdaman ko ang panginginig ng buong katawan niya.

"K-Kuya, babalik ka, ha?"

Sandali akong natigilan. Ngayon niya lang ako tinawag na Kuya at pakiramdam ko ay may humaplos sa puso ko.

"Oo, babalik ako. Tatagan mo loob mo. Si Mama at Gia, huwag mong pababayaan." Pinilit kong patatagin ang boses ko.

"Oo, Kuya. Pangako 'yan."

"Sige na." Tinapik ko ang likod niya para kumalas na siya. "Alis na kami."

Nakita ko ang pamumula ng mga mata ni Gian kaya umiwas na lang ako ng tingin at tinalikuran na siya.

"Kuya, mahal ka namin! Tandaan mo 'yan, ah!"

Napalingon ako ulit kay Gian pero tumakbo na siya pabalik ng bahay habang panay ang punas sa pisngi niya.

Naramdaman ko ang bigat sa dibdib ko kaya mahina ko itong sinuntok. Ayoko nang umiyak. Kagagawan ko 'to, eh. Ayoko nang umiyak.

Pagbukas ko ng gate ay muli kong tiningnan ang bahay namin.

"Mami-miss ko dito," bulong ko.

"Mami-miss ko rin ang bahay namin," bulong din ni Dette kaya tinitigan ko siya.

"Kaya natin 'to." Ngumiti ako sa kaniya.

"Kakayanin natin 'to." Ngumiti rin siya sa'kin.

"Saan ang punta niyo?"

Napakunot ang noo ko nang makita si Mccoy na nandito pa rin pala. Nakasandig siya sa motor niya habang pinapaikot sa daliri ang susi ng motor niya.

"Bakit nandito ka pa rin?" takang tanong ni Dette sa kaniya.

Gusto yata nitong makatikim ulit ng sapak, eh.

"Nagpapapansin ka ba?" maangas na tanong ko sa kaniya pero ngumisi lang siya.

"Hindi," sagot niya. "Gusto ko lang makita kung anong mangyayari sa inyo."

"Nakita mo na, makakaalis ka na. Salamat sa lahat," mabilis na sabi ko bago hinatak si Dette pero nagsalita siya ulit.

"Mukhang naglayas kayo."

"Ano bang paki mo?" asik ko sa kaniya nang tumigil ako at nilingon siya.

"May apartment kami, baka gusto niyong doon tumuloy," sabi niya habang nilalaro pa rin ng daliri ang susi ng motor niya. "Nasa Barangay Nuebe 'yon, medyo may kalayuan kasi nasa boundary ng Barangay Dies."

"Echo..." Kinalabit ako ni Dette. "Pwede na tayo do'n. Hindi iisipin ni Mama na nandito pa rin ako sa Bicol. Hindi niya ako mahahanap.

Napairap ako at nakipagtagisan ng tingin kay Mccoy.

Alam ko naman kung bakit niya kami gustong tulungan, eh. Pero mag-iinarte pa ba ako ngayon?

"Huwag kang mag-alala, Echo. Wala akong balak sa syota mo." Ngumisi siya na tila nabasa ang nasa isip ko. "No hanky-panky." Tinaas niya pa ang mga kamay niya habang nakangisi.

"Mahal, sige na. Pumayag ka na. Mabait naman si Mccoy, eh," pamimilit ni Dette.

Mabait. Talaga ba?

Napabuntong-hininga na lang ako. "Sige na lang."

Napangiti siya at pinisil ang kamay ko. "Thank you."

Tiningnan ko si Mccoy bago ko hinawakan ang isang pisngi ni Dette at hinalikan siya sa noo.

"Ampota," bulong ni Mccoy pero narinig ko pa rin.



To be continued...

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top